Guro, Kolehiyo ng Sining at Agham Pamantasan ng Manuel S. Enverga PANIMULANG PAG-AARAL NG PANITIKAN Ano ang Panitikan? Maraming pakahulugan ang iba’t ibang manunulat tungkol sa panitikan. ❖ “Ang tunay na kahulugan ng panitikan ay pagpapahayag ng damdamin, panaginip, at karanasan ng sangkatauhang nasusulat sa maganda, makahulugan, at masining na mga pahayag.” ❖ “Ang tunay na panitikan ay walang kamatayan, nagpapahayag ng damdamin ng tao bilang ganti niya sa reaksyon sa kaniyang pang-araw-araw na pagsusumikap upang mabuhay at lumigaya sa kaniyang kapaligiran at gayun din sa kanyang pagsusumikap na makita ang Maykapal.” (Mula sa aklat nina Atienza, Ramos, Zalazar at Nazal na, “Panitikang Filipino”) ❖ “Ang panitikan ay ang pagpapahayag ng damdamin ng tao, sa lipunan, sa pamahalaan, sa kapaligiran, at sa Dakilang Lumikha.” (Bro. Azarias) ❖ “Ang panitikan ay kasaysayan ng kaluluwa ng mga mamamayan. Sa panitikan nasasalamin ang mga layunin, damdamin, panaginip, pag-asa, hinaing, at guniguni ng mga mamamayan na nasusulat o binabanggit sa maganda, makulay, makahulugan, matalinghaga, at masining na mga pahayag.” (Maria Ramos) Ang panitikan ay nagbubunsod sa pagkilos ng mga mamamayan sa kanilang pagkamakabayan o nasyonalismo. Ang panitikan ay hindi lamang lumilinang ng nasyonalismo kundi ito’y nag-iingat din ng mga karanasan, tradisyon, at mga mithiin ng bawat bansa. Ang panitikan ay isang ilaw na walang kamatayang tumatanglaw sa kabihasnan ng tao.
ANG PANITIKAN AT KASAYSAYAN
Matalik na magkaugnay ang Panitikan at Kasaysayan. Sa pagtalakay ng kasaysayan ng isang lahi, tiyak na kasama rito ang damdamin, saloobin, kaugalian o tradisyon ng lahing ito. At ang lahat ng ito kapag naisatitik ay tinatawag na panitikan. Ang panitikan at kasaysayan ay mayroon ding pagkakaiba. Ang panitikan ay maaaring likhang-isip o bungang-isip lamang o mga pangyayaring hubad sa katotohanan na naisatala, samantalang ang kasaysayan ay pawang mga pangyayaring tunay na naganap – may pinangyarihan, may sanhi ng pangyayari, at may panahon. BAKIT DAPAT MAG-ARAL NG PANITIKAN? 1. Upang makilala natin ang ating sarili bilang Pilipino, at matalos ang ating minanang yaman ng isip at angking talino ng ating pinanggalingang lahi; 2. Tulad ng ibang lahi sa daigdig, dapat nating mabatid na tayo’y may dakila at marangal na tradisyong siya nating ginawang sandigan ng pagkabuo ng ibang kulturang nakarating sa ating bansa; 3. Upang matanto natin ang ating mga kakulangan sa pagsulat ng panitikan at makapagsanay na ito’y matuwid at mabago; 4. Upang makilala at magamit ang ating mga kakayahan sa pagsulat at magsikap na ito’y malinang at mapaunlad; at 5. Higit sa lahat, bilang mga Pilipinong nagmamahal sa sariling kultura ay kailangang maipamalas ang pagmamalasakit sa ating sariling panitikan. MGA KALAGAYANG NAKAKAPANGYARI SA PANITIKAN 1. Ang klima – ang init o lamig ng panahon, ang bagyo, unos, baha at ulan ay malaki ang nagagawa sa kaisipan at damdamin ng manunulat. 2. Ang hanapbuhay o gawaing pang-araw-araw ng tao – nagpapasok ng mga salita o kuro- kuro sa wika at panitikan ng isang lahi ang tungkulin, hanapbuhay, o gawaing pang-araw- araw ng mga tao. 3. Ang pook o tinitirhan – malaki ang nagagawa nito sa isipan at damdamin ng tao. Kung ang pook na kinatitirhan ng mga tao ay may magagandang tanawin, mahalaman, maaliwalas, sagana sa kabukiran, madagat, at mabundok, ang mga ito’y siyang magiging paksa ng panitikan ng mga taong nagnanasang sumulat. 4. Lipunan at pulitika – nasasalamin sa panitikan ng isang lahi ang sistema ng pamahalaan, ang ideolohiya at ugaling panlipunan, at gayun din ang kultura ng mga tao. 5. Edukasyon at pananampalataya – Kung busog ang isipan, dala ng malawak na edukasyong natutuhan, ang mga ito’y mababakas sa panitikan ng lahi. Ang pananampalataya ay paksa rin ng mga makata at manunulat. ANG IMPLUWENSYA NG PANITIKAN 1. Ang panitikan ay nagpapaliwanag ng kahulugan ng kalinangan at kabihasnan ng lahing pinanggalingan ng akda. 2. Dahil sa panitikan nagkakalapit ang damdamin ng mga tao sa sandaigdigan. Nagkakahiraman sila ng ugali at palakad at nagkakatulungan. Marami ring mga akdang pampanitikan ang nagdala ng impluwensya sa buong daigdig. 1. Banal na Kasulatan o Bibliya – ito ang naging batayan ng Kakristiyanuhan. Mula sa Palestino at Gresya. 2. Koran – ang pinakabibliya ng mga Muslim. Galing ito sa Arabia. 3. Ang Iliad at Odyssey – ito ang kinatutuhan ng mga mitolohiya at paalamatan ng Gresya. Akda ito ni Homer. 4. Ang Mahabharata – ito ay ipinalalagay na pinakamahabang epiko sa buong daigdig. Naglalaman ito ng kasaysayan ng pananampalataya ng Indiya. 5. Canterbury Tales – naglalarawan ito ng pananampalataya at pag-uugali ng mga Ingles noong unang panahon. Galing ito sa Inglatera at sinulat ni Chaucer. 6. Uncle Tom’s Cabin – akda ito ni Harriet Beecher Stowe ng Estados Unidos. Kababasahan ito ng naging karumal-dumal na kalagayan ng mga alipin at naging batayan ng demokrasya. 7. Ang Divine Comedia – akda ni Dante ng Italya. Nagpapahayag ito ng pananampalataya at pag-uugali ng mga Italyano nang panahong yaon. 8. Ang El Cid Compeador – nagpapahayag ng mga katangiang panlahi ng mga Kastila at ng kanilang kasaysayang pambansa. 9. Ang Awit ni Rolando – kinapapalooban ito ng Doce Pares at Roncesvalles ng Pransya. Nagsasalaysay ng gintong panahon ng Kakristiyanuhan sa Pransya. 10. Ang Aklat ng mga Patay – naglalaman ito ng mga kulto ni Osiris at ng mitolohiya at teolohiya ng Ehipto. 11. Ang Aklat ng mga Araw – akda ito ni Confucio ng Tsina. Naging batayan ng mga Intsik sa kanilang pananampalataya. 12. Isang Libo’t Isang Gabi – mula ito sa Arabia at Persya. Nagsasaad ng mga ugaling pampamahalaan, pangkabuhayan, at panlipunan ng mga Arabo at Persyano. KASAYSAYAN NG PANITIKANG FILIPINO Panahon Bago Dumating ang mga Kastila Noon pa mang hindi pa dumarating sa ating kapuluan ang mga Kastila, at maging ang iba pang mga dayuhan, ang ating mga ninuno ay may sarili nang panitikang nagtataglay ng kasaysayan ng ating lahi. Panitikan ang nagpapahiwatig ng tunay na pagkalahi natin. Nagsisilbi itong wika ng Pilipino na nagbubunyag ng panlipunan at panlahing kaugalian ng ating pang-araw-araw na buhay, na nababakas sa mga kuwentong bayan, alamat, epiko, kantahing bayan, kasabihan, bugtong, palaisipan, sinaunang dula, at maikling kuwento. Mayroon na rin ang ating ninuno noon ng sariling baybayin o alpabetong kaiba sa kasalukuyang ginagamit na dinala ng mga Kastila. Ito ay ang Alibata – ang abakadang kahawig ng Malayo- Polinesyo, na unang ginamit ng ating mga ninuno. Anumang talang pampanitikan ng ating mga ninuno ay sinunog lahat ng mga naturang pari sa paniniwalang ang mga iyon ay likha ng diyablo. Maliban sa katuwirang ‘yun, nabuo sa kanilang sarili na magiging sagabal ang mga talang nakuha nila sa madaling pagpapalaganap ng pananampalatayang Katoliko. Subalit mayroong mga talang di pa rin nasunog. Kabilang sa mga ito ay ang mga kantahing bayan na siya namang magpapatunay ng pagkakaroon natin ng sariling kalinangan. Mabilis itong nagpasalin-salin sa bibig ng mga katutubong mamamayan hanggang sa dumating ang mga palimbagan na nagkaroon ng interes na ipalimbag ang mga napulot na talang pampanitikan ng matatandang Pilipino. Ang mga ninuno natin ay gumamit ng biyas ng kawayan, talukap ng bunga o niyog, at dahon at balat ng mga punungkahoy bilang sulatan. Ang mga panulat ay matutulis na kawayan o kahoy, dulo ng lanseta, at matutulis na bato at bakal. Pinatutunayan ng mga Kastilang nanakop sa Pilipinas na ang ating mga ninuno ay talagang mahihilig sa mga tula, awit, kuwento, bugtong, at palaisipan na magpahanggang ngayon ay nagdudulot pa sa atin ng kasiyahan at nagiging tagapagbadya sa salinlahi ng tunay na kalinangan at kultura ng ating lahi. Panahon ng mga Kastila Ang isinasaalang-alang na unang pananakop ng mga Kastila sa ating kapuluan ay ang pananatili rito ni Miguel Lopez de Legazpi noong 1565, bilang kauna-unahang Kastilang gobernador-heneral. At dito nagsimula ang panitikan ng mga tao rito. Sa mga panahong iyon, maraming pagbabago ang naganap sa buhay ng mga Pilipino. Tinangkilik nila ang relihiyong Katoliko. Nagpalit sila ng mga pangalan at nagpabinyag. Nagkaroon ng mga bahay na bato at tisa, mga magagandang kasangkapan, mga sasakyang tulad ng karwahe, tren, at bapor. Natuto silang magdiwang ng mga kapistahan bilang parangal sa mga santo, sa Papa, at sa gobernador. MGA IMPLUWENSYA NG KASTILA SA PANITIKANG FILIPINO 1. Ang “Alibata” na ipinagmamalaking kauna-unahang abakadang Filipino na nahalinhan ng alpabetong Romano. 2. Ang pagkakaturo ng Doctrina Cristiana na kinasasaligan ng mga gawang makarelihiyon. 3. Ang wikang Kastila na naging wika ng Panitikan nang panahong iyon. Marami sa mga salitang ito ang naging bahagi ng wikang Filipino. 4. Ang pagkakadala ng mga alamat ng Europa at tradisyong Europeo rito na naging bahagi ng Panatikang Filipino tulad ng awit, corido, moro-moro, at iba pa. 5. Ang pagkakasinop at pagkakasalin ng makalumang panitikan sa Tagalog at sa ibang wikain. 6. Ang pagkakalathala ng iba’t ibang aklat pambalarila sa wikaing Filipino tulad sa Tagalog, Ilokano, at Bisaya. 7. Ang pagkakaroon ng makarelihiyong himig ng mga lathalain ng mga panahong iyon.
MGA UNANG AKLAT
1. Ang Doctrina Cristiana – ito ang kauna-unahang aklat na nalimbag sa Pilipinas noong 1593 sa pamamagitan ng silograpiko. Akda ito nina Padre Juan de Placencia at Padre Domingo Nieva. Nasusulat ang aklat sa Tagalog at Kastila. Naglalaman ito ng Pater Noster, Ave Maria, Regina Caeli, Sampung Utos ng Diyos, Mga Utos ng Sta. Iglesya Katoliko, Pitong Kasalanang Mortal, Pangungumpisal, at Katesismo. Tatlong kopyang orihinal na lamang ang natitira sa aklat na ito na matatagpuan sa Batikano, sa Museo ng Madrid at sa Kongreso ng Estados Unidos. Nagtataglay lamang ng 87 pahina ang akdang ito subalit nagkakahalaga naman ng $5,000.00 2. Nuestra Señora del Rosario – ito ang ikalawang aklat na nalimbag sa Pilipinas. Akda ito ni Padre Blancas de San Jose noong 1602. Naglalaman ito ng mga talambuhay ng mga santo, nobena, at mga tanong at sagot sa relihiyon. 3. Ang Barlaan at Josaphat – ito ang ikatlong aklat na nalimbag sa Pilipinas. Akda ito sa Tagalog ni Padre Antonio de Borja. Ipinalalagay itong kauna-unahang nobelang napalimbag sa Pilipinas. 4. Ang Pasyon – ito’y aklat na natutungkol sa buhay at pagpapasakit ni Hesukristo. Binabasa ito tuwing Mahal na Araw. Isinasaalang-alang na pinakapopular ang Version de Pilapil (ni Mariano Pilapil). 5. Ang Urbana at Felisa – ito’y aklat na sinulat ni Modesto de Castro, ang tinaguriang “Ama ng Klasikang Tuluyan sa Tagalog”. Naglalaman ito ng pagsusulatan ng magkapatid na sina Urbana at Felisa. Pawang tungkol sa kabutihang-asal ang nilalaman ng aklat na ito, kaya’t malaki ang nagawang impluwensya nito sa kaugaliang panlipunan ng mga Pilipino. Panahon ng Pagbabagong Isip Nagising pagkatapos nang higit sa tatlong daang taong pagkakahimlay ang mga natutulog na damdamin ng mga Pilipino nang isangkot sa digmaan sa Kabite ang tatlong paring sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora (GomBurZa) at patayin sa pamamagitan ng garote nang walang matibay na katibayan ng pagkakasala. Ito’y naganap noong ika-17 ng Pebrero, 1872. Naging lalong mahigpit ang pagbabanta ng mga Kastila, subalit di na nila nagawang pigilin pa ang nabuong mapanlabang damdamin ng mga Pilipino. Ang dating diwang maka-relihiyon ay naging makabayan at humihingi ng pagbabago sa pamamalakad ng simbahan at pamahalaan. ANG KILUSANG PROPAGANDA Ang kilusang ito ay binubuo ng pangkat ng mga intelektuwal sa gitnang uri na tulad nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena, Antonio Luna, Mariano Ponce, Jose Ma. Panganiban, Pedro Paterno, at iba pa. Paghingi ng reporma o pagbabago gaya ng mga sumusunod ang layunin ng kilusang ito. 1. Magkaroon ng pantay-pantay na pagtingin sa mga Pilipino at Kastila sa ilalim ng batas. 2. Gawing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas. 3. Panumbalikin ang pagkakaroon ng kinatawang Pilipino sa Kortes ng Espanya. 4. Gawing mga Pilipino ang mga kura paroko. 5. Ibigay ang kalayaan ng mga Pilipino sa pamamahayag, pananalita, pagtitipon o pagpupulong, at pagpapahayag ng kanilang mga kairingan. MGA TALUKTOK NG PROPAGANDA Tatlo ang taluktok o pinakalider ng Propaganda. Ang mga ito’y sina Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar, at Graciano Lopez Jaena. DR. JOSE RIZAL Jose Protacio Rizal Mercado Alonzo y Realonda ang buo niyang pangalan. Siya ay ipinanganak noong Hunyo 19, 1861 sa bayan ng Kalamba, lalawigan ng Laguna. Ginamit niya ang sagisag na Laong-laan at Dimasalang sa kaniyang mga panulat. Ang Kanyang mga Akda: 1. Noli Me Tangere – ito ang una at walang kamatayang nobelang nagpasigla nang malaki sa Kilusang Propaganda at siyang nagbigay-daan sa himagsikan laban sa Espanya. Sa aklat na ito ay walang pakundangan niyang inilantad ang kasamaang naghahari sa pamamahala ng mga Kastila sa Pilipinas. 2. El Filibusterismo – ang nobelang ito’y karugtong ng Noli. Kung ang Noli ay tumatalakay sa mga sakit ng Lipunan, ang Fili ay lantad sa mga kabulukan ng pamahalaan, kasama rito ang katulong ngunit higit na naging makapangyarihan, ang simbahan. Kaya’t madalas uriin ang Noli na nobelang panglipunan at pampulitika naman ang Fili. 3. Mi Ultimo Adios (Ang Huli Kong Paalam) – ito ay kanyang sinulat noong siya ay nakakulong sa “Fort Santiago”. 4. Sobre La Indolencia de Los Filipinos (Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino) – ito ay isang sanaysay na tumatalakay at sumusuri ng mga dahilan ng palasak na sabing ang mga Pilipino ay tamad. 5. Filipinas Dentro De Cien Años (Ang Pilipinas sa Loob ng Sandaang Taon) – ito ay isang sanaysay na nagpapahiwatig na darating ang panahon na ang interes ng Europa sa Pilipinas ay mababawasan, samantalang ang impluwensiya ng Estado Unidos ay mararamdaman. 6. A La Juventud Filipino (Sa Kabataang Pilipino) – ito ay isang tulang inihandog niya sa mga kabataang Pilipinong nag-aaral sa Pamantasan ng Santo Tomas. 7. El Consejo De Los Dioses (Ang Kapulungan ng mga Bathala) – ito ay isang dulang patalinghagang nagpapahayag ng paghanga kay Cervantes. 8. Junto Pasig (Sa Tabi ng Pasig) – Isinulat niya ito nang siya ay may 14 na taong gulang lamang. 9. Me Piden Versos (Hinilingan Nila Ako ng mga Tula) 1882 at Las Flores de Heidelberg (Sa mga Bulaklak ni Heidelberg) 1882. Ang dalawang tulang ito ay nagpapahayag ng mga di- pangkaraniwang kalaliman ng damdamin. 10. Notas A La Obra Sucesos De Las Filipinas Por El Dr. Antonio de Morga (Mga Tala sa Akdang Pangyayari sa Pilipinas ni Dr. Antonio de Morga) 1889. 11. P. Jacinto: Memorias de Un Estudiante de Manila (P Jacinto: Mga Gunita ng Isang Estudyante sa Maynila) 1882. 12. Diario de Viaje de Norte Amerika (Taalarawan ng Paglalakbay sa Hilagang Amerika) MARCELO H. DEL PILAR Si Marcelo H. del Pilar ay kilalang-kilala sa kaniyang mga sagisag sa panulat na Plaridel, Pupdoh, Piping Dilat, at Dolores Manapat. Itinatag ni Plaridel ang pahayagang “Diariong Tagalog” noong 1882 na pinaglathalaan niya ng mga puna at pansin sa hindi mabuting pamamalakad ng pamahalaang Kastila at dahil sa iba’t ibang kasalanang ibinuhat sa kanya na bunga ng paghihiganti ng mga prayle at upang maiwasan ang gagawing pagpapatapon sa kanya ay napilitang maglakbay sa Espanya noong 1888. Nang dumating siya sa Espanya, hinalinhan niya si Graciano Lopez Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad na naging tagapamansag ng mga banal na mithiin na ikapagkakaroon ng mga kaluwagan sa pamahalaan ng Pilipino. Sa sakit na pagkatuyo ay namatay siya sa Espanya, ngunit bago binawian ng buhay ay ipinagbilin sa mga kasama na paratingin sa kanyang asawa’t mga anak ang sumusunod na tagubilin: “sabihin niyo sa aking pamilya na sila ay hindi ko na napagpaalaman. Ibalita ninyo ang kapalaran ng ating mga kababayan. Ipagpatuloy ninyo ang pagtuklas ng ginawa at kagalingan ng ating bayan”. Iyan ang dahilan kaya si Plaridel ay may sariling pitak sa kasaysayan ng ating bayan. Hindi na mabilang ang mga lansangang nagtataglay ng kanyang pangalan. Ang Mga Akda ni Marcelo H. del Pilar 1. Pag-ibig sa Tinubuang Lupa – salin sa tulang Kastilang “Amor Patrio” ni Rizal na napalathala noong Agosto 20, 1882 sa “Diariong Tagalog”. 2. Kaiigat Kayo – ito’y isang pabiro at patuyang tuligsa at tugon sa tuligsa ni P. Jose Rodriguez sa “Noli” ni Rizal; inilathala sa Barcelona noong 1888. Gumamit siya ng sagisag na “Dolores Manapat” sa akda niyang ito. 3. Dasalan at Tocsohan – akdang hawig sa katesismo subalit pagkutya laban sa mga prayle na inilantad sa Barcelona, 1888. Dahil dito’y tinawag siyang “Pilibustero”. Kahanga-hanga ang himig na panunuya at ang kahusayan ng pananagalog. 4. Ang Cadaquilaan ng Dios – ito’y isang sanaysay ng pagtuligsa laban sa mga prayle ngunit nagtataglay ng mga pilosopiya tungkol sa kapangyarihan at katalinuhan ng Poong Lumikha, pagpapahalaga, at pag-ibig sa kalikasan. 5. Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas – isang tulang nagsasaad ng paghingi ng pagbabago ngunit ang Espanya ay napakatanda at napakahina na upang magkaloob ng anumang tulong sa Pilipinas. Ang tulang ito’y katugunan sa tula ni Herminigildo Flores na “Hibik sa Pilipinas, sa Inang Espanya”. 6. Dupluhan… Dalit… Mga Bugtong – ito’y katipunan ng maiigsing tula at pang-aapi ng mga prayle sa Pilipinas. 7. La Soberana en Filipinas – isang sanaysay na tungkol sa mga katiwalian at di makatarungang ginawa ng mga prayle sa mga Pilipino. 8. Por Telepono 9. Pasiong Dagat Ipag-Alab ng Puso ng Taong Babasa GRACIANO LOPEZ JAENA (1856-1896) Isa siyang kilalang manunulat at mananalumpati sa “Gintong Panahon ng Panitikan at Pananalumpati” sa Pilipinas. Siya ay nakagawa ng may 100 pananalumpati na magpahanggang ngayon ay binabasa ng mga makabagong Pilipino. Ang Mga Akda ni Graciano Lopez Jaena 1. Ang Fray Botod – isa sa mga akdang isinulat sa Jaro, Iloilo noong 1876, anim na taon pagkatapos ng himagsikan sa Kabite, na tinutuligsa ang mga prayle na masiba, ambisosyo, at immoral ang pagkatao. 2. Ang iba pang isinulat ay ang La Hija del Praile at ang Everything is Hambug o (ang lahat ay kahambugan). Dito ay ipinaliwanag ni Lopez Jaena ang mga kapahamakan at kabiguan kung mapakasal sa isang Kastila. 3. Sa Mga Pilipino (1891) – isang talumpati na ang layunin ay mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino. Malaya, maunlad, at may karapatan. 4. Talumpating Pagunita kay Kolumbus – noong ika-391 Anibersaryo sa pagkakatuklas sa Amerika na binigkas niya sa Teatro ng Madrid. 5. En Honor del Presidente Morayta dela Asociacion Hispano Pilipino (1884) – pinuri ni Lopez Jaena si Hen. Morayta sa pagpapantay-pantay niya sa mga tao. 6. En Honor de los Artistas Luna y Resurreccion Hidalgo (1884) – matapat na papuri sa kanilang mga iginuhit na naglalarawan ng mga kalagayan ng mga Pilipino sa kamay ng mga Kastila. 7. Amor A España o Alas Jovenas de Malolos (Pag-ibig ng Espanya sa mga Kababaihan ng Malolos). Pag-aaral sa Kastila ng mga babae na ang guro ay gobernador ng lalawigan ang magbibigay. 8. El Bandolerismo En Pilipinas – ipinagtanggol ni Graciano Lopez Jaena na walang tulisan sa Pilipinas at dapat magkaroon ng batas tungkol sa mga nakawan at kailangang baguhin upang hindi mahirapan ang Pilipinas. 9. Honor En Pilipinas (Karangalan sa Pilipinas) – ang pagwawagi sa exposisyon nina Luna, Resurreccion, at Pardo de Tavera na ang katalinuhan ay nagbigay ng karangalan sa Pilipinas. 10. Pag-alis ng Buwis sa Pilipinas 11. Isang paglinang sa Institucion ng Pilipinas 12. Mga Kahirapan sa Pilipinas – tinutukoy rito ni Lopez Jaena ang maling pamamalakad at edukasyon sa Pilipinas – 1887. Ang Panahon ng Tahasang Paghihimagsik Hindi naipagkaloob sa mga Pilipino ang mga hinihinging pagbabago ng mga Propagandista. Naging bingi ang pamahalaan, nagpatuloy ang pang-aapi at pagsasamantala, at naging mahigpit pa sa mga Pilipino ang pamahalaan at simbahan. Ang mga mabuting balakin sana ng Inang Espanya sa Pilipinas ay nasasalungat pa rin ng mga prayleng naghahari rito. Nang dahil sa mga pangyayaring iyon, ilan sa mga mamamayang Pilipinong kabilang sa pangkat ng, “La Liga Filipina” (isang samahang sibiko na pinaghihinalaang mapanghimagsik at naging dahilan ng pagkakatapon sa Dapitan na nagtatag na si Jose Rizal) na tulad nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, Jose Palma, Pio Valenzuela, at iba pa, ay nagsipagsabi na “wala nang natitirang lunas kundi ang maghimagsik”. Ang naging laman ng panitikan ay pawang pagtuligsa sa pamahalaan at simbahan at pagbibgay-payo sa mga Pilipino upang magkaisa at maghanda nang matamo ang inaasam na kalayaan. Ang Mga Pahayagan nang Panahon ng Himagsikan ▪ Heraldo de la Revolucion – naglalathala ng mga dekreto ng pamahalaang mapanghimagsik, mga balita, at mga akda sa Tagalog na pawang gumigising sa damdaming makabayan. ▪ La Independencia – pinamatnugutan ni Antonio Luna na naglalayon ng pagsasarili ng Pilipinas. ▪ La Republica Filipina – itinatag ni Pedro Paterno noong 1898. ▪ La Libertad – pinamatnugutan ni Clemente Zulueta. Panahon ng Amerikano Ang mga Pilipinong mapanghimagsik ay nagwagi laban sa mga Kastila na sumakop sa atin nang higit sa tatlong daang taon. Naiwagayway ang ating bandila noong ika-12 ng Hunyo, 1898, tanda ng pagkakaroon natin ng kalayaan. Nahirang si Hen. Emilio Aguinaldo noon bilang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas, subalit ang kalagayang ito’y naging panandalian lamang sapagkat biglang lumusob ang mga Amerikano. Nagkaroon ng digmaang Pilipino-Amerikano na siyang naging sanhi ng pagsuko ni Hen. Miguel Malvar noong 1903. Pinasok ng mga manunulat na Pilipino ang lahat ng larangan ng panitikan tulad ng lathalain, tula, kuwento, dula, sanaysay, nobela, at iba pa. Maliwanag na mababasa sa mga akda nila ang pag- ibig sa bayan at pag-asam ng kalayaan. Mga Katangian ng Panitikan sa Panahong Ito Tatlong pangkat ng mga manunulat ang kumatawan sa Panitikang Filipino nang panahong ito. Sa mga unang taon ng panahon ng mga Amerikano, ang mga wikang ginamit sa panulat ay Kastila at Tagalog, at ang mga sari-sarili at katutubong wika sa mga lalawigan, ngunit Kastila at Tagalog ang namayani. Sa dakong 1910, isa na namang bagong pangkat ng mga manunulat ang nagsimulang magpahayag sa Ingles. Bagama’t nagkakaisa sa kaisipan at diwa ang nasabing tatlong pangkat ng mga manunulat ay nagkakaisa naman sila sa hilig ng pamamaksa at pamamaraan. Ang mga manunulat sa Kastila ay naging mahilig sa pagpapahayag ng damdaming makabayan at pagpaparangal kay Rizal at sa iba pang naging bayani ng lahi. Ang mga manunulat sa Tagalog ay nagpatuloy sa maligayang pagpapahayag na may daing sa kaapihan ng bayan at may pagpapasigla sa pagmamahal at pagtatangi sa sariling wika. At ang mga manunulat sa Ingles ay nagtataglay ng mababaw na panunulad sa pamamaksa at pamamaraang Amerikano. Ngunit sa kalahatan, ang Panitikang Filipino sa panahong ito ay sumusunod sa romantasismo ng Europa. Naging palasintahin ang himig ng halos lahat ng mga naisulat na mga akda tulad ng pagmamahal sa Diyos, sa bayan, sa kapwa, at iba pa. Panahon ng mga Hapones Ang Panitikang Filipino sa wikang Ingles sa pagitan ng taong 1941-1945 ay nabalam sa kaniyang tuloy-tuloy na sanang pag-unlad nang muli tayong sakupin ng isa na namang dayuhang mapaniil – ang mga Hapones. Natigil ang panitikan sa Ingles. Maliban sa Tribune at Philippine Review, ang lahat halos ng pahayagan sa Ingles ay pinatigil ng mga Hapones. Naging maganda naman ang bunga nito sa Panitikang Tagalog. Patuloy na umuunlad ito sapagkat ang mga dating sumusulat sa Ingles ay bumaling sa pagsulat sa Tagalog. Ang lingguhang Liwayway ay inilagay ng mga Hapones sa mahigpit na pagmamatyag hanggang sa ipabahala ito sa isang Hapong nagngangalang Ishikawa. Sa madaling salita, nabigyan ng puwang ang Panitikang Tagalog nang panahong ito. Marami ang mga nagsisulat ng dula, tula, maikling kwento, at iba pa. Ang mga paksain ay pawang natutungkol sa buhay lalawiganin. Ang Mga Tula sa Panahong Ito a. Haiku – isang tulang may malayang taludturan na kinagiliwan ng mga Hapones. Ito’y binubuo ng labimpitong pantig na nahahati sa tatlong taludtod. Ang unang taludtod nito ay may limang pantig, ang ikalawa ay pitong pantig, at ang ikatlo ay limang pantig ang una. Maikli lamang ang Haiku, ngunit nagtataglay ng masaklaw at matalinghagang kahulugan. b. Tanaga – tulad ng Haiku, ito’y maikili ngunit may sukat at tugma. Ang bawat taludtod nito ay may pitong pantig. Nagtataglay din ng mga matatalinghagang kahulugan. c. Karaniwang Anyo Panahon ng Isinauling Kalayaan Tila naging mapaghangad sa makukuhang gantimpala ang mga manunulat nang panahong ito sapagkat bago pa sumulat ng anumang akda ay inaalam muna kung aling pahayagan kaya ang magbabayad dito ng malaking halaga. Gayun pa man ay hindi rin natin tahasang masasabing walang-wala nang sinumang nagtataglay ng pag-ibig sa sining ng panulat. Isa sa naging kapansin-pansing pangyayari sa panitikang Filipino sa panahong ito ay ang pagsulpot ng mga kabataang mag-aaral sa larangan ng panulat. Naging mga ulirang manunulat sa Amerikano sina Ernest Hemingway, William Saroyan, at John Steinbeck sa kanilang mahusay na teknesismo ng panulat. Ang mga panunulad sa estilo ng tatlong manunulat na Amerikanong nabanggit ang nagbigay ng diwang mapaghimagsik sa panitikang Tagalog at Ingles. Ang Timpalak – Palanca Isa ring nakapagpasigla sa ating mga manunulat na Pilipino ang pagkakalunsad ng Timpalak- Palanca o “Palanca Memorial Awards for Literature” na pinamumunuan ni Ginoong Carlos Palanca Sr. noong 1950. Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin sa pagbibigay gantimpala ang timpalak na ito bagama’t ang nagtatag ay yumao na. Ang larangang pinagkakalooban dito ay ang maikling kuwento, dula, at tula. Panahon ng Aktibismo Naging ganap na mapanghimagsik ang mga kabataan nang panahong ito. Ang mga pahayagan ng mga mag-aaral sa kani-kanilang pamantasan ay punung-puno ng damdaming mapaghimagsik. Ang mga dating aristokratang manunulat ay nagkaroon ng kamulatang panlipunan. At maliban sa makinilya ay gumamit din sila ng pinsel at isinulat sa mga placard, sa pulang pintura ang mga kaugnay na salitang nagpapahayag ng karaingan at pakikibaka. Tinalakay nila ang kabulukan ng lipunan at pulitika. Ang alinmang establisyemento ay naging sagisag ng kabulukang dapat baguhin. Madarama sa simbahan, sa paaralan, at maging sa tahanan ang lason ng kawalang pag-asa ng mga kabataan sa pamahalaan. Maging ang mga pari, mga guro, at mga magulang bilang awtoridad o mga taong dapat igalang ay niyanig ng mga kabataang radikal bilang kalaban na pabigat sa hinihingi nilang pagbabago. Humangga ang panitikang ito ng mga aktibista sa pagsasaad ng dapat gawin upang lutasin ang suliranin. Ang ilan sa mga kabataang bumandila sa panitikang rebolusyonaryo ay sina Rolando Tinio, Rogelio Mangahas, Efren Abueg, Rio Alma, Clemente Bautista, at iba pa. Panahon ng Bagong Lipunan Nagsimula ang panahon ng Bagong Lipunan noong ika-21 ng Setyembre, 1972. Nagpatuloy pa rin ang Gawad Carlos Palanca sa pagbibigay ng patimpalak. Halos tungkol sa ikauunlad ng bayan ang naging karaniwang paksain ng mga akda tulad ng Luntiang Rebolusyon (Green Revolution), pagpaplano ng pamilya, wastong pagkain (nutrition), “drug addiction”, “polusyon”, at iba pa. Pinagsikapan ng Bagong Lipunan na maputol ang malalaswang babasahin, gayundin ang mga akdang nagbibigay ng masasamang impluwensya sa moral ng mga mamayan. Ang lahat ng pahayagang pampaaralan ay pansamantalang pinahinto, at maging ang mga samahang pampaaralan. Nagtatag ang pamahalaang military ng bagong kagawaran na tinawag na “Ministri ng Kabatirang Pangmadla” upang siyang mamahala at sumusubaybay sa mga pahayagan, aklat, at mga iba pang babasahin panlipunan. Muling naibalik ng dating unang Ginang Imelda Marcos sa pagpapanibagong-buhay ang ating mga sinaunang dula tulad ng Senakulo, Sarsuela, Embayoka ng mga Muslim, at iba pa. Ipinatayo niya ang Cultural Center of the Philippines, Folk Arts Theater, at maging ang Metropolitan Theater ay muli rin niyang ipinagawa upang mapagtanghalan ng mga dulang Pilipino. Naging laganap din ang pag-awit noon sa wikang Filipino. Maging ang mga ipinadadala sa ibang bansa ay awiting Pilipino rin ang inaawit. Ang mga lingguhang babasahin tulad ng Kislap, Liwayway, at iba pa ay malaki ang naitulong sa pagpapaunlad ng Panitikan. Tahasang masasabi na nagningning din ang Panitikang Filipino nang panahong ito. Panahon ng Ikatlong Republika Makaraan ang sampung taong pagkakasailalim ng Pilipinas sa Batas Militar at sa tinamasang bahagyang pagbabago sa kalakarang buhay ng mga Pilipino na nagsimula sa panahon ng Bagong Lipunan, muling inalis ang bansa sa ilalim ng nasabing batas noong ika-2 ng Enero, 1981. Nang panahong ito, di-mapasusubaliang maraming mamamayan ang tumututol at nagpupuyos ang kalooban dahil sa patuloy na paghihirap ng bansa at di pagdama sa tunay na kalayaan. Lalo pang nag-alab ang ganitong damdamin nang patayin noong Agosto 21, 1983 ang dating Senador ng bansa na si Benigno Aquino Jr., ang idolo ng masang Pilipino na matagal na nilang mithing maging pangulo ng bansa. Sa pagpapatuloy ng ganitong kalagayan nang panahong ito, masasabing malaki ang mga naging pagbabago sa ating panitikan. Maraming mga manunulat ang nangagsisulat ng mga paksang nadarama sa buhay tulad ng pakikisama, paggawa, pagdadalamhati, kahirapan, pulitika, at imperyalismo. Ang Panitikan sa Kasalukuyan Muling nabawi ng mga mamamayang Pilipino ang tunay na kalayaan na nawala rin ng may labing- apat na taon. Sa loob ng apat na araw, mula noong ika-21 ng Pebrero hanggang ika-25 nito ay namayani ang tinatawag na “People’s Power” o “Lakas ng Bayan”. Bagam’t iilang buwan pa lamang ang pagkakasilang ng tunay na Republikang Pilipinas ay may mababakas nang pagbabago sa ating panitikan. At ang mga pagbabagong ito ay madarama na sa ilang mga tula, awiting Pilipino, sa mga pahayagan, sa mga sanaysay at talumpati, at maging sa mga programa sa telebisyon. Ang Mga Manunulat sa Kasalukuyan Halos di na mabilang sa dami ang mga dati at baguhang manunulat na nakapag-ambag ng malaki sa Panitikang Filipino sa panahong ito. Maibibilang sa ating mga kasalukuyang manunulat sina Ponciano Pineda, ang kasalukuyang Direktor ng Surian ng Wikang Pambansa, Isagani Cruz, Edgardo Reyes, Domingo Landico, Ruth Mabanglo, Lydia Gonzales, at marami pang iba. Ngunit isa sa ating mga dakilang manunulat ang kamakailan lamang namatay. Siya’y si Narciso del Rosario dating poetry columnist ng Balita na namatay noong ika-31 ng Marso 1986 sa sakit sa puso, sa gulang na 61. Sanggunian: Santiago, E. M., Kahayon, A. H., & Limdico, M. P. (1989). Panitikang Filipino: Kasaysayan at Pag-unlad Pangkolehiyo. Mandaluyong City