Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 21

Competency:

GMRC6-IIi-7: Naisasabuhay ang pakikiisa


sa pamamamagitan ng paghihikayat sa
pamilya na makipagbayanihan sa mga
gawaing pampamayanan ayon sa kanilang
kakayanan.
Treasury of Storybooks

This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2023 of the

Department of Education.

Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright shall subsist in this

work of Government of the Philippines. However, prior approval of the Department of

Education shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other

things, impose as a condition the payment of royalties. No prior approval or conditions shall

be required for the use for any purpose of statues, rules and regulation, and speeches,

lectures, sermons, addresses and dissertations, pronounced, read or rendered in courts of

justice, before administrative agencies, in collaborative assemblies and in meetings of public

character.
Isang pangkaraniwang araw sa Barangay Katapatan, Dito naninirahan ang isang mabait at

tahimik na batang si Tonyo kasama ang kanyang tatay Leo, nanay Luz at dalawang kapatid, si

Katrina, ang kanyang ate at si Joana ang bunso. Siya ay labing-isang taong gulang pa lamang,

madalang man siyang magsalita ngunit banaag sa kislap ng kanyang mga mata ang malalim na

pagnanasa na makatulong at mas mapabuti ang kanilang lugar. Masikap niyang ginagampanan

ang kanyang tungkulin bilang mag-aaral at tumulong sa mga gawaing bahay. Minsan tumutulong

din siya sa kanillang kapitbahay sa pag-aalaga ng kanilang mga hayop at sa iba pang gawain.
Likas ang ingay sa Barangay Katapatan, sapagkat dito nakatayo ang estasyon ng mga

pampublikong sasakyan. Ngunit ang lalong nagpapaingay nito ang palagiang pagbaha at ang

paglaganap ng sakit na leptospirosis. Naging apektado nito ang maraming tao lalung-lalo na ang

kabataan.
Isang araw habang nasa silid-aralan si Tonyo, nagkaroon ng talakayan ang kanilang guro

na si Gng. Zamora at mga kamag-aaral hinggil sa leptospirosis. Tahimik lamang ngunit napaka

interesado ni Tonyo na nakikinig sa palitan ng ideya ng kanyang mga kaklase at kanilang guro.

Gusto niyang magsalita upang ipahayag ang kanyang ideya ngunit nahihiya siya kaya minabuti

niyang sarilinin nalang ito. Noong malapit nang matapos ang klase nila sa Health nagtanong ang

kanilang guro kung ano ang gustong gawin ng mga pamilya nila tungkol dito.
Nagtaas ng kamay si Karlos, ang kinikilalang pinakamatalino sa kanilang klase. “O Karlos”

sambit ni Gng. Zamora. Sabi ni Karlos, “Kapag marami nang pera ang tatay ko lalayo kami dito

sa lugar na ito upang maiwasang magkasakit ang pamilya namin” sagot ni Karlos. Sabay tunog

ng kampana na nagpapahiwatig na uwian na. Pinauwi na kaagad ni Gng. Zamora ang klase

sabay sabi, “dahil Sabado bukas at walang pasok, magbasa pa kayo ng mga artikulo sa internet

tungkol sa pinag aaralan natin ngayon.” “Opo, titser” tugon ng mga bata.
Umuwi si Tonyo na may mabigat na kalooban, nasa isip parin nya ang sinabi ni Karlos.

Nasaktan ang kanyang damdamin dahil ang lugar na kinagisnan at minahal niya ay may

malaking problemang hinaharap. Gayunpaman, naintindihan din niya ang ideya at naramdaman

ni Karlos.
Pagdating ni Tonyo sa bahay, banaag sa kanyang mga mata ang lungkot at di ito

nakaligtas sa pakiramdam ng kanyang Ate Katrina, “Tonyo gutom ka ba, bakit ang tamlay mo?”

tanong ng nag-alalang kapatid. Kibit-balikat lamang si Tonyo at diretsong pumunta sa kanyang

silid upang magbihis ng damit-pambahay. Pumunta kaagad si Tonyo sa kusina upang gawin ang

mga gawaing nakaatang sa kanya.


Kinagabihan, pagtapos nilang maghaponan at natiyak na malinis na ang kanilang

pinagkainan, nanghiram si Tonyo ng kompyuter sa kanyang ate at ikinabit ito sa internet upang

gawin ang ibinilin ng kanilang guro na magsaliksik tungkol sa mga problemang hinaharap ng

kanilang lugar. Nabasa niya halos lahat ng mga impormasyon ukol sa leptospirosis. Nalaman

niya kung saan ito nagsimula at paano ito maiwasang kumalat.


Isang umaga kinabukasan, habang nakaupo si Tonyo sa kusina, uminom ng katas ng

dalandan at kumakain ng tinapay, hindi niya maiwasang mag-isip tungkol sa lahat ng paraan na

maaari niyang magawa para makatulong. Lumabas ang kanyang tatay, “Magandang umaga po

Itay” magalang na bati ni Tonyo. “Magandang umaga naman anak, bakit parang napakalalim ng

iyong iniisip?” tanong ng kanyang tatay.


“Tay, gusto kong tulungan natin ang ating lugar na masolusyonan ang madalas na
pagbaha at paglaganap ng sakit na leptospirosis” seryosong sagot ni Tonyo sa kanyang tatay.
“Naku! Napakagandang ideya niyan, anak. Tamang-tama walang pasok ngayon, ano ang naisip
mong gawin natin?” Kumislap ang mga mata ng ama sa tuwa dahil nabatid niyang
napakaresponsableng bata ng kanyang anak. “Gusto kong simulan natin ang paglilinis sa mga
daluyan ng tubig dito sa atin na bumabara dahil sa mga basura, pagkatapos ipaalam at himukin
natin ang mga kabaranggay na sama-sama tayong maglinis sa ating lugar” mariing sabi ni
Tonyo. Sang-ayon ang tatay, kaya tinawag niya ang nanay, ate at bunso upang mag almusal na
at pag usapan ang tungkol dito.
Habang nasa hapag kainan, sinabi ni Tonyo ang kanyang buong plano. Gusto niyang lahat

ng tao ay magtulong-tulong sa paglinis ng paligid upang maiwasan ang pagbaha at pagkalat ng

sakit na dala nito tulad ng leptospirosis. “Si ate ang gagawa ng mga polyeto tungkol sa

leptospirosis upang ipamigay sa mga tao sa barangay” sabi ni Tonyo. Malugod na sumang-ayon

ang ate. “Kaming tatlo ang mamimigay nito sa mga tao” sabi ng nanay Luz. “Sige, maglibot tayo

mamaya gamit ang ating tricycle” tugon ng tatay. Nagmadaling kinuha ni Tonyo ang megaphone

na kanyang gagamitin.
Pagkatapos nilang nilinis ang kanilang bahay at bakuran, nagsimula nang maglibot ang

pamilya ni Tonyo. Una nilang pinuntahan ang lugar na matao, malapit ito sa kanilang Barangay

Hall kung saan maraming batang naglalaro, kasama doon si Karlos.


Habang abala ang nanay, ate at bunsong kapatid sa pamimigay ng polyeto, gamit ang

megaphone, dinig na dinig nila ang boses ni Tonyo, napalingon ang lahat sa direksiyon kung

saan nagmula ang malakas na tinig. Nanlisik ang mga mata ng lahat lalong-lalo na ang mga

kamag-aral ni Tonyo na naglalaro doon. Hindi makapaniwala ang lahat dahil nagmula ito sa

isang napakatahimik na bata ngunit hinimok ng pagmamahal sa kanyang lugar. Parang

dagundong ang boses ni Tonyo na pumapasok sa tainga ng mga tao na may kapangyarihan na

gawin ang kanyang mga sinasabi. Masaya ang mag-anak sa kanilang ginagawa, habang

masigasig ding nagsimulang maglinis ang mga tao sa kanilang barangay.


Lunes, araw ng pasukan, habang naglalakad si Tonyo patungong silid-aralan, nakatitig

sa kanya ang tingin ng mga mag-aaral dahil damang-dama pa rin nila ang mapanghimok na

boses ni Tonyo.
Pagdating niya sa klase ay nandoon na si Gng. Zamora, sinalubong siya nito ng isang

matamis na ngiti, sabay puri “Ang galing ng ginawa mo, Tonyo, binabati at ipinagmamalaki ka

naming lahat,” sabay palakpakan ang buong klase. Halos hindi pa rin makapaniwala ang lahat na

magagawa iyon ng isang maliit at napakatahimik na bata.


“Si Tonyo ay isang halimbawa, na kung gusto nating maging epektibo, hindi sapat na

alam natin ang tama, dapat sabihin natin ang tama at gawin natin ang tama” idinagdag ni Gng.

Zamora. Tumayo si Tonyo, nagbigay-galang at nagpasalamat.

WAKAS…
Sa isang karaniwan na barangay na pinamumuhayan ng pamilya ni Tonyo,

sumibol ang malalim na pagnanasa na makatulong sa kanilang lugar para sa

kabutihan ng lahat. Sa gitna ng problema ng pagbaha at leptospirosis na

nagpapakagulo sa kanilang lugar. Ang tahimik na batang si Tonyo ang naging

boses ng pag-asa. Nag-aral, Nagbasa, gumawa at naghimok ng kanyang pamilya

at kabaranggay na magsagawa ng mga aksyon upang mapanatili ang kalusugan

at kaligtasan ng mga tao. Ipinakita niya na sa kabila ng kanyang kabataan, nasa

puso niya ang pagmamahal sa kanyang lugar. Ang kanyang pagmamahal dito

ang naging inspirasyon kanilang guro, kaklase at lahat ng tao sa baranggay na di

sapat na malaman ang tama, dapat sabihin at gawin ang tama. Ang kuwento ni

Tonyo ay isang paalala na ang bawat isa sa atin ay may kakayahan na maging

boses ng pag-asa at pagbabago sa ating sariling komunidad.

You might also like