Reviewer Filipino Final

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 11

MODYUL SA FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK)

Pagsulat ng Posisyong Papel


Posisyong Papel
Ayon kay Jocson et al. (2005), sa kanilang aklat na Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, ang
pangangatwiran ay tinatawag ding pakikipagtalo o argumentasyon na maaaring maiugnay sa sumusunod na mga
paliwanag:
* Ito ay isang sining ng paglalahad ng mga dahilan upang makabuo ng isang patunay na tinatanggap ng
nakararami.

* Ito ay isang uri ng paglalahad na nagtatakwil sa kamalian ang katotohanan upang maipahayag
* Ito ay isang paraang ginagamit upang mabigyang-katarungan ang mgaopinyon at maipahayag ang mga
opinyong ito sa iba.

Narito ang mga dapat isaalang-alang para sa isang mabisang pangangatwiran:


1. Alamin at unawain ang paksang ipagmamatuwid.
2. Dapat maging maliwanag at tiyak ang pagmamatuwid.
3. Sapat na katwiran at katibayang makapagpapatunay.
4. Dapat ay may kaugnayan sa paksa ang katibayan at katwiran upang makapanghikayat.
5. Pairalin ang pagsasaalang-alang, katarungan, at bukás na kaisipan sa pagpapahayag ng kaalamang ilalahad.
6. Tiyaking mapagkakatiwalaan ang mga ilalahad na katwiran.
Sa araling ito ay tatalakayin ang isang paraan ng pagpapakita ng isang masining na pagpapahayag ng
mga katwiran sa pamamagitan ng pagsulat ng posisyong papel. Ang posisyong papel, kagaya ng isang debate,
ay naglalayong maipakita ang katotohanan at katibayan ng isang tiyak na isyung kadalasan ay napapanahon at
nagdudulot ng magkakaibang pananaw sa marami depende sa persepsiyon ng mga tao. Ang layunin ng
posisyong papel ay mahikayat ang madlang ang pinaniniwalaan ay katanggap-tanggap at may katotohanan.
Mahalagang maipakita at mapagtibay ang argumentong ipinaglalaban gamit ang mga ebidensiyang
magpapatotoo sa posisyong paniniwala o paninindigan.
Ayon naman kay Grace Fleming, sumulat ng artikulong "How to Write an Argumentative Essay," ang
posisyong papel ay ang pagsalig o pagsuporta sa katotohanan ng isang kontrobersiyal na isyu sa pamamagitan
ng pagbuo ng isang kaso o usapin para sa iyong pananaw o posisyon. Kapag nailatag na ang kaso at ang
posisyon hinggil sa isyu, mahalagang mapatunayang totoo at katanggap tanggap ito sa pamamagitan ng
paggamit ng mga ebidensiyang kinapapalooban ng mga katotohanan, opinyon ng mga taong may awtoridad
hinggil sa paksa, karanasan, estadistika, at iba pang uri ng katibayang magpapatibay sa posisyong
pinanghahawakan. Ayon sa kanya, sa pagsulat ng posisyong papel, mahalaga ang pagkakaroon ng isang
mahusay at magandang paksa ngunit higit na mahalaga ang kakayahang makabuo ng isang kaso o isyu.
Maaaring ang paksa ay maging simple o komplikado ngunit ang iyong gagawing argumento o pahayag ng tesis
ay mahalagang maging matibay, malinaw, at lohikal. Ang detalye hinggil sa pahayag ng tesis ay tatalakayin sa
susunod na mga talata.

Mga Hakbang sa Pagsulat ng Posisyong Papel


Ang pagsulat ng posisyong papel ay hindi lámang sining ng paglalahad ng mga argumento at pangangatwiran
kundi ito rin ay isang agham na kinapapalooban ng mga katibayang kinalap sa pamamagitan ng pananaliksik.
Kaya naman, napakahalagang mapag-isipan at mapaghandaang mabuti ang paggawa nito. Narito ang mga
hakbang na maaaring sundin sa pagsulat ng posisyong papel.
1. Pumili ng paksang malapit sa iyong puso. Ang posisyong papel ay kadalasang naglalaman ng mga
paniniwala at paninindigan ng may-akda. Makatutulong nang malaki kung ang paksang tatalakayin ay
malapit sa iyong puso at lubos na nakaaantig ng iyong interes at maging ng maraming makababasa nito.

2. Magsagawa ng panimulang pananaliksik hinggil sa Ang pagsasagawa ng panimulang pananaliksik ay


naglalayong malaman napiling paksa., kung may sapat na ebidensiyang makakalap hinggil sa nasabing
paksa Magsaliksik sa mga aklatan, maging sa mga mapagkakatiwalaang web site tulad ng educational at
government sites upang makahanap ng mga propesyonal na mga pag-aaral at pananaliksik at mga
estadistika tungkol sa iyong napiling kaso o isyu. Kung makalipas ang ilang oras ng pananaliksik sa
Internet ay wala kang makitang sapat na datos na magsisilbing mga patunay at ebidensiya para sa iyong
napiling posisyon, mas makabubuting pumili na lamang ng ibang paksa.

3. Bumuo ng thesis statement o pahayag ng tesis. Ayon kina Pamela C. Constantino at Galileo S. Zafra
(1997) sa kanilang aklat na Kasanayan sa Komunikasyon 11, ang pahayag ng tesis ay naglalahad ng
pangunahin o sentrong ideya ng posisyong papel na iyong gagawin. Isa itong matibay na pahayag na
naglalahad ng pinapanigang posisyon o pananaw ng mananaliksik tungkol sa paksa na handa niyang
patunayan sa pamamagitan ng pangangalap ng mga datos o ebidensiya. Kadalasang ito ay maikli lamang
na binubuo ng isa o dalawang pangungusap. Sa pamamagitan ng pahayag ng tesis ay malalaman ng mga
mambabasa kung tungkol saan ang posisyong papel. Dito rin nakasalig ang gagawing pangangalap ng
mga ebidensiyang magpapatunay sa kanyang argumento.

4. Subukin ang katibayan o kalakasan ng iyong pahayag ng tesis o posisyon Ito ay napakahalagang bahagi
sa pagsulat ng posisyong papel. Kailangang mabatid ang mga posibleng hamong maaaring harapin sa
gagawing pagdepensa sa iyong napiling tesis o posisyon hinggil sa isyu. Hatag din ang mga kahinaan ng
pinasusubaliang posisyon sa pamamagitan ng pag iisa-isa sa mga argumentong maaaring iharap dito
upang mapagtibay ang kahinaan at kakulangan nito.

5. Magpatuloy sa pangangalap ng mga kakailanganing ebidensiya. Kapag ganap nang napatunayan na ang
napiling posisyon ay may matibay at malakas na laban sa pinasusubaliang posisyon ay maaari nang
magsagawa nang mas malalim na pananaliksik. Maaaring isaalang-alang ang sumusunod na mga
sanggunian sa pangangalap ng mga katibayan batay sa kakailanganing impormasyon.

Uri ng Impormasyon Uri ng Sanggunian Maaring Gamitin


Panimulang impormasyon at pangkalahatang Talatinigan, ensayklopedya, handbooks
kaalaman tungkol sa paksa
Mga pag-aaral hinggil sa paksa o isyu Aklat, ulat ng pamahalaan
Mapagkakatiwalaang artikulo Dyornal na pang-akademiko
Napapanahong isyu Pahayagan, magasin
estadistika Sangay ng pamahalaan at mga
organisasyon/samahan

Para sa higit na pagpapatibay ng iyong posisyon ay maaari ding gamitin bilang saligan ng paliwanag ang mga
pananaw ng mga taong eksperto sa larangang iyong tinatalakay tulad ng doktor, abogado, propesor, at iba pa o
kaya naman ay personal na karanasan ng kaibigan, kamag-anak, o kakilala na makapagdaragdag ng
impormasyon para sa iyong paksa. Ayon kay Constantino at Zafra (1997), nauuri sa dalawa ang mga
ebidensiyang magagamit sa pangangatwiran:
a. Mga Katunayan (facts)-Ito ay tumutukoy sa mga ideyang tinatanggap na totoo dahil ang mga
katibayan nito ay nakabatay sa nakita, narinig, naamoy, nalasahan, at nadama. Hindi kinakailangang ang
mananaliksik mismo ang nakaranas o nakakita ng pangyayari para magamit itong katibayan, maaari ding
ito ay nasaksihan o naranasan ng ibang tao. Ang kanyang mga pahayag ay magagamit bilang testimonya
o patotoo. Gayunman, tiyaking reliable o mapagkakatiwalaan ang testimonyang gagamitin sa iyong
posisyong papel. Gayundin, dapat isaisip na hindi lahat ng itinuturing na katotohanan ay unibersal at
panghabampanahon. Ito ay maaaring mabago depende sa mga bagong tuklas na datos o impormasyon
batay sa pag-aaral o pananaliksik hinggil sa mga nabanggit na katotohanan kaya maging handa rin sa
pagharap sa mga hamong ito.
b. Mga Opinyon-Ito naman ay tumutukoy sa pananaw ng mga tao, mga ideyang nakasalig hindi sa
katunayan kundi sa ipinapalagay lamang na totoo. Hindi ito katunayan kundi pagsusuri o judgment ng
katunayan. Kung gagamiting ebidensiya ang opinyon sa iyong sulating papel, kailangang manggaling ito
sa taong may awtoridad na magsalita hinggil sa isang isyu o paksa. Karaniwang kinikilalang may
awtoridad ang mga taong may posisyon o may mahalagang ginagampanan sa lipunan tulad ng mga
iskolar, propesyonal, politiko, akademiko, at siyentipiko. Gayunman, ang isang simpleng mamamayan
ay maaari ding masabing nasa awtoridad na magbigay ng ideya kung ang pinag-uusapang isyu ay may
direktang kinalaman sa kanyang buhay o ginagalawang lipunan. Samakatwid, mahalagang gamitin ng
mananaliksik ang matalinong pagpapasya upang makakuha ng mga opinyon makapagpapatatag sa
kanyang posisyon.

6. Buoin ang balangkas ng posisyong papel. Bago tuluyang isulat an kabuoang sipi ng posisyong papel ay
gumawa muna ng balangkas pa dito. Narito ang pormat na maaaring gamitin.
I. Panimula
a. llahad ang paksa.

b. Magbigay ng maikling paunang paliwanag tungkol kung bakit mahalaga itong pag-usapan.
sa paksa at kung bakit mahalaga itong pag-usapan.
c. Ipakilala ang tesis ng posisyong papel o ang iyong stand o posisyon tungkol sa isyu.

Sa pagsulat ng panimula, mahalagang maunawaan na ito ay may dalawang layunin. Una, upang ipakilala ang
paksa at ang tesis at pangalawa, upang maantig ang interes ng mga babasa nito. Tunghayan ang halimbawa nito:
a. Isa sa napapanahong isyung pinag-uusapan sa lipunan ngayon ay ang Enhanced Basic Education Act of
2013 o Republic Act No. 10533.

b. .Bawat pamilya at mag-aaral na Pilipino sa kasalukuyan ay labis na naaapektuhan ng programang ito.


Puspusan ang isinasagawang paghahanda at pagsasanay ng pamahalaan upang maihanda ang mga
paaralan at mga guro sa maayos na pagpapatupad nito.

c. Mahalagang maihanda ang mga mag-aaral sa totoong buhay lalo na sa paglinang sa kanilang mga
kasanayang kakailanganin sa papasuking larangan o trabaho kayâ mahalagang maipatupad ang
programang ito.

II. Paglalahad ng Counterargument o mga Argumentong Tumututol o Kumokontra sa Iyong Tesis.


a. Ilahad ang mga argumentong tutol sa iyong tesis
b. Ilahad ang mga kinakailangang impormasyon para mapasubalian ang binanggit na counterargument
c. Patunayang mali o walang katotohanan ang mga counterargument na iyong inilahad
d. Magbigay ng mga patunay para mapagtibay ang iyong ginawang panunuligsa

Maaaring matukoy ang mga posibleng counterargument tungkol sa isyu sa pamamagitan ng pag-iisip
ng mga tanong na maaaring iharap sa isang taong nakaalam ng paksa tungkol sa iyong posisyon sa isyu sa
pangkalahatan. Matapos mong matukoy ang mga posibleng counter argument, pag-isipan kung paanong
sasagutin o pangangatwiranan ang mga ito. Kailangang mahimok at mapaniwala ang mga mambabasang
higit na matibay ang katotohanang iyong pinaniniwalaang nakasaad sa tesis. Gayunman, mahalagang
mailahad ang bawat pangangatwiran bilang iyong depensa sa pinasusubaliang argumento nang patas at
obhetibo upang maipakitang iyong lubos na napag-aralan ang bawat anggulo ng isyu at hindi lilitzw sa
iyong isinulat na binabatikos mo lamang ang kabilang panig nito.
Mas mainam kung iyong pagtutuonan lamang ang dalawa o tatlong mabibigat na counterargument nang
may malalim na pagpapaliwanag kaysa maglatag ng maraming counterargument na hilaw na hilaw kalang
na kulang naman sa mga obhetibong paliwanag o tugon para rito at mga tidersiya. Tiyaking ang mga tugon
na ilalahad ay sumuuporta sa iilatag na tesis o posisyon.

III. Paglalahad ng Iyong Posisyon o Pangangatwiran Tungkol sa Isyu


a. Ipahayag o ilahad ang unang punto ng iyong posisyon o paliwanag.
 Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa unang punto.
 Maglahad ng mga patunay at ebidensiyang hinango sa mapagkakatiwalaang sanggunian.
b. Ipahayag o ilahad ang ikalawang punto ng iyong posisyon o paliwanag.
 Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa ikalawang punto.
 Maglahad ng mga patunay at ebidensiyang hinango sa mapagkakatiwalaang sanggunian.
c. Ipahayag o ilahad ang ikatlong punto ng iyong posisyon o paliwanag.
 Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa ikatlong punto.
 Maglahad ng mga patunay at ebidensiya na hinango sa tatlong mapagkakatiwalaang sanggunian.

Upang higit na maging matibay ang iyong pangangatwiran posisyon, sikaping maglahad ng tatlo o higit
pang mga puntos tungkol sa isyu.

IV. Kongklusyon
a. Ilahad muli ang iyong argumento o tesis.
b. Magbigay ng mga plano ng gawain o plan of action na makatutulong sa pagpapabuti ng kaso o isyu.

Ang pinakamabisa at pinakasimpleng paraan ng pagwawakas ng posisyong papel ay sa pamamagitan ng


muling pagbanggit sa tesis sa ibang paraan ng paglalahad nito at ang pagtalakay sa mga magiging implikasyon
nito.
Tingnan bilang halimbawa ang posisyong papel na isinumite ng Kagawaran ng Filipinolohiya ng
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED). Basahin
itong mabuti at suriin kung paano hinabi ang mga datos, argumento, ebidensiya, at mga patunay sa sulating ito.
Pagsulat ng Replektibong Sanaysay (Sining ng Paglalahad)
Ang Sining ng Paglalahad
Ayon sa UP Diksiyonaryong Pilipino (Binagong Edisyon, 2010), ang paglalahad ay isang detalyado at
komprehensibong pagpapaliwanag ng isang bagay, pook, o ideya. Ayon naman kay Jose Arrogante (2000) sa
kanyang aklat na Filipino Pangkolehiyo: Kasiningan, Kakayahan, at Kasanayan sa Komunikasyon, "Sa Ingles,
ang paglalahad ay tinatawag na expository writing. Madalas makita ang anyong ito sa pagtalakay sa karaniwan
nating binabasa sa araw-araw gaya pa. Ito ng mga aklat, mga editoryal sa diyaryo, ng mga artikulo sa mga
magasin, at iba ay hindi nagsasalaysay ng isang kuwento. Ito ay hindi rin naglalarawan ng isang bagay. Ito ay
hindi rin nagpapahayag ng isang paninindigan. Bagkus, ito ay nagpapaliwanag. Ito ay isang pagpapaliwanag na
obhetibo, walang pagkampi, at may sapat na detalyeng pawang pampalawak ng kaalaman sa paksang
binibigyang-linaw nang lubos na maunawaan ng may interes (2000:217)." Ilan sa malimit na paggamitan nito ay
ang pagbibigay-kahulugan, pagsunod sa panuto, pangulong-tudling, suring-basa, ulat, balita, at sanaysay.
Upang maging mabisa o epektibo ang paglalahad, ayon sa aklat na Sining ng Pakikipagtalastasan na
ginawa ng Kagawaran ng Filipino (TUP, Manila), ito ay dapat na magtaglay ng sumusunod na mga sangkap o
elemento:
1. Sapat na kaalaman o impormasyon sa paksang tinatalakay
2. Ganap na pagpapaliwanag sa buong kahulugan
3. Malinaw at maayos na pagpapahayag
4. Paggamit ng larawan, balangkas, at iba pang pantulong upang madali ang pag-unawa sa ipinaliliwanag
5. Walang pagkiling na pagpapaliwanag ng anumang bagay na nasasaklaw ng tao.
Sa araling ito, isang uri ng paglalahad ang ating bibigyang-pansin. Ito ay ang pagsulat ng replektibong
sanaysay. Ngunit bago natin pag-usapan ang ibig sabihin ng replektibong sanaysay ay bigyang-kahulugan muna
natin ang salitang sanaysay at kung kailan ito nagsimula. Ang salitang sanaysay ay hango sa salitang Pranses na
essayer na ang ibig sabihin ay "sumubok" o "tangkilikin." Ito ay nagsimulang yumabong sa mga sulatin ni
Michael de Montaigne (1533-92). Bago pa man isilang si Kristo, ay nagsimula na rin ito sa Asya sa pangunguna
ni Confucius na sumulat ng Analects at ni Lao-Tzu na sumulat naman ng Tao Te Ching. Noon namang ika-14
na dantaon, nakilala si Yushida Kenko ng Hapon na may katha ng "Tsurezuregusa" o "Mga Sanaysay sa
Katamaran."
Ayon kay Francis Bacon, ang sanaysay ay isang kasangkapan upang isatinig ang maikling pagbubulay-
bulay at komentaryo sa buhay. Ayon naman kay Paquito Badayos sa kanyang aklat na Retorika Susi sa
Masining na Pagpapahayag (2001:111), naglalahad ang sanaysay ng matalinong kuro at makatwirang
paghahanay ng kaisipan. Naglalahad din ito ng mga personal at pansariling pananaw ng manunulat tungkol sa
isang paksa. Sa madaling salita, ito ay isang paglalahad ng sariling opinyon o kuro- kuro ng sumulat tungkol sa
isang bagay o paksa.
Ayon kay Alejandro Abadilla, ang salitang sanaysay ay nangangahulugang nakasulat na karanasan ng
isang sanay sa pagsasalaysay. Ito'y isang akdang pampanitikang nasa anyong paglalahad. Ang pangunahing
katangian ng sanaysay ay ang pagpapahayag ng may-akda sa kanyang sariling pananaw. Ipinahahayag niya ang
sarili niyang pangmalas, kuro-kuro, at damdamin. Ang pagiging malinaw, mabisa, at kawili-wiling paglalahad
ay makakamtan sa pamamagitan ng pagsunod mga tuntunin ng kaisahan, kaugnayan, at diin. Kailangan din dito
ang pagpili ne angkop na pananalita, sariling estilo o pamamaraan ng may-akda. Sa kaanyuan at kayarian nito,
ang ideya o ang pagkakasunod-sunod ng mya ideya ay inilalahad nang mabisa at maayos upang
makapagtalastas, makalibang. makapaglarawan ng isang bagay, o makakuha ng anumang pagbabago, Sa
pangkalahatan, may dalawang uri ng sanaysay:
1. Pormal -- Ito ay nagbibigay ng patalastas sa isang paraang maayos at mariin at bunga ng isang maingat na
pagtitimbang-timbang ng mga pangyayari at mga kaisipan. Kung minsa'y tinatawag din itong impersonal o
siyentipiko sapagkat ito'y binabasa upang makakuha ng impormasyon.
2 Impormal-Tinatawag din itong pamilyar o personal, at nagbibigay-diin sa isang estilong nagpapamalas ng
katauhan ng may-akda. Karaniwan itong may himig na parang nakikipag-usap o nais magpakilala ng isang
panuntunan sa buhay. Ito'y naglalarawan ng pakahulugan ng may-akda sa isang pangyayari sa buhay, nagtatala
ng kanyang pagbubulay-bulay, at naglalahad ng kanyang kuro-kuro o pala-palagay.
May labindalawang natatanging uri ng sanaysay: (1) nagsasalaysay, (2) naglalarawan, (3) mapag-isip o
di praktikal, (4) kritikal o mapanuri, (5) didaktiko o nangangaral, (6) nagpapaalala, (7) editoryal, (8)
makasiyentipiko, (9) sosyo- politikal, (10) sanaysay na pangkalikasan, (11) sanaysay na bumabalangkas sa
isang tauhan, at (12) mapagdili-dili o replektibo.
Karaniwang hinahati naman ang kabuoan ng sanaysay sa tatlo: panimula, katawan, at wakas. Sa
pagsulat ng simula, tandaang ito dapat ay nakatatawag ng pansin o nakapupukaw sa damdamin ng mga
mambabasa. Samantalang ang katawan o ang pinakanilalaman ng akda ay kinakailangang maging mayaman sa
kaisipan. Kailangan ding nagtataglay ng kaisahan ang mga detalye nito. Sa wakas ng sanaysay, karaniwang
nababasa ang pangkalahatang impresyon ng may-akda. Maaaring ilahad sa bahaging ito ang buod o
kongklusyon ng sumulat.
Sa susunod na mga talata ay lubos na tatalakayin ang replektibong sanaysay na siyang pinakapaksa ng araling
ito.
Replektibong Sanaysay
Ang replektibong sanaysay, ayon kay Michael Stratford, isang guro at manunulat, ay isa sa mga tiyak na
uri ng sanaysay na may kinalaman sa introspeksiyon na pagsasanay. Kinapapalooban ito ng pagbabahagi ng
mga bagay na naiisip, nararamdaman, pananaw, at damdamin hinggil sa isang paksa at kung paano ito
nakalikha ng epekto sa taong sumusulat nito. Maihahalintulad ito sa pagsulat ng isang journal kung saan
nangangailangan ito ng pagtatala ng mga kaisipan at nararamdaman tungkol sa isang tiyak na paksa o
pangyayari. Maiuugnay rin ito sa pagsulat ng mga academic portfolio kung saan nagkakaroon ng malalim na
pagsusuri ang may-akda kung paano siya umunlad bilang tao kaugnay ng paksa o pangyayaring binibigyang-
pansin sa pagsulat. Ang replektibong sanaysay ay kadalasang nakabatay sa karanasan kaya mula sa nilalaman
nito ay masasalamin ang pagkatao ng sumulat.
Ayon naman kay Kori Morgan, guro mula sa West Virginia University at University of Akron, ang
replektibong sanaysay ay nagpapakita ng personal na paglago ng isang tao mula sa isang mahalagang karanasan
o pangyayari. Ibinabahagi nito sa mga mambabasa ang kalakasan at kahinaan ng sumulat batay sa mga
karanasang natutuhan o nakuha. Madalas, ibinabahagi rin ng sumulat ang kanyang mga natutuhan at kung
paano ito gagamitin sa buhay sa hinaharap o kaya naman ay kung paano pa pauunlarin ang mga kahinaan
hinggil sa isang tiyak na aspekto ng buhay. Dahil ito ay kadalasang nakabatay sa personal na karanasan,
malayang makapipili ng paksa o pangyayaring bibigyang-pansin sa pagsulat ang manunulat.
Narito ang halimbawa ng mga paksang maaaring gawan ng replektibong sanaysay: a librong katatapos lamang
basahin
 katatapos na proyekto hinggil sa pananaliksik
 pagsali sa isang pansibikong gawain praktikum tungkol sa isang kurso
 paglalakbay sa isang tiyak na lugar isyu tungkol sa pagkagumon sa ipinagbabawal na gamot
 isyu tungkol sa mga pinag-aawayang teritoryo sa West Philippine Sea
 paglutas sa isang mabigat na suliranin
 isang natatanging karanasan bilang mag-aaral at marami pang iba

Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagsulat ng Replektibong Sanaysay


Narito ang mahahalagang bagay na dapat tandaan sa pagsulat ng replektibong
sanaysay.
1. Magkaroon ng isang tiyak na paksa o tesis na iikutan ng nilalaman ng sanaysay.
2. Isulat ito gamit ang unang panauhan ng panghalip. Tanggap nang gamitin ang mga panghalip na ako, ko, at
akin sapagkat ito ay kadalasang nakasalig sa personal na karanasan.
3. Tandaan na bagama't nakabatay sa personal na karanasan, mahalagang magtaglay ito ng patunay o patotoo
batay sa iyong mga naobserbahan o katotohanang nabasa hinggil sa paksa upang higit na maging mabisa at
epektibo ang pagkakasulat nito.
4. Gumamit ng mga pormal na salita sa pagsulat nito. Tandaang ito ay kabilang sa akademikong sulatin.
5. Gumamit ng tekstong naglalahad sa pagsulat nito. Gawing malinaw at madaling maunawaan ang gagawing
pagpapaliwanag ng mga ideya o kaisipan upang maipabatid ang mensahe sa mga babasa.
6. Sundin ang tamang estruktura o mga bahagi sa pagsulat ng sanaysay: introduksiyon, katawan, at
kongklusyon.
7. Gawing lohikal at organisado ang pagkakasulat ng mga talata.
Mga Hakbang sa Pagsulat ng Replektibong Sanaysay
Gaya ng nabanggit sa itaas, ang replektibong sanaysay ay dapat na magtaglay ng introduksiyon,
katawan, at wakas o kongklusyon. Sa pagsulat ng simula. maaaring mag-umpisa sa pagsagot sa sumusunod na
mga tanong: Ano ang aking nararamdaman o pananaw tungkol sa paksa? Paano ito makaaapekto sa aking
buhay? Bakit hindi ito makaaapekto sa aking pagkatao? Matapos masagot ang mga tanong na ito, lagumin ang
iyong mga sagot sa loob ng isang pangungusap. Ito ang iyong magsisilbing tesis o pangunahing kaisipang
siyang magiging gabay o batayan sa pagsulat ng iyong replektibong sanaysay.
Sa pagsulat ng simula, tandaang ito ay dapat na makapukaw sa atensiyon ng mga mambabasa. Maaaring
gumamit ng iba't ibang paraan ng pagsulat ng mahusay na panimula. Maaaring gumamit ng kilalang pahayag
mula sa isang tao o quotation, tanong, anekdota, karanasan, at iba pa. Sundan agad ito ng pagpapakilala ng
paksa at layunin ng pagsulat ng sanaysay na siyang magsisilbing preview ng kabuoan ng sanaysay. Isulat ito sa
loob lamang ng isang talata.
Sa pagsulat naman ng katawan, dito inilalahad ang mga pantulong o kaugnay na kaisipan tungkol sa
paksa o tesis na inilahad sa panimula. Maglagay sa bahaging ito ng mga obhetibong datos batay sa iyong
naobserbahan o naranasan upang higit na mapagtibay ang kaisipang iyong ipinaliliwanag. Makatutulong nang
malaki kung gagamit din ng mga mapagkakatiwalaang mga sanggunian bilang karagdagang datos na
magpapaliwanag sa paksa. Sa bahagi ring ito makikita o isusulat ang iyong mga napagnilay-nilayan o mga
natutuhan. Gayundin, kung paano umunlad ang iyong pagkatao mula sa mga karanasan o mga gintong aral na
napulot. Magbigay rin ng mga patotoo kung paano nakatulong ang mga karanasang ito sa iyo.
Pag-isipan ding mabuti kung paano mo tatapusin ang iyong replektibong sanaysay. Sa pagsulat ng wakas o
kongklusyon, muling banggitin ang tesis o ang pangunahing paksa ng sanaysay. Lagumin ito sa pamamagitan
ng pagbanggit kung paano mo magagamit ang iyong mga natutuhan sa buhay sa hinaharap. Bilang
pagwawakas, maaaring magbigay ng hamon sa mga mambabasa na sila man ay magnilay sa kanilang buhay
hinggil sa iyong natutuhan o kaya naman ay mag-iwan ng tanong na maaari nilang pag-isipan. Tandaang ang
replektibong sanaysay ay isang personal na pagtataya tungkol sa isang paksang maaaring makapagdulot ng
epekto o hindi sa iyong buhay o sa mga taong makababasa nito..
Sa ibaba ay tunghayan ang isang halimbawa ng replektibong sanaysay tungkol sa isang seminar na dinaluhan ng
isang guro hinggil sa paksang "Paghahanda at Paghubog sa mga Mag-aaral ng Ika-21 Siglo."

Pagsulat ng Lakbay-Sanaysay
Ang paglalakbay ay laging kinapapalooban ng mayayamang karanasan. Ito ay kadalasang punumpuno ng
masasayang pangyayari, pagkamangha, o paghanga sa magagandang lugar na unang napuntahan, mga alaalang
magiging bahagi ng buhay ng isang tao. Ang mga kilalang lugar na sa mga aklat mo lamang nababasa o nakikita
ay nagiging totoo at buhay na buhay sa iyong paningin at pandama. Ngunit ang mga alaalang ito ay agad ding
naglalaho kasabay ng pagpanaw ng isang taong nakaranas nito. Kayá mahalagang matutuhan ng taong
nagsasagawa ng paglalakbay, lalo na kung ito ay nagtataglay ng mayamang kaalaman at karanasan, na maitala o
maisulat ang karanasan upang ito ay manatili at mapakinabangan ng mga taong makababasa.
Kaya naman, sa araling ito ay matututuhan mo ang isa sa pinakapopular na anyo ng panitikan ang pagbuo ng
lakbay-sanaysay at pictorial essay.
Ang Lakbay-Sanaysay Ang lakbay-sanaysay ay tinatawag ding travel essay o travelogue. Ito ay isang uri ng
lathalaing ang pangunahing layunin ay maitala ang mga naging karanasan sa paglalakbay. Ayon kay Nonon
Carandang, ito ay tinawag niyang sanaylakbay kung saan ang terminolohiyang ito, ayon sa kanya, ay binubuo
ng tatlong konsepto: sanaysay, sanay, at lakbay. Naniniwala siyang ang sanaysay ang pinakaepektibong pormat
ng sulatin upang maitala ang mga naranasan sa paglalakbay. Aniya, nanghihinayang siya sa mga nakalipas
niyang paglalakbay sa iba't ibang lugar sa Europa at sa marami pang bansa sa mundo dahil nakaligtaan niya o
sadyang nabalewala niya ang pagtatala. Maaaring naikuwento niya ang kanyang mga karanasan sa ilan niyang
mga kaibigan, mag-aaral, at kamag-anak ngunit kalaunan ang mga ito ay nalilimutan din. Tanging sa mga
larawang di naman nakapagsasalita niya iniasa ang pagbabalik-tanaw sa kanyang mga ginawang paglalakbay.
Kaya naman, sa kanyang panayam sa naganap na UP Writers Workshop noong ika-10 ng Abril 2014 ay
kanyang winika sa kanyang mga tagapakinig na sisikapin niyang isulat ang mga nangyari at kanyang naranasan
sa kanyang mga paglalakbay sa pamamagitan ng paglalahad gamit ang sanaysay.

Mga Dahilan ng Pagsulat ng Lakbay-Sanaysay

Ayon kay Dr. Lilia Antonio, et al. sa kanilang aklat na Malikhaing Sanaysay (2013), may apat na pangunahing
dahilan ng pagsusulat ng lakbay-sanaysay. Una, upang itaguyod ang isang lugar at kumita sa pagsusulat. Isang
halimbawa nito ay paggawa ng travel blog kung saan ito ay maituturing na isang libangan at gayundin naman ay
maaaring pagkakitaan. Marahil ay nakabasa ka na ng blog kung saan isinasalaysay ng may-akda ang mga
paglalakbay na kanyang isinagawa. Pangalawa, layunin din nitong makalikha ng patnubay para sa mga
posibleng manlalakbay. Marami ang nakikinabang sa travelogue lalo na sa mga taong nais magkaroon ng
paunang kaalaman sa lugar na kanilang bibisitahin bago nila ito puntahan. Sabi nga ni Rizal sa kanyang
nobelang Noli Me Tangere, kung nais mong higit na makilala ang katangian at kultura ng bansang iyong
pupuntahan, mahalagang alamin mo muna ang taglay nitong kasaysayan. Pangatlo, sa lakbay-sanaysay, maaari
ding itala ang pansariling kasaysayan sa paglalakbay tulad ng espiritwalidad, pagpapahilom, o kaya'y pagtuklas
sa sarili. Kadalasang naisasagawa ito sa pamamagitan ng paggamit ng daily journal o diary. Ginagawa ito upang
maitala ang mga bagong bagay na kanyang nakita, narinig, naranasan, at iba pa sa kanyang ginawang
paglalakbay. Madalas itinatala rin sa journal ang mga realisasyon o mga natutuhan sa proseso ng paglalakbay.
Pang-apat ay upang maidokumento ang kasaysayan, kultura, at heograpiya ng lugar sa malikhaing pamamaraan.
Tipikal na halimbawa nito ang ginawa ni Antonio Pigafetta na isang Venetian iskolar na tumungo sa
Pilipinas kasama ni Ferdinand Magellan. Siya ang nagtala ng mahahalagang datos na kanilang nakita sa
Pilipinas na may kinalaman sa mga halaman, hayop, klima, heograpiya, at kultura ng mga sinaunang Pilipino
bilang bahagi ng kanilang ulat sa hari at reyna ng Espanya sa kanilang pagbabalik sa kanilang bansa. Gayundin
ang pagtatalang ginawa ni Marco Polo, isa namang mangangalakal na Venetian na sumulat ng librong
pinamagatang "The Travels of Marco" bunga ng kanyang pagtungo sa Asya at resulta na rin ng kanyang
paninirahan sa Tsina sa loob ng labimpitong taon.
Anuman ang dahilan ng paglalakbay, ang lakbay-sanaysay ay kadalasang naglalaman ng mga tala ng karanasan
ng awtor o sumulat sa paglalakbay. Ang pagtatalang ito ay isang paraan ng manunulat na maibahagi ang
karanasan at kasiyahan sa paglalakbay.

Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Lakbay-Sanaysay

1. Magkaroon ng kaisipang manlalakbay sa halip na isang turista.


Upang makagawa ng isang masining at makabuluhang lakbay- sanaysay, dapat na isaisip ng taong naglalakbay
na siya ay tutungo sa isang lugar hindi bilang isang tursita kundi isang manlalakbay. Mahalagang malinaw sa
kanyang isip ang kanyang pakay o layunin. Kadalasan, ang isang turista ay nagpupunta sa isang lugar upang
maglibang, magliwaliw, at makita ang magagandang tanawin, mga gusali, at iba't ibang lugar. Karaniwang may
nakatakda nang itinerary o talaan ng magagandang lugar na pupuntahan gaya halimbawa ng pamamasyal sa
Bohol tiyak na hindi mawawala sa listahan ang Chocolate Hills, Ilog ng Loboc, simbahan ng Baclayon, Isla ng
Panglao, Man-made Forest sa Bilar, Hinagdanan Cave, at iba pa. Samantala, para sa isang manlalakbay ay
pangalawa na lamang ang mga bagay na ito. Kasabay ng kanyang paglalakbay sa iba't ibang lugar ay sinisikap
niyang maunawaan ang kultura, kasaysayan, heograpiya, hanapbuhay, pagkain, at maging uri ng pang-araw-
araw na pamumuhay ng mga tao. Mahalaga ang mga ito upang sa kanyang pagsulat ng kanyang lakbay-
sanaysay ay hindi lamang nakabatay sa mga kuhang larawan ang mga kaisipan o impormasyong itatala kundi
malalim niyang maipaliliwanag o mailalarawan ang mga bagay o lugar na kanyang nakita o namalas.

2. Sumulat sa unang panauhang punto de-bista.


Ginagamit sa pagsulat ng lakbay-sanaysay ang unang panauhang punto de-bista. Ang karamihan sa nilalaman
ng sanaysay ay mula sa mga nakita, narinig, naunawaan, at naranasan ng manunulat. Kadalasang
napakapersonal ng tinig ng lakbay-sanaysay. Ayon kay Antonio (2013), ang susi sa mainam na pagsulat nito ay
ang erudisyon o ang pagtataglay ng sapat na kaalaman at pagkatuto sa isang paglalakbay. Tumutukoy rin ito sa
pagkilala at pagpapakilala sa sarili at sa pagmumuni sa mga naranasan sa proseso ng paglalakbay. Bukod sa
matamang obserbasyon hinggil sa paligid o mga pangyayari, mahalagang maranasan din ng manlalakbay ang
mga bagay-bagay upang lubos na maunawaan at mabigyang-kahulugan ang mga pangyayari. Sikaping maisali
ang sarili sa mga gawain bilang bahagi na rin ng imersiyon sa mga pangyayari. Makipamuhay kagaya ng mga
taong naninirahan sa lugar na iyong pinuntahan, kumain ng mga natatanging pagkain sa lugar, makisalamuha sa
mga tao, at higit sa lahat ay maging adbenturero. Subukin ang iba't ibang karanasan at mga hamon tulad ng pag-
akyat sa bundok, paglangoy sa dagat, surfing, pagpasok sa mga yungib, pagsakay sa mga kakaibang sasakyan o
rides, at pagkain ng mga kakaiba o katutubong pagkain sa lugar. Sa pamamagitan ng pagsasagawa nito,
magiging makatotohanan at may lalim ang gagawin mong paglalahad ng iyong mga karanasan.

3. Tukuyin ang pokus ng susulating lakbay-sanaysay.


Mahalaga ring matukoy kung ano ang magiging pokus ng susulating lakbay-sanaysay batay sa human interest.
Tandaang iba-iba ang kinahihiligan o kinawiwilihang paksang maaaring itampok sa paglalakbay at maging sa
pagsulat ng lakbay-sanaysay. Ito ay maaaring ibatay kung ano ang dahilan o layunin ng paglalakbay. Ito ay
maaaring tungkol sa espiritwal na paglalakbay gaya halimbawa ng pagtungo sa Lupang Pangako ng mga
Kristiyano o ang pagpunta sa Mecca ng mga Muslim. Ito ay maaaring pagtatampok naman ng magagandang
pook, kilalang landmark, liwasan, simbahan, at mga gusali at establisimiyento. Maaari ding gawing paksa ang
tungkol sa mga hayop o halaman, mga kakatwa o kakaibang bagay, mga pagkain, libangan, kultura, at marami
pang iba. Maaaring bigyang- pansin mismo ang pakikipagsapalarang mararanasan sa paglalakbay. Ang
pagtukoy sa tiyak na paksa ay makatutulong upang matiyak ang sakop ng nilalaman ng lakbay-sanaysay.
Tinatawag itong delimitasyon sa pagsulat ng isang akda.

4. Magtala ng mahahalagang detalye at kumuha ng mga larawan para sa dokumentasyon habang


naglalakbay.
Ang mga pangunahing gamit na dapat dala ng taong susulat ng lakbay- sanaysay ay ang panulat, kuwaderno o
dyornal, at kamera. Mahalagang maitala ang pangalan ng mahahalagang lugar, kalye, restoran, gusali, at iba pa.
Ang wastong detalyeng may kinalaman sa mahahalagang lugar na nakita, nabisita o napuntahan ang
magbibigay ng kredibilidad sa sanaysay. Makatutulong din nang malaki kung makukuhanan ng litrato o larawan
ang mga lugar, tao, o pangyayari. Mahalaga ito para sa wastong dokumentasyon ng sanaysay. Para sa mga
larawan, mahalagang maglagay ng mga impormasyon para sa mga mambabasa. Maaaring ilagay ang eksaktong
lokasyon kung saan ito matatagpuan, maikling deskripsiyon nito, o kaya naman ay maikling kasaysayan nito.
Iwasang maglagay ng napakadetalyadong deskripsiyon upang ito ay kawilihang basahin ng mga mambabasa.

5. Ilahad ang mga realisasyon o mga natutuhan sa ginawang paglalakbay.


Bukod sa paglalahad ng mga karanasan at mga nakita sa paglalakbay, mahalaga ring maisama sa nilalaman ng
sanaysay ang mga bagay na natutuhan habang isinasagawa ang paglalakbay. Ito ang magsisilbing pinakapuso
ng sanaysay kung saan dito ibabahagi sa mga mambabasa ang mga gintong aral na nakuha bunga ng epekto ng
ginawang paglalakbay. Maaaring talakayin kung paano nabago ang buhay o pananaw ng may- akda, kung
paano umunlad ang kanyang pagkatao mula sa kanyang mga naging karanasan, at mga karagdagang kaalamang
natuklasan mula sa ginawang paglalakbay.

6. Gamitin ang kasanayan sa pagsulat ng sanaysay.


Dahil ang iyong gagawin ay isang lakbay-sanaysay, mahalagang taglayin ng may-akda ang sapat na kasanayan
sa paggamit ng wika. Sikaping ang susulating sanaysay ay maging malinaw, organisado, lohikal, at malamán.
Gumamit ng akmang salita batay sa himig ng lakbay-sanaysay na iyong bubuoin. Maaari ding gumamit ng mga
tayutay, idyoma, o matalinghagang salita upang higit na maging masining ang pagkakasulat nito. Tiyaking
makakukuha ng atensiyon ng mambabasa ang iyong susulating akda.
Sa pangkalahatan, sa pagsulat ng lakbay-sanaysay, maging obhetibo sa paglalatag ng mga impormasyon.
Sikaping mailahad ang katotohanan sa pamamagitan ng paglalahad ng mga positibo at negatibong karanasan at
maging ng kondisyon ng lugar na pinuntahan. Ito ay makatutulong nang malaki sa mga makababasa nito.
Maaaring ipakita ang mga ito sa tulong ng photo essay. Sikaping hindi nakatuon sa sarili ang mga larawan sa
photo essay kundi ang mahahalagang larawang kailangan para mapagtibay ang sanaysay. Sa pagsusulat, laging
baunin sa isipan ang depenisyong ibinigay ni Nonon Carandang na ang lakbay-sanaysay ay laging
kinapapalooban ng tatlong mahahalagang konsepto: sanaysay, sanay, at lakbay. Kung saan ang sanaysay na
iyong gagawin ay kasasalaminan ng kasanayan sa paghabi ng mga aral ng buhay mula sa ginawang
paglalakbay.

ANG PICTORIAL ESSAY

Ang pictorial essay ay isang sulatin kung saan higit na nakararami ang larawan kaysa sa salita o panulat. May
pagkakataong nakaugnay ito sa isang lakbay- sanaysay lalo na't karamihan ng lakbay-sanaysay ay may
kasamang larawan. Sa pagsulat ng pictorial essay dapat lamang tandaan ang sumusunod: Ang paglalagay ng
larawan ay dapat na isinaayos o pinag-isipang mabuti sapagkat ito ang magpapakita ng kabuoan ng kuwento o
kaisipang nais ipahayag.
Ang mga nakatalang sulat o katitikan sa bawat larawan ay suporta lamang sa mga larawan kaya't hindi ito
kinakailangang napakahaba o napakaikli. Kailangang makatutulong sa pag-unawa at makapukaw sa interes ng
magbabasa o titingin ang mga katitikang isusulat dito. May isang paksang nais bigyang-diin sa mga larawan
kaya't hindi maaaring maglagay ng mga larawang may ibang kaisipan o lihis sa paksang nais bigyang-diin.
Kailangang maipakita sa kabuoan ang layunin ng pagsulat o paggawa ng pictorial essay. Isipin ang mga
manonood o titingin ng iyong photo essay kung ito ba ay mga bata, kabataan, propesyonal, o masa upang
maibatay sa kanilang kaisipan at interes ang mga larawang ilalagay gayundin ang mga salitang gagamitin sa
pagsulat ng mga caption. Tunghayan ang halimbawa ng isang pictorial-essay. Muli itong suriin ayon sa mga
katangiang inilahad sa itaas.

You might also like