You are on page 1of 5

Pahina 1 ng 5

Ilang Suliranin Tungkol sa Intelektwalisasyon ng


Filipino
ni Bonifacio P. Sibayan

Tatalakayin ko sa artikulong ito ang ilang suliranin tungkol sa pagpapaunlad o


intelektwalisasyon ng wikang Filipino. Naniniwala ako na hindi natin maaaring sabihin na ang
intelektwalisasyon ay susi sa maunlad na pagtuturo at pagkatuto kung hindi natin mauunawaan
kung bakit, paano, at kung anong larangan ng wikang Filipino ang dapat bigyan ng
intelektwalisasyon.

Pagpaplano ng Wika (Language Planning)


Lahat ng kasangkot sa pagtuturo at pagsusulong ng wikang Filipino ay dapat maging masugid
sa pagbibigaymalasakit sa pagpaplano ng wika. Ang pagkuha ng isang asignatura o subject
sa Language Planning ang magpapakilala sa isang mag-aaral ng mga huwarang teorya at
praktikal na pagkaunawa sa ilang bagay tulad ng mga sumusunod:

1. Pagpapasya o pagpili ng wika (language determination or selection)


2. Paglinang at pagpapaunlad ng wika (kung saan isang bahagi ang intelektwalisasyon)
3. Patakaran ng pagbabalangkas ng wika (para maunawaan ang katwiran ng pag-aaral ng
dalawang wika o ang sinasabi nating edukasyong bilinggwal o bilingual education)
4. Pagpoprograma ng wika
5. Pagsasagawa o implementasyon ng wika (kung saan paraan at pamamaraan ng
pagtuturo ay dalawang paksa lamang)
6. Pagpapahalaga ng wika

Marami pang ibang masalimuot na paksa ang dapat maunawaan ng mga tagapagpaunlad,
tagapagtaguyod, tagatangkilik, tagapagtanggol ng wikang Filipino. Ilan sa mga ito ay ang mga
sumusunod:

1. Ang pagpapalit at pagbabago ng wika (language replacement and language shift)


2. Ang tungkulin (role) o bahaging ginagampanan ng Filipino na may kinalaman sa Ingles at
sa iba’t ibang katutubong wika ng mga di-Tagalog sa iba’t ibang larangan ng wika
(language domains)
3. Ang tungkulin o bahaging ginagampanan ng Ingles sa intelektwalisasyon ng Filipino
4. Kung bakit kailangang maintelektwalisa ang Filipino, at kung paano ito isasagawa
5. Ang kontribusyon ng ibang katutubong wika sa pagsulong ng Filipino
6. Ang karapatan ng isang tao o grupo sa wika (language rights)
7. Ang intelektwalisasyon ng Filipino sa iba’t ibang larangan ng wika

Ang Pagpapalit ng Isang Wika


Isa sa pinakamahalagang layunin sa pagpapaunlad ng Filipino ay ang paghalili nito sa Ingles
balang araw.

Ipinahayag ng Executive Order No. 335 ang pagpapasiya sa paggamit ng Filipino na pampalit
sa Ingles. Ngunit tinanggihan ng mga Cebuano ang nasabing pahayag. Bakit? Sapagkat
ang mga mamamayang Pilipino, tulad ng mga Cebuano, na di likas na gumagamit ng wikang
Tagalog, ay mawawalan ng silbi o malalaos.
Pahina 2 ng 5

Pansinin na ang mga Cebuano ay di tumutol sa paggamit ng Filipino sa mga larangan ng lingua
franca o wikang pantelebisyon, pampelikula, at dyaryo o pahayagan. Ngunit sila ay tumutol sa
pagpapalit ng Filipino sa wikang Ingles sa dalawang larangan ng wika – sa larangan ng
pamahalaan at sa larangan ng edukasyon. Ang ibig sabihin nito, ang pagtanggap o pagtutol sa
pagpapalit ng Filipino sa wikang Ingles ay may kinalaman sa mga larangan o pinanggagamitan
ng wika.

Maraming katwiran ang mga Cebuano sa pagtutol sa pagpapalit ng wikang Filipino sa wikang
Ingles. Ang dalawa sa mga ito ay ang mga sumusunod:

1. Hindi nila gusto ang ginagawang paglapastangan sa kanilang katutubo at natamong


karapatan sa wika. Binigyang-diin ng vice-mayor ng Cebu ang bagay na ito nang sabihin
niya sa isang kapulungan kamakailan sa De La Salle University na “ang mga Tagalog ay
nagpupumilit na isungalngal ang wikang Tagalog sa aming lalamunan” (ram Tagalog
down our throats).
2. Nararamdaman nila na sila’y nanganganib dahil hindi sila handang magsalita at magsulat
sa Filipino.

Ang pagtutol na ito ng mga Cebuano ay isang magandang halimbawa sa hirap ng pag-
intelektwalisa sa isang wika at ng isang bansa. Totoong napakahirap palitan ang isang wikang
intelektwalisado na tulad ng Ingles na ginagamit sa mahahalagang larangan ng wika. Noong
araw, ay mas madaling napalitan ng Ingles ang Español dahil ang Ingles ay intelekwalisado na
noon pa man. Ang kailangan lang noon ay ang pagtuturo nito sa mga tao o pagintelektwalisa
sa mga tao. Sa ibang salita, handa na ang Ingles noon na pampalit sa Español.

Tatlong Uri ng Larangan ng Wika (Three Types of Language Domains)


Upang maintindihan natin ang hirap ng suliranin sa pag-intelektwalisa ng Filipino ay kailangan
nating malaman ang teorya ng larangan ng wika (theory of language domains) at ang paggamit
nito sa pag-unlad ng Filipino. Pag-aralan natin ang sumusunod na tatlong uri ng larangan ng
wika : (i) di mahalagang larangan ng wika (noncontrolling domain of language), (ii) medyo
mahalagang larangan (semicontrolling domain); at (iii) mahalagang larangan ng wika
(controlling domain of language).

Ang di mahalagang larangan ng wika ay maaaring di nakasulat at maaaring gamitin sa kahit


anong wika. Halimbawa, ang larangan ng tahanan at ang larangan ng lingua franca. Hindi natin
kailangang planuhin ang paggamit ng Filipino sa mga di mahalagang larangan. Isang malaking
pagkakamali ang paniwalang dahil ang Filipino ay ginagamit sa pagsasalita at naiintindihan ng
halos lahat ng mga Filipino sa di mahalagang larangan ay maaari na rin itong gamitin sa
bahaging larangan ng pamantasan o higher education. Ang uri ng Filipino na sapat para sa
tahanan o para sa lingua franca ay maaaring hindi sapat para sa larangan ng edukasyon sa
pamantasan.

Ang mga medyo mahalagang larangan ay ang mga larangan kung saan ang pagsusulat ay
hindi sapilitan. Ang ibig sabihin nito ay maaaring sumali ang isang tao nang halos lubos sa mga
ito maski hindi marunong magsulat at magbasa nang maayos. At hindi rin binibigyan ng pansin
ng mga tao ang wikang ginagamit sa mga medyo mahalagang larangan. Ang mga halimbawa
ng medyo mahalagang larangan ay ang relihiyon at ang libangan (entertainment).

Ang ikatlong uri ng larangan ng wika ay ang mga mahalagang larangan. Ang mahahalagang
larangan ay ang larangan na nangangailangan ng mabuti at wastong pagbasa at pagsuat. Ang
wika na kailangang gamitin sa mahalagang larangan ay ang tinatawag sa Ingles na learned
Pahina 3 ng 5

language. Ito ang mga larangan ng wika na dapat bigyan ng pansin ng mga tagapagtaguyod ng
wikang Filipino. Ang mga mahalagang larangan ay nangangailangan ng pagtatala, tulad ng
computer data bank.

Sa ibang salita, maliwanag na ang mahalagang larangan ng wika ang nangangailangan ng


intelektwalisasyon.

Ang ilan sa mga importante o mahalagang larangan ay ang mga sumusunod: (i) edukasyon
(lalo na ang hayskul at ang pamantasan); (ii) pamahalaan; (iii) pagbabatas; (iv) hukuman; (v)
agham at teknolohiya; (vi) negosyo, pangkalakalan at industriya; (vii) ang mga propesyon na
may bahaging larangan (sub-domain), tulad ng medisina, abogasya, atb.; (viii) mass media
(broadcast and print); at (ix) literatura.

Ang Register
Kailangang tandaan natin na bawat bahaging larangan o bahaging-bahaging larang (sub- and
subsubdomain) ay may sariling register. Ang ibig sabihin ng register ay ang tanging paggamit
ng wika sa isang larangan o bahaging-larangan. Ang konseptong ito ay mahalaga sa pag-intindi
ng mga suliranin ng intelektwalisasyon ng wika. Halimbawa, alam nating lahat na kung
hindi tayo doktor, hindi natin maiintindihan ang register ng medisina na nakasulat sa Ingles.

Katangian ng Mahahalagang Larangan ng Wika


Ang mahahalagang larangan ng wika ay may sumusunod na mga katangian:

1. Idinidikta nila ang wika na kailangang pag-aralan at gamitin.


2. Ang wikang ginagamit ay specialized at learned. Samakatwid, kinakailangan ng kaalaman
na tiyak, kaya kailangan ng specialization.
3. Ang mga mahalagang larangan ay nangangailangan ng dunong ng pagsasalita,
pagbabasa, at pagsusulat; kailangan dito ay precise language o tiyak, tumpak, ganap na
salita; hindi katulad ng ginagamit natin sa di mahalagang larangan ng wika.
4. Ang kaalaman sa mahalagang larangan ay iniipon (cumulative). Kung kaya’t
kinakailangang malaman ang karunungan ng nakalipas (past knowledge) at
kasalukuyan. Ang karunungan ng nakalipas ay nasa mga aklat, journals, at ngayong
may computer na, nakaimbak sa data banks. Maliwanag na maliwanag na halos lahat
ng nakalipas na karunungan sa mahalagang larangan ay hindi magagamit sa Filipino.
5. Ang pagdami ng kaalaman sa mahalagang larangan ng wika ay mabilis. Ang
kasalukuyang karunungan ay nasa bagong mga aklat, pangkasalukuyang journals at
pananaliksik na papel (research papers). Ito ay hindi makukuha sa Filipino.

Ang pagsabog (explosion) ng karunungan sa mahalagang larangan ay katakut-takot. Ang


paghahabol sa pagsabog ng kaalaman na nakasulat at nakatala ay isa sa pinakamalaking
suliranin sa intelektwalisasyon ng Filipino at ang pagpapalit nito sa Ingles. Sa kasalukuyan, ang
bagong karunungan ay batay sa nakalipas na karunungan na matatagpuan ng mga Pilipino sa
Ingles at hindi sa wikang Filipino.

Samakatwid, inaasahan natin ang pag-unlad ng Filipino sa mahalagang larangan at bahaging


larangan; kinakailangan natin ang nakalipas at ang kasalukuyang karunungan sa Filipino. Ito ay
isang kailangang gawain. Ang lawak ng suliranin ay sobrang malaki at nakakalito. Kung
inaasahan natin na papalitan ng Filipino ang Ingles, kailangan na hindi lamang ang wikang
Filipino ang maintelektwalisa; isama natin ang pag-intelektwalisa ng mga tao, ng mga Pilipino
sa buong bansa.
Pahina 4 ng 5

Ang isa sa mga unang dapat gawin sa intelektwalisasyon ng Filipino ay ang isang
intelektwalisadong wikang katulad ng Ingles na ginagamit sa mga mahalagang larangan ay
hindi maaaring palitan nang basta ganoon lang ng isang wikang hindi intelektwalisado. Malinaw
na kinakailangang mas mabuti ang ipapalit.

Hindi sapat ang mga dahilang nasyonalismo, o pagkamakabayan at patriotismo o pag-ibig sa


bayang tinubuan, gayundin ang pagkakakilanlan (identity) upang palitan ang Ingles. Karamihan
sa mga Pilipino, lalung-lalo na ang mga di Tagalog, ay hindi naniniwala na ang Filipino ay tatak
ng nasyonalismo o patriotismo. Tama sila. Ito ay bahagi ng kanilang karapatang pangwika.

Ang Bahagi o Papel (Role) ng Ingles sa Intelektwalisasyon ng Filipino


May paniwala ang maraming tagapagtanggol ng Filipino na hindi natin kailangan ang Ingles.
Sapat na rin daw na marunong magsalita, magbasa, at magsulat sa Filipino. Hindi lamang ito
isang malaking pagkakamali; ito ay delikado sa kasalukuyang kalagayan ng Filipino. Ang
tagapagtaguyod ng Filipino ay dapat magaling sa Ingles dahil ang wikang Ingles lamang ang
paraan kung paano maiintelektwalisa ang Filipino.

Harapin natin ang katotohanan. Kaunti lamang ang kaalaman, kung mayroon man, sa
syensyang panlipunan, agham at teknolohya, matematika, medisina, batas, atbp., sa wikang
Filipino. Ang kaalaman ukol sa mga larangang ito ay maaaring makuha sa Filipino sa
pamamagitan ng pagsasalin (translation). Ngunit halos wala pang naisasalin sa mga larangang
ito. Halimbawa, paano ipamamahagi ang karunungan sa medisina sa isang taong marunong
lamang sa Filipino. Imposible. Hindi maaari.

Ano, samakatwid, ang magiging gamit ng Filipino kung hindi ito maaaring gamitin sa pagkuha
ng karunungan?

Mga Mungkahi
Kung maaari akong magbigay ng mungkahi, ang aking mungkahi ay ang mga sumusunod:

1. Lahat ng tagapagtaguyod ng Filipino, lalung-lalo na sa larangan ng edukasyon, na hindi pa


nag-aaral ng Language Planning, ay dapat mag-umpisa na.
2. Ang mga tagapagtanggol ng Filipino ay dapat makaalam tungkol sa mga suliranin ng
pagpapalit at pagbabago ng wika.
3. Hindi sapat na ang mga tagapagtanggol ng Filipino ay marunong lamang sa pamamaraan ng
pagtuturo sa Filipino. Dapat ay magaling sila sa Ingles at Filipino. Bukod sa pagiging guro,
dapat sila ay mga iskolar, tagapagsaliksik, at manunulat sa tiyak na karunungan.
4. Ang Filipino, upang umunlad at maging intelektwalisado, ay dapat gumamit ng Ingles.
5. Bigyang-diin ang karunungan,hindi ang pamamaraan.
6. Ang mga guro, tagapagtaguyod ng Filipino, at mga kasapi sa mga samahang pangwika ay
dapat magsaliksik para sa Language Planning. Ang mga solusyon sa mga suliranin ng
wikang Filipino ay kailangan ng karunungan o iskolarsyip; hindi paghula at pakiramdam.
7. Sapagkat ang karunungan ay iniipon (cumulative), ang mga tala ng nakalipas na karunungan
ay dapat isalin. Ito ang dapat gawin ng mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino.

Isang Bagay na Dapat Pansamantalang Tigilan


Sa wakas, uulitin ko: May mga bagay-bagay na dapat huwag nang bigyang diin ng mga pinuno
o tagapagtaguyod ng wikang Filipino para mas mabigyang tugon ang mahigpit na
pangangailangan sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Halimbawa, ang mga tagapagtaguyod
ng Filipino ay dapat tumigil muna sandali sa pag-uukol ng panahon sa mga pamamaraan o
methods of teaching.
Pahina 5 ng 5

Iminumungkahi ko na dapat pagukulan ng pag-aaral ng mga tagapagtaguyod ng Filipino ang


larangan ng karunungan na nauukol sa Language Planning. Napakahirap intindihan ang
paksang intelektwalisasyon ng Filipino kung hindi natin alam ang iba’t ibang bahagi at kuntil-
butil o detalye ng Language Planning.

(1990)

You might also like