Karapatan NG Tao Sa Islam

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 5

Sa Ngalan ng Allah Ang Mahabagin, Ang Maawain

ANG MGA KARAPATAN NG TAO SA ISLAM

Dahil ang Allah (Diyos) ang Siyang Ganap at Tanging may Kapangyarihan at may
Kapamahalaan sa mga tao at sa buong sanlibutan, Siya ang Nag-iisang
Nakapangyayaring Panginoon, ang Tanging Isang Tagapagtaguyod at Tagapanustos, ang
Maawain, na ang Kanyang awa ay laganap at sakop sa lahat ng Kanyang nilikha; at dahil
sa Siya ang nagbigay sa bawa’t tao ng makataong dangal at prinsipiyo at hiningahan
Niya ng Kanyang Espiritu, magkagayon ang tao ay nakikiisa sa Kanya at sa
pamamagitan Niya, ang mga tao ay magkakatulad sa elementong sangkap ng
pagkakalikha nila at walang tunay na kaibahan na dapat pangimbabawan ng bawa’t isa
nang dahil lamang sa pagkakaiba-iba tulad ng pagkamamamayan, kulay o lahi bukod pa
sa sari-sariling katangian (sa ugali, asal o kilos). Ang bawa’t tao, samakatuwid, ay may
kaugnayan sa lahat ng kanyang kapwa tao at ang lahat ng tao ay nagiging isang
pamayanan ng pagkakapatiran nang dahil sa marangal at kalugod-lugod na
pagpapaalipin sa Mahabaging Panginoon ng buong Santinakpan. At dahil sa gayon
pinagpala at pinagkaisang damdamin, ang pagpapapahayag ng Islam tungkol sa
Kaisahan ng Diyos ang siyang nangingibabaw o nakapananaig at siyang haligi na
umuugnay sa kaisahan ng sangkatauhan at ang pagkakapatiran ng lahat ng tao.

Bagama’t ang isang bansang Islamiko ay maaaring maitatag sa alinmang bahagi


ng mundo, ang Islam ay hindi nagnanais na bigyang hangganan ang mga karapatan ng
tao nang ayon sa kasakupan ng kanyang sariling bansa. Ang Islam ay nagbigay ng ilang
pangunahing karapatan bilang pangkalahatang batayan para sa sangkatauhan at sa
kabuuan nito, ito ay dapat ipatupad at igalang sa lahat ng sandali kahit na ang gayong
tao ay naninirahan sa loob ng teritoryo ng bansang Islamiko o sa labas nito, maging siya
man ay nasa mapayapang kalagayan o nasa panahon ng digmaan. Ang Qur’an ay
maliwanag na nagsabi:

“O kayong mananampalataya, maging matibay na saksi ng Allah sa katarungan. At


huwag ang inyong galit sa iba ang umiral at maglihis sa inyo sa katarungan. Maging
makatarungan dahil ito ay malapit sa pagkatakot sa Allah.” (Qur’an 5:8)

Ang dugo ng tao ay banal sa lahat ng pagkakataon at hindi dapat na dumanak


nang walang katarungan. Ang sinumang lumabag o sumuway sa kabanalan ng dugo ng
tao sa pamamagitan ng pagkitil ng buhay na walang kaukulang katarungan, ang Qur’an
ay nagsabi na ito ay katumbas ng pagpatay sa buong sangkatauhan.

“Sinumang kumitil ng buhay na hindi naglalayon upang ipaghiganti ang biktima, at hindi
para sa katiwaliang ginawa sa lupain, kahalintulad nito ang pagkitil niya sa buong
sangkatauhan.” (Qur’an 5:32)

Hindi pinahihintulutan na apihin o lapastanganin ang mga kababaihan, mga bata,


mga matatanda, maysakit at mga sugatan. Ang dangal at puri ng mga babae ay
nararapat na igalang sa lahat ng pagkakataon. Ang mga taong nagugutom ay nararapat
na pakainin, ang hubad ay dapat damitan, ang sugatan ay dapat lapatan ng lunas kahit
na sila ay nabibilang sa pamayanang Islamiko o mula sa pangkat ng kanyang kaaway.
Kung kami man ay nagpapaliwanag ng mga karapatan ng tao sa ilalim ng
relihiyong Islam, kami ay tapat na tumutukoy tungkol sa mga karapatang ipinagkaloob
ng Diyos, ito ay hindi ibinigay ng sinumang hari o ng pangkat ng mambabatas. Ang mga
karapatan na ibinigay ng mga hari o ng mga mambabatas ay maaaring bawiin o
ipawalang-saysay sa paraan din kung paano ito isinagawa at ipinagkaloob. Ito ay
katulad din sa mga karapatang tinatanggap at sinang-ayunan ng mga namumunong
diktador. Maaari nilang ipagkaloob ang mga ito kung kailan nila maibigan at bawiin kung
kailan nila nais at maaari nilang labagin ang mga ito nang hayagan kung ito ay kanilang
masumpungang gawin. Nguni’t sa Islam, ang mga karapatan ng tao ay iginawad ng
Diyos, walang sinumang mambabatas sa mundo o sa anumang pamahalaan sa lupa ang
may karapatan na gumawa ng hakbangin upang susugan, dagdagan o baguhin man ang
mga karapatang ipinagkaloob ng Diyos. Sinuman ay walang karapatang bawiin,
ipawalang-saysay o palitan ang mga ito. Hindi rin naman ito mga pangunahing
karapatan ng tao na iginawad sa papel lamang bilang isang pakitang-tao at
pagtatanghal at itinakwil sa aktuwal na pamumuhay pagkaraang ito ay ipalabas. Hindi
rin ito katulad ng mga pilosopiyang kaisipan na walang nagpatibay sa likod ng mga ito.

Ang kasunduan (saligan) at mga sinang-ayunang mga batas at itinakdang


kapasiyahan ng Nagkakaisang Bansa (United Nations) ay hindi maihahalintulad sa mga
karapatang itinakda ng Allah sapagka’t ang una ay hindi naaangkop sa bawa’t tao
subali’t ang huli ay angkop sa lahat ng mananampalataya. Sila ay isang bahagi at
kabigkis ng pananampalatayang Islam. Ang bawa’t Muslim o mga pinunong Muslim na
nagtuturing sa kanila bilang mga Muslim ay nararapat na tanggapin, kilalanin at
ipatupad ang mga karapatang ito. Kung sila ay nagpabaya na maipatupad ito at
nagsimulang itakwil o talikdan ang mga karapatan na pinagtibay ng Allah o gumawa ng
mga susog at baguhin yaon o hayagang lumabag sa mga ito habang sila ay kumikilala
ng mga ito batay sa salita lamang ng kanilang mga bibig, ang hatol ng Banal na Qur’an
sa gayong pamamahala ay tuwirang maliwanag at walang alinlangan.

“At sinuman ang hindi humatol batay sa kung ano ang ibinaba (ipinahayag) ng
Allah, sila ay hindi maituturing bilang mananampalataya.” (Qur’an 5:44)

Ang Karapatan ng Tao Sa Pamayanang Islam

1. Ang Kaligtasan ng Buhay at Ari-arian; sa huling sermon na kanyang


ipinahayag sa panahon ng Hajj, siya ay nagsabi: Ang inyong buhay at ari-arian ay
ipinagbabawal sa sinuman hanggang sa Araw ng inyong pakikipagharap sa Allah
sa Araw ng Pagkabuhay Muli.” Ang Propeta ay nagsabi rin tungkol sa mga
“dhimmi”(mga taong di-Muslim na naninirahan sa bansang Muslim). Ang sinumang
pumatay ng (Dhimmi) tao na sakop ng kasunduan, siya ay hindi makakaamoy ng
halimuyak ng Paraiso.”

2. Ang Pangangalaga ng Dangal. Ang banal na Qur’an ay nagsabi:


i. O kayong mananampalataya, huwag hayaan ang isang pangkat sa inyo
ay hamakin o laitin ang ibang pangkat ng tao. (Qur’an 49:11)
ii. Huwag kayong maniniktik sa isa’t isa.
iii. Huwag kayong mang-iinsulto sa pamamagitan ng pagtawag ng ibang
(palayaw, bansag o taguri) pangalan. (Qur’an 49:11)
iv. Huwag manirang puri at libakin ang iba. (Qur’an 49:12)
3. Ang Kabanalan at Katiwasayan ng Pansariling Buhay. Ang Qur’an ay
nagbigay ng kautusan:
i. Huwag kayong maghinala sa isa’t isa.
ii. Huwag kayong pumasok sa alinmang tahanan na walang pahintulot.

4. Ang Kapanatagan ng Pansariling Kalayaan. Ang Islam ay nagtakda ng mga


prinsipiyo na walang sinumang mamamayan o tao ang maaaring mabilanggo
maliban ang kanyang kasalanan ay napatunayan sa isang hayag na paglilitis. Ang
umaresto sa isang tao na batay lamang sa hinala at siya ay ikinulong ng walang
kautusan ng hukuman at pagkakait sa kanya ng sapat na panahon at pagkakataon
upang maipagtanggol ang kanyang sarili ay hindi pinahihintulutan ng Islam.

5. Ang Karapatan ng Pagtutol Laban sa Pang-aabuso. Ang isa sa mga


karapatan na ipinagkaloob ng Islam sa tao ay ang karapatan upang tumutol laban
sa pang-aalipin ng pamahalaan. Ang Qur’an ay nagsabi tungkol dito. “Ang Diyos
ay nasusuklam sa mga masasamang pag-uusap sa harap ng madla malibang ito
ay ginagawa ng taong napinsala.” Sa Islam, gaya ng mga paksang nauna, ang
lahat ng kapangyarihan at kapamahalaan ay itinuturing bilang isang tiwala; ang
sinuman na tumanggap ng gayong kapamahalaan ay nararapat na tumayo nang
may pagpapakumbaba sa harap ng kanyang pamayanan na nakalaan para sa
sinuman o kanino mang kapakanan at siya ay maipapatawag upang gamitin ang
ganitong kapangyarihan. Ito ay sinang-ayunan ni Abu Bakar na nagsabi sa
kanyang unang pananalita:”Makiisa kayo sa akin kung ako ay matuwid, nguni’t
iwasto ninyo ako kung ako ay gumawa ng pagkakamali. Sundin ninyo ako habang
ako ay sumusunod sa mga kautusan ng Allah at ng Kanyang Propeta, nguni’t
magsilayo kayo sa akin kung ako ay napapaligaw.”

6. Ang Kalayaan ng Sariling Pagpapahayag. Ang Islam ay nagbibigay ng


karapatan sa kaisipan at pagpapahayag sa lahat ng mamamayan ng bansang
Islamiko sa kasunduan na ito ay nararapat gamitin lamang tungo sa
pagpapalaganap ng katotohanan at mabuting pag-uugali at hindi sa
pagpapalaganap ng kasamaan at mga kalisyaan. Ang kalayaan ng pagpapahayag
sa Islamikong konsepto ay higit na mataas kaysa sa konsepto na namamayani sa
kanluran. Sa anupamang pamamaraan, ang Islam ay hindi nagpapahintulot upang
ang kasamaan at kalisyaan ay mapalaganap. Ito ay hindi rin nagbibigay sa
sinuman ng karapatan upang gumamit ng pang-aabuso o pagmamalabis sa salita
upang gumawa ng mga pagpuna. Naging kalakaran ng mga Muslim ang
magtanong sa Propeta kung ang ganitong bagay ay mayroong makadiyos na
pagtatakda na ipinahayag sa kanya. Kung siya ay nagsabi na siya ay hindi
tumanggap ng makadiyos na pagtatakda, ang mga Muslim ay malayang
nagpapahayag ng kanilang sariling opinyon sa gayong bagay.

7. Ang Kalayaan sa Pakikipag-ugnayan. Ang Islam ay nagbigay din sa mga tao


ng kalayaan ng pakiki-anib at pagtatag ng mga pangkat o samahan. Ang ganitong
karapatan ay nalalakipan din ng mga tiyak na pangkalahatang alituntunin.

8. Ang Kalayaan ng Budhi at Paniniwala. Ang Islam ay nagbigay ng kautusan.


“Walang sapilitan sa relihiyon.” Sa kabilang dako, ang mga lipunang “totalitarian”
ay ganap na nagkakait sa bawa’t tao ng kanilang kalayaan. Sa katotohanan, ang
di makatarungang pagkilala ng ganitong Pamahalaan ng alinmang bansa ay
nagpapahiwatig ng isang uri ng pang-aalipin sa lahat ng tao. Sa pagkakataong ito,
ang pang-aalipin ay nangangahulugan ng ganap na paghawak (paniniil) ng tao sa
kanyang kapwa tao- sa ngayong panahon na ito, ang gayong uri ng pang-aalipin
ay legal na naglaho nguni’t napalitan naman ng lipunang “totalitarian” na
nagtatakda ng magkatulad na uri ng (paniniil o pang-aalipin) paghawak sa tao.

9. Ang Pangangalaga ng Damdamin tungkol sa Relihiyon. Sa gitna ng kalayaan


ng paniniwala at kalayaan ng konsensiya, ang Islam ay nagbigay ng karapatan sa
tao na ang kanyang panrelihiyong damdamin ay mabigyan ng tamang paggalang
at walang dapat sabihin o gawin na makapanghihimasok ng kanyang karapatan.

10. Ang Pangangalaga Laban sa Di Makatarungang Pagkakakulong. Ang


Islam ay kumikilala rin ng karapatan ng tao na hindi siya maaaring hulihin o ipiit
nang dahil sa kasalanan ng iba. Ang Qur’an ay maliwanag na nagbigay ng
ganitong prinsipiyo. “Walang sinuman ang maaaring umako sa kasalanan ng iba.”

11. Ang Karapatan Tungkol sa mga Pangunahing Pangangailangan ng


Buhay. Ang Islam ay kumikilala sa karapatan ng mga nangangailangang tao na
ang tulong at pagdamay ay nararapat na ibigay sa kanila. “At sa kanilang yaman,
ay may takdang karapatang nauukol (nakalaan) sa nangangailangan at
naghihikahos.”

12. Ang Pagkakapantay-pantay ng lahat sa Harap ng Batas. Ang Islam ay


nagbigay sa kanyang mamamayan ng ganap at buong karapatan tungkol sa
Pagkakapantay-pantay ng tao sa mata ng batas.

13. Ang Mga Pinuno o Tagapamahala ay Hindi Makapangyayari nang


Higit sa Batas. Isang babae na nabibilang sa mataas na angkan at marangal na
pamilya ang dinakip sa salang pagnanakaw. Ang kaso ay inihain sa Propeta, at
doon ay ipinayo na siya ay iligtas sa parusa ng pagnanakaw. Ang Propeta ay
sumagot. “Ang mga bansa na unang nabuhay bago pa man kayo ay pinuksa ng
Allah sapagka’t sila ay nagpaparusa sa kasalanan ng mga pangkaraniwang tao
nguni’t hindi sila nagpaparusa sa mga kasalanan ng mga taong kilala o matataas
sa lipunan. Isinusumpa ko sa Kanya (Allah) na Siyang may tangan ng aking buhay
na kung si Fatimah, ang anak ni Muhammad ay magnakaw, aking puputulin ang
kanyang kamay.”

14. Ang Karapatan na Makilahok sa Pamamalakad ng Bansa. At ang


kanilang pamamalakad ay isinasagawa sa pamamagitan ng sanggunian sa
kanilang sarili. (Quran 42:38). Ang As-Shura o ang Sanggunian ay walang isang
kahulugan maliban sa ang tagapagpaganap na pinuno ng pamahalaan at ang mga
miyembro ng pagpupulong ay nararapat na ihalal sa pamamagitan ng malayang
pagpili at pagboto ng tao.”

Bilang pangwakas na pananalita, ipinaliliwanag na ang Islam ay nagtatangka na


makamit ang mga nabanggit sa itaas na mga karapatan ng tao at marami pang
iba hindi lamang sa pagkakaloob ng mga tiyak na mga legal na pangangalaga
kundi higit sa lahat ay inaanyayahan ang sangkatauhan na lagpasan ang
mababang antas ng buhay ng hayop tungo sa pagsulong sa isang higit pang
mahalaga kaysa sa pagkakamag-anakan batay sa dugo, antas ng lahi, o
kapalaluan sa wika at karangyaan sa kabuhayan. Ito ay nag-aanyaya sa
sangkatauhan na tumahak sa landas na kung saan ang kanyang makahulugan at
malalim na katalinuhan ay maging daan upang mapag-alaman ng tao ang isang
tunay na halimbawa at huwaran ng pagkakapatiran ng tao.

You might also like