Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

LAGRO HIGH SCHOOL – SENIOR HIGH

PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK


IKAAPAT NA KUWARTER

PANGKATANG GAWAIN #1

ANG MAKA-PILIPINONG PANANALIKSIK: GABAY SA PAMIMILI NG PAKSA AT PAGBUO NG


SULIRANIN NG PAG-AARAL
Ayon kay Susan B. Neuman (1997), na binanggit nina Evasco et al. (2011) sa aklat na "Saliksik: Gabay
sa Pananaliksik sa Agham Panlipunan, Panitikan, at Sining," ang pananaliksik ay paraan ng pagtuklas
ng mga kasagutan sa mga partikular na katanungan ng tao tungkol sa kaniyang lipunan o kapaligiran.
Patuloy ang pananaliksik sa iba't ibang paksa at penomenon dahil patuloy na inuunawa ng tao ang
mga pangyayari at pagbabago sa kaniyang paligid. Kasabay ng pag-unawa, tumutuklas ang tao ng
iba't ibang paraan kung paanong mapabubuti ang kaniyang pamumuhay sa pamamagitan ng iba't
ibang imbensiyon at kaalaman. Bukod sa sentral na layunin ng pananaliksik na tumuklas ng mga
bagong kaalaman na magagamit ng tao, malaki rin ang pakinabang ng isang mananaliksik mula sa
mismong proseso ng pagtuklas. Sa pamamagitan ng pananaliksik, lumalawak at lumalalim ang
karanasan ng tao, hindi lang tungkol sa partikular na paksang pinag-aaralan niya, kundi sa lipunang
nagsisilbing konteksto ng kaniyang pananaliksik. Nagkakaroon siya ng pagkakataong makasalamuha
ang kapuwa at nakikita niya ang bisa ng pananaliksik upang mapabuti, hindi lamang ang kaniyang
sarili, kundi maging ang iba.

[PANGKAT 1]
Kahulugan at Kabuluhan ng Maka-Pilipinong Pananaliksik
Dakila na ang pananaliksik sa sarili nitong kahulugan at kabuluhan, ngunit lalong mailalatag ang
halaga ng pananaliksik kung isasaalang-alang ang pangangailangan ng lipunang kinalulugaran nito.
Sa Pilipinas, isang lipunang dumanas ng mahabang kasaysayan ng pananakop at ngayon ay
dinadaluyong ng globalisasyon, nananatiling bansot at nakaasa ang mga siyentipikong pananaliksik
ng iba't ibang larangan sa mga banyagang kaalaman. Nananatiling hamon para sa mga Pilipinong
iskolar at mananaliksik ang pagbuo ng kalinangan sa pananaliksik na nagmumula at ginagabayan ng
sariling karanasan, umuugat sa aral ng kasaysayan, at nagsisilbi para sa sambayanan. Sa ganitong
konteksto, malaki ang pangangailangang paunlarin ang maka-Pilipinong tipo ng pananaliksik na may
mga katangiang naiiba sa tradisyonal na pananaliksik mula sa Kanluran.
Ang maka-Pilipinong pananaliksik ay gumagamit ng wikang Filipino at/o mga katutubong wika sa
Pilipinas at tumatalakay sa mga paksang mas malapit sa puso at isip ng mga mamamayan.
Mahalagang idagdag sa katangiang ito na kung hindi man maiiwasan na nasa wikang Ingles o iba
pang wika ang isang pananaliksik dahil may pangangailangang ibahagi ito sa internasyonal na
mambabasa, kailangan pa ring isalin ito sa Filipino o iba pang wika sa Pilipinas upang mas
mapakinabangan. Isa sa mga mahahalagang usapin ang pamimili ng mananaliksik sa wika at paksang
gagamitin sa pananaliksik. Ang mahusay na pamimili ng wika at paksa ang nagtatakda sa bigat at
halaga ng gagawing pananaliksik. Maisasagawa ang mahusay na pamimili kung isasa-alang alang ang
kontekstong panlipunan at kultura ng lipunang kinabibilangan. Makabuluhan ang naging pagninilay
ni Dr. Bienvenido Lumbera (2000), Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, sa kanyang aklat na
"Writing the Nation, Pag-akda ng Bansa," hinggil sa usapin ng pamimili ng paksa sa pananaliksik.

Bakit hindi paksaing Pilipino? Tanong ito ng isang kababayang kararating lamang sa
Indiana University mula sa Pilipinas. Ginulantang ako ng tanong. Sa loob kasi ng tatlong
taong pagkalayo sa sariling bayan, hindi sumagi sa isipan ko na importante pala na
iugnay ko ang aking mga plano para sa sariling hinaharap sa mga pangangailangan ng
aking bayang tinubuan. Taong 1959 noon, at simula iyon ng aking re-edukasyon bilang
intelektwal na ang kamalaya'y hinubog ng kulturang kolonyal.

Ang pagninilay na ito ni Lumbera ang tuluyang nagbunsod ng desididong pagkiling niya bilang iskolar
na itanghal ang wikang Filipino at paksang Pilipino sa kaniyang pananaliksik sa kultura at panitikan.
Mula noon, "itinaguyod niya ang posisyon na ang wikang pambansa ay wika ng marurunong at
wikang hindi naghihiwalay sa intelektuwal sa sambayanan," ayon kay Rosario Torres-Yu sa aklat
niyang "Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas." Para sa kaniya, malinaw na ang intelektuwal
na gawain ay hindi pansarili lamang, bagkus ay kailangang iugnay ito sa pangangailangan ng bayan.
Ang pagpili ng paksa at wika sa pananaliksik ay pamimili rin kung para kanino ang gagawing
pananaliksik. Kung para ito sa bayan, nararapat na ito ay nasa wika at karanasang nauunawaan.
Malinaw na tinutukoy sa karanasan ni Lumbera na ang maka-Pilipinong pananaliksik ay gumagamit
ng wikang Filipino sa pagpapaliwanag at pagpapakahulugan, pumapaksa ng karanasan at aspirasyon
ng mga Pilipino sa iba't ibang larang at disiplina, at naisasakonteksto sa kasaysayan at lipunang
Pilipino.

[PANGKAT 2]
Pangunahing isinasaalang-alang sa maka-Pilipinong pananaliksik ang pagpili ng paksang naaayon
sa interes at kapaki-pakinabang sa sambayanang Pilipino. Bago magdesisyon sa paksa, mahalagang
tanungin muna ng isang mananaliksik ang bigat at halaga ng pananaliksik para sa mga kalahok nito o
pinatutungkulan ng pananaliksik. Kanino ba ito magsisilbi? Ayon kay Virgilio Enriquez (1976),
proponente ng Sikolohiyang Pilipino, kailangang "ibatay sa interes ng mga kalahok ang pagpili ng
paksang sasaliksikin. Kilalanin munang mabuti ang mga kalahok at hanguin sa kanila ang paksa, nang
ganoon ay may kaugnayan ito sa kanilang pamumuhay. Kalimutan ang sariling hangarin at ituon ang
pag-aaral sa pangangailangan at hangarin ng kalahok."
Upang maisagawa ito, mahalaga ang pakikipamuhay at pag-alam sa kanilang kondisyon. Pinaunlad
ni Enriquez ang iba't ibang metodong angkop sa kultura at pagpapahalagang Pilipino gaya ng
pagmamasid, paggamit sa pakiramdam, pagtatanong-tanong, pagsubok, pagdalaw-dalaw,
pagmamatiyag, at pagsubaybay. Tinukoy rin niya na mahalaga sa pananaliksik ang pakikilahok at
pakikisangkot. Kung talagang pag-aaralan ang interes ng masa, mauunawaan ng isang mananaliksik
ang tinatanggap ng karaniwang Pilipino at matutunghayan ang lalim ng kaalamang galing sa kanilang
karanasan.

Komunidad ang laboratoryo ng maka-Pilipinong pananaliksik. Dahil sa lumalawak ang agwat o


pagkakahiwalay ng karaniwang mamamayang Pilipino sa akademya at mga edukado, mahalagang
tungkulin din ng pananaliksik na pawiin ang pagkakahiwalay na ito. Mahalagang tungkulin ng mga
mag-aaral, sa gabay ng kanilang mga guro, na lumabas at tumungo sa mga komunidad bilang
lunsaran ng maka-Pilipinong pananaliksik. Sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mga pag-aaral sa
komunidad, nakakakuha ng tunay na karanasan at kaalaman ang mga mag-aaral mula sa masa.
Naisisistematisa nila ang mga karanasang ito at muling naibabalik para sa kapakinabangan ng
komunidad. Sa ganitong paraan ay nagiging dinamiko rin ang mga unibersidad at paaralan sa
pagtugon sa mga pagbabago at pangangailangan ng lipunan.
Paano kung ang paksang nais aralin ng mga mag-aaral ay hindi aktuwal na isasagawa sa komunidad
o kung ang disenyo ng pananaliksik ay hindi isasagawa sa komunidad? Kinikilalang mahalaga pa rin
ang mga ganitong paksa; gayunpaman, mahalagang ang pagsusuri at punto de bista ng iskolar ay
nagsisilbi pa rin sa masa.

[PANGKAT 3]
Kalagayan at mga Hamon sa Maka-Pilipinong Pananaliksik
Maraming hamon na kinakaharap ang maka-Pilipinong pananaliksik lalo na't nasa estado pa rin ng
paggigiit ang wikang Filipino sa loob at labas ng akademya habang itinuturing ang Ingles bilang
lehitimong wika ng edukasyon. Ilan lamang ang sumusunod na hamon na dapat kilalanin at
pangibabawan ng isang mananaliksik sa wikang Filipino:
1. Patakarang Pangwika sa Edukasyon. Nakasaad sa Konstitusyong 1987 ang mga probisyon
kaugnay ng pagpapaunlad at pagpapayabong ng Filipino bilang wikang pambansa sa
pamamagitan ng paggamit nito bilang midyum ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon at
pamamahala. Gayunpaman, tila tumataliwas ang kasalukuyang kalagayan ng wikang
pambansa lalong-lalo na sa edukasyon. Kasabay sa pagpapawalang-bisa ang Executive Order
210 (Establishing the Policy to Strengthen the Use of English in the Educational System) na
ipinatupad ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Mayo 2003 at ang tangkang
lehislasyon ng Gullas Bill 4710 o mas kilala sa tawag na English Bill, ay ang panananatiling
etsa-puwera ng wikang Filipino sa patakarang pangwika ng edukasyon.

Sa bagong estruktura ng General Education Curriculum (GEC) sa kolehiyo na ipapatupad ng


Commission on Higher Education (CHED) sa pamamagitan ng CMO 20 Series 2013, inalis na
bilang batayang asignatura ang anim hanggang siyam na yunit ng Filipino. Mahalagang
panatilihin ang pag-aaral ng Filipino sa pinaka-mataas na antas ng edukasyon sapagkat dito
magbubukas ang posibilidad na gamitin ang wika sa mataas na uri ng pananaliksik sa iba't
ibang disiplina.Napaunlad na ang akademikong aktitud at intelektuwal na kakayahan ng mga
mag-aaral sa antas na ito, kung kaya tiyak na kaya na nilang sapulin ang pangangailangang
manaliksik sa wika at paksang Filipino. Ngunit dahil sa mabuway na pagtangan at
pagpapatupad ng isang kritikal na patakarang pangwika sa edukasyon ay lumiliit ang pag-
asang umunlad ang araling makabansa sa iba't ibang disiplina.

2. Ingles Bilang Lehitimong Wika. Ingles pa rin ang lehitimong wika ng sistema ng edukasyon at
lakas-paggawa. Nagiging tuntungan ang pagpapaigting ng globalisadong kaayusan sa lalong
pagpapalakas nito bilang wika ng komunikasyon, komersiyo, at pagkatuto lalong-lalo na sa
pananaliksik. Wikang Ingles ang namamayaning midyum ng pagtuturo at pagkatuto sa mga
unibersidad. Dagdag pa riyan, ang katatasan sa Ingles ay nagiging batayan sa pagkakaroon ng
disenteng trabaho. Ayon kay Gonzalo Campoamor II sa artikulong "The Pedagogical Role of
English in the Reproduction of Labor" na matatagpuan sa aklat na "Mula Tore Patungong
Palengke: Neoliberal Education in the Philippines, neoliberal ang katangian ng polisiyang
pangwika sapagkat umaayon ito sa pangangailangan ng ibang bansa habang tinatalikdan ang
batayang tungkulin sa pambansang industriyalisasyon. Sa ganitong kalagayan, hindi masisisi
ang mga mag-aaral na nais magpakadalubhasa sa wika at araling Ingles dahil ito ang
magbibigay sa kanila ng magandang posisyon sa larangan ng edukasyon, at kalaunan ay mag-
aakyat sa kanila sa mas mataas na posisyon sa lipunan. Daang taon pa ang lalakbayin upang
makamit ang kritikal na pananaw sa pagpaplanong pangwika sa bansa, ngunit kailangang
maging ahente ng pagkuwestiyon ang mga guro at mag-aaral ng pananaliksik sa kalakarang
ito. Kailangan ng matalas na panunuri sa pagtataya ng mga palagay dahil ang mga ito ay
batbat ng politika, maging ang mga institusyonal at personal na pagkiling na malaon nang
tinanggap na makatuwiran at totoo.

[PANGKAT 4]
3. Internasyonalisasyon ng Pananaliksik. Dahil sa daluyong ng globalisasyon, maging ang
pamantayan sa pananaliksik ng mga unibersidad at kolehiyo ay umaayon na rin sa istandard
ng internasyonal na pananaliksik. Positibong bagay ang pagkatuto at pagpapahusay mula sa
mga bansang mauunlad ang pananaliksik, ngunit nalalagay sa alanganin ang mga guro at
mag-aaral na nais magpakadalubhasa sa pananaliksik sa araling Filipino. Gayundin,
maliwanag ang mababang pagtingin sa mga journal ng pananaliksik na nailalathala sa
pambansang antas na kadalasang tumatalakay sa wika, kultura, at kabihasnang Pilipino.
Nararanasan din ito sa iba pang unibersidad dahil sa nalalapit na ASEAN Integration 2015.
Hindi lamang ito mahigpit na ugnayang politikal at pang-ekonomiya ng mga bansa sa Asya,
bagkus ay pagpapaunlad din sa sosyo-kultural na pagkakaisa ng mga bansa na magreresulta
sa internasyonalisasyon ng pag-aaral sa mataas na edukasyon at pananaliksik. Positibo ang
magiging dulot nito kung matututo ang mga iskolar ng Pilipinas sa mas maunlad na
pamamaraan ng pananaliksik sa mga karatig bansa ngunit magiging mabuway kung hindi
magiging malinaw ang oryentasyon at tunguhin ng mga pananaliksik sa mataas na
edukasyon. Kailangang bungkalin at payabungin muna ang uri ng pananaliksik na
nakakonteksto sa kalagayan at pangangailangan ng lipunang Pilipino habang umuugnay sa
maunlad na karanasan ng iba pang lipunan.

4. Maka-Ingles na Pananaliksik sa Iba't ibang Larang at Disiplina. Sa kasalukuyan, wala pang


malinaw na batayan sa paggamit ng wika kaya halos hindi pa ginagamit na wikang panturo
ang wikang Filipino sa iba't ibang larangan tulad ng agham panlipunan, agham at
teknolohiya, matematika, pagsasabatas at pamamahala, medisina, at iba pa. Ingles pa rin
ang namamayaning wika sa mga akademikong larangan at maganit pa rin ang pagsasalin ng
mga pananaliksik labas sa humanidades, panitikan, at agham panlipunan. Bagama't
maaaring sagutin ng mga maka-Pilipino ang argumentong ito sa pagsasabing higit pa sa
daang taon ang kakailanganin ng wika bago maging ganap ang istandardisasyon, mahalaga
pa ring linawin kung ano ang tungkulin ng mga iskolar at mananaliksik sa napakahabang
kurso ng pagpapaunlad ng wika. Makatutulong sa lalong intelektwalisasyon ng wikang
Filipino sa iba't ibang larangan kung gagamitin ito sa pananaliksik ng mga mag-aaral na nasa
iba't ibang kurso o programa.

You might also like