Kabanata 1 Batas Rizal

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

Kabanata I

BATAS RIZAL BLG. 1425 AT DAHILAN NG PAGKAKAPILI


BILANG BAYANI

Aralin 1: Ang Batas Republika Blg. 1425


Aralin 2: Ang Pamantayan sa Pagpili ng Pambansang Bayani
Aralin 3: Dahilan ng Pagkakahirang kay Dr. Jose Rizal bilang
Pambansang Bayani

Panimula
Maligayang pag-aaral sa unang kabanata sa kurso ng buhay at ginawa ni Rizal. Ang
kabanatang ito ay nagbibigay ng talakayan tungkol sa makasaysayang konteksto ng Batas Rizal na
nagbibigay daan sa atin upang mas maunawaan ang mga nilalaman, makatuwiran at kahalagahan ng
batas. Tumatalakay din ito kung ano ang mga pamantayan sa pagpili ng isang pambansang bayani at
mga dahilan ng pagkakahirang kay Dr. Jose Rizal bilang pambansang bayani.

Mga Layunin:
1. Mapahalagahan ang pag-aaral ng buhay at akda ni Rizal.
2. Maisa-isa ang nilalaman ng Batas Republika bilang 1425.
3. Matalakay at nakokontekstwalisa ang nakapaloob sa Batas Rizal.
4. Makapagpahayag ng sariling opinion kaugnay ng kontrobersya tungkol sa pagkakapili ni Rizal
bilang bayani.
5. Mahubog ang pagkamakabayan batay sa natutunan.

Aralin 1
Ang Batas Republika Blg. 1425

Kasaysayan ng Batas
Ang Batas Republika Blg 1425 na kilala sa tawag na Batas Rizal ay pinagtibay noong Hunyo
12, 1956, ang nagbibigay ng mandato sa pagkuha ng kursong Rizal.
Si Sen. Claro M. Recto ang orihinal na may akda at unang naghain ng tinatawag na Senate Bill
No. 438 sa Senado. Sinundan ito ng House Bill No. 5561, isang katulad na panukalang inihain ni Rep.
Jacobo Gonzales sa House of Representatives. Subalit nahirapang makalusot ang pinagsamang
panukala dahil sa mga pagtutol, lalo na ng Simbahang Katoliko, dahil ang nilalaman ng mga nobela ay
labag sa ilang doktrina ng Simbahan at maaaring magpariwara sa Katolikong mambabasa.
Nagbanta ang simbahang magsasara ang mga Katolikong paaralan sa Pilipinas bilang protesta
kapag ipinilit ang panukalang batas. Masigasig itong nilabanan ng Simbahan sa mga pahayag sa misa
at sa lathalain. Sa huli, nagkaroon ng isang kompromiso nang dumaan ito sa Lupon ng Edukasyon ng
Senado na pinamumunuan ni Sen. Jose Laurel. Ang kinalabasan ay ang kilala ngayong Batas Rizal.
Isina-alang-alang sa kompromiso ang hindi paglagay sa alanganin at ang kapariwaraan ng mag-aaral
sa pananampalataya dahil sa sapilitang pagbasa ng mga nobela ni Rizal.

1
Nililiwanag sa puntong ito na ang tinutukoy sa probisyon ng batas ay paglaya sa sapilitang
pagbasa ng mga nobela ni Rizal at hindi mula sa pagkuha ng kurso. Lahat pa rin ng mga mag-aaral,
ano pa man ang relihiyon, ay kinakailangang kumuha ng kursong Rizal para makapagtapos sa kolehiyo.
Ito ay inilathala ni Senador Jose P. Laurel Sr. Ang batas na nabanggit ay ipinatupad ng
Pambansang Kapulungan ng Edukasyon noong Agosto 16, 1956.

Mandato ng Batas
Ang batas ay nagtatadhana ng pagsama sa kurikulum ng lahat ng paaralang pambayan at
pansarili ng kursong nauukol sa buhay, mga ginawa at sinulat ni Jose Rizal lalo na ang kanyang mga
nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Mabibilang sa nilalaman ng batas ang mga sumusunod:
1. Pagpapabilang ng kursong Rizal. Pagpapabilang ng kursong Rizal na saklaw ang buhay,
mga gawain at mga sinulat ni Rizal, lalo na ang mga nobela niyang Noli Me Tangere at El
Filibisterismo sa kurikulum ng lahat ng mga paaralang pampubliko at pribadong saklaw ng
batas ng Pilipinas.
2. Pagbasa ng mga nobela ni Rizal. Pagpapabilang sa talaan ng mga aprubadong babasahin
sa mga paaralan at ang paggamit nito sa mga programang pangkolehiyo sa anyong
unexpurgated o orihinal at kumpletong bersyon ng mga nobela.
3. Pagkakaroon ng kopya ng mga lathalain kaugnay kay Rizal. Paglalagay sa mga silid-
aklatan ng sapat na mga kopya ng mga nobela ni Rizal sa orihinal kabilang ang iba pang mga
lathalain ng mga ginawa at talambuhay ni Rizal.
4. Pagpapalimbag ng mga isinulat ni Rizal. Pagsalin sa Ingles, Filipino, ang mga pangunahing
wika sa Pilipinas ng mga nobela at iba pang mga isinulat ni Rizal at mapalimbag ang mga ito
nang mura at maipamahagi nang libre sa buong bansa.
5. Pagtakda ng walang paglabag. Nililinaw na ang mga ipinag-uutos ng Batas Rizal ay hindi
dapat ipakahulugang pagpapawalang-bisa sa Section 927 ng Administrative Code na
nagbabawal sa pagtalakay ng mga doktrinang pang-relihiyon sa lahat ng pampublikong
paaralan.

Layunin ng Batas:
1. Paggunita sa pagbunyi sa mga bayani. Bagamat ang batas ay tumutuon sa pag-aaral kay
Rizal, kabilang sa layunin ng batas ang pagpapabilang sa pagtalakay ng mga iniambag ng iba
pang mga bayani.
2. Pagpapaigting sa nasyonalismo. Kalakip ng batas ang layuning payabungin at paigtingin
ang diwa ng nasyonalismo para sa pagtataguyod at pagpapaunlad ng bayan.
3. Pagbuo ng pagkakakilanlan at katauhan. Pagbuo ng tuwid na pamumuhay, disiplina, sa
sarili, at kahusayan sa mga gawaing magbubunsod sa pagkakakilanlang Pilipino.
4. Pagbuo ng kamalayang sibiko. Magkaraoon ng kabatiran at pag-unawa sa mga paksaing
pampulitika, panlipunan, at pang-ekonomiya at pag-ukol ng mga kaisipan at aral ni Rizal sa
mga iyon.
5. Pagpapahalaga sa kalayaan. Maipagtanggol at maitaguyod ang kalayaan sa pagpapalaya
ng kaisipan, pagpapaunlad ng sarili, pagsasaliksik ng karunungan at pagsasagawa ng mga
bagay na magdudulot ng pagbabago.
6. Paglinang sa pagkamamamayan. Linangin sa bawat tao ang mga tungkulin ng isang
mamamayan at ang pagkakaroon ng malasakit sa kapwa, gayon din ang aktibong pagharap at
positibong pagtugon sa mga suliranin sa lipunan.

2
Iba Pang Mga Batas Kaugnay kay Rizal
 Memorandum Order No. 247
Lalo pang pinaigting ang Batas Rizal sa pagpapalabas ng dating Pangulong Fidel V.
Ramos ng Memorandum Order No. 247 noong ika-26 ng Disyembre 1994 na nag-uutos sa
Kagawaran ng Edukasyon at Komisyon ng Mataas na Edukasyon na tiyaking tumatalima ang
lahat ng mga paaralang saklaw ng R.A. 1425 at pagpapataw ng kaukulang parusa sa hindi
pagsunod.

 Dekreto ni Aguinaldo
Ipinag-utos ng dating Pangulong Emilio Aguinaldo ang paggunita sa Araw ni Rizal tuwing
ika-30 ng Disyembre, araw ng kamatayan ni Rizal, noong ika-20 ng Disyembre 1898. Araw din
ito ng pagdadalamhati ng buong bansa; walang pasok sa mga opisina ng pamahalaan at itinataas
ang watawat sa kalahatian ng poste sa tanghali isang araw bago ang Araw ni Rizal. Nailathala
ang utos na ito sa El Heraldo de la Revolucion, opisyal na pahayagan noong ika-25 ng Disyembre
1898.

 Act No. 345


Sinundan ng Act No. 345 ng ikalawang United States Philippine Commission ang utos ng
Pangulong Aguinlado sa pamamahala ni William H. Taft noong ika-1 ng Pebrero 1902. Itinatalaga
rin nito ang ika-30 ng Disyembre bilang Araw ni Rizal at isang pista opisyal. Tagagawa ng batas
na may limitadong kapangyarihang tagapagpaganap sa Pilipinas ang Philippine Commission
noong unang bahagi ng pananakop ng mga Amerikano sa ilalim ni William McKinley.

 Republic Act No. 229


Isang lumang batas ang nadiskubre ng Malacaῆan noong 2012. May petsang ika-9 ng
Hunyo 1948 at nilagdaan ng dating Pangulong Elpidio Quirino ang Republic Act No.229 na may
bisa pa rin ngayon. Dito, ipinagbabawal ang sugal, gaya ng sabong, karera ng kabayo, at jai alai
sa araw ng paggunita sa kamatayan ni Rizal. Kasama sa ipinag-uutos ng batas ang pagtataas
ng watawat ng Pilipinas sa kalahati ng poste sa lahat ng mga pampublikong gusali at mga
sasakyang pandagat tuwing ika-30 ng Disyembre.

 Executive Order No. 292, series of 1987


Sa Section 26, Chapter 7, Book 1 ng Executive Order No. 292, s.1987 o Administrative
Code ng 1987, ginugunita rin ang ika-30 ng Disyembre bilang Araw ni Rizal na isa ring pista
opisyal.

 Act No. 243


Isinabatas noong ika-28 ng Setyembre 1901, nagtalaga ang Act No. 243 ng paggamit sa
pampublikong lupain ng Luneta sa Lungsod ng Maynila para tayuan ng bantayog ni Jose Rizal
at paglagyan ng kanyang mga labi. Napili ang Luneta dahil sa kahalagahan sa kasaysayan ng
lugar ng pagkamartir ni Rizal. Idineklara itong Pambansang Museo ng Pilipinas at isang “National
Cultural Treasure” noong ika-30 ng Disyembre 2013.
Sa Daet, Camarines Norte matatagpuan ang kauna-unahang bantayog ni Rizal sa
Pilipinas na may taas na 20 talampakan na idinisenyo ng mason na si Tenyente Koronel Antonio
Sanz at naitayo noong ika-30 ng Disyembre 1898, pitong taon bago inilunsad ang isang
pandaigdigang patimpalak para sa disenyo ng bantayog sa Luneta noong 1905.
Sa 40 kalahok, nagwagi ang Italyanong si Carlos Nicoli (1843-1915) para sa kanyang
“Al Martir de Bagumbayan” (Ang Martir ng Bagumbayan) na may taas na 59 talampakan. Subalit
naigawad ang kontrata sa isang Swiss na si Richard Kissling (1848-1919) sa kanyang “Motto
Stella” (Patnubay sa Tala) na nagkamit ng pangalawang gantimpala. Sinasabing nasunod ang

3
disenyo ni Kissling dahil mas nakatugon ito sa ilang hinihinging kontrata at pangangailangan
mula sa pamahalaan.
Noong 1908, inumpisahan ang paggawa sa bantayog ni Rizal at pinasinayaan ito noong
ika-30 ng Disyembre 1913. Nagsisilbi na rin ito ngayong musoleyo o libingan ng mga lahi ni Rizal.
Inilipat ang mga labi sa araw ng pagpapasinaya ng bantayog sa ika-17 anibersaryo ng
kamatayan ni Rizal mula sa unang pinaglibingan sa Sementeryo ng Paco na ngayon ay Paco
Park.
Sinasabing nakaharap sa kanluran ang bantayog ni Rizal dahil doon din siya nakaharap
nang barilin; nasa likuran niya ang sumusikat na araw. Maaalalang isa sa mga tauhan ng nobela
ni Rizal, si Elias, ang nagsabing mamamatay siyang hindi man lang natatanaw ang pagsikat ng
araw sa kanyang bayan. Ang poste ng bandila sa Luneta na nakaharap si Rizal ay nagsisilbing
pananda bilang kilometer zero kung saan nagsisimula ang pagsukat ng layo ng mga lugar sa
Pilipinas.
Sa kasalukuyan, ang pinakamataas na bantayog ni Rizal sa Pilipinas na may taas na
22 talampakan ay matatagpuan sa Calamba, Laguna, lugar ng kanyang kapanganakan.
Pinasinayaan ito noong ika-19 ng Hunyo 2011 at sinasabing ang taas ng bantayog ay tumutukoy
sa 22 wika na alam ni Rizal. Maliban sa bantayog ni Rizal sa Pilipinas, makakatagpo rin ng mga
bantayog at pananda niya sa labas ng bansa. Hindi bababa sa 11 ang mga bantayog ni Rizal
sa ibayong dagat.

 Act No. 137


Ang lalawigan ng Rizal ay nabuo sa bisa ng Act No. 137 noong ika-11 ng Hunyo 1901
bilang pagkilala na rin sa pambansang bayani. Nabuo ang lalawigan ng Rizal nang pagsamahin
ang mga bayan ng Maynila at distrito ng Morong.

Mga Epekto ng Batas


1. Nangangahulugan na tagumpay ang liberalismo.
2. Naging simula ng puspusang pag-aaral sa buhay, gawa at sinulat ni Rizal.
3. Lubhang dumami ang bilang ng mga kapatiran at mga kasapi nito.
4. Lubhang dumami ang bilang ng mga manunulat tungkol kay Rizal.

4
Aralin 2
Ang Pamantayan sa Pagpili ng Pambansang Bayani

Pamantayan ng Pambansang Bayani


o Noong 1993, ipinag-utos ni dating Pangulong Fidel Ramos ang pagbuo ng Lupon para sa mga
Pambansang Bayani sa pamamagitan ng Executive Order No. 75. Ang layunin ng Lupon ay
upang mag-aral, magsuri at magmungkahi ng mga hihiranging pambansang bayani.
o Matapos ang tatlong taon, nakapagbalangkas ang Lupon ng mga gagamiting pamantayan sa
pagpili at paghirang ng mga pambansang bayani. Sa pamantayang binalangkas ni Dr. Onofre D.
Corpuz (1926-2013) mabibilang ang mga sumusunod na pamantayan para sa hihiranging
pambansang bayani:
1. Ang mga bayani ay iyong may konsepto ng bayan at mula rito’y naghahangad at
nagpupunyagi para sa kalayaan ng bayan.
2. Ang mga bayani ay iyong nagbibigay-kahulugan at nag-aambag sa isang sistema
pamumuhay nang may kalayaan at kaayusan.
3. Ang mga bayani ay iyong nag-aambag sa kalamidad ng kabuhayan at tadhana ng bayan.
o Batay sa pamantayan ni Dr. Alfredo Lagmay, idinagdag ang mga sumusunod:
1. Ang isang bayani ay bahagi ng ekspresyon ng mga tao.
2. Inaalala ng isang bayani ang kinabukasan, lalo na ng susunod na salinlahi.
3. Hindi lamang pagsasalaysay ng isang bahagi o mga pangyayari sa kasaysayan ang
pagpili ng isang bayani, kundi ang kabuuang proseso na nagtuklas sa isang tao na
maging bayani.
o Batay sa mga pamantayan nina Corpuz at Lagmay, siyam na pangalan ang iminungkahi ng
Lupong Teknikal ng Lupon para sa mga Pambansang Bayani. Ang pinangalanan ay sina:
1. Jose Rizal
2. Andres Bonifacio
3. Emilio Aguinaldo
4. Apolinario Mabini
5. Marcelo H. del Pilar
6. Sultan Dipatuan Kudarat
7. Juan Luna
8. Melchora Aquino
9. Gabriela Silang
o Hindi na natugunan ang mga pangalang nauna nang isinumite ng Lupon noong 1995 at hindi na
muling binalikan pa ang usaping maaari pa ring madagdagan at pagtalunan. Ngunit sa kanilang
mga nagawa at naiambag sa pagtatatag ng bayan at pagtatanggol sa kalayaan ng bansa, inilaan
sa kanila ang mga parangal at pagkilala sa pamamagitan ng araw ng paggunita at pagtatayo ng
bantayog alay sa kanila, bagamat hindi opisyal ang pagkilala sa kanila.

Pagkilala kay Rizal Bilang Bayani at Martir


Wala pang opisyal na deklarasyon o proklamasyon sa pamamagitan ng batas na kumikilala sa
isang partikular na tao bilang pambansang bayani, bagamat may ilang batas na nagtatakda ng mga
araw bilang pambansang kapistahan para gunitain ang mga sumusunod:

5
1. Araw ni Rizal. Ginugunita tuwing ika-30 ng Disyembre ang pagpanaw ni Jose Rizal. Ito ay
itinakda ng proklamasyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo noong ika-20 ng Disyembre 1896
para gunitain ang kabayanihan at pagkamartir ni Rizal sa pagdulot ng pagkakakilanlang
Pilipino at kamalayang makabayansa mga tinatawag na indio ng mga Espanyol.
2. Araw ni Bonifacio. Ginugunita tuwing ika-30 ng Nobyembre ang kapanganakan ni Andres
Bonifacio. Itinakda ito ng Act No.2946 noong ika-16 ng Pebrero 1921 para gunitain ang
kabayanihan at ambag sa kasaysayan ng supremo ng Katipunan sa paglulunsad ng unang
himagsikan laban sa mga mananakop.
3. Araw ni Ninoy Aquino. Sa bisa ng Republic Act No. 9256 na naisabatas noong ika-25 ng
Pebrero 2004, itinakda tuwing ika-21 ng Agosto ang paggunita sa anibersaryo ng pagkamatay
ni Benigno “Ninoy” S. Aquino Jr.
4. Araw ng mga Bayani. Ginugunita tuwing huling araw ng linggo ng Agosto. Itinakda ito ng Act
No. 3827 noong ika-28 ng Oktubre 1931 para gunitain ang kadakilaan at kabayanihan ng mga
bayaning Pilipino sa kanilang pagmamalasakit at pag-aalay ng sarili.

Bagamat sinasabi rin na si Rizal ang napili at ipinatangkilik ng mga Amerikano bilang
pambansang bayani ng mga Pilipino, hindi pa rin ito maituturing na opisyal na deklarasyon o
proklamasyon sapagkat walang tahasang binabanggit na si Rizal ay isang opisyal na pambansang
bayani sa anumang batas na ipinatupad ng mga Amerikano o sa ilalim ng pamamahalang Amerikano
sa Pilipinas.
Mababasa ang pahayag ng Amerikanong Gobernador Sibil William Taft sa The Free Press na
may petsang ika-28 ng Disyembre 1946, na napili si Rizal bilang pambansang bayani ngunit walang
tinutukoy na batas na batayan ng opisyal na pagkilala. Sa gayon maaaring pumili, pangalanan, at
ihayag ang sino man bilang pambansang bayani kahit walang tahasang pagtukoy at pagkilala ng batas,
ngunit, hindi ito maituturing na opisyal.
Ang pagkakaroon ng bantayog o pagtakda ng batas ng natatanging araw ng paggunita o
parangal sa itinuturing na pambansang bayani, maging ito man ay si Rizal o Bonifacio, o sino man, ay
hindi nangangahulugan ng opisyal na pagkilala. Bagamat kinikilala, sa pamamagitan ng mga iyon, ang
pagkadakila o pagkabayani ng isang tao, ang pinakapunto pa rin ay ang kawalan ng tahasan at opisyal
na pagkilala ng isang natatanging batas.
Kung tutuusin, hindi naman kinakailangan ng isang batas para maghirang ng mga pambansang
bayani sapagkat ang pagkilala bilang pambansang bayani ay nasa mga tao.
Dapat malaman na ang sakripisyo ni Rizal ay hindi lang ang pagbubuwis ng buhay dahil ang
buong buhay ay inialay na niya sa isang misyon para sa bayan. Pumanaw si Rizal nang walang itinira
sa sarili maliban sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa tinubuang lupa.

6
Aralin 3
Dahilan ng Pagkakahirang kay Dr. Jose Rizal bilang
Pambansang Bayani

“American-sponsored” o Sariling Atin


Sinasabing ang mga Amerikano ang pumili at humirang kay Rizal bilang pambansang bayani
ng mga Pilipino. Nangyari ito sa panahon ng Second Philippine Commission na kilala rin bilang Taft
Commission na pinamumunuan ni William H. Taft noong 1901.
Mayroong pulitikal na layunin at interes ang mga Amerikano sa pagpili kay Rizal. Anim ang
pangalang pinagpilian ng Taft Commission: Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario
Mabini, Antonio Luna at Marcelo H. del Pilar. Ginamit na pamantayan ng Komisyon ang mga
sumusunod: (1) isang Pilipino; (2) pumanaw na; (3) maigting ang pagkamakabayan; at (4) mahinahon.
Tanggal na agad si Aguinaldo dahil buhay pa siya nang panahong iyon. Gusto ng mga
Amerikano na pumanaw na ang isang hihirangin para wala nang maidulot na kasiraan sa kanyang
pagkatao o pagkakataong magbago ang kanyang adhikain o di kaya ay kalabanin ang pamamahala ng
Estados Unidos sa Pilipinas.
Alanganin ding mapili sina Bonifacio, Luna at Mabini na pawang naging bahagi ng himagsikan.
Iwas ang mga Amerikano sa pagpili sa mga rebolusyonaryo sapagkat ito ay mapanganib sa pananatili
ng mga Amerikano sa Pilipinas. Samantala, si Del Pilar bagamat makabayan ay hindi raw kasing igting
na gaya ni Rizal. Sa madaling sabi, pabor sa mga Amerikano ang pagkakapili nila kay Rizal para na rin
sa pagpapahinahon at asimilisasyon ng Pilipinas.
Ang ginawa lamang ng mga Amerikano ay isang kumpirmasyon na si Rizal ang nakita nilang
ipinagbubunyi ng mga Pilipino. Halimbawa na lang ang pagkilala kay Rizal ng Katipunan sa
pangunguna ni Bonifacio at ng Unang Republika ng Pilipinas sa pamumuno ni Aguinaldo.
Samakatuwid, ang mga Pilipino at hindi mga Amerikano ang unang kumilala kay Rizal. Pinagtibay pa
lalo ito ng mga sumunod na salinlahi ng mga Pilipinong tumanggap kay Rizal bilang pambansang
bayani nang kusang loob at hindi ipinilit ng mga Amerikano.
Kinilala ng Katipunan si Rizal bilang pangulong pandangal bagamat hindi siya kaanib sa
samahan. Mataas ang pagpapahalaga kay Rizal ng Katipunan na pinamumunuan ng supremo nitong
si Andres Bonifacio, isa sa mga nagtatag ng lihim at rebolusyonaryong samahan. Halimbawa nito ang
paggamit ng Rizal bilang password para sa mga kaanib na may antas na bayani sa loob ng samahan.
Sinasabi ring winawakasan ang mga pagpupulong sa masiglang sigaw ng “Mabuhay si Dr.
Jose Rizal!”. Nang ibunyag ni Teodoro Patiῆo, isang kawani ng pahayagang Diariong Tagalog, ang
tungkol sa Katipunan, nakitaan ang kawanihan ng larawan ni Rizal nang halughugin ng mga
kinauukulan.
Nang ipatapon si Rizal sa noo’y distrito ng Dapitan sa lalawigan ng Zamboanga Del Norte,
isinugo ni Andres Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela para isangguni kay Rizal ang planong himagsik ng
Katipunan. Ang pakikipagkita ay patunay na mahalaga kay Bonifacio ang palagay at gabay ni Rizal sa
kilusan. Ang pagpatay kay Rizal ay nagsilbing gatong para lalong mag-alab ang mga tao sa himagsikan.
Gaya ng isang sasakyan, si Bonifacio ang nagpatakbo ngunit si Rizal ang langis na kinailangan para
sa sasakyan ay umandar sa umpisa at para hindi huminto ang pagtakbo nito.
Ang kabayanihan at pagkamartir ni Rizal ay kinilala rin ni Pangulong Emilio Aguinaldo nang
itakda niya ang ika-30 ng Disyembre sa paggunita kay Rizal. Unang ginunita ang araw ng pagbubunyi
sa kabayanihan at pagkamartir ni Rizal noong 1898, dalawang taon pagkatapos siyang sentensiyahan
ng kamatayan at barilin.
Sa panahon ng mga Amerikano, marami sa mga ulat ng kaguluhan ay nabanggit ang pangalan
ni Rizal, ayon kay Reynaldo Ileto, propesor ng Mga Araling Timog-Silangang Asya sa Pamantasang

7
Pambansa ng Singapore. Patunay lamang na si Rizal pa rin ang diwa ng mga pakikibaka laban sa mga
Amerikano pagkalipas ng mga Espanyol.
Kung tutuusin, pawang mga pambansang bayani ang iba pang mga pangalan sa kasaysayan
ng Pilipinas. Nagkataon lang na sa lahat ng mga pambansang bayani, si Rizal ang naturingang
pangunahin sa kanila. Ang diwa ng pagiging “pambansang” bayani nila Rizal at Bonifacio ay
nangangahulugang kinikilala sila ng mga Pilipino sa pangkalahatan at ipinagbubunyi sa kanilang ambag
sa paglilingkod sa bayan.
Sina Rizal at Bonifacio ay parehong may ginawa para makamit ang kalayaan at hindi maaaring
sabihin kung sino sa kanila ang mas dakila sapagkat hindi makakamit ang kalayaan kung wala ang isa
sa kanila. Kung baga, si Rizal ang nagtanim ng binhi at si Bonifacio ang nagdilig nito, at ang mga
salinlahi ng mga Pilipino ang pumitas ng prutas. Si Rizal ang gasolina na kailangan upang umandar
ang sasakyan, at si Bonifacio naman ang nagmaneho papunta sa destinasyon na kung iisipin ay
narating natin dahil sa kanilang dalawa.
Sa kasaysayan, may tao na nagpasimula ng mga bagay na siya namang isinasagawa ng isa
pa at ipinagpapatuloy ng mga kasunod pa. Kaya ang lahat ng mga gumanap sa kasaysayan ay may
kanya-kanyang mahalagang tungkulin at gampanin. Hindi maaaring isantabi ang ambag ng bawat isa.

Gintong Butil ng Kaalaman


Ang Batas Republika Blg 1425 na kilala sa tawag na Batas Rizal ay pinagtibay noong Hunyo
12, 1956, ang nagbibigay ng mandato sa pagkuha ng kursong Rizal. Ang batas ay nagtatadhana ng
pagsama sa kurikulum ng lahat ng paaralang pambayan at pansarili ng kursong nauukol sa buhay,
mga ginawa at sinulat ni Jose Rizal lalo na ang kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El
Filibusterismo.
Noong 1993, ipinag-utos ni dating Pangulong Fidel Ramos ang pagbuo ng Lupon para sa mga
Pambansang Bayani sa pamamagitan ng Executive Order No. 75. Ang layunin ng Lupon ay upang
mag-aral, magsuri at magmungkahi ng mga hihiranging pambansang bayani.
Mayroong pulitikal na layunin at interes ang mga Amerikano sa pagpili kay Rizal. Anim ang
pangalang pinagpilian ng Taft Commission: Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario
Mabini, Antonio Luna at Marcelo H. del Pilar. Ginamit na pamantayan ng Komisyon ang mga
sumusunod: (1) isang Pilipino; (2) Pumanaw na; (3) Maigting ang pagkamakabayan; at (Mahinahon).

You might also like