1 Mga Konseptong Pangwika Wikang Pambansapanturo at Opisyal

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

MGA KONSEPTONG PANGWIKA

Wika at Komunikasyon
Wikang Pambansa, Wikang Opisyal, at Wikang Panturo

KASANAYANG PAMPAGKATUTO
q Natutukoy ang mga kahulugan at kabuluhan ng mga konseptong pangwika.
q Naiuugnay ang mga konseptong pangwika sa sariling kaalaman, pananaw, at mga karanasan.

PAGNILAYAN
Wika ang pinakamahalagang sangkap at ugnayan sa pakikipagkapwa-tao. Malaki ang tungkulin ng wika sa
pakikipag-unawaan at pakikisalamuha ng tao sa kaniyang tahanan, paaralan, pamayanan at lipunan.
Naipadarama ng wika ang sidhi ng damdamin, lalim ng lungkot at pighati, ang lawa ng galak, ang
kahalagahan ng katwiran, ang kabutihan ng layunin, ang nakapaloob na katotohanan sa isang layunin, ang
kaibuturan ng pasasalamat at paghanga.

WIKA
q Ang wika ay isang sistema ng mga sagisag na binubuo ng mga tunog o kaya ay mga pasulat na letra na
iniuugnay natin sa mga kahulugang nais nating ipabatid sa ibang tao (Emmert at Donagby, 1981).

q Ayon naman kay Henry Gleason (1988), ang wika ay sistematikong balangkas ng mga sinasalitang tunog
na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura.

q Ayon naman sa pananaw ni Lev Semyonovich Vygotsky (1978), ginagamit ang wika sa pag-iisip ng mga
tao dahil tinutulungan niyang iproseso ng ating utak ang lahat ng kaalaman at impormasyong iyong
nababatid.

q Sa palagay ng dalubwika na si Constantino, ang wika ay maituturing na behikulo ng pagpapabatid ng


damdamin at isang mahalagang instrumento sa pagtatago at pagsisiwalat ng katotohanan.

q Sa pananaw ni Whitehead, ang wika ay kabuoan ng kaisipan ng lipunang lumikha nito; bawat wika ay
naglalaman ng kinaugaliang palagay ng lahing lumikha nito. Ito raw ay salamin ng lahi at kanyang
katauhan.

q Para naman kay Haring Psammatikos, ang wika ay sadyang natutuhan kahit walang nagtuturo at
naririnig.

q Ang wika ay isang sistemang arbitraryo ng simbolong pasalita na nagbibigay pahintulot sa mga taong
may kultura o ng mga taong Finnocchiaro (1964).

q Ang wika ay isang sistema ng mga simbolong arbitraryo ng mga tunog para sa komunikasyong pantao
Sturtevant (1968).

q Ang wika ay ang pangunahin at pinakaelaboreyt na anyo ng simbolikong pantao. Ang mga simbolong ito
ay binubuo ng mga tunog na nalilikha ng aparato sa pagsasalita at isinasaayos sa mga klase at padron na
lumilikha at simetrikal na estraktura Hill (1976).

q Ang wika ay masasabing sistematiko. Set ng mga simboli kong arbitraryo, pasalita, nagaganap sa isang
kultura, pantao, at natatamo ng lahat ng tao Brown(1980).

q Ang wika ay isang paraan ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao sa isang tiyak na lugar, para sa isang
partikular na layunin na ginagamitan ng mga berbal at biswal na signal para makapagpahayag Bouman
(1990).
q Ang wika ay kalipunan ng mga salitang ginagamit at naiintindihan ng isang maituturing na komunidad
Webster (1990).

MGA TUNGKULIN NG WIKA


Ayon sa pagsusuri ni Gordon Wells, ang wika ay may limang tungkulin:
q Pagkontrol sa kilos at gawi ng iba.
q Pagbabahagi ng damdamin.
q Pagpapanatili sa pakikipagkapwa at pagkakaroon ng intension sa kapwa.
q Pangarap at paglikha.
q Pagbibigay o pagkuha ng impormasyon.

MGA KATANGIAN NG WIKA


1. Ang wika ay sinasalitang tunog. Kakailanganin ng tao ng aparato sa pagsasalita (speech apparatus)
upang mabigkas at mabigyang modipikasyon ang tunog. Mahalaga sa tao ang kanyang diapram,
enerhiyang nagmumula sa baga, babagtingang tinig o vocal cords na nagsisilbing artikulador, at
ang mga sangkap sa loob ng bibig tulad ng dila, ngipin, guwang ng ilong, gayundin ang matigas at
malambot na ngala-ngala.
2. Nabubuo ang wika sang-ayon sa mga taong gumagamit nito sa loob ng mahabang panahon
(Rubin, 1992). Ang wika ay set ng mga tuntuning pinagkasunduan at tinatanggap nang may
pagsang-ayon ng lahat ng tagapagsalita nito. Sapagkat napagkasunduan o arbitraryo ang wika,
nagagawang pagsaluhan ng isang komunidad wika ang kumbensyong panlipunan na nagbibigay
dito ng kolektibong pagkakakilanlan bilang isang pangkat o grupo. Ito ang dahilan kung bakit may
mga salitang magkatulad ang baybay at bigkas sa maraming wika subalit magkakaiba ng
kahulugan.
3. Likas ang wika, ibig sabihin, lahat ay may kakayahang matutong gumamit ng wika anoman ang
lahi, kultura, o katayuan sa buhay.
4. Ang wika ay dinamiko upang mapanatiling masigla at buhay ang lahat ng wika, kailangang
makasabay ito sa pagbabago ng panahon. Nagbabago ang paraan ng pananalita ng mga tao
maging ang angking kahulugan ng salita sa paglipas ng panahon.
5. Ang wika ay masistemang balangkas.Bago matutong bumasa ang isang bata, kailangan muna
nitong matutong kumilala ng tunog (ponolohiya). Itinuturing na makabuluhan ang isang tunog
kung may kakanyahan itong makapagpabago ng kahulugan. Sinusundan ito ng pagsasama-sama
ng tunog. Ang pagsasama- sama ng salita upang makabuo ng payak na pahayag o pangungusap
ang tinatawag na sintaks o palaugnayan.
6. Bawat wika ay tuwirang nakaugnay sa kultura ng sambayanang gumagamit nito. Wika ang
pangunahing tagapagbantayog ng mga kaugalian, pagpapahalaga, at karunungang mayroon ang
isang komunidad. Ang wika at kultura ay hindi kailanman maihihiwalay sa isa’t isa.
7. Ang wika ay ginagamit sa komunikasyon. Kailangang patuloy na gamitin ang wika upang
mapanatili itong masigla at buhay. Kailangang kalingain sa komunikasyon ang wika upang
patuloy itong yumabong at umunlad.

KOMUNIKASYON
q Ito ay pagpapahayag, paghahatid, o pagbibigay ng impormasyon sa mabisang paraan. Isa itong
pakikipag-ugnayan, pakikipagpalagayan o pakikipag-unawaan (Webster).

q Ito rin ang proseso ng pagbibigay at pagtanggap, nagpapalipat-lipat sa mga indibidwal ang mga
impormasyon, kaalaman, kaisipan, impresyon, at damdamin. Nagbubunga ang ganitong pagpapalitan ng
pagkakaunawaan at kaunlaran ng lipunan (Cruz, 1988).

ANTAS NG KOMUNIKASYON
q Intrapersonal
Ito ang antas ng komunikasyon na nakatuon sa sarili o paraan ng pakikipag-usap sa sarili sa
pamamagitan ng dasal, meditasyon at pagninilay-nilay.
q Interpersonal
Ito ang antas ng komunikasyon na nagaganapn sa pagitan ng dalawa o higit pang kalahok
q Organisasyunal
Ito ay antas ng komunikasyon na nagaganap sa loob ng isang oraganisasyon tulang ng paaralan,
kompanya, simbahan, at pamahalaan sa pagitan ng mga taong may iba’t ibang posisyon, obligasyo at
responsibilidad.

MODELO NG KOMUNIKASYON
q Ang tagapagpadala (sender) ang pinagmulan ng mensahe. Dumadaan ang mensahe sa isang tsanel
(channel) upang maihatid ito sa patutunguhang tao o destinasyon. Tagatanggap (receiver) ang tao o
institusyong pinapadalhan ng mensahe.

q Nagkakaroon ng tugon, puna o reaksiyon (feedback) ang tagatanggap hinggil sa mensahe ng


tagapagpadala. Ito ay bumabalik sa tagapagpadala. Sa pagpapaabot ng mensahe, maaring hindi ito
maintindihan dahil sa ingay.

q Ang ingay ang nagiging hadlang sa komunikasyon dahil maaari itong na likha ng kapaligiran, ng mga
tao, at mga bagay. Maaari din naming internal ang ingay o sikolohikal dulot ng bagabag sa sarili, pag-
aalala, at kalituhan ng tagapagpadala o tagatanggap.

URI NG KOMUNIKASYON
q Komunikasyong Pabigkas
Ito ang pinakapundasyon ng anumang wika at pagsasaling-kalinangan sa maahabang henerasyon.
Ang sinaunang kalinangan ay nakabatay sa pagbigkas o pasalitang tradisyon tulad ng ritwal ng
pananampalataya, pagtatanim at pag-ani, pagpapagaling sa may sakit, kasal, pagsilang, at kamatayan.

q Komunikasyong Pasulat
Ito ay isa sa mahahalagang salik ng kaalaman at edukasyon ng tao. Nakabatay sa alpabeto,
gramatika, o estruktura ng wika at kumbensiyong pangwika (protocol at etika, etnograpiya ng
komunikasyon, kontekstong kultural) ang pagsulat ng isang tao.

q Pakikipagtalastasan sa Pamamagitan ng Kompyuter


Sa pag-usbong ng Internet nagkaroon ng aktuwal at tuluyang komunikasyon habang gamit ang e-
mail, chat, messenger at social networking site. Maaring pasalita o pasulat o kombinasyon ng
pasalita at pasulat ang nagaganap na komunikasyon.

WIKANG PAMBANSA
Ang wikang pambansa ay tumutukoy sa wika na ginagamit ng mga tao sa isang bansa. Halimbawa, ang
wikang pambansa ng mga taga-Nepal ay Nepali bagamat mayroon silang 123 na mga wika. Tulad ng Nepal,
ang Pilipinas ay mayroon ding wikang pambansa at ito ang wikang Filipino batay na rin sa 1987 na
Konstitusyon.

Ang wikang pambansa ay kailangang nasa estado ng pagiging lingua franca at nararapat na sumailalim sa
pagkilala ng batas. Ito ang dahilan kung bakit malawakang nagagamit saan mang panig bansa ang wikang
Filipino dahil paulit-ulit itong itinanghal o binigyang halaga sa maraming batas. Kaugnay nito, kailangang
maging bukas ang wikang Filipino sa panghihiram mula sa mga katutubong at iba pang banyagang wika
upang patuloy itong umunlad.

q Kinilala ang Filipino bilang Wikang Pambansa alinsunod sa Artikulo XIV, Sek.6, ng Saligang Batas ng
1987.

q Ayon sa batas na ito, “habang nililinang ang Filipino ay dapat itong payabungin at pagyamanin nang
nakasalig sa mga katutubong salitang umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika’’.

q Artikulo XIV, Seksyon 3 ng Saligang Batas ng 1935


“… ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagkakaroon ng isang wikang Pambansa na
ibabatay sa isa sa mga umiiral na wikang katutubo.”

q Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134(1937)


Ipinahayag na Tagalog ang siyang magiging batayan ng wikang pambansa ng Pilipinas.

q Batas Komonwelt Blg. 570 (1946)


Pinagtibay na ang Pambansang Wika ay magiging isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas simula
Hulyo 4, 1946.

q Proklamasyon Blg. 12 (1954)


Nilagdaan ni Pangulong Ramon Magsaysay na nagpapahayag ng pagdiriwang Linggo ng Wikang
Pambansa ay magaganap mula sa ika-29 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril bilang pagbibigay-
kahalagahan sa kaarawan ni Balagtas (Abril 2).

q Proklamasyon Blg. 186 (1955)


Nilagdaan ni Pangulong Magsaysay na nag-uutos sa paglilipat ng petsa ng Linggo ng Wika mula ika-
13 hanggang ika-19 ng Agosto bilang pagbibigay ng kahalagahan sa kaarawan ni Pangulong Quezon
(Agosto 19).

q Kautusang Pangkagawaran Blg. 7. s. 1959


Nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero ng Kagawaran ng Edukasyon noong Agosto 13, 1959 na
nagsasaad na kailanma’t tutukuyin ang Wikang Pambansa, ang salitang Pilipino ang gagamitin.

q Artikulo XIV, Saligang Batas ng 1987.


Sek. 6.
Ang wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino.
Sek. 7.
Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay
Filipino at hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.
Sek. 8.
Ang konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin sa mga pangunahing
wikang panrehiyon, Arabic at Espanyol.

WIKANG OPISYAL
Tumutukoy naman ang wikang opisyal sa wikang ginagamit sa gobyerno at mahahalagang gawain ng isang
lugar. Maaaring iisa lamang ang wikang opisyal at wikang pambansa kagaya ng wikang Ingles sa ating
bansa. Bagamat mayroong Filipino bilang wikang pambansa, malakas ang impluwensiya ng wikang wikang
Ingles at ito ay ginagamit bilang isa pang wika sa mga gawain at pagpupulong sa gobyerno at isinusulong sa
mga paaralan.

q Ayon sa Artikulo XV, Seksyon 2 at 3, Saligang Batas ng 1973, “ang Batasang Pambansa ay
magsasagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na paggamit ng pambansang wikang
Pilipino at hangga’t hindi binabago ang batas, ang Ingles at Filipino ang mananatiling wikang opisyal ng
Pilipinas.

WIKANG PANTURO
Ang wikang panturo ay tumatalakay sa wika na ginagamit sa loob ng paaralan. Ang wikang ito ang
ginagamit ng mga guro sa pagtuturo sa loob ng silid- aralan at ginagamit sa mga libro at iba pang
materyales. Maliban pa sa Ingles at Filipino, ginagamit na rin ng mga guro ang unang wika ng mga mag-
aaral sa mababang baitang lalo na sa mandato na ipatupad ang Mother Tongue-based Multilingual
Education (MTB-MLE) sa ilalim ng K to 12.

q Ayon sa Kautusang Blg. 52 (1987), ipinalabas ng Kalihim Lourdes Quisumbing na nag-uutos sa


paggamit ng Filipino bilang wikang panturo sa lahat ng antas sa mga paaralan.

q Ayon sa Kautusang Pangkagawaran Blg. 25 s. 1974, nilagdaan ni Kalihim Juan Manuel na nagtatakda
ng mga panuntunan sa pagpapatupad ng patakarang edukasyong bilinggwal.

Bagamat mayroong mga ganitong wika, hindi maiwawaksi ang wika ng komunidad. Ang isang
lingguwistikong komunidad ay tumutukoy sa wikang ginagamit sa loob ng komunidad, ito man ay sa mga
sitwasyong pormal at di-pormal. Ang wika na ito ay maaaring ginagamit sa loob ng bahay, sa palengke, sa
kalsada at iba pa.

TANDAAN
Ang pag-uugnay sa konseptong pangwika sa mga sitwasyong pangkomunikasyon ay lubhang mahalaga.
Kailangang isaalang-alang ang wikang gagamitin sa kinasasangkutang sitwasyon upang maipabatid ang
mensahe sa mas mabisang paraan. Magkakaroon ng intelektuwal na gawain kung ang dalawang konseptong
ito ay magagamit nang tama. Kaya sa anumang sitwasyon, mainam na bigyang-pansin ang paraan ng
paghahatid nito upang lubos nating maiparating ang impormasyon sa mabilis at mas komprehensibong
paraan.

Isang halimbawa nito ang talumpati ng isang pangulo para sa bayan. Mas mauunawaan ng mga tao ang
mensahe kung ang wikang gagamitin ay batay sa wikang mas nauunawaan ng nakararami. Dahil pormal ang
gawaing ito, mas makabubuti kung pormal din ang wikang gagamitin upang hindi magkaroon ng hadlang sa
pagpapabatid ng impormasyong kailangang malaman ng mga taong nakikinig.

You might also like