Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

SA MAKATI AT DIVISORIA, DENIMS ANG HANAP NILA

Ni: Valerio L. Nofuente

Hindi mapasubaliang ang may tangan ng korona sa larangan ng moda sa damit ay maong o denims. Tila
uniporme ng Pinoy ang pantalong maong lalo na sa mga siyudad at matatagpuang namamayani sa mga
kampus, pabrika, opisina, subdibisyon, at pook-iskwater. Ito'y isinusuot ng traysikel boy at executive, disc
jocky at kanto boy, naka-Mercedes Benz at dyip, babae, bakla, matron at mukhang tatay, estudyante, at
drop-out.

Tila lagareng Hapong kumakagat pasulong man o paurong, ang makapal na telang ito'y pwedeng
pambahay, pang-ekskursiyon, pantrabaho, pamparty, at pamporma. Walang pinipiling edad o uri ng tao.
Ito ay unisex, pangmahirap o pangmayaman, pang-tinedyer at pangmatanda. Babagay kina Jean at
Johnny, Juan at Juana, Juanito at Juanita.

Sa malilikot na guniguni at malikhaing kamay ng Pinoy, iba-iba ang anyo na nagagawang palitawin sa
kapirasong tela o bawat putol na papantalunin. Maaaring makakita ng straight cut, bell- bottoms, de-
baston, de-rimatse, at burdado. Isang tinedyer na taga-San Mateo ang may pantalong kung taguri'y
pang-Ermita dahil parang album patches buhat sa insignia ng ROTC, Marist Kindergarten, College of Law,
Lions Club, RCPI, Villages Homeowner's Association, U.S. Navy, PLDT, Philippine Army, Green Revolution,
CIA Palestinian Liberation Organization, Prisoner of War, at Boy Scout. Sa huling araw ng klase noong
nakaraang summer, isang estudyante ang may dala ng pentel pen at lahat ng kaklase ay pinapirma sa
pantalong maong para may maiwang souvenir sa kanya.

Isang sastre ang narinig na napapalatak, puro maong daw ang dinaanan ng kanyang gunting sa buwan ng
pasukan ngayong Hunyo. Sa mga department store, tila pila ng libreng bigas na laging puno ng tao ang
mod shoppe o mga seksiyong may naka-display na Levi's, Amco, Hustler, Wrangler, Jag, at iba pa.

Ayon sa isang estudyante, madali raw mahalata ang galing sa probinsyang freshman. Kalimita'y naka-
double knit. Ngunit sa sunsunod ns semestre, kasapi na rin sila ng lehiyon ng kabataang nakasuot ng tila
unipormeng denims. Katunayan, may tatak ng etsa-puwera ang hindi nakamaong sa paaralan.

SERGE DE NIMES

Ang denims (maong sa Pinoy) ay isang uri ng matibay at makapal na telang buhat sa sinulid na bulak.
Dahil sa orihinal na kulay ay naging angkop ito sa gawaing pampabrika. Ang ngalan ng tela ay buhat sa
serge de nimes, o telang buhat sa Nimes, na isang pook sa Pransya. Kalaunan, mas kilala ito sa pinaikling
denims.

Ang angkop na gammit para sa pantalong denims ay natuklasan nang di sinasadya noong 1850 sa
California. Panahon yaon ng Gold Rush at isang nandarayuhang Aleman, si Levi Strauss, ang nagtungo sa
minahan dala-dala ang makapal na telang kambas upang ipagbiling tent o bubong ng bagon. Ngunit hindi
tent ni bubong ang kailangan ng minero kundi pantalong may matibay na tela, tahi at di-rimatseng bulsa
para tumagal sa harabas ng trabaho. Hindi masasayang ang kambas, naisip ni Strauss, at ito'y ginawa
niyang pantalong matibay. Naging mabili ang produkto sa mga minero. Nag-empleo si Strauss ng
maraming sastre at ang malauna'y denims na ang ginamit.
Nanatiling damit na pantrabaho ang denims o maong. Sa Pilipinas noong bago magkagiyera, ang maong
ay suot ng nagtatrabaho sa bukid, talyer, at pabrika. Sa mga probinsya, kasama ang telang gris na tulad
ng maong at makapal at maruming tingnan, naging panlaban ito sa putik, ulan, alikabok, at pawis. Sa
isang lumang aklat na ginamit para sa kursong sosyolohiya, ay nagsusuot ng maong ay itinuturing na
mamamayang maliit ang kita at mababa ang pinag-aralan.

Sampung taon lamang ang nakaraan, nakabaligtad na ang pagpapahalaga ng mga tao sa denims.
Anumang pagtuturo ng titser sa haiskul na hindi disenteng tingnan ang maong, patuloy pa rin itong
isinusuot ng kabataang higit na nahihiyang magsuot ng double knit kaysa parusahan ng expulsion. Isang
paring Heswita na nakatalaga sa Marikina ang naging tampulan ng paghagikgik at pagkagulat ng
komunidad sapagkat sa pagbabasbas ng bahay, kotse o patay ay nakasuot ng pantalong denims. Bakit
nga naman, nasa ganitong pagdadamit ang identipikasyon sa taong-bayan.

Hindi lamang karaniwang mamamayan ang nagsusuot ng maong. May ilang opisyal ng gobyerno,
teknokrata, at executive sa malalaking opisina ang nakamaong na ring malimit lalo na kung Sabado at
Linggo. Si Prinsesa Anne ng Inglatera at Susan Ford ng Estados Unidos ay nakunan na rin ng larawan nang
nakadenims. Tuloy, ang denims ay tila moda at kulturang tagapag-ugnay sa buong planeta.

REBELYON SA TIPONG DISENTE

Komplikado ang dahilan sa pagtanggap ng mayayaman at ng kabataan sa kasuotang dati'y itinuturing na


pangmahirap lamang. Sa pagpasok ng dekada sesenta, naging simbolo ito ng rebelyon

para sa mga kabataang taga-Kanluran dahil sa alyenasyong dulot ng mabilis na industriyalisasyon


matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Maruming tingnan, gusot at kupas na maong ang suot ni
James Dean at ng beatnik na naging idolo ng kilusang walang direksyon ng mga kabataan noon. Pinag-
aalsahan nila ang istriktong moralidad at mahigpit na pamantayan ng middle class.

Suot naman noon ng establisyemento ang mukhang laging plantsadong wash and wear, tetoron, at
double knit, na tineternuhan ng kurbata. Ang establisyemento ay larawan ng lipunang sakal ng kurbata
ng moralidad at ballot ng batas na ayaw magsuot tulad ng wash and wear.

Ang maong ay rebelyon laban sa establisyementong may baliw halos na paghahangad na magmukhang
disente upang maitago ang kahinaan at katiwalian ng sistema. Naghanap ang kabataan ng kataliwasan ng
damit ng middle class, yaong hindi maporma, mukhang marumi at hindi nagtatago ng kahirapan. Kung
mukhang luma at gusgusin, higit na mas magaling. May estudyanteng taga-Lyceum na bumili ng bagong
pantalon. Binuhusan niya ito ng chlorox at presto, biglang kupas, mukhang luma.

Tatak din ng pantalong maong ang pag-aalsa ng kababaihang itinali sa kumbensyon ng palda at saya. Lalo
na noong panahon ng mini skirt, ang anak ni Eba'y kailangang bumaba nang de- numero sa kotse at
magtakip ng kwaderno samantalang nakaupo sa dyipni upang huwag mabunyag ang takaw-matang
tanawin. Kapag nakapalda'y mahirap makipaghabulan sa pagbitin sa estribo ng bus o sumalagmak sa
lupa at nakatatakot malilisan ng malakas na ihip ng hangin.

Nasuhayan ng espiritu ng 1970 ang pagyakap ng mga kabataan sa maong. Yaon ang panahon ng
demonstrasyon. Noon, itinakwil mula sa kampus hanggang sa Plaza Miranda ang “tamad na burgis.” Ang
idolo noon ay ang masa at ang maong na damit pangmahirap ay naging in. ang maong ang naging tatak
ng panahon.

Bukod sa dahilang sosyolohiya, may mga personal na dahilan ang ilang Pilipino na mahilig magsuot ng
maong. Maraming nakikisunod sa moda upang masabing sila'y modern at hindi napag- iiwanan ng
panahon. Para sa ilang matanda. D.O.M. man o hindi, ang kulay asul at pangharabas nito'y nagbibigay ng
damdaming macho. Sa karaniwang estudyanteng tatlo lamang ang pantalon, hindi ito kapitin ng dumi.
Kaunting pagpag pagkagamit, maaari na uling isabit sa hanger. Isang dalagita ang pigil ang ngiting
nagkuwento: "Ang hilig kong umupo sa damuhan, at kiliting-kiliti ako pag hindi nakamaong."

HINDI BIRONG SALAPI

Sa lipunang namamayani ang may puhunan, ang hilig sa pananamit ng tao ay nagagawang sakyan ng may
salapi upang pakinabangan. Batid ng may kapital na nakahanda ang mga Pinoy at maging ang ibang panig
ng daigdig sa pagsusuot ng denims. Itinatag ang Levi Strauss Philippines sa Makati noong 1972, at ang
dalawampung libong pirasong sinubok ay multinasyonal, samantala ang ating bansa'y naging
dambuhalang makinang nagluluwal ng milyon-milyong pantalon para ibenta sa Asya at sa buong daigdig.

Hindi biro ang kinikita at salaping nalilikom ng mga kumpanya. Noong 1977 ang kabuuang benta ng anim
na pinakamalaking kumpanya sa Pilipinas na gumawa ng mga ready-to-wear pants (kabilang dito ang
Levi's, Wrangler, Amco, Jag, Baxx at di-matiyak ang tatak) ay umabot sa kulang- kulang na 100 milyong
piso. Tinatayang sa kasalukuyang taon, aabot ng 670 milyong piso ang malilikom na salapi. Kung
idaragdag pa rito ang salaping pumapasok sa mga sastreng tumatahi nang solo bawat parukyano, ang
negosyo ng pantalong denims ay magkakahalaga ng humigit-kumulang na isang bilyon.

UNIPORME NG DAIGDIG

Mahirit nang isang dekadang nauuso ang pantalong maong sa daigdig ng modang publikong kay daling
manghinawa. Ang matagal na pamamalagi ng usong ito ay isa nang kasaysayay.

Tinangkang patalsikin sa luklukan ng hari ang maong noong 1976 nang ilunsad ng Shoe Mart ang "khaki
Craze" Lumubog ang hindi halos nakalitaw na khaki ngunit ang denims ay nakakapit pa rin sa baywang at
binti ni Juan at Johnny.

Dumaan ang mini skirt, pumasok ang modi, ngunit sina Juanita at Juan ay nanatiling tapat sa natagpuang
angkop na kasuotang pang-unisex. De-baston ito noong 1960, hanging bell-bottoms pagpasok ng 1970 at
ngayo'y muli na namang nagiging de-baston. Ito'y mayabang na nakabitin sa sampayan ng mga
naghihikahos na distrito ng Tundo at malinis na nakahanger sa cabinet ng taga- Forbes Park; buwan-
buwan ay may bagong etiketang sumisipot sa mga department store upang makipagpaligsahan sa
paghigot ng salapi ng publiko.

May humuhulang aabutin pa ng paglipat ng siglo ang denims at may naghahaka ring baka ito
maideklarang opisyal na kasuotan ng lahat ng nilalang sa lupa. Kung magkakgayon, maging santo o
pandaigdig na bayani kaya si Levi Strauss?

You might also like