Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 9

Pangalan:

Strand:
Petsa:

Pagbasa at Pagsusuri ng
Iba’t Ibang Teksto
Tungo sa Pananaliksik
Ikaapat na Markahan – Modyul 6:
Iba’t Ibang Uri ng Teksto

Layunin:
1. Nasusuri ang binasang teksto batay sa uri nito
2. Nailalapat ang mga tiyak na karanasan at kaalaman kaugnay sa paksa
3. Nalilinang ang kahusayan sa pagsusuri ng tekstong binabasa
Pagkilala sa Iba’t ibang Uri ng Teksto

Tekstong Impormatib
Ang tekstong impormatib ay naglalahad ng mga bagong kaalaman,
pangyayari, paniniwala, at mga impormasyon. Ang mga kaalaman ay sistematikong
nakaayos at inilalahad nang buong linaw upang lubos na maunawaan. Kadalasang
sinasagot nito ang mga batayang tanong na ano, kailan, saan, sino, at paano.
Layunin nito na maging daluyan ng makatotohanang impormasyon para sa
mga mambabasa, sapagkat marami ang nagtitiwala na may katiyakan ang mga
impormasyon sa mga ganitong uri ng teksto. Naniniwala ang mga mambabasa na
ang tekstong kanilang binabasa ay nakapagbibigay liwanag sa mga katanungan sa
kanilang isipan. Naglalahad ito ng mga pangyayari at karanasan ng mga tao.
Nakapagpapaliwanag din ito ng mga konseptong nakabatay sa mga tunay na
pangyayari at kapakipakinabang ang mga impormasyong inilalahad nito.
Mahalaga ang pagbabasa ng mga tekstong nagbibigay ng impormasyon
sapagkat napauunlad nito ang iba pang kasanayang pangwika gaya ng pagbabasa,
pagtatala, pagtukoy ng mga mahahalagang detalye, at pagpapakahulugan ng
impormasyon
. Halimbawa nito ay pagbabasa ng peryodiko, pakikinig at panonood ng balita, mga
kasaysayan, adbertismo atbp.

Tekstong Deskriptib
Ang tekstong Deskriptib ay isang uri ng paglalahad at naisasagawa sa
pamamagitan ng mahusay na paglalarawan. Ang uri ng sulating ito ay naglalayon
na makapagpinta ng imahe sa hiraya ng mambabasa gamit ang limang pandama:
paningin, pandinig, panlasa, pang-amoy, at pandama. Dito maipapamalas ng
manunulat ang kaniyang husay at kakayahan sa paglikha ng isang masining na
paglalarawan. Mainam kung mapukaw nito ang atensiyon at maikintal sa isipan ng mga
mambabasa ang paglalarawan ng isang pangyayari, karanasan, bagay, lugar, tao
atbp. Halimbawa nito ay mga lathalain at mga akdang pampanitikan.

Uri ng tekstong Deskriptib


1.Deskriptib Impresyunistik ay uri ng tekstong naglalarawan na nanagpapakita lamang
ng pansariling pananaw o opinyon at personal na pakiramdam ng sumulat.
2. Deskriptib Teknikal ay uri ng tekstong naglalarawan na nagpapakita ng
obhetibong pananaw sa tulong ng mga tiyak na datos, mga ilustrasyon, at
dayagram.

Tekstong Prosidyural
Ang tekstong prosidyural ay nagpapaliwanag kung paano ginagawa o binubuo ang
isang bagay. Naglalahad ito ng wastong pagkakasunod-sunod ng mga hakbangin,
proseso o paraan sa paggawa. Layunin nito na makapagbigay ng malinaw na
instruksiyon o direksiyon upang maisakatuparan nang maayos at mapagtagumpayan
ang isang makabuluhang gawain. Ang halimbawa nito ay mga paraan sa pag-
aasemble ng bagay o kagamitan, resipi sa pagluluto atbp.

Tekstong Argumentatib
Tekstong argumentatib ay naglalayong manghikayat, naglalahad ito ng mga
oposisyong umiiral na kaugnayan ng mga proposisyon na nangangailangang
pagtalunan o pagpapaliwanagan. Ang ganitong uri ng teksto ay tumutugon sa tanong na
bakit.

Gabay sa Pagbasa at Pagsusuri ng mga Teksto

Mahalaga ang pagsusuri sa anomang babasahin upang makilala ang uri ng


tekstong ating babasahin. Mainam na magamit natin ang ating kaalaman sa
pagsusuri ng teksto ayon sa kabuuan nito. Maaari nating gamitin ang mga
pamamaraan sa pagbasa na ating natutuhan gaya ng iskiming, iskaning, kaswal,
komprehensibo, atbp.
Karaniwan na sa isang mambabasa na sinusubukang paraanan o iiskan
ang kabuuan ng isang akda upang tayo ay makakuha ng idea bago natin ito
tuluyang basahin. Kumokonsulta din tayo sa mga talaan ng nilalaman upang mabatid
kung ang akdang ating babahasin ay may kaugnayan sa mga katanungang
hinahanapan natin ng kasagutan, Mainam din na mabatid muna kung ang nilalaman
ng isang teksto ay angkop o akma sa uri o antas ng mambabasa nito. Mahalaga
din na mabatid ang layunin, nilalaman, at maging kung sino ang sumulat ng teksto upang
matukoy ang kapakinabangang hatid nito.
Sa pagbabasa o pakikinig mainam na masuri ng mambabasa o tagapakinig
kung ano at paano isinulat o iniulat ang isang teksto. Kung ang isang teksto ay kakikitaan
ng mahalagang impormasyon mainam na ito ay hanapan ng katibayan ng konsepto sa
paglalahad ng akda. Gayundin ang pag-unawa o pagpapakahulugan ng mga salitang
ginamit, ang pagsasaalang-alang sa paraan ng pagkakasulat ng akda, at pag-unawa sa
nilalaman ng teksto, maging ang katuturan ng akda sa disiplinang kinabibilangan
nito

TAYAHIN
Panuto: Basahing mabuti at unawain ang mga aytem. Piliin at isulat ang titik ng tamang
sagot sa iyong sagutang kuwaderno.
1. “Baka makipag-away ka na naman, Impen,” tinig iyon ng kaniyang ina.
Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit
siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay. ( simula ng “Impeng
Negro” ni Rogelio Sikat)
(Baisa, AileneG. At Dayag, Alma M. (2004) Pluma: Wika at Panitikan para sa
Mataas na Paaralan.
Quezon City: Phoenix Publishing House.)
A. Impormatib C. Persuweysib
B. Naratib D. Prosidyural

2. “Maliwanag na sinusubukan na naman sa halalang ito ang luma nang taktikang


divide and rule na pamana ng diktadurang US sa kaniyang mga puppet regimes.
Nakasalalay din sa Batasang election ang pang-militar at pang-ekonomiyang
katatagan sa atin ng Amerika… na ang pananatili dito’y higit namang
naglulublob sa kahirapan sa mga mamamayang Pilipino. Pero hindi na tayo
palilinlang. Hindi natin isusuko ang pakikipaglaban natin para sa ating mga
karapatan! Boykotin natin ang election “84!”
( Bautista, Lualhati. (1983) Bata,bata… Pa’no Ka Ginawa?.Mandaluyong: Carmelo &
Bauermann Printing
Corp., 1988 at ng Cacho Publishing House, 1991.)
A. Argumentatib C. Impormatib
B. Deskriptib D. Persuweysib
3. Nagising ako kanina, humihingal at pawis na pawis. Nakataas ang kaliwa kong
kamay, naninigas, hindi ko maibaba. Sa panaginip ko, may malaking babae,
nakasuot ng itim pero hindi ko kita ang mukha, hindi ko alam kung bakit pero
hindi ko mailingon ang ulo ko. Madiin at masakit ang pagkakahawak nya sa
‘kin. Napansin ko na itim ang mga kuko nya, graya ang kulay ng balat.
Nakakatakot. Parang ganito rin ang panaginip ko nung isang linggo.
(Ong, Bob. (2010) Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan. Pasay City: Visprint,
Inc.)
A. Argumentatib C. Impormatib
B. Deskriptib D. Persuweysib
4. Hinahangaan ko ang aking guro na si Gng. Laderas. Bukod sa dedikasyon niya
sa pagtuturo ay binibigyan din niya ako ng lakas ng loob at tiwala sa sarili
upang mapagtagumpayan ko ang hamon sa aking buhay. Anong uri ng
paglalarawan ang ginamit sa pahayag?
A. Deskriptib Impresyunistik C. Deskriptib Teknikal
B. Obhektibo D. Subhektibo
5. National ID System sa Pilipinas: Pabor ka ba?
A. Argumentatib C. Impormatib
B. Deskriptib D. Persuweysib
6. May iba’t ibang estruktura ang paglalahad ng tekstong impormatib. Ang
pahayag na “Bumaba ang insedente ng mga napahamak sa pagdiriwang ng
Bagong Taon (2020) kumpara sa nakalipas na limang taon,” ay
A. Pagbibigay Depenisyon C. Paglilista ng Klasipikasyon
B. Paghahambing D. Sanhi at Bunga

7. Naglalahad ng mga bagong kaalaman, bagong pangyayari, bagong paniniwala,


at mga bagong impormasyon. Ang mga kaalaman ay nakaayos ng sekwensyal
at inilalahad nang buong linaw at kaisahan.
A. Argumentatib C. Impormatib
B. Deskriptib D. Persuweysib

8. Alin sa mga sumusunod na pahayag ang hindi wasto hinggil sa tekstong


impormatib?
A. Iisa lamang ang sinusunod na estruktura ng mga tekstong impormatib.
B. Mahalaga ang malawak na bokabularyo ng mambabasa sa
komprehensiyon ng mga tekstong impormatib.
C. Hindi sinasagot ng tekstong impormatib ang tanong na bakit.
D. Lahat ng nabanggit
9. Nagtataglay ng impormasyong may kinalaman sa pisikal na katangian ng isang
tao, lugar, at bagay. Madali itong makilala sapagkat ito ay tumutugon sa
tanong na ano.
A. Argumentatib C. Impormatib
B. Deskriptib D. Persuweysib

10. Isang pamamaraan ang photo essay o paggamit ng larawan o litrato sa


pagsasalaysay o paglalahad ng anomang bagay at pangyayari. Anong uri ng
teksto ang photo essay?
A. Deskriptib C. Persuweysib
B. Impormatib D. Prosidyural

11. Gumagamit ang may-akda ng argumento. Ang argumento ay binubuo ng


batayan at ng kongklusyon. Ang batayan ay resulta ng obserbasyon. Ang
kongklusyon naman ay nagmumula sa obserbasyon.
A. Apelang Emosyonal C. Apelang Lohikal
B. Apelang Etikal D. Wala sa nabanggit
12. Ito ay nagpapakita ng mga impormasyon tungkol sa mga tiyak na pangyayari
na maaaring nakita, hango sa sariling karanasan, totoong kaganapan o di-
piksyon, maaari ding likhang-isip lamang ng manunulat o piksyon.
A. Argumentatib C. Naratib
B. Deskriptib D. Persuweysib

13. Isang uri ng paglalahad na kadalasang nagbibigay impormasyon at


instruksiyon kung paano isinasagawa ang isang tiyak na bagay.
A. Deskriptib C. Persweysib
B. Impormatib D. Prosidyural

14. Alin sa mga sumusunod na pahayag ang hindi katangian at nilalaman ng


mahusay na tekstong argumentatib?
A. Maikli ngunit malaman at malinaw na pagtukoy sa tesis sa unang
talata ng teksto.
B. Malinaw at lohikal na transisyon sa pagitan ng mga bahagi ng teksto.
C. Kinahahantungan ng tunggalian o komplikasyon
D. Matibay na ebidensiya para sa argumento

15. Ito ay matalinong paghula ng maaaring kahulugan ng isang bahagi na hindi


direkta o tahasang ipinaliwanag sa teksto.
A. Pagpapagana ng imbak na kaalaman
B. Pagbuo ng hinuha
C. Pagkakaroon ng mayamang karanasan
D. Wala sa nabanggit
GAWAIN
Panuto: Basahin at unawain. Tukuyin kung tama o mali ang mga pahayag. Isulat
ang TIK kung tama at TOK kung mali. .

1. Ang tekstong impormatib ay paglalahad ng mga pangyayari at karanasan ng


mga tao.
2. Mahalaga ang pagsusuri sa anomang babasahin upang makilala ang uri ng
teksto hindi na mahalagang isaalang–alang pa ang pinagkunan nito.
3. Ang tekstong persuweysib ay may layunin na maglahad ng opinyon upang
makunbinsi ang mga mambabasa.
4. Ang tekstong prosidyural ay isang uri ng paglalahad na kadalasang
nagbibigay ng instruksiyon kung paano isasagawa ang isang tiyak na bagay.
5. Isa sa katangian ng tekstong impormatib ay ang pagtataglay nito ng iisa
lamang na estraktura.
6. Laganap sa bansa ang karamdaman o sakit na COVID-19. Tinatayang
umaabot na sa 15,588 katao ang nagkaroon nito, 3,598 ang tala ng
gumaling, 921 ang nasawi at 11,069 ang aktibo. Ang pahayag ay halimbawa
ng tekstong argumentatib.
7. Halimbawa ng tekstong prosidyural. Paano mag-apply sa balik probinsiya?
Una, magtungo sa website http://balikprobinsya.ph at i-click ang apply
button. Pangalawa, kumpletuhin ang enrolment form at i-submit. At hintayin
ang verification at tawag sa iyo.
8. Isa sa mahalagang konteksto upang maging epektibo ang pangungumbinsi ay
ang mahusay na paggamit ng wika sa pagpapahayag.
9. Ang tekstong naratib ay paglalahad ng mga pangyayari na pawang
katotohanan lamang.
10. Mahalaga ang malinaw na pagbibigay ng intruksiyon sa paggawa ng tekstong
prosidyural.
GAWAIN
PANUTO: Sa isang buong papel gumawa kayo ng
isang uri ng Teksto. Maaaring Tekstong
Argumentatibo, Naratibo, Persuwesib, Narratibo,
Impormatibo o Prosidyural.
- ITATANGHAL O BABASAHIN ITO SA KLASE
PAMANTAYAN SA PAGTATANGHAL
KAANGKUPAN- 40 %
KAAYUSAN NG PAGKAKATANGHAL- 20%
BOSES/TINDIG- 20%
ORIHINALIDAD- 20%
TOTAL= 100%

Sanggunian

Ailene G. Baisa, at Alma M. Dayag, Pluma: Wika at Panitikan para sa Mataas na


Paaralan. Quezon City: Phoenix Publishing House, 2004, 402-422.
Bob Ong, Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan. Pasay City: Visprint, Inc., 2010, 7.
Brigida Mondragon, Florante at Laura ni Francisco “Balagtas” Baltazar. Caloocan
City: Aklat ANI Publishing and Educational Trading Center. 2004, 58.
Crizel Sicat-De Las, Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t ibang Teksto Tungo sa
Pananaliksik. Manila: Rex Book Store. 2016, 2-100.
Del Rosario, Mary Grace G. at Dayag, Alma M. Pinagyamang Pluma:Pagbasa at
Pagsusuri ng Iba’t ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Quezon City: Phoenix
Publishing House. 2016.

You might also like