Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Kapistahan ni Apostol San Andres

UNANG PAGBASA

Roma 10, 9-18

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong
puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng
kanyang puso at sa gayo’y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa
gayo’y naliligtas. Sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.” Walang
pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Griego. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya ang nagkakaloob ng
kanyang kayamanan sa lahat ng tumatawag sa kanya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang
lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”

Ngunit paanong tatawagan ng mga tao ang hindi nila sinasampalatayanan? Paano silang
mananampalataya kung wala pa silang napapakinggan tungkol sa kanya? Paano naman silang
makakapakinig kung walang nangangaral? At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya
isinusugo? Ayon sa nasusulat, “O kay inam na makitang dumarating ang mga nagdadala ng Mabuting
Balita!” Ngunit hindi lahat ay naniwala sa Mabuting Balita. Ganito ang sabi ni Isaias, “Panginoon, sino
ang naniwala sa sinabi namin?” Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig; at makakapakinig
lamang kung may mangangaral tungkol kay Kristo.

Ngunit ang tanong ko’y hindi ba sila nakapakinig? Nakapakinig nga sila. Sapagkat, “Abot sa lahat ng dako
ang tinig nila, at ang mga salita nila’y laganap sa sanlibutan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN

Salmo 18, 2-3. 4-5


Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!

Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!

Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,

patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.

Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,

at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;

gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,

ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.

Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

ALELUYA

Mateo 4, 19

Aleluya! Aleluya!

Sumunod kayo sa akin

at kayo’y aking gagawing

katambal ko sa tungkulin.

Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA

Mateo 4, 18-22

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang
mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng
lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga
tao.” Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.

Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni
Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ang kanilang ama, at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni
Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

You might also like