Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

Kalsada ng Karimlan

“Sino ‘yan?” sigaw ng lalaki habang sinusuyod nang walang direksyon ang lagusang
imposibleng malagpasan. Nagpapatakan ang kaniyang mga luha habang saksi ang kalsada sa
sipyahong kaniyang dala-dala. Lungkot ang patuloy na nagungutiltil sa kaniyang isipan at tila
ba’y nilalamon maging ang kaniyang puso. Hindi mawari kung anong nangyari sapagkat
maging siya ay hindi kilala ang sarili.

Isa sa pinakamasarap na pakiramdam ay ang pagtataglay ng positibong pananaw. Normal


lamang ito sa atin lalo na’t kilala ang mga Pilipino bilang pinakamasasayang tao sa mundo. Tawa
rito, tawa roon. Halakhak dito, halakhak don. Katawan ma’y nakahandusay na, makatawa lang
nang bonggang – bonga.

Saksi ang sarili sa napakaraming bagyo, niyanig ng sandamakmak na lindol, pinaiyak ng


libo–libong sunog at higit sa lahat, pinadapa ng pandemyang walang kasiguraduhan kung kailan
magwawakas. Lahat nang ‘yan ay nalampasan, naungusan, at nairaos kasama ang isang di-
makabasag pinggang tunog.

Ha.Ha.Ha.

Ngunit ang tanong, tama bang sa lahat ng problema’y pagiging positibo ang puna? Lalo
na sa mga oras na pakiramdam mo’y nag-iisa ka, na wala kang karamay, na lahat nalang ay
kasalanan mo, at higit sa lahat, ang pasaning napakabigat.

Oo, mabigat. Sobrang bigat. Mga katagang “ayos lang yan, malalampasan mo rin iyan”,
“yakang-yaka mo ‘yan, ikaw pa ba”, “ay basic lang yan”. Masakit. Mahapdi. Nakadudurog.
Walang dulot.

Hikbi. Iyak. Hagulgol

Dito na lamang idinadaan ang lahat. Inilalatag ng mga taong nakararanas ng toxic
positivity. Ayon sa psychiatrist na si Jerome Go, ito ang konsepto kung saan panay positibong
emosyon na lamang ang nararanasan ng mga tao sa puntong naisasantabi na ang mga negatibong
emosyong kinakailangan din namang maramdaman. Kabilang dito ang pagiging masiyahin at
palaging puno ng pag-asa.

Gayunpaman ay wala ring problema kung hahayaan nating makaramdam ng lungkot at


takot ang mga sariling nakaranas nang magpulot ng karayom sa talahiban.

Hakbang. Lakad. Takbo

Sa oras ng problema hindi masama ang pagiging masaya ngunit huwag isantabi ang mga
emosyong sangkap sa pag-unlad ng sarili. Ang kalungkutan. Kung wala ang kalungkutan ay
walang magpapatunay sa kung sino at anong klaseng tao tayo. Walang sesemento sa mga
karanasang hinulma ng panahon at higit sa lahat, sa tulong ng mga negatibong pananaw ay hindi
tayo aasa sa mga sambitlang dalamhati lang ang dala.

Hindi lingid sa ating kaalaman na normal lamang ang pagiging masaya ngunit
nakasasama ang sobra. Sa panahong naglalakbay ang tao sa kalsadang karimlan ang namumuno,
kinakailangan niya ng malalapitan, masasandalan, tanglaw na maghahatid sa kaniya patungo sa
dulo ng napakahabang lagusan at hindi ang mga salitang paniguradong sipyaho ang
kahahantungan.

Nakayuko ang lalaki nang may biglang nag-abot ng kamay sa kaniya. Nanlaki ang kaniyang
mga mata sa nakita sapagkat sa wakas, ang paglalakbay na ito’y magwawakas.

“Ako ay ikaw, halika ililigtas kita”.

You might also like