Kasabay ng pag-unlad ng mundong kinabibilangan ang pagdiskubre ng mga sakit at virus
na kinakailangang iwasan dulot ng malubhang epekto nito sa kalusugan ng tao. Batay kina Pandey et al. (2023) isang kasalukuyang umuusbong na zoonotic disease ang Nipah virus (NiV) lalo na sa mga bansa sa Timog at Timog-silangang Asya. Inihayag ng mga siyentipiko na isang uri ng virus na nagmumula sa mga hayop, katulad ng paniki, baboy, at kabayo ang NiV—na napapasa patungo sa tao (Banerjee et al., 2019; Pandey et al., 2023). Maaari rin itong makuha ng mga tao gamit ang pagkonsumo ng mga kontaminadong pagkain at likido, gayundin naipapasa ito nang tao-sa-tao (Skowron, 2021). Sa kabilang banda, iba-iba rin ang sintomas ng naturang virus, katulad ng COVID-19, maaari maging asymptomatic (hindi nakikitaan ng sintomas) at symptomatic (kakikitaan ng sintomas) ang taong nahawa nito. Ayon na rin sa World Health Organization (WHO), isa sa mga pinakaunang sintomas nito ang lagnat, sakit ng ulo, pananakit at kahinaan ng katawan, pagsusuka, at pagsakit ng lalamunan. Susundan ito ng pagbabago ng katayuan sa pag-iisip, pagkahilo, at iba pang neurological problem (Banerjee et al., 2019). Unang natuklasan ang NiV sa Malaysia noong 1999 kasunod ng pagsiklab ng sakit ng mga baboy at tao batay sa Centers for Disease Control and Prevention. Gamit ang mga pananaliksik sa mga iba’t ibang klase ng NiV, napagtantong ang mga sari-saring epekto nito sa katawan at utak ng tao. Tangan ng mga nakuhang impormasyon ukol sa mga nangyaring pagkalat ng sakit ang pagtuklas na nagdudulot ito ng acute respiratory infection, kung saan mahihirapan ang isang taong huminga, gayundin ng encephalitis, o pamamaga ng utak (Pandey et al., 2023). Sanhi rin ito ng mga malalang neurological disease, o sakit kung saan naaapektuhan ang paggana ng utak o katayuan ng pag-iisip na nagdudulot ng abnormalidad sa pagamit at paggalaw ng katawan (Skowron, 2021). Naiulat din ng WHO ang posibilidad na magkaroon ng mental disorientation at ibang pag-uugali ang naapektuhan ng NiV. Dagdag pa rito, kahit gumaling man, may pagkakataong mananatili pa rin ang epekto nito sa katawan at utak; posible rin itong bumalik sa mga taong gumaling na (Banerjee et al., 2019). Kinalaunan, nahinuha rin ng mga eksperto na may dalawang uri ito: ang Malaysian at Bangladesh strain. Bagamat magkapareho ang dalawang strain, may mga pagkakaiba sa epekto nito sa tao at sa paraan ng pagkalat. Ayon kay Kumar et al. (2019) mas kaunting tao ang naapektuhan ng Malaysian strain, na nagreresulta sa mas mababang porsiyento ng pagkamatay. Samantala, mas mabilis kumalat at mag-mutate ang Bangladesh strain na nagdudulot ng mas mataas na porsiyento ng pagkamatay (Ochani et al., 2019). Subalit, sa pangkalahatan matutukoy pa rin ang NiV bilang isang nakamamatay na virus na nakukuha ng mga tao sapagkat umabot ng 40% hanggang 75% ang mortality rate nito (Pandey et al., 2023). Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na kasong naiulat sa Pilipinas ukol sa NiV alinsunod sa Kagawaran ng Kalusugan (Cabico, 2023). Gayunpaman, kinakailangan pa rin mabigyang-kaalaman ang mga Pilipino dahil itinuturing ito ng WHO bilang pandaigdigang problema sa kalusugan. Nararapat mabahala ang mga Pilipino sapagkat mataas ang posibilidad na masawi dulot ng virus, mabilis ito makahawa dahil nagaganap ito nang tao-sa-tao, at walang tiyak na bakuna o epektibong gamot upang mabigyan ito ng lunas. Kaya mahalaga pa ring maging mapanuri, alerto, at maingat sa mga hayop at taong nakasasalamuha upang hindi na maulit muli ang madilim na nakaraang idinulot ng paglaganap ng COVID-19 na pandemya. Sanggunian Banerjee, S., Gupta, N., Kodan, P., Mittal, A., Ray, Y., Nischal, N., Soneja, M., Biswas, A., & Wig, N. (2019). Nipah virus disease: A rare and intractable disease. Intractable & Rare Disease Research 8(1), 1-8. https://doi.org/10.5582/irdr.2018.01130 Cabico, G. K. (2023). DOH: No presence of Nipah virus in Philippines. Philstar Global. https://www.philstar.com/headlines/2023/09/28/2299724/doh-no-presence-nipah-virus-ph ilippines Centers for Disease Control and Prevention. (n.d.). What is Nipah Virus?. https://www.cdc.gov/vhf/nipah/about/index.html Kumar, C. P. G., Sugunan, A. P., Yadav, P., Kurup, K. K., Aarathee, R., Manickam, P., Bhatnagar, T., Radhakrishnan, C., Thomas, B., Kumar, A., Jayasree, J., Philomina, B., Kumar, S., Thulaseedharan, N. K., Gupta, N., Rajendran, R., Saritha, R. L., Mourya, D., Gangakhedkar, R., & Murhekar, M. (2019). Infections among contacts of patients with Nipah virus, India. Emerging Infectious Diseases 25(5), 1007–1010. https://doi.org/10.3201%2Feid2505.181352 Ochani, R. K., Batra, S., Shaikh, A., & Asad, A. (2019). Nipah virus-the rising epidemic: a review. Le Infezioni in Medicina 27(2), 117-27. PMID: 31205033. Pandey, K., Joshi, J., Shah, Y., Ojha, R., Joshi, C. R., Bhatt, L., Dumre, S., Acharya, P., Joshi, H. R., Rimal, S., Shahi, R., Pakharel, D., Khadka, K., Dahal, B., Nepal, S., Dhami, S., Krishna, P., Basnet, R., & Pandey, B. D. Possible high risk of transmission of the Nipah virus in South and South East Asia: a review. (2023). Tropical Medicine and Health 51, 44. https://doi.org/10.1186/s41182-023-00535-7 Skowron, K., Bauza-Kaszewka, J., Grudlewska-Buda, K., Wiktorczyk-Kapischke, N., Zacharski, M., Bernaciak, Z., & Gospodarek-Komkowska, E. (2021). Nipah Virus–Another Threat From the World of Zoonotic Viruses. Front Microbiol 12. https://doi.org/10.3389/fmicb.2021.811157 World Health Organization. (2018). Nipah virus. https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/nipah-virus