Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

KAHULUGAN AT HALAGA NG ETIKA ni Severo L.

Brillantes

1. Ang Trolley Problem: isang pagninilay-nilay


(https://www.youtube.com/watch?v=bOpf6KcWYyw;https://www.youtube.com/
watch?v=QPSAK8sA-8w)

Ano ba ang etika? Ano ba ang pinag-aaralan natin dito? Mahalaga ba ito sa ating buhay?
Panoorin natin ang video tungkol sa Trolley Problem na makakatulong upang mabigyang
kalinawan ang mga nasabing katanungan. Habang inyong pinapanood, ilagay ninyo ang inyong
sarili sa kalagayan ng lalaki na nakasasaksi ng rumaragasang tren na maaaring ikasawi ng
limang katao na masasagasaan nito. Ano ang maiisip sa mga sandaling iyon? Ano ang inyong
mararamdaman?

Ano ang inyong gagawin sa ganoong sitwasyon? Maari bang huwag nang makialam? Mababalisa
ba kayo?

2. Kamalayang moral

Ang Trolley Problem ay isang pagsubok o eksperimentong pangkaisipan (thought


experiment): isang ipinapalagay na sitwasyon upang subukin paano natin lulutasin ang isang
problema. Ibinubunyag nito na mayroon tayong kamalayang moral:

1) Kamalayan na ang ating mga kilos ay mabuti o masama; na ang


mabuti ay dapat gawin at ang masama ay dapat iwasan.

2) Kamalayan din na tayo ay may pananagutan sa anumang gagawin,


mabuti man ito o masama, na kung mabuti karapat-dapat tayong purihin o
gantimpalaan at kung masama naman ay karapat-dapat tayong sisihin o
parusahan.

Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit panatag


ang matuwid, ang katulad ay leon (Kawikaan 28:1). May kaugnayan ba ang
binasa ko mula sa Kawikaan ng Bibliya sa pinag-uusapan natin ngayon?

a. Patunay na mayroon tayong kamalayang moral

Ang dinaranas nating pagkabagabag ng budhi o kawalang-kasiyahan kapag tayo ay nakakagawa


ng masama ay nagpapatunay na may ganito nga tayong kamalayan. Patunay rin ang mga batas ng
lipunan na nagpaparusa sa ilang mga gawaing masama na may pagkilala nga tayo na ang mga
kilos ng tao ay mabuti o masama at dapat niya itong panagutan

3. Suliraning Moral

May mga kilos o gawa ng kinikilala nating mabuti o masama. Halimbawa, mabuti ang
maglingkod sa ating kapwa at masama naman ang pumatay. Gayunpaman, dumarating ang mga
pagkakataon na tayo ay nagsisimulang mag-alinlangan kung ang ating ginawa o balak na gawin

1
ay mabuti nga ba o masama. Ang isang babae na hindi handang suportahan ang mga
pangangailangan ng sanggol sa kanyang sinapupunan ay maaaring matukso na ilaglag ang bata at
itanong sa kanyang sarili: ano nga ba ang mabuti na dapat kong gawin? O kaya ay nagawa na
niya ang aborsyon, maaring maitanong niya sa kanyang sarili: dapat ba akong managot o
sisihin sa aking ginawa.

Iyan ang mga pangunahing suliranin ng etika:

1) Kailan ba mabuti o matuwid ang ating mga kilos o gawa?

2) Kailan ba siya dapat managot sa kanyang mga ginawa?

4. Kahulugan ng etika

Makikita natin dito na ang paksa sa etika ay ang moralidad ng ating mga kilos: ang kanilang
pagiging mabuti o masama. Sa mga sandali ng pag-aalinlangan kung ang ginawa ba natin o balak
pang gawin ay mabuti ba o masama, naghahanap tayo ng isang gabay sa pagpapasyang moral:
pagpapasya kung alin ba ang mabuti na dapat gawin at alin ang masama na dapat iwasan.

Nangangailangan tayo ng isang pamantayan o sukatan ng kabutihan na magiging simulain


(principle), gabay at batayan ng ating pagpapasya kung alin ang mabuti na dapat nating gawin at
kung gayon ay makapamuhay ng matuwid o masama naman na dapat nating iwasan.

Iyan ang nais nating tuklasin sa pag-aaral ng etika. Ang Etika samakatuwid ay ang pag-aaral ng
mga simulain ng mabuting pagkilos at pamumuhay. Hangad natin matuklasan ang
pamantayan ng kabutihan na siyang magsisilbing gabay sa ating mga pagpapasyang moral. Sa
asignaturang (subject) ito, ating pag-aaralan ang iba’t-ibang teoriya ng kabutihan o moralidad,
na ating susuriin kung makatwiran nga ba o hindi.

1) Anong suliraning moral ang naitanong na ninyo sa inyong sarili?


2) Ano ang nag-udyok sa inyo na magtanong?
3) May mahalaga bang bagay na nakataya sa inyong pagtatanong? Ano iyon?
4) Ano ang naging kasagutan ninyo sa nasabing suliraning moral?
5) Ano ang ginamit ninyong pamantayan sa inyong pagpapasyang moral?

5. Halaga ng etika

Mahalaga bang pag-aralan ang etika? Mahalaga bang malaman kung alin ang gawaing mabuti?
Mahalaga ba na tayo ay makapamuhay ng matuwid?

a. Bakit ginagawa ang mabuti?

Balikan ninyo ang isinagawa lamang nating thought experiment. Inisip ba ninyo sa mga
sandaling iyon kung may pakinabang ba kayo sa gagawin ninyong pagsaklolo sa limang tao na
nasa bingit ng kamatayan? O kayo ay balisa dahil may kamalayan kayo na dapat ang gawin

2
ninyo ang tama, hindi dahil sa ano pa mang kadahilanan kundi dahil iyon ang tama na dapat
ninyong gawin?

b. Ang kaligayahan ay bunga lamang ng mabuting gawa at di ang layon

Inisip ba ninyo sa mga sandaling iyong kung ang ikikilos ninyo ay magdudulot sa inyo ng
lungkot o ligaya? Ngunit sangkot ang ating kaligayahan o kalungkutan sa usapin ng moralidad.
Magiging maligaya kaya kayo kung pinili ninyong gawin iyong sa palagay ninyong mali? May
ilang tao na handang dumanas ng pagdurusa at isakripisyo pa nga mismo ang kanilang buhay
para sa kanilang pinaniniwalaang tama na dapat nilang gawin. Nais nating lumigaya. Ngunit
makikita batay sa karanasan natin na ang kaligayahan ay hindi ang layon kaya tayo gumagawa
ng mabuti kundi ang bunga ng paggawa ng mabuti.

c. Bakit may mga tao na hindi maligaya?

Bakit nga ba may ilang tao na hindi masaya sa kanilang buhay na para itong walang kabuluhan?
Maaari kaya na ito ay dahil may mali sa kanilang pamumuhay, sa kanilang naging desisyon kung
ano nga ba talaga ang mabuti na dapat gawin at dapat tunguhin ng kanilang buhay? Kung gayon,
nakataya sa mga pagtatanong sa etika ang mismo nating kaligayahan at kabuluhan ng ating
buhay.

Alin nga ba ang mabuti na dapat nating gawin? Maari kaya na winawasak na pala natin ang ating
buhay ngunit hindi pa natin namamalayan, sa kadahilanang hindi rin natin namamalayan na mali
na pala ang ating mga ginagawa? Kung nakakaramdam tayo ng sakit ng katawan, maaring iyon
ay palatandaan na may masamang nangyayari sa atin. Gayundin, kung tayo ay nakakaramdaman
ng pagkabalisa o kaya ay pagkabagabag ng ating budhi maari kayang may masama na ring
nangyayari sa atin na dapat nating gawan ng paraan?

d. Bakit laganap ang kawalang-kasiyahan sa lipunan?

Masaya ba tayo sa kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan? Bakit laganap ang karukahaan sa
ating lipunan na sanhi ng kawalang-kasiyahan ng ating mga mamamayan? Maari kaya na may
mali sa tinutungo ng ating lipunan? Tulad sa isang naligaw na manlalakbay, kailangan natin ng
isang gabay, isang mapa, mapa ng buhay. Iyan ang ating pagsisikapang tuklasin sa ating pag-
aaral ng etika.

e. Sino ang tunay na edukadong tao?

Nabatid natin na ang edukasyon ay ang pag-unlad ng ating buong pagkatao, hindi lamang sa
kaalaman o kakayahan, kundi rin sa kabutihan. Ang tunay na edukadong tao ay ang mabuting
tao. Ngunit ano ba ang kabutihan upang ating maging gabay paano tayo uunlad sa kabutihan at
kung gayon sa ating pagkatao?
5. Pamamaraan ng pag-aaral

a. pagkakaiba ng etika sa sikolohiya

3
Tulad ng etika ang sikolohiya ay inaaral din ang ating mga kilos. Ngunit hindi nito interes na
alamin kung ang ating mga kilos ba ay mabuti o masama. Ang tangi nitong layon ay alamin
paano ba tayo kumikilos (mabuti man o masama ang nasabi nating kilos) at bakit (o ano ang
mga sanhi o kadahilanan kaya tayo ay kumikilos ng ganoon). Halimbawa, hindi interes ng
isang sikolohista na alamin kung ang pagpapatiwakal (suicide) ba ay mabuti o masama, kundi
lamang kung bakit may mga nagpapatiwakal.

Sa kabilang dako, sa etika ang layunin natin ay alamin kung paano ba tayo dapat kumilos ng
tama at ano ang pamantayan bakit iyon ang tamang dapat nating gawin. Kaya ang layon ng
sikolohiya ay ilarawan (describe) lamang paano tayo kumilos at bakit. Sa etika naman ay ang
magpayo (prescribe) ano nga ba ang mabuti na dapat nating gawin.

b. pagkakaiba ng etika sa teyolohiyang moral

Tulad ng etika ang teolohiyang moral ay pinag-aaralan din alin ba sa ating mga kilos ang
mabuti at alin ang masama. Ngunit magkaiba sila sa pamamaraan ng paghahanap ng
katotohanan. Sa kadahilanang ang etika ay sangay ng pilosopiya, ito ay isang paghahanap ng
katotohanan sa pamamagitan ng likas ng talino ng tao lamang. Kaya ang batayan ng pagsang-
ayon ay katwiran o katibayan.

Ang teolohiyang moral naman ay isang paghahanap ng katotohanan sa tulong ng mga kinikilala
nitong mga banal na paghahayag (divine revelation) o yaong mga katotohanang ipinapalagay na
ibinunyag sa tao ng Diyos na nakatala sa sinasabing mga banal na kasulatan (Bibliya para sa
mga Kristyano o Koran para sa mga Muslim). Sa teolohiyang moral kung gayon, ang batayan
ng pagsang-ayon ay pananampalataya (paniniwala bagaman hindi lubos na nauunawaan).

c. etika bilang sangay ng pilosopiya: batayan ng pagsang-ayon

May mga pilosopo na ang tingin sa relihiyon ay mga kathang-isip lamang. May iba naman na
bukas ang isipan na maaaring may mga katotohanang hindi kayang abutin ng isipan ng tao.
Gayunman, nagsisikap pa rin silang gamitin ang kanilang talino sa abot ng makakaya nito, upang
malaman kung ang mga pahayag ng relihiyon ay katotohanan nga ba o mga pamahiin lamang.

Sa etika kung gayon, ang usapin ng kabutihan o moralidad ng ating mga kilos (ang pagiging
mabuti o masama nila) ay hindi isang bagay na sasang-ayunan na lamang batay sa
pananampalataya. Ito dapat ay nakasandig sa katibayan o katwiran. Kung sasabihin natin
halimbawa na mabuti ang aborsyon, dapat may maibibigay tayong sapat na katibayan o katwiran
na gayon nga. Maari rin namang banggitin ang mga pahayag sa bibliya, ngunit upang ipakita na
ang ilang tuklas ng likas na talino ng tao lamang ay tugma sa mga tinuturo ng biblya.

Bilang sangay ng pilosopiya, walang lugar sa etika ang bulag na pagsunod o di-sinuring
paninindigan. Ang tunay na pilosopo ay hindi basta-basta nagpapadala sa tinig ng nakararami,
utos ng kaugalian o sa mga taong may katungkulan sa lipunan. Dahil ang batayan ng pagsang-
ayon ay katwiran at katibayan, pananagutan kung gayon ng bawat isa na mag-isip at at bumuo ng
sariling mga paninindigan kung ano nga ba ang mabuti o masama. Kung siya man ay may

4
pananampalataya, ito ay hindi bulag na pananampalataya, kundi pananampalataya na
naghahanap ng pag-unawa.

Maaring may ilan na tayong pananaw kung alin ang mabuti o masama. Ngunit masinsinan ba
nating nasuri kung ang ipinapalagay nating mabuti o masama ay gayon nga? O baka yaon ay ang
mga nakagisnan lamang natin sa lipunang ating kinabibilangan? Sa etika ating susuriin ang
pagiging mabuti o masama ng ating mga ginagawa. Ating aalamin ang batayan kung bakit ang
ilang gawa ay mabuti at ang iba naman ay masama.

PAGMUMUNI-MUNI:

1) Anong suliraning moral ang naitanong na ninyo sa inyong sarili?

2) Ano ang nag-udyok sa inyo na magtanong?

3) May mahalaga bang bagay na nakataya sa inyong pagtatanong?


Ano iyon?

4) Ano ang naging kasagutan ninyo sa nasabing suliraning moral?

5) Ano ang naging pamantayan ninyo sa inyong pagpapasyang


moral?

You might also like