Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 5

Republika ng Pilipinas

Kagawaran ng Eduaksyon
RehiyonVII, Sentral Visayas
Sangay ng Bohol

FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK)


UNANG LINGGO
Gawain Bilang 1.1

Paksa: Ang Pagsusulat


Kompetensi: Nabibigyang-kahulugan ang akademikong pagsulat ( CS-F11/12PB-O a-c-101)
Layunin: Natutukoy ang kahulugan ng akademikong pagsulat
Sanggunian: Julian, Ailene B. et.al. 2016 . Pinagyamang Pluma- Filipino sa Piling Larang (Akademik) pahina 1-6
https://bit.ly/2OmGZHu
Copyright: ( For Classroom use ONLY ) Pending for Permission

Konsepto:
Ang pagsusulat ay isa sa mga makrong kasanayang dapat mahubog sa mga mag-aaral. Ayon kay Cecilia Austera, et al,
ang pagsulat ay isang kasanayang naglulundo ng kaisipan at damdaming nais ipahayag ng tao gamit ang pinakaepektibong
midyum ng paghahatid ng mensahe, ang wika. Ayon naman kay Edwin Mabilin, et al, ito ay isang pambihirang gawaing
pisikal at mental dahil sa pamamagitan nito ay naipahahayag ng tao ang nais niyang ihayag sa pamamagitan ng paglilipat
ng kaalaman sa papel o anumang kagamitang maaaring pagsulatan. Ito ay sistema ng komunikasyong interpersonal, na
gumagamit ng mga simbolo at inuukit/ isinusulat sa isang makinis na bagay tulad ng papel, tela, o di kaya’y isang malapad
at makapal na tipak ng bato (Badayos 1999). Ang pagsulat ay isang kompleks na proseso. Ito ay nagsisimula sa pagkuha ng
kasanayan (self-getting) hanggang sa kasanayang ito ay aktwal na nagagamit (self-using) (Rivers, 1975).

Pagsulat Bilang Multi-Dimensional na Pananaw


• Ang pagsulat ay nangangailangan ng masusi at kritikal na pag-iisip.
• Ito ay pag-aaral sa mga kasanayang kritikal .
Kasanayang Kritikal
 Nauukol sa kasanayang suriin, balangkasin, ihambing at ibuod at buoin ang tesis ng papel.
Pag-aaral ng Proseso at Produkto
 Ang pagsusuri sa proseso ng paggawa ng mga siyentipikong papel o mga salaysay pananaliksik.

A. Dimensiyong Oral
• Kapag ang isang tao ay nagbabasa ng iyong isinulat, masasabing nakikinig na rin siya sa iyo.
B. Dimensiyong Biswal
• Ito ay mahigpit na naiuugnay sa mga salita o lenggwaheng gingamit ng isang awtor sa kanyang texto na inilalantad
ng mga nakalimbag na simbolo.

May iba’t ibang dahilan ang tao sa pagsusulat:


• Nagsisilbing libangan sapagkat sa pamamagitan nito ay naibabahagi nila sa iba ang kanilang mga ideya at mga
kaisipan sa paraang kawili-wili o kasiya-siya para sa kanila.
• Sa mga mag-aaral, ang kalimitang dahilan ay upang matugunan ang pangangailangan sa pag-aaral bilang bahagi ng
pagtatamo ng kasanayan.
• Sa mga propesyonal namang manunulat tulad ng awtor, peryodista, sekretarya, guro, at iba pa, ito ay kanilang ginawa
bilang bahagi ng pagtugon sa bokasyon o trabaho na kanilang ginagampanan sa lipunan.

Layunin at kahalagahan ng pagsulat


Ayon kay Royo, malaki ang naitutulong ng pagsulat sa paghubog sa damdamin at isipan ng tao. Sa pamamagitan nito,
naipahayag niya ang kanyang damdamin, mithiin, pangarap, agam-agam, bungang-isip, at mga pagdaramdam. Dahil din sa
pagsulat, nakikilala ng tao ang kanyang sarili, ang kanyang kahinaan ang kalakasan, ang lawak ng tayog ng kanyang kaisipan
at ang mga naaabot ng kanyang kamalayan.
Ayon kay Mabilin, ang layunin sa pagsasagawa ng pagsulat ay maaaring mahati sa dalawang bahagi.: Personal o
ekspresibo kung saan ang layunin ng pagsulat ay nakabatay sa pansariling pananaw, karanasan, naiiisip, o nadaram ng
manunulat. Panlipunan o sosyal kung saan ng lyunin ng pagsulat ay ang pakikipag-ugnayan sa ibang tao o sa lipunang
ginagalawan. Tinatawag din itong transaksiyonal.
Kabilang nito ang pagsulat ng liham, balita,korespondensiya,pananaliksik, sulating panteknikal, tesis, disertasyon at iba
pa.
Republika ng Pilipinas
Kagawaran ng Eduaksyon
RehiyonVII, Sentral Visayas
Sangay ng Bohol

FILIPINO SA PILING LARANG ( AKADEMIK )

Mga benepisyo o kahalagahan na maaaring makuha sa pagsulat:


1. Masasanay ang kakayahang mag-organisa ng mga kaisipan at maisulat ito sa pamamagitan ng obhetibong paraan.
2. Malilinang ang kasanayan sa pagsusuri ng mga datos na kakailanganin sa isinasagawang imbestigasyon o
pananaliksik.
3. Mahuhubog ang isipan ng mga mag-aaral sa mapanuring pagbasa sa pamamagitan ng pagiging obhetibo sa
paglalatag ng mga kaisipang isusulat batay sa mga nakalap na impormasyon.
4. Mahihikayat at mapauunlad ang kakayahan sa matalinong paggamit ng aklatan sa paghahanap ng mga materyales
at mahahalaganfg datos na kakailanganin sa pagsulat.
5. Magdudulot ito ng kasiyahan sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at pagkakaroon ng pagkakataong makapag
ambag ng kaalaman sa lipunan.
6. Mahuhubog ang pagpapahalaga sa paggalang at pagkilala sa mga gawa at akda ng kanilang pag-aaral at
akademikong pagsisikap.
7. Malilinang ang kasanayan sa pangangalap ng mga impormasyon mula sa iba’t ibang batis ng kaalaman para sa
akademikong pagsusulat.

PAGSASANAY:
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan:

1. Sa iyong sariling pag-unawa, ano ang kahulugan ng pagsulat?


2. Ano-anong benipisyo ang makukuha sa pagsulat
3. Bakit nangangailangan ng masusi at kritikal na pag-iisip ang pagsulat?
FILIPINO SA PILING LARANG ( AKADEMIK )

UNANG LINGGO
Gawain Bilang 1.2

Paksa: Mga Gamit o Pangangailangan ng Pagsulat


Kompetensi: Nabibigyang-kahulugan ang akademikong pagsulat.( CS-F11/12PB-O a-c-101)
Layunin: Natutukoy ang mga pangangailangan sa pagsulat.
Sanggunian: Julian, Ailene B. et.al. 2016 . Pinagyamang Pluma- Filipino sa Piling Larang ( Akademik ) pahina 1-6
https://bit.ly/3iSmgK1
Copyright: ( For Classroom use ONLY ) Pending for Permission

Konsepto:

Mga Gamit o Pangangailangan sa Pagsulat

1. Wika- ito ang magsisilbing behikulo upang maisatitik ang mga kaisipan, kaalaman, damdamin, karanasan,
impormasyon, at iba pang nais ilahad ng isang taong nais sumulat.
2. Paksa-Dapat magkaroon ng isang tiyak na paksa o tema ang isusulat. Ito ang pangkalahatang ikutan ng mga
ideyang dapat mapaloob sa akda.
3. Layunin-Ito ang nagsisilbing giya sa paghabi ng mga datos o nilalaman ng isusulat.
4. Pamamaraan ng pagsulat- may limang pangunahing- pamamaraan ng pagsulat upang mailahad ang
kaalaman at kaisipan ng manunulat batay sa layunin ng pagsulat.
• Paraang impormatibo- ang pangunahing layunin ay magbigay ng impormasyon o kabatiran sa mga
mambabasa.
• Paraang ekspresibo- ang manunulat ay naglalayong magbahagi ng sariling opinyon, paniniwala, ideya,
obserbasyon at kaalaman hinggil sa isang tiyak ng paksa batay sa kanyang sariling karanasan o pag-
aaral.
• Pamamaraang naratibo-ang pangunahing layunin nito ay ang pagkuwento o magsalaysay ng mga
pangyayari batay sa magkakaugnay at tiyak na pagkakasunod- sunod.
• Pamamaraang deskriptibo-ang pangunahing pakay ng pagsulat ay maglarawan ng mga katangian,
anyo, hugis ng mga bagay o pangyayari batay sa mga nakita narinig, natunghayan, naranasan, at
nasaksihan.
• Pamamaraang argumentatibo- ang pagsusulat ay naglalayong manghikayat at mangumbinsi sa mga
mambabasa.
5. Kasanayang pampag-iisip- dapat taglayin ng manunulat ang kakayahang mag-analisa o magsuri ng mga
datos na mahalaga o di gaanong mahalaga, o maging ng mga impormasyong dapat isama sa akdang
isusulat.
6. Kaalaman sa wastong pamamaraan sa pagsulat-ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa wika at retorika
partikular sa wastong paggamit ng malaki at maliit na titik, wastong pagbaybay, paggamit ng bantas,
pagbuo ng makabuluhang pangungusap, pagbuo ng talata, at masining na obhetibong paghabi ng mga
kaisipan upang makabuo ng isang mahusay na sulatin.
7. Kasanayan sa paghabi ng buong sulatin-kakayahang mailatag ang mga kaisipan at impormasyon sa
isang maayos, organisado, obhetibo, at masining na pamamaraan mula sa panimula ng akda o
komposisyon hanggang sa wakas nito.

PAGSASANAY:
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan:

1. Alin sa mga pangangailangan ng pagsusulat ang pinakamahalaga? Bakit?


Nararanasan mo ba ang benepisyo nito sa iyo upang higit na mapaunlad ang iyong kasanayan? Patunayan.
FILIPINO SA PILING LARANG ( AKADEMIK )
UNANG LINGGO
Gawain Bilang 1.3
Paksa: Mga Uri ng Pagsulat

Kompetensi: Nabibigyang-kahulugan ang akademikong pagsulat (CS-F11/12PB-O a-c-101)

Layunin: Nabibigyang-kahulugan ang mga uri ng akademikong pagsulat

Sanggunian: Julian, Ailene B. et.al. 2016 . Pinagyamang Pluma- Filipino sa Piling Larang (Akademik ) pahina 7-8 (
For Classroom use ONLY )

Copyright: Pending for Permission

KONSEPTO:

MGA URI NG PAGSULAT

1. Malikhaing Pagsulat (Creative Writing)-layunin nitong maghatid ng aliw, makapukaw ng damdamin, at


makaantig sa imahinasyon at isipan ng mga mambabasa. Kabilang dito ang maikling kuwento, dula, tula,
malikhaing sanaysay, mga komiks, iskrip ng teleserye, musika, pelikula atbp.
2. Teknikal na pagsulat (Technical Writing)- Ginagawa sa layuning pag-aralan ang isang proyekto o kaya naman
ay bumuo ng isang pag-aaral na kailangan para lutasin ang isang problema o suliranin.
3. Propesyonal na Pagsulat-(Professional Writing) -Ito ay may kinalaman sa mga sulating may kinalaman sa
isang tiyak na larangang natutuhan s akademya o paaralan. Binibigyang pansin nito ang paggawa ng mga
suliranin o pag-aaral tungkol sa napiling propesyon o bokasyon ng isang tao.
4. Dyornalistik na Pagsulat (Journalistic Writing) Ito ay may kinalaman sa mga sulating may kaugnayan sa
pamamahayag. Kasama nito ang pagsulat ng lathalain, balita, editorial artikulo atbp.
5. Reperensiyal (Referential Writing)- Layunin ng sulating ito na bigyang-pagkilala ang mga pinagkunang
kaalamn o impormasyon sa paggawa ng konseptong papel, tesis at disertasyon. Layunin din na irekomenda sa
iba ang mga sangguniang maaaring mapagkunan ng mayamang kaalaman hinggil sa isang tiyak na paksa.
6. Akademikong Pagsulat (Academic Writing) -Ito’y isang intelektuwal na pagsulat. Ayon kay Carmelita Alejo,
et al. ang akademikong pagsulat ay may sinusunod na partikular na kumbensiyon tulad ng pagbibigay suporta
sa mga ideyang pinangangatwiranan. Layunin nitong maipakita ang resulta ng pagsisiyasat o ng ginawang
pananaliksik

Ayon kay Edwin Mabilin, et al. (2012) ang lahat ng uri ng pagsulat ay produkto lamang ng akademikong
pagsulat. Lubos ding pinatataas ng uri ng pagsulat na ito ang kaalaman ng mga mag-aaral sa iba’t ibang
larangan bunga ng masusing pag-aaral sa pamamagitan ng pagsisiyasat at pananaliksik.

PAGSASANAY 1:
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan;

1. Batay sa inyong pagkaunawa, paano mo mabibigyan ng sariling kahulugan ang akademikong pagsulat?
2. Bakit mahalagang malaman ang iba’t ibang uri ng pagsulat? Ano- ano ang kabutihang dulot nito sa buhay
partikular sa hinaharap?
PAGSASANAY 2:

Panuto: Kilalanin ang uri ng sulating inilalarawan sa bawat bilang. Isulat ang sagot sa linya.

1. Ang pagbuo ng isang pag-aaral o proyekto ang pangunahing layunin ng pagsulat na ito_________.
2. Layunin nitong irekomenda sa iba ang mga sangguniang maaaring mapagkunan ng mayamang kaalaman hinggil
sa isang tiyak na paksa._________________
3. Anyo ito ng pagsulat na ang layunin ay maghatid ng aliw at makapukaw ng damdamin at makaantig ng
imahinasyon_______________________.
4. Ito ay anyo ng pagsulat na dapat mahasa sa mga propesyonal gaya ng doctor, nars, inhenyero, at iba pa.
____________________________
5. Layunin ng pagsulat nito ay nakabatay sa sariling pananaw, karanasan, naiisip o nadarama gaya ng tula, awit, at
iba pa________________________

You might also like