Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 5

pantawang pananaw

Saysay at Salaysay ng Pantawang Pananaw mula Pamumusong Hanggang Impersonasyon

ni rhod v. nuncio

Sa paggamit ng salitang ‘pananaw’ tumutukoy ito sa pag-iisip ng tao. Kung ang tawa ay reaksyong
pandamdam, patungkol naman ang pananaw sa kaisipan. Pinagninilayan o pinag-iisipan ng isang tao ang
pagkakaroon ng pananaw. Higit pa sa isang opiniyon lamang ang pananaw ng isang tao, isang pagbasa o
interpretasyon ito sa nangyayari sa kanya at kanyang kapaligiran. Inaarok ng isipan ang kahalagan o
kabalintunaan ng isang pangyayari o kaalamang naging malaki ang epekto o kinahinatnan sa sariling
buhay, pakikipag-ugnayan sa iba at sa sandaigdigan. Kung isang interpretasyon o pag-unawa ang
pananaw, isasakontexto ito bilang kritika. Naiiba ang kritika sa komentaryo sapagkat pinagnilayan ito
nang husto at hindi lamang puna nang puna sa nakikita o nararanasan. Ang kritika ay interpretasyon o
pagbasa sa karanasan, texto, kultura na inuunawa sa perspektiba ng kamalayan. Hindi neutral na salita
ang pananaw sa pagbasang ganito. Kritikal na pagbasa ito at nakaugat sa kontextong panlipunan. Ang
pantawang pananaw ay nangagahulugang tawa bilang kritika sa mga isyu at tauhan sa lipunan. Kung
kaya’t isang pagbasang kritikal ng kamalayan (pagsasanib ng damdamin at isipan) ang pantawang
pananaw, ng isang taong mulat sa nangyayari sa lipunan. Ang pantawa bilang ‘pan + tawa’ ay pag-angkin
at pantukoy sa kakanyahan at kakayahan ng tawa bilang kritika. Tinaguriang pantawang pananaw ang
ganitong kalikasan at kakayahan. Ang tawa bilang catharsis ay masasabing panandalian—isang comic
relief. Ang pantawang pananaw ay nakakabit sa kamalayan at diwa ng mga Pilipino. May limang
elemento ang pantawang pananaw. Ito ang: (1) midyum, (2) kontexto, (3) kontent o anyo, (4) aktor, at
(5) manonood. Isang diwa ng karanasang Pilipino ang pantawang pananaw. Nakapaloob ito sa karanasan
ng tawa bilang kritika, bilang pagtuligsa sa kapangyarihan at kaayusan sa lipunan na mababakas mula pa
sa oral na tradisyon, bago pa dumating ang mga Kastila, hanggang sa paglaganap ng mass media ngayon.
Ang bahaging ito ay tumutukoy sa midyum ng pantawang pananaw. Ang midyum ay daluyan na kung
saan nagiging laganap o natatangi ang pantawang pananaw. Kasama rin sa elementong ito ang lunan o
situs ng daluyan, halimbawa, sa entablado, kalye, radyo at telebisyon. Samantala, nakapaloob sa
daluyang ito ang iba’t ibang anyo na kinabibilangan ng kwentong bayan, entremes, sainete, drama,
bodabil, dulang panradyo at impersonasyon bilang palabas sa telebisyon. Ang mga nagsisiganap o mga
aktor, karakter ang tinaguriang mga pusong, aktor/komedyante at impersoneytor. Ang mga isyung
panlipunan na tumatahak sa sosyal at pulitikal na kalagayan ng bansa ang bumubuo sa kontexto ng
pantawang pananaw. Ilang Katangian ng Pantawang Pananaw Isang pagbasang kritikal. Katulad nang
nabanggit na hindi lamang pagtawa na walang kontexto ang pantawang pananaw. Itinataas ito hindi
lamang bilang sa aspektong emosyunal, kundi bilang isang kritikal na pagbasa na tumatarok sa
kamalayan at kaisipang Pilipino. Subjektibong pagbasag sa imahe at katawan. Masasabing isa itong
pagkwestiyon sa katauhan, kaligiran, katawan, at kaayusang panlipunan bilang objek ng tawa at
pagtuligsa. Winawasak nito sa ganitong kritikal na pagbasa ang imahe ng kapangyarihan bilang kahinaan
o ang kapangyarihan bilang imahe ng kawalang kapangyarihan. May kasaysayan. Masasabi nating
nakatuon sa pangyayaring historikal ang pagkukwestiyon sa imahe o katawan ng kolonyalismo (pahanon
ng pananakop) o komersyalismo (panahon ng kulturang popular). Nagpapabago ng kahulugan ang
pantawang pananaw sa tayo o poder ng karanasang kolonyalismo o komersyalismo. Intersubjektibo.
Nangangailangan ng kapwa o sabjek na tuwirang babasa at magkikritika gamit ang pantawang pananaw.
Ang ganitong paraan ay nangangahulugan ng walang humpay na pagbasa ng manonood, tagapakinig at
sinuman upang makapagbigay ng tuloy-tuloy na panlipunang kritika. Intertextual at Reflexibo.
Nangangailangan nang pagiging bukas ng ilang texto upang magamit sa pagpapakahulugan at pagkatuto
sa mensahe o simbulo sa alinmang diskurso. Kung kaya’t mahihinuhang naglalakbay ang pantawang
pananaw mula sa kwentong bayan hanggang sa kulturang popular. Samakatuwid, hindi lamang
masasabing isang genre o anyo ng panitikan ang pantawang pananaw, sapagkat nakabukas sa iba’t ibang
anyo at daluyan sa karanasang Pilipino ang pagiging texto nito bilang pagbasa. Maaari rin kasing isama
ang komiks, comic strip na makikita sa mga pahayagan, pelikula at iba pa. Kung tutuusin, isang
magandang paksa sa iba pang pag-aaral ng pantawang pananaw ang isama ang ilang nabanggit na anyo.
Subalit nakatuon lamang sa limitasyon ng pag-aaral na ito ang konsepto at praktika ng pagtatanghal at
palabas gamit ang pantawang pananaw, partikular sa impersonasyon. Sa bandang huli ang puntos ng
intertextualidad sa pagdulog ng pantawang pananaw ay masasabing paglulugar at paglilinang sa
ugnayan ng kapangyarihan, karanasan, kaalaman, diwa, at katauhan upang isakontexto ang pakay ng
pag-aaral na ito.

Salaysayin

Tungkol sa impersonasyon bilang pantawang pananaw ang pag-aaral na ito. Nakatuon sa kasalukuyan, sa
napapanahong isyu at tauhan sa lipunan ang pagbasa ng impersonasyon. Subalit bago natin patibayin
ang kasalukuyang diskurso, diwa, dalumat at pagbasa ng impersonasyon kinakailangan muna nating
balikan ang salaysay at saysay ng pantawang pananaw. Isang dalumat ito ng pagbasa – isang reflexibo at
kritikal na pagsukat sa nangyayari sa lipunan, sa mga tauhan sa lipunan. Upang mabigyan ng katuwiran
ang kasalukuyang pagbasa sa impersonasyon bilang pantawang pananaw, marapat na alamin kung bakit
naging reflexibo sa tala ng kasaysayan ng dula at panitikan ang pantawang pananaw. Ang dalumat na ito
ay isa na mismong pagteteoryang politikal, sosyal at kultural. Nakabalot sa tradisyon at kultura ang
panitikang nagbibigay ng pakahulugan, puna at deskripsyon sa nangyayari sa lipunan. Sa ganitong
analisis, nakatuon sa isyu at tauhang sumasagisag sa o bumubuo ng lipunan ang panitikan bilang texto.
Ang texto na umuugma sa samu’t saring pakahulugan at ganap na impluwensya nito sa kalakaran ng
mga tao at institusyon, politika at kultura ay masasabing may kaganapan sa paglipas ng panahon. Kung
kaya’t ang pantawang pananaw bilang dalumat ng pagbasa ay magsisilbing diwa sa pag-uunawa sa
kaganapang sosyo-politika sa pamamagitan ng tawa. Mahalaga ito sapagkat bilang dalumat gustong
ipahatid ng pag-aaral na ito na namumutawi na ang pantawang pananaw sa talastasan o kwentuhan at
pagtatanghal bago pa man dumating ang mga Kastila. At nagpapatuloy ito sa ngayon sa mga palabas sa
telebisyon bilang isa sa mga bumubuo ng kulturang popular. Bilang isang diwa, nakapaloob na sa
damdamin at isipan ng mga Pilipino ang pagpapatawa bilang pagbatikos sa kolonyal na kapangyarihan.
Makikilala ang pantawang pananaw mula sa mahabang naratibo ng karanasan at kasaysayan ng mga
Pilipino. Sumasabay ito bilang diwa at dalumat sa iba’t ibang anyo at genre ng panitikan. Hindi naman
masasabing isang likas o lantay na uri o anyo ng panitikan ang pantawang pananaw dahil sa pagiging
reflexibo at daynamiko nito sa takbo ng panahon. Kasama gayundin, bilang bahagi ng kritikang
intertextual ang pakahulugan, deskripsyon at puna ng pantawang pananaw bilang isang pagbasa sa
pagkaka-ugnay mula dula at pagtatanghal hanggang sa palabas sa mga isyung politikal at kultural ng
isang bansa. Samakatuwid, isang kritikang panlipunan ang tawa bilang pananaw na maaaring sabihing
impluwensyal upang makapagdulot ng malalimang repleksyon at pagsusuri sa gitna ng pagtawa o
paghalakhak. Bilang isang pagbasa ang mananaliksik ay gagawa ng sarbey sa paglilinang sa salaysay at
saysay ng pantawang pananaw. Hindi nagtatakda ng isang ganap na kasaysayan ang gagawing
pagtalakay dito. Layuning bumuo ng sarbey ang pagsasalaysay na ito mula sa naitalang naratibo,
kuwento o texto. Kasama rito ang pagtalima sa dalumat ng pantawang pananaw sa pagbabalik mula sa
nakaraan. Hahatiin sa dalawang punto ang gagawing paggalugad sa nakaraan. Kabilang sa sarbey na ito
ang mga sumusunod: (1) Pusong mula sa kwentong bayan, (2) entremes at sainete mula sa komedya at
sarswela, (3) drama, (4) comedy skits mula sa bodabil, (5) dula mula sa programang panradyo at (6)
palabas sa telebisyon na may impersonasyon. Magandang balikan ang ilan sa mga datos na
nagpapatibay sa ganitong penomenon ng tawa na hindi lamang bilang pang-aliw sa manonood bagkus,
isang pagpuna o kritika rin. Mula sa Kwentong Bayan—Ang Pusong Mayaman at laganap ang mga
kwentong bayan sa oral na tradisyon. Pasalin-salin sa bukambibig ng mga taong pinanggalingan,
tumangkilik at tumatangkilik pa rin sa mga kwentong ito. Bilang daluyan ng pantawang pananaw
masasabing nagsimula pa noong bago pa man dumating ang mga Kastila (ika-16 siglo pababa) ang mga
kwentong bayan na ito. Kung tutuusin ang pagsusuri sa kontexto nito ay bilang isang social praxis. Bago
man ito tinaguriang isang panitikan, isang matibay na kinagawiang tradisyon at pamumuhay ang
pagsasalin ng kani-kanilang kaalamang bayan. Ayon kay F. Lando Jocano ang tradisyong oral ng mga
Pilipino ay nagbubunsod sa isang malakihang rekonstruksyon ng panlipunang kontexto ng sinaunang
kasaysayan. Nakapagbibigay din ito nang mas mahusay na pag-uunawa sa mga detalye ng ganitong
tradisyon sa kasaysayan na kung saan nagsisilbing pundasyon ng kasalukayang kultura at lipunan ng mga
Pilipino (sa Manuud 1967). Samakatuwid, ang puno’t dulo ng tradisyong oral ay nasa kaligirang
panlipunan na tumatalakay sa buhay-buhay, kustumbre, paniniwala, sining at spiritualidad. Isang
malaking dagok kung ituturing na primitibong panitikan ang kabilang sa ganitong tradisyon. Mahirap
tukuying isang primitibo ang anyo ng kwentong bayan, at isang lipunang walang sistemang panulat ang
pinanggalingan nito katulad nang nabanggit ni Arsenio E. Manuel. “The best examples of primitive
literature may be found on non-literate societies. Illiterate bearers carry on the traditions supposed to
have been transmitted through the ages for generations…because these traditions are oral or verbal. A
collection of such traditions may be labelled primitive literature” (Manuud 1967: 255). Sa katunayan,
tumuturol lamang sa aspekto ng panahon o peryodisasyon ang konsepto o lebel na primitibo. Subalit
ang nilalaman ng nasabing tradisyon ay hindi. Sa ganitong argumento, masasabi bang ang nilalaman ng
ating kultura sa ngayon ay magiging primitibo makalipas ang limampu o isandaang taon? Hindi pa patay
ang tradisyong oral sa ngayon, bagkus nakikipagsabayan pa ito sa ilang bahagi ng bansa, lalung-lalo na sa
mga probinsya. May sistema rin ng pagsulat ang mga sinaunang Pilipino. Hindi lamang patungkol sa
pagkakaraoon ng alpabeto o wikang napreserba sa panitik ang sistema ng panulat (baybayin/alibata).
Ang tradisyong ito ay namayani sa paninimbulo sa gawang sining at kilos ng mga tao noon. Kasama sa
paninimbulong ito ang mga nakakatawang kwentong bayan ukol kay Juan Pusong o Suan ng mga Tagalog
at mga Kapampangan, Juan Usong (Osong) ng mga Bikolano, Juan Pusong ng mga Taga-Bisaya at Sulo; at
Pilandok ng mga taga-Maranao (Eugenio, 1989). Bakit paninimbulo? Dahil sa kwentong bayan mahirap
tukuyin kung talagang nangyari ang mga salaysaying ito sa kanilang karanasan o kasaysayan. Bagkus,
malalaman ang mensahe ng mga nakakatawang kwentong bayang ito sa pagsipat sa tawa bilang kritika
sa karanasan at kultura ng mga sinaunang Pilipino. Gamit ang ginawang koleksyon ni Eugenio, susuriin sa
bandang ito ang tatlong kwentong bayan ng Pusong na nagmula sa mga Cebuano (369-370), Waray
(370-371) at mga Muslim ng Sulu (379-380). Tingnan ang balangkas ng naratibo ng tatlong nabanggit. Sa
kabuuan, ang pinakabuod ng kwentong ito ay tungkol sa pakikipagsapalaran ni Juan Pusong at sa
kanyang pakikipagtunggali sa hari o datu sa pamamagitan ng pagbibiro at pagiging tuso. Sa bandang huli,
ang kanyang katawa-tawang pagbibiro ay nagdudulot sa kanya ng kapahamakan ngunit sa ganito ring
pagbibiro siya nagwawagi. Mga Kahulugan ng mga titik o unit ng naratibo: A – bida B – ang Hari o taong
binibiro ni Juan T – mga nakakatawang pagbibiro X – tunggalian o konfrontasyon ng A at B C –
tagapamagitan, maaaring isang tao o hayop Ct – panggogoyo o pagbibiro sa tagapamagitan Y – pagtakas
ng bida Yt – panloloko o pagbibiro muli ni A kay B Z – konklusyon ng kwento Cebuano Waray Muslim ng
Sulu A Pusong Pusong Posong B Hari Hari Sultan at Pitong datu T Pinutol ang buntot ng mga baka at
binaon sa putikan. Sinabi sa hari na nalunod ang mga baka. Gustong makuha ang pabuya ng hari sa
pamamagitan ng pagpapanggap na may lorong nagsasalita. Biniro at nakipagtalik sa anak na babae ng
Sultan isang gabing umuulan. X Nalaman ng hari ang kalokohan ni Juan at inilagay siya sa hawla at
pinatapon sa dagat. Kahahabol ng hari sa loro siya ay napunta sa dumi ng mga hayop. Hinuli si Juan at
itinale sa poste. Pumunta sa pitong datu na nagpapagalingan para sa kamay ng dalaga at sinabi ni
Posong na nakipagtalik siya sa anak ng hari na kasing sarap ng nganga. Hinabol siya ng mga ito. C Isang
lalaki Prinsipe Mga mababangis na hayop sa gubat Ct Inalok na ikakasal ang lalaki sa anak na babae ng
hari kung makikipagpalit ng puwesto. Inalok ang Prinsipe na mamili sa mga anak na babae ng hari upang
pakasalan Sa hudyat ng gong nang tamaan ng mga karibal ni Juan nagising ang mga natutulog na
mabangis na mga hayop. Y Nakatakas si Juan at bumalik sa hari Bumalik si Juan sa hari na nakasuot nang
marangyang kasuotan mula sa prinsipe Nakatakas si Juan mula sa mababangis na hayop at sa mga
karibal niya. Yt Sa panloloko uli ni Juan sinabi niyang hinahanap ng mga kamag-anak ang hari sa ilalim ng
dagat Sinabing maraming ginto at kayamanan sa ilalim ng dagat Z Ipinatapon ang hari sa dagat at si Juan
ang naging bagong hari Initusang itali at itapon ang hari upang makita nito ang mga kayamanan sa ilalim
ng dagat Nilamon ng mga mababangis na hayop ang pitong datung karibal ni Juan. Anong paninimbulo o
signos meron ang mga kwentong nabanggit? Gamit ang mga talang pangkasaysayan at ibang panunuri
sa kalagayan noon ng mga Pilipino, babasahin natin ang texto sa punto de bista na ibinigay ni William
Henry Scott (1982) at sa perspektiba rin ng dalumat ng pantawang pananaw. Ayon kay W. H. Scott, hindi
totoong mahirap balikan ang kasaysayan ng mga sinaunang Pilipino, dahil lamang sa itinakda ng mga
Kastila na wasakin ang mga labi ng kalinangang panulat o oral at kaalaman noon. Ang mga Kastila ang
may monopolyo sa pagbubuo (o pagwasak) ng panibagong kaalaman upang gahasain ang kultura,
kasaysayan at kamalayan noong panahong iyon. Subalit may mga guwang sa texto (cracks in the
parchment) na maaaring basahin batay na rin sa oral na tradisyon na naging daluyan ng mga kwento kay
Juan Pusong, at batay na rin sa ginawang koleksyon ni Eugenio (1989). Ano ang maaaring ipasok sa
pagbasa ng mga guwang na ito? Patungkol ang unang paliwanag sa pag-usisa upang mang-uyam at
manudyo sa harap ng may kapangyarihan, i.e., karaniwan ang hari o sultan. Kung susuriin nang mabuti si
Juan Pusong ay isang ordinaryong tao lamang na mahilig magbiro hindi sa katulad niya (sa kontexto ng
nabanggit na kwento), kundi sa katauhan ng mga hari at datu—silang mga angat sa estado sa lipunan.
Maaaring hindi totoo subalit sino naman ang makakapagsabi, gayong dumaan sa mahabang panahon
ang pagsasalin sa bibig ng ganitong kwento. Kung tutuusin sa pagdating ng mga Kastila at sa ilang anyo
ng dula na galing sa Espanya, ang pamumusong ay naging kasakasama bilang komentaryo sa
pagtatanghal. Isang patunay na ang pusong at pamumusong ay bahagi ng pagganap at paggamit sa
wikang oral. Sabi ni Feldman: “And these events, as signal social events, not only take place in, but…are
made by their characteristic forms of talk, for these forms of talk are much like those other event-
making forms of language” (1991: 49). Kung kaya’t maisasama sa pagtatanghal ang mga kwentong
pusong sa dahilang sa pamamagitan ng pagkukuwento at pagsasalin-salin nito sa ibang bibig, ang
kaganapan ng buhay at kaisipan ang naipapaabot sa ibang nakakarinig o nakakaalam. Hindi ang
pagkamito ng kwento ang punto rito bagkus, nakatuon sa mensahe at simbulo laban sa imahe ng
kapangyarihan. Katulad sa Sulo, sinabing lumaganap ang kwentong Pusong noong panahong
nanungkulan ang isang sultang diktador o autokratiko. Maipapalagay na gumamit ng kwentong Pusong
ang mga tao noon upang paglaruan ang imahe ng Sultan at upang ilabas ang kanilang saloobin sa
kagustuhang makaganti sa katauhan ni Juan Posong (Eugenio, xxxv). Umaangkop sa pantawang pananaw
ang katauhan ni Juan Pusong bilang aktor sa pagpapatawa at pagbibiro. Sinusumbatan ng kwento ang
kapangyarihan sa katauhan ng isang tuso at mapagbirong tao. Si Pusong o Posong ay isang karakter na
masasabi nating binuo sa tradisyong oral at gumamit ng pang-aasar, panggagaya o pagpapanggap at
panloloko. Subalit hindi dapat tingnan sa negatibo ang mga katangiang ito ni Posong, tulad ng
depinisyon nina Hart at Hart: [Juan Pusong] “is…a scampish young Filipino trickter, whose swindles,
notorious escapades, and practical jokes are always amusing, frequently off-color, sometimes obscene
but rarely villainous” (sa Eugenio 1989: 315). Maituturing na isang pagtingin sa kapangyarihan ng tawa o
pagpapatawa ang mga kaparaanan ni Posong. Nakakatawa nga ang mga ito dahil ginagawa nitong
mangmang ang hari at sa bandang huli si Posong ang humahalili at nagwawagi. Katangian ito ng
pagsubvert at pagbaligtad sa kapangyarihan. Na kahit sa panahon noong bago pa dumating ang mga
Kastila, ang mga sinaunang Pilipino ay nagpapatawa at nagbibiro na upang kwestyunin ang nasa
kapangyarihan. Ito ang guwang sa mga kwento at kasaysayang, maituturing, patungkol sa kamalayan at
karanasang Pilipino noon. Batid pa nga ni F. Landa Jocano na: “Oral folk literature functions in society as
a means through which the people’s faith in the efficacy of their tradition is affirmed, and their
convictions strengthened. It constitutes the framework of meaning and values in terms of which the
people interpret their experience and guide their actions” (Manuud 1967: 307)

You might also like