Marahil ay maari ninyo akong tawaging “walang kwentang mag-aaral”. Sa
mahigit sampung taon kong pamamalagi sa loob ng paaralan mula kinder hanggang grade 10 ay wala akong kongkretong plano para sa aking kinabukasan. Wala akong ibang inisip kundi ang makalabas sa paaralan at pumapasok lamang dahil sa utos ng aking mga magulang. Dahil sa kagustuhan ng aking mga magulang ay nagsikap pa rin ako upang mapahanga ko sila at hindi dahil interesado ako. Hanggang sa natapos ko ang elementarya bilang balediktoryan at nagkamit ng ‘With High Honors’ sa pagtatapos ng junior high school. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, wala akong malinaw na mapa na aking tatahakin sakali mang matapos ko ang kolehiyo.
Sa pagtungtong ko ng senior high school ay kinailangan kong pumili ng strand
kung saan nakapaloob dito ang nais kong maging kurso sa kolehiyo na siya namang magiging trabaho ko kapag nagtapos ako. Nais ko bang maging accountant o nais kong maging inhinyero na siyang magtatayo sa matatayog na gusali? Sa pag-apak ko sa paaralan ng Our Lady of the Pillar College-Cauayan, isinampal sa akin kung paano ako naging pabaya sa pag-aaral. Mahigit apatnapung estudyante ang nagpatunay sa akin kung gaano kalabo ang aking hinaharap. Bukod sa katalinuhang taglay ng aking mga kamag-aral ay mas humanga ako sa kanila ng minsang tinanong kami kung bakit STEM ang aming napiling strand. Kahangahanga ang kanilang naging sagot sapagkat naramdaman kong pinag-isipan, pinag-aralang mabuti at pangarap nila ito noon pa man samantalang ako ay hindi man lang sigurado sa strand na aking napili.
Dito ko napagtanto na hindi ko binigyang halaga ang papel ng edukasyon sa
aking buhay. Hindi ko naisip na edukasyon pala ang susi upang mabuksan ko ang mundo na naghihintay sa akin sa kabilang ibayo. Ang nais ko lamang noon ay makawala sa paaralan at tamasahin ang buhay na mayroon ako ngayon. Ang buhay natin ay pabago-bago at hindi tayo makakasiguro na kung anong meron tayo ngayon ay siya ring mayroon tayo sa mga susunod pang araw. Natutunan kong mahalin ang pag-aaral sa kabila ng mahihirap na gawain. Bukod sa ito ay iaalay ko sa aking mga magulang, habang ako’y tumatanda ay lumilinaw sa akin ang aking mga tungkulin. Naging malinaw sa akin ang mga nakaatang na pananagutan sa sandaling makapagtapos ako kaya pinagbubuti ko ang pag-aaral upang magkaroon ako ng magandang buhay. Mahirap kung tutuusin ang pag-aaral ngunit walang madali sa panahon ngayon kaya’t mas gugustuhin kong sumuong sa hirap sa ngayon at akin namang tatamasahin ang ginhawa kapag nakapagtapos na ako. Nasubukan ko nang maglakbay nang walang mapa at para akong ikinulong sa isang malaking palaisipan at hindi alam ang gagawin. Nahuli man ako ng plano, tatahakin kong muli ang destinasyon ng may determinasyon upang marating ko ang kabilang ibayo.
Isang Pagsusuri: Diskurso NG Kakulangan Sa Suplay NG Tubig Bilang Pisyolohikal Na Pangangailangan NG Tao Gamit Ang Teorya at Hiyarkiya NG Pangangailangan Ni Abraham Maslow