Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 8

April 23, 2023

Talinghaga Tungkol Sa Dalawang Anak


ANO ANG KAILANGAN UPANG MAKASUNOD TAYO KAY JESUS?
Mateo 21:28-32
Inihanda ni: Ptr. Argel Joseph L. Salva

Introduction

Magandang umaga po. Magpapatuloy po tayo sa pagbubulay sa mga Talinghaga ng


Panginoong Jesus. At ngayong umaga pagbubulayan naman natin “Ang Talinghaga tungkol
sa Dalawang Anak.” Basahin po natin sa Mateo 21:28-32. Para sa higit na pagkaunawa
mahalagang maunawaan muna natin ang kaugnayan ng Talinghagang ito sa mga naunang
talataan. May naunang nangyari bago ang pagbabahagi ni Jesus ng talinghagang ito. Ang
chapter 21 ay nag-umpisa sa pagkukwento tungkol sa matagumpay na pagpasok ni Jesus sa
Jerusalem kung saan ang mga tao’y sumusigaw ng v.9 “Hossana, hossana, pagpalain ang
dumarating sa pangalan ng Panginoon.” Ngunit isang linggo lamang ang lilipas ang mga tao
ding ito ang mga kasamang sisigaw na ipako, ipako Siya sa krus. Pagkatapos ng eksenang
yon inihigh-light naman ni Mateo ang ginawang paglilinis ni Jesus sa templo v.12-17 dahil ang
dapat sanang banal na lugar ay naging pugad ng mga magnanakaw v.13.” pagkatapos naman
nito ay ang eksena sa puno ng igos v.18-22. Isinumpa ni Jesus ang puno ng igos dahil wala
siyang makitang bunga kundi dahon lamang. Ang puno ng igos ay lumalarawan sa Israel at
sa kasalukuyang kalagayan ng Israel na mga relihiyosong tao ngunit walang namang
makitang bunga ng pagsisisi at pagsunod sa Diyos. At pagkatapos ng eksenang ‘yon
bumalik si Jesus sa Templo (v.23-27) at doon ay pinuntahan siya ng mga punong saserdote
at matatanda ng bayan para i-question ang authority na mayroon siya. Sa ibang salita ay
sinasabi nila “sino ka ba para gawin ang mga bagay na yan?” Ayaw nila kay Jesus at
namumuhi sila kay Jesus. Hindi sila direktang sinagot ni Jesus sa halip ay ibinahagi ni Jesus
ang talinghagang ito para magturo tungkol sa kaharian ng Diyos sino ang tunay na may
awtoridad, sino ang tunay na sumusunod sa Diyos at paano ba dapat ang ating pagsunod sa
Diyos.
At ang talinghaga ito ay tungkol sa dalawang anak na parehong inutusan ng ama na
magtrabaho sa ubasan(vineyard)ngunit mayroong magkaibang reaksyon at tugon sa utos
ng kanilang ama. Ang unang anak ay nagsabing Ayaw ngunit nagbago ng isip at sumunod
din. Samantalang ang pangalawa naman ay sumagot ng Oo pero hindi naman sumunod.
Ang ama sa talinghaga ay malinaw na tumutukoy sa Diyos at ang ubasan ay tumutukoy sa
Israel. At inilalarawan ng dalawang anak ang dalawang klase ng tao, isang sumunod sa
kalooban ng Diyos at isang hindi sumunod. At makikita natin kung sino ang mga
pinatutungkulan ni Jesus sa talinghaga. Ang panganay ay tumutukoy sa mga Pariseo,
saserdote, at matatanda ng bayan, at ang pangalawang anak ay tumutukoy sa mga
publikano at masasamang babae, mga itinuturing na marumi at makasalanan sa Israel.
Mayroong maling pagtingin ang mga pariseo, saserdote at matatanda ng bayan tungkol sa
kanilang sarili. Napakalaki ng kanilang tiwala sa sarili sa pag-aakalang sila’y kinalulugdan ng
Diyos ngunit ang totoo’y hindi. At narito ipinapakita ni Jesus sa kanila sa pamamagitan ng
talinghagang ito na mali ang kanilang tingin sa sarili at mali ang iniisip nila tungkol sa mga
makasalanan. Namumuhay sila na parang ang banal-banal ngunit sa paningin ng Diyos
namumuhay sila sa pagsuway.
Ngayong umaga tingnan natin kung ano ang kailangan nating gawin upang makasunod
tayo kay Jesus?

1. Kailangang itakwil natin ang ating sarili


v.28-29a “Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao tao na may dalawang anak na lalaki.
Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.
Ayoko ko po tugon niya.”

Ang sagot ng una ay ayoko ko po. Madalas mahirap sa marami ang makasunod dahil sa
ating pagiging makasarili. Higit na mas mahalaga sa atin ang ating sariling kalooban o gusto
kesa sa kalooban ng Diyos. Ang pagsunod ay nangangailangan ng pagtanggi sa sarili. Pinipili
mong iisang tabi ang iyong mga gusto at maging katuwiran upang bigyang daan ang
kalooban ng Diyos. Ang pagtanggi ng anak na sumunod ay isang malinaw na paglalarawan
ng pag-ayaw ng tao sa kalooban ng Diyos. Bakit ba natin inaayawan ang isang bagay? Dahil
hindi natin gusto o hindi tayo interesado. Tumanggi ang anak na sumunod dahil hindi siya
interesado sa sinasabi at hindi niya gusto ang ipinapagawa ng kanyang ama. Maaaring may
iba siyang ginagawa o pinagkakaabalahan noong oras na yon. Walang ibang mas mahalaga
sa kanya kundi ang kanyang sariling kalooban lamang. Ganun din naman sa atin mga
kapatid, hindi tayo makasunod sa Diyos dahil hindi mahalaga sa atin ang kalooban Niya.
Maaaring makarelate ang ibang mga magulang na narito, madalas sa pag-uutos sa mga
anak hindi sila agad na sumusunod dahil ayaw nila nang ipinapagawa mo. Maghugas ka ng
plato, hindi sumusunod dahil ayaw niyang maghugas ng plato. Kung minsan idinadahilan ng
iba kaya daw hindi sila makasunod sa kalooban ng Diyos ay dahil masyadong mahirap o
mabigat ang ipinapagawa o hinihingi. Ngunit magsuri tayo ng ating mga sarili. Yon ba talaga
ang dahilan kung bakit hindi ka makasunod sa Diyos? O baka ginagawa lamang nating
dahilan na mahirap pero ang totoo talaga nating problema ay dahil hindi tayo interesado sa
kalooban ng Diyos. Hindi tayo sumusunod dahil Hindi natin nakikita at itinuturing na mas
mahalaga ang kalooban ng Diyos.
Sa isang magulang ang hindi pagsunod ng anak sa kanyang utos ay maaaring
mangahulugan ng kawalang galang o paglapastangan. Hindi lamang dahil hindi sinunod ang
iniutos mo kundi dahil hindi rin kinilala ang awtoridad na meron ka bilang magulang. Ito ang
problema ng mga kausap dito ni Jesus (ang mga saserdote at matatanda ng bayan - v.23),
hindi nila magawang maniwala at sumunod kay Jesus dahil hindi nila tanggap at kinikilala
ang awtoridad na mayroon si Jesus sa kanila. Hindi ba totoo rin ito sa ating pagsunod sa
Diyos. Isang uri ng pagwalang galang at paglapastangan sa Diyos ang hindi sumunod sa
Kanyang ipinapagawa. Kung kinikilala nating awtoridad si Jesus sa buhay natin dapat handa
din tayong magsuko ng ating sariling kalooban at magpasakop sa Kanyang kalooban.
Nahahayag sa ating pagsunod kung sino ba ang totoong may awtoridad at control sa buhay
natin, ang Diyos ba o ang ating sarili pa rin. Tanungin mo nga ang katabi mo “sino ba ang
may control ng buhay mo ngayon?” Kailangan mong pumili kaninong kalooban ang
susundin, ang sarili mong kalooban o kalooban ng Diyos? Hindi lamang ang kalooban ng
Diyos ang inaayawan natin sa hindi pagsunod kundi ang Diyos mismo. Dahil Ang hindi
pagsunod sa kalooban ng Diyos ay katumbas na din ng pagtanggi sa awtoridad ng Diyos sa
buhay mo. Inaalis natin ang awtoridad ng Diyos sa buhay natin sa tuwing hindi tayo
sumunod sa Kanya. Masakit para sa isang magulang na parang hindi ka kinikilala ng iyong
anak dahil sa paulit-ulit na hindi pagsunod, gaano pa kaya sa Diyos? Gaano natin kadalas
nasasaktan ang Diyos sa tuwing mas pinipili natin ang ating sariling kalooban sa halip na
ang kalooban Niya.
Hangga’t hindi natin natutunang magsuko ng ating sariling kalooban magiging nakapahirap
sa atin ang piliin at sundin ang kalooban ng Diyos. Hindi naman totoong mahirap sundin ang
kalooban ng Diyos nahihirapan lamang tayo na magsuko ng sarili natin. Kaya ang problema
ay wala doon sa ipinapagawa ng Diyos kundi sa ating sarili mismo. Magiging madali lamang
na sundin ang kalooban ng Diyos kung matutunan mong maglet-go at hayaan ang Diyos na
magtake-over ng buhay mo.
Isang praktikal na halimbawa itong araw ng linggo at mga natatanging araw na itinatalaga
natin para sa Panginoon at sa Kanyang gawain. Bakit mahirap sayo na makapunta at
makibahagi dahil ba busy, dahil sa laki ng pangangailangang financial, dahil may kailangan
kang gawin o tapusin, dahil etc…pansinin ang mga dahilan saan nakatuon? Hindi ba’t lahat
ay sa sarili mong iniisip at gusto. Upang makasunod sa kalooban ng Diyos, kailangan
munang itakwil ang sarili. Limutin mo ang anumang tungkol sa iyong sarili at ituring na
pinakamahalaga ang kalooban ng Diyos. Sa mga pagdadahilan natin sa pagsunod
pinagmumukha natin ang ating sarili na tanga sa harapan ng Diyos. Kahit pa waring nasa
katuwiran ang iyong mga dahilan ngunit ang kalooban ng Diyos ang isasakripisyo mo hindi
ito kailanman magiging tama at katanggap-tanggap sa Diyos. 1 Pedro 3:17 “Mas mabuti pang
magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti, kung ito talaga ang kalooban ng Dios,
kaysa sa magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng masama.” Ang kalooban ng Diyos ay
palaging tama at matuwid dahil ang Diyos ay banal at matuwid. Kung hindi rin natin pipiliin
ang kalooban ng Diyos wala na rin tayong pinagkaiba sa mga taong gumagawa ng masama .
Dahil tinanggihan natin ang kalooban ng Diyos na pawang mabuti at matuwid para sa atin.
Kaya ang tanong ni Jesus “Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” Ikaw
kapatid nakasusunod ka na ba sa kalooban ng ating Diyos Ama?

2. Kailangang mabago ang ating pag-iisip


v.29 “Ayoko po, tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siyang naparoon.”

Ang unang reaksyon ng anak ay ayaw ngunit may nangyari sa kalooban ng taong ito at
nagpasya na ring sumunod. Ang sabi ni Jesus “ngunit nagbago ang kanyang isip.” Ang
pagsunod ay bunga ng nabagong pag-iisip. Tila nagkaroon ng matinding struggle sa isip at
puso niya ang panganay na anak dahilan para mapag-isip isip ang kanyang ginawa.
Narealize ng anak na hindi tama ang kanyang ginawang pagsuway sa ama kaya agad niyang
binago ang kanyang pasya at sumunod sa ipinapagawa sa kanya. Madalas ang laban sa
pagsunod ay nangyayari sa isip, dahil kailangan mo ngang pumili at magpasya kung susunod
ka ba o hindi. Ang problema dahil sa natural na kalagayan ng tao na makasalanan ang
makasunod sa kalooban ng Diyos ay magiging imposible. Dahil ang isip ng tao’y puno ng
karumihan, kasamaan, at nag-iisip na katulad ng pag-iisip sa mundo kaya ang paggawa ng
masama ang laging nagwawagi. Romans 8:7-8 (ESV) “For the mind that is set on the flesh is
hostile to God, for it does not submit to God’s law; indeed, it cannot. Those who are in the
flesh cannot please God.” Kaya kahit anuman ang gawin ng tao kung sa kanyang sariling
lakas lamang hindi natin kayang makasunod sa Diyos. Masyado tayong makasarili,
makalaman, at makamundo para piliin ang Diyos at ang Kanyang kalooban. Malibang kumilos
ang Diyos sa ating mga puso at lumikha ng pagbabago sa ating isip. Kaya sinabi ni Pablo sa
Roma 12:2 “Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng
pag-iisip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos – kung ano ang mabuti, nakalulugod sa
Kanya at talagang ganap.” Kailangan munang may magbago sa paraan na tayo’y nag-iisip
tsaka pa lamang natin magagawang makita kung gaano kaganda ang kalooban ng Diyos at
sa gayo’y pipiliin nating sumunod sa Diyos. Sa NLT ay ganito ang salin ng Romans 12:2 (NLT)
“Don’t copy the behavior and customs of this world, but let God transform you into a new
person by changing the way you think. Then you will know how good and pleasing and perfect
His will really is.” Kailan mangyayari ang pagbabago? Kung nagbago na ang ating pag-iisip
magiging isang bagong nilalang tayo. Hanggat hindi nagbabago ang ating pag-iisip hinggil
sa mga bagay buhay natin at sa mundong ito wala rin tayong aasahan na pagbabago sa
pakikitungo sa Diyos. Kailangan munang mag-iba at magbago ang ating pagtingin o
pananawa sa mga bagay bago at doon lamang magagawa ng tao na makasunod sa kaloban
ng Diyos. Kaya kailangan natin ng biyaya ng Diyos na baguhin tayo dahil hindi natin kayang
baguhin ang ating sarili gamit lamang ang sarili nating lakas.
Sa ibang salin naman ng Biblia sa halip na “changed his mind” ay ginamit ang salitang “he
repents.” Mateo 21:29 (ADB) “At sinagot niya at sinabi, Ayaw ko: datapuwa't nagsisi siya
pagkatapos, at naparoon.” Matapos na marealize ng anak ang pagkakamaling ginawa niya,
nagsisisi siya sa kanyang nagawa at nagpasyang sumunod. Kung gayon ang pagbabago ng
isip na tinutukoy dito eventually ay dapat na magbunsod sa tao na magpakumbaba at
magsisisi. Ang mga tunay na nagsisi lamang ang makasusunod sa kalooban ng Diyos.
Nagsisisi ang isang tao kapag naunawaan niyang nagkamali siya at tama ang Diyos. Pag-
isipan nga natin kung ano ang tama, ang ating sariling pag-iisip o ang pag-iisip ng Diyos?
Kailangang sumang-ayon muna tayo na tama ang Diyos at mali tayo. At sadya namang
palaging tama ang Diyos at palaging mali tayo. At ‘yon ang kahulugan ng tunay na pagsisisi,
pag-amin na tayo ay mali at masama at ang Diyos lamang ang tama at matuwid. Kapag
ipinipilit natin ang ating sariling paniniwala, para na rin nating sinasabing mali ang Diyos at
tayo ang tama.
Isaias 55:8-9 “Ang wika ni Yahweh, ang Aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating
daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip Ko’y hindi
maaabot ng inyong akala.” Napakataas ng Diyos at napakahamak natin para ihambing ang
ating pag-iisip sa pag-iisip ng Diyos. Kaya dahil palaging tama ang Diyos, kailangan natin
palaging iayon ang ating pag-iisip sa Kanyang kalooban. Salain natin ang laman ng ating
isip.`` Huwag nating labanan ang kalooban ng Diyos hindi tayo mananalo. Huwag nating
iwasan ang kalooban ng Diyos tiyak mapapahamak lamang tayo. Huwag nating
pagdududahan ang kalooban ng Diyos dahil never na magkakamali ang Diyos.
Ngayon ang tanong nagsisisi ka na ba sa iyong mga kasalanan at paglaban sa Diyos. Ang
unang hakbang sa pagsunod ay pagsisisi. Hanggat hindi tayo totoong nagsisisi hindi tayo
makasusunod sa kalooban ng Diyos. Dahil tiyak na mas pipiliin pa rin nating sundin at i-
please ang ating sarili kesa sa Diyos. Kung gusto mo ng pagbabago sa sarili mo at sa
kaugnayan mo sa Diyos, kailangan mo ring mag-umpisa sa sarili mo. Ang tunay na pagsisisi
ay ‘yong isang taong lubos na naunawaan ang kanyang tunay na kalagayan sa harapan ng
Diyos at buong tapat na inaamin ang kanyang pagiging masama at buong pusong humingi
ng tawad sa Diyos.
Gawin mo na ngayon.

3. Kailangang humakbang tayo sa pagsunod


v.30 “Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayon din ang kanyang sinabi. Opo, tugon nito,
ngunit hindi naman naparoon.”

Narito naman ang ikalawang anak inutusan din ng ama na magtrabaho sa ubasan.
Maganda ang naging sagot ng anak na ito dahil napakagalang na sumagot siya ng oo sa
kanyang ama. Kung ang naging sagot ng dalawang anak ang pagbabatayan lamang tiyak na
ipapalagay nating masunurin ang pangalawang anak at ang nauna ay hindi. Ngunit hindi
doon nagtatapos ang pagpapakilala sa pangalawang anak. Sumagot man siya ng oo ngunit
sa aktuwal na paggawa ay hindi naman siya sumunod. Ang pangalawang anak ay larawan
naman ng isang taong nagsabing nanalig kay Jesus, mga taong mahuhusay sa pagsasalita ng
mga bagay tungkol sa Diyos ngunit hindi naman nila sinusunod at ipinapamuhay kung ano ang
kalooban ng Diyos. Ito yong mga taong magaling lamang sa salita pero walang gawa. At
hindi naman inilihim ni Jesus sa kanyang pagtuturo dito kung sino ang kanyang
pinatutungkulan, walang iba kundi ang mga saserdote at matatanda ng bayan na direktang
kausap niya habang ibinabahagi ang talinghagang ito. Ito ang mga taong napakaraming
alam tungkol sa kautusan, matatalino at mahuhusay na tagapagturo ng kautusan ngunit
bagsak naman ang kanilang grado pagdating sa pagsunod at pagsasabuhay ng kanilang
pinapangaral. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay nakikita sa gawa hindi sa salita.
Nawawalan ng saysay ang ating husay sa pagsasalita at pagtuturo kung hindi naman natin
ipinapakita sa gawa. Para kay Jesus walang kabuluhan anuman ang ating posisyon sa
simbahan, gaano man tayo katalino o kagaling, at magpakarami-rami ng nalalaman kung hindi
rin naman makikita sa gawa. Ano ang sabi ni Juan Bautista Mateo 3:7-8 “Ngunit nang makita
niyang marami sa mga Pariseo at mga Saduseo ang lumalapit upang pabautismo, sinabi niya
sa kanila. Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa
parusang darating? Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo’y
nagsisisi.” Sinusumbatan ni Juan ang mga Pariseo at Saduseo dahil nakikipila-pila sila noong
oras na yon para magpabautismo ngunit hindi siya pumayag. Dahil batid niya na pawang
pakitang tao lamang ang kanilang pagpunta doon. Ang ating pagsunod ay huwag lamang
hanggang sa salita dapat ay may gawa. Kung puro sa salita at wala namang gawa wala na
rin tayong pinagkaiba sa mga kausap ni Jesus at sa mga taong sinusumbatan ni Juan, mga
taong mapagpaimbabaw. May mga taong mukhang mababait, waring wala silang
ginagawang masama sa kapwa, namumuhay sila na napakarelihiyoso ngunit hindi
namumuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Ano ba ang kalooban ng Diyos para sa atin?
Sa talata’y makikita natin ang isang malinaw na larawan kung ano ang kalooban ng Diyos
para sa mga nanalig kay CristoJesus– “Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.”
Ang kalooban ng Diyos ay magtrabaho tayo sa Kanyang ubasan. Hindi kalooban ng Diyos na
ang isang nagsasabing nananalig sa Kanya ay walang ginagawa. Ang mga taong tinutukoy
ni Jesus ay magaling lamang magsalita ngunit wala naman silang pakialam sa nangyayari sa
kanilang kapaligiran. Wala silang habag at awa para pagmalasakitan ang iba ang mahalaga
lamang sa kanila ay ang kanilang mga sarili. Una ay “lumabas ka” lumabas ka mula sa iyong
comfort zone. Pakisabi sa katabi “lumabas ka.” At sunod ang sabi “magtrabaho ka” - maging
isa sa mga mangagawa sa ubasan. Huwag mong hayaan na manatili kang nakakulong sa
dati mong mundo, kung ikaw ay nananalig na kay Cristo hindi ka na pag-aari ng mundo,
ikaw taga-kaharian na ng Diyos. Sa madaling sabi ‘wag kang maging tagapakinig, taga-upo,
o puro tango lamang, tumayo ka’t lumakad at makiisa sa ipinapagawa ng Diyos. Ang
pagsunod ang patunay ng ating pananampalataya sa Diyos.
Mateo 21:31b “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y nauuna pa sa
inyong pasakop sa paghahari ng Diyos.” Bakit kung sino pang parang hindi katanggap-
tanggap kung background ang pagbabatayan ang siyang makakapasok sa langit? Dahil sila
‘yong mga taong totoo sa kanilang sarili. Mga taong dahil alam nilang wala silang pag-asa
kundi ang bumaling lang sa Diyos at sumunod. Ikaw kapatid, gaano ka katiyak na papasok
ka sa langit? Dahil nananalig ka Jesus bilang Panginoon at tagapaligtas? Ang ating
pagbubulay ngayong umaga ay nagsasabing “professing Jesus as Lord and Savior is not
enough.” Dahil ang mga tunay na nanalig kay Jesus ay nabubuhay na para sundin at gawin
ang kalooban ng Diyos. Efeso 2:10 “Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Cristo
Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti,na itinalaga na ng Diyos para
sa atin noon pa mang una.” Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay napapatunayan sa gawa.
Ngunit gusto ko rin paalalahanan at hikayatin ang bawat isa na patuloy na magsuri ng
ating mga sarili. Dahil hindi porke may ginagawa ka para sa Diyos at busy ka sa maraming
gawain ay tumutupad ka na sa kalooban Niya. Isang malungkot at nakakatakot na babala
ang ipinahayag din ni Jesus tungkol sa kahihinatnan ng mga taong nagsabing nanalig sa
Kanya ngunit hindi naman sumunod sa kalooban ng Diyos. Mateo 7:21-23 “Hindi lahat ng
tumatawag sa Akin na Panginoon ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang
sumusunod sa kalooban ng Aking Amang nasa langit. Pagdating ng huling Araw, marami ang
magsasabi sa Akin, Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa
ng mga kababalaghan sa inyong pangalan! At sasabihin Ko sa kanila, kailanma’y hindi Ko kayo
nakilala. Lumayo kayo sa Akin, mga mapaggawa ng masama.” Ano ang nakakatakot sa babala
na ito ni Jesus? Ang mga taong tinutukoy dito ni Jesus ay hindi tagalabas kundi mga nasa
loob ng iglesia, at hindi mga seating pretty lamang, sila’y mga active na tao pagdating sa
mga gawaing spiritual. Mga self-proclaiming Christian pero sa paningin ng Diyos sila’y hindi
totoo. Mga taong active sa mga gawain at nakikita sa maraming mga paglilingkod. And take
note hindi pangkaraniwang ang paglilingkod ng mga taong ito, nagpapalayas daw sila ng
mga demonyo at gumagawa ng mga kababalaghan sa pangalan ni Jesus. Pero sa kabila ng
lahat nang ‘yon sa paningin ng Diyos sila’y mapaggawa ng masama dahil hindi sila totoong
sumusunod sa kalooban ng Diyos. Hindi ang Diyos ang binibigyan nila ng lugod sa kanilang
ginagawa kundi ang kanilang sarili lamang. Kahit pa gaano ka-spiritual ang ginagawa ng
isang tao kung hindi naman ito nagbibigay karangalan sa Diyos ang tingin pa din ng Diyos sa
kanila ay “mga mapaggawa ng masama.” Ang anumang accomplishment kahit gaano pa
waring ka-spritual ‘yon ngunit kung para sa sariling kapakinabangan lamang ay hindi ika-
count ng Diyos sa atin. Ang ika-count lamang ng Diyos na accomplishment natin ay kung
nagawa natin ang kalooban Niya. Dahil ang totoong gumaganap sa kalooban ng Diyos, ang
Diyos ang itinataas at napaparangalan hindi ang sarili. Kung ang naitataas at napapapurihan
sa ating mga gawa ay tayo lamang o ang ating sarili lamang baka hindi talaga ang kalooban
ng Diyos ang ginagawa natin. Hindi porke waring spiritual ang ginagawa natin ay
nakalulugod na sa Diyos dahil kung hindi naman napaparangalan ang Diyos balewala din
‘yon.
Kailangan mong humakbang sa pagsunod sa Diyos kapatid. At marahil kailangan mo
munang mag-umpisa sa una. Ang unang hakbang sa pagsunod ay pagsisisi. Hindi tayo
makatutuloy sa pagsunod sa Diyos hanggat hindi muna nagkakaroon ng pagbabago sa
panloob nating pagkatao. Balewala ang anumang gagawin natin panlabas kung ang
panloob nating pagkatao ay hindi pa totoong nakasuko sa Diyos.

Conclusion

Pagkatapos na sabihin ni Jesus ang talinghaga, nagtanong agad Siya “Sino sa dalawa ang
sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” Ipinapakita ng tanong ni Jesus ang pangunahing
layunin ng talinghaga para magturo kung sino ang tunay na sumusunod sa kalooban ng
Diyos. Sumagot ang mga saserdote sa tanong ni Jesus “ang panganay na anak,” at tama sila.
At sinabi sa kanila ni Jesus v.31b-32 “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang
babae’y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si
Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit
pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi
pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.” Mauuna pang makapasok ang mga taong
makasalanan kesa sa kanilang mga saserdote na matuwid ang tingin sa sarili. Ang panganay
na anak na noong una ay ayaw ngunit nagbago ng pasya at sumunod din at ang mga
publikano at masasamang babae na nagsisi sa kanilang mga kasalanan at sumunod kay
Jesus ay nagtuturo din sa atin na hindi pa huli ang lahat para sumunod kay Jesus at
maglingkod. Hindi na mahalaga kung ano ang nakaraan mo, ang mahalaga ay nagpapasya
ka nang sumunod ngayon. Hindi pa huli kung magpapasya kang sumunod kay Jesus ngayon.
Ang pagsunod ay maaari pang ihabol ngayon. Hanggat humihinga ka pa at may lakas ka pa
magpasya ka na ngayong sumunod kay Jesus. Magpakatotoo lamang tayo sa paglapit sa
Diyos. Hindi natin madadaya ang Diyos. Kita Niya ang totoong laman ng ating mga puso.
Magsisi tayo, magpasakop sa Kanyang kalooban, manalig at sumunod sa kay Jesus. Ang
kabuluhan ng buhay ay masusumpungan lamang natin sa pagsunod kay Jesus.
Isang mapagpalang umaga po sa ating lahat.

You might also like