Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 1

Kabataan: Pag-asa pa rin ba ng bayan?

Talumpati ni Michael John Sabido

Magandang araw sa inyong lahat na naririto.

Ayon sa isang sikat na kasabihan, “Ang kabataan ay ang pag-asa ng Inang Bayan.” Tayong mga
kabataan ang siyang magbibigay ng magandang kinabukasan sa ating bansa. Iaahon natin ito sa
kahirapan at ibibigay natin ang hinahangad nitong kasaganaan. Iwawagayway natin ang bandilang
ating bayan patunay na tayo’y malaya sa anumang pang-aalipin ng mga dayuhan. Ito ay ilan lamang sa
mga katangian at kaugaliang inaasahan natin na taglay ng bawat kabataan para sa ikauunlad ng ating
bayan.

Noon, masasabi kong napakatatag ang ating paniniwala sa naturang kasabihan at sa kaisipang
nais nitong iparating sa atin. Ngunit ngayon parang humina ang paniniwalang ‘to. Masyado na yatang
mabilis ang takbo ng panahon. Kasabay sa paglipas nito at sa pagsilang ng bagong henerasyon ay
marahil ang paglipas din ng paniniwalang pag-asa ng bayan ang mga kabataan.

Tumatayo ako ngayon dito sa harapan ninyong lahat bilang isa sa mga kabataan ng makabagong
henerasyon tulad ninyo. Bigyan ninyo ng katahimikan ang inyong pag-iisip sa mga sandaling ito at
alalahanin ninyo ang lahat ng mga pinaggagawa ninyo. Ngayon, sagutin ninyo ang tanong ko: Kayo
ba’y pag-asa pa rin ng bayan? Kung ako ang inyong tatanungin, hindi ako mahihiya at mag-aatubiling
sabihing “Oo!” Sapagkat lahat tayo ay pag-asa pa rin ng bayan. Sa kabila ng katotohanang may iilan sa
atin na mga nagrerebelde, pasaway, batugan at parang wala ng tamang nagawa sa buhay, umaasa
akong balang araw maintindihan nila ang tunay nilang tungkulin at pananagutan.

Ngunit paano nga ba natin magagampanan ang pagiging pag-asa ng bayan? Aba, simple lang
naman! Kailangan lang natin ng kasipagan, katapatan, pagkamakabayan, disiplina at pagmamahal.
Ipamalas natin ang ating kasipagan sa lahat ng bagay na nakakabuti o nakatutulong. Hindi ‘yong tipong
upo lang nang upo habang hawak ang cellphone at nanonood ng tv maghapon.

Katapatan – maging matapat tayo sa lahat lalo na sa ating sarili. Pagkamakabayan – ang
pagtangkilik sa produktong sariling atin ay halimbawa ng gawaing makabayan. Pagmamahal – sino ba
naman ang di nakaranas ng pagmamahal? Lahat tayo ay nagmahal at minahal. Kung disiplina naman
ang pag-uusapan, lahat ng nabanggit ay may kaakibat na pagdisiplina. Lagi nating tatandaan na
magtatapos din ang ating pagiging kabataan ngunit tayo’y magiging magulang na gagabay at
magtuturo sa susunod na henerasyon ng kabataan.

Tayo mismo ang tagaguhit ng ating kapalaran sa sarili nating mga palad. Lagi nating isipin na
magtatagumpay tayo kung ito’y ating nanaisin. Kapag tayo naman ay nalugmok, ito ay dahil sa
kagagawan din natin. Pagkatandaan na importante ang oras. Huwag na nating ipagpabukas pa ang
ating mga gawain kung puwede naman nating gawin ngayon.

Panahon na para tayo ay sumulong! Nasa ating mga kamay ang kaunlaran at kalayaan. Tayo
nga’y malaya ngunit ang kalayaa’y hindi upang gawin ang bawat naisin ngunit upang gawin ang tama
at nararapat.

Tara na kapwa kabataan! Patunayan nating tayo’y pag-asa pa rin ng Inang Bayan!

Salamat sa pakikinig.

You might also like