Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 19

3.

Aralin 1 – Batayang Kaalaman sa Pananaliksik

Basahin mo at unawain:

Sa mga aklat at babasahin may iba’t ibang pagpapakahulugan ang mga awtor sa pananaliksik. Tuntunin mo ang iba’t ibang kahulugan ng
mga eksperto sa pananaliksik kung paano nila binigyan ng kahulugan ang pananaliksik:

A. Kahulugan ng Pananaliksik Batay sa Iba’t ibang Awtor

1. Ayon kay GOOD (1963) ang pananaliksik ay isang maingat, kritikal , disiplinadong pagsisiyasat sa pamamagitan ng iba’t ibang
pamamaraan o teknik batay sa kalikasan o kalagayan ng natukoy na suliranin tungo sa paglilinaw o pagbibigay kasagutan.

2. Binigyang kahulugan naman ni AQUINO (1974) na ang pananaliksik ay isang sistematikong paghahanap sa mga mahahalagang
impormasyon hinggil sa isang tiyak na paksa o suliranin.

3. Sinabi nina MANUEL AT MEDEL (1976) na ang pananaliksik ay isang proseso ng pangangalap ng mga datos o impormasyon upang
malutas ang isang partikular na suliranin sa isang siyentipikong pamamaraan.

4. Hango naman sa kahulugang ibinigay ni PAREL (1966) ay halos kahawig ang pagpapakahulugan nito sa pananaliksik. Ito isang
sistematikong pag-aaral o imbestigasyon ng isang bagay sa layuning masagot ang mga katanungan sa nasabing pananaliksik.

5. Binigyang kahulugan naman nina E. TRECE AT J.W. TRECE (1973) na ang pananaliksik ay isang pagtatangka upang makakuha ng mga
solusyon sa mga suliranin. Idinagdag pa nila na ito ay isang pangangalap ng mga datos sa isang kontroladong sitwasyon para sa layunin ng
prediksyon at eksplanasyon.

Bilang paglalagom sa mga ibinigay na kahulugan, ang pananaliksik ay isang pag-aaral hinggil sa mga suliraning nais bigyan ng linaw at
pagpapaliwanag.
3.1. bahagi ng aralin

A. Layunin ng Pananaliksik

Ilan sa mga naitala nina CALDERON AT GONZALES (1993) mga layunin ng isang pananaliksik:

1. Upang makadiskubre ng mga bagong kaalaman hinggil sa mga batid ng penomena.

2. Upang makakita ng mga sagot sa mga suliraning hindi pa ganap na nalulutas ng mga umiiral na

metodo at impormasyon.

3. Mapagbuti ang mga umiiral na teknik at makadebelop ng mga bagong instrumento o produkto.

4. Makatuklas ng hindi pa nakikilalang substances at elements.

5. Upang maunawaan ang kalikasan ng mga dati nang kilalang substances at elements.

6. Makalikha ng mga batayan ng pagpapasya sa kalakalan, industriya, edukasyon, pamahalaan at iba

pang larangan.
3.2. bahagi ng aralin

A. Katangian ng Pananaliksik

1. Sistematiko. May sinusunod itong proseso o magkakasunod na mga hakbang tungo sa pagtuklas ng katotohanan,solusyon ng suliranin, o
ano pa mang nilalayon sa pananaliksik.

2. Kontrolado. Lahat ng mga baryabol na sinusuri ay kailangang mapanatiling konstant. Sa madaling salita ,hindi mo dapat baguhin ,
anomang pagbabagong magaganap sa asignatura na pinag-aaralan ay maiuugnay sa eksperimental na baryabol. Ito ay kailangan lalo na sa
mga eksperimental na pananaliksik.

3. Empirikal. Kailangan ang mga pamamaraang ginamit ng mananaliksik ay katanggap-tanggap sa pamamagitan ng mga ilalahad na mga
datos na nakalap.

4. Mapanuri. Ang mga datos na nakalap ay kailangang suriin ng kritikal upang hindi magkamali ang mananaliksik sa paglalapat ng
interpretasyon sa mga datos na kanyang nakalap.

5. Obhetibo, Lohikal at Walang Pagkiling. Lahat ng tuklas o -ndings at mga kongklusyon ay kailangang lohikal na nakabatay sa mga
empirikal na datos at walang pagtatangkang ginawa upang baguhin ang resulta ng pananaliksik. Walang puwang dito ang mga pansariling
pagkiling.

6. Gumagamit ng mga Kwantetibo at Estadistikal na Datos. Ang mga datos ay dapat mailahad sa pamamaraang numerikal at masuri sa
pamamagitan ng mga estadistikal na tritment upang matukoy ang kanilang gamit at kahalagahan.

7. Orihinal na Akda. Maliban sa historikal na pananaliksik, ang mga datos na nakalap ng mga mananaliksik ay sarili niyang tuklas at hindi
mula sa panulat, tuklas o lathala ng ibang mananaliksik.

8. Isang Akyureyt na Imbestigasyon, Obserbasyon at Deskripsyon. Bawat aktibidad na pananaliksik ay kailangang maisagawa ng tumpak o
akyureyt nang ang tuklas ay humantong sa pormulasyon ng mga siyentipikong paglalahat.

9. Matiyaga at Hindi Minamadali. Ang pananaliksik na minadali at ginawa nang walang pag-iingat ay kadalasang humahantong sa mga hindi
matitibay na kongklusyon at paglalahat.

10. Pinagsisikapan. Walang pananaliksik na naisagawa nang walang pagsisikap. Kailangan itong paglaanan ng panahon, talino at sipag
upang maging matagumpay.

11. Nangangailangan ng Tapang. Kailangan ng tapang ng isang mananaliksik sapagkat maaaring makaranas siya ng hazards at discomforts
sa kanyang pananaliksik.

12. Maingat na Pagtatala at Pag-uulat. Lahat ng datos na nakalap ay kailangang maingat na maitala. Ang maliit na pagkakamali ay maaaring
makaapekto sa mga tuklas ng pananaliksik.
3.3. bahagi ng aralin

A. Katangiang Dapat Taglayin ng Isang Mananaliksik.

1. Masipag. Kailangan niyang maging masipag sa pangangalap ng mga datos at pagsisiyasat sa lahat ng anggulo at panig na pinapaksa ng
pananaliksik. Hindi maaaring doktorin ng mananaliksik ang resulta ng kanyang pananaliksik.

2. Matiyaga. Kakambal ng sipag ang tiyaga. Kailangang maging pasensyoso ang isang mananaliksik sa pangangalap ng datos.

3. Maingat. Sa pagpili at paghimay-himay ng mga makabuluhang datos, kailangang maging maingat ang isang mananaliksik. Lalo na sa
dokumentasyon o sa pagkilala sa pinagkunan ng datos at pinagmulan ng ano mang ideya, ang pag-iingat ay kailangan upang maging kapani-
paniwala ang resulta ng pananaliksik.

4. Sistematiko. Kailangang sundin ng isang mananaliksik ang mga hakbang nito ayon sa pagkakasunud-sunod.

5. Kritikal/Mapanuri. Ang pananaliksik ay isang iskolarling gawain. Pinaglalaanan ito ng buhos ng isip. Samakatwid, kailangang maging
kritikal o mapanuri ang isang mananaliksik sa pag-eeksamen ng mga impormasyon, datos, ideya o opinyon upang matukoy kung ang mga ito’y
valid, mapagkakatiwalaan, lohikal at may batayan.
6. Aralin 2 - Plagyarismo

Basahin mo at unawain:

Ang plagyarismo ay pangongopya ng datos, mga ideya, mga pangungusap, buod at balangkas ng isang akda, programa, himig at iba pa,
na hindi kinikilala ang pinagmulan o kinopyahan. Ito ay isang uri ng pagnanakaw at pagsisinungaling dahil inaaangkin mo ang hindi iyo
(Atienza,et al., 1996).

Isa itong seryosong paglabag sa Republic Act No.8293 (Intellectual Property Code of the Philippines).
6.1. bahagi ng aralin

A. Iba’t Ibang Paraan ng Plagyarismo (Atienza, et al.1996)

1. Kung ginamit ang orihinal na termino o mga salita, hindi ipinaloob sa panipi o hindi itinala ang pinagkunan.

2. Kung hiniram ang ideya o mga pangungusap at binago ang pagkakapahayag, ngunit hindi kinilala ang pinagmulan.

3. Kung namulot ng mga ideya o mga pangungusap mula sa iba’t ibang akda at pinagtagni-tagni ang mga ito ngunit hindi kinilala ang mga
pinagkunan.

4. Kung isinalin ang mga termino, ideya, pahayag, at dahil nasa ibang wika na ay inangkin na at hindi itinala na salin ang mga ito.

5. Kung ninanakaw ang bahagi ng isang disenyo, balangkas, himig at hindi kinilala ang pinagkunan ng “inspirasyon”.

6. Kung ginamit ng isang mananaliksik ang mga datos na pinaghirapan ng iba at pinalabas niyang siya ang nagkalap ng mga datos na ito.
6.2. bahagi ng aralin

A. Parusang Maaaring Ipataw sa Isang Plagyarista

1. Pinakamagaang ng parusa na para sa mga estudyante na mabigyan ng 5.0 (lagpak na marka) para sa kurso.

2. Kung mapatunayan na matindi ang pagnanakaw na ginawa, maaaring patalsikin ang estudyante sa unibersidad.

3. Kahit nakagradweyt na ang studyante at ilang taon na ang nakalipas, ngunit natuklasan na ang kanyang pananaliksik ay kinopya, maaari
siyang tanggalan ng digri.

4. Maaari ring ihabla ang sino mang nagongopya batay sa Intellectual Property Rights Law at maaaring sentensyahan ng multa o
pagkabilanggo.
6.3. bahagi ng aralin

Sa pananaliksik ay may sinusunod na etika. Katulad ito ng ano mang disiplina na may istriktong code of ethics na ipinatutupad. Sa etika ng
pananaliksik, itinuturing na napakalaking kasalanan ang plagyarismo. Dahil sa kabigatan ng kasalanang ito, napatalsik ang isang dekano sa
isang unibersidad, natanggalan ng digri ang isang nagtapos na ng doktorado, nawalan ng kredibilidad ang isang tanyag na iskolar, hinabla sa
korte ang prodyuser ng isang programa sa telebisyon (Atienza, et al.,1996).
6.4. bahagi ng aralin

Walang magtitiwala sa isang magnanakaw at sinungaling. Kung matuklasan na ang isang mananaliksik ay nangopya at hindi kumilala sa
kanyang pinagkunan, sapat na ito upang mabura ang lahat ng kanyang pinagpaguran. Hindi na kapani-paniwala ang kanyang saliksik at hindi
mapagkakatiwalaan pa ang kanyang gawain. Parang sinisira na rin nya ang kanyang pangalan at kinabukasan… Alalahaning kung madali para
sa sinumang estudyante ang mangopya, magiging madali rin para sa kanya ang gumawa ng korapsyon kung sya ay nagtatrabaho na (Atienza,
et al.,1996).
8. Aralin 3- Pagpili ng Paksa ng Pananaliksik at Pagpili ng Batis ng Impormasyon

Basahin mo at unawain:

A. Pagpili ng Paksa ng Pananaliksik

Dakila na ang pananaliksik sa sarili nitong kahulugan at kabuluhan, ngunit lalong mailalatag ang halaga ng pananaliksik kung
isasaalang-alang ang pangangailangan ng lipunang kinalulugaran nito. Sa Pilipinas, isang lipunang dumanas ng mahabang kasaysayan ng
pananakop at ngayon ay dinadaluyong ng globalisasyon, nanatiling bansot at nakaasa ang mga siyentipikong pananaliksik ng iba’t ibang
larangan sa mga banyagang kaalaman. Nananatiling hamon para sa mga Pilipinong iskolar at mananaliksik ang pagbuo ng kalinangan sa
pananaliksik na nagmumula at ginagabayan ng sariling karanasan, umuugat sa aral ng kasaysayan, at nagsisilbi para sa sambayanan. Sa
ganitong konteksto, Malaki ang pangangailangang paunlarin ang maka-Pilipinong pananaliksik na may mga katangiang naiiba sa tradisyonal
na pananaliksik mula sa Kanluran.
8.1. bahagi ng aralin

A. Pagpili ng Batis ng Impormasyon

Ang akademikong pagsulat ay kinakailangang nakabatay sa malalim at malawak na batis ng impormasyon. Tunghayan mo ang mga gabay
kung paano ka mamimili ng sanggunian bilang mananaliksik:

1. Tiyaking mo kung ito ay akademikong sanggunian. Obhektibo ang mga akademikong sanggunian at may layuning sipatin ang isang paksa
sa patas na paraan nang hindi isinasawalang bahala ang mga alternatibong pagsusuri.

2. Tukuyin mo ang uri ng sanggunian. Ang mag artikulo sa journal , aklat, at edukasyonal na ulat ay mga karaniwang uri ng akademikong
sanggunian. Maaaring ito ay nakalimbag o online. Ang mga akdang ito, nalimbag man o online, ay dumadaan sa editoryal na proseso bago
mailathala.

3. Alamin mo kung ito ay primarya o sekondaryang sanggunian. Ang mga primaryang sanggunian ay mahalaga sapagkat nagpapakita ito ng
mga direkta at orihinal na ebidensya .Maaari ring gamitin ang mga sekondaryang sanggunian upang makapagpayaman sa pagsulat ng
artikulo.
8.2. bahagi ng aralin

Katangian ng maka-Pilipinong pananaliksik ( Sicat- De Laza, 2016)

1. Ang maka-Pilipinong pananaliksik ay gumagamit ng wikang Filipino at/o mga katutubong wika sa Pilipinas at tumatalakay sa mga
paksang mas malapit sa puso at isip ng mga mamamayan.

2. Pangunahing isinasaalang-alang sa maka-Pilipinong pananaliksik ang pagpili ng paksang naaayon sa interes at kapakipakinabang sa
sambayanang Pilipino.

3. Komunidad ang laboratoryo ng maka-Pilipinong pananaliksik.

Mula sa gabay sa pamimili ng paksa para sa maka-Pilipinong pananaliksik, narito naman ang ilang batayang kaalaman na dapat isaalang
alang sa wastong pamimili at paglilimita ng paksa. Bago mo tuluyang buuin ang tanong ng pananaliksik na gagabay sa buong pag-aaral,
makabubuting sagutin mo muna ang mga sumusunod na tanong:

1. May sapat bang sanggunian na pagbabatayan ang napili mong paksa?

2. Paano mo lilimitahan o paliliitin ang isang paksa na malawak ang saklaw?

3. Makapag-aambag ba ako ng sariling tuklas at bagong kaalaman sa pipiliing paksa?

4. Gagamit ba ng sistematiko at siyentipikong paraan upang masagot ang tanong?


11. Aralin 4- Pagbabasa, Pagsulat ng Paraphrase, Abstrak at Rebyu, Presentasyon at Publikasyon
ng Pananaliksik at Akademikong Publikasyon

Basahin mo at unawain:

A. Pagbasa, Pagsulat ng Paraphrase


Paraphrase, Abstrak at Rebyu

Ang kritikal na pagbabasa ay napakahalagang aspekto o kasanayan sa pananaliksik. May iba’t ibang kasanayan sa pagbasa na dapat
mong paunlarin bilang isang mananaliksik:

1. Ang paraphrase ay tumutukoy sa muling pagpapahayag ng ideya ng may-akda sa ibang pamamaraan at pananalita upang padaliin at
palinawin ito para sa mga mambabasa. Mahalaga ito sa pananaliksik upang matukoy ang pinagmulan ng isang ideya o kaisipan at ipahayag
ito sa pamamaraan na makatutulong sa pananaliksik.

2. Ang abstrak ay isang buod ng pananaliksik, tesis, o kaya ay tala ng isang komperensya o anumang pag-aaral sa isang tiyak na disiplina
o larangan. Ito ay nakatutulong upang mabilis na makita ng isang mambabasa ang kabuuang latag ng pananaliksik, kabilang ang mga layunin
at kinalabasan nito.

3. Ang rebyu ay isang uri ng pampanitikang kritisismo na ang layunin ay suriin ang isang aklat batay sa nilalaman, estilo, at anyo ng
pagkakasulat nito. Ito ay naglalaman din ng pagtataya o ebalwasyon ng akda batay sa personal na pananaw ng mambabasa na nagbibigay
ng rebyu.
11.1. bahagi ng aralin

A. Presentasyon at Publikasyon ng Pananaliksik

Hindi sa mismong pagsulat nagtatapos ang proseso ng pananaliksik. Kasing–halaga ng pagbuo nito ang pagbabahagi sa pamamagitan
ng paglalathala o presentasyon. Hindi kumpleto ang proseso ng pananaliksik kung wala ito. Ito ay may dakilang layunin na pataasin ang antas
ng kaalaman at kamalayan ng mga taong pinag-uukulan ng pananaliksik. Mahalaga ang publikasyon at presentasyon ng pananaliksik upang
ibalik sa mga mamamayan ang sistematikong kaalaman ang nakuha mula sa kanila.

Ayon kay Neal-Barnett (2002), ang susi sa tagumpay ng pagkakalathala ng isang pananaliksik ay ang pagkakaroon ng dakilang bisyon o
layunin ng mga mananaliksik kung bakit siya nagsusulat at nananaliksik. May mas mabigat at dakilang tunguhin ang publikasyon ng
pananaliksik na kailangang panghawakan ng isang mananaliksik upang makamit ang mga misyon kung bakit siya nananaliksik. Lagpas pa sa
mga praktikal na kapakinabangan mula sa paglalathala ng pananaliksik, mas mahalagang laging balikan ang mga makatao at makalipunang
tunguhin nito.
11.2. bahagi ng aralin

A. Akademikong Publikasyon

Tumutukoy ito sa proseso ng paglalathala ng buod ng pananaliksik, pinaikling bersyon. o isang bahagi nito sa pahayagan o pamahayagang
pangkampus,conference proceeding, monograph, aklat o sa mga refereed research journal. Tulad sa presentasyon ng pananaliksik nilalayon
nito na mahikayat ang lahat ng mananaliksik na maglathala ng mga pag-aaral sa iba’t ibang paraan upang maipalaganap o maibahagi ang
resulta ng pag-aaral. Sa akademikong publikasyon ang pananaliksik ay kailangang dumaan sa Peer Review. Ang Peer review ay isang
proseso kung saan ang manuskrito o artikulo ay dumaan sa screening o serye ng ebalwasyon bago mailimbag sa mga jornal. Ang
pinakatanggap at balidong paraan sa akademikong publikasyon ay mapasama ang pananaliksik sa isang refereed research journal sapagkat
ito ay dumadaan sa tinatawag na peer review. Ang peer review ay isang proseso ng paglalathala ng journal.
11.3. bahagi ng aralin

Tunghayan mo ang mga hakbang sa paglalathala ng journal

1. Pumili ng angkop na journal para sa iyong pananaliksik.

2. Basahin ang mga pamantayan ng napiling journal at magkaroon ng mga back-issue.

3. Rebisahin ang pananaliksik batay sa pamantayan ng journal.

4. Ipabasa at iparebyu ang artikulo sa iba at muling rebisahin.

5. Ipasa sa journal ang pananaliksik at antayin ang feedback.

Iba’t iba ang uri at pamantayan ng journal ayon sa larangan o disiplina at mahalagang pumili ng angkop na journal para sa isang
pananaliksik. Kailangang alamin ang ilang batayang impormasyon tungkol sa journal, lalong-lalo na ang politikal at teoretikal na pagkiling nito.
12. Aralin 5- MGA BAHAGI NG PAMANAHONG PAPEL

A. Mga Pahinang Preliminari o Front Matters

1. Fly leaf 1 ang pinakaunang pahina ng pamanahong-papel. Walang nakasulat na kahit ano sa pahinang ito. Sa madaling sabi, blanko ito.

2. Pamagating Pahina ang tawag sa pahinang nagpapakilala sa pamagat ng pamanahong-papel. Nakasaad din dito kung kanino iniharap o
ipinasa ang papel, kung saang asignatura ito pangangailangan, kung sino ang gumawa at panahon ng kumplesyon. Kung titingnan sa
malayuan, kailangang magmukhang inverted pyramid ang pagkakaayos ng mga impormasyong nasa pahinang ito.

3. Dahon ng Pagpapatibay ang tawag sa pahinang kumukumpirma sa pagkakapasa ng mananaliksik at pagkakatanggap ng guro ng
pamanahong-papel.

4. Sa pahina ng Pasasalamat o Pagkilala tinutukoy ng mananaliksik ang mga indibidual, pangkat, tanggapan o institusyong maaaring
nakatulong sa pagsulat ng pamanahong- papel at kung gayo’y nararapat pasalamatan o kilalanin.

5. Sa Talaan ng Nilalaman nakaayos ang pagbabalangkas ng mga bahagi at nilalaman ng pamanahong-papel at nakatala ang kaukulang
bilang ng pahina kung saan matatagpuan ang bawat isa.

6. Sa Talaan ng mga Talahanayan at Grap nakatala ang pamagat ng bawat talahanayan at/o grap na nasa loob ng pamanahong-papel at
bilang ng pahina kung saan matatagpuan ang bawat isa.

7. Ang Fly Leaf 2 ay isa na namang blankong pahina bago ang katawan ng pamanahong-papel.

Hindi nilalagyan ng bilang ng pahina o pagination ang mga pahinang preliminari. May mga pamanahong-papel din ang kakikitaan ng Pag-aalay
o Dedikasyon na isang opsyonal na pahina.
12.1. bahagi ng aralin

B. Kabanata 1: Ang Suliranin at Kaligiran Nito

Ang kabanatang ito ay nahahati sa mga sumusunod na bahagi:

1. Ang Panimula o Introduksyon ay isang maikling talataang kinapapalooban ng pangkalahatang pagtalakay ng paksa ng pananaliksik.

2. Sa Layunin ng Pag-aaral, inilalahad ang pangkalahatang layunin o dahilan kung bakit isinasagawa ang pag-aaral. Tinutukoy rin dito ang
mga ispesipikong suliranin na nasa anyong patanong.

3. Sa Kahalagahan ng Pag-aaral, inilalahad ang signi-cance ng pagsasagawa ng pananaliksik ng paksa ng pag-aaral. Tinutukoy rito ang
maaaring maging kapakinabangan o halaga ng pag-aaral sa iba’t ibang indibiduwal, pangkat, tanggapan, institusyon, propesyon, disiplina o
larangan.

4. Sa Saklaw at Limitasyon tinutukoy ang simula at hangganan ng pananaliksik. Dito itinatakda ang parameter ng pananaliksik dahil
tinutukoy rito kung ano-ano ang baryabol na sakop at hindi sakop ng pag-aaral.

5. Itinatala naman sa Depinisyon ng mga Terminolohiya ang mga katawagang makailang ginamit sa pananaliksik at ang bawat isa’y
binigyan ng kahulugan. Ang pagpapakahulugan ay maaaring konseptuwal ( ibinibigay ang standard na depinisyon ng mga katawagan) o
operasyonal ( kung paano iyon ginamit sa pamanahong papel).

May mga pamanahong-papel na kakikitaan ninyo ng Conceptual o Theoretical Framework, Hypotheses at Assumptions sa Kabanata I.

B. Kabanata 2: Mga Kaugnay na Pag-aaral at Literatura

Sa kabanatang ito, tinutukoy ang mga pag-aaral at mga babasahin o literaturang kaugnay ng paksa ng pananaliksik. Kailangan ding matukoy
ng mananaliksik kung sino-sino ang mga may-akda ng naunang pag-aaral o litreratura, disenyo ng pananaliksik na ginamit, mga layunin at
mga resulta ng pag-aaral. Mahalaga ang kabanatang ito dahil ipinaalam dito ng mananaliksik ang kasalukuyang estado ng kaalaman kaugnay
ng kanyang paksa.

C. Kabanata 3: Disenyo at Paraan ng Pananaliksik

Ang kabanatang ito ay nahahati sa mga sumusunod na bahagi:

1. Sa Disenyo ng Pananaliksik nililinaw kung anong uri ng pananaliksik ang kasalukuyang pag-aaral. Para sa inyong pamanahong-papel,
iminumungkahi namin ang pinakasimple na, ang deskriptibo-analitikong isang disenyo ng pangangalap ng mga datos at impormasyon hinggil
sa mga salik o factors na kaugnay ng paksa ng pananaliksik.

2. Sa bahaging ito, tinutukoy ang mga Respondente ng sarbey, kung ilan sila at paano at bakit sila napili.

3. Sa Instrumento ng Pananaliksik, inilalarawan ang paraang ginamit ng pananaliksik sa pangangalap ng mga datos at impormasyon.
Iniisa-isa rito ang mga hakbang na kanyang ginawa at kung maaari, kung paano at bakit niya ginawa ang bawat hakbang. Sa bahaging ito,
maaaring mabanggit ang interbyu o pakikipanayam, pagko-conduct ng sarbey at pagpapasagot ng sarbey-kwestyoner sa mga respondente
bilang pinakakaraniwan at pinakamadaling paraang aplikable sa isang deskriptibo-analitikong disenyo.

4. Sa Tritment ng mga Datos inilalarawan kung anong estadistikal na paraan ang ginamit upang ang mga numerical na datos ay
mailarawan. Dahil ito’y isang pamanahong-papel lamang, hindi kailangang gumamit ng mga kompleks na estadistikal tritment. Sapat na ang
pagkuha ng porsyento o bahagdan matapos maitally ang mga kasagutan sa kwestyoner ng mga respondente.

D. Kabanata 4: Presentasyon at Interpretasyon ng mga Datos

Sa kabanatang ito inilalahad ang mga datos na nakalap ng mananaliksik sa pamamagitan ng tekswal at tabular o grapik na presentasyon. Sa
teksto, inilalahad ng mananaliksik ang kanyang analisis o pagsusuri.

E. Kabanata V; Lagom, Kongklusyon at Rekomendasyon

1. Sa Lagom, binubuod ang mga datos at impormasyong nakalap ng mananaliksik na komprehensibong tinatalakay sa kabanata 3.
2. Ang Kongklusyon ay inferences, abstraksyon, implikasyon, interpretasyon, pangkalahatang pahayag, at/o paglalahad batay sa mga datos
at impormasyong nakalap ng mananaliksik.

3. Ang Rekomendasyon ay mga mungkahing solusyon para sa mga suliraning natukoy o natuklasan sa pananaliksik.

C. Mga Panghuling Pahina

1.Ang Listahan ng mga Sanggunian ay isang kumpletong tala ng lahat ng hanguan o sorses na ginagamit ng mananaliksik sa pagsulat ng
pamanahong-papel. Tinatawag din itong Talasanggunian o Bibliyograpiya.

2.Ang Apendiks ay tinatawag ding Dahong-Dagdag. Maaaring ilagay o ipaloob dito ang mga liham, pormularyo ng ebalwasyon, transkripsyon
ng interbyu, sampol ng sarbey-kwestyoneyr, biodata ng mananaliksik, mga larawan, kliping at kung ano-ano pa.

You might also like