Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Pagmartsa, tama bang sapilitan?

Kasing-ingay ng martsa ng grupo ng sundalo ang kaliwa’t kanang batuhan ng pahayag sa muling
pagsulong ng Mandatory Reserve Officers Training Cops o mas kilala bilang ROTC. Naniniwala ang gobyerno
na ang sapilitang pagsasanay na ito ay magiging daan upang lalo mahubog ang disiplina at pagmamahal sa
bayan ng mga estudyante na taliwas sa paniniwala ng karamihan.

Ipinatupad noon ang mandatory ROTC program para sa layuning mahulma lalo ang disiplina at
pagmamahal sa bayan ng mga kabataan, ngunit ito ay natanggal noong nasangkot ang programa sa
korupsiyon at hindi patas na pamamalakad. Matapos maihalal si Bise Presidente Sara Duterte at Pangulong
Bongbong marcos, malinaw na sa kanilang plano na isulong muli ang mandatory ROTC training para sa mga
estudyante. Gaya noon, pareho lamang ang layunin kung bakit ito mandatory.

Kung susuriin mabuti, ang Pilipinas ay nasa proseso pa rin na kung saan ay nanunumbalik pa lamang
sa dating lagay ng ekonomiya at mas lalong umunlad, sapagkat malaki ang naiwang peklat ng pandemya sa
ating bansa. Ang pag-implementa ng ganitong uri ng programa ay paniguradong nangangailangan ng malaking
halaga upang ito maging matagumpay, ngunit lalo lamang makakasagabal ito sa pagbabalik ng ekonomiya ng
bansa dahil magiging dagdag itong gastusin.

Ayon kay Raoul Manuel, isang miyembro ng Kabataan Party list, sinabi niya na imbes gamitin ang
pondong umaabot 61.2 bilyong piso ay ilaan ito sa mga mas mahahalagang suliranin na kinakailangan ng
pansin. Mahigpit niyang pinaglalaban na bigyan pansin ang iba pang problema ng ekonomiya kagaya na
lamang ng pagpapataas ng general wage, mas mababang presyo ng basic commodities, at economic
assitance kaysa unahin ang mandatory ROTC training. Giit pa ni Manuel na kung ang pondo ay ilalaan sa
pagpapataas ng sahod, maeengganyo ang mga tao na gamitin ang kanilang husay at galing para
mapaglingkuran ang bayan nang hindi nangangailangan ng sapilitang pagsasanay. Isa na sa sakit ng
pamahalaan ng ating bansa ay ang hindi tugmang pananaw sa iba ibang anggulo ng problema kung kaya ay
kapag ikinumpara sa kagustuhan at pangangailangan ng mamamayan, malaki ang nagiging problema.

Bagamat nitong Pebrero 2023 lamang, umabot na sa kumite ang panukala ukol sa mandatory ROTC
training. Ayon kay Senador Ronald Dela Rosa, bago sumapit ang bakasyon ng Kongreo sa Marso ay
minamabuti na i-endorso na ang report ng Committee para sa plenary ng Senado. Kung maipapasa ang
panukalang ito ay asahan na sa taong 2024, magiging parte na ito ng kurikulum ng mga estudyante. Humarap
ang grupo ng mga kabataan sa huling pagdinig upang ipaglaban na ang ROTC ay hindi nararapat maging
mandatory, sapagkat ang kabataan ay kailangan magkaroon ng kalayaan pumili. Ngunit sabi ni Sen. Dela
Rosa, hindi pangmilitarisasyon lamang ang pagsasanay at maari pa nito mahubog ang disaster response at
mapabuti ang mental health ng kabataan. Kung tutuusin naman ay hindi nangangailangan magkaroon ng
sapilitang pagsasanay upang makamit ang layunin ng ROTC. Tanging mandatory ROTC training lang ba ang
sagot upang mahubog ang disiplina, pagmamahal sa bayan, disaster response, at mapabuti ang mental health
ng kabataan?

Kamakailan lamang nabalitaan ang pagkamatay ng studyante mula sa Adamson University na si John
Matthew Saliglig dahil sa hazing. Ito ay lalong nagpainit sa tensyong nagaganap sa Senado. Inihayag ni
Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentelnila ang kaniyang kagustuhan na gawing boluntaryo ang ROTC
training at ipatupad na lamang para sa mga taong gusto pumasok sa kurso ng militar. Iginiit din ni Senador
Risa Hontiveros na matagal niya nang ipinaglalaban na huwag ituloy ang programa ng mandatory ROTC bago
pa mangyari ang insidente. Ibinalik niya ang trahedyang nangyari noong 2001, ang pagkamatay ni Mark Chua
matapos niyang isiwalat ang korupsiyon na nangyayari sa loob ng mandatory ROTC training sa kanilang
unibersidad. Nanawagan din si Sen. Hontiveros sa Department of Education (DepEd) at Commission on
Higher Education (CHED) na imbes unahin ang pagiimplementa ng mandatory ROTC training sa mga
pamantasan ay bigyang-pansin ang kapayapaan at seguridad ng paaralan. Itinatak na sa ating isipan mula
noong tayo ay bata pa na ang paaralan ay magsisilbing pangalawang tahanan, kaya ang pagpapatupad ng
ganitong klase ng marahas na pagsasanay ay tunay na maglilimita sa seguridad ng paaralan. Naghayag din si
Senador Nancy Binay na nararapat na itigil ang karahasang tradisyon na nakadikit na sa ating sistema.
Ipinagtataka niya rin kung bakit hinahayaang i-justify ang maraming kamatayan na dulot ng hazing.

Sa kabilang dako naman, naniniwala si Senador Jinggoy Estrada na ipagpatuloy ang mandatory ROTC
training at kaniya ring sinisiguro na mahigpit ipagbabawal ang hazing sa pagsasanay. Naglabas din ng pahayag si
Sen. Dela Rosa na hindi niya raw maintindihan ang koneksyon ng pagkamatay ng non-ROTC member sa
pagpapatupad ng mandatory ROTC training, ipinapakita lamang ng ibang mga Senador kung gaano sila ka-
desperada na hadlangan ang pagsasabatas nito. Ngunit nakakatawang balikan ang kaniyang pag-amin noong
2018 na siya ay nakaranas ng apat na taong pagkakabugbog sa Philippine Military Academy (PMA), kaya ganoon
na lamang ang kinuwesityon ng League of Filipino Students (LFS) ang sinasabi ni Sen. Dela Rosa ukol sa
koneksyon ng pagkamatay ni Saliglig at pagpapatupad ng mandatory ROTC.

Hindi talaga maiiwasan ang mangamba lalo na sa mga pangyayari noon na maaaring umulit ngayon.
Posibleng may laman ang mga kanilang pangako at salita, ngunit hindi pa rin masisiguro kung tunay bang
magiging sulit ang lahat ng pagod, oras, at pera ang mailalaan kung sakali mang ito ay maipatupad. Mas
mabuti kung ang magiging paraan sa ROTC training ay boluntaryo, sapagkat hindi lahat ng tao ay mayroong
kagustuhan na pumasok sa kurso ng militar. Kung layunin naman ng mandatory ROTC ang gustong makamit
ng pamahalaan, marami pang ibang solusyon upang makamtan ito nang hindi nangangailangan ng malaking
pondo na maari pang magamit sa ibang suliranin na kinakaharap ng bansa. Hahayaan ba natin bumukas muli
ang peklat na iniwan ng nakaraan, kahit na alam nating lahat na ang pagmartsa sa harapan ng bandila ng
Pilipinas ay hindi kailanman naging sapilitan.

You might also like