Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

Ang Alamat ng Ilang-Ilang

Sa lahat ng mga magagandang dalaga sa Tayabas, si Ilang ang pinakamaganda. Palaging pumupunta
ang kaniyang mga manliligaw sa bayan, subalit pinapaalis niya ito maliban kay Edo. Isang anak ng
mahihirap na magsasaka si Edo at katu-katulong ng kaniyang ama sa kanilang kaingin. Mayaman ang
karamihan sa iba pang manliligaw na nangako kay Ilang na bibigyan ng maginhawang buhay sa
malaking bato at kahoy na bahay sa bayan. Sa isang kubo sa gilid ng burol nakatira si Edo; walang
yaman na mahahandog, ngunit siya ay masipag at dalisay.

Tutol ang mga magulang ni Ilang sa pasya ng kanilang anak at pinagbawalan siyang bisitahin ni Edo
sa tahanan. Upang magkita ang magkasintahan, nag-isip sila ng iba pang mga paraan. Nagkikita sila
sa gilid ng kagubutan tuwing umiigib si Ilang ng tubig sa batis. Sa itinakdang oras naman ay aalis si
Edo sa kaniyang kaingin upang makipagkita sa kaniyang minamahal.

Nang patuloy na hindi nagparamdam si Ilang sa mga mayayamang manliligaw, nagalit ang mga
magulang ni Ilang. Marahil umiibig pa rin siya sa dukhang kaingero na iyon at palihim na
nakikipagkita sa kaniya. Sinundan nila siya nang palihim nang lumabas siya dala ang kaniyang banga
ng tubig. Siyang tunay na nandoon si Edo na naghihintay sa kaniya sa tabi ng batis.

Mula noon ay hindi na nila pinayagang lumabas ng bahay si Ilang. Dahil sa paglayo sa kaniyang
kasintahan, nawalan ng ganang kumain ang dalaga hanggang sa nawala ang kaniyang dating
magandang katawan. Mas nanaisin niyang mamatay kung hindi siya magiging asawa ni Edo. Habang
nag-aagaw-buhay, isa lamang ang hiniling niya na mailibing siya sa gilid ng kagubatan malapit sa
batis. Iyon ang tagpuan nila ni Edo.

Araw-araw ay binibisita ni Edo ang kaniyang puntod at naglalagay ng mga sariwang bulaklak. Isang
araw napansin niya ang isang suwi na tumutubo mula sa tambak ng lupa. Buong pagmamahal niya
itong inalagaan, dinidiligan at binubungkalan ng damo. Tumubo ang suwi na naging punong
matayog, at maganda tulad ng kaniyang Ilang. Mayroon itong madahong sanga at pinupuntahan ng
mga bata upang maglaro sa ilalim ng lilim nito. Nalaman nila mula sa kanilang mga magulang kung
bakit araw-araw pumupunta ang isang lalaki upang mag-alaga sa kanilang paboritong palaruan. Ito
ang libingan ng isang magandang dalaga na nagngangalang Ilang.

Isang umaga, habang nagtatakbuhan ang mga bata sa ilalim ng lilim nito, naamoy nila ang isang
pabango na hindi pa nila naaamoy. Pagtingin nila sa itaas, nakita nila ang kakaibang mga bulalak na
parang dahon sa gitna ng mga sanga. Tumalon, lumundag sila sa palagid ng puno habang kumakanta,
“Ilang, ilang, ilang…”

Mula noon ang puno na may mabangong bulaklak at kulay berde ang talutot na kasing haba ng mga
dahon ay nakilala bilang ilang-ilang.

You might also like