Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 1

MGA PELIKULANG PILIPINO NA TUMATAK SA AKIN

MGA PELIKULANG PILIPINO NA TUMATAK SA AKIN

MGA PELIKULANG PILIPINO NA TUMATAK SA AKIN


October 13, 2017

Tayong mga Pilipino ay likas na mahilig manood ng mga pelikula lalo na sa panahon ngayon kung saan
napakalawak ng sakop ng midya sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Tila ba’y nakagawian na nating
abangan ang mga ipapalabas na pelikula sa mga sinehan. Aminin niyo man o hindi, batid ko na mas maraming
Pilipino ang tumatangkilik sa mga pelikulang dayuhan at maging ako ay isa rin dito. Talaga ngang napakalaki ng
naidulot sa ating pag-iisip ng pananakop ng mga dayuhan at kahit tayo’y malaya na sa kanilang mga
mapanlupig na kamay, patuloy pa rin nating iniisip na mas maganda at kahanga-hanga ang mga bagay na
kanilang nilikha. Nagpatuloy ako sa pagtangkilik sa mga pelikula na likha ng mga dayuhan, marami na rin akong
kinabaliwan sa mga ito, pero hindi ko mawari kung bakit parang may kulang. Hindi ko mawari kung bakit tila
wala nang gaanong kasiyahan ang aking nakakamit nang nagtagal ang panahon na patuloy ako sa panunuod
ng mga pelikulang ito.

Kaya nga ako’y labis na nalulugod nang mamulat ang aking puso’t isipan sa katotohanan na wala pa ring
tatalo sa likhang Pilipino. Simula noon, binuksan ko ang aking sarili sa mga pelikulang gawa mismo ng aking
mga kababayan. Dito ko napagtanto na mas dapat kong tangkilikin ang likhang Pinoy dahil mayroon itong
kakaibang katangian na tiyak na pupukaw hindi lamang sa iyong atensiyon kundi pati na rin sa iyong isipan.
Bawat pelikulang Pilipino na aking napapanood ay hindi ko malimot dahil lahat ito ay dinala ako sa ibang
dimensyon. Lahat ng ito ay tumatak talaga sa akin. Malapit ang aking puso sa mga “Indie films”. Ito ay mga
pelikulang “independent” at walang kumpanyang nag-aasikaso sa produksiyon nito. Ang paglikha sa mga ito
ay mura at hindi gaanong magastos, hindi tulad sa mga pelikula na ginagawa ng mga sikat na kumpanya. Pero
mayroon pa rin namang mga “Major films” na aking sobrang nagustuhan. Nais kong ibahagi ang mga
pelikulang ito sa inyo. Sana’y inyong magustuhan at sana’y makiisa rin kayo sa pagtangkilik at pagsuporta sa
lahat ng pelikulang Pilipino.

MGA PELIKULANG PILIPINO NA TUMATAK SA AKIN

HENERAL LUNA

Sabi nga nila, kung hindi mo pa napapanood ang pelikulang ito ay hindi kumpleto ang karanasan mo sa
pelikulang Pilipino. Kung sa tingin niyo ay nakababagot ang “Heneral Luna”, diyan kayo nagkakamali. Ito ay
isang napakagaling na pagsasabuhay ng mga nangyari sa ating nakaraan. Ang direktor nito ay si direk Jerrold
Tarog. Ito ay pinangungunahan nina John Arcilla bilang Heneral Antonio Luna, Mon Confiado bilang Pangulong
Emilio Aguinaldo, Nonie Buencamino bilang Felipe Buencamino, Leo Martinez bilang Pedro Paterno at iba pang
mga primyadong actor.

Ang kwento ay umiikot sa panahon kung saan dumating ang mga Amerikano sa bansang Pilipinas.
Pinag-iisipan ng lupon ng pangulo kung ano nga ba ang aksiyon na dapat nilang gawin tungkol sa isyu ng
pagdating ng mga grupo ng dayuhan na maaaring magdala ng panibagong banta ng pananakop sa ating
bansa. Sina Felipe Buencamino at Pedro Paterno ay sumusuporta at sumasang-ayon sa ideya na wala namang
dapat ikabahala ang Pilipinas sa pagdating ng mga Amerikano dahil maaari pa raw nila tayong matulungan
upang tayo’y umunlad. Sa kabilang dako, si Heneral Antonio Luna at ang kanyang kasamahan na si Heneral
Jose Alejandrino ay hindi sumasang-ayon dito at nais nilang kalabanin ang mga Amerikano sa paraan ng
pakikipagdigma. Hindi naman sumang-ayon dito si Emilio Aguinaldo dahil kanyang inisip na maari silang
tulungan ng mga Amerikano upang tuluyan nang makalaya mula sa pananakop at pang-aapi ng mga Espanyol.
Ngunit, kabaliktaran ang nangyari, ang mga dayuhang Amerikano ay umatake sa mga pangunahing lungsod ng
Maynila. Ito na ang naging mitsa at simula ng pakikidigma nina Heneral Luna.

Ngunit tila may mas malaking kalaban na hinaharap ang heneral at ito ay hindi ang mga Amerikano kundi
ang mga kapwa niya Pilipino mismo na kasama niya sa pakikidigma. Sa mga panahong kinailangan niya ng
tulong mula sa kanyang mga kasama tulad noong siya’y humihingi ng mas marami pang sundalo para sa
kanilang pakikipaglaban sa grupo ni MacArthur, hindi siya pinahintulutan ni Pedro Janolino na siyang
namumuno sa Kawit battalion noong mga panahong iyon. Wika niya, ang utos mismo mula sa pangulo ang
kayang susundin at hindi ang kay Heneral Luna. Nang ipakulong rin ni Luna sina Buencamino at Paterno dahil
sa pagsuporta nila sa mga kalaban, nakalaya lamang ang mga ito. Dito na pinanghinaan ng loob ang heneral
kaya naisip niyang magbitaw na lamang sa kanyang pwesto dahil batid niya na mayroong sumasabutahe at
kumakalaban sa kanya sa loob mismo ng kanilang samahan. Ngunit ang kanyang pagbibitaw sa pwesto ay
hindi pinahintulutan ni Emilio Aguinaldo.

Nagpatuloy siya sa pagsisilbi sa inang bayan hangang makatanggap siya ng telegrama na nagsasabing
ipinatatawag siya ng presidente at inaatasan na pumunta sa Cabanatuan upang makausap ito. Nang siya’y
makarating, doon niya napagtanto na nakaalis na pala si Aguinaldo at si Buencamino na lamang ang naiwan
doon. Dito na sila nagkaroon ng pagtatalo at ginawa na ng grupo ni Buencamino ang kanilang planong
pagpatay kay Heneral Luna.

Halos nasabi ko na yung buong kwento, pasenya na ha? Ganoon kasi talaga ito kaganda kaya hindi ko
maiwasan na sabihin kung gaano ako nabighani at nadala sa kwentong laman ng “Heneral Luna”. Panoorin
niyo pa rin sana ito dahil mas marami kayong malalaman kapag kayo mismo ang nakasaksi nito.Nang
mapanood ko ang pelikulang ito, labis na nagbago ang pagtingin ko sa mga taong pinaniwalaan ko na
nagsalba sa Pilipinas. Hindi ko rin maiwasang magtanong at mag-isip kung totoo nga ba ang mga
pangyayaring ito. Kung totoo man, sino nga ba ang nasa likod ng pagpatay kay Heneral Luna? Isang
napakalaking “roller coaster ride” ang pelikulang ito. Dito mo rin maiisip na noon pa man ay mayroon na
talagang nagaganap na hidwaan sa mga namumuno ng ating bansa nang dahil lamang sa pagka uhaw sa
kapangyarihan. Lubos ang aking pagsaludo sa mga taong lumikha ng obra-maestrang ito.

HELE SA HIWAGANG HAPIS

Noong una, natakot ako sa pamagat ng pelikulang ito. Kung mapapakinggan mo, tila’y nakakakilabot
naman talaga hindi ba? Ngunit ang mas nakapag kumbinsi sa akin na panoorin ang pelikulang ito ay ang
napakahabang oras ng panonood nito. Humigit-kumulang walong oras ang tagal ng “Hele Sa Hiwagang
Hapis”. Ang direktor ng pelikulang ito ay si direk Lav Diaz. Pinagbibidahan ito nina Hazel Orencio bilang
Gregoria De Jesus, Alessandra de Rossi bilang Caesaria Belarmino, Piolo Pascual bilang Crisostomo Ibarra,
John Lloyd Cruz bilang Simoun, at iba pa.

Kung mapapansin niyo sa mga tauhan, ang pelikulang ito ay tungkol rin sa kasaysayan. Mayroong
dalawang kwento na ipinakita dito. Una ay tungkol sa paghahanap ni Gregoria De Jesus sa mga nawawalang
katawan nina Andres Bonifacio at ng kapatid niya na si Procopio. Ang pangalawang kwento naman ay tungkol
sa paglalakbay ni Crisostomo Ibarra at Simoun. Ito ay pelikula na mayroong pinaghalong paksa na tungkol sa
kasaysayan at imahinasyon. Dito niyo matutuklasan ang mga pangyayari noong panahon nina Bonifacio at dito
niyo matutunghayan ang pagsasabuhay sa mga tauhan ng sikat na akda ni Jose Rizal na pinamagatang “El
Filibusterismo” na kaugnay ng isa niya pang akda na ang “Noli Me Tangere”.

At dahil napakahaba ng pelikulang ito, sayang naman siguro ang panahong ginugol ko sa panonood nito
kung sasabihin ko lang sa inyo ang buong takbo ng kwento. Huwag kayong mag-alala, tinitiyak ko na hindi
masasayang ang walong oras niyo. Halu-halo ang mararamdaman niyo, naroon ang kaba, takot, galit, at kung
anu-ano pa. Ang payo ko lamang ay ihanda niyo ang inyong mga sarili. Sa aking karanasan, talagang
pakiramdam ko ay naroon mismo ako sa panahong ipinakikita sa pelikula. Ganoon kaganda ang “Hele Sa
Hiwagang Hapis”. Bago ko makalimutan, siguraduhin niyo rin na mayroon kayong kasama sa panunuod
nito.Tinitiyak ko na pagkatapos niyo itong mapanood ay labis kayong matutuwa hindi lang dahil natapos at
kinaya niyong panoorin ang pelikulang ito sa loob ng walong napakahabang oras kundi napakarami niyong
napulot na aral mula dito.

THY WOMB

Kung inyong naaalala, ang “Thy Womb” ay nakasama sa Metro Manila Film Festival (MMFF) noong
tanong 2012. Ang direktor nito ay si direk Brillante Mendoza. Pinangungunahan ito nina Nora Aunor na
gumanap bilang Shaleha na isang Muslim at si Bembol Roco na kanya namang asawa. Ang pelikulang ito ay
nagkaroon ng kontrobersiya nang tanggalin ito sa listahan ng mga opisyal na kalahok sa MMFF, ngunit kahit
ganoon ang nangyari, tumanggap pa rin ito ng maraming pagkilala mula sa mga tanyag na “film awarding
bodies”.

Ang kwento nito ay umiikot kay Shaleha na isang kumadrona sa isang islang Badjao-Muslim. Siya at ang
kanyang asawa na si Bangas-An ay mayroong hinaharap na malaking problema dahil si Shaleha ay hindi
nakapagdadalang-tao na siyang nagdudulot naman ng labis na kalungkutan sa kanyang asawa. Dahil dito,
kahit labag man sa loob ni Shaleha ay nagdesisyon siya na maghanap ng babaeng maaaring makapagbigay ng
anak sa kanyang asawa o isang “surrogate mother” dahil ayaw naman ni Bangas-An na mag-ampon na lamang
ng bata. Ngunit dahil nasa Muslim silang komunidad ay hindi basta-basta ang desisyon na kanilang gagawin.
Marami silang dapat isipin tulad ng “dowry” o ang pera o yaman na ibibigay ng lalaki sa pamilya ng babae
bilang pagpapakita ng pagpapasalamat at pagrespeto, at dahil nga mahirap lamang sila, napakaraming
pinagdaanan ni Shaleha para lamang makahanap ng sapat na pera para sa dowry na kanilang ibibigay.

Nang mapanood namin ito, sobra akong naawa sa karakter ni Nora Aunor. Hindi ko lubos maisip kung
paano niya nakayang ipaubaya ang asawa niya sa iba para lamang mabigyan ito ng anak at sumaya ito.
Napakalaking sakripisyo ang kanyang ginawa. Nasabi ko nga sa sarili ko na ganoon talaga siguro kapag
nagmamahal, kahit ano gagawin mo para lang sa ikasasaya ng taong mahal mo kahit ang ibig-sabihin pa nito
ay pagsasakripisyo ng sarili mong kasiyahan. Napakataas ng pagsaludo ko kay Nora Aunor at sa karakter niya
mismo. Simple man ang istorya, labis naman itong nabigyan ng hustisya ng mga nagsiganap na mga aktor at
aktres.

HINULID

Ang pelikulang ito ay kinunan mismo sa aming bayan- ang bayan ng Buhi sa Bicol. Naroon pa nga
mismo ako sa lugar kung saan kinunan ang eksena sa simbahan ng St. Francis of Assisi Parish, nagkataon kasi
na mayroon kaming pasok noong mga panahong iyon at katabi lamang ng simbahan ang aming paaralan kaya
natunghayan namin ang eksena doon. Talagang inabangan ko na ang indie film na ito na likha ni Kristian
Sendon Cordero na kapwa ko Bikolano at pinagbibidahan ni Nora Aunor na isa ring Bikolana. Ang kanilang
pagtatambal ay aming ikinatuwa dahil ito’y isa na namang makasaysayang pagkakataon para sa aming mga
Bikolano upang makilala sa industriya ng pelikula.

Para sa akin ay napakalungkot ng pelikulang ito. Hango mismo ang pamagat na ito sa “Hinulid”, ito ang
tawag sa patay na imahen ni Hesus. Oo, tama kayo, ang pelikulang ito ay tungkol sa kamatayan. Tungkol ito
kay Sita Dimaiwat na isang overseas Filipino worker (OFW). Napilitan siyang umuwi ng Pilipinas dahil sa
pagkamatay ng kanyang anak na si Lukas dahil sa isang insidente sa Maynila. Umuwi siya ng Bicol na dala-
dala ang abo ng kanyang yumaong anak. Sa paglalakbay niya pabalik sa Bicol, lahat ng alaala nila ang kasama
ring umaagos sa puso at isip ni Sita.

Sa pelikulang ito, matutunghayan niyo kung paano naghirap si Sita sa pagtanggap sa kapalaran ng
kaniyang anak kahit pa nais niyang sisisihin ang Diyos dahil sa pagkawala nito. Ganoon nga talaga siguro,
walang katumbas ang sakit na mararamdaman mo kapag nawalan ka ng mahal sa buhay. Minsan darating ka
rin sa punto na sisisihin mo ang Diyos at mawawalan ka ng paniniwala sa Kanya. Dahil sa “Hinulid”, mas
napagtanto ko na ang buhay ay puno ng pasakit at paghihirap ngunit hindi ito dahilan para sumuko ka na lang
at mawalan ng tiwala sa Diyos. Masakit pero kailangan nating tanggapin ang mga bagay na sumira sa ating
mga puso dahil sa paraang ito, mas magkakaroon tayo ng pagkakataon na hanapin ang sarili natin at mas
magiging matatag tayo at ang ating paniniwala.

MA' ROSA

Isa ito sa mga pelikulang Pilipino na lubos kong hinangaan. Hindi lamang dahil napakagagaling ng mga
artista na nagsipagganap dito kun’di dahil napakatugma ng istorya nito sa nararanasang kahirapan ng mga
Pilipino ngayon. Ang direktor ng “Ma’ Rosa” ay si direk Brillante Mendoza at pinangungunahan naman nina
Jaclyn Jose bilang Rosa Reyes, Julio Diaz bilang Nestor Reyes, Andi Eigenmann bilang Raquel Reyes at iba pa.

Ang kwento nito ay sumesentro sa pamilya nina Rosa na larawan ng isang tipikal na pamilyang Pilipino.
Sila’y nagdurusa din dahil sa kahirapan dito sa ating bansa. Dahil na rin dito ay napilitan ang mag-asawang
Rosa at Nestor na magbenta ng droga na tinatawag na “ice” o “crystal meth”. Sa kasamaang palad, nahuli sila
ng mga pulis at ikinulong.

Buong pag-aakala ko nga ay sina Rosa ang masama dahil nagbebenta sila ng ipinagbabawal ng gamot,
mali pala ako. Sa pelikulang ito ay ipinakita ang tunay na sitwasyon ng mga tao na nahuhuling nagbebenta ng
droga. Ang mga pulis ay nagbigay sa kanila ng dalawang pagpipilian, una ay dapat silang magbigay sa mga ito
ng pera na nagkakahalaga ng dalawang-daang libong piso at kung hindi nila ito maibibigay ay tuluyan na silang
makukulong at kailanma’y hindi na maaaring magpiyansa, pangalawa naman ay tutulungan nila ang mga pulis
at ituturo ang “supplier” nila ng droga upang iyon na lamang ang hingian ng mga pulis ng pera para makalaya
sina Rosa sa pagkakapiit.

Sobrang galit ang naramdaman ko noong pinanood ko ang pelikulang ito. Nagalit ako sa mga
mapagsamantala at mapang-abusong mga pulis dito sa ating bansa. Naawa ako sa tatlong anak nila Rosa
dahil hindi na sila magkanda-ugaga para lamang makahanap ng pera para pampiyansa ng kanilang mga
magulang kaya’t dumating na lang sa punto na kumapit na sila sa patalim. Nanlulumo ako dahil alam ko na
totoo itong nangyayari sa ating bansa at tila wala man lang tayong nagagawa para masolusyunan ito.

PATAY NA SI HESUS

Pamagat pa lang, nakakaintriga na hindi ba? Kaya naman agad kong pinanood ang pelikulang ito.
Unang naisip ko ay tungkol ito sa relihiyon dahil nga ang pamagat ay “Patay Na Si Hesus”. Sa mga ganoong
paksa kasi ay labis akong nagbibigay ng atensiyon dahil ako’y talagang naniniwala na may Diyos. Akala ko nga
ay iikot ang kwento nito sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Mali pala ako.

Ang direktor nito ay si Victor Villanueva. Pinagbibidahan naman ito ni Jaclyn Jose bilang Maria Fatima o
“Iyay”. Ang kwento nito ay umiikot sa pamilya ni Iyay. Siya ay mayroong tatlong anak. Ang pinakamatandang
anak niya na si Hubert ay mayroong Down Syndrome. Ang pangalawa naman niyang anak na si Judith Marie ay
isang tomboy o “trans man”. Ang bunso naman ay si Jay na wala pa ring trabaho dahil hindi pa nakapapasa sa
“board exams”. Kung titingnan niyo ay hindi tipikal ang pamilya ni Iyay. Nang malaman nila na namatay ang
kanyang asawa na si Hesus na matagal na silang pinabayaan ay pinilit niya ang kanyang tatlong anak na
pumunta sa burol nito mula Cebu hanggang Dumaguete. Labag man sa loob ng kanyang mga anak, pumunta
pa rin sila. Sakay ng maliit na kotse, sama-sama silang naglakbay patungong Dumaguete. Dito na nagsimula
ang nakakatuwa nilang biyahe. Sobra akong bumilib sa karakter ni Iyay dahil napakabuti niyang ina at kahit
magulo ang kanyang pamilya dahil nga iniwan sila ng kanyang asawa at ang kanyang mga anak ay kakaiba rin,
nagawa pa rin niyang maging mapagmahal na ina sa mga ito. Halos sumakit na nga ang tiyan ko sa katatawa
habang pinanonood ang pelikulang ito. Napakagaling talaga ni Jaclyn Jose pati na rin ang mga kasama niya sa
pelikulang ito. Hindi ko babanggitin ang nangyari sa biyahe nila dahil nais ko na panoorin niyo mismo ito. Isa ito
sa mga paborito kong indie film at tinitiyak ko sa inyo na napakasulit ng oras kapag napanood niyo ito basta’t
ihanda niyo lang ang inyong mga sarili sa walang humpay na tawanan.

THE TRIAL

Napakagaling – iyan ang masasabi ko sa pelikulang ito. Ang direktor nito ay si Chito S. Rono. Ang “The
Trial” ay pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz bilang Ronald (dalampu’t siyam na taong gulang na medyo
kulang-kulang sa pag-iisip), Richard Gomez bilang Julian (isang abogado at asawa ni Amanda), Gretchen
Barretto bilang Amanda (isang “psychologist”), Jessy Mendiola bilang Bessy (isang guro at tutor ni Ronald), at
marami pang iba. Marami na siguro sa inyo ang nakapanood nito.

Sa pelikulang ito, inakusahan si Ronald na kanya raw hinalay ang kanyang guro na si Bessy. Lingid sa
kaalaman ng lahat, hindi naman ito ginawa ni Ronald dahil ginusto ito ni Bessy sa kadahilanang mayroon silang
nararamdaman para sa isa’t isa. Kaya lang, pinalabas ni Bessy na panghahalay ang ginawa ni Ronald dahil
mayroong estudyante na nakakuha ng” video” ng ginagawa nila ni Ronald sa isang liblib na silid sa kanilang
paaralan. Ayaw ni Bessy na masira ang kanyang repustasyon bilang isang respetadong guro kaya sinabi niya
na hinalay siya ng kulang-kulang na si Ronald. Buti na lamang at tinulungan si Ronald nina Amanda at asawa
nitong si Julian. Para sa akin, doon talaga ako kinabahan sa paglilitis dahil akala ko’y mahahatulan na si Ronald
dahil idinidiin na siya ng kanyang sariling abogado na si Julian.

Nanggagalaiti na ako sa galit dahil hindi ko maintindihan kung ano ang nasa isip ni Julian at kanya itong
ginagawa. Sobra akong naawa kay Ronald dahil alam ko na wala naman talaga siyang kasalanan ngunit siya’y
hinuhushagan dahil nga siya’y kulang-kulang at kung iisipin ay malaki ang posibilidad na ginawa niya ang
krimen na ipinararatang sa kanya. Nang malapit nang matapos ang paglilitis, doon ko lamang napagtanto ang
tunay na layunin ni Julian kung bakit niya ginawa ang pagdidiin kay Ronald sa harap mismo ng hukom. Hindi ko
na sasabihin ang nangyari sa katapusan dahil nais ko na kayo mismo ang umalam. Kung hindi niyo pa ito
napapanood, huwag na kayong mga-aksaya ng oras at inyo na itong panoorin. Maiiyak kayo, magagalit,
matutuwa... basta, halu-halo ang emosyon na naramdaman ko sa pelikulang ito at isa ito sa mga pelikulang
hindi ko malilimutan.

STAR NA SI VAN DAMME STALLONE

Napakakakaiba rin ng pamagat ng pelikulang ito kaya sinubukan ko rin itong panoorin noong nakaraang
Pista ng Pelikulang Pilipino. Ang direktor nito ay si Randolph Longjas. Pinagbibidahan ito nina Paolo Pingol
bilang Van Damme Stallone (isa talaga siyang bata na may Down Syndrome at kung naaalala niyo ay siya ang
bata na bumida sa isang McDonald’s commercial) at si Candy Pangilinan bilang Nadia Zamora (nanay ni Van
Damme).

Para sa akin, natatangi ang pelikulang ito dahil umiikot ito sa kwento ng isang bata na may Down
Syndrome na may pangarap na maging isang “action star”. Dito niyo matutunghayan ang hirap na
pinagdadaanan ng isang magulang sa pagtanggap ng sitwasyon ng kanyang anak na mayroong ganitong
kapansan pero siyempre sa huli ay matatanggap at mamahalin niya ito. Ganoon kabusilak ang pagmamahal ng
isang ina. Sa buong ikot ng pelikula, hindi ko naiwasang maiyak dahi makikita mo talaga ang hirap na dinaranas
ng pamilya ni Nadia para lang mapunan ang mga espesyal na pangangailangan ni Van Damme. Natunghayan
ko rin dito ang pagsasakripisyo ng kanyang nakatatandang kapatid para ipagtanggol siya sa mapanghusgang
mundo na kanilang ginagalawan. Napaka epektibo ng pelikulang ito sa pagmulat sa kaisipan ng lahat. Dito mo
maiintindihan na hindi madali ang sitwasyon ng batang may Down Syndrome at ng kanyang pamilya. Dahil dito
nasusubok ang katatagan nila sa harap ng pagsubok na kanilang pinagdadaanan. Sa huli, masaya pa rin ang
kinahantungan ng pelikulang ito. Kaya panoorin niyo ang “Star Na Si Van Damme Stallone” upang mabighani
din kayo sa mensaheng dala nito.

KITA-KITA

Siyempre hindi ito mawawala sa listahan ng mga paborito ko. Noong una, wala naman talaga akong
balak na panoorin ito pero dahil na rin sa pamimilit ng aking kaibigan ay pinanood na namin ang “Kita-Kita”.
Ang direktor nito ay si Sigrid Andrea Bernardo at pinagbibidahan ito nina Alessandra De Rossi bilang Lea at
Empoy Marquez bilang Tonyo.

Umikot ang kwento kay Lea na isang “tourist guide” sa Sapporo (isang bayan sa Japan). Mayroon siyang
kasintahan dito ngunit kalaunan ay naghiwalay rin sila dahil sa pangbababae nito. Doon na nagsimulang
magkagulo ang buhay ni Lea. Siya ay nagkaroon ng “temporary blindness” dahil sa sobrang “stress”. Tila ba’y
suko na siya sa buhay at nawalan na rin ng pag-asa na sumaya. Doon na pumasok si Tonyo sa kwento. Siya
ang makulit na kababayan ni Lea mula Pilipinas. Pilit niyang pinasasaya si Lea at pinakita niya rito na hindi pa
nagtatapos ang kasiyahan ng buhay dahil lamang sa problemang kanyang hinaharap.

Napakagaan lamang ng pelikulang ito. Natunghayan ko dito na napakagaling talaga ng kapangyarihan


ng pag-ibig. Wala naman kasi ‘yan sa panglabas na anyo o sa kapansanan. Sabi nga nila, kapag mahal mo,
dapat tanggap mo kung ano man siya.Sa huling bahagi ng kwento, hindi ko rin naiwasang malungkot dahil
hindi pala talaga lahat ng kwento ay may “happy ending”. Ngunit kahit ganito man, ang kwento nina Tonyo at
Lea ay patunay na ang wagas na pag-ibig ay mananatili pa rin sa iyong puso. Kahit paghiwalayin man kayo ng
kamatayan, mananatili pa rin ang inyong mga masasayang alaala.

JUST THE THREE OF US

Ito ay pelikula na patungkol sa “unwanted pregnancy”. Oo, tama ang pagkakabasa niyo. Gayunpaman,
hindi ito yaong tipo ng pelikula na mabigat sa pakiramdam dahil isa itong “Romance-Comedy film”. Ang
direktor nito ay si Cathy Garcia Molina. Pinagbibidahan ito nina John Llyod Cruz bilang Uno Abusado na isang
piloto at nagsisikap na maging “captain pilot” sa isang “airline company” at si Jennylyn Mercado na isa namang
“aspiring flight attendant”.

Napakalaki ng kanilang pagkakaiba. Si Uno ay isang lalaki na kung tawagin ay “happy-go-lucky”. Wala
siyang balak na pumasok sa mga bagay na magbibigay sa kanya ng mga malalaking responsibilad dahil ang
kanyang tanging pangarap lamang ay ang maging isang “captain pilot”. Si CJ naman ay ang “breadwinner” ng
kanyang pamilya, siya ang inaasahan ng mga ito upang sila’y makaahon sa kahirapan ngunit lahat ng ito ay
nagbago nang magkaroon ng isang hindi inaasahang pangyayari sa buhay ni nina CJ at Uno.

Ang dalawa ay nagkaroon ng “one-night stand” sa isang “bar”. Dahil dito nabuntis si CJ at siya’y natigil
sa kanyang pagsasanay na maging isang “flight attendant” na labis na ikinalungkot ng kanyang pamilya.
Nagkagulo rin ang buhay ni Uno dahil napilitan siyang patirahin at alagaan si CJ sa kanyang bahay dahil siya
ang ama ng batang ipanagbubuntis nito. Ang dami nilang pinagdaanan na away, saya, at lungkot pero
nakakatuwa pa rin na sa kabila ng kanilang pagkakaiba ay natutuan nilang mahalin at tanggapin ang isa’t isa.
Muntikan man silang maghiwalay nang tuluyan ay nagawa pa rin nilang ayusin ang problema para sa
kapakanan ng kanilang magiging anak.

Sa pelikulang ito, ipinakita talaga ang realidad na madalas tayong magkamali dahil lamang sa
panandaliang saya na tiyak na magkakaroon ng malaking epekto sa ating mga buhay. Kahit ganito man, dapat
ay matuto tayong tanggapin ang ating responsibilad at dapat nating panagutan ang mga desisyon na ating
ginawa.

Sana’y natuwa kayo sa inyong mga nabasa. Muli, hinihikayat ko kayo na manood
ng pelikulang Pilipino. Suportahan natin ang sariling atin! Mabuhay ang mga pelikulang
Pilipino!

Unknown 9 January 2021 at 18:47

nice.....very well said.....congrats

REPLY

To leave a comment, click the button below to sign in with Google.

SIGN IN WITH GOOGLE

Powered by Blogger

Theme images by Michael Elkan

You might also like