ss5 Aralin 9 Module - Compress

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 33

KABANATA IX

MGA TULA NI DR. JOSE RIZAL

Matapos na matalakay ang mga gawa ni Dr. Jose P. Rizal ay atin namang ibabahagi
ang mga tula ni Dr. Jose P. Rizal.

MGA LAYUNIN:

1. Analisahin ang mga mensahe ng tula ni Dr. Jose Rizal


2. Matukoy ang kaangkupan ng mga tula ni Rizal sa kasalukuyang panahon.
PANUTO SA MAG-AARAL:

Bago magtungo sa aralin ay hintayin muna ang instraksyon ng propesor/instraktor/lecturer


tungkol sa magiging daloy ng modyul. May mga paunang gawain na kailangan gawin bago
magtungo sa sa lektura. Pagkatapos ng lektura sa aralin ay mag kakaroon ng mga gawain at
maikling pagsusulit. Sa pinakahuling bahagi ay mababasa ang mga dapat tandaan o
pinakabuod ng aralin. At ang pang huli ay ang asignatura. Gawin muna ang paunang gawain
sa pahina bilang 95 bago magtungo sa aralin.

ALAMIN AT PAG-ARALAN

Ang Tanglaw ng Bayan

Salin ito ng “For La Educacion Recibe Lustre la Patria” isang tulang may walong pantig sa
bawat taludtod: Sa Kastila, inuuri itong octaves reales. Sinulat ito ni Rizal noong unang araw ng
Abril 1876, nang nasa Ateneo pa siya. Nalathala ito noong Enero 2, 1906, sa El Renacimiento,
nang kasama pa nito ang dahong Tagalog na Muling Pagsilang.
1. Ang hiningang mapagpala ng matinong edukasyon,

Ay may bisang mapang-akit, bisang laging dumadaloy,

Inang Baya’y binubusog sa biyayang mayamungmong,

Iniangat hanggang ito’y sa pedestal maituntong;

At kung paanong ang bulaklak na wari ba’y naluluo,

Ay pamuling sumisigla pag ang hangi’y sumisimoy,

Iyang tao ay ganyan din; umuunlad, sumusulong,

Edukasyon ang sa kaniya’y nagbubunsod sa pagsibol.

2. Tao’y handang tumalikod sa ginhawang pamumuhay,

Kung sa gayon yaong nasang edukasyo’y makakamtan

Edukasyong sa siyensya at sa sining ay nagluwal

Upang putong na tangaling sa taong katarungang;

Kung pa’no ngang sa taluktok ng mataas na tagaytay

Nagmumula yaong batis na malinis at malinaw,

Edukasyon ay ganyan din; lupang kaniyang panahanan

Ay lalasap ng biyaya ng payapang kabuhayan.

3. Edukasyon, pag naghari, kabataan ay lulusog,

Ang katawan at isipan ay uunlad nang maayos,

Kamalia’y masusupil, diwa niya’y mabubusog,

Sa marangal na damdaming sa kaluluwa’y humuhubog;

Tanang bisyo’y mapapawi’t sapilitang mauubos;

Sa harap ng edukasyon, kasamaa’y malulugmok,

Umaamo kahit na nga mga bansang asal-hayop;

Ang mabangis, nagbabago at bayaning nababantog.


4. At kung pa’nong iyang batis, sa pag-agos na marahan,

Naglalagas sa makahoy na bukiri’t kaparangan,

Ay may dulot na aruga at saganang pagmamahal

Sa halama’t mga damong nilalaro’t hinahagkan,

Binubusog sa kalinga ang magandang kalikasan;

Ang matinong edukasyon, kapag ito ay nakamtan,

Ang sa tao’y maglulukloksa mataas na pedesstal,

Ng mahigit pa sa gintong kapuriha’t karangalan.

5. At ang kaniyang mga, labi’y dadaluyang walang likat,

Ng tubig ng kabaitang kristal wari ang katulad,

At ang kaniyang pananalig ay titibay at tatatag,

Ang lakas ng kasamaa’y masusupil nilang ganap,

Pagsapit na sa baybayi’y nawawala’t nababasag,

At ang kaniyang halimbawa ay salaming liwanag,

Ng balanang sa paghakbang na pasulong at pataas.

6. Sa puso ng katauhang sa kasama ay nagugumon,

Edukasyon ay may tanglaw sa tunguhing gintong layon,

May panggapos sa sariling mga kamay na may lason;

Ay sagana sa biyayang edukasyon ang nag-uukol,

May pusong nag-aalab sa mainit na apoy,

Na pag-ibig sa katwirang handa silang ipagtanggol;


Ang aliw ng buhay nati’y ang mabuting edukasyon.

7. At kung pa’nong sa gitna man niyong along mararahas,

Sa gitna man niyong sigwat nagngangalit na habagat,

Ang naroong batong buhay na matayog at matatag,

Ay palalong nakatayo at di man lang natitinag,

Hanggang yaong mga alo’y maubusan ng lakas,

At sa laking pagkahapo ay maidlip yaong dagat,

Sa matinong edukasyon, pag tao ay nanghawak,

Bayan niya’y maaakay sa matatag na pag-unlad.

8. Sa sapiro’y ang dakilang paglilingkod,

Libu-libong karangalan ang sa kaniya’y ihahandog;

Hasik niyang kabaita’y mabulaklak na lulusog,

Sa dibdib ng mga anak na sa kaniya ay sumusunod,

Mamamalas ng lahat ng mga punong nagkukupkop,

Na ang bayang nananalig at sa buti’y nagtatampok,

Ay may isang hangarin lang; edukasyong maka-Diyos.

9. At kung nagsasabog ng ginntong mga sinag,

Iyang araw, kung umagang ngumingiti ang liwanag,

Kung paano ngang sa silanga’y unti-unting kumakalat,

Mga kulay na agawan sa kariktang sakdal dilag;

Pagtuturo ay ganyan din, unti-unting naghahayag,

Sa paslit pang kaisipan ng marikit na banaag,

Ng hiyas ng kabaitang mag-aakay, magtataas,


Sa bayang sinisinta sa luwalhating walang-kupas.

Matalik na Pagtutulungan ng

Relihiyon at ng Espanya

Katulad ng dapong sanay na umakyat

nang paliku-liko sa punong mataas,

yamang sila kapwa’y magandang mamalas

sa luntiang bukid at lupaing patag,

kapag lumalaking laging magkayakap,

kung ang puno nama’y kulangin ng habag,

at ang dapong iyo’y mawalan ng lingap,

ay makita ng dahong nalalagas;

ang edukasyon may katulong na tapat

niyong relihiyong kaniyang kaakibat;

at dahil sa kaniya, edukasyo’y bansag

at ‘ay’ ng sinumang magtaksil na bulag

sa relihiyong banal na may aral-pantas,

sa linis na daloy, lumalayo’t sukat.

Saka kung ang puno ng ubas na mahal,

ay mapagmamalaking lumulusog nama’t

kumpol na matamis sa atin ay alay

at pati ng tinik, buong kabutihang

ginagawaran din ng pagkaing bagay;


gayon din ang agos na lubhang malinaw,

na may makalangit na handog sa buhay

niyang edukasyong ganap at matibay,

na akay ang kaniyang maningning na ilaw,

at dahil sa kaniya’y mabango ang singaw,

at ang mga bunga’y masarap ang namnam.

Kung walang relihiyon, edukasyo’y

parang isang bangkang ang hangi’y kalaban,

na nangitngit sa pananalakay,

sa gayong kaugong na simbuyo’t sampal

na galit na hanging buong kabangisan

hanggang mailubog ng kapalaluan

sa pusod ng poot na sangkaragatan.

Kung hamog ng langit ay sa kapataga’y

nagbibigay buhay,

tagsibol na dahil sa kaniya’y nanasnaw

ang mga bulaklak na naggagandahan

at pinasisilang ang gilid ng daan,

iyang edukasyon ay gayon’din naman,

na pinalulusog sa mabuting aral

ng isang, relihiyon sa sumusubaybay,

na ang tinutungo’y madlang kabutihan

sa kaniyang paglakad na lubhang marangal;

at dahil sa buti’y bulaklak ang bagay


na isasabog ang bango saanman.

Himno ng Talisay

Koro

Mabuhay, Talisay

Matigaya’t matibay,

Laging sa unahan

Naglalakad ikaw.

Ikaw’y matagumpay

sa lahat ng bagay

Lupa’t karagatan

Talo mo, hangin man.

Mula sa Dapitan, ang baybaying lahat,

ay may kabatuha’t bundok na mataas,

iyon ang trono mong tahanang matatag!

ang kabataan ko’y doon lumilipad,

sa mga parang mong puno ng bulaklak,

at mga halamang sa bunga’y lugayak

itong diwa nami’y doon itinabas,

kaluluwa’t katawa’y magkasamang ganap. Koro


Kami’y mga batang tanghalang sumilang

ngunit may kaluluwang sariwa rin naman,

lalaking malakas kaming mamamasdan,

bukas ng umaga pagsikat ng araw,

ang kaanak nami’y maaalagaan.

Kami’y mga batang walang katakutan,

sa sigwa, sa kulog, maging sa ulan man!

Bisig nami’t mukha’y panatag at laan,

nakahandang lagi sa pakikipaglaban. Koro

Nahahalo namin pati ang buhangin;

ang kabatuhan may nalilibot namin,

ang tahanan nami’y sa bato natanim,

saan man ay abot ang sandatang kimkim.

Walang paglalaho ni gabing madilim

kahit na lumilitaw sa amin ni Tuzbel,

sa bagyo man nama’y di nangungulutding,

patay man o buhay, aming huhulihin. Koro

Ang lawag sa ami’y mga “Talisaynon,”

kaluluwa’y dakila, katawan, may sahol,

dito sa Dapita’t sa iba mang nayon,

Talisay ay walang pinapanginoon,

Lawa namin dito’y wala pang kasukol,

ang talon ng tubig, banging di manunoy,

At kung sa pagsagwan sa bangka tutukoy,


di malalampasan kung kami ang habol. Koro

Mga suliranin ng agham na ganap,

pinag-aaralan naming lahat-lahat,

apat na wika ma’y aming mabibigkas,

kaugnay ng puso’t ng isip na tapat,

mga bisig nami’y sabay sa paghawak

ng kampit, araro’t ng aming panulat,

ng pikong pambato, ng baril at itak

kasama ng mga lalaking malakas. Koro

Mabuhay, mabuhay, malagong Talisay!

Ikaw’y pinupuri naming sabay-sabay

magandang bituin, piling kayamanan

na siyang tuntunin niring kamusmusan.

Sa maraming digmang tao’y inaantay,

taong nasusupil ng mga ligamgam,

ang alaala mo’y kaniyang dupil naman,

ngalan mo sa libing, ang kapayapaan. Koro

Sa Lumalang sa akin

Bahagi ng isang tula ni Dr. Jose Rizal

(Galing sa mga “Documentos Rizalinos”)


Inaawitan ko ang Poong lumalang,

Ang Panginoon kong makapangyarihang,

Lumunas ng aking buong kalumbayan,

Yaong maawaing sa akiy nagbigay

Ng pamamahinga sa hapis kong taglay.

Ikaw, sa iyong kalakbay

Sinabi Mo; Mabuhay ka! ako naman ay nabuhay;

At ako ay binigyan Mo ng sariling kapasyahan,

At ang aking kaluluwa’y patuloy Mong inugatan,

Na katulad ng “bruhulang” ang turo’y sa Hilagaan.

Ikaw ang siyang nagtakda upang ako’y mamuhatan

Sa ama’t inang marangal at marangal na tahanan,

At ako at binigyan Mo ng sariling kayamanan,

Kung bagaman at sa palad ng pag-iingat ay kulang.

Ang Aking mga Kabata

Kapagka ang baya’y sadyang umiibig

sa kaniyang salitang kaloob ng langit

sanlang kalayaan nasa ring masapit

katulad ng ibang nasa himpapawid.

Pagkat ang salita’y isang kahatulan

sa bayan, sa nayo’t mga kaharian

at ang isang tao’y katulad, kabagay


ng alin mang likha noong kalayaan.

Ang hindi magahal sa kaniyang salita

mahigit sa hayop at malansang isda,

kaya ang marapat pagyamaning kusa

na tulad sa inang tunay na nagpala.

Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin,

sa Ingles, Kastila at salitang anghel,

sa pagka ang Poong maalam tumingin

ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.

Ang salita nati’y huwad din sa iba

na may alpabeto at sariling letra,

na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa

ang lunday sa lawa noong dakong una.

Sa Kabataang Pilipino

Sagisag: Mamukadkad ka, O, mayuming bulaklak!

Itaas ang iyong noong aliwalas

ngayon, kabataan ang aking pangarap!

ang aking talino na tanging liwanag

ay pagitawin mo, Pag-asa ng bukas.


Ikaw ay lumitaw, O katalinuhan

magiting na diwang puno sa isipan

mga puso nami’y sa iyo’y naghihintay

at dalhin mo doon sa kaitaasan.

Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw

na mga silahis ng agham at sining

mga kabataan, hayo na’t lagutin

ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan ang putong na lubhang makinang

sa gitna ng dilim ay di matitigan

maalam na kamay, may dakilang atay

sa pagdurusa mong bayang minamahal.

Ikaw na may bagwis ng pakpak na nais

kagyat na lumilipad sa tuktok ng langit

paghanapin mo ang malambing na tinig

doon sa Olimpo’y pawang nagsisikip.

Ikaw na ang himig ay lalong mairog

tulad ni Pilomel na sa luha’y gamot

at mabisang lunas sa dusa’t himutok

puso at diwang sakbibi ng lungkot.

Ikaw na ang diwa’y makapangyarihan


matigas na bato’y mabibigyang buhay

mapagbabago mo alaalang taglay

sa iyo’y nagiging walang kamatayan.

Ikaw, na may diwang iniibig ni Apeles

sa wika inamo ni Pebong kay rikit

sa isang kaputol na lonang maliit

ginuhit ang ganda at kulay ng langit.

Humayo ka ngayon, papagningasin mo

ang alab ng iyong isip at talino

maganda mong ngala’y ikalat sa mundo

at ipagsigawan ang dangal ng tao.

Araw na dakila ng ligaya’t galak

magsaya ka ngayon, mutyang Pilipinas

purihin ang bayang sa iyo’y lumingap

at siyang nag-akay sa mabuting palad

Pinatutula Ako

Iyong hinihiling, lira ay tugtugin

bagaman sira na’t laon nang naumid

ayaw nang tumipa ang nagtampong bagting

pati aking Musa ay nagtago na rin.


malungkot na nota ang nasnaw na himig

waring hinuhugot dusa at hinagpis

at ang alingawngaw ay umaaliw

sa sarili na rin puso at damdamin

kaya nga’t sa gitna niring aking hapis

yaring kaluluwa ko’y parang namamanhid.

Nagkapanahon na nga... kaipala’y, tunay

ang mga araw na matuling nagdaan

nang ako sa aking Musa’y napamahal

lagi na sa akin, ngiti’y nakalaan,

ngunit marami nang lumipas na araw

sa aking damdamin alaala’y naiwan

katulad ng saya at kaligayahan

kapag dumaan na’y may hiwagang taglay

na mga awiting animo’y lumulutang

sa aking gunitang malabo, malamlam.

Katulad ko’y binhing binunot na tanim

sa nilagakan kong Silangang lupain

pawang lahat-lahat ay kagiliw-giliw

manirahan doo’y sadyang walang maliw,

ang bayan kong ito, na lubhang marikit

sa diwa’t puso ko’y hindi mawawaglit

ibong malalaya, nangagsiawit

mulang kabundukan, lagaslas ng tubig


ang halik ng dagat sa buhangin mandin

lahat ng ito’t hindi magmamaliw.

Nang ako’y musmos pa’y aking natutuhang

masayang batiin ang sikat ng araw

habang sa diwa ko’y waring naglalatang

silakbo ng isang kumukulong bulkan.

laon ng makata, kaya’t ako nama’y

laging nagnanais na aking tawagan

sa diwa at tula, hanging nagduruyan;

“Ikalat mo lamang ang kaniyang pangalan,

angking kabantugan ay ipinaghiyawan

mataas, mababa’y, hayaang magpisan.”

Sa mga Bulaklak ng Heidelberg

Hayo kayo ay sabihing sa madilim-dilim pa

kayong sa bati ng umaga’y talulot ay bukad na

sa pampang ng ilong Neckar, sa lamig naroon siya

ang iyong piling nagmamalas na lubhang tahimik pa

ang Tagsibol doo’y hindi nagbabago’y nininilay niya.

Iyong ibalitang sa paghihip ng hangin amihan

samyong inyong talulot na inyo ring kagandahan

ang pabulong na awitin ng pagmamahal ay pang-alay


ako naman sa inyo’y may bulong ding kariringgan ng

kundiman ng pag-ibig sa sariling wika naman.

Pagdatal ng Haring araw, sa, taluktok ng bundukin

ng Koenigsthul ay matyagang sumisilaw sa paningin

nayon ay sumisigla sa liwanag na maningning

kislap mo’y pananglaw sa kagubatan at kaingin

sa sinag ng araw doon sa bayan kong maningning din.

At iulat ding nang minsa’y naglalakad-lakad

kayo’y aking pinipitas sa paligid man ng landas

sa pasigan niyong Neckar, o sa naroroong gubat

at isulit parin niinyo, ang lamang dahon ng aklat

na siya kong kinukuyom bakas ng aking lumipas.

Hatdan ninyo, hatdan ninyo, mayuming mga bulaklak

hatdan ng pag-ibig kong sa inyo’y naibulalas

kapayapaan sa bayan, ang tapat kong kahilingan

sa babae at lalaki, pananalig ko ay wagas

sadyain mo agad, o, mga tanging bulaklak

pinagyaman kong tahanang kadluan sa pagliyag.

Sa inyo namang pagsapit sa aming dalampasigan

bawat halik ko sa inyo’y doon ninyo iiwanan

ang bango ng talulot mong iniingatang yaman


sa mga pakpak na hangin, lumilibot kong kasakay

upang lagdaan ng halik ang lahat kong minamahal.

Datapwa’t kayong lahat ay magkasabay na darating

na taglay pa rin ang kulay na lagi na lamang kimkim

ngunit kapag kayo’y nalayo na sa lupain ninyong angkin

na pinagkakautangan ng buhay na inyong angkin

lahat ninyong kabanguha’y kusang pumanaw na rin

pagka’t iya’y kaluluwang langit ay di lilisanin

na di malilimot pa, ang akibat na luningning.

Isang Alaala sa aking Bayan

Kung magunita ko yaong mga araw

na unang namasid niring kabataan,

sa tabi ng pampang na kulay luntian,

ng isang dagatang may bulong na taglay;

kung magunita ko ang hingang mahinhin

niyong Favonyong sa noo ko’y hain

ang mabining simoy na tangi kong aliw,

may lamig na dulot na kagiliw-giliw;

II

Kung minamasdan ko ang liryong maputing


pinamumukadkad ng sa hanging bati,

saka, pagkaraan ng kaniyang lunggati’y

natutulog naman sa buhanging tipi;

kung sinasagap ko sa mga bulaklak

ang kanilang bangong makalango’t sukat,

na ihinihinga kapag ang liwanag

ng bukang-liwayway pangiting ninikat;

III

Nagugunita kong may kahalong lungkot

ikaw, kabataang sakbibi ng lugod,

na ang isang inang magiliwing lubos

ay siyang nagbigay ng iyong alindog.

Nagugunita ko yaong isang bayang

naging ligaya ko’t sinilangan,

sa tabi ng lawang may lamig na alay,

pugad ng lahat ng pag-ibig ko sa buhay.

IV

Ang mga paa kong kulang pa sa tatag,

sa mga gubat mo’y mayroon ding bakas,

sa mga baybaying ng ilog mong lahat

nakatamo ako ng aliw at galak;

nagdasal din ako sa iyong dambana

nang buong taimtim noong ako’y bata,

at sa iyong simoy na dungis ma’y wala,


yaring aking puso’y natigib ng tuwa.

Kita ko ang Diyos sa aking kalakhan

ng mga gubat mong nangagtatandaan;

kailanma’y di ko natikman minsan man

ang pait ng palad sa iyong kandungan;

samantala; iyang bughaw na langit mong

aking minamalas, minsan ma’y di ako

kinulang ng lingap na galing sa iyo’t

sa katalagha’y nukal ang aliw ko.

VI

Kamusmusang mura, bayang kong maganda,

masaganang bukal ng mga ligaya,

at ang mga aliw-iw ng kundimang tila

nakapaglalayo ng sariling dusa!

Mangagbalik kayo sa aba akong puso,

magsibalik kayo oras kong maamo,

magsibalik kayong parang ibong dapo

sa mga bulaklak kapag sumasamyo.

VII

Ngunit! ay! Paalam! Nawa ay ingatan

ang kaaliwan mo’t kapayapaan.

Wari ka nang magaling, na sa kabutiha’y


siyang naggagawad ng pala sa tanan;

dahilan sa iyo, ang aking panata,

dahilan sa iyo, ang aking pag-asa

na may matutuha’t ang langit man sana’y

mayag na kupkupin ang yumi mo’t ganda.

Ang Pagsakay

Maganda ang araw

Noong kumikinang

Nang sa Silanganan

Si Febo’y sumungaw;

At buong kasiyahang

Ang kilos at galaw

Saanma’y tinanghal

Barramedang bayan.

II

Sapagka’t sa pampang

Ang mga sasakyang

May layag na taglay


Ay magisisilisan;

Isang daigdigang

Hindi nilalaman

Ang patutunguhang

Patalim ang tangan.

III

Lahat ay katuwaan,

Ligaya ang tanan,

At ang gilas nama’y

Nasa buong bayan,

Umaalingawngaw

Ang ingay saan man

Ng tambol na mahal

Na nakagigimbal.

IV

Libu-libong bilang

Ng mga putukan

Ang gawan na alay

Sa mga sasakyan.

At ang mga kawal

Ng kakastilaan

Ay nangagpupugay

Nang may pagmamahal.


V

Paalam, ang sigaw

Sa magsisilang

Kawal na matapang

Ng mahal na bayan

Bigyan ng tagumpay

Ang Espanyang mahal

Sa di-natuklasang

Mga karagatan.

VI

Habang sila nama’y

Palayo sa pampang

Na sa hangi’y tangay,

Sila’y sinusunda’t

Pinapupurihan

Ng mga sigawang

Ipinagdiriwang

Ang kanilang pakay.

VII

Pinagpupugayang

Kahuli-hulihan

Ang bandilang taglay

Niyong si Magellan;

Yaong karagatan
Na inaangilan

Ng kapahamakan.

Si Colon at si Juan II

Sa iyo, Cristobal, langit

At walang hanggang tagumpay at pangalang pandaigdig

Ang alay ng kasaysayan!

Umaabot ang iyong ngalan

Sa darating na panahon at nang ikaw ay hangaan.

Papurihan ka ng lupa

Sa kantahin ng pagsinta’t kasiyahang darakila,

At lahat ng angking-kaya,

Ngayon din, ng Lusitania’y

Ipahayag ang marangal na alab ng paniwala.

Singong gaya mong mahinhin,

Marunong na tumalima, matiyaga’t maawain?

Tinalo mong walang gulat

Pati bagsik niyong dagat

Sampu man ng karuwagan ng kuhilang manlalayag.

“Mabuhay ka, Almirante,

Namay matibay na dibdib at sa digmaa’y bayani;

Sa walang kupas mong tapang,


Ang may-awang aking alay

Ay palasyo na kasama ang lahat ng karangalan.”

“Ako na ang magpapanggap

At saanma’y magbabantod, na kaharap ang watawat,

Na ikaw na Virrey na ngayo’t

Sa moog ma’y ipapatong

Ang ngalan mo na dadalhin na watawat nitong nasyon.”

Ito ang sabi ng hari

Ng Portugal, si Don Juan sa lahat ay natatangi.

Iniuna ang tagumpay

Na handog sa kaniyang mahal,

At pati na sa palasyo’y pambihirang natitirhan.

Nguni’t madaling lumayo

Si Colon sa gayong imbi’t pataksil na pagrahuyo

At patakbong pumaroon

Kay Isabel na kristiyanong sa kaniya ay umaampon.

Ang Pilipinas

Maganda’t maalab na talad ng hiyas na sa langit buhat,

Kahika-hikayat, malinis na gaya ng talang ninikat,

Kung ang mga ulap ay kinukulayan ng bughaw na wagas,


Natutulog naman, ang isang diyosang kayumangging balat.

Ang bakas ng yapak ay buong pagsintang hinahagkan-hagkan

ng bulang manipis na dala ng alon niyong karagatan;

Ang Kanlurang pantas, pati kaniyang ngiti’y sinasamba naman,

gayon din ang dulo ng ubaning lupa’y binubulaklakan.

Ang Paraluman ko’y pautal sa kaniyang umaawit-awit,

Kasaliw ng mga “Ondina’t Nayades” na nakaliligid;

ang handof ko naman sa kaniya’y ang ligaya’t pag-ibig.

Niluntiang mito’t mga masanghayang bulaklak ng rosas

saka asusena ang sa kaniyang noo’y ikapit na hiyas,

oh, mga “artista,” purihin ang ating Mutyang Pilipinas!

Kay Birheng Maria

Maria, matimyas na Kapayapaan, Kaaliwang mahal!

ng tao sa sakit! Ikaw din ang daloy na pinagmulan

ng mabisang agos ng mga saklolong pinakaaantay,

na walang pahingang itong lupa namin ay pinagyayaman.

Magmula sa iyong luklukang mataas sa rurok ng langit,

buong pagkahabag na dinggin mo sana ang daing ng sakit!

at lukubans ana ng iyong balabal na kaakit-akit

yaring aking tinig na nagmamadali sa kaniyang pagpanhik.


Ang ina ko’y ikaw, mapagbigay-awa, Maryang mairugin.

Ikaw ang magiging buhay ko at siyang kanlungan sa lagim,

Sa dagat na itong sakdal kalupita’y aakay sa akin.

Kung sa buong bangis ay usigin ako ng masamang asal,

Kung ang Kamatayan sa paghihingalo’y maglulupit man,

Saklolohan ako’t pawiin mo sana yaring kalungkutan.

Sa Kapita-pitagang si

Pari Pablo Roman, S.J.

Matimyas ang simoy ng bukang-liwayway

kung iniugoy ang mga bulaklak,

mahinhin ang samyo ng pabangong taglay

sa lupang malawak;

Maraha’t matamis ang kaniyang aliw-iw

ng maamong batis, pilak na mabula

ang ikinakalat sa gintong buhangin

na parang himala;

Ngunit ang ngalan mo, Paring sinisinta

matamis na wagas ang biyaya niya,

na dito sa dibdib nami’y nagdadala


ng kaniyang liwanag.

Matamis ang huni ng sa ibong awit,

mahinhin ang bango ng bulaklak-parang,

gayun din ang tingkad ng araw sa langit

sa pagliliwayway.

Ang kamay ng Diyos, isang Amang tunay,

Ikaw’t dili iba, ang sa ami’y bigay Niya,

na dito sa dibdib nami’y nagdadala

sa landas ng buhay.

Ay! sapagka’t ano kaya ang daratnin

ng pagpapunyagi nitong dibdib namin

kung kami’y hindi na sadyang aampunin

ng iyong pag-ibig?

Kami ay anak mong pinapatnugutan

ang tungo’y sa isang tuwang walang hanggan;

ang isipin nami’y walang katakutan

kung ikaw ang gabay.

Ngalan ng Apostol ang ngalan mong dala,

sa kaniya ring yabag nagsusumigla ka,

tigibin ka nawa ng biyaya niyang

banal na talaga.
Ang Huling Paalam

1.Bayang minamahal sa iyo’y paalam

lupa mong sagana sa sikat ng araw;

Edeng paraiso ang dito’y pumanaw

at Perlas ng dagat sa may Silanganan.

2.Buong kasiyahang inihahain ko

kahimanaba na ang buhay kong ito

maging dakila may alay din sa iyo

kung ito’y dahil sa kaligayahan mo.

3.Ang nakikilabang dumog sa digmaan

inihahandog din ang kanilang buhay

Kahit kahirapa’y hindi gunamgunam

sa kasawian man o pagtatagumpay.

4.Maging bibitaya’t, mabangis na sakit

o pakiklabang suong ay panganib

titiising lahat kung siya mong nais

ang tahana’t bayang aking iniibig.

5.Mamamatay akong sa aking pangmalas

silahis ng langit ang nanganganinag


ang pisngi ng araw ay muling sisikat

sa kabila nitong malamlam na ulap.

6.Kahit aking buhay, aking hinahangad

na aking ihandog kapag kailangan

sa ikadidilag ng iyong pagsilang

dugo ko’y ibubo’t kula ay kuminang.

7.Mulang magkaisip at lumaking sukat

ay pinangarap ko bait ay maganap;

ikaw’y mamasdan kong marikit na hiyas

na naliligiran ng Silanganang dagat.

8.Sa bukas ng mukha’t noo’y nagniningning

sa mata’y wala ng luhang mapapait

wala ka ng poot, wala ng ligalig

walang kadungua’t munti mang hilahil.

9.Sa aba kong buhay, may banal na nais

kagalinga’y kamtan nang ito’y masulit

ng aking kaluluwang handa nang umalis

ligaya’y angkin mo, pagkarikit-rikit.

10.Nang ako’y maaba’t, ikaw’y napataas,

nang ako’y mamatay nang ika’y mabigyan


ng isang buhay na lipos ng kariktan

sa lilim ng langit ikaw ay mahimlay.

11.Kung sa ibang araw, mayroon kang mapansin

sa gitna ng mga damong masisinsin

nipot na bulaklak sa ibabaw ng libing

ito’y halikan mo’t, itaos sa akin.

12.Sa bango ng iyong pagsuyong kay tamis

pagsinta sa dibdib may-tanging angkin

hayaang noo ko’y tumanggap ng init

pagka’t natabunan ng lupang malamig.

13.Hayaang ang buwan sa aki’y magmasid

kalat na liwanag, malamlam pa mandin;

Hayaang liwayway ihatid sa akin

ang banaag niyang dagliang nagmaliw.

14.Hayaang gumibik ang simoy ng hangin

hayaan sa himig masayang awitin

ng ibang darapo sa kurus ng libing

ang payapang buhay at langit ng aliw.

15.Hayaang ang araw na lubhang maningas,

gawing parang ulap sa patak ng ulan

maging panganorin sa langit umakyat


ang mga daing ko’y kasama’t kalangkap.

16.Hayaang ang aking madaling pagpanaw

iluha ng mga labis na nagmahal

kapag may nag-asal sa akin ng dasal

ako’y iyo sanang idalangin naman.

17.Ipagdasal mo rin mga kapuspalad,

mga nangamatay pati naghihirap

mga dusa’t sakit ina’y tumatanggap

ng tigib ng lungkot at luhang masaklap.

18.Ipagdasal mo rin mga naulila

at nangapipiit sakbibi ng luha

ipagdasal mo rin tubusing talaga

ang pagka-aliping laging binabata.

19.Kapag madilim na sa ‘abang libingan

at nilalambungan ang gabing mapanglaw

walang nakatanod kundi pulos patay

huwag gambalain, ang katahimikan.

20. Magbigay-pitagan sa hiwagang lihim

at mauulinig wari’y mga tinig

ng isang salteryo, ito’y ako na rin

inaawitan ka ng aking pag-ibig.


21.Kung nalimutan na yaring aking libing

kurus man at aba’y wala na rin mandin

bayaang sa bukid luppo ay bungkalin

at ito’y isabog sa himpapawarin.

22.Limutin man ako’y di na kailangan

aking lilibutin buong kalawakan

at dadalhin ako sa ‘yong kaparangan

magiging taginting yaring alingawngaw.

23.Ang samyo, tinig, himig na masaya

kulay at liwanag may lugod sa mata

paulit-ulitin sa tuwi-tuwina

ang aking taimtim na nasa’t pag-asa.

24.Mutyang Pilipinas, sinisintang lupa

pakinggan mo sana, hinaing ko’t dusa

huling paalam ko, sayo’y iiwan na

ang lahat kong irog sa balat ng lupa.

25.Yayao na ako sa lupang payapa

na walang alipi’t haring nag-aaba

dito’y walang maliw ang paniniwala

at ang namumuno’y, Diyos na dakila.


26.Paalam na ako, magulang kapatid

bahagi ng diwa’t unang nakatalik

ikasiya ninyo ang aking pag-alis

sa buhay na itong, dulot ay ligalig.

27.Paalam na sintang aking kaulayaw

taga-ibang lupang aking kasiyahan

Paalam sa inyo aking minamahal

mamatay ay lipos na katahimikan.

GINTONG BUTIL NG KAALAMAN

Ang mga tula ni Rizal ay nagpapakita ng kanyang pagkamalikhain sa larangan ng pagsulat.

You might also like