Casiguran, Aurora 3204 Name: Alvin A. Trucilla Date: February 06, 2024 Course and Year: BEEd – 2 Instructor: Mr. Renny Boy P. Espaňa
“Sulong Wikang Filipino, Edukasyong Pilipino para Kanino?”
ni: Dr. Neri (Repleksyong Papel ni Alvin A. Trucilla) Isang palaisipan sa payapang gabi ang tila nagpamulat sa akin sa magdamag na nag-iisip. Lunas bang maituturing ang pagpapalit ng iilang nakasanayan, o panahon na para ibahin ang tila sa tingin ng iba’y sagabal lamang sa pag-unlad? Ako ngayo’y litong lito at tila di mapakali kung bakit mismong sariling atin ay siya ngayo’y hindi tatangkilikin. Ito ba’y walang linamnam sa panlasa ng iba o sadyang binabalewala lamang ang taglay nitong sarap? Sa pagmulat ng mga mata sa umagang kayganda, itong sagabal sa pag-unlad sa tingin ng iba, ay nagagamit na agad, sa pagsulat ng talata, sa talastasan, sa pagbibigay kaalaman, at marami pang iba. Ito ay ang wikang Filipino, susi sa paghubog ng kaunlara’y matamo. Isang malaking palaisipan pa rin sa iilang nakakapagbantay sa kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas ang pagtanggal sa Filipino at Panitikan bilang mga “Core Subject” o ang dalawa sa pinakamahalagang asignatura na dapat kunin sa kolehiyo. Noong 2013, naglabas ang Commission on Higher Education ng Memorandum Order No. 20, Series of 2013. Ayon sa kanila, tama lang na tanggalin na bilang college subject ang Wikang Filipino at Panitikan dahil kabilang na ito sa K-12 basic education curriculum. Tila hindi yata nila batid ang pwedeng maging implikasyon nito sa mga kabataan sa kasalukuyang panahon? Oo, at sigurado ako, magdudulot ito ng malaking epekto. Ang wikang Filipino at panitikan ay balwarte ng malayang pag-iisip. Paano natin maikokonsidera ang ating sarili bilang isang globally competitive na indibidwal kung hindi natin magagamit ng maayos ang ating wikang pambansa, at ito ay kung tuluyan ng mawawala ang wikang Filipino bilang panghubog sa kasanayan sa kolehiyo. Ang wikang di ginagamit, pinag-aaralan at binibigyang halaga ay wikang patay. Sa midyum ni Dr. Neri na “Sulong Wikang Filipino: Edukasyong Pilipino para Kanino” malinaw na naipapakita at naipaliwanag dito ang pagkukulang ng mga namumuno sa pagpapahalaga sa wikang pambansa sa sistema ng edukasyon. Layunin ng midyum na ito na mag-focus sa kahalagahan ng pagtuturo at pagpapahayag sa wikang Filipino para sa ikabubuti ng edukasyon at pangkalhatang kaunlaran ng mamamayan. Sa aking palagay, ang pag-alis ng wikang Filipino bilang asignatura sa kolehiyo ay maaaring makaapekto sa komunikasyon, pag- unlad ng kasanayan sa pagsulat at pangunahing pag-iisip ng mga mag-aaral. Bagama’t pag-aaralan pa din ang wikang Filipino sa basic education, bilang kabahagi ng K-12 program ng Department of Education, ito ay magiging kulang pa din sa paghubog ng mga kasanayan na maaaring matamo ng mga mag-aaral. Dagdag pa dito, mahigit isang daan libong (100,000) mga gurong nagtuturo ng wikang Filipino sa bansa ang maapektohan nito. Huli, ang pag-aalis nito sa kurikulum ng kolehiyo ay higit na magresulta ng implikasyon sa pagpapahalaga sa sariling wika at identidad ng mga Filipino. Sa pabago-bagong panahon, pag-usbong ng mga teknolohiya’t instrumento, at ang globalisasyon, matutunan nawa nating ipagtanggol ang wikang mayroon sa atin. Marapat lamang na ating ipagmalaki, mahalin at gamitin. Sa isang interbyu kay Sen. Loren Legarda, “ang pundasyon ng isang bansa ay lalong mapgtitibay kapag ang mga mamamayan ay nagkakaunawaan gamit ang isang wika na siyang nagbubuklod sa ating mga adhikain. Kasabay ng ating pagpapayabong sa Pambansang wika, hinihikayat din ang pagpapahalaga sa iba’t ibang katutubong wika sa bansa na maiituring natin na kayamanang buhat pa sa ating mga ninuno.” Ang ating wika ay sumisimbolo sa atin bilang isang Pilipino, ngunit hindi lamang maging simbolo ito, bagkus ay kailangang gamitin dahil ito ang kumakatawan sa mga sarili natin. Patuloy nawa natin tangkilikin ang wikang likas sa atin. Atin sana itong ipagmalaki at patuloy na ingatan. Huwag nawa nating ipagsawalang bahala at ipagpalit sa mga pan-dayong salita. Sabi nga ng Ama ng Wikang Pambansa na si Manuel L. Quezon, “di iiral ang pambansang kaluluwa kung walag wika na nagbubuklod”. Halina’t ipagtanggol ang wikang sa ati’y nagbuklod. Wikang Filipino ang gamit ko, angat ito sa mundo. ####