Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 10

UNIT II: ANG KONSEPTO NG SIKOLOHIYANG PILIPINO: KABULUHAN AT TUNGUHIN

Aralin I: Mga Konsepto ng Sikolohiyang Pilipino

Sa pagsusuri ng wika, kultura, at literature ng sikolohiya sa Pilipinas mapapansin na may mga konseptong
katutubo at mayroon din naming mga konseptong “inangkin.” Inangkin sapagkat waang intensyong isauli.
Karaniwang tawag sa salitang banyaga na nakapasok sa wikang Pilipino ang taguring “salitang hiram.” Para
bang pupuwedeng isauli. Inangkin na ng mga Pilipino, kanila na rin iyon. Ito ay sa kabila ng katotohanang
ang mga konseptong inangkin ay siyang may pinakamalaking banyagang pakahulugan at kaakibat na ligaw
na pananaw.

1. Mga Katutubong Konsepto


Maraming halimbawa sa literature ng mga konseptong katutubo na halos hindi pa nasasaliksik at
napag-aaralan. Bukod dito, napakarami pang ni hindi man lamang nababangit. Ito ay sapagkat ang
karaniwang ginagamit sap ag-aaral ay ang wikang Ingles. Kung walang salita para doon sa Ingles,
papaano at bakit pa nila pinag-aaralan iyon? Hindi sinasabi na ang konseptong katutubo aay
pekulyar lamang sa Pilipinas ngunit malinaw na ito ay may mga tanging kahulugan na higit na
malapit sa karanasang Pilipino.

Halimbawa, ang salitang saling-pusa, kahit hindi makikita sa anumang aklat sa sikolohiyang galing
sa Amerika ay isang makabuluhang konseptong sikolohikal dito sa Pilipinas. Ang saling-pusa ay
isang katawagan sa isang “bisitang” manlalaro, isa itong manlalarong bata na hindi pa totoong
kasali sa laro sapagkat, dahil sa kanyang murang pag-iisip at pisikal na gulang, hindi pa makasunod
sa mga patakaran at batas ng laro. Kunyari lamang na totoong kasali o tunay na manlalaro ang
panauhing bata. Karaniwang isinasali nang ganito ang bata para mapagbigyan ito at maiwasang
umiyak (definition from Brainly for elaboration purposes). Ipinapahiwatig nito na may mataas na
pagpapahalaga ang mga Pilipino sa damdamin ng isa’t isa kung kaya’t iniiwasan ang huwad na
pakikipagkapwa. Halimbawa, kung ang isang dalga ay maanyayahan sa isang malaking pagdiriwang
at pagkatapos ay matuklasan niyang hindi pala siya ang talagang unang inimbita, natural na
sumama ang loob ng dalaga, sapagkat lumilitaw na pamasak-butas lamang sya.

Mababanggit din bilang halimbawa ang konsepto ng pagkapikon. Natural lamang ang ganitong
konsepto sa isang kulturang buhay na buhay at masigla dahil sa labis na pagbibiruan. Panay ang
biruan ng mga Pilipino kaya posibleng magkaroon ng pagkakataon na ang isang tao ay tablan o
magalit dahil sa labis na biro o panunudyo. Sa kulturang walang nagbibiro, wala rin hindi man lang
mabiro.

Isa pang kontemporaryong konseptong Pilipino sa larangan ng sikolohiyang panlipunan ay ang


konsepto ng “balik-bayan.” Ang konseptong ito ay dala ng patakaran ng gobyernong Pilipino na
hikayatin ang mga Pilipino sa ibang bansa na umuwi at dumalaw sa Pilipinas. Makabuluhan ang
literature at pananaliksik sa sikolohiya ng balik-bayan. Ano kaya ang kanyang layunin sa
pagbabalik? Ano ang kanyang inaasahan? May iba’t ibang uri ba ng balik-bayan? Bakit mayroon sa
kanilang sa halip na maging balikbayan ay nagiging “balik-yabang?”
2. Mga Konseptong bunga ng pagtatakda ng kahulugan
Higit na mabisa ang pagtatakda ng kahulugang teknikal sa isang konseptong makahulugan na sa
Pilipino kaysa sa walang patumanggang pag-aangkop at paglalangkap ng mga ligaw na konsepto.
Halimbawa, sa karaniwang pag-uusap ay hindi na kailangang pag-ibahin ang mga salitang “alaala”
at “gunita.” Magkatulad ang ibig sabihin ng dalawang salitang ito na may kinalaman sa salitang
Ingles na memory bilang salitang teknikal.

Dito at maging sa iba pang konsepto, mahalaga ang pagtatakda ng kasaklawan ng mga kahulugan
subalit kailgan ding matiyak na ito ay alinsunod sa hinihingi ng kategorisasyong naaayon sa wika
at kulturang Pilipino.

Sa halimbawang nabanggit, ang “gunita” ay inihahanay sa “recall” (Alfonso, 1974), samantalang


ang salitang “alaala” ay pansamantalang itinutumbas sa higit na malawak na saklaw ng salitang
“memory.” Ito ay sapagkat ang salitang alaala ay may mga konotasyong emosyonal samantalang
ang “gunita” ay maaaring ihalintulad sa iasng konkretong bagay (Halimbawa: “Buhay sa alaala” at
“Ibaon sa gunita”)

Ang ganitong pagtatakda at paglilinaw ng kahulugan ay mahalaga sa teknikal na bokabularyo ng


sikolohiya. Tulad ng pagkakaiba ng kalahok sa tagapagbatid. Isa sa mga naunang suliranin sa
paggamit ng Pilipino sa sikolohiya ay kung ano ang itatawag sa “subject” sa isang eksperimento.
Ang pinakamadali ay angkinin na lamang; tawaging “subject” at huwag nang baguhin o kaya’y
asimilahin. Ngunit and salitang “subject” ay tumutukoy din sa mga bagay na hindi kasiya-siya para
sa mga Pilipino. Sinuman ay ayaw na maging “guinea pig,” at masakit isipin kung minsan na ikaw
ay “subject” lamang. Sa kabilang dako, ang salitang “kalahok” ay tumutukoy sa positibong
partisipasyon kung hindi man sa aktwal nap ag-aambag sa proseso ng eksperimentong sikolohikal.

3. Ang pag-aandukha o pagbibigay ng katutubong kahulugan sa ideya at salitang hiram


Sa pagkilala at pagpapalawak sa mga konseptong pangsikolohiya, magkamisan ay banyaga ang
pinagmumulan ng salitang inaandukha at binibigyan ng katutubong kahulugan. Maibibigay bilang
halimbawa ang mga pagpapahalagang kanluranin na makikita sa “Seizing one’s opportunity” o sa
“If you have a chance to take advantage of it” na sa pananaw ng Pilipino ay tila naman yata may
kagarapalan. Malinaw na ang salitang “chance” ay hiniram, binago, at inandukha upang maihabi
sa institusyong Pilipino tulad ng nangyari sa salitang “paniniyansing.” Bakit lumitaw ang salitang
“paniniyansing” sa konteksto ng kultura at sikolohiyang Pilipino? Makabuluhan ang dahilan nito.
Ito ay sapagkat gaya ng alam ninuman hindi pwede ang basta hawak nang hawak kung kani-kanino
sa kulturang Pilipino. Masama iyon at ito ay isang istriktong taboo o tunay na ipinagbabawal.
Ngunit dahil matalino ang mga Pilipino, gagawan iyan ng paraan at ang paraang kanyang
natuklasan at napatibayang mabisa ay ang ‘panyanyansing.” Sabi ng ani Padre Skerry ng
Unibersidad ng San Carlos, “kawawa naman ang pobreng biktima ng panyanyansing, sapagkat
kapag tumutol sya, ang ibig sabihin, masama ang kanyang iniisip.” Kapag naman hindi sya
nagsalita, ibig sabihin ay okay sya o kaya ay nagwawala. Kaya napakagandang konsepto ang
panyanyansing kaugnay ng pagsusuri sa interaksyon ng pagkilos at kaugalian sa lipunang Pilipino.
4. Ang pagbibinyag o paggamit ng katutubong salita para sa pandaigdigan o banyagan konsepto.
Ang salitang pagbibinyag ay tumutukoy hindi lamang sa mga ritwal sa pananampalataya kundi
maging sa paggamit sa mga katutubong salita para sa pangdaigdigang konsepto tulad ng “hiya,”
“utang na loob,” at “pakikisama.” Ang mga ugaling ito ay hindi sa Pilipino lamang. Sa katunayan,
inamin ni Charles Kaut (1961), na ang utang na loob ay hindi tahasang banyaga sa Washington D.C.
Natural marunong din silang tumanaw ng utang na loob kaya nga lamang, mas gusto nila ang
kaliwaan, iyong sabay ang pag-aabutan, hangga’t maaari. Inamin din ni Lynch (1961) na walang
pagpapahalagang bukod-tanging sa Pilipino lamang makikita. Gayunpaman, ipinapalagay niyang
ang pagpapahalaga sa pagtanggap ng iba ay higit na namamayani sa Pilipinas. Nangangahulugan
kung gayon na bagamat tinatanggap nilang unibersal ang isang konsepto, binibinyagan nila ito ng
ngalang Pilipino na para bang Pilipino lamang ang mayroon nito.

Isa pang halimbawa ay ang konseptong “impression formation.” Hindi ba at may kawikaan na “first
impression is a lasting impression.” Eh ano ba ang gingawa ng Pilipino kapag kinikilaa niya ang
kanyang kapwa?

Makabuluhan lamang na maging interesado ang sikolohistang Amerikanos a “impression


formation” sapagkat ito’y mahalagang element ng kanilang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Ito ang
dahilan kung bakit ang dalawang graduate student na Amerikanong naghahanap ng apartment sa
bandang syudad ay kailangang magbihis munang Mabuti. Bigla silang mag co-coat and tie bago
humarap sa may-ari o superbisor ng apartment samanatalang kung minsan ay pumapasok sila sa
paaralan na naka-shorts. Ito’y makikita rin sa Pilipinas. Ang salitang “magkilatisan” na hiram na
salitang Kastilang “quilates” ay tumutukoy sa pagsukat ng kakayahan ng ibang tao samanatalang
sa Kastila, ito ay nangangahulugan ng pagtaya sa kalidad ng pagiging lantay, halimbawa, ng ginto
o iba pang mamahaling bato.

Ayon nga kay Adea (1975) bagamat parehong pagkilala sa kapwa ang layunin ng pagkilatis at
pagbuo ng impresyon, higit na malalim ang pagkilatis sa pagbuo ng impreson. Ang pagbuo ng
impresyon ay maaring batay sa ipinahihiwatig ng mga mata, pagsasalita, pananamit, panlabas na
kaanyuan at pinanggalingan rehiyon. Samantalang ang pagkilatis ay higit na nagpapahalaga sa
pagsusuri ng pag-uugali at paninindigan, bukod sa panlabas na kaanyuan.

5. Ang paimbabaw na asimilasyon ng taguri at konseptong hiram


May mga konsepto at teoryang masasabing matagal nang namamalasak sa bokabularyo ng mga
sikolohistang Pilipino subalit ang mga kahulugan nito’y nakalutang at tiwalag pa rin sa karanasang
Pilipino. Bagamat sa simula ay inaangkin ng ganap o buung-buo ang isang salita o konseptong
galing sa ibang kultura, ang paimbabaw na asimilasyon ito ay maaaring magbago sa pagdaraan ng
panahon. Halimbawa, mahirap ihambing ang konseptong “reimporsment” sa konsepto ng mga
Pilipino kung ano talaga ang nangyayari kapag siya ay may napala. Ang reimporsment ay batay sap
ag-aayos ng mga pangyayari samantalang ang ideya ng “napala” ay nasasalig sa katalagahan o
katarungang likas. Hindi ito nangangahulugan ng pagkakatiyap-tiyap ng mga pangyayari. Mahalaga
ang implikasyong pilosopikal ng mga konseptong ito.
6. Ang mga ligaw at banyagang konsepto
Ang impluwensyang dayuhan sa Sikolohiyang Pilipino ay higit na makikita sa tahasang pag-angkin
sa konseptong nilikha sa ibang kultura. Mababanggit dito ang tinalakay ni Gamboa (1975) tungkol
sa “Home for the Aged,” na isang institusyon sa kultura at lipunang Amerikano. Isang magsusulat
ang nagpahayag ng matinding kalungkutan dahil kakaunti lamang daw ang “home for the aged”
sa Pilipinas. Para bang kailangang-kailangan dito sa Pilipinas.

Isa pang konseptong kailangan ding masuri ay ang konsepto ng “prejudice.” Hindi natin sinasabi na
walang prejudice sa Pilipinas. Pero ang salitang prejudice ay tila yata may kabigatan. Maaaring
magkasama ang Cebuano o ang Ilokano o ang Maranao at ang kahit na sino pa mang mga Pilipino
sa iisang kwarto sa isang dormitory at hindi magdadalawang-isip. Hindi magiging problema iyon
na uukilkil sa bawat isa sa kanila kahit saan sila magpunta. Medyo ayaw lang ng Pilipino sa ganito
o mas gusto niya ang gayon. Pero hindi naman prejudice, siguro preference, pero hindi prejudice.
Aralin II: Mga Ipinapalagay sa Sikolohiya

1. Ang tao ay tinitingnan bilang isang indibidwal, hiwalay sa kanyang paligid.


Isang matinding puna sa sikolohiya ang pagiging masyadong indibidwalistiko ng pananaw nito. Sa
pag-uurirat o pagbubutingting sa mga damdamin, isipan, at kilos ng isang tao, nakakalimutan na
siya ay bahagi lamang ng isang malaking komunidad, na ang anumang umaapketo sa kanya ay
nagkakaroon ng epekto sa nakakarami. Hindi kinikilala ang posibilidad na ang mga suliranin ay
bunga ng mga konkretong kondisyon na pumapaligid sa kanya kundi bunga ng mga abstraktong
tunggalian ng id, ego, at superego.

Ang tao ay produkto ng kanyang kapaligiran. Ngunit sa paggamit ng sikolohiya, ang tao ay
tinitingnan na lumalaki, umuunlad nang hiwalay sa kanyang paligid at ang kanyang mga suliranin
ay itinuturing na dulot ng mga internal na tunggalian at pansariling pangangamba, mga metapisikal
na sakit na biglang sumusulpot na lamang, bunga ng ilang karanasan noong siya’y bata pa. Kayat
ang mga solusyon na iminumungkahi sa sikolohiya ay mga indibidwal na solusyon din. Sa
pagtanngap ng mga sanhing sekswal o agresibo, nagkakaroon ng katarsis at paggaling ang tao.
Dahil sa kakulangan ng masaklaw na teoryang tumutuhog sa mga resulta ng iba’t ibang mga pag-
aaral, ang kaalaman sa sikolohiya ay nananatiling mga retaso ng tulang halos walang saysay at
maaaring ipagsawalang-bahala.

2. Ang mga tao ay magkasingtulad. Hindi gaanong mahalaga ang bansa at panahong
pinanggalingan kaya’t maaaring gamitin ang anumang teorya o eksamen sap ag-unawa sa
kanila.
Ang batayan ng ganitong pananaw ay ang paniniwala na walang pagkakaiba ang mga tao sa isa’t
isa. Dahil dito, walang atubiling ginagamit ang mga teoryang nahalaw mula sa mga pananaliksik at
karanasan ng ibang bansa upang ipaliwanag ang mga karanasan ng ating mamamayan.

Dahil sa palaging panganganino sa kaisipang kanluranin, pilit na hinuhusgahan ang sariling kilos
ayon sa pamantayang banyaga. Sa halip na maintindihan ang kapwa nating Pilipino, lalong
lumalawak ang hidwaan sa pagitan ng mga sikolohista at ng sambayanan.

3. Ang sikolohiya ay hindi kumukiling sa anumang Sistema ng pagpapahalaga (value-free) o sa


isang particular na uri ng Lipunan (class-bias free).
Ang pananaliksik sa sikolohiya ay kailangan ng malalaking korporasyon. Napakgandang isipin na
ito’y kanilang sunusuportahan dahil sa makatao o mapagkawanggawang hangarin. Ngunit nakikita
natin kung paano ginagamit ang mga datos na natutuklasan. Ginagamit sa pag-iimpluwensya at
pamamahala ng tao nang hindi nila namamalayan. Halimbawa nito ay ang advertising na kung
saan inaakit ang mamimili upang bumili ng mga produktong hindi nila kinakailangan at sa halagang
hindi nila kaya. Dagdag dito ay ang pakikidigmang sikolohikal (psy-war) na kung saan hindi sandata
and ginagamit kundi ang katalinuhan sa pananakop, at marami pa. Ito’y mga kaalamang galing sa
sikolohiya at ginagamit sa pang-aapi at pagsasamantala ng nakararami para sa kapakanan ng
kakaunti.

Ang sikolohiya ay hindi rin ligtas sa pagkilin sa isang particular na uri sa Lipunan. Marami ang
nagsasabi na ito’y para sa mga mayayaman lamang. At bakit naman hindi – sila lang ang may oras
at salaping maaaring aksayahin. Ang sikolohiya ay isang luho na hindi abot-kaya ng malaking sektor
ng lipunang Pilipino.

Maraming pag-aaral na rin ang nakatuklas ng kaugnayan ng uri at karaniwang sakit na sikolohikal.
Higit na Malala ang mga sakit na nararanasan ng mga mahihirap kung ihahambing natin sa mga
may-kaya na kadalasan ay inaatake lamang ng nerbiyos. Kaya masasabing may mga sakit
sikolohikal na pang-class at pang-bakya. Ngunit sa mga resulta ng mga pag-aaral, hindi pa rin
itinatanong ng sikolohista kung ano ang kalagayan ng mga mahihirap at ano ang nagdudulot ng
ganitong kalagayan. Totoo bang kaakibat ng karukhaan ang madaling pagkapit ng malalang sakit-
sikolohikal o mayroon bang pangyayari sa kanilang aping kalagayan na nagdudulot ng ganitong
resulta?

Sapagkat ang tao ang tuwirang pinag-aaralan ng sikolohiya upang siya’y matulungan, nararapat
lamang na mapag-aralan din ang kanyang kapaligiran at kasaysayan upang magkaroon ng
malaliman at masaklaw na pag-unawa sa kanya.
Aralin III: Ang Kamalayan at Kaluluwa: Isang Paglilinaw ng Ilang Konsepto sa Kinagisnang
Sikolohiya

Malinaw as kinagisnang pagkaunawa, hindi lamang ang pagkakaugnay ng “kaluluwa” at “ginhawa,” kundi
pati na ang pagkakaugnay ng mga ito sa mga konseptong bumubuo ng masasabi nating “kalooban” ng tao.
Sa katunayan, tila nakasalalay sa “kaluluwa” at “ginhawa” ang mga dalumat na nagpapahiwatig ng panloob
na kabuuan ng tao. Samakatuwid, nararapat suriin ang pagkakaugnay ng “kaluluwa” at “ginhawa” bago
linawin ang mga nakakabit ditong mga konsepto, na naglalarawan ng pagkatao mula sa loob.

Kaluluwa at Ginhawa
Kasalukuyang Pagkaunawa
Sa ating pagkakaintindi ngayon, taliwas sa kinagisnang pagkaunawa, tila walang pagkakaugnay ang mga
konsepto ng “kaluluwa” at “ginhawa.” Ito ay maiuugat sa dalawang dahilan:
a. Kristiyanismo
Nagbigay sa atin ng kakaibang pakahulugan sa “kaluluwa” – patungkol sa espiritung tutungo sa
langit or sa impyerno. Kung tayo ay may pananampalataya, hindi natin maiuugnay rito ang
“ginhawa” na karaniwang nangangahulugan ng “aliw” o “mabuting pakiramdam.” Sa katunayan,
para sa isang Kristiyano, nasa kabilang buhay ang tunay na kaginhawaan; hirap at dusa lamang ang
matatamo sa mundong ito. Para sa kaniya, ang tanging dapat maging layunin ng tao ay
mapahiwalay ang kanyang kaluluwa sa katawan upang makamtan ang kaluwalhatian. Samantalang
para sa ating mga ninuno, gaya ng makikita natin, ang pangunahin nilang hangarin sa buhay ay ang
mapanatili sa katawan ang kaluluwa upang ito ay madulutan ng ginhawa at buhay.
b. Panahong moderno
Wala ng nagkakainteres pa ngayon sa kaluluwa, maliban sa mga propesyonal dito- pari, at iba pang
manghihilot-kaluluwa, o dili kaya ay mga nalilito o naliligalig sa buhay na walang mapuntahang
sikoanalista. Ang mga naniniwala ay nababahala hind isa anyo ng kanilang kaluluwa kundi sa
pupuntahan nito; samantala, para sa mga hindi naniniwala, wala naman talgang kaluluwa. At
tungkol naman sa ginhawa, saan at paano pa ito matatagpuan kundi sa pagkakaroon ng pera at
anumang makapagdudulot ng aliw at gaan sa buhay.

Kinagisnang Pagkaunawa

Sa ngayon, sa ating pagkakaunawa, walang kinalaman sa isa’t isa ang mga konsepto ng “kaluluwa” at
“ginhawa,” subalit kung tutunghayan natin ang mga material na etnograpiko at pangkasaysayan, makikita
nating mayroon silang pagkakaugnay.

Etnograpiya

Tingnan muna natin ang ilang datos na etnograpikal:

➢ Ang mga Negrito, ayon kay Garvan, ay naniniwala sa dalawang Kaluluwa:


a. Pumupunta sa libingan kasama ng katawan.
b. Tumutungo sa “bayan ng mga patay” na tinatawag na kaladua, hadadua, kag, o samangat o
“kaluluwa” ng mga Malay at Indones.
➢ Ang kag naman ay ang “kalag” sa Bikol o “karag” sa Mindanaw, katagang kaugnay ng pangalan ng
isang dating grupong etniko sa bandang Surigao, ang mga Karagha o Karagan (mga taong “may
kaluluwa,” ibig sabihin “mapupusok, matatapang, may desisyon at kalooban.”
➢ Ang kaladua at hadadua ay ang “kaluluwa” ng mga Tagalog, “kaladua” ng mga Kapampangan,
“kararua” ng mga Ilokano, “aroak” ng mga Maranaw.
➢ Ang tawag dito ng mga Sulod umalagad, na sya ring tawag sa mga “kaluluwang tagapagtaguyod”
ng mga dating Bikolano. Ang mga umalagad ng mga Sulod ay isang “larawang usok ng katawan.”
Ito ang siyang namamahala sa hininga ng isang tao at nagbibigay sa kanya ng init at buhay.

Maiuugnay sa kaluluwa ang “hininga” at “init at buhay.”

➢ Sa kapaniwalaan ng mga Subanon, ang hininga o “ginhawa” ay nawawala sa isang tao kung ang
manamat o mga kaluluwa sa kasukasuan ay “kinakain” ng asuwang. Ang mga manamat ay iba sa
tunay na kaluluwa, ang gimud. Ang tawag naman dito ng mga Tagbanua sa Palawan ay kiyarulwa
– ito ay ibinibinibigay sa tao sa kanyang kapanganakan at sumasakabilang-buhay sa kanyang
kamatayan. Bukod sa kiyarulwa, may iba pang kaluluwa na matatagpuan sa dulo ng mga paa at
kamay at sa ilalim ng puyo, ang mga pa-yu. Katumbas ng mga ito ang mga kaluluwang Subanon na
may kinalaman sa ginawa o hininga.
➢ Para sa mga Bagobo ng Mindanaw, ang ginawa ay may kinalaman sap ag-ibig (cf. deluk ginawa o
“kakaunting pag-ibig”) at sa pintig o tibok ng puso sa pulso (laginawa). Ang tibok sa pulsuhan at
ang pintig ng puso ay nagpapahiwatig na naroon ang gimokod takawanan, ang kaluluwa sa kanan
na nagbibigay-buhay sa katawan at hindi umaalis dito. Samantalang ang gemood tebang o
kaluluwa sa kaliwa ay lagi na lamang gumagala at, kung naliligaw at hindi makabalik sa katawan,
ay nagiging sanhi ng lahat ng uri ng sakit.
➢ Ang ginawa ng mga Subanon at Bagobo ay hindi nalalayo sa ginhawa o “pahinga, hinga” ng mga
Bikolano, Hiligaynon, at Sebuano. Ang pagkakaugnay nito sa kaluluwang nagbibigay-buhay ay
lalong lantad sa mga Dayak (Borneo) na naniniwalang may dalawang kaluluwa – ang sumangat o
kaluluwang di nawawala kapag namatay ang tao; at ang nyawa, na nananatili lamang habang
buhay ang tao.
➢ Sa ganitong konteksto, nagiging higit na makabuluhan ang kasabihan sa Tagalog na “kung may
buhay, may ginhawa,” sapagkat ang buhay nga ay alay ng ginhawa bilang kaluluwa. Nakilala na ni
Constenoble (1937) na ang nyawa ay muula sa ‘n’ava ng Proto-Indones (sa katunayan, Pro-
Austronesyano) na nangangahulugang “kaluluwang hininga” (Atemseele). Sa gayon, katumbas din
ito ng napahabang anyo ng ginhawa o “nagaanang paghinga” sa Tagalog, pati ng ginhawa sa Bisaya
at ‘inawa sa Kapampangan.
➢ Sa katunayan, ang katumbas ng N’ava sa Polynesia, ang salitang manava, ay hindi lamang
nangangahulugang “hininga” kundi “tiyan” din. Gaya ng makikita natin, ang ginhawa sa Pilipinas
ay may pagkakaugnay rin sa tiyan – at sa sikmura pa nga.
➢ Sa ngayon, tila mahalagang bigyang-diin na sa Polynesia, ang kaluluwang kaalinsabay ng manava
ay vaerua, na maaaring lumabas nang pansamantala sa tao habang nabubuhay pa at umaalus
nang tuluyan sa kamatayan. Ang katagang vaerua ay mula raw sa “dua” o dalawa sa Pilipino at vae
o wai na isang anyo ng bali o “magsama, Samahan,” kaya ang vaerua ay nangangahulugan daw ng
“pangalawang kasama.” Sa katunayan, kahawig dito ang etimolohiya ng kaluluwa, na galing din
daw sa duwa o dalawa (ang dalawa ay isang reduplikong porma ng duwa); samakatuwid, ang
kaluluwa ay nangangahulugan ng “kasabay.”
➢ Ang an-abi-ik o “kaluluwa” ng mga Igorote ng Sagada ay mula sa abi-ik o “tukayo.” Hindi ito
nalalayo sa maaaring maging kahulugan ng umalagad ng mga Bikolano at Bisaya bago dumating
ang mga Kastila, na nagtataguri ditong “nagbabantay na anghel.” Gayunpaman, batay sa mga datos
na etnograpikal, makikitang may pagkakaugnay ang “kaluluwa” at “ginhawa” sa kaisipan ng mga
dating Pilipino.
Kasaysayan
Bagaman at Malabo, mahihiwatigan sa mga kronika o salaysay ang anyo ng dating kaluluwa. Iniulat ni Luis
de Jesus noong ika-17 ng dantaon, at nabanggit din ni Fray San Nicolas, na ang mga Pilipino’y may
“humalaga” (cf. ang umalagad ng mga Sulod) na kanilang tinatawag sa pamamagitan ng mga babaylan.
Ayon sa dalawang manunulat na ito, ang mga babaylan ay naglalagay ng isang uri ng dahoon ng palma sa
ulo ng maysakit at nagdarasal, tinatawag ang kaluluwa na maupo roon upang mabigyang-kalusugan ang
pasyente. Ito ay ritwal ng pagpapabalik sa kaluluwa, yamang ang pag-alis nito sa katawan ang siyang
nagbibigay-daan sa karamdaman ng pasyente. Ayon kay Aduarte, kung nagkakasakit ang isang tao sa
Nueva Segovia (Cagayan ngayon) noong ika-17 ng dantaon, sinasabi ng mga anitera na ang kanyang
kaluluwa ay lumabas, at sa tulong ng kanilang mga dasal at gamut, ito’y kanilang maibabalik upang
gumaling ang pasyente. Napuna nga ni Concepcion na naniniwala ang ating mga ninuno sa “kawalang-
kamatayan ng mga kaluluwa na matapos gumala sa ilang rehiyon ay maaaring bumalik sa kani-kanilang
katawan.

Malinaw sa mga balitang ito ng mga prayle na may pagkakaugnay ang gumagalang kaluluwa sa kalusugan
(at buhay) ng tao, na sa etnograpiya’y katangian o anyo ng ginhawa. Kung gayon, magkakabit ang dalawang
konsepto ng “kaluluwa” at “ginhawa” sa kinagisnang sikolohiya. Tumutugon ang kaluluwa sa bahagi ng tao
na sumakabilang-buhay habang ang tao’y buhay pa – isang pananaw na taliwas sa kasalukuyang
pagkaunawa. Ang ginhawa naman ay ang bahaging may kinalaman sa “buhay,” “hininga” at sa buong
pwersa ng tao sa kanyang aspetong pisikal. Ang pagkawala ng kaluluwa sa katawan, habang buhay pa ang
tao, ang nagiging sanhi ng kanyang pagkakasakit, ang ginhawa naman ang siyang nagpapanatili ng kanyang
kalusugan.

Karagdagang Pakahulugan

Kaluluwa

➢ Sa kasalukuyan, ang kaluluwa ay maaaring tumutukoy sa buong pagkatao – “kaluluwang Dalisay,”


“kaluluwang kawawa,” “kaluluwang maawain,” “kaluluwang malupit.” Kaugnay nito, ang
kaluluwa’y itinuturing na pinakabuod ng isang tao, ang bahaging di maaaring mamatay. Malapit
dito ang paniwalang may elementong “moral” ang kaluluwa, kagaya ng mahihinuha sa mga
pariralang “taong may kaluluwa” at “taong walang kaluluwa.”
➢ Ang kaluluwa ang nagbibigay kabutihan sa tao, ang nag-uudyok sa kanya na gumawa ng mabuti.
Ang ideyang ito marahil ang dahilan kung bakit inihahambing ng mga prayle ang kaluluwa sa isang
“anghel na bantay.” Taliwas sa kapaniwalaang Kristiyano, ang kaluluwa, para sa ating mga ninuno,
ay likas na mabuti at nagpapabuti sa tao.
➢ Bukod pa rito, singkahulugan ng “kaluluwa” ang “hilagyo,” na hindi lang nangangahulugang
“espiritu” at “anghel na bantay” kundi “esensya, kakanyahan” at “katularan, kawangisan.”
➢ Ang kaluluwa ay nangangahulugan din ng “buhay” at “sigla” bagay na nagpapalapit dito sa
“ginhawa.” Datapwat, higit sa lahat, ang kaluluwa ay “diwa” rin.

Ginhawa
➢ Hindi salungat sa dating pagkakaintindi sa ginhawa ang mga kasalukuyang pakahulugan, katulad
ng “gaan sa buhay,” “aliwan sa buhay,” “paggaling sa sakit,” “kaibsan sa hirap,” “aliw,” o “mabuting
pamumuhay.”
➢ Lahat ay kaugnay ng “paghinga,” “hinga,” “buhay,” at “tibok ng puso.”
➢ Pati na ang pakahulugan sa “ginhawa” ng mga Hiligaynon na “pagkain” at “ganang kumain” ay
hindi nalalayo rito.
➢ Ang pagkain ang pinakabase ng buhay. Ang “ganang kumain” bilang kahulugan ng ginhawa ay higit
na nakakatawag-pansin. Isang tanda ito ng kalusugan; ang pagbalik ng ganang kumain ay
nagpapahiwatig ng paggaling ng taong may sakit. Nanumbalik na o nagkaroon muli ng ginhawa.
➢ Kaya nga, bahagi ng ating pagkakaintindi sa paggamot ang pagkain. Sa mga kinagisnang ritwal sa
pagpapagaling ng mga maysakit, nagsasakripisyo ng manok o baboy na iniaalok bilang pagkain,
kasama ng kanin, sa ginagamot.
➢ Ito ang nagpapaliwanag kung bakit hanggang ngayon ay nagdadala tayo ng pagkain (iyong
masustansya) sa pagdalaw sa maysakit, bagay na hindi ugali ng mga Kanluranin.
➢ Bukod pa rito, ang isang bahagi ng ating dating panggagamot ay nasasalalay sap ag-aalaga sa tiyan
bilang likmuan ng buhay at, samakatuwid, ng ginhawa. Kadalasan, ginagamot ang maysakit sa
pamamagitan ng pag-alis mula sa tiyan ng isang bagay na pinaniniwalaang inilagay doon ng isang
mangkukulam.
➢ Sa dating paniniwala natin, ang kinagigiliwan ng aswang ay ang bituka ng tao, na kung nahihigop
sa pamamagitan ng kaniyang dila, ay ikinamamatay ng biktima.
➢ Ayon kay Padre Castano, ang dating mga taga-Bikol ay pumapatay ng mga alipin upang ipain ang
bituka nito sa mga aswang, nang sa gayon ay makaligtas ang isang dating maysakit. Hanggang
ngayon, paniniwala pa rin sa Albay na ang nag-aaksaya ng pagkain ay pinarurusahan sa
pamamagitan ng bu’song, ang paglaki ng tiyan.
➢ Tila dinadala tayo ng mga halimbawa sa daigdig ng mga impakto. Huwag sana tayong mabahala.
Ibig lamang nating ipakita ang kasaklawang semantiko ng “ginhawa” sa kinagisnang sikolohiya, at
ang pagkakaugnay nito sa kaluluwa.
➢ Mahalagan batayan ito para sa ikalawang bahagi ng ating pagsusuri, ang matiyak kung paano
nasasalalay sa dalawang konseptong ito ang isang teorya ng pagkatao at kamalayan ng Pilipino –
alalaumbaga, isang sikolohiya ng persepsyon na taal sa Pilipino.

You might also like