Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 6

See discussions, stats, and author profiles for this publication at: https://www.researchgate.

net/publication/355092226

FILIPINO NA FILIPINO: Intelektwalisasyon ng wikang Filipino Gamit ang


Pagsasalin mulang mga wika ng Pilipinas

Conference Paper · August 2021

CITATIONS READS

0 7,865

1 author:

Louise Vincent Briones Amante


University of Asia and the Pacific
6 PUBLICATIONS 0 CITATIONS

SEE PROFILE

All content following this page was uploaded by Louise Vincent Briones Amante on 06 October 2021.

The user has requested enhancement of the downloaded file.


FILIPINO NA FILIPINO: Intelektwalisasyon ng wikang Filipino Gamit ang Pagsasalin
mulang mga wika ng Pilipinas1
ni Louise Vincent B. Amante

Nais kong pamagatan ang aking pagbabahagi na “Fil na Fil: Intelektwalisasyon ng wikang
Filipino Gamit ang Pagsasalin mulang mga wikang Filipino” ngunit mawawala ang
pagkapormal ng okasyon kaya binuo ko na bilang “Filipino na Filipino.” Bagaman sasabihin
natin ito bilang “Filipinong-Filipino.”

Hindi natin hahalukayin ngayon ang tungkol sa balarila o gramatikang Filipino. Bagaman
mahalaga pa ring pag-aralan ng sinumang Filipino ang balarila/gramatika ng Filipino mula
elementarya hanggang sekundarya. At magamit nang mahusay ang mga batayang kaalaman nito
tungo sa mahusay at mabisang pakikipagtalastasan sa kolehiyo. Ito ang bisyon ng mga nagtuturo
ng Filipino sa kolehiyo: ang makarating sa matatayog na mga diskursong akademiko ang wikang
Filipino gaya nang naabot ng Griyego, Latin, Español, Hapon, at Ingles bilang mga halimbawa.
At upang makarating dito ang wikang Filipino, isa lang ang dapat gawin: pagsasalin.

(Kamakailan lamang, pumanaw si Fr. Roque Ferriols, S.J. sa edad na 96 noong Agosto 15; isang
araw bago ang dapat na ika-97 niyang kaarawan. Si Fr. Ferriols ang isa sa mga paring Heswita
na nagbuhos ng panahon sa pagsasalin sa Filipino ng mga karunungang mula sa larangan ng
Pilosopiya. Marunong si Fr. Ferriols ng mga wikang Pranses at Aleman -- mga wikang kanyang
pinag-aralan na intelektwalisado na sa larangan ng pilosopiya -- bukod sa Ingles, Tagalog, at
Ilocano na kanyang kinalakhan)

Ang pagsasalin, ayon kay Theodore Savory sa kanyang The Art of Translation, ay naisasagawa
sa pamamagitan ng pagtutumbas sa kaisipang nasa likod ng mga pahayag na berbal. Aniya,
“Translation is made possible by an equivalence of thought that lies behind its verbal
expressions” (13). Malinaw dito na may nagaganap na tumbasang wika: ang simulaang wika
(SW) na ginamit sa teksto ng orihinal at ang tunguhang wika (TW) na ginamit ng tagasalin
(Almario et al. 21). At ang laging tanong dito: ano ang isinasalin mula sa una tungo sa ikalawa?
Malinaw sa pagpapakahulugan ni Savory na ang kaisipan o mensahe ng teksto ng SW ang
isinasalin sa TW.

Ngunit hindi na lang napapakò sa usaping pagsasaling-wika o language translation ang larangan
ng pagsasalin. Naiimpok ng pagsasalin ang mga impormasyon mula sa iba’t ibang wika at
lipunan. Halos lahat ng Pilipino ngayon ay natuto ng science at mathematics gamit ang mga
textbook na nasa wikang Ingles. Pero kailangan pa rin ang guro na ipaliwanag ito sa wikang
natututuhan ng mag-aaral. Language of intruction/wika ng pagtuturo tungong language of
learning/wika ng pagkatuto. Samakatwid, pagsasalin!

Maitatanong: Ano ang salin ng mga salitang ito sa Filipino – algebra, quadrant, trigonometry,
calculus, proton, electron, vector, acceleration? Simple ang sagot: Wala. Pero dapat bang tatakan
ang wikang Filipino dahil dito na dahop, kulang o hindi global gaya ng wikang Ingles?

1
Papel na inihanda para sa Handumanan, event ng UA&P Lokal sa pakikipagtulungan ng Departamento ng
Filipino, 23 Agosto 2021.
Louise Vincent Amante FILIPINO NA FILIPINO

Maitatanong din: Paano nabuo ang mga salitang ito na ginagamit natin sa mga subject na science
at mathematics? Na kung tutuusin, ang tunay na internasyonal na wika ay pagsasalin!

Minsan nang sinabi nina Bonifacio Sibayan at Bro. Andrew Gonzales, FSC na ang pagsasalin ay
giya o tulong tungong intelektwalisasyon ng wikang Filipino (Sibayan 4; Gonzalez 8). Sinabi
nila ito sa konteksto ng pagsasalin ng mga kaalamang nasa Ingles tungong Filipino. Dahil, ayon
na rin kay Sibayan (4), matagal nang wikang intelektwalisado ang Ingles. Intelektwalisado ang
isang wika kung nagagamit ito sa mga larangang gaya ng negosyo, batas, agham at teknolohiya,
at mga katulad nito (2-3). Dagdag naman ni Gonzalez (8-10), bukod sa pagsasalin, maisasagawa
ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pananaliksik.

Upang maging malinaw ang punto nina Sibayan at Gonzalez sa intelektwalisasyon ng Filipino,
may sinusunod na mga estratehiya ng pagsasalin tungong wikang Filipino:

1. Hanapin ang katumbas sa wikang Filipino


a. Hanapin sa korpus ng wikang Filipino
b. Hanapin sa mga wika ng Pilipinas
2. Hiramin sa Español at isa-Filipino ang baybay
3. Hiramin sa Ingles
a. Isa-Filipino ang baybay
b. Hiramin nang buo sa Ingles
4. Lumikha ng salita at baybayin sa Filipino (Zafra et al. Gabay xvii)

Saganang-sagana ang wikang Filipino sa mga salitang mulang Español at Ingles. Ang education
ay ginawa nating edukasyon mulang educacíon, kotse na galing sa coche, kuwaderno mulang
cuaderno, pahina na galing sa pagina, at mga katulad dito. Samakatwid ginagamit natin ang
estratehiya blg. 2. Kompyuter na ang baybay natin sa computer, dram para sa drum ng tubig,
dyip at dyipni para sa jeep at jeepney. Sinusunod dito ang estratehiya blg 3.a. Para sa mga
salitang algebra, quadrant, trigonometry, calculus, proton, electron, vector, acceleration ay hindi
natin binabago ang baybay sa Ingles kaya ginagamit natin ang estratehiya blg. 3.b. Sa mga
salitang nilikha, laganap ang banyuhay (bagong anyo ng buhay) para sa metamorphosis,
sanaysay (salaysay ng sanay) para sa essay, at tapsilog (tapa, sinangag, at itlog). May
ipinalalaganap na sulatroniko para sa email pero nanamlay ang pooksapot para sa website.

Paano na ang estratehiya blg. 1? Dito na papasok ang pananaliksik at pagsasalin. Ayon kay Zafra
(“Ang Ambag” 387), napapasigla nito ang paggamit ng Filipino lalo na sa akademya. Ilan sa
maraming Tagalog ang nakakaalam na ang salitang-ugat ng katarungan ay mulang tarong ng
Cebuano? Dagdag pa ni Zafra, “maaari pa nating itulak ang mga hangganan ng pagsasakatutubo
lalo na sa mga larang kung saan higit na makabuluhan ang pagsasakatutubo” (388).

Ilang mga halimbawang salitang hinanapan ng katumbas sa tulong ng pananaliksik ay ang mga
nasa Ingles na rice terraces, wild plants/animals, corals, imagery, hegemony, storm surge, at
Orion. Isa-isahin natin ang mga ito.

1. Payáw, Payyó (Ifugao); Páyew (Bontoc) – rice terraces (Almario et al. 120)

Pahina 2 ng 5
Louise Vincent Amante FILIPINO NA FILIPINO

Kilala ito bilang “hagdan-hagdang palayan” dahil isinalin lamang galing sa Ingles na
rice terraces. Kaya ito ang naging palasak na salita sa mga textbook ng Araling
Panlipunan sa elementarya at sekundarya. Imposible namang walang sariling tawag
dito ang mga Ifugao at Bontoc na kapatid natin sa rehiyong Cordillera? Mabuting
ipalaganap ang pagtawag ng payáw, payyó, at páyew upang mapalitan na ang
“hagdan-hagdang palayan.”

2. Ilahás (Bisaya, Hiligaynon) – wild plants/animals (Almario et al. 120; Zafra, “Ang
Ambag” 387)

Sa Filipino, “ligaw na halaman” ang panumbas sa wild plants. “Mailap na hayop”


naman sa wild animals. Isang biyolohista na taga-Cebu ang gumamit ng ilahás para
sa isinulat niyang textbook sa biyolohiya patungkol sa wild plants/animals.

3. Gásang (Bisaya, Tagalog, Bikol) – corals (Nolasco 2)

Ginagamit din ang bahura mulang bajura ng Español upang tukuyin ang corals na
sagana sa mga dagat ng Pilipinas. Ngunit para sa mga Bisaya, gásang ang tawag nila
sa mga invertebrate na ito na nagsisilbing tirahan ng maraming hayop sa dagat.
Upang tukuyin ang coral reefs, maaaring gamitin ang kagasángan bilang
pangngalang palansak o collective noun.

4. Hulágway (Bisaya) – imagery (Maceda 93-94)

Mula sa dalawang salitang Bisaya ang hulágway: hulad (tulad) at dagmay (mukha).
Sa tula o poem, kinakailangan ang imagery bilang representasyon ng isang konsepto.
Halimbawa, itim na belo bilang pagluluksa; seldang maginaw bilang pag-iisa. Bukod
sa imahen mulang Español, gamitin din natin ang hulágway upang tukuyin ang
imagery.

5. Gahúm (Bisaya, Hiligaynon) – hegemony (Almario et al. 121; Zafra, “Ang Ambag”
387)

Kasingkahulugan ng kapangyarihan sa Filipino ang gahúm ng Bisaya. Ngunit sa


paggamit nito sa larangang agham pampolitika o political science, tumutukoy ito
kapangyarihang nangingibabaw at kumokontrol sa malawak na grupo ng tao. Sa
global politics, masasabing ginagahúm ng United States ang kalakaran ng maraming
mga bansa gaya ng Israel, Saudi Arabia, Mexico, at iba pa. Sa larangang pangkultura,
masasabing ginagahúm ng South Korea ang Pilipinas dahil sa isa tayo sa
tumatangkilik sa kanilang mga produktong kultural gaya ng K-drama at K-pop.

6. Dúlok (Waray, Bisaya) – storm surge (Gappi 41)

Dulot ng dúlok o storm surge na dala ng bagyong Yolanda ang trahedya noong
Nobyembre 2013 sa buong Visayas, partikular sa Lungsod Tacloban. Libo-libo ang
nasawi at di na natagpuang mga labí. Ang salitang Ingles ang inulat sa media na

Pahina 3 ng 5
Louise Vincent Amante FILIPINO NA FILIPINO

mangyayari samantalang bumabagyo. Marami namang nag-evacuate dahil alam


nilang may bagyo at baha pero hindi inaasahang ganoon pala katindi ang storm surge.
Kung dulok ang ginamit na salita, baka higit na maraming nakaligtas noon.

7. Balátik (Tagalog) – Orion (Ambrosio 6-8, 18, 22)

Ito ang konstelasyong Orion. Sa Tawi-tawi, ito ay bátik. Sa mga Manobo ng Gitnang
Mindanao, ito ay belátik. Tumutukoy ang balátik sa isang bitag o patibong na
ginagamit ng mga mangangaso upang makahuli ng mga ilahas. Ayon kay Ambrosio
(6), para itong pana na binubuo ng dalawang kahoy na ibinabaon sa lupa sa anyong
ekis bilang busog, may baging na bagting na kinakasahan ng palaso, at may salabid o
harang na baging na nagpapaigkas sa palaso tungo sa anumang makasagi rito.

Marahil sapat na ang pitong halimbawa para sa okasyong ito upang ipakitang makabuluhan ang
pananaliksik at pagsasalin tungong intelektwalisasyon ng wikang Filipino – gamit pangunahin
ang mga wika ng Pilipinas. Hindi natin sinasabing ihinto ang panghihiram mulang Español at
Ingles. Bahagi na ng bokabularyong Filipino ang mga salitang ginagamit na natin mula sa
dalawang wikang banyagang ito. Ngunit sa kaso ng Pilipinas na isang multilinggwal na bansa,
tumatatag ang mga wikang katutubo sa pagsasalin. Mahalaga ang pagsasalin sa proseso ng
pagsasabansa (Zafra, "Introduksyon" 3). Dahil dito, nahaharaya o nai-imagine natin ang ating
kaakuhan o identidad bilang bansa.

Bilang konklusyon, ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino ay di lamang tungkulin ng mga


nasa akademya, ng mga mananaliksik, o ng mga tagasalin. Kahit sila ang magsisimula, bawat
mamamayang Pilipino ay inaasahang gamitin ang kanilang unang wika – Iluko, Ibanag, Bikol,
Tagalog, Kapampangan, Bisaya, Waray, Tausug, Maranao – upang manatiling buháy ang mga
ito. Kung baga, gamitin muna kung ano ang mayroon. Sabi nga ni Fr. Ferriols, “ang importante
ay dumanas, magmasid, kumilatis: isang mapagdamang pag-aapuhap sa talagang meron” (sa De
Leon 41).

Tayo nang dumanas, magmasid, at kumilatis – gamit ang mga wikang Filipino.

Pahina 4 ng 5
Louise Vincent Amante FILIPINO NA FILIPINO

SANGGUNIAN:

Almario, Virgilio S., et al. Patnubay sa Pagsasalin. 2nd ed., Anvil Publishing, Inc., 2003.

Ambrosio, Dante L. “Balatik: Katutubong Bituin ng mga Pilipino.” Philippine Social Sciences
Review, vol. 57, no. 1, 2005, pp. 1–28.

De Leon, Emmanuel. “Ang Pilosopiya at Pamimilosopiya ni Roque J. Ferriols, S.J.: Tungo sa


Isang Kritikal na Pamimilosopiyang Filipino.” Kritike: An Online Journal of Philosophy,
vol. 9, no. 2, 2015, pp. 28–50, doi:10.25138/9.2.a.3.

Gappi, Richard R. Intoy Tacloban: O Kung Paano Tumula ang Isang Tatay. Angono Rizal News
Online, 2014.

Gonzalez, Andrew B. "Ang Pagpapayabong at Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino : Mula sa


Paninging Teoretikal, Historikal at Sosyolohikal." 1990, pp. 1–10.

Maceda, Teresita Gimenez. “Panag-Ambit: Bahaginan ng Mga Pulong/Salita.” Ambagan 2009:


Mga Salita mula sa Iba’t Ibang Wika sa Filipinas, edited by Galileo S. Zafra, University of
the Philippines Press, 2010, pp. 81–101.

Nolasco, Ricardo Ma. D. "Ang Filipino at Tagalog, Hindi Ganoong Kasimple." Binigkas bilang
Pampinid na Palatuntunan ng Buwan ng Wikang Pambansa 2007 Bayview Park Hotel,
Agosto 31, 2007, pp. 1–6.

Savory, Theodore H. The Art of Translation. Jonathan Cape, Ltd., 1968.

Sibayan, Bonifacio P. "Ilang Suliranin Tungkol sa Intelektwalisasyon ng Filipino." 1990, pp. 1–


5.

Zafra, Galileo S., editor. Ambagan 2009: Mga Salita mula sa Iba’t Ibang Wika sa Filipinas.
University of the Philippines Press, 2010.

---. “Ang Ambag ng Pagsasalin sa Pagpapaunlad ng Wikang Pambansa.” Salin-Suri: Panimulang


Pagmamapa ng mga Larangan ng Pag-aaral ng Pagsasalin sa Filipinas, edited by Galileo
S. Zafra, UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, 2009, pp. 383–90.

---. Gabay sa Ispeling. 2nd ed., UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, 2008.

---. “Introduksyon.” Salin-Suri: Panimulang Pagmamapa ng Mga Larangan ng Pag-aaral ng


Pagsasalin sa Filipinas, edited by Galileo S. Zafra, UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman,
2009, pp. 1–16.

---, editor. Salin-Suri: Panimulang Pagmamapa ng mga Larangan ng Pag-aaral ng Pagsasalin


sa Filipinas. UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, 2009.

Pahina 5 ng 5

View publication stats

You might also like