Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 3

Kemistri, Kimika o Kapnayan: Ano Ba Talaga?

ni Gerardo C. Janairo, Ph.D.

Kemistri, Kimiki o Kapnayan, ano ba talaga? Kami pong mga guro na nagtuturo ng asignaturang ito
sa sariling wika ay nalilito rin. Kung ako ang tatanungin, mas pabor akong gamitin ang kimika dahil
ito ang aking nakagawian. Meron din nagtatanong kung dapat nga bang gamitin Filipino sa
pagtuturo ng kimika? Sa aking karanasan, ang sgaot ko diyan ay puwedeng-puwede. Subalit
maymga suliranin na dapat malutas at balakid na dapat maisaayos.

Pahintulutan ninyo akong isalaysay ang aking karanasan sa pagtuturo ng kimika sa Filipino ditto sa
Pamantasang De La Salle. Karaniwang ang wikang ginagamit ko sa loob ng silid aralan ay Ingles.
Lalo na kapag ang mga estudyante na aking tinuturuan ay kinukuha ang naturang asignatura sa unang
pagkakataon. Subalit may mga paksa na dahil sa talagang may kahirapang unawain ay kakaunting
mag-aaral lamang ang nakakaintindi. Kaya minsan ang aking ginagawa pagsapit naming sa ganitong
mga uri ng paksa ay nagsisimula na akong magturo sa Filipino. Paniwalaan nyo man o hindi, tunay
na naiintindihan nila ang mga konsepto na may kahirapang ituro at unawaian. Nasusukat ko ang
lalim ng kanilang natutuhan sa pamamagitan ng mga pagsusulit. Naihahambing ko ito sa iba pa
nilang pagsusulit na ang pagtuturo ko ay sa wikang Ingles at tunay kong masasabi na may malaking
kaibahan sa kanilang mga marka. At dahil dito ay nahimok akong gamiting muli ang Filipino sa
grupo ng mga mag-aaral na bumagsak o ang tinatawag nating “Repeaters’ Class”. Sa grupong ito,
80% ng aking panayam ay sa Filipino at ang kinalabasan ay masasabi kong nakakapagpagaan ng
kalooban ng isang guro. Karamihan ay mataas ang nakuhang marka. Subalit ang higit na kapuna-
puna ay ang kakaibang sigla na dulot nito sa klase. Ang mga mag-aaral ay aktibong sumasalin sa mga
pagsagot at pagsasalaysay. Ang hindi ko lamang alam ay kung ang mga naturang obserbasyon ay
puwede kong iugnay sa wikang aking ginamit. Subalit ako’y lubhang natutuksong sabihing “marahil
nga”. Nais kong linawin na sa kabila ng paggamit ko ng Filipino bilang midyum sa pagtuturo, ang
pagsusulit ng mga mag-aaral ay sa wikang Ingles pa rin. At ang mga teknikal o siyentipikong mga
salita na mahirap isalin sa Filipino ay hinayaan ko lamang gamitin nang walang salin. At dahil nga
dito sa aking munting tagumpay, ako ay naengganyong palawakin ang paggamit ng Filipino sa
pagtuturo ng kimika.

Sa isang pagdiriwang ng “Philippine National Chemistry Week” na kinasangkutan ng limang


siyentipikong organisayon, at isa rito ay ang “Organic Chemistry Teacher’s Association” o OCTA
(ako ang pangulo nito), idinaos ang isang seminar sa Filipino. At ang pamagat ay ang “Makulay na
Daigdig ng Kimika Organika”. Sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng isang seminar para sa
pagdiriwang ng Pambansang Linggo ng Kimika sa Filipino ang gamit. Marami ang bilang ng mga
guro, mag-aaral, at mga kimiko sa industriya na nagsidalo sa seminar na ito. At ang payak na
kadahilanan ay nais lang nilang malaman kung kaya bang isalin sa Filipino ang sang napakateknikal
at mahirap na paksa. At kung kaya man, maiintindihan ba naman kaya ng mga karaniwang kimiko?
Maipagmamalaki ng OCTA na ang mga panayam na ibinigay ay maayos na naisalin sa Filipino. Ang
mga nagsidalo, sa aking palagay, ay naintindihan naman ang konsepto na nais naming iparating. Ang
pahayag kong ito ay batay na rin sa mga napuna kong masiglang pagtanggap nila sa panayam, sa
reaksyon sa kanilang mukha habang nakikinig, at sa mga papuri at komentaryo na ibinigay nila
matapos ang seminar.

Subalit ang lahat ng aking karanasan dito ay nagmula sa aking mga mata sa mga suliraning nakatago.
Tayong mga gumagamit ng Filipino sa mass media at pamantasan ay mahahati sa tatlong pangkat.
Ang una ay ang mga purista, ikalawa naman ang mga makagitna at ang ikatlo ay ang mga liberal.
Ang pangkat ng mga purista ay naglalaron na maisalin sa wikang Filipino ang lahat ng mga salitang
banyagang walang salin. Kung hindi man mag-imbento, ay gagamit tayo ng mga dati na nating salita
na may ibang kahulugan at siya nating iuukol sa mga banyagang salitang walang salin. Ang
kalalabasan ay ang pagkalito ng mga mambabasa at mga tagapakinig. Halimbawa ay ang salitang
“chemical bond”. Ito ay walang salin subalit ang pilit na salin ng mga purista ay bigkis kapnayan. Ang
isa pang halimbawa ay ang katagang Amphoteric at ang pilit na salin ay bakla. Kapag ganito ang
pamamaraan na ating gagamitin, ito magpapaantala sa proseso ng pagtanggap ng sambayanan sa ating
sariling wila. Ang isa pang pangkat ay ang tinatawag nating mga liberal. Ang mga ito ay may
layuning isafilipino ang mga salitang banyaga, may salin man o wala, para sa kaluwagan o
kaginhawahan ng mga gumagamit. Ako ay hindi sang-ayon sa ganitong sistema dahil masyadong
nakukurta ang talasalitaang Filipino. Marami sa mga liberal ang nagsasabi na ito ay isang uri ng
pagpapayaman n gating talasalitaan. Ngunit paano yayaman an gating talasalitaan kung ang mga
salitang kinuha natin ay huwad? Halimbawa ay ang mga salitang Ingles na lecture at spelling na may
maluwag na saling lektyur at ispeling. Ang tanong ko ay bakit hindi antin gamitin ang salitang
panayam at pagbaybay na madalas din nating gamitin? Ang mga nagsasabi rin na walang wika na
hindi nanghiram ng salita sa ibang wika ay may tatlong kadahilanan. Ang una ay kung ang salitang
hihiramin ay wala o hindi umiiral sa kasakuluyang wikang ginagamit. Ang ikalawa ay kunga ng mga
wika ay magkakamag-anak, magkakaroon ito ng malayang palitan ng mga salita. At ang ikatlo ay
sanhin ng pisikal na pananakop. Dahil sa pananakop, hindi lamang wika ang nagkakahiraman, pati
na rin ang kultura at kaugalian ay nagbabago. Ano naman kaya ang kadahilanan at hihiram tayo ng
salitang meron na tayo sa ibang wika?

Sa aking palagay ang makagitna ang siyang katwiran sa lahat. Sila ay hindi humihiram sa lahat. Sila
ay hindi humihiram ng salita na meron na tayo. Hindi rin sila gumagawa ng mga pilit na salin na
lumalabas na katawa-tawa. At kung sila man ay humiram, isinasaalang-alang nila na ito ay
maiintindihan ng mga gumagamit. Ang pangkat na ito ang sumasagad sa gamit ng ating talasalitaan,
na sa aking palagay ay nakakabuti naman sa ating pambansang wika.

Ang pagkakahati ng mga gumagamit ng wikang Filipino sa tatlong pangkat ay isang malaking
suliranin. Ito ay sa kadahilanang hindi mapag-isa ng mga siyentipiko ang mga salitang ginagamit sa
pagtuturo ng kimika. At ito ang nagiging balakid sa pag-unlad ng wika. Halimbawa, pagsulat ng
isang aklat sa Filipino, kung tayo ay magkakanya-kanya at hindi pangkalahatan ang gagamiting mga
siyentipikong salita, kalituhan at kaguluhan lamang ang idudulot nito. Kaya ang aking mungkahi ay
dapat magkaroon ng isang pambansang komisyon na siyang mag-aaral at maglalatag ng gabay para
mapag-isa ang mga siyentipikong salita. Mabibigyan din ng komisyon ng linaw ang maraming salita
natin na hindi tiyak ang kahulugan. Halimbawa ay ano ba ang kaibahan ng salitang tunaw at lusaw?
O ang salitang nagniningning at kumukutitap? Ang mga salitang ito ay puwede naming gamitin sa
pagtuturo ng kimika subalit hindi kami nakakasiguro kung wasto ang aming gamit.

Mayroon ding mga bumabatikos sa paggamit ng Filipino. Ang sabi ng mga kritiko ay ating pinapatay
ang kakayahan ng mga Pilipino na magsalita ng Ingles. Ang sagot diyan ay hindi naman.
Pinalalawak lamang natin an gating kaalaman na magsalita ng Filipino.
Mayroon ding gumawa ng pag-aaral sa paggamit ng Filipino sa pagtuturo sa kimika. Ang kanyang
ginamit na mag-aaral ay buhat sa Katagalugan at Mindanao. Inihambing niya ito sa isang grupo ng
klase sa Ingles ang gamit, At ang kanyang konklusyon o wakas ng kanyang pag-aaral, wala daw
pinagkaiba ang paggawa ng mga mag-aaral Ingles man o Filipino ang gamit. Ako, bilang isang guro,
ay nagdududa sa pamamaraan ng kanyang pag-aaral kaya ganoon ang nakuha niyang resulta.

At bilang pangwakas, nais kong himukin kayong lahat na itaguyod natin ang wikang pambansa.
Magkaisa tayo sa paggamit nito at iwasan ang alitan. May isa akong kaibigang Cebuano na nagsabing
kaya ako masigasig itaguyod ang Filipino ay dahil sa Tagalog ang pinakakatawan nito. At ang tanong
niya sa akin ay kung ganoon din kaya ako kung sakali at Cebuano ang naging Filipino. Ang sagot ko
ay kahit na huni ng ibon ang napili nila bilang pambansang wika, basta ito ay buhat sa Pilipinas, at
para sa Pilipinas, pag-aaralan ko ito, itataguyod at mamahalin.

You might also like