Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Bantugan (Epiko ng Mindanao)

May isang hari sa isang malayong kaharian sa Mindanao ang may dalawang anak na
lalaki. Ang nakatatanda ay si Prinsipe Madali at ang nakababata ay si Prinsipe Bantugan. Sa
murang edad ay nagpakita si Prinsipe Bantugan ng magagandang katangiang higit sa kanyang
nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali. Laging sinasabi ng kanilang guro sa kanilang ama
na si Prinsipe Bantugan ay napakatalino. Mabilis siyang matuto kahit sa paggamit ng espada at
palaso. Taglay niya ang lakas na kayang makipaglaban sa tatlo o limang tao sa mano-manong
labanan.
Ang unang tanda na siya ay magiging isang magaling na sundalo ay nang mapatay niyang
mag-isa ang isang malaking buwayang pumatay sa ilang taong-bayan. Hindi makapaniwala ang
mga taong-bayan sa kanilang nakita pagkatapos ng pagtutuos.
"Napakalakas niya!" ang sabi ng isang matandang lalaki nang makita ang patay na
buwaya.
Paano nakaya ng isang taong ganito kabata na patayin ang buwaya? "Sinasapian siguro
siya ng mga diyos!" sabi naman ng isa.
"Halika, pasalamatan natin ang prinsipe sa pagpatay niya sa halimaw!" sabi ng pinuno ng
bayan.
Nang umabot na si Prinsipe Bantugan sa kanyang kabinataan, siya ay naging
pinakamagaling na sundalo sa kaharian. Lagi niyang pinamumunuan ang mga sundalo sa
labanan. At lagi silang nagwawagi laban sa mga kalabang kaharian. Ang kanyang pangalan ay
naging bukambibig ng lahat ng mga sundalo ng mga kalapit na kaharian. Hindi nagtagal ay wala
nang kahariang nangahas kumalaban sa kanila. Kapayapaan at pag-unlad ang naghari sa kaharian
dahil sa natamo nilang respeto at pagkilala ng mga kalapit na kaharian.
Nang mamatay ang kanilang ama, ang kanyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe
Madali ang hinirang na bagong hari. Nagkaroon ng protesta sa mga nasa ranggo. Nais nilang si
Prinsipe Bantugan ang maging bagong hari. Kahit ang mga ordinaryong mamamayan ay
nagsasabing si Prinsipe Bantugan ang mas karapat-dapat maging hari sa dalawang prinsipe.
"Si Prinsipe Bantugan ay matapang at malakas. Kaya niya tayong protektahan laban sa
mga kaaway!" sabi ng isang matanda sa pamilihan.
"Sang-ayon ako sa iyo," sagot ng matandang lalaki. Hindi ito pinansin ni Prinsipe
Bantugan. Alam niya na ang kanyang kapatid ang karapat- dapat na tagapagmana ng trono dahil
si Prinsipe Madali ang panganay sa kanilang dalawa. Siya mismo ang nagpatunay sa kanyang
kapatid.
"Nararapat lamang na ang kapatid ko ang maging bagong hari dahil napag-aralan na niya
kung paano magpatakbo ng gobyerno," sabi niya sa kapwa niya sundalo at mga ministro sa
kaharian. "Alam niya kung paano ang pamamalakad sa ugnayang panlabas. At marami siyang
magandang ideya upang mapaganda ang buhay ng bawat mamamayan!"
Tumango na lamang ang mga ministro at mga kawal. Ngunit nagkaroon ng isang bitak sa
pagitan nina Prinsipe Bantugan at Prinsipe Madali. Sapagkat si Prinsipe Bantugan ay hindi
lamang matapang at malakas, siya rin ay napakakisig. Maraming magagandang babae sa
kaharian ang nahuhumaling sa kanya. Kahit ang mga babaeng gusto ng kanyang kapatid na si
Prinsipe Madali ay sumuko sa kanyang gayuma. Dahil sa galit at inggit, nagpahayag ang hari ng
kautusan.

ALAM MO BA?

Napakamakapangyarihan ng isang hari kaya't halos kilalanin siya bilang diyos at anuman
ang kanyang iutos, mabuti man o masama, ay dapat sundin ng kanyang mga nasasakupan.
"Hindi ko gusto na nakikipag-usap ang kahit na sino sa aking kapatid na si Prinsipe
Bantugan. Sino man ang makitang nakikipag-usap sa kanya ay ipakukulong o kaya ay
parurusahan nang malubha."
Nalungkot si Prinsipe Bantugan sa iniutos ng kanyang kapatid. Nakita niya ang sariling
parang may nakahahawang sakit. Lahat ay lumalayo sa kanya, kahit ang kababaihan at kahit ang
taong kanyang minamahal. Walang gustong kumausap sa kanya sa takot na baka makulong at
maparusahan ng hari. Dahil hindi na niya matagalan ang mga ito, nagpasiya ang prinsipeng
lisanin ang kaharian.
Sa kanyang paglalakbay ay nagkaroon siya ng matinding sakit at inabot siya ng
kamatayan sa pintuan ng kaharian ng Lupaing nasa Pagitan ng Dalawang Dagat. Ang hari rito at
ang kapatid niyang si Prinsesa Datimbang ay naguluhan. Hindi nila kilala si Bantugan. Tumawag
sila ng pulong ng mga tagapayo.
Habang pinagpupulungan ng konseho ng hari kung ano ang kanilang gagawin, isang loro
ang biglang pumasok sa bulwagan at nagsabing ang nakaburol ay si Prinsipe Bantugan, ang
mabunyi at balitang Prinsipe ng Bumbaran. Pagkatapos ibalita ng loro ang tungkol kay Prinsipe
Bantugan, bumalik naman siya sa Bumbaran upang ibalita kay Haring Madali, ang kanyang
kapatid, ang pagkamatay ni Prinsipe Bantugan. Nang malaman ni Haring Madali ang nangyari
kay Prinsipe Bantugan ay nanaig ang pagmamahal niya rito at naalis ang kinikimkim niyang
inggit sa kapatid. Agad na lumipad sa langit ang hari kasama ang isang kasangguni upang bawiin
ang kaluluwa ni Prinsipe Bantugan. Samantala'y ang bangkay ni Bantugan ay dinala naman ni
Prinsesa Datimbang sa Bumbaran. Pagbalik ni Haring Madali ay pilit na isinauli ang kaluluwa ni
Bantugan sa kanyang katawan at muling nabuhay si Prinsipe Bantugan. Nagdiwang ang lahat at
bumalik ang dating mabuting pagtitinginan ng magkapatid.
Nang mabalitaan ni Haring Miskoyaw, dating kaaway ni Haring Madali, na si Bantugan
ay namatay ay dagli silang nagdala ng maraming kawal na sandatahan upang salakayin ang
Bumbaran. Nang sumalakay sina Haring Miskoyaw ay kasalukuyang nagdiriwang ang lahat
dahil sa pagkabuhay ni Prinsipe Bantugan.
ALAM MO BA?

Napakamakapangyarihan ng isang hari kaya't halos kilalanin siya bilang diyos at anuman
ang kanyang iutos, mabuti man o masama, ay dapat sundin ng kanyang mga nasasakupan.

Hindi alam ni Miskoyaw na nabuhay na muli si Bantugan kayâ nagkaroon ng


pagdiriwang. Natigil ang pagdiriwang at ang dalawang kaharian ay naglaban. Pumailanlang sa
himpapawid si Bantugan at sa pamamagitan ng kanyang kampilan ay pumatay ng maraming
kaaway. Buong tapang na lumaban si Prinsipe Bantugan ngunit nanghihina pa siya dahil
kagagaling lang niya sa kamatayan, kaya siya ay nabihag. Iginapos siya ngunit nang manumbalik
ang kanyang lakas, nilagot niya ang gapos at siya'y nakawala. Buong bangis siyang nakipaglaban
hanggang sa mapuksa ang mga kaaway.
ALAM MO BA?

Sa orihinal na epiko ay kasamang pinakasalan ni Bantugan si Prinsesa Datimbang.

Pagkatapos niyang magtagumpay sa labanang ito ay dinalaw lahat ni Prinsipe Bantugan ang
mga kahariang karatig ng Bumbaran at pinakasalan ang lahat ng prinsesang kanyang katipan at
umuwi sila sa Bumbaran. Buong galak siyang sinalubong ni Haring Madali at nag-utos ng
panibagong pagdiriwang. Ang buhay ni Prinsipe Bantugan ay naging maligaya hanggang sa
kanyang mga huling sandali.

You might also like