Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

LANDO

Ang Batang Baseco

ni Jonaira M. Angni
Magkasabay ang malakas na kalabog ng pinto at boses ni Aling Lita ang siyang gumising
kay Lando mula sa kaniyang mahimbing na pagkakatulog, kaya agad-agad itong bumangon at
pinagbuksan ang matandang nasa singkwenta anyos, may-ari ng bahay na kanilang inuupahan.

"Asan na ang bayad mo, Lando? Jusko hindi libre itong bahay ko, magbayad ka naman
ng upa! " Umuusok ang tainga nito sa galit habang binubulyawan si Lando. "Pang-apat na buwan
muna ito, at hindi na kita pagbibigyan pa!"dagdag pa niya.

Ngunit tulad ng dati, nakiusap si Lando na kung maaari ay bigyan pa siya ng ilang araw
na palugit para mabayaran ito. "Ano kasi Aling Lita, nagastos ko ho kasi 'yong pambayad ko
dapat ng upa. Pinambili ko ho ng gamot ni Mama."

"Oh siya sige, isang linggo lang, Lando. Isang linggo lang, sinasabi ko sa'yo, naku." sagot
ni Aling Lita. "Kahit kalahati na lang muna ng utang mo sa'kin ang bayaran mo. At sa oras na
wala kang maibigay sa akin ni bente-singkong duling, magpasensyahan na lang tayo. Sa kalsada
na pupulutin ang buong pamilya niyo kasama ang inyong mga gamit."

Matapos ang mahabang pakiusapan, nagtungo si Lando sa kusina upang mag-almusal


ngunit kaning bahaw lamang ang kaniyang nadatnan sa mesa. Maging ang gripo nila'y wala na
ring tubig na lumalabas.

Sa pagkadismaya, nagpunta siya sa kaniyang kaibigan upang doon na mag-almusal at


para humiram na rin ng pera.

"Pare, pasensya ka na, wala akong mapapahiram sa’yo. Pahirapan kasi ngayon, matindi at
matinik ang mga lispu. Biruin mo, sunod-sunod ang raid dito sa amin saka doon kabilang
baranggay. Kaya ito, nagpapalamig muna ako." paliwanag ni Anton kay Lando.

"Kung gusto mo, magbenta ka na lang din, tingian lang muna ng shabu, kahit papaano
may kita ka pa rin." dagdag pa ni Anton.

“Ano ka ba naman, Anton. Huwag mo na akong idamay sa gimik mo.” Natatawang sagot
ni Lando. “Sige pare, uwi na’ko. Maraming salamat sa pagkain, dabest ka talaga. Saka ‘wag mo
na akong intindihin, gawan ko na lang ng paraan paano makakahanap ng pera.”

Habang binagbagtas niya ang daan pauwi sa kanilang bahay ay nakasalubong siya ng
isang bakla at niyaya siya nito na bayaran ang kaniyang gabi. Noong una’y nagdadalawang-isip
ito ngunit dahil sa kagipitan ay napapayag nalang si Lando.

“Sige tara. Payag na ‘ko.”

Nilihim niya ito sa kasintahan niyang si Myrna sapagkat natatakot siya na maging dahilan
ito na baka sila’y maghiwalay.
Pagkaraan ng nakapapagod na gabi, ipinambili ng ni Lando ng pagkain at gamot ng
kanyang ina. Lingid sa kaalaman ni Lando, si Joy na kaibigan ni Myrna ay nakita ang kanyang
ginawa ng gabing iyon.

Agad naman iyon ibinalita ni Joy kay Myrna, na siyang dahilan upang ang
magkasintahan ay mag-away.

Nang magkita at magkausap ang magkasintaha’y hindi nila naiwasan ang pag-init ng
kanilang ulo, at tumaas ng tension sa kanila. Nagbangayan ang dalawa. Ilang oras ang nakalipas,
natapos na rin ang mahabang paliwanagan ng magkasintahan.

Ayon kay Lando, wala na siyang ibang maisip na paraan para kumita ng pera sa mga oras
na iyon. Lutang at wala siya sa katinuan ng mga oras na iyon.

Malayong-malayo ang estado ng buhay ni Myrna kay Lando. Di hamak na maganda ang
pamumuhay ni Myrna kumpara kay Lando. Malaki ang pangarap ng mga magulang ni Myrna
para sa kanya, kung kaya’t nais nila itong makapgtapos ng pag-aaral at makamit ang panagarap
nito.

Di tulad ni Lando na hindi nakapagtapos ng pag-aaral at hanggang elementarya lamang


ang kanyang naabot dahilan kaya ganoon na lamang kung tumutol ang mga magulang ng dalaga
sa pagsasamahan nilang dalawa.

Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, lumagpas sila sa kanilang limitasyon bilang


magkasintahan. Tila nakaramdam ng pagkahilo, pagsusuka at laging pagsama ng kaniyang
pakiramdam. Dito’y napagtanto ni Myrna na siya ay nagdadalang-tao. Pinilit mang ilihim ito ni
Myrna’y napansin pa rin ng kaniyang magulang ang paglaki ng kaniyang tiyan.

Una niya itong sinabi sa sa kanyang kasintahang si Lando sa takot na baka hindi niya
panagutan ang bata ngunit taliwas dito ang naging reaksyon ni Lando nang malaman niyang
magiging ama na siya.

Napayakap si Lando kay Myrna, “magiging maayos din ang lahat” sabi ni Lando. Bakas
sa mukha ni Lando ang takot at pangamba na hindi niya mabigyan ng sapat na suporta si Myrna
at ang kanilang magiging anak dahil wala itong sapat at regular na trabaho.

Bukod sa magiging ama na si Lando, mayroon din siyang responsibilidad sa kaniyang


mga kapatid at kaniyang ina na may malubhang sakit.
“Ang taas ng pangarap namin sayo Myrna pero anong ginawa mo?!” Sigaw ng ama ni
Myrna na halos mahimatay sa galit nang malamang ang anak ay nabuntis ni Lando. Ang ina
naman niya’y tulala sa tabi at tila humihiling na sana ang lahat ay panaginip lamang.

Napahagulgol si Myrna kasabay ng paghingi ng tawad sa kaniyang mga magulang para


sa kaniyang nagawa. “Handa po akong panindigan at panagutan ang inyong anak at ang
magiging anak namin.” Matapang na sambit ni Lando sa harap ng mga magulang ni Myrna.

At dahil nag-iisang anak si Myrna, siya’y agad na pinatawad ng kaniyang magulang dahil
wala na rin naman silang magagawa kundi tanggapin na lamang ito.

“Sige, kung iyan ang gusto mo, lagi mong tatandaan na andito lang kami…..Handang
tumulong sa pagtustos sa pangangailangan mo at ng magiging anak mo, anak.” Sabi ng ina ni
Myrna.

“At ikaw Lando! Ingatan mo ‘tong anak ko pati ang batang dinadala niya. Magtino ka na
rin. Maghanap ng matino at marangal na trabaho, dahil anumang oras ay kukunin ko ang mag-
ina mo kapag pumalya ka bilang asawa’t ama sa kanila.” Pagbabanta ng ama ni Myrna kay
Lando.

Makalipas ang ilang buwang pagsasamahan nina Lando at Myrna ay tila hindi
gumaganda ang ihip ng hangin sa bawat araw na sila’y magkasama. Sa sobrang daming
problemang pumapasok ay hindi na alam ni Lando kung ano ba ang dapat na gawin upang
mabuhay nang maayos at mabigyan ng sapat na suporta ang kaniyang mag-ina.

Dumating sa puntong hindi na makapag-isip nang tama si Lando at gulong-gulo na sa


sitwasyong kanilang kinakaharap. “Ang hirap pala ng buhay may-asawa. Kahit anong kayod ko
sa pagiging kargador, kulang pa rin ang kinikita ko sa araw-araw.” Naiiyak na sabi ni Lando sa
kaniyang ina.

“Mahirap ang maging mahirap, anak. Isang kahig, isang tuka.”

Dumating ang araw na sinabihan si Myrna ng kaniyang mga magulang na hiwalayan na si


Lando sa kadahilanang hindi niya mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mag-ina.
Gayundin, nais nila na ipagpatuloy na lamang ang kaniyang pag-aaral pagkatapos manganak.

Napilit si Myrna ng mga magulang niya kung kaya’t labag man sa loob niya’y para rin
naman sa magandang kinabukasan ng kanilang magiging anak ang gagawin niyang desisyon.

Hindi ito sinang-ayunan ni Lando ngunit hindi na nagpapigil si Myrna sa pag-alis.


Lumipas ang ilang araw na hindi man lang nasilayan ni Lando si Myrna. Tila ilang araw na ring
umuuwing lasing si Lando. Kinausap si Lando ng kaniyang ina upang pagaanin ang lungkot na
kaniyang nararamdaman at ipaintindi na walang mali sa naging desisyon ng kaniyang
kasintahan.
“Alam natin na iyon lang ang paraan para magkaroon ng magandang kinabukasan ang mag-ina
mo. Kaya pagtuunan mo na lang muna ang sarili mo.” Paliwanag ng ina ni Lando.

Ilang sandali ng kanilang pag-uusap ng ina ay nagulat ito sa nangyari sa kaniyang ina,
naninikip ang daw ang kaniyang dibdib at nahihirapang huminga.

Agad itong isinugod sa ospital ni Lando. Hindi alam niya alam ang gagawin ng mga oras
na iyon. Nag-aalala siya sa magiging resulta ng kaniyang ina.

Makalipas ang ilang oras ay lumabas na ang doktor mula sa Emergency Room at sinabing
kinakailangang ma-operahan ang kaniyang ina sa lalong madaling panahon.

Malaking halaga ang kakailanganin sa operasyon ng kaniyang ina. Hindi alam ni Lando
kung saan siya kukuha ng ganon kalaking halaga ng pera, at wala rin siyang alam na pwedeng
hiraman ng pera maliban sa kaniyang kaibigang si Anton. Agaran itong pumunta sa kaniyang
bahay upang sabihin ang nangyari ngunit walang maipahiram si Anton. Bagkus inalukan na
lamang niya ito ng mga bawal na gamot upang itulak at ipagbili sa iba.

Tumanggi sa pangalawang pagkakataon si Lando pero ipinaliwanag ni Anton na sa


ganoong paraan lamang siya magkakaroon ng agarang pera.

Inihayag din niyang wala namang masama dahil hindi naman siya ang gagamit,
mayayaman at nagsasayang lang ng pera ang mga taong kumukuha ng illegal na droga.
Napahawi ng ulo si Lando at tinanggap niya ang alok ng kaibigan kahit pa labag sa loob niya.

Tuluyan na ngang nagtulak ng droga si Lando dahil sa udyok ng kaibigan at dahil na rin
sa kagipitan. Ilang araw itong nagbenta sa iba’t-ibang tao ng illegal na gamot upang makalikom
ng sapat na pera upang maoperahan ang kaniyang inang ilang araw na ring nasa ospital.

Sa kaniyang huling transaksiyon, lingid sa kaalaman siya pala ay napabilang sa


“Narcolist”. Tinawagan siya ng isang di kilalang buyer upang umorder ng gramo-gramong
illegal na gamot. Agad naman itong kumuha ng illegal na droga kay Anton upang ibenta, dahil
ang kaibigan niyang ito ang nasisilbing supplier ng mga gamot sa mga kabataang nagtutulak.

Nagpunta si Lando sa nasabing tagpuan nila ng buyer. Masaya si Lando dahil


maipapagamot na niya ang kaniyang ina.

Sa kalagitnaan ng kanilang transaksiyon, may dumating pang ibang mga kalalakihan.


Nagulat siya nang maglabas ng baril ang mga ito maging ang buyer na umorder sa kaniya. Bago
pa man magtangkang tumakas si Lando ay tangay-tangay na siya ng dalawang lalaki at pilit na
pinapaluhod.
Agad siyang pinusasan ng mga ito at sinabing “wag ka na magpumiglas dahil
mapapahamak ka lang, bata.” Hindi maipinta ang mukha ni Lando, biglang sumagi sa kaniyang
isip ang kaniyang ina at mga kapatid.

Pumatak ang mga luha nito habang siya’y isinasakay sa mobil ng pulisya. “Diyos ko,
‘wag mong pababayaan si Inay. Sana ay nasa Mabuti siyang kalagayan.” Naiiyak na turan ni
Lando.

Nang makarating sa prisinto’y nagmamakaawa itong bigyan ng pagkakataon upang


tumawag sa kaniyang kaibigan upang siya’y matulungan, subalit nagmistula siyang hangin na
para bang walang nakarinig at walang nakakikita sa kaniya.

Humarap siya sa pulis na nasa kaniyang likuran at sinabing kaya lang naman niya nagawa
iyon dahil sa kaniyang ina at mga kapatid. Dahil gipit na sila sapagkat ang kaniyang ina’y nasa
ospital. Ngumisi na lamang ang pulis at sabay sabing “lumang tugtugin na ‘yan, bata.
Manahimik ka na lang diyan para di ka masaktan. Magpakabait ka, ha? Sumunod ka na lang sa
mga sasabihin naming, bata”

Gulong-gulo ang isip ni Lando at takot na takot siya sa kung anong susunod pang
mangyayari.

Nang matanaw niya ang seldang papasukan ay umiyak ito at nagsisisigaw. Agad nitong
hinablot ang baril ng pulis na nasa harapan niya. Bago pa man makasa ang baril ay naunahan na
siya ng isang pulis sa kaniyang likuran, dalawang tama ng baril sa kaniyang dibdib ang naitanim.

Napaluhod ito at tila pinipigilan ang pag-agos ng kaniyang dugo.

Tinignan ni Lando sa mata ang pulis na nasa harapan niya sabay sabing “sabi ko naman
sa’yo kanina magpakabait ka ‘di ba? Oh ano ngayon napala mo? Sa ating dalawa, sino sa tingin
mo ang may sala?”, pagkabigkas ng nakakapangilabot na salita ay agad siyang tumumba kasabay
ng pagpatak ng kaniyang mga luha. Nakatitig sa kalangitan at ang huling salitang nanggaling na
lamang sa mapuputlang labi nito’y

“patawad aking ina…..patawad kung hindi kita matutulungan….. at sa anak kong ‘di ko
na masisilayan pa. Patawad, Myrna.”
BUOD

Si Lando ay nakatira sa magulong lugar sa Baseco. Tanging elementarya lang ang kaniyang
natapos. Maaga siyang naging isang ama nang mabuntis niya ang kaniyang kasintahan si Myrna.
Tumutol ang magulang ni Myrna at pilit silang pinaghihiwalay dahil na rin sa hindi nila gusto si
Lando para sa kanilang anak.

Napilitan itong magtulak ng droga dahil sa kaniyang inang nasa ospital na kailangang ma-
operahan. Ngunit siya ay nahuli sa pakikipag transaksiyon mula sa pulis na nagpanggap bilang
buyer ng shabu.

Sa kasamaang palad, matapos hablutin ang baril ng isang pulis na nasa kaniyang harapa’y bigo
siyang makatakas. Nabigo siyang iwasan ang dalawang balang naitanim sa kaniyang dibdib.

You might also like