GEFILI2 Buod at Maikling Reaksyon

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

INA THERESE R.

ARAN GEFILI2 Nobyembre 22, 2018


Isang Pagbubuod ng SUPREMO REDUX at Maikling Reaksyon
Ang “Supremo Redux” ay isinulat ni Atty. Vince Tanada. Isinaad ng dulang ito ang
pagkabuo ng KKK (Kataas-taasan, Kagalang-galangan, Katipunan ng mga Anak ng Bayan), ang
pangunguna ni Andres Bonifacio sa rebolusyonaryong pamahalaan at ang pagtataksil kay Andres
Bonifacio ng kampo ni Emilio Aguinaldo, na siyang tunay na dahilan ng kanyang kamatayan, sa
pamamagitan ng mas modernong pagsasalarawan.
Sa makabagong pagsasadula, nagsimula ang kwento sa isang bata na nagngangalang Bon.
Si Bon at ang kanyang ina ay iniwan na ng kanyang amang sundalo, na namatay sa pakikibaka
para sa Pilipinas. Tulad ng maraming kabataan sa kasalukuyan, si Bon ay nahibang sa kaniyang
paglalaro at talagang hinahangaan niya ang mga superhero na kaniya lamang nakikita sa mga
larong ito. Isa nga sa kaniyang paborito ay si Super K. Samantala, hindi siya interesado sa mga
tunay na bayani ng ating bansa; isa na rito si Andres Bonifacio.
Habang siya ay naglalaro, bigla na lamang siyang nahatak patungo sa isang kakaiba at
mahiwagang mundo ng mga “superhero”. Doon ay nakilala niya sina Andres Bonifacio, Emilio
Jacinto, Emilio Aguinaldo at Macario Sakay. Ang bawat isa sa kanila ay inilarawan bilang isang
superhero na may natatanging kapangyarihan—ang kapangyarihan sa hangin kay Bonifacio,
tubig kay Jacinto, apoy kay Aguinaldo at lupa naman kay Sakay. Ipinakilala rin ang ibang mga
kababaihan—sina Melchora Aquino, Hilaria Aguinaldo at ang asawa ni Bonifacio na si Gregoria
"Oryang" de Jesus. Sila ang Katipunan, o ang rebolusyonaryong pamhalaan, na nagnanais na
lumupig sa mga mapang-aping mga Espanyol, sa pangunguna ni Andres Bonifacio.
Sa dula, nasaksihan ni Bon ang paghirang kay Bonifacio bilang pangulo ng KKK, ang
Sigaw ng Pugadlawin, ang mga pakikibakang ng KKK laban sa mga Kastila para sa kalayaan ng
Pilipinas, at ang Kapulungan sa Tejeros kung saan natunghayan ang pagtatraydor ng ilang mga
Pilipino sa kapwa Pilipino dahil sa kasakiman. Sa kabila ng magandang adhikain ni Bonifacio,
kasama ang iilan, na magkaisa upang maitaguyod ang kasarinlan ng ating bayan, nanaig pa rin
ang kasamaan sa pamamagitan ni Aguinaldo na siyang nagnais na palitan si Bonifacio bilang
pangulo ng rebolusyonaryong pamahalaan. Dahil dito, namatay si Aguinaldo sa kamay ng
kanyang mga kapwa Pilipino, taliwas sa akala ng karamihan na siya ay namatay sa gitna ng
pakikipagdigma.
Matapos ang dula, ibinahagi ni Atty. Tanada ang layunin nito. Ayon sa isang sarbey,
karamihan sa mga Pilipino ay naniniwalang namatay si Bonifacio sa pakikipaglaban; ang iba
naman ay inakalang siya ay namatay sa Luneta (tulad ng pagkakamatay ni Rizal); at iilan lamang
ang nakaaalam na siya ay pinatay ng kanyang mga kapwa Pilipino. Isinulat ni Atty. Tanada ang
dula sa layuning maipaalam at maipaliwanag sa mga Pilipino ang tunay na mga kaganapan sa
buhay ni Andres Bonifacio at ng KKK.
Napansin din ni Atty. Tanada na karamihan sa mga kabataan ngayon ay wala nang interes
sa kasaysayan ng kanilang sariling bansa. Mas pinipili pa nilang magbasa o manood tungkol sa
mga karakter na hindi naman totoo, at mas iniidolo pa nila ang mga ito kaysa sa mga bayaning
tunay na nakipaglaban para sa kanilang kalayaan. Dahil ditto ay naging target audience ni
Tanada ang mga kabataan. Upang mas makapukaw ng kanilang atensyon at mas marami ang
makaunawa sa mensahe ng pagsasadula, pinili ng manunulat na gumamit ng modernong
pananalita o salita ng millennials.
Sa kabuuan, bilang isang manonood, ako ay nalibang sa kwento at paraan ng
pagsasadula. Pinupuri ko rin ang kanilang adhikain na maipangalap ang katotohanan patungkol
sa buhay ni Andres Bonifacio at ng KKK. Subalit, hindi ko nagustuhan ang hustong paggamit ng
mga salitang balbal. Ang ilan dito ay hindi ko na maunawaan, kaya naman hindi naging malinaw
sa akin ang mensahe ng ibang mga eksena. May ilang mga biro ding binitawan ang mga actor
upang makuha ang atensyon ng mga manonood, ngunit ang ilan sa mga ito ay malaswa na at
hindi naaayon para sa mga batang manonood.
Sa aking palagay, masyado ring niluluwalhati ng dula si Andres Bonifacio. Maraming
mga bahagi ng dula kung saan makikita nating paulit-ulit na itinataas si Bonifacio, sa salita man
o literal na paraan. Isa nga sa mga ito ang pagbubuhat sa kanya habang nakakabit sa kanya ang
araw, na nagsasagisag sa watawat ng Pilipinas. Sa aking palagay ay masyadong malaki ang diin
na nabigay kay Bonifacio bilang tagapagtaguyod ng rebolusyon sa Pilipinas. Hindi natin
maitatanggi na tunay nga siyang bayani ng bayan at malaki ang kaniyang pagmamahal para sa
Pilipinas, subalit maaaring maiparating nito na kailangan pang maging kang katulad ni Andres
Bonifacio para lang masabing tunay mong mahal ang inang bayan.
Naniniwala tayo na ang kasarinlan ng bayan ay tunay na makakamit kung ang bawat
Pilipino ay pipiliing kilalanin ang sariling kasaysayan, kultura at kasarinlan. Sa aking palagay,
ito ang tunay na mensahe ng “Supremo Redux”.

Sanggunian:
Hawson, F. (2018, August 27). Theater review: Bonifacio as superhero in 'Supremo Redux'.
Retrieved November 22, 2018, from https://news.abs-cbn.com/life/08/27/18/theater-
review-bonifacio-as-superhero-in-supremo-redux?fbclid=IwAR1D2uODI-
5xplwLxPuk7flcgm19mckfMzIAqwzLnHQYNVrdMBsMa7wKJP4

You might also like