Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Sa pagitan ng Kumusta at Paalam

Isang replektibong sanaysay na isiniwalat

ni Ralph Jay Ravas

Narinig mo na ba ang kasabihang “Life is never too short if spent well”. Ito ay mga salita na
ginawa mula sa mga kaganapan na nakatulong sa akin na lasapin ang lasa ng buhay. Isang
pahayag na sumisimbolo sa buhay ng pinakamamahal kong alaga na si Cosette. Ang
pagsasakatuparan na ipinanganak mula sa pagitan ng buhay at kamatayan. Ang mga ugat ng
isa sa aking misyon sa buhay at ang tanging dahilan ng aking masidhing pagpapahalaga.
Habang lumalaki si Cosette, mas nagiging magkalayo kami. Lumipas ang mga araw habang
nananatiling iilan ang mga pahina ng kalendaryo, ginugol ko ang mga lumipas na mga araw na
nakapukol lamang sa aking sarili na tila’y walang pagpapahalaga sa mga tao at bagay na
nakapalibot sa akin. Hanggang sa di ko nalang namanlayan na unti-unti kong hinihiwalay ang
aking sarili sa aking pamilya at maging sa alagang labis kong iniibig, si Cosette.
Nagsilang si Cosette ng tatlong maliliit na kuting. Nakita ko ang proseso, nasaksihan ko ang
kanyang paghihirap. Matapang siyang nanganak nang mag-isa. Hindi ko alam ang gagawin,
hindi ko siya matulungan palaisipan pa rin sa aking sarili kung may nagawa ba ako para sa
kaniya. May mga tubig na nagsimulang tumagas mula sa kaniyang tiyan na siyang naging
delubyo sa kaniya hanggang ngayon ay hindi ko pa rin batid kung ano ito. Sa kalaunan ay
naubusan siya ng tubig na naging sanhi ng pagkamatay ng mga kuting. Sinisikap niyang
buhayin ang mga ito sa pamamagitan ng pagdila sa kanilang mga bangkay dahil ito lamang ang
paraang alam niya. Sa sandaling iyon ay bigo ang kapalaran na pumabor sa kanya kaya ang
lahat ng kanyang pagsisikap ay naging walang kabuluhan. Natunghayan ko ang kanyang
pagluha, nakita ko ang kanyang mukha, narinig ko ang kanyang nagdadalamhating tinig. Hindi
ko kailanman ninais na matunghayan yaring yugto, ang tanawin ng isang ina na nagluluksa
para sa kanyang yumaong mga anak.
Lumipas ang ilang buwan, madalang na umuwi si Cosette sa bahay. Marahil ay patuloy siyang
binabangungot ng peligrong nangyari at patuloy pa rin siyang tumatangis. Gayunpaman, hindi
ko siya hinanap kaya wala akong naging balita. Bumalik ang mga araw kung saan ako'y
natutulog mag-isa sa gabi, unti-unti na akong nasasanay. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi ko
na hinahanap ang kaniyang presensya.

Hinding-hindi ko makakalimutan yaring isang umaga, isang madaling araw kung saan sinubok
ng tadhana ang aking pananampalataya. Mahimbing akong natutulog nang may gumising sa
akin. Katabi ko ang alaga kong si Cosette na walang humpay na nagpapaikot-ikot at sobrang
likot. Halos takpan ang buong espasyo ng aking higaan habang siya ay tahimik na gumugulong
at gumagalaw nang walang anumang makatuwirang dahilan. Ito’y nagdulot ng pagkainis sa akin
kaya naman hinampas ko siya ng aking unan at nagpatuloy sa pagpapahinga. Sabay ng pag-
akyat ng araw sa kalangitan ay ang pagbaba ko mula sa aking higaan. Naroon pa rin si Cosette
na nakahiga, halos hindi gumagalaw. Akala ko’y tulog lang siya kaya sinubukan ko siyang
gisingin pero nagkamali ako, gising si Cosette. May mga kislap na luhang umaagos mula sa
kanyang mga mata, nanlalamig siya at naninigas ang kanyang katawan habang nahihirapan
siyang huminga. Nagsimula akong maging balisa habang nakikita ko siyang nagdadalamhati sa
sakit. Isa pang tanawin na hindi ko kailanman gustong makita.
Dumaloy ang kaba sa mahina kong katawan. Ibinaba ko siya at pinahiga sa sahig. Tumatangis
ako’t nanghihingi ng saklolo kaya't nagising ang lahat ng tao sa bahay. Gayunpaman walang
sinuman sa bahay ang nakakaalam kung ano ang idinaramdam ni Cosette. Sa huli ay wala
silang naiambag kundi maging agapay sa aking pagtangis. Kinunsulta ko ang kaibigan kong si
Anton at ibinigay sa kanya ang larawan ng aking sitwasyon. Tama ang konklusiyon niya,
nalason si Cosette. Agad kong sinunod ang kanyang payo kung ano ang mga dapat gawin.
Hinayaan kong uminom si Cosette ng kombinasiyon ng matika at iyong putting bahagi ng itlog.
Subalit manhid na ang katawan. Sa kabila nito’y pinilit ko pa ring ibuka ang bibig niya para
makainom siya ng gamot.
Pagkatapos kong bigyan ng gamot si Cosette, walang tigil ang paggalaw ng katawan niya
habang sumisigaw siya sa sakit. Maya-maya’y mahina siyang nakahiga sa sahig na basa at
malamig. Ako ay hindi kailanman isang masugid na mananampalataya ng Diyos ngunit sa
pagkakataong iyon ay talagang humihiling ako para sa Kanyang himala. Ilang sandali ang
pumasok sa aking isipan. Mga alaalang kung saan naramdaman ko ang walang katumbas na
kaligayahan kasama siya, ang mga gabing natutulog siya sa kandungan ko, ang inosenteng
tingin niya at ang mga oras na nakaupo lang kami sa gilid ng kalsada na ninanamnam namin
ang katahimikan at ginhawa.
Kasabay ng aking paggunita ay ang aking pagtanto na maaaring ito na ang kaniyang paalam na
tiyak na mag-iiwan ng marka sa aking damdamin. Muli sa pangalawang pagkakataon, nakikita
ko ang kanyang paghihirap at nasaksihan ang kanyang sakit ngunit sa pagkakataong ito ay
sinisigurado kong hindi na siya nag-iisa habang sinusubukan niyang magwagi sa laban ng
kaniyang buhay. Hinahawakan ko ang malamig niyang katawan habang siya’y nakatingin sa
mukha kong tumatangis.
Napagod ako sa paghikbi, wala sa aking malay na ako’y nakatulog na pala. Nagising ako ngunit
wala na sa paningin ko si Cosette. Hinanap ko siya sa paligid ng bahay, ngunit wala siya. Muli
nanaman akong nilamon ng kaba ngunit ako’y tumahan ng sambitin ni mama yaring mga salita
“Anak, magaling na si Cosette, nakakalakad na ulit siya.”
Tunay ngang ang halaga ng buhay ay kailanman hindi masusukat kahit sino man. Ang
pagkawala ng mga bagay na malapit sa atin ay tiyak na magdudulot ng hinagpis sa atin.
Habang si Cosette ay nasa bingit ng buhay at kamatayan, naaalala ko ang mga piraso ng
aming mga alaala. Napagtanto ko na ang pagitan ng kamusta at paalam ay ang mga alaalang
nagawa at samahang nabuo sa pagitan ng bawat nilalang. Dahil sa pinagdaanan ni Cosette,
napagtanto ko na dapat kong pahalagahan ang presensya ng mga tao hindi dahil iiwan nila ako
balang araw kung hindi dahil nandito sila para sa akin sa kasalukuyan. Natunghayan ni Cosette
ang aking paghikbi, nasaksihan ko ang kaniyang pagtangis. Maaaring hindi maintindihan ng iba
ang aking nararamdaman ngunit nakatitiyak ako sa isang bagay, ang paalam ng isang kaibigan
ay mag-uukit ng malaking sugat sa ating mga puso. Nawa’y pahalagahan natin ang natitirang
oras at pagkakataong ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Magdiwang kasama sila, sabay na harapin
ang pagkatalo at kahit na walang gawin kundi damhin ang presensya ng isa’t isa. Binigyan ako
ng Diyos ng pangalawang pagkakataon para itama ang mga bagay-bagay, si Cosette ang
palaging kagalakan ko. Napagtanto ko na ito na ang tamang oras para ibalik ang kagalakan na
ito sa kaniya. Si Cosette ay isang pusa at aking mahal na kaibigan, sisiguraduhin kong
gugugulin ko ang nalalabi naming mga araw sa paglikha ng mga alaala. Mabubuhay kami nang
magkasama habang aming nilalasap ang tagumpay, pagkatalo at katahimikan. Sa ganitong
paraan ko lang masasabi na “Life is never to short if spent well”.

You might also like