Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 7

Ang Pagtataguyod ng Wikang Pambansa sa Mas Mataas na Antas ng Edukasyon at Lagpas Pa!

Ang CMO 20-2013, at ang Suri ni Bienvenido Lumbera – Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas
Paglinang! Talakayin Natin!
Ang Filipino ang wikang pambansa ng Pilipinas, at ito rin ang wikang ginagamit bilang midyum ng
instruksyon sa pagtuturo ng nakararaming mga asignatura sa edukasyon. Masasabi ring ang Filipino ang siyang
identidad natin bilang isang mamamayang Pilipino sapagkat ito ang rumerepresenta sa ating bansa – ang ating
wikang Filipino. Ito ay isang bahagi na ng ating kultura at paniniwala, at maging sa ating edukasyon, sapagkat hindi
maitatangging sa bawat antas o lebel ng ating edukasyon, mapaprimarya, sekundarya o tersiyarya ay may mga
asignaturang Filipino na tinuturo. Ngunit kalakip nito ay may mga pagbabago. Pagbabagong tinanggal ang mga
asignaturang Filipino sa kolehiyo – ang CMO 20-2013. Ano nga ba ito?
Ang CMO 20-2013 o Commission on Higher Education Memorandum Order (CMO) 20, series of 2013 ay
ang pagtakda ng mga bagong General Education Curriculum para sa mga unibersidad at kolehiyo sa Pilipinas.
Ngunit sa kabila ng mga adhikain ng CHED patungkol sa kanilang inilabas na memo sa pagbabagong
mangyayari sa edukasyon partikular sa kolehiyo ay may naglabas ng mga hinaing at reaksyon patungkol dito. Isa na
rito si Bienvenido Lumbera, Ang Pambansang Alagad ng Sining. Pinunto nito ang katuturan at kahagahan ng wika.
Ayon sa kaniya, “Ang wika ay palatandaan ng pagkakaroon ng identidad ng isang bayan, at ang wikang ito ay
kapagka ginagamit sa edukasyon ay makatutulong ng malaki sa pagpapalalim sa mga ideya ng pagmamahal
sa bayan, pagpapahalaga sa kasaysayan… Ang wika ay nag-uugnay sa estudyante sa kanyang pamilya, sa
komunidad na kanyang pinanggalingan, sa kahapon ng bayan.”
Binigyang-diin din niya ang kasaysayan o ang ugat kung bakit may mga taong binabago ang ating sistema
ng edukasyon, partikular sa kung sino-sino ang mga naging impluwensiya nito. Aniya, “Ang ating lipunan ay
lipunang hinubog ng dalawang kolonyal na pananakop (Kastila at Amerikano). At ang mga Pilipino ay
hinubog na mga mamamayang ang kamalayan ay nakatuon sa paniniwala na dapat tinatanggap lamang nila
ang mga ibinibigay sa kanila ng mga may kapangyarihan. Ang itong memo ng ating CHED ay bunga ng ating
kolonyal na edukasyon. Laging ginigiit sa atin na kailangang iadjust ng mga Pilipino ang kanilang
edukasyon sa umiiral na pamantayan ng kanluran. Dun sa pag-angkop na iyon, nagkaroon ng mentalidad na
kinukumpuni ang ating sistema ng edukasyon, at ang CHEd memo ay siyang malinaw na pagkumpuni doon
sa sistema.”
Ipinunto rin ni Lumbera ang magiging epekto ng CHED memo na ito sa kalagayang pang-empleyo ng mga
gurong nagtuturo ng mga asignaturang Filipino partikular sa mga unibersidad at kolehiyo, at ang kanyang sariling
pagpapakahulugan sa naging desisyon at hakbangin ng mga departamentong humahawak sa CHED memo na ito sa
magiging resulta o impak hindi lamang sa aspetong pang-edukasyon, kundi maging sa aspetong pagka-Pilipino.
Ibinulalas rin ni Lumbera ang kaniyang himutok at suhestiyon patungkol sa nasabing CHED memo. “Hindi lubusang
pinag-aralan ang magiging implikasyon nito. Hindi napag-isipan na magkaroon ng unemployment ng
maraming tao. Ano ngayong gagawin sa mga teacher na matagal ng nagtuturo ng Filipino, at ngayon ay wala
ng trabaho? Ang posibilidad ay bababa sila sa high school. Pero hindi naman lahat ng mga nawalan ng mga
trabaho ay maacomodate ng highschool, yun ang hindi nila sinasabi kung ano yung posibleng pasukan
nitong mga taong mawawalan ng trabaho. Kailangang mag-aaral ulit sila. Lahat ng ito ay nasa hinagap
lamang nong mga lumikha ng problema. Isang malaking problema talaga na dapat kilalanin ng mga
namamahala sa ating sistema ng edukasyon ay yung ibinunga ng kolonyal na edukasyon. Ang mga
humahawak ngayon sa departamento ng edukasyon ay produkto nung kolonyal na edukasyon, at natural
yung kanilang mga solusyon ay hindi kumikilala sa mga buhay ng mga mamamayang Pilipino. Ang kanilang
mga solusyon ay mga solusyong mekanikal, hindi ito permanenteng solusyon. Walang malinaw na batayan
sa mga pagpapahalagang dapat ibigay ng sistema ng edukasyon. Huwag nating pakinggan ang CHED!”
Kung pakasusuriing mabuti, ang bawat panig sa pagitan ng CHED at ang mga dalubhasang pumupuna sa
memo na ito ay may kani-kanilang mga positibong punto, bagama’t normal lamang na magkakaroon talaga ito ng
negatibong pidbak sapagkat magkabuhol naman talaga ang positibo at negatibo sa anumang sitwasyon o mga
bagay-bagay. Ngunit bilang isang mag-aaral na nakabasa at nakapagnilay ng aralin na ito, ano ba sa tingin mo ang
tama? At ano ba sa tingin mo ang mali ng pag-uumpukang ito sa pagitan ng dalawan g panig. Bilang pagtataya ay
subukang gumawa ng isang “Repleksyon” sa natalakay na aralin.
Edukasyong Pilipino, Para Kanino?
Ang Ugnayan ng CMO 20-2013, K12 at Internasyunalisasyon
Panayam kina Ramon “Bomen” Guillermo, Melania Flores,
Rep. Antonio “Tonchi” Tinio, at iba pa

Paglinang! Talakayin Natin!


“Napakaraming mga asignaturang itinuturo sa General Education Curriculum ay magkahilera sa
asignaturang itinuturo sa K12. Pagkatapos ng labindalawang taon na pag-aaral ay may maaari na silang
makapagtrabaho. Kung gayon, maaari na silang hindi mag-aral sa kolehiyo.” Patricia Licuanan, CHED.
Sa pangkalahatan sinasabi ng mga humahawak sa departamento ng edukasyon, may kulang yung dating
sampung taon ng ating basic education. Hindi ito umaabot sa tinatawag nating International Standards. Para
maiangkop yung ating basic education sa iba pang mga sistema ng edukasyon sa buong daigdig ay kinakailangan na
umabot ito sa labingdalawang taon. Isang sagabal sa labor mobility ng mga manggagawang Pilipino ang kakulangan
natin ng dalawang taon. Ang pahayag na ito ay sinipi at kinuha mula sa panayam kay Ramon Guillermo, Ph. D.
Philippine Studies, UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.
Dinagdag pa niya na ang tanging layunin ng K12 ay ang pagpapabilis o yung pagpapadulas ng paghahanap
ng trabaho ng isang mag-aaral na nagtapos ng K12 o Senior High School sa ibang mga bansa, at hindi mismo sa
ating sariling bansa. Sa katunayan, sinabi pa niya na hindi naman talaga malaking problema ang kakulangan ng mga
manggagawang Pilipinong nagtatrabaho o pinapadala abroad, sapagkat ipinunto niya na ang Pilipinas ang ikalawa
sa pinakaraming bansang nagpapadala ng mga overseas contract workers.
Binigyang-diin din ni Guillermo na dati ng pinupuna ng ating sistema ang mga malaking kakulangan ng ating
kasalukuyang basic education. Ipinangamba nito na kung magdadagdag o nadagdagan ng dalawang pang taon ay
mas lalo pang mababanat yung dating kulang na nga, at kaniyang minaliit ang naging pahayag ni Licuanan patungkol
sa kakayahan ng mga kabataang nagtapos ng Senior High School na maaari ng makapagtrabaho, at ang paghikayat
nitong maaaring hindi na kinakailangan pang tumuntong ng isang nagtapos ng SHS sa kolehiyo sapagkat sapat na
ang kanilang natamo sa SHS. “Nangangamba tayo dun sa usapin ng streaming ng mga estudyante, meron ng
stream na pang VocTech na lamang, ibig sabihin pagkatapos ng vocational-technical course ng
labingdalawang taon ay diritso na raw sila sa trabaho. Pinaliliit nito ang posibilidad at yung aksisibilidad ng
tertiary education. Ang sinasabi sa kanila ay huwag na lang kayong maghangad ng masyadong mataas at
kayo ay makuntento sa trabahong mumurahin na eeksport natin sa ibang bansa.”
Ipinunto pa ni Guillermo ang pagkakaroon natin ng tindig kaugnay ng K12 at kung ano ba talaga ang
nararapat na gawain para masabing ang ating bansa ay nararapat na tawaging maunlad. “Ang ating tindig naman
ay hindi naman usapin lamang ng bilang ng taon, ang usapin talaga diyan ay sapat na suporta ng estado
para sa batayang o basic education para may sapat na aklat, may sapat na silid-aralan, may sapat na mga
upuan, yung mga guro ay mabigyan ng sapat na pagkakataon na mapaunlad ang kanilang kakayahan. Sa
kabila naman ng kahirapan ng nakararaming Pilipino ay yung sapat na suporta rin na maibibigay sa kanila
para naman matiyak na makapagtapos ang isang daang porsyento ng ating mga kabataan ng basic
education dahil yan talaga ang hinihingi ng pag-unlad ng isang bansa. Isangdaang porsyento dapat ng lahat
ng mga kabataan ay makapagtapos ng basic education.”
Tunay ngang ito ang mismong repleksyon ng ating edukasyon sa Pilipinas at ang kalagayang tinatamasa ng
bawat mamamayang Pilipino, pati na rin ang bawat kabataang Pilipino na sangkot dito. Masasabi ngang ang naging
pahayag ni Licuanan patungkol sa magiging edukasyon ng bawat kabataang Pilipino ay nakakapanghina, sapagkat
nililimita nito ang kakayahan ng bawat kabataang Pilipino na mapaunlad pa lalo ang kanilang mga sarili, hindi lamang
sa gawaing pang-intelektwal, kundi maging sa praktikal na aspetong mas kinakailangan sa realidad. Kumbaga, mas
hinihimok nitong makuntento na lamang sa kung anong meron sa atin, at huwag ng tangkaing mas mapausbong ang
sarili at ang ating estado sa buhay, at ito ay hindi naman talaga angkop sa kung ano ang nangyayari ngayon sa ating
lipunan. Lipunang unti-unting tinatanggap ang mga pagbabago patungo sa progreso na hindi maitatangging may
mataas na standards. Kasi kung pakasusuriin naman talagang mabuti ay hindi magkatugma yung kanilang adhikain
sa isang ika nga International Standard dapat na produkto ng mga kabataan sa kanilang edukasyon kung ililimita mo
lamang sila sa SHS, at maaaring hindi na magtapos ng kolehiyo. Kumbaga, nakalebel ang ating edukasyon sa kung
anong mayroon ang ibang bansa, ngunit ang tanong diyan, ay kung nakalebel ba ang ating produkto o mga kabataan
sa kabataan ng ibang bansa? Ano ang silbi ng isang edukasyon kung ito rin pala ay ililimita, at ang lalong
maaapektuhan nito ay yung mga nasa ilalim na estado sa aspetong pinansiyal. Mas maiging isulong at pagtibayin pa
lalo ang adbokasiya ng edukasyon sa ating mga kabataan sapagkat ang edukasyon ang siyang susi sa pag-unlad ng
isang tao, at ang taong ito ang siyang magiging susi sa pag-unlad ng isang bansa o lipunan, sapagkat meron siyang
matibay na pundasyon ng edukasyon na maaari niyang magamit sa adhikaing pagpapaunlad.
Sa isyu naman ng pagtanggal ng mga asignaturang Filipino sa kolehiyo o ang CMO 20-2013 ay ipinunto ni
Licuanan na hindi naman talaga binura ang Filipino, ngunit ang punto dito ay ang asignaturang Filipino at ito ay
talagang binura sa kolehiyo. Ayon pa nga kay Ramon Guillermo, Ph. D. Philippine Studies, UP Departamento ng
Filipino at Panitikan ng Pilipinas ay matindi ang epekto nito lalong-lalo na sa kamalayan ng bawat kabataang Pilipino
at hindi na ito magiging bahagi ng kanilang buhay sapagkat wala ng asignaturang Filipino sa kolehiyo. Idinagdag pa
nito na lubhang maaapektuhan ang mga gurong nagtuturo ng mga asignaturang Filipino sa mga unibersidad at
kolehiyo dahil wala na silang ituturo, at wala na ring magpapatuloy ng mataas na lebel na pananaliksik sa Filipino.
“Pinapatay nito ang intelektuwalisasyon, ang patuloy na pagsulong at paglaganap ng Filipino bilang isang
akademikong gawain sa ating pamantasan. Hindi ito nagbibigay galang at respeto sa naabot na ng wikang
Filipino bilang isang larangan ng siyentipo at akademikong pag-aaral. Ang Filipino bilang isang wika ay
isang simbolo ng ating pagkabansa, pero hindi lamang mananatili ito bilang isang simbolo, ito dapat ay
isang wika na ginagamit natin sa lahat ng larangan ng ating kaalaman.” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Melania Flores, Pagpaplanong Pangwika, UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng
Pilipinas, “Ang wika ay bahagi ng tinatawag na applied linguistics o sosyo linguistics kung saan may tatlong
area itong tinitignan o binibigyang pansin. Corpus planning, status planning at language acquisition. Paano
ba pinapahalagahan ang wika sa usapin ng wikang pambansa at kung gayon maging opisyal na wika siya
gaya ng sinasaad sa ating konstitusyon at maging wika ng pagkatuto. Sa usapin ng karanasan at
pagpapakahulugan, nakatuon ito sa polisiya at paglutas ng mga problema sa wika. Ang dilemma at lalo na
ang ating pambansang wika ay nasa balangkas talaga ng internalisasyon at tsaka yung marketization of
education. Nangangailangan ito ng isang malakas na pwersa na kontra-agos sa kolonyal na sistema ng
edukasyon para talaga bawiin yung mga tagumpay na nasimulan na sa kontitusyon ng 1987.”
Dinagdagan pa ito ni Antonio Tinio, Representative, ACT Party List, sinabi niya na, “Yung kurikulum, yung
K12, yung CHED memo ay hindi mahihiwalay sa mga patakaran sa National Development na pinatutupad ng
Aquino administration sa balangkas na new liberal globalization. Pagpromote ng labor export policy,
paghikayat ng foreign investment pero hindi sa industriyalisasyon, hindi sa pagpapaunlad ng agrikultura,
kung hindi sa mga serbisyong hinahanap ng mga foreign corporation katulad ng business process
outsourcing, call center at iba pa. So yung kurikulum ay binabagay sa ganyang direksyon ng ekonomiya.
Ang problema nga ay mas nakatuon tuloy sa mga pangangailangan ng mga dayuhang bansa, mga mas
mayayamang bansa, hindi yung sa mga pangangailangan ng mas nakararaming mga Pilipino. Kaya naman
Ingles ang wika na talagang sinusulong sa ilalim ng kurikulum na ito at pinapahina naman yung Filipino.”
Sinang-ayunan naman ito ni Ramon Guillermo, Ph. D. Philippine Studies, UP Departamento ng Filipino at
Panitikan ng Pilipinas sa kaniyang tahasang pidbak sa isyu. “Kailangan matiyak natin na itong pag-eetchapwera
ng Filipino sa ating GE program sa tertiary level ay hindi maisakatuparan. Yan yung pagwasak ng presensya
ng wikang Filipino sa akademya bilang isang lehitimong wika ng pananaliksik at gawaing intelektwal.”

Mga Posisyong Papel ng Iba’t Ibang Unibersidad Kaugnay ng Filipino sa Kolehiyo

Paglinang! Talakayin Natin!


Sa bahaging ito ay ang mga posisyong papel ng iba’t ibang unibersidad partikular ang Ateneo de Manila, La Salle, at
ang Unibersidad ng Pilipinas kaugnay ng Filipino sa kolehiyo.
--------------------------------------------------------------------------

Ang Paninindigan ng Kagawaran ng Filipino ng


Pamantasang Ateneo de Manila sa Suliraning Pangwika sa Kasalukuyan
-Ni Anjon Galauran -Mar 30, 2015
May apatnapung taon na mula nang itatag ang Kagawaran ng Filipino kaakibat
ang Patakarang Bilingguwal ng Pamantasang Ateneo De Manila, bagay na
pinanghahawakan namin upang isulong ang edukasyong multilingguwal, multidisiplinaryo,
at multikultural.
Sa konteksto ng mga pagbabago sa edukasyon na kinakaharap ng bayan ngayon, naninindigan ang Kagawaran ng
Filipino na dapat ipagpatuloy ang puspusang pagpapayaman, pagpapayabong, paglinang, intelektuwalisasyon, at
propesyonalisasyon ng Filipino alinsunod sa ating Saligang Batas (Art. XIV, Sek. 6.).
Hindi lamang midyum ng pagtuturo ang Filipino. Isa itong disiplina. Lumilikha ito ng sariling larang ng
karunungan na nagtatampok sa pagka-Filipino sa anumang usapin sa loob at labas ng akademya.
Hindi lamang midyum ng pagtuturo ang Filipino. Isa itong disiplina. Lumilikha ito ng sariling larang ng
karunungan na nagtatampok sa pagka-Filipino sa anumang usapin sa loob at labas ng akademya. Dapat patuloy
itong ituro sa antas tersiyaryo at gradwado bilang integral na bahagi ng anumang edukasyong propesyonal.
Sinususugan nito ang Pahayag-Misyon ng Kagawaran ng Filipino na itinatakda “Ang propesyonal at
multidisiplinaryong pagtugon sa pangangailangan na iuwi at iugat sa sariling kultura ang pamantasan at lahat ng
pinaglilingkuran nito, hindi sa pamamagitan ng pagtatakwil sa mga kaalamang hiram kundi sa integrasyon nito sa
mga kaalamang sarili.”
Ang banta na alisin ang Filipino sa akademikong konteksto ay magdudulot ng ibayong pagsasalaylayan o
marhinalisasyon ng mga wika at kulturang panrehiyon. Kakabit ng pag-aaral ng Filipino bilang disiplina ang
pagtatanghal at paglingap ng mga wika at kultura ng bayan. Hindi dapat mawala ang wikang panrehiyon sa
diskursong akademiko. At lalong hindi dapat pagsabungin ang mga wika. Sa halip, dapat maging mapagmatyag
laban sa mga tao at institusyong ginagamit ang kasalukuyang isyung pangwika upang itangi ang sarili at kanilang
mga interes.
Dapat maging mapagmatyag laban sa mga tao at institusyong ginagamit ang kasalukuyang isyung pangwika
upang itangi ang sarili at kanilang mga interes.
May ilang institusyon na kinakasangkapan at binabaluktot ang diwa ng akademikong integrasyon,
globalisasyon, at pangkalahatang pagbabago ng edukasyon sa malawakang pagtatanggal at sapilitang paglilipat ng
mga guro at programa mula sa kolehiyo patungong Senior High School. Kailangang panagutan ng mga institusyong
ito hindi lamang ang usaping pangkabuhayan ng mga guro kundi pati na rin ang integridad ng kanilang mga disiplina
at kurso na pinagkadalubhasaan. Hindi lamang legal, kundi usaping moral at etikal ang pananagutang ito.
Hindi sapat ang pagsasabatas ng mga pagbabago sa edukasyon, wika, at kultura. Dapat angkop ang paghahandang
estruktural sa makataong pagpapatupad nito. Kailangang balikan ang konstitusyunal na responsabilidad ng Estado
na itaguyod ang “pangangalaga, pagpapayaman, at dinamikong ebolusyon ng isang pambansang kulturang Pilipino
salig sa simulaing pagkakaisa sa pagkakaiba-iba sa kaligirang malaya, artistiko, at intelektuwal na pagpapahayag”
(Art. XIV, Sek. 14).
Kailangang balikan ang konstitusyunal na responsabilidad ng Estado na itaguyod ang “pangangalaga,
pagpapayaman, at dinamikong ebolusyon ng isang pambansang kulturang Pilipino…
Hindi sapat ang pagsasabatas ng mga pagbabago sa edukasyon, wika, at kultura. Dapat angkop ang
paghahandang estruktural sa makataong pagpapatupad nito.
Bilang mga propesyonal at dalubhasang tagapagtaguyod ng wika, panitikan, at kultura, patuloy kaming
naninindigan sa mga sagisag at adhikaing kinakatawan ng pamamayani ng Filipino sa pamantasan.

Hunyo 21, 2014


Loyola Heights, Quezon City
_______________________________________________

Tungkol sa isyu:
Noong Mayo 2013, pinirmahan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang batas na K-12 (Enhanced Basic
Education Act) na magreresulta sa karagdagang tatlong taon sa sampung taon na basic education ng mga Pilipino.
Ito raw ay para makasabay sa kalidad ng edukasyon sa mga karatig na bansa. Bago mapirmahan ang batas, isang
taon nang ipinapatupad ng Department of Education (DepEd) ang K to 12 sa mga “pilot school” at ihinabol na lang
ang batas para gawing ligal ang patakaran at maipatupad sa buong kapuluan. Kinaharap naman ng implementasyon
ng K to 12 ang maraming usapin, gaya ng kakulangan ng klasrum, guro sa grades 11-12, technical expertise sa
“senior high”, at iba pa. Ibang usapin pa ang pagsusuri at pag-alam sa kalidad ng edukasyong nakukuha ng mga
kabataan sa bagong programang ito.
Alinsunod sa batas na ito, at sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) Memorandum
Order (CMO) No. 20, Series of 2013, ipinataw ng CHED ang General Education Curriculum, na magtatanggal sa
wika at Panitikang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo pagdating ng Akademikong Taon.
Binatikos ng iba’t ibang paaralan ang patakarang ito dahil hindi lang pagtatanggal sa Filipino sa kurikulum
ng kolehiyo ang magiging implikasyon nito, kundi pagtatanggal din ng mga guro sa Filipino na karamihan ay matagal
nang panahong nagsisilbi sa paaralan. Muli ring nabuksan ang mga diskurso at usapan hinggil sa pagpapanatili at
pagpapayaman ng wikang Filipino, pagpapayabong ng sariling kultura at pagmamahal sa bayan.
Mula sa sama-samang pagkilos ng mga guro sa kolehiyo, nabuo ang Tanggol Wika o Alyansa ng mga
Tagapagtanggol ng Wikang Filipino na naglalayon na panatilihin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo, at isulong ang
makabayang edukasyon. Patuloy pa rin ang paglaban ng mga guro at pagkondena sa CHED Memo na inaasahang
maisakatuparan sa S.Y. 2018-2019.

……………………………………………

Pagtatanggol sa wikang Filipino, tungkulin ng bawat Lasalyano


- Ni Anjon Galauran - Mar 25, 2015
Ang pahayag na ito ay bahagi ng pahayag ng Departamento ng Filipino ng De La Salle
University-Manila sa Paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa noong Agosto 2014.
Ang buwan ng Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa. Dahil sa pagbura sa asignaturang
Filipino sa kolehiyo bunsod ng Commission on Higher Education/CHED Memorandum
Order (CMO) No. 20, Series of 2013, nagpasya ang Departamento ng Filipino na gawing
higit na katangi-tangi ang paggunita sa Buwan ng Wika sa taong ito sa pamamagitan ng
pagtatampok ng mga adbokasiyang pangwika. Magsasagawa ang Departamento ng mga
gawaing naglalayong imulat ang ating komunidad sa kahalagahan ng pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa
kolehiyo.
Dapat bigyang-diin na hindi sapat na maging opsyonal na wikang panturo lamang ang wikang Filipino
sapagkat alam naman nating mas nakakiling sa Ingles ang sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas…
Malaki ang pangangailangan sa paglilinaw at pagsusulong ng adbokasiyang pangwika sapagkat mula pa
noong Enero 2013 ay nakikipagdiyalogo na ang Departamento sa administrasyon ng pamantasan upang hilingin na
panatilihin sa kurikulum ng DLSU ang asignaturang Filipino, ngunit hanggang sa kasalukuyan, sa kabila ng lahat ng
ating pagsisikap na ipaliwanag ang kahalagahan ng pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, hindi pa rin
isinama ng Komite sa New Lasallian Core Curriculum (NLCC) ang asignaturang Filipino. Gayunman, sinusuportahan
ng Komite sa NLCC ang opsyonal na paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo sa alinmang asignatura sa
bagong kurikulum. Dapat bigyang-diin na hindi sapat na maging opsyonal na wikang panturo lamang ang wikang
Filipino sapagkat alam naman nating mas nakakiling sa Ingles ang sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas dahil na
rin sa ating pinagdaanang malalim at matagal na kolonisasyon ng mga Amerikano. Hindi rin magiging mabisang
wikang panturo ang Filipino sa Agham, Matematika, Inhenyeriya, Komersyo, Agham Panlipunan, Humanidades, at
iba pa, kung walang asignatura sa kolehiyo na magtitiyak sa pagkakaroon ng mataas na antas ng kasanayan ng mga
mag-aaral sa paggamit nito sa intelektwal na diskurso, komunikasyon, at pananaliksik. Samakatuwid, ang
intelektwalisasyon ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan ay matitiyak lamang kung may asignaturang Filipino na
may inter/multidisiplinaring disenyo sa kolehiyo.
…ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan ay matitiyak lamang kung may
asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring disenyo sa kolehiyo.
Sa ganitong diwa, hinihiling namin sa komunidad ng ating pamantasan na suportahan ang adbokasiya ng
Departamento na adbokasiya rin ng libo-libong mamamayan sa buong bansa at maging sa ibayong-dagat.
Una, naniniwala kami na ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino ay nakapag-aambag sa pagiging
mabisa ng community engagement ng ating pamantasan sapagkat ang wikang Filipino ang wika ng mga ordinaryong
mamamayan sa mga komunidad na ating pinaglilingkuran. Ang pagpapalakas sa ugnayan ng ating pamantasan at
ng mga ordinaryong mamamayan ay alinsunod sa bokasyon ni San Juan Bautista De La Salle na nagsikhay sa
paggamit ng wika ng mga ordinaryong mamamayan sa edukasyon. Dapat bigyang-diin na ang Filipinisasyon ng mga
pananaliksik ng iba’t ibang departamento at kolehiyo sa pamantasan ay makatutulong din nang malaki sa pagtitiyak
na ang ating mga pananaliksik ay higit na magiging kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan.
Ang wikang Filipino ang wika ng mga ordinaryong mamamayan sa mga komunidad na ating
pinaglilingkuran.
Ikalawa, sa konteksto ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Integration, ang pagkakaroon ng
asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring disenyo ay isa sa ating mga potensyal na ambag sa proyekto ng
globalisasyong pedagohikal at sosyo-kultural. Ano nga ba ang iaambag natin sa daigdig kung hindi natin pag-aaralan
ang sarili nating wika at kultura? Paano haharapin ang mundo kung hindi kilala ang sarili?
Ang pagbura sa espasyo ng wikang Filipino sa mga kolehiyo sa Pilipinas ay tiyak na may negatibong epekto
sa espasyo nito sa ibang bansa.
Ikatlo, ang wikang Filipino ay wikang global na itinuturo bilang asignatura o kaya’y komponent ng Philippine
Studies sa mahigit 45 unibersidad at mahigit 100 hayskul sa buong mundo. Ang pagbura sa espasyo ng wikang
Filipino sa mga kolehiyo sa Pilipinas ay tiyak na may negatibong epekto sa espasyo nito sa ibang bansa.
Ikaapat, kinikilala ang kahusayan ng DLSU-Manila sa larangan ng pagtuturo at pananaliksik sa Filipino gaya
ng pinatutunayan ng dalawang ulit na paggawad ng rekognisyon ng CHED sa Departamento ng Filipino bilang
Center of Excellence (COE), ang kaisa-isang Departamento ng Filipino sa buong bansa na may ganitong karangalan.
Mahalagang komponent ng pagiging COE ng Departamento ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino na may
mataas na antas. Kaugnay nito, ang Departamento rin ang nagpapatakbo sa operasyon ng Malay, isa sa iilang
multidisiplinaring journal sa Filipino na may rekognisyong internasyonal. Dagdag pa, kinikilala sa larangan ng
malikhaing pagsulat at pananaliksik ang Departamento, gaya na rin ng pinatutunayan ng mga de-kalidad na
publikasyong inilalathala ng mga guro nito.
Ikalima, sa mga nakaraang dekada ng pag-iral nito, malaki na ang naiambag ng Departamento sa
pamamagitan ng mga regular na proyektong gaya ng Seryeng Panayam, Pambansang Seminar, Community
Engagement, at International Conference, na nakapagdulot ng positibong impact di lamang sa ating pamantasan,
kundi lalo’t higit sa libo-libong mga mamamayang lumahok at lumalahok sa mga ito. Hinggil sa usaping pangwika,
ang Departamento ang isa sa pinakamasigasig sa mga grupong nagbuo sa Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng
Wikang Filipino (TANGGOL WIKA) na ngayo’y nangunguna sa pakikipaglaban para sa wikang Filipino sa antas
tersyarya sa buong bansa. Matatandaang sa inisyatiba ng Departamento at sa pagsuporta ng Kolehiyo ng
Malalayang Sining ay isinagawa sa DLSU-Manila ang asembliya ng pagtatatag ng TANGGOL WIKA noong ika-21 ng
Hunyo. Mananatiling matatag ang Departamento sa pag-aambag sa mga nabanggit na inisyatiba kung magkakaroon
ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, na magtitiyak sa patuloy na pag-iral at pag-unlad nito.
Ikaanim, ginagarantiyahan ng pagkakaroon ng Filipino sa DLSU ang aktibong pakikisangkot ng mga guro ng
Departamento at bawat mag-aaral na Lasalyano sa mga kolaboratibong pananaliksik na isinusulong ng ibang mga
departamento gaya ng Natural Language Processing Department (CCS) kaugnay ng paglinang ng Machine
Translation Software sa Filipino, pagsasalin ng iba’t ibang materyal tulad ng survey instruments mula sa iba’t ibang
disiplina at larangan gaya ng Inhenyeriya, Sikolohiya, Batas, Komersyo, at Ekonomiks, at iba pang gawaing
pananaliksik.
Ikapito, sa pamamagitan ng asignaturang Filipino sa DLSU, inaasahang may sapat na katatasan sa wikang
pambansm a ang sinumang gradweyt ng Pamantasang ito sa pakikipagtalastasan sa iba’t ibang pangangailangan o
kontekstong pangkomunikasyon pang-akademiko man o pangkultura, tulad ng nililinang sa ibang pamantasan.
Ang pagbura sa asignaturang Filipino sa kolehiyo ay nangangahulugan ding pagbura at paglusaw sa mga
Departamento ng Filipino sa buong bansa. Sa kabutihang-palad, tuloy ang pagsusulong ng adbokasiyang
makabayan sa wika at edukasyon ng iba’t ibang grupo sa loob at labas ng bansa. Maging ang administrasyon ng
ilang unibersidad gaya ng University of the Philippines, University of Asia and the Pacific, Philippine Normal
University, Polytechnic University of the Philippines, National Teachers’ College, Assumption College, Mapua
Institute of Technology, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, Xavier University, De La Salle-College of St. Benilde,
De La Salle University-Dasmariñas, Technological University of the Philippines, at iba pa, ay nagpahayag ng suporta
sa pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo sa pamamagitan ng paglagda sa mga posisyong papel na
inihanda ng kani-kanilang mga Departamento ng Filipino, o kaya’y paglalahad ng komitment na magdaragdag ng
required na asignaturang Filipino.
Malinaw na hindi simpleng usapin ng pagsasalba sa trabaho ng mga guro ang adbokasiyang ito. Ang
adbokasiyang ito’y pagsasalba sa kolektibong identidad, sa salamin ng ating kultura, sa daluyan ng
diskursong pambansa, at pagtataguyod ng nasyonalistang edukasyon…
Malinaw na hindi simpleng usapin ng pagsasalba sa trabaho ng mga guro ang adbokasiyang ito. Ang
adbokasiyang ito’y pagsasalba sa kolektibong identidad, sa salamin ng ating kultura, sa daluyan ng diskursong
pambansa, at pagtataguyod ng nasyonalistang edukasyon na huhubog ng mga estudyanteng magiging mga kapaki-
pakinabang na mamamayan ng ating bansa. Umaasa kami na sa pamamagitan ng ating sama-samang pagkilos, ang
makabayang adbokasiya sa wika at edukasyon ng ating unibersidad na nagluwal na ng mga makabayang lingkod-
bayan gaya ni Senador Lorenzo M. Tañada at mga makabayang edukador gaya ni Br. Andrew Gonzalez, FSC, ay
patuloy na mananatiling buhay ngayon at magpakailanman. Hanggang sa mangyari iyon ay ipagluluksa natin ang
pagkamatay ng asignaturang Filipino sa ating pamantasan. Ipagluluksa natin ang katotohanan na sa kasaysayan ng
ating pamantasan, sa ating henerasyon ay namatay ang ating wikang pambansa.
Sa ganitong diwa, inaanyayahan namin ang buong komunidad na makiisa sa mga panawagan ng
Departamento ng Filipino sa pamamagitan ng pagsusuot ng itim na damit o itim na ribbon araw-araw ngayong buwan
ng Agosto. Ang gawaing ito ay simula pa lamang ng ating tuluy-tuloy na pakikibaka para sa kapakanan ng wikang
Filipino at nasyonalistang edukasyon.
Para sa regular na update hinggil sa pambansang pakikibaka para sa wikang Filipino at makabayang edukasyon,
hinihikayat din ang lahat na bisitahin ang www.facebook.com/TANGGOLWIKA
Isulong ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo!
Gamiting wikang panturo ang Filipino sa iba’t ibang asignatura!
Itaguyod ang makabayang edukasyon!
_______________________________________________

Tungkol sa isyu:
Noong Mayo 2013, pinirmahan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang batas na K-12 (Enhanced Basic
Education Act) na magreresulta sa karagdagang tatlong taon sa sampung taon na basic education ng mga Pilipino.
Ito raw ay para makasabay sa kalidad ng edukasyon sa mga karatig na bansa. Bago mapirmahan ang batas, isang
taon nang ipinapatupad ng Department of Education (DepEd) ang K to 12 sa mga “pilot school” at ihinabol na lang
ang batas para gawing ligal ang patakaran at maipatupad sa buong kapuluan. Kinaharap naman ng implementasyon
ng K to 12 ang maraming usapin, gaya ng kakulangan ng klasrum, guro sa grades 11-12, technical expertise sa
“senior high”, at iba pa. Ibang usapin pa ang pagsusuri at pag-alam sa kalidad ng edukasyong nakukuha ng mga
kabataan sa bagong programang ito.
Alinsunod sa batas na ito, at sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order
(CMO) No. 20, Series of 2013, ipinataw ng CHED ang General Education Curriculum, na magtatanggal sa wika at
Panitikang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo pagdating ng Akademikong Taon.
Binatikos ng iba’t ibang paaralan ang patakarang ito dahil hindi lang pagtatanggal sa Filipino sa kurikulum ng
kolehiyo ang magiging implikasyon nito, kundi pagtatanggal din ng mga guro sa Filipino na karamihan ay matagal
nang panahong nagsisilbi sa paaralan. Muli ring nabuksan ang mga diskurso at usapan hinggil sa pagpapanatili at
pagpapayaman ng wikang Filipino, pagpapayabong ng sariling kultura at pagmamahal sa bayan.
Mula sa sama-samang pagkilos ng mga guro sa kolehiyo, nabuo ang Tanggol Wika o Alyansa ng mga
Tagapagtanggol ng Wikang Filipino na naglalayon na panatilihin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo, at isulong ang
makabayang edukasyon. Patuloy pa rin ang paglaban ng mga guro at pagkondena sa CHED Memo na inaasahang
maisakatuparan sa S.Y. 2018-2019.

You might also like