Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 10

Filipino

Baitang 4 • Yunit 18: Editoryal Kartun

ARALIN 18.1
Editoryal Kartun
Talaan ng Nilalaman
Introduksiyon 1

Mga Layunin sa Pagkatuto 2

Kasanayan sa Pagkatuto 2

Simulan 2

Pag-aralan Natin 3
Mga Katangian ng Isang Editoryal Kartun 5
Mga Elemento ng Editoryal Kartun 5

Sagutin Natin 7

Subukan Natin 7

Isaisip Natin 8

Pag-isipan Natin 8

Dapat Tandaan 9

Mga Sanggunian 9
Filipino

Baitang 4 • Yunit 18: Editoryal Kartun

Aralin 18.1
Editoryal Kartun

Lar. 1. Ang pagguhit ay maaaring maging kasangkapan sa pagpapahayag ng sariling


opinyon.

Introduksiyon
Ang pagbabasa ng pahayagan ay naging bahagi na ng ating pang-araw-araw na
pamumuhay. Isa ito sa pinakamabisang daluyan ng pagbabalita o pagpapalaganap ng
impormasyon at patalastas. Bukod dito, ito rin ay naglalaman ng mga mahahalagang
opinyon, kuro-kuro, at puna ng mga patnugot ukol sa mga napapanahong isyung may
kinalaman sa ating buhay.

Bilang isang batang mamamayan at mag-aaral, mainam na kayo ay nakapagsusuri ng mga


balita at pangyayaring natutunghayan sa paligid. Nakabubuti ring naibabahagi ang sariling
opinyon o puna sa harap ng klase.

1
Filipino

Baitang 4 • Yunit 18: Editoryal Kartun

Isa ang editoryal kartun sa bahagi ng pahayagan. Ito ay paraan ng pagpapahayag ng


opinyon ng isang cartoonist sa isang napapanahong isyu o paksa. Ikaw ba ay interesadong
malaman ang ibig sabihin ng mga simbolong madalas na ginagamit sa pagguhit nito?

Sa araling ito, malalaman mo ang simbolismong ipinahahayag sa isang editoryal kartun


gayundin ang paraan sa pagtukoy nito.

Mga Layunin sa Pagkatuto


Sa araling ito, inaasahang matutuhan mo ang sumusunod:
● Natutukoy ang katangian ng isang editoryal kartun.

● Nakikilala ang paksa ng editoryal kartun.

● Nauunawaan ang gamit o layunin ng isang editoryal kartun.

● Nasusuri ang mensaheng nais iparating ng editoryal kartun.

Kasanayan sa Pagkatuto
Sa araling ito, ikaw ay inaasahang nasasagot ang tanong tungkol sa isyung
ipinapahayag sa isang editoryal kartun. (F4PN-IBf-j-3.3).

Simulan

Gumuhit tayo!

Materyales
● papel o kuwaderno
● panulat
● pangkulay

2
Filipino

Baitang 4 • Yunit 18: Editoryal Kartun

Panuto
Umisip ng mahalagang pangyayari sa iyong paligid at gumuhit ng isang larawan na
nagpapakita ng iyong opinyon ukol dito.

Mga Gabay na Tanong


1. Ano ang nakatulong sa iyo upang malaman ang mahalagang pangyayari sa iyong
paligid?
2. Tungkol saan ang larawan na iyong iginuhit?
3. Paano naipakita ng larawan na iyong iginuhit ang iyong opinyon?

Pag-aralan Natin

Mahahalagang Tanong
● Gaano kahalaga ang editoryal kartun sa publikasyon?
● Ano ang papel na ginagampanan ng mga simbolo sa pagbuo nito?
● Bakit mahalagang angkop ang pagkakagamit ng mga eksaheradong
simbolo sa pagguhit ng editoryal kartun?

Ang paglalahad ng sariling pananaw o opinyon ay hindi lamang maaaring gawin sa


pamamagitan ng pasalita at pagsulat. Isang paraan din ang pagguhit sa pagpapahayag nito
tulad na lamang ng editoryal kartun na makikita sa mga pahayagan.

Ang Editoryal Kartun

Alamin Natin
pahayagan babasahin na naglalaman ng mga balita tungkol sa loob

3
Filipino

Baitang 4 • Yunit 18: Editoryal Kartun

at labas ng bansa

pitak na nagtataglay ng pangkalahatang kuro-kuro ng


editoryal
patnugot ng pahayagan

Isang larawan o ilustrasyong naglalaman ng kuro-kuro o puna hinggil sa napapanahong


isyung panlipunan ang editoryal kartun. Sumasalamin sa pangkalahatang opinyon ng
bumubuong publikasyon sa isang napapanahong usapin ang kadalasan na nilalaman ng
isang editoryal kartun. Tulad ng editoryal, naglalayon ito na mangiliti sa kamalayan ng
mamamayan upang magsuri sa mga nangyayari sa paligid at nagaganap sa lipunan.

Cartoonist o Kartunista ang tawag sa gumuguhit ng editoryal kartun. Iginuguhit nito ang
ilustrasyong kumakatawan o nagpapamalas ng opinyon ng patnugutan batay sa pangulong
tudling o editoryal.

Sa kasalukuyan, dulot na rin ng pagiging moderno ng panahon, hindi na lamang sa


pahayagan at magasin maaaring makita ang editoryal kartun, sa halip ito rin ay nailalathala
na rin sa web.

Karaniwang tagpo sa isang editoryal kartun ay ang mga sumusunod.

Lar. 2 Relasyong Bayani at Kriminal Lar. 3 Relasyon ng Nang-aapi at Inaapi

4
Filipino

Baitang 4 • Yunit 18: Editoryal Kartun

Lar. 4 Malakas Laban sa Mahina Lar. 5 Panlilinlang o Pagtataksil

Mga Katangian ng Isang Editoryal Kartun


Para masabing mahusay ang pagkakabuo ng editoryal kartun, kinakailangang taglay nito
ang mga sumusunod na katangian:
1. Ang editoryal kartun ay naglalaman ng isang malinaw at madaling maunawaang
ilustrasyon hinggil sa napapanahong usapin.
2. Ito ay sadyang gumagamit ng angkop na mga eksaheradong simbolo upang magdiin
ng isa o higit pang mga punto sa mambabasa.
3. Ito ay nagtataglay ng isa o higit pang elemento at malinaw itong natutukoy sa
ilustrasyon.
4. Pinupunuan ng larawan at mga linya o salita ang isa’t isa upang wastong makuha ang
ideya o saloobing nais nitong ipabatid.
5. Nagagawa nitong pumukaw ng kamalayan ng mambabasa upang magkaroon ng
sariling pagsusuri sa isang tiyak atnapapanahong isyu.

Mga Elemento ng Editoryal Kartun


Dahil sa layunin ng editoryal kartun na mailahad ang pangkalahatang opinyon ng
patnugutan, mahalagang isaalang-alang ang mga sumusunod na elemento.
1. Simbolo
Ito ay tumutukoy sa paggamit ng mga larawang naghahatid ng alternatibong
kahulugan ayon sa nakagawiang tradisyon.
Halimbawa:

5
Filipino

Baitang 4 • Yunit 18: Editoryal Kartun

Ang ibig sabihin ng kalapati sa isang ilustrasyon ay kapayapaan.


Ang timbangan naman ay katarungan.
2. Pamagat o Etiketa
Ito naman ang paglalakip ng salita o maikling linya upang magbigay-linaw at diin sa
isa o higit pang punto.
Halimbawa:
Hinggil sa sakuna, mapupuna ang paglalagay ng tiyak na pangalan ng bagyo o uri ng
sakunang tinutukoy sa ilustrasyon.
Mapapansin ang ilang ilustrasyon sa mga tagpo sa editoryal ay may mga salitang
nakalagay upang ipahayag ang kinakatawan nito.
3. Eksaherasyon
Ito ay ang pagbibigay ng sobrang diin o bigat sa isang bagay sa kabuoan ng
ilustrasyon.
Halimbawa:
Kung titignan ang larawan bilang 4 sa itaas, mapapansin na pinalaki nang husto ang
paa na tumatapak sa tao upang ipakita na ang kapitalismo ang nagpapahirap sa
manggagawa.
4. Analohiya
Ito ay ang pagguhit ng dalawang magkaibang bagay ngunit nagtataglay ng mga
pagkakatulad.
Halimbawa:
Sa isang ilustrasyon ay may malaki at maliit na lobong nakakadena kay Juan Dela
Cruz. Ang malaking lobo ang kumakatawan sa halaga ng utang-panlabas ng Pilipinas
habang ang maliit na lobo naman na nakakadena ay kumakatawan sa personal na
utang ni Juan. Ipinababatid nito na bukod sa pansariling suliraning pinansiyal, si Juan
Dela Cruz ay may obligasyong pinasiyal pang dapat panagutan sa pamahalaan.
5. Kabalintunaan
Ito ay ang pagguhit ng dalawang magkabaligtad o magkaibang mundong nais na
ipasuri ng kartunista. Ang una ay larawan ng katotohanan ng realidad habang ang
pangalawa naman ay nagpapakita kung ano at paano dapat ang katotohanan o
realidad.

6
Filipino

Baitang 4 • Yunit 18: Editoryal Kartun

Halimbawa:
Sa larawan bilang 5, ipagpalagay na ginawa ang editoryal kartun na ito noong
kasagsagan ng pangangampanya sa eleksyon. Ipinakita rito ang marahil na naiisip ng
kandidato tungkol sa kaniyang binibitawang mga salita upang makahikayat ang
kaniyang panlabas na itsura.

Tunay na napakahalaga ng isang editoryal kartun sapagkat kahit na maliit lamang ang
saklaw nito ay malaki ang epekto nito sa pagpapahayag ng opinyon o saloobin ng
patnugutan. Maraming impormasyon ang naipahahayag nito sa pamamagitan lamang ng
mga larawan at kaunting salita. Bagamat tunay at may pagkakataong nakasasakit ang
ipinababatid nito, mayroon din namang nakalilibang na ilustrasyon. Kaya naman ito ay isang
mahalagang bahagi ng pahayagan.

Sagutin Natin
Sagutin ang mga sumusunod na tanong.
1. Ano ang editoryal kartun?
2. Ano tawag sa taong gumuguhit ng isang editoryal kartun?
3. Ano-ano ang elemento ng editoryal kartun?

Subukan Natin
Sagutin ang sumusunod na mga tanong.
1. Ano ang kadalasang mga tagpo sa isang editoryal kartun?
2. Bakit kinakailangang gumamit ng mga eksaheradong simbolo sa pagguhit ng isang
editoryal kartun?
3. Bakit nilalapatan ng mga salita o linya ang isang editoryal kartun?

7
Filipino

Baitang 4 • Yunit 18: Editoryal Kartun

Isaisip Natin
Bakit mahalaga ang editoryal kartun bilang bahagi ng pamamahayag?

Pag-isipan Natin
Tukuyin ang isinasaad ng bawat pahayag. Isulat ang iyong sagot sa patlang.

________________ 1. Isa ito sa mga tagpong karaniwang iginuguhit sa editoryal


kartun.

________________ 2. Ito ang tawag sa taong gumuguhit ng editoryal kartun.

________________ 3. Ito ay tumutukoy sa pagguhit ng dalawang magkabaligtad o


magkaibang mundong nais ipasuri ng kartunista.

________________ 4. Maliban sa pahayagan at magasin, dito rin makikita ang


editoryal kartun.

________________ 5. Ito ay isang larawan o ilustrasyong naglalaman ng kuro-kuro o


puna hinggil sa isang napapanahong isyung panlipunan.

________________ 6. Ito ay ang pagbibigay ng sobrang diin o bigat sa isang bagay sa


kabuoan ng ilustrasyon.

________________ 7. Ito ay ang paggamit ng mga larawang naghahatid ng


alternatibong kahulugan ayon sa nakagawiang tradisyon.

________________ 8. Bahagi ng pahayag na pinagbabatayan ng editoryal kartun.

________________ 9. Paglalakip ito ng salita o maikling linya upang magbigay-linaw at


diin sa isa o higit pang punto.

________________ 10. Ito pagguhit ng dalawang magkaibang bagay ngunit nagtataglay

8
Filipino

Baitang 4 • Yunit 18: Editoryal Kartun

ng mga pagkakatulad.

Dapat Tandaan

● Ang editoryal kartun ay isang larawan o ilustrasyong naglalaman ng kuro-kuro o


puna hinggil sa isang napapanahong isyung panlipunan.
● Tinatawag na cartoonist o kartunista ang taong gumuguhit ng editoryal kartun.
● Kinabibilangan ng simbolo, pamagat o etiketa, eksaherasyon o karikatura, analohiya,
at kabalintunaan ang isang editoryal kartun.

Mga Sanggunian

Arevalo, Miguel Victor. 2002. Tekstong Patnubay sa Pag-aaral ng Gramatika. Quezon City. C&E
Publishing. Inc.

Badayos, Paquito. 2008. Metodolohiya sa Pagtuturo at Pagkatuto ng/sa Filipino (Mga Teorya,
Simulain, at Istratehiya). Valenzuela City. Mutya Publishing House.

De Laza, Crizel-Sicat. 2016. Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik.
Manila. Rex Publishing.

Dayag, Alma M. 2018. Pinagyamang Pluma 4. Quezon City: Phoenix Publishing House.

Griffin, Jaimmy at Villanueva, Arvin Jasper P. 2018. Kasanayan sa Filipino 4. Makati City: Diwa
Learning System Inc.

You might also like