Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

Talumpati

ng
Kagalang-galang Manuel L. Quezon
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglikha ng Pambansang Wika

[Binigkas sa radyo sa Presidential Study, Palasyo ng Malacañan, noong ika-30 ng Disyembre 1937]

Si Rizal Hinggil sa Isang Wikang Pilipino

Mga Kababayan:

Nagdudulot sa akin ng di matingkalang kasiyahan na maipahayag ko sa inyo na ngayong ika-41


anibersaryo ng pagmamartir ng nagtatag at pinakadakilang tagapamansag ng nasyonalismong
Pilipino, ay naging karangalan kong ilagda, bilang pag-alinsunod sa utos ng Konstitusyon at ng umiiral
na batas, ang isang Kautusang Tagapagpaganap na nagtatalaga sa isa sa mga katutubong wika na
maging batayan ng wikang pambansa ng bayang Pilipino. Ang Kautusang Tagapagpaganap ay gaya
ng sumusunod:

(Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, na nagpapahayag na ang Tagalog ay siyang magiging batayan
ng wikang pambansang Pilipino.)

Sa kanyang makabayang pagsisikap na maitaguyod ang nasyonalismong Pilipino ay inilagay ni Rizal


sa bibig ni Simon, sa pakikipag-usap kay Basilio, ang sumusunod na kataga, “Ang Kastila ay hindi
kailan man magiging wikang pangkalahatan ng bansa; ang baya’y hindi kailan man magsasalita nito.
Bawa’t bayan ay may sariling wika gaya ng pagkakaroon niya ng sariling pag-iisip. Pinagpipilitan
ninyong mabuti na hubdan ang sarili ng angking katauhan bilang isang bayan; nalilimutan ninyo na
habang pinangangalagaan ng isang bayan ang kanyang wika ay taglay niya ang isang tanda ng
kanyang kalayaan, gaya rin ng pagtataglay ng kalayaan ng isang tao habang pinangangalagaan niya
ang kanyang sariling laya ng pag-iisip. Ang wika ay siyang nagpapahayag ng mga kaisipan at mithiin
ng isang bayan.”

Kaya, sa pagpapasiyang mapagtibay ng isang wikang pambansa na pinili sa iba’t ibang wikang
sinasalita sa Pilipinas at lalo na sa Tagalog na hindi lamang siyang katutubong. wika ni Rizal kundi siya
ring pinakamaunlad sa lahat ng wikang umiiral sa bansa, ay isinasakatuparan lamang natin ang isa sa
mga mithiin ng ating bayani bilang paraan ng pagbuo at pagpapalakas sa ating pagkakaisa.

Sa loob ng mahigit na tatlong daang taon ng kapangyarihan ng Espanya sa Pilipinas, ang Kastila ay
siyang wikang opisyal, gayon man, nang mapasakamay at pamahalaan ng Estados Unidos ang
Kapuluang ito, ang Kastila ay hindi naging wikang panlahat sa ating bayan. Sa pagkakatatag ng
pamamahalang Amerikano, ang Ingles ay siyang naging wikang opisyal dito sa atin; nguni’t sa kabila
ng pangyayaring ang Ingles ay itinuturo na sa lahat ng paaralang bayan natin sa loob ng mahigpit na
isang henerasyon, ito’y hindi naging wika ng ating bayan. Sa kasalukuya’y walang isang wika na
sinasalita at nauunawaan ng lahat ng Pilipino, ni ng nakararami sa kanila, bagay na nagpapatunay
lamang na samantalang ang pagtuturo ng isang wikang dayuha’y maaaring ipag-utos sa isang bayan,
hindi naman maaari kailan man na mapalitan ng wikang iyan ang katutubong wika bilang kasangkapan
ng bansa sa pagpapahayag. Ang dahilan, wika nga ni Rizal, ay sapagka’t ang pag-iisip ng bansa ay
nag-uugat sa isang wikang panlahat na umuunlad at sumisibol na kaalinsabay ng pagkasulong ng
bansa. Maaari nating hiramin sa loob ng isang panahon ang wika ng ibang bayan, nguni’t hindi tayo
tunay na makapag-aangkin ng isang wikang pambansa maliban sa pamamagitan ng pagpapatibay,
pagpapaunlad at paggamit ng isang wika na sariling atin.
Kalabisan na sa aking ilarawan pa kung gaano kahalaga sa ating bayan ang pagkakaroon ng isang
wika na magagamit ng lahat sa kanilang pag-uusap araw-araw. Hindi maaaring Ingles o Kastila,
maliban na lamang marahil, kung bagaman, kung makaraan na ang maraming henerasyon at sa
napakalaking gugol. Hindi tayo makapaghihintay ng ganoon katagal. Dapat na sa lalong madaling
panahon ay makapag-usap tayo nang tuwiran sa pamamagitan ng iisang wika. Kailangan natin ang
kanyang lakas upang lubusang mabigkis tayo sa iisang pagka-bansa na malakas at matibay.
Makapagbibigay ito ng inspirasyon at sigla sa ating kilusang bayan at magdudulot sa ating pagka-
bansa ng isang bagong kahulugan na hindi natin kailan man naipahayag nang sapat at lubusan. Bilang
Pangulo ng Pilipinas, di miminsa’t mamakalawang nadama ko ang malaking kahihiyan na magsalita sa
mga tao sa pamamagitan ng isang interprete doon sa mga lalawigan ng Kapuluan na ang wikang
ginagamit ay Ilokano, o kaya’y Bisaya, Kapampangan o Bikol.

Ang pagkakaroon natin ng sariling wikang pambansa ay hindi nangangahulugang tatalikdan natin sa
ating mga paaralan ang paggamit o pag-aaral ng wikang Kastila, lalo na ng Ingles, na sa ilalim ng ating
Saligang-batas, ay siyang batayan ng ng pagtuturo sa paaralang primarya. Pangangalagaan ng wikang
Kastila para sa atin ang ating kalinangang Latin at siya nating magiging kasangkapan sa pakikipag-
ugnayan sa ating dating inang lunsod gayon din sa Amerika Latina; ang Ingles, dakilang wika ng
demokrasya, ay siyang mag-uugnay sa atin magpakailan man sa mga mamamayan ng Estados Unidos
at magdudulot sa atin ng mga karunungang nakasulat at iniingatan sa wikang ito.

Nagkaroon ng panahon na tila hindi maaari sa mga Pilipino na pagkasunduan nilang ang isa sa mga
katutubong wika ay piliin na maging wikang pambansa, nguni’t sa wakas ay napakilala nating lahat na
kung ang isang wikang dayuhan ay matatanggap natin para maging wikang opisyal ng Pilipinas, lalong
matuwid namang dapat nating tanggapin ang isa sa mga wikang katutubo natin upang maging wikang
pambansa nitong ating bayan. Hindi sa pagbibigay ng lagpas na pagpapahalaga sa tungkuling
ginagampanan ng isang wikang panlahat sa buhay ng isang bayan, maaaring banggitin natin ang
katotohanan na sa Silangan ang kaisa-isang bansang nakagawa ng pinaka-malaking pagkasulong at
nakasapit sa isang mataas ng kala-gayan sa angkan ng mga bansa, ay ang tanging bansang may
isang wikang panlahat—ang Hapon. At ang alin pa mang ibang bansa na nakapagtamo ng pagka-
bansa at sa kapang-yarihan, maging sa lupalop ng Amerika at sa Europa, at maging sa Aprika, ay
bansang may isang wika na pambansa at panlahat.

Ngayong araw na ito, sa pagpapatibay sa Tagalog bilang saligan ng wikang pambansa ng Pilipinas, ay
naisakatuparan natin ang isa sa pinakamimithing pangarap ni Rizal.

Wala nang lalong mabuting paraan ng pagpaparangal natin sa banal niyang alaala sa anibersaryong
ito ng kanyang pag-papakasakit sa kapakanan ng ating malayang pagkabansa.

Hinahangad ko para sa inyong lahat ang isang Maligayang Bagong Taon.

You might also like