Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 5

Isa si Moi sa mga anak na hindi pinalad sa pamilya.

Iniwan siya ng kaniyang Ama


noong sanggol pa lang at binigay naman siya ng kaniyang Ina noong nakahanap na ito
ng iba. Hindi naman naging malupit ang bago niyang buhay. Nakatira siya ngayon sa
bahay ng kaniyang Tita Jane na kinakapatid ng kaniyang Ina sa probinsya habang nag
aaral din sa kolehiyo sa kursong Nursing. Nasa ika-apat na taon na siya at hindi naman
nasayang ang pagpapaaral dito dahil malalaki ang marka nito.

Pinangako ni Moi sa sarili na balang araw ay babalik siya sa kaniyang Ina sa Dumaguete
kapag naka graduate. Mag iipon siya ng maraming pera at hindi na magiging pabigat
ng sa gayo’y hindi na siya iwan nito at magkakasama na sila ulit.

Ngunit ang pangakong yun yata’y hindi na matutupad ng isang araw ay nakatanggap
siya ng tawag.

“Hi tita. May problema po ba?”

“Moi, wala na ang Mama mo.”

Parang tumigil ang mundo ni Moi. Ilang salita lang ito pero gumuho dahil dito ang rason
ng ilang taon niyang pagsisikap. Iniwan niya ang lahat sa paaralan at nagmamadaling
umuwi. Hindi man maayos ang naging pagsasama nila ng kaniyang ina’y nagdadasal
parin siya na sana’y prank lang ang lahat. Ngunit nabigo siya ng pagdating niya sa
bahay ay nakita niya ang kaniyang Tita Jane na mugto ang mata. Katabi nito ang isang
bagaheng dala niya noong nag punta siya sa bayang ito. Napaupo si Moi at parang
batang umiiyak sa sahig.

Bakit kaya hindi patas ang mundo? Bakit hindi nalang lahat kompleto ang pamilya?
Isang beses lang tayong mabubuhay diba kaya bakit magiging ganito pa?

Sa mura niyang edad, ang nasa isip ni Moi ay kapag hindi ka mabait at wala kang silbi
ay iiwan ka ng mga tao. Kailangan mong maging matagumpay sa buhay dahil kung
hindi, hindi karin gugustohin ng mga ito.

Panget man pakinggan pero yun ang totoo. Hanggang ngayo’y hindi niya maintindihan
kung bakit ganoon ang pamamalakad dito sa mundo.

Kalahating araw ang byahe papuntang Dumaguete. Ito ang unang beses na babyahe
siya papunta sa bayang sinilangan. Sumakay si Moi sa unang bus at ng dahil siguro sa
kakaiyak ay nakatulog siya. Pagkagising niya ay nasa terminal na sila ng Cebu.

Ginisig din niya ang katabing lalaki dahil nakaharang ang mga binti nito. Matagal bago
ito nagising at hindi man lang ito nag-sorry kaya nainis siya pero hindi nalang ito
tinapunan ng tingin. Maayos sana ang mukha nito at kung hindi siya nagkakamali ay
parang kaedad lang niya.

Kumain muna siya sa isang fast food chain at pagkatapos ay hinanap ulit ang bus na
sasakyan. Ng nahanap ay nilagay niya ang bagahe sa compartment sa ibabaw ng
uupuan niya sana, ngunit nagulat ng may biglang sumingit at umupo sa katabing upuan
dito. Pumwesto pa talaga ito sa katabi ng bintana.

At hindi siya makapaniwala na ang lalaki kanina na naman ito. Imbes na umupo katabi
nito, lumipat siya sa katapat na upuan. Narinig niya itong tumawa pero hindi na niya ito
nilingon.

May tililing siguro ito.


Umandar ang bus at hindi naging komportable si Moi. Gusto niyang matulog pero
masyadong umuuga ang bus at hindi talaga siya komportable kapag hindi sa may
bintana nakaupo kaya masama ang loob nya habang nakikinig ng musika. Kung hindi
lang sana siya inagawan ng lalaki. Yun ang nasa isip niya.

Lumipas pa ang isang oras at kinulbit siya ng babaeng katabi nung lalaki.

“Ms. Ayos lang ba kung palit tayo?”

Kumunot ang noo niya at tinignan ang babae ng may pagtataka.

“Sige na please?”

Nabigla siya at tumayo nalang din. Bakit kaya gustong gusto nito lumipat? Ininis din
kaya siya ng lalaki?

Walang nagawa si Moi kung hindi ang tumayo at umupo sa tabi ng lalaki. Nakapikit ito
ng kaniyang madatnan. Baka nga nainis ang babae sa pagmumukha nito. Tama.

Ilang segundo palang siyang nakaupo ng bigla itong magsalita.

“Palit na tayo… at paumanhin.”

Hindi agad nakapagsalita si Moi. Tinignan niya ang lalaking katabi at nakitang nakadilat
na ang mga mata nito at nakatingin sa kaniya. Sobrang ganda ng mata nito sa
malapitan. Natatamaan ito ng liwanag sa labas.

Nginitian niya ito at hindi na tumanggi pa. Ilang minuto ang lumipas at nakatulog nga
siya. Napanaginipan niya ang isang lugar kung saan lumalangoy siya sa dagat. Pagdilat
niya ng mata ang unang bumungad sakaniya ay panga ng isang tao. Agad siyang
lumayo ng namalayang sa balikat pala siya ng lalaki nakatulog.

“Sorry!”

Tinitigan lang siya nito at tumawa. “Wala ‘yon.”

Kahit ganoon ang sinabi nito ay nahiya parin si Moi. Bakas kase sa mukha ng lalaki ang
panunukso.

Tinignan ni Moi ang oras at nakitang pasado alas dos na pala. Isang oras pa at bababa
na sila. Binidyuhan ni Moi ang tanawin sa labas. Nag aagaw ang kulay asul at berde sa
dagat. Nagsasayawan ang mga puno at nag aawitan din ang mga Ibon. Pinoproblema
din kaya ng nga ibon ang ulan? O hindi dahil ito’y kanila ng napaghahandaan?Hindi
maiwasang isipin ni Moi na may mga bagay parin talagang hindi nag babago lumipas
man ang panahon. Kung sana’y ganoon nalang lahat, ang payapa siguro ng mundo.

Natigil sa pag mumuni muni si Moi ng may tumunog ng flash ng camera. Nanlalaki ang
mata ng katabi niya habang hawak ang digital cam nito. Na para bang nahuli siyang
gumawa ng isang krimen.

“Sabihan mo ako para makapag handa naman.” Biro ni Moi.

Tumaas ang sulok ng labi ng lalaki at naglahad ng kaniyang kanang kamay. “Karl.”

Tinignan ito ni Moi. Wala siyang kaibigang lalaki. May mga nanliligaw naman pero agad
niya itong tinatanggihan. Hindi naman sa ayaw niya, may gusto pa lang talaga siyang
makamtan at nakakapag hintay naman ang pag-ibig. Nakakalungkot lang na wala na
ang kaniyang Ina.
Tinanggap niya ang kamay ni Karl at nagpakilala. Sa loob ng trenta minuto ay nag usap
ang dalawang bida. Nalaman nila ang kwento ng isa’t isa at hindi sinasadyang may
koneksyong nahulma.

“Bakit ka pa nakiusap na bumalik siya? Diba nalaman mo ng matagal na siyang


nagtataksil sa’yo?” Tanong ni Moi kay Karl ng napag usapan nila ang buhay pag-ibig
nito.

“’Di ko rin maintindihan sarili ko noon pero sa tingin ko dahil lahat ‘yun sa pagmamahal.
Maganda na rin iyon. ‘Yun bang bago ka sumuko alam mo sa sarili mong ginawa mo
ang lahat. Wala kang pagsisisihan dahil ibinuhos mo na.”

Sumimangot si Moi sa sagot ng lalaki. “Parang ayoko nalang talagang magmahal. Paano
‘pag yung una ko mamahalin ay hindi pala para sa’kin?”

“Darating ka talaga sa point na ‘yan. Akala mo siya na pero hindi pala. May mga tao
talagang ganoon. Yung dadaan lang para mag-iwan ng leksiyon. Kaya ‘wag kang
matakot mahulog dahil darating at darating talaga ang araw na malulunod ka. Mung
ako sayo, tumalon ka nalang at sabayan ang agos ng dagat.”

Sa puntong iyon, napatitig si Moi kay Karl. Hindi niya mawari pero nakaramdam siya ng
ka-pamilyaridad.

Dumaan pa ang ilang minuto ng biglang tumigil ang bus. Muntik ng mabagok ang ulo ni
Moi sa harap buti nalang at naagapan ng kamay ni Karl. Nagkagulo ang loob ng bus at
ilang minuto rin ay pumasok ang drayber at konduktor.

“Pagpasensyahan niyo na pero kailangan niyong lumipat ng ibang sasakyan. Nasira ang
dalawang gulong at tatlong oras pa bago maayos ito.”

Nanlumo ang lahat pero wala ring nagawa. Nauna si Moi na bumaba bitbit ang nag iisa
niyang maleta. Papunta na siyang waiting shed kasama ang iba pang pasahero ng
tawagin siya ni Karl. Nakita ni Moi na parang nagdadalawang isip itong mag salita pero
pinagpatulpy din naman.

“Moi, gusto mo bang sumama sa Argao? Doon na tayo sumakay sa terminal dahil
mukhang wala talagang dadaang bakanteng bus dito.”

Gusto niya pero ayaw niyang bumalik. Gusto niya pang makasama si Karl pero hindi
niya kayang mag take risk. Baka naman may dumaan. Kailangan niyang makapunta
agad sa libing ng Mama niya. Kaya tinanggihan niya ang offer ng lalaki.

Nakita niyang nawala ang kislap sa mata ni Karl pero hindi na niya ito binigyang diin.
Ngumiti ang lalaki at nagpaalam sa kaniya.

“Ingat ka, Moi.”

“Ikaw rin.”

Tinignan niya ang papalayong bulto ng lalaki. Gusto niya itong sundan pero hindi niya
kaya. Ilang minuto lang silang nagka-usap pero parang nakwento na niya lahat ng
tungkol sa sarili niya na hindi niya pa nagagawa sa tinagal tagal niya sa mundo. Hindi
maexplain ni Moi pero ang gaan ng loob niya kay Karl. Na para bang matagal na silang
magkakilala.

Tama nga si Karl. Lumipas ang dalawampung minuto at wala talagang bakanteng bus
ang dumaan. Nag si alisan na rin ang ibang kasama niya sa waiting shed. Bumuntong
hininga si Moi ay napagpasiyahang lakarin ang dinaanan ni Karl kanina. May nakikita
siyang mga bahay doon at tindahan.
Nagtanong si Moi at kinausap ang ibang mga matatanda. Sinagot siya ng maayos ng
mga ito at tinuro nito ang direksyon kung saan may mga tricycle na pwedeng maghatid
papuntang Argao Terminal. Lumiko siya sa isang eskinita at napansin ang mga batang
naglalaro. Nagtatawanan ang mga ito. Mukhang masisiyahin ang mga tao sa lugar dahil
nakangiti ito kapag tinatapunan niya ng tingin. Tumigil si Moi sa isang tindahan at
bumili ng saging. Tinanong siya ng tindera kung naliligaw ba siya at sinabi niya namang
hindi. Tinuro din ng tindera ang daan patungo sa may mga tricyle at pinayuhan siyang
gumamit nalang ng GPS. Nagpasalamat siya dito bago umalis.

Nag ring agad ang cellphone niya ng in-off niya ang airplane mode. Unknown number
ang tumatawag pero sinagot niya pa rin.

“Hello, Moi?”

“Yes. Sino po ‘to?”

“Si Tiya Agnes mo ito. Kapatid ng Nanay mo.”

Tumigil si Moi sa paglalakad at pumunta sa gilid ng kalsada. “Yes po tiya. May problema
po ba?”

“Wala naman. Tanong ko lang sana kung ayos ka lang? Hindi ka ba naligaw?”

“Hindi naman po Tiya. Kamusta na po kayo?” Ang huling memorya ni Moi sa Tiya Agnes
niya ay noong naghatid ito ng pansit sa kanila. Kaarawan niya noong araw na iyon at
walang wala talaga silang pera. Kaya naman laking tuwa niya ng nagdala ng pansit ang
Tiya niya.

“Napakabuti mong bata ka. Hindi ka ba galit sa akin? Ako iyong naghatid sa iyo noong
binigay ka ng Mama mo.” Gumaragalgal ang boses nito kaya naman naging emosyonal
agad si Moi.

“Bakit naman po ako magagalit e ang bait-bait niyo po sa akin. Tiya, kung sana’y nasa
ibang sitwasyon lang tayo noon ay tiyak ko namang hindi niyo ako ibibigay.”

“Tama ang Mama mo. Mapapalaki ka nga ni Jane ng maayos. Alam mo bang lagi ka
niyang binibida sa lugar natin? Sinasabi niya na Nars na daw ang anak niya. Wala iyong
bukam bibig kung hindi ang edukada niyang anak. Moi… Patawarin mo sana si Grace,
kahit na ganoon lang ang kapatid ko, mahal na mahal ka nun. Pinapasabi pa nga niya
na kung mawala raw siya ay ‘wag na daw ipaalam sayo dahil baka daw maiyak ka.
Matagal ka pa naman daw tumahan.”

Hindi nakapag salita si Moi at tanging ang mahihinang hikbi lang niya ang maririnig sa
tahimik na kanto. Binaba na ng Tiya Agnes niya ang tawag pero hindi pa rin siya
nakagalaw.

Buong buhay ni Moi ay hindi siya masyadong humahalubilo sa tao. Natatakot kasi
siyang mapamahal at iwanan na naman. Pero mali palang katakotan ang pag-ibig dahil
ang mas nakakatakot ay ang kawalan ng oras na ito’y maipadama dahil huli na.

Sa ilang minutong paglalakad ni Moi ng wala sa sarili, hindi niya namalayang nakabalik
na pala siya waiting shed. Napakamot siya ng ulo at akmang babalik na sana sa
dinadaanan kanina ng may narinig siyang pamilyar na boses.

“Kaunting hintay nalang po talaga, Manong pasensya na.”

“Bilisan mo at ilang minuto na ang lumipas. Ano dadating ba talaga yung kasama mo o
hindi?”
Tinitigan ni Moi ang frustrated na mukha ni Karl habang kausap ang driver ng bus.
Nahihibang na siguro ito’t naisipang ipa tigil ang sinasakyan. Pero kahanga-hanga ang
ginawa niya, napaka swerte ng kaibigan nito kung sino man siya.

Tinignan ni Moi ang oras at nakitang malapit na talaga siyang ma-late. Tatalikod na
sana siya paalis ng tinawag siya ng napakalakas ng lalaki.

“MOI, hali ka na!”

Hindi siya makapaniwalang nilingon ito. Seryoso ba ito? Hindi agad nakagalaw si Moi
kung hindi pa pumasok ang driver sa bus ay hindi siya magmamadaling lumakad
papunta kay Karl.

Kinuha agad ng lalaki ang bagaheng dala niya at pumasok sila sa bus. Hindi siya
makapaniwala sa nangyari.

“Kinabahan ako dun ah. Akala ko hindi na kita maabutan. Buti nalang talaga at nakita
kita.”

Nakaupo ngayon sa tabi ng bintana si Moi. Tinitigan niya si Karl na ngayoy nakaharap
sa drivers seat habang pinapahiran ang pawis nya sa mukha. Ginawa niya ba talaga
iyon para sa’kin? Yun ang tanong ni Moi sa isipan.

Parang tumigil ang tibok ng puso ni Moi at ng gumana ito ay mabilis na. Hindi na ulit
naging normal. Hindi niya alam kung kikiligin ba siya or maiiyak. Wala pang taong nag
effort na ganoon sa kaniya. Sa isang hindi ka kilala pa.

Kinuha ni Moi ang bimpong hawak ni Karl at siya na ang pumahid sa pawis nito. Nakita
niyang nabigla ang lalaki at biglang naging parang tuod. Napangiti siya sa inakto nito at
di kalaunan ay nakita niyang ngumiti rin ito.

Ilang minuto ang lumipas at nakarating na sila sa pier. Habang papalit patungong
daungan ang bus parang may kung ano ding lungkot ang sumaklob sa kaniya.
Nakakalungkot dahil kailangan na nilang mag hiwalay.

“Sana ay maramdaman mo na ang pagmamahal Moi. At kung dadating man siya,


huwag kang matakot mahulog dahil alam kong kung sino man ang magkakagusto
sa’yo, hindi mo na kailangang lumangoy dahil siya ang magsisilbi mong snorkeling
mask.”

Napangiti si Moi sinabi nito. Hindi man aminin ni Moi pero nahulog na siya kay Karl.
Ayaw niyang mahiwalay dito pero kailangan. Naniniwala si Moi na kung para sila talaga
sa isa’t-isa ay pagtatagpuin sila ng mapaglarong tadhana.

Iniwan ni Karl ang isang papel kung saan ang numero niya pero sa ‘di inaasahang
pangyayari, nilipad ito ng hangin at nahulog sa dagat.

Kaya baka rin tulad ng sinabi ni Karl, may mga tao talagang dadaan lang sa buhay natin
para mag iwan ng kakintilan.

Kagaya rin ng naranasan ni Moi. Huwag tayong matatakot na lumiko kapag hindi
dumating ang bagay na ating hinihintay. Matuto tayong magtanong at makihalubilo.

At ang pinaka importante sa lahat ay ang magpatawad.

You might also like