Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 21

89

Filipino 8
Ikaapat na Markahan – Modyul 5
ANG TALUMPATI; PAGSULAT NG
TALUMPATI; MGA SALITANG
NANGHIHIKAYAT

NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
Filipino – Ikawalong Baitang Alternative Delivery Mode
Ikaapat na Markahan-Modyul 5: Ang Talumpati; Pagsulat ng Talumpati; Mga Salitang
Nanghihikayat
Ikalawang Edisyon, 2021

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon ng
karapatang-sipi sa anumang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayunpaman, kailangan
muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng pamahalaan na naghanda ng akda kung ito
ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan ay
ang pagtakda ng kaukulang bayad.
Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand
name, tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa modyul na ito
ay nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang matunton ang mga ito upang
makuha ang pahintulot sa paggamit ng materyales. Hindi inaangkin ng mga tagapaglathala at
mga may-akda ang karapatang-aring iyon. Ang anumang gamit maliban sa modyul na ito ay
kinakailangan ng pahintulot mula sa mga orihinal na may-akda ng mga ito.
Walang anumang parte ng materyales na ito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa
anumang paraan nang walang pahintulot sa Kagawaran.

Inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon


Kalihim: Leonor Magtolis Briones
Pangalawang Kalihim: Diosdado M. San Antonio

Bumuo sa Pagsusulat ng Modyul

Manunulat: Junivie M. Quitor at Arlene C. Baldomar


Editor: Ritchel Elnar, Roshelle G. Abella, Kendrick M. Kitane
Tagasuri: Jennie S. Jarabe, Maria Dina B. Jalisan, Marissa B. Cadorna,
Analiza F. Kadusale, Jershon T. Montaňo, Rustom R. Notato
Tagalapat: Wendell Calingacion
Tagapamahala: Senen Priscillo P. Paulin, CESO V Rosela R. Abiera
Joelyza M. Arcilla, Ed.D. Maricel S. Rasid
Marcelo K. Palispis, JD, Ed. D. Elmar L. Cabrera
Nilita L. Ragay, Ed.D.
Renante A. Juanillo, Ed.D.

Inilimbag sa Pilipinas ng ________________________


Department of Education –Region VII Schools Division of Negros Oriental

Office Address: Kagawasan, Ave., Daro, Dumaguete City, Negros Oriental


Tel #: (035) 225 2376 / 541 1117
E-mail Address: negros.oriental@deped.gov.ph
Paunang Salita

Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating


mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang
bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at
malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ang modyul na ito ay may inilaang Gabay sa Guro/Tagapagdaloy na
naglalaman ng mga paalala, pantulong o estratehiyang magagamit ng mga
magulang o kung sinumang gagabay at tutulong sa pag-aaral ng mga mag-
aaral sa kani-kanilang tahanan.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman
ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi
kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro.
Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat
naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o
mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na
magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang
magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan
ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa
pagsagot sa mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro
kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at
paggamit ng SLM na ito.
Sa pamamagitan ng modyul na ito at sa tulong ng ating mga tagapagdaloy,
umaasa kami na matututo ang ating mag-aaral kahit wala sila sa paaralan.

i
ALAMIN

Handa ka na ba sa mga gawain natin sa linggong ito? Alam mo bang sabik


na sabik na naman akong turuan at gabayan ka sa bago nating leksyon!

Ikaw ba ay nakararanas na magsulat ng talumpati o magtalumpati sa


harapan ng madla?

Alam mo bang ang talumpati ay isa sa pinakamahalagang salik sa


komunikasyon na kung saan ito ay naghahatid ng impormasyon sa mga
karanasan na maaring kapupulutan ng aral, manghikayat o magbigay-aliw sa
mga nakikinig o nanonood? Sa araling ito ay matututuhan mo ang mga uri ng
talumpati ayon sa layunin, pamamaraan, mga hakbang sa pagbuo ng talumpati,
mga bahagi ng talumpati at ang mga dapat tandaan ng isang mananalumpati.

Sa katapusan ng modyul na ito, inaasahang:

• Nakasusulat ng sariling talumpating nanghihikayat tungkol sa isyung


pinapaksa sa binasa. F8PU-IVf-g-38
• Nagagamit nang wasto ang mga salitang nanghihikayat.
F8WG-IVf-g-38

MGA TIYAK NA LAYUYUNIN

Sa katapusan ng modyul na ito, inaasahan na ikaw ay:


1. Nakalalahad ng mga uri, layunin, bahagi at hakbang sa pagsulat ng
talumpati;
2. Nakasusulat ng nanghihikayat na talumpating may kaugnayan sa
pinapaksa ng piling saknong ng Florante at Laura;
3. Nakagagamit ng mga salitang nanghihikayat sa pagsulat ng talumpati; at
4. Nakapagtitibay ng sariling pananaw, saloobin at opinyon sa pamamagitan
ng pagsulat ng talumpating nanghihikayat.

1 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
SUBUKIN

Simulan natin ang pagtalakay ng modyul na ito sa pamamagitan ng pagsagot sa


paunang mga tanong.
Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang mga tanong sa ibaba. Isulat lamang ang
titik na kinalolooban ng tamang sagot sa iyong kuwaderno.
1. Ano ang tawag sa buod ng kaisipan o opinyon ng isang tao na ipinababatid sa
pamamagitan ng pagsasalita sa itaas ng entablado?
A. dula B. tula C. talumpati D. sanaysay

2. Ano ang tawag sa talumpating nagbibigay ng ilang minuto para sa pagbuo ng


kaisipan batay sa paksang ibinigay bago ito ipahayag?
A. isinaulong talumpati C. panandaliang talumpati
B. maluwag na talumpati D. pinaghandaang talumpati

3. Ang ganitong uri ng pagtatalumpati ay maaaring isinulat, binabasa o isinasaulo at


may sapat na pag-aaral sa paksa. Ano ang tawag sa talumpating ito?
A. biglaang talumpati C. panandaliang talumpati
B. maluwag na talumpati D. pinaghandaang talumpati

4. Talumpating binibigkas nang walang ganap na paghahanda. Ibinibigay rito ang


paksa sa oras ng mismong pagsasalita. Ano ang tawag dito?
A. biglaang talumpati C. isinaulong talumpati
B. maluwag na talumpati D. panandaliang talumpati

5. Bakit mahalaga ang mga salitang nanghihikayat?


A. mapatibay ang katotohanan
B. mapaniwala ang tagapakinig
C. mapakilos ang tagapakinig o mambabasa
D. lahat ng nabanggit

6. Mas nararapat na gagawa ng paraan kaysa maghintay kung ano ang ibibigay ng
kapalaran. Anong salitang nanghihikayat ang ginagamit sa pahayag na ito?
A. nakabubuti C. laging tandaan
B. mas nararapat D. kung ako sa iyo

7. Anong bahagi ng talumpati ang gumagamit ng anekdota; katatawanan; pagbati at


pagtatanong upang mapukaw ang atensyon ng tagapakinig?
A. paglalahad B. panimula C. paninindigan D. pamimitawan

2 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
8. Anong bahagi ng talumpati ang naglalahad ng pangangatuwiran hinggil sa isang
isyu at may layuning humikayat o magpaliwanag sa mga nakikinig?
A. paglalahad B.panimula C.paninindigan D.pamimitawan

9. Anong bahagi ng talumpati binibigkas ang pangwakas na pangungusap?


A. paglalahad B.panimula C.panindigan D.pamimitawan

10. Ano ang tawag sa hakbang na sumasaklaw sa pagpili ng paksa, pagplano ng


pamagat at pangongolekta ng mga impormasyon sa isusulat na talumpati?
A. paghahanda C. pagrerebisa
B. pag-eedit D. aktuwal na pagsulat

11. Alin sa mga sumusunod na hakbang ang sumasaklaw sa pagsasalin ng manunulat


ng kanyang mga idea sa pangungusap at talata?
A. paghahanda C. pagrerebisa
B. pag-eedit D. aktuwal na pagsulat

12. Ito ay nangangahulugang muling pagtingin, muling pagbasa, muling pag-iisip at


pagbuo ng kaisipan. Anong hakbang ang tinutukoy sa pahayag na ito?
A. paghahanda C. pagrerebisa at pag-eedit
B. aktuwal na pagsulat D. pangongolekta ng datos

13. Ang layunin ng talumpating ito ay pukawin at pasiglahin ang isip at damdamin ng
mga tagapakinig. Anong uri ng talumpati ito?
A. talumpati ng papuri C. talumpating pampasigla
B. talumpating panlibang D. talumpating panghikayat

14. Alin sa mga sumusunod na uri ng talumpati ang karaniwang naririnig sa mga
okasyon at salo-salo na may layuning pasayahin, magbigay-aliw sa mga
tagapakanig?
A. talumpating panlibang C. talumpating panghikayat
B. talumpating pampasigla D. talumpating nagbigay impormasyon

15. Layunin ng talumpating ito na ipaalam sa mga nakikinig ang tungkol sa isang
bagay o pangyayari upang mapalawak ang kaalaman ng tagapakinig. Anong uri
ng talumpati ito?
A. talumpating panlibang C. talumpating panghikayat
B. talumpating pampasigla D. talumpating nagbibigay impormasyon

3 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
TUKLASIN

Gawain
Basahin at unawaing mabuti ang akdang makikita sa ibaba. Pagkatapos, sagutin ang
mga tanong.
IBA ANG MAY EDUKASYON
ni Gng. Junivie M. Quitor

Sa ating kagalang-galang na punong-guro, mga guro, mga magulang, mga


mag-aaral at mga magiliw na panauhin, magandang umaga sa ating lahat!

Simula nang ako ay nag-aral, lagi kong naririnig sa aking mga guro ang
kasabihang “Ang Kabataan ang Pag-asa ng Ating Bayan.” Ito ang mga katagang
sinabi ng ating bayaning si Dr. Jose Rizal. Mga kabataan na dapat hubugin sa
mabubuting kaugalian at asal. Subalit sa henerasyon ngayon, tila hindi na masyadong
napagtuunan ng ibang kabataan ang kahalagahan ng edukasyon. Mas kinagigiliwan
nila ang makabagong teknolohiya, nagbabad sa iba’t ibang “Apps” na nagbibigay sa
kanila ng saya. Marami rin ang hindi nakapag-aral sapagkat mas inuuna ang mailaman
sa tiyan kaysa paghawak ng lapis at papel. Paano ka nga naman makasasagot sa
mga katanungan ng guro kung ang tanging naririnig mo ay ang tunog ng kumakalam
na sikmura. Gustuhin mo mang makapagtapos, pero paano, gayong ang mga
magulang mo rin ay walang trabaho. Lagi mong sinasabi na “wala na talagang
paraan,” “ganito na lang ako,” “ito ang aking kapalaran.” Pero kaibigan, mali ka! sabi
nga nila “Kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan.” Ano nga ba ang puwede
mong gawin?
Kung ako sa iyo, isipin mong mabuti kung ano nga ba ang papel mo rito sa
mundo. Bakit ka nga ba nabubuhay at kung ano ang dahilan at ikaw ay binigyan ng
Panginoon ng pagkakataon na makita ang kagandahan ng mundo. Hindi porket wala
kang pera hindi mo na maabot ang mga pangarap sa buhay na makapagtapos ng pag-
aaral. Mas nararapat na gagawa ng paraan kaysa maghintay kung ano ang ibibigay
sa atin ng kapalaran. Kaibigan, marami kang magagawa kung isaisip na maaabot ang
iyong mga pangarap. Nakabubuting ikaw ay magpursige at doblehin ang pagsisikap.
Puwede kang maging working student, at isa ako sa produkto nito. Pwede ka ring
magtinda ng mga pitchi-pitchi sa school na ginagawa ko rin noong ako ay nag-aaral
pa. Gumawa ng mabuti sa kapwa at handang tumulong na walang kapalit kahit sa
simpleng bagay lamang. Huwag mawalan ng pag-asa sapagkat habang tayo ay
nabubuhay marami tayong pagkakataon na gumawa ng paraan. Higit sa lahat manalig
ka sa Panginoon.

4 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
Kaibigan, anuman ang iyong pinagdadaanan na hirap sa ngayon panatilihin at
patatagin ang sarili. Kailangan ang buong tapang at determinasyon upang harapin
ito. Saang paaralan ka man nagtapos, pribado man o pampubliko hindi ito ang
basehan ng iyong estado kundi ang mga bagay na iyong natutuhan. Laging tandaan
na ang edukasyon ay napakahalaga sa buhay ng tao. Ang iyong natutuhan ay
magsisilbing gabay at pasaporte mo sa makabuluhang paglalakbay. Ito ay siyang
magbibigay sa atin ng importansyang umunlad sa ating lipunan. Kaya huwag
aksayahin ang pagkakataon, sabi nga ni Henry L. Doherty na isang matagumpay na
negosyanteng Irish American, “Maging isang mag-aaral hangga’t mayroon pang
panahon na matuto. Ito ay may kahalagahan sa iyong buhay”. Kaya laban lang
kaibigan!

Mga Gabay na Tanong:

Sagutin ang mga sumusunod na tanong. Isulat lamang ang iyong sagot sa iyong
kuwaderno.

1. Anong uri ng sulatin ang makikita sa itaas?


2. Makatotohanan ba ang sulatin na iyong nabasa?
3. Ano-ano ang mga salitang ginagamit ng mananalumpati upang mahikayat ang
mga mambabasa?

SURIIN

Ang talumpati ay isang buod ng kaisipan o opinyon ng isang tao na pinababatid


sa pamamagitan ng pagsasalita sa entablado para sa mga pangkat ng mga tao.
Layunin nitong humikayat, tumugon, mangatuwiran, magbigay ng kaalaman o
impormasyon at maglahad ng isang paniniwala. Isang uri ito ng komunikasyong
pampubliko na nagpapaliwanag sa isang paksa na binibigkas sa harap ng mga
tagapakinig. Sining ito ng pagpapahayag ng isang kaisipan tungkol sa isang paksa sa
paraang pasalita sa harap ng tagapakinig.

Layunin ng Talumpati
Ang talumpati ay maaaring maghatid ng tuwa o sigla, magdaragdag ng
kaalaman o impormasyon, magpahayag ng katuwiran, magbigay paliwanag, mangakit
at manghikayat sa isang kilusan o paniniwala. Maaari rin namang magbigay-papuri
ang isang talumpati. Maaaring pagpasyahan ang layunin ng anomang uri ng talumpati
ayon sa pagkakataon, aksiyon ng pagdiriwang o okasyon.

5 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
Tatlong Uri ng Talumpati Ayon sa Pamamaraan

1. Biglaan – Ang talumpating ito ay ibinigay nang biglaan o walang paghahanda.


Ibinibigay rito ang paksa sa oras ng pagsasalita.

2. Maluwag – Ang talumpating ito ay nagbibigay ng kaunting panahon o ilang minuto


para sa pagbuo ng ipahahayag na kaisipan batay sa paksang noon din lang
ipinaalam sa kanya o ibinigay bago ito ipahayag.

3. Pinaghandaan – Ang talumpating ito ay maaaring isinulat, binabasa o isinasaulo


at may sapat na pag-aaral sa paksa. Bago sumapit ang okasyon ng
pagtatalumpatian ang paksa ay ipinaalam na. Pinaghandaan nang husto,
sinasaliksik, isinasaulo at pinagsasanayan. Kung hindi man, pabigkas na lamang
itong binabasa.

Mga Uri ng Talumpati ayon sa Layunin

1. Talumpating panlibang – Ito ang mga talumpating karaniwang naririnig sa


mga okasyon at salo-salo. Ang layunin ng talumpating ito ay pasayahin,
magbigay-aliw o libangin ang mga tagapakinig.

2. Talumpating pampasigla – Ang layunin ng talumpating ito ay upang pukawin


at pasiglahin ang isip at damdamin ng mga tagapakinig. Ang uri ng talumpating
ito ay bigkasin nang masigla at hindi pauntol-untol.

3. Talumpating panghikayat – Ito ang talumpating ang pangunahing layunin ay


upang hikayatin ang mga tagapakinig na tanggapin ang paniniwala ng
mananalumpati sa pamamagitan ng pagbibigay-katuwiran at mga patunay.

4. Talumpating nagbibigay ng impormasyon o kabatiran – Ang layunin ng


talumpating ito ay ipaalam sa mga nakikinig ang tungkol sa isang bagay o
pangyayari upang mapalawak ang kaalaman ng isang tagapakinig.

5. Talumpati ng papuri – Pagbibigay ng papuri at parangal ang pangunahing


layunin ng talumpating ito. Kadalasang naririnig ito tuwing may mahalagang
okasyon o mga mahalagang kaganapan. Binibigkas ito upang ipahayag ang
paghanga sa isang tao.

6. Talumpati ng pagbibigay-galang – Binibigkas ito bilang pagsalubong sa mga


bagong kasapi ng isang samahan o kapisanan o kaya ay bilang pangtanggap
ng isang bagong natalaga sa isang tungkulin.

6 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
Mga Dapat Tandaan ng Isang Mananalumpati

1. Gawing kaakit-akit ang talumpati – Magiging kaakit-akit ang isang talumpati


kung ang isang paksa ay napapanahon at angkop sa mga uri ng tagapakinig.
Ang mga talumpating mayaman sa mga impormasyon ay bunga ng masusing
pagmamasid, pagbabasa at pag-aaral ng mananalumpati.
2. Bumigkas nang tama, malinaw at may sapat na lakas at tinig – Ang tama
at malinaw na pagbigkas at tinig na may sapat na lakas ay masasabing bahagi
rin ng kaakit-akit na pagtatalumpati. Malaki ang kinalaman ng tamang
pagbigkas ng mga salita dahil sa pag-iiba ng bigkas ay nagkakaroon na rin ng
ibang kahulugan.
3. Magkaroon ng tiwala sa sarili – Sa pagtatalumpati kailangang mayroon
tayong tiwala sa sarili dahil madali itong mahahalata ng mga tagapakinig o
madla. Ang tiwala sa sarili ay bunga ng kasanayan sa pagharap sa publiko,
pagsasanay sa harap ng salamin sa pagbigkas, pagbaba at pagtaas ng tinig at
pag-aangkop ng mga kilos at galaw sa sinasabi.
4. Magkaroon ng sapat na kahandaan – Kung nabigyang-pansin ng
mananalumpati ang mga bagay na dapat isaalang-alang ng isang bibigkas ng
talumpati, walang dahilan kung bakit hindi siya magiging handa sa gagawing
pagtatalumpati.

Mga Hakbang sa Pagsulat ng Talumpati


1. Paghahanda – Ang hakbang na ito ay sumasaklaw sa pagpili ng paksa,
pagplano ng pamagat na angkop sa maging nilalaman ng mga pahayag,
pangongolekta at pagbabalangkas ng mga impormasyon at mga idea para sa
sulatin. Maaaring mapagkunan ng mga impormasyon ang dating kaalaman,
karanasang may kinalaman sa paksa at mga babasahing may kaugnayan sa
paksa.
2. Aktuwal na pagsulat – Sa hakbang na ito isinalin ng mga manunulat ang
kanyang mga idea sa mga pangungusap at talata. Ang manunulat ay malayang
makagamit ng iba’t ibang pamamaaran o estilo sa paglalahad ng kanyang mga
idea. Sa hakbang na ito ay maaaring mag-alis, magdagdag o magsaayos muli
ng mga detalye.
3. Pagrerebisa at pag-eedit – Ang hakbang na ito ay tinatawag ding pag-eedit.
Nangangahulugan ito ng muling pagtingin, muling pagbasa, muling pag-iisip,
muling pagbubuo ng mga kaisipang nasa sulatin. Ang hakbang na ito ay
nasasangkot sa maraming pagbabago sa nilalaman sa organisasyon ng mga
idea at sa istruktura ng mga pangungusap at talata. Maari pa ring baguhin sa
hakbang na ito ang paksa, magdagdag ng mga detalye at muling isaayos ang
buong sulatin. Binigyang-tuon ang pagsasaayos at pagwawasto ng mga
kamalian sa gramatika.

7 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
Mga Bahagi at Dapat Taglayin ng isang Talumpati upang maging Mabisa

1. Panimula – Sa bahaging ito tinatawag ang pansin ng mga tagapakinig. Narito


ang mga pamamaraan sa pagsisimula ng talumpati: maaaring simulan ito sa
pagbati; pagtatanong na may kaugnayan sa talumpati; anekdota;
pagpapatawa; salawikain; paggamit ng sipi at iba pa.
2. Paglalahad – Ang bahaging ito ang pinakakatawan sa talumpati. Dito
inilalahad ang isyu at pagpapahayag ng diwa sa paksang tinatalakay. Dito rin
ipinapaliwanag ng nagtatalumpati ang layunin.
3. Paninindigan – Dito ipinapaliwanag ng nagtatalumpati ang kanyang
pangangatuwiran hinggil sa isyu. May layunin itong humikayat o magpaliwanag
sa mga nakikinig.
4. Pamimitawan – Sa bahaging ito binibigkas ang pangwakas na pangungusap
ng isang talumpati. Kailangan ding magtaglay ito ng masining na pangungusap
upang mag-iwan ng kakintalan sa mga tagapakinig.

* Tandaan sa bahaging paninindigan at pamimitawan maaaring gumamit ang


mananalumpati ng mga kaugnay na pag-aaral o di kaya’y kasabihan, paniniwala o
pilosopiyang mula sa isang matagumpay, tanyag o kilalang tao.

Ano ang magandang paksa para sa talumpati?

Talumpati tungkol sa panahon ng Pandemya


Talumpati tungkol sa New Normal ng Edukasyon
Talumpati tungkol sa Pag-ibig
Talumpati Tungkol sa Gadgets
At marami pang iba

Marami pa tayong puwedeng magawa na mga magandang paksa. Ang ating


mga karanasan sa buhay ay maari nating maging inspirasyon na makagawa ng paksa
na siyang ating gawan ng ating sariling talumpati.

MGA SALITANG NANGHIHIKAYAT

Ang talumpati ay nangangailangan ng mga salitang nanghihikayat na maaaring


makapagbago sa isipan, damdamin o kilos ng tao. Gamit ang mga salitang
nanghihikayat, magagawa natin ang sumusunod:

*mapaniwala ang tagapakinig o tagabasa


*mapagtibay ang isang katotohanang pinaniniwalaan
*mapakilos ang tagapakinig o tagabasa

8 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
Ilan sa mga salitang nanghihikayat ay ang paggamit ng sumusunod:

Kung ako sa iyo…, Mas makabubuti kung…, Mas nararapat…, Lubos akong
naniniwala…,Talaga.., Totoo.., Walang duda.., Tama…, Tunay…, Sama na…,
Ngunit…, Subalit.., datapuwa’t…, Hindi ako Sang-ayon.., Ngayon Na…,Tumpak..,
Kaya mong maging bahagi ng…, Kaya natin ito…, Tara.., at marami pang iba.

Mga halimbawang pangungusap


1. Kung ako sa iyo, sundin mo ang payo ng iyong mga magulang upang hindi ka
mapahamak.
2. Mas makabubuti kung hindi kaagad magtiwala sa mga taong hindi mo kilala
nang lubusan dahil lumaganap na ngayon ang mga taksil sa sanlibutan.
3. Sa panahon ng pagsubok, mas nararapat na manatili tayong matatag upang
hindi tayo malugmok sa hirap ng buhay.

Upang mas mapalalim pa ang pag-unawa sa paksa. Pansinin ang


halimbawang talumpati na pinamagatang: “Death Penalty! Malupit na Sentensya” ni
Gng. Junivie M. Quitor

DEATH PENALTY! MALUPIT NA SENTENSYA


Ni Gng. Junivie M. Quitor

Magalang na pagpupugay sa ating kagalang-galang na punong-guro, mga


guro, mga magulang, mga mag-aaral at mga magiliw na panauhin. Isang
mapagpalang umaga sa ating lahat!

Tunay ngang pinagpala ang tao sapagkat mayroon siyang kakayahan na


ilahad kung ano ang nasa kanyang puso at isipan. Malaya rin siyang gawin ang mga
bagay na naaayon sa kanyang layunin maging ito man ay para sa kabutihan o
kasamaan.

Kung susuriin natin, dumarami ang mga karumal-dumal na krimen sa ating


bansa. Pagising mo sa umaga maririnig mo ang mga balitang nakakatakot pakinggan
tulad ng droga na walang dudang isa sa naging sanhi ng panggagahasa at pagpatay,
kidnapping at human trafficking at iba pang krimen na tumutukoy sa pagyurak ng
karapatang pantao. Tunay ngang, apektado ang lahat, totoong nagtanim ito ng takot
at pangamba sa bawat isa. Maraming nagtatanong kung ano nga ba ang magagawa
ng pamahalaan upang matapos at mahuli ang mga salarin at maipataw ang tamang
sentensya sa tunay na may sala. Kaya, maraming batas ang ipinatutupad upang
sugpuin ang krimen at maraming tao ang inuutusan upang hulihin ang mga kriminal.

9 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
Ngunit bakit patuloy na lumaganap ito at dumarami ang mga nabibiktima? Kung kaya,
umuugong ang balitang ipapataw ang “Death Penalty” bilang kaparusahan sa krimen
na nagawa.

Naniniwala ako na ang taong nagkasala ay dapat parusahan subalit


nararapat lamang din na mabigyan siya ng pagkakataon na pagsisihan ang
nagawang kasalanan. Lubos akong sumasang-ayon sa sinabi ng makatang Ingles
na si Alexander Pope na “To Err is human, to forgive is divine”. Mababasa sa bibliya
sa Lucas 23:32-43, ang tungkol kay Dimas na isang kriminal na kasama ni Kristong
ipinako sa krus ngunit pinangakuan niya na isasama sa kanyang paraiso sapagkat
inamin niya ang kanyang kasalanan at natutong humingi ng kapatawaran.

Talagang Ang “Death Penalty” ay malupit at di-makatarungang sentensya sa


taong nagkasala, hindi epektibong solusyon upang bigyan ng tuldok ang pagtaas ng
kaso sa krimen at lalong hindi ito ang tulay tungo sa kapayapaan ng ating bansa. Sabi
nga ni Mother Theresa “What can you do to promote world peace? Go home and love
your family”. Lahat tayo nagsumikap na mabuhay, makasalanan ka man o hindi,
mahirap ka man o mayaman, iisa lang ang mundong ating ginagalawan at higit sa
lahat pareho tayo ng mithiin, ang mamuhay ng marangal at matiwasay kasama ang
mga mahal natin sa buhay.

Lagi nating tatandaan na tao lang tayo, hindi tayo perpekto kaya kailangan
natin ang buong tapang at paninindigan upang hindi tayo madaig ng ating malikot na
isip at mapanuksong damdamin. Nabubuhay tayo sa mundo na puno ng mga
pangyayaring mahirap unawain at intindihin. Subalit, sa kabila nito, nagpupursige tayo
sapagkat iisa ang ating layunin at pinapahalagahan, ang patuloy na mabuhay sa
mundong ating ginagalawan.

Pamprosesong Tanong

1. Bakit mahalagang matutuhan ang mga layunin at uri ng talumpati?


2. Ano-ano ang dapat isaalang-alang sa pagbuo ng isang mahusay na talumpati?
3. Paano makatutulong ang mga salitang nanghihikayat sa pagsulat ng isang
talumpati?

10 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
PAGYAMANIN

A. Panuto: Basahin at pagnilayan ang saknong na ito.

“Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad


Sa bait at muni’t sa hatol ay salat;
Masaklap na bunga ng maling paglingap,
Habag ng magulang sa irog na anak.”

1. Ano ang mensaheng nais iparating ng saknong?


2. Ano ang naging bunga ng maling paglingap ng mga magulang sa anak?
3. Kung ikaw ang magulang ng bata, paano mo palalakihin ang iyong anak?

ISAISIP

Ang talumpati ay isang buod ng kaisipan o opinyon ng isang


tao na pinababatid sa pamamagitan ng pagsasalita sa
entablado para sa mga pangkat ng mga tao. Layunin nitong
humikayat, tumugon, mangatuwiran, magbigay ng kaalaman
o impormasyon at maglahad ng isang paniniwala. Isang uri
ito ng komunikasyong pampubliko na nagpapaliwanag sa
isang paksa na binibigkas sa harap ng mga tagapakinig.

11 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
ISAGAWA

Panuto: Ngayon ay pagkakataon mo na upang sumulat sa iyong kuwaderno ng isang


talumpating hihikayat sa mga magulang upang palakihin nang tama ang
kanilang mga anak at kasabay nito ay hihikayat din sa mga anak na gumawa
ng mga tamang desisyon sa buhay. Kailangang makita ang mga bahagi sa
isang talumpati.

Tatayahin ang isusulat na talumpati gamit ang rubrik sa ibaba.


RUBRIK SA PAGSULAT NG TALUMPATI
Nangangailangan
Lagpas pa sa Nakamit ang
pa ng
Pamantayan Inaasahan mga Inaasahan Puntos
Pagsasanay
5 4-3
2-1
Ang talumpati May ilang Ang talumpati ay
ay sariling gawa bahaging kinopya lamang
Orihinalidad at hindi kinopya. kinopya sa aklat sa aklat o
o internet. internet.
Malinaw na Di-gaanong Di malinaw at
malinaw at malinaw at dinakatatawag
nakatatawagp digaanong pansin sa mga
Introduksiyon ansin sa mga nakatatawagpans tagapakinig.
tagapakinig. in sa mga
tagapakinig.
Malinaw na Di-gaanong Hindi malinaw ang
malinaw ang malinaw ang pagkakalahad ng
Paglalahad pagkakalahad ng pagkakalahad ng isyu at
at isyu at isyu at paninindigan
Paninindigan paninindigan paninindigan at hindi
upang upang nakahihikayat.
makahikayat. makahikayat.
Malinaw na Di-gaanong Hindi nag-iwan ng
malinaw na nagiwan ng kakintakan sa nga
Pamimitawan nagiwan ng kakintalan sa nga tagapakinig.
kakintakan sa tagapakinig.
nga tagapakinig.
Angkop na Di-gaanong Hindi angkop ang
Wastong angkop ang mga angkop ang mga mga salitang
Gamit ng mga salitang ginamit salitang ginamit ginamit sa paksa.
salita sa paksa. sa paksa.

Kabuoan 25/25 puntos

12 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
TAYAHIN

Panuto: Basahin ang mga tanong sa bawat bilang. Piliin ang tamang sagot mula sa
pagpipilian. Isulat sa kuwaderno ang titik na kinalolooban ng tamang sagot.
1. Ano ang tawag sa buod ng kaisipan o opinyon ng isang tao na pinababatid sa
pamamagitan ng pagsasalita sa itaas ng entablado?
A. dula C. talumpati
B. tula D. sanaysay

2. Alin sa mga sumusunod ang HINDI kabilang sa layunin ng talumpati?


A. maghatid ng tuwa C. makipag-away sa entablado
B. magbigay kaalaman D. mangatuwiran at magpaliwanag

3. Mas makabubuti kung hindi kaagad magtiwala sa mga taong hindi mo kilala
nang lubusan dahil lumaganap na ngayon ang mga taksil sa sanlibutan. Anong
salitang nanghihikayat ang ginagamit sa pahayag na ito?
A. mas makabubuti C. lubusang kilalanin
B. hindi dapat magtiwala D. makabubuting lubusan

4. _________ pag-iisipan mo muna nang maiigi bago ka magdesisyon upang


hindi ka magsisi. Anong salitang nanghihikayat ang angkop gamitin sa
nakasaad na pahayag?
A. Dahil C. Kung ako sa iyo
B. Sanhi ng D. Lubusang kilalanin

5. Paano pinupukaw ang atensyon ng mga tagapakinig sa panimulang bahagi ng


isang talumpati? Sa pamamagitan ng isang .
A. laro C. konklusyon
B. pagtatalo D. pagbati, pagtatanong atbp.

6. Alin sa mga sumusunod ang HINDI kabilang sa layunin ng bahaging


paninindigan ng isang talumpati?
A. magmura C. mangatuwiran
B. manghikayat D. magpaliwanag

7. Bakit kinakailangang magtaglay ng masining na pangungusap ang bahaging


pamimitawan ng isang talumpati?
A. upang maaliw ang mga tagapakinig
B. upang mag-iwan ng kakintalan sa mga tagapakinig
C. upang purihin ang mananalumpati ng mga tagapakinig
D. upang makipagtalo ang mananalumpati sa mga tagapakinig

13 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
8. Alin ang HINDI totoo sa pamamaraan ng biglaang talumpati?
A. ibinigay ng biglaan
B. ibinigay ng walang paghahanda
C. ibinigay ang paksa sa oras ng pagsasalita
D. ibinigay ang paksa nang may sapat na oras

9. Paano isinasagawa ang talumpating maluwag?


A. ibinigay ng walang paghahanda
B. ibinigay ng isang segundo bago magsimula
C. ibinigay ng ilang minuto upang makabuo ng pahayag
D. ibinigay ng ilang buwan upang mailahad nang maayos

10. Paano isinasagawa ang aktuwal na pagsulat ng isang talumpati?


A. paglalahad ng mga ideya
B. pagbubuo ng mga pangungusap at talata
C. pag-alis, pagdaragdag at pagsaaayos muli ng detalye
D. lahat ng nabanggit

11. Alin sa mga sumusunod ang maaaring mapagkukunan ng paksa ng iyong


talumpati?
A. sariling karanasan
B. mga kuwentong narinig
C. mga detalye o napapahanong isyu
D. lahat ng nabanggit

12. Ito ay nangangahulugang muling pagtingin, muling pagbasa, muling pag-iisip


at pagbuo ng kaisipan. Anong hakbang ang tinutukoy sa pahayag na ito?
A. paghahanda C. pagrerebisa at pag-eedit
B. aktuwal na Pagsulat D. pangongolekta ng datos

13. Layunin ng talumpating ito na ipaalam sa mga nakikinig ang tungkol sa isang
bagay o pangyayari upang mapalawak ang kaalaman ng tagapakinig. Anong
uri ng talumpati ito?
A. talumpating panlibang C. talumpating panghikayat
B. talumpating pampasigla D. talumpating nagbibigay impormasyon

14. Ang layunin ng talumpating ito ay pukawin at pasiglahin ang isip at damdamin
ng mga tagapakinig. Anong uri ng talumpati ito?
A. talumpati ng papuri C. talumpating pampasigla
B. talumpating panlibang D. talumpating panghikayat

15. Alin sa mga sumusunod na uri ng talumpati ang karaniwang naririnig sa mga
okasyon at salo-salo na ang layunin nito ay pasayahin, magbigay aliw sa mga
tagapakanig.
A. talumpati ng papuri C. talumpating pampasigla
B. talumpating panlibang D. talumpating panghikayat

14 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
REFLEKSIYON

Binabati kita! Mahusay mong nagampanan ang mga gawain. Ngayon naman
ang iyong pagkakataon para ibahagi ang iyong sariling refleksiyon tungkol sa ating
aralin. Punan mo lamang ang mga patlang ng iyong mga kasagutan. Gawin ito sa
iyong kuwaderno.

Ang aking natutuhan sa aralin na ito ay…


___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
_______________________________________________________________.

Aking napagtanto na…


___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
_______________________________________________________________.

Gagamitin ko ito sa…


__________________________________________________________________
__________________________________________________________________
__________________________________________________________________
_______________________________________________________________.

15 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2 16
SUBUKIN TAYAHIN
1. C 1. C
2. B 2. C
3. D 3. A
4. A 4. C
5. D 5. D
6. B 6. A
7. B 7. B
8. C 8. D
9. D 9. C
10. A 10. D
11. D 11. D
12. C 12. C
13. C 13. D
14. A 14. C
15. D 15. B
SUSI SA PAGWAWASTO
MGA SANGGUNIAN

Arrogante, Jose A. (2007). Retorika. Masining na Pagpapahayag. National Book


Store. Mandaluyong City.

Baisa-Julian A. et.al. (2014). Pinagyamang Pluma 8. Quezon City. Phoenix Publishing


House Inc.

Course Hero 2021. Mga Uri ng Talumpati Ayon sa Layunin. https://bit.ly/3aQVz60.


De Leon, Zenaida S. et.al. (2002). Sining ng Pakikipagtalastasang Panlipunan.
Mandaluyong City. National Book Store.
Docsity. 2021. Talumpati at Iba’t ibang Uri Nito. Uri ng Talumpati Ayon sa
Pamamaraan. https://bit.ly/3t3Q8GT.

Jperez585. Mga Bahagi at Dapat Taglayin ng isang Talumpati Upang Maging Mabisa.
Published on. November 26, 2016.

Mga Bahagi at Dapat Taglayin ng isang Talupati Upang maging Mabisa.


https://bit.ly/2RcvVBA.

Sauco, Consolacion P., et al. (1998). Retorikang Filipino. Pang-antas Tersyaryo.


KATHA Publishing Co., Inc., Quezon City.
Sir Juan Malaya. Mga Pahayag na Ginagamit sa Panghihikayat. Posted last May 5,
2020. https://bit.ly/2SvS9zh.

Wikipedia. Paghahanda sa Talumpati. Updated Last. August 18, 2019.


https://bit.ly/3t7clE0.

17 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2
Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa :

Department of Education – Schools Division of Negros Oriental


Kagawasan, Avenue, Daro, Dumaguete City, Negros Oriental

Tel #: (035) 225 2376 / 541 1117


Email Address: negros.oriental@deped.gov.ph
Website: lrmds.depednodis.net

18 NegOr_Q4_Filipino8_Module5_v2

You might also like