Itinaas ko sa bintana namin ang bandila ng Pilipinas
Binuksan ang telebisyon, tumambad ang mga larawan ng sakripisyong dinanas Hinalughog ang mga pinakatatagong kwento ng digmaan Isiniwalat ang nakaraan na naging simbulo ng kagitingan Araw nga pala ngayon ng mga bayani. Araw nga pala ngayon ng mga tulad kong bayani. Oo, isa akong bayani. Hindi mo ba alam? Ah, hindi mo alam kasi ikaw ang kasama ko noon sa digmaaan Ikaw yong taong minamahal ko na sumuko sa gitna ng sagupaan. Ipinaglaban ko ang ating pag-iibigan. Patuloy akong nanindigan Na kahit na maraming sugat at paltos ng paghihirap ang aking naranasan Heto pa rin ako lumalaban ng nag-iisa. Isa akong martir, at hahayaan kong ako’y bitayin ng mga mapagkunwaring kabaro at pikit-matang sumusunod sa ipinag-uutos ng mas nakatataas Ako si Mabini, gagamitin ko ang panitik upang sayo ay ipahatid ang ating sinumpaang pangako Gigisingin kong muli ang diwang makabayan Ng sa wakas panghawakan mong muli ang armas ng ating pag-ibig Ako si Jacinto, gagawa ng mga komposisyon dahil umaasa pa rin ako na may konting pag-ibig pa diyang nananahan sa puso mo, Ako si Rizal, at hahayaan kong barilin ako ng patalikod, Ngunit pipilitin ko pa ring humarap sa bayang aking minamahal, Kahit na makita kong ang taong iniibig ko ang siyang nagwasak ng aking pagkatao Ako si Luna, hahayaan kong tagain at saksakin ako ng taong minsang pinag-alayan ko ng buhay Ako si Del Pilar, hahayaan kong libakin at traydurin ako ng taong minsan kong pinagkatiwalaan Ako ang isa sa bawat bayaning nag-alay ng buhay para sa taong minamahal Dahil umaasa ako na pag nasaksihan mo ang aking paghihirap, baka bumalik ka Mahal, hinihintay pa rin kita dito sa lugar kung saan mo ako iniwan Inihahanda ang mga sandata’t armas para sa muli nating pagsabak Nakasabit na ang mga ilaw upang madali mong tahakin ang daan pabalik Patawad, dahil mas inuna kong umibig Patawad dahil nalimutan ko ang sarili kong pagtangis dahil minamahal kita Hinding-hindi ko bibitiwan ang mga armas na minsang ipinabaon mo Hinding-hindi ko malilimutan ang mga katagang iniwan mo, “Mahal, lalaban tayo hanggang dulo.” Ang katagang iyan ay isinabatas ko tulad ni Supremo Ang batas na iyan ang sandata ko, dahil akala ko sasamahan mo ako sa laban hanggang sa huling hininga ko Pero nagkamali ako, dahil nung minsang nasugatan at nanghihina ako, Hindi ka sumaklolo, nagpatangay ka sa sutsot ng mga kalaban ko Nagpaagos ka sa sinasabi nilang walang tumatagal sa relasyong pinasok mo Isa ka sa mga taong marurupok at madaling sumusuko Duwag ka! Walang paninindigan! Wala kang isang salita sa mga pangakong iyong sinumpaan Ikaw ang isa sa mga Pilipinong nasakop ng mga dayuhan Nagpaanod sa huwad na kasarinlan Sunud-sunuran sa kung ano ang sinasabi ng karamihan Iniwanan mo ako sa gitna ng digmaan Mahal, limot mo na yatang ang paglaban sa larangan ng pag-ibig ay kagitingan Limot mo na yatang ikaw ang nagpasok sa akin dito sa rebolusyon Limot mo na yatang ikaw ang naglatag ng repormang ating isusulong Limot mo na yatang ikaw ang pumunit sa sedulang nagsasabing “Hindi niyo ‘yan makakaya” Limot mo na yatang ikaw ang unang sumigaw sa Balintawak ng “Mahal kita” Pinanghawakan ko iyon mahal. Pinanghawakan ko iyon. Pinaglaban ko iyon, kahit tapos na ang araw ng paggawad sa akin bilang isang bayani. Umaalingawngaw pa rin sa aking balintataw ang mga alaala ng nakaraan. Nakaraan??? Ah, Tapos na pala ang araw ng mga bayani Tatapusin ko na rin ang giyerang pinasok ko, Wala na ring saysay ang himagsikang ito Dahil matagal ng sumuko ang taong ipinaglalaban ko. Ikaw, naging bayani ka rin ba?