Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Filipino

Mitolohiya
Tekleen Monique D. Raguindin
X-STE

“Bahaghari sa Gitna ng Ulan”

BUMABA sa mundo ng mga mortal ang anak ni Ria, bathala ng mga ulap at
karagatan, na si Zim, bathala ng ulan. Utos ito ni Ria kay Zim dahil sa edad ng
anak na labing-pito ay hindi pa rin nito kayang kontrolin ang kapangyarihang
pangasiwaan ang pagbuhos ng ulan.
Dahil si Zim ang bathala ng ulan, sa kaniya rin nakasalalay ang pagbabago
ng panahon sa mundo ng mga mortal. Dapat ay makokontrol niya kung kailan
bubuhos ang ulan ngunit ang pagpapalit ng kaniyang emosyon ang mas may
kakayahang kumontrol nito. Sa tuwing payapa ang kaniyang emosyon ay maaraw sa
mundo ng mga mortal. Sa tuwing maligalig at magulo naman ang kaniyang emosyon
ay saka umuulan.
Naisip ng kaniyang ina na maaaring matutunan niya ang pagkontrol sa ulan
kung makikisalamuha siya sa mga mortal na natural lamang ang pagiging
emosyonal. Ayon kay Ria ay lalabas ang natural na pag-iisip ng isang bathala kung
mararanasan nito ang pagkakaiba ng estado ng mga mortal sa mga bathala.
Upang sundin ang utos ng kaniyang ina, bumaba si Zim sa mundo ng mga
mortal at mag-isang nanirahan doon bilang isang mag-aaral. Sa tuwing tatanungin
siya sa paaralan kung bakit mag-isa lamang siya, sinasabi na lamang niyang nasa
malayong lugar ang kaniyang mga magulang at sinusustentuhan siya sa kaniyang
pamumuhay.
Sa paaralang iyon din nakilala ni Zim si Qin. Ang dalawa ay magkaklase.
Naagaw agad ni Zim ang pansin ni Qin noong pumasok siya sa paaralan dahil isa
siyang bagong mukhang may kaaya-ayang itsura.

ILANG linggo na ang nakakalipas ngunit wala pa ring kaibigan si Zim sa


mundo ng mga mortal. Ayaw niyang mapalapit sa kahit kanino man dahil alam
niyang hindi naman siya magtatagal doon. Nakuntento na siyang mag-isang
kumakain sa paaralan.
Lagi namang bumabati at nagpapaalam si Qin kay Zim sa tuwing papasok at
uuwi ito. Hindi naman tumutugon si Zim sa kaniya.

ISANG araw habang naglalakad si Zim pauwi ay bigla niyang naalala ang
kaniyang ina. Nakaramdam siya ng matinding pangungulila para kay Ria. Naging
dahilan ito ng malakas na pagbuhos ng ulan.
Alam ni Zim ang posibilidad na bigla na lamang umulan dahil sa emosyon
niya kaya lagi siyang handa para rito. Lagi niyang dala ang kaniyang matibay na
payong na kulay bahaghari. Inilibas niya ito at binuksan upang gawing panangga sa
ulan. Nagpatuloy siya sa paglalakad sa maputik na daan pauwi.
Sa kaniyang paglalakad ay may naramdaman siyang taong tumatakbo sa
kaniyang likod. Nang malampasan siya ng tumatakbong mortal ay napansin niyang
may isang kotseng papasalubong sa kanila. Base sa pagtakbo ng mortal ay
mukhang hindi nito namalayan na mayroong sasakyan.
Bago pa tuluyang magkabanggaan ay agad na hinabol ni Zim ang mortal
upang iligtas ito. Hawak niya sa kaniyang kanang kamay ang kulay bahagharing
payong at ang kaliwang kamay ang ginamit niya upang hilain ito sa gilid ng daan.
Malakas ang kaniyang pagkakahila kaya nawalan ito ng balanse. Matutumba
na sana ito kung hindi siya sinapo ni Zim sa baywang.
Nakapulupot ang kaniyang kaliwang braso sa baywang ng mortal at
nakalapat ang dibdib niya sa likod nito. Naramdaman ni Zim ang pagbilis ng tibok
ng kaniyang puso at natakot siyang baka marinig ito ng mortal na nakasandal sa
kaniya ngunit hindi siya gumalaw.
Unti-unting lumingon sa kaniya ang mortal hanggang sa nagtama ang
kanilang paningin. Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Zim nang masilayan niya ang
mukha nito.
Tumagal ng ilang segundo ang kanilang pagtititigan bago humiwalay sa
isa’t-isa. Mabilis pa rin ang pagtibok ng puso ni Zim kahit na hindi na sila
magkadikit.
“Ikaw pala ‘yan!” sabay na sabi ng bathala at mortal. Nanlaki ang mga mata
ni Qin sa pagtaas ng boses ni Zim. Maging si Zim ay nagulat sa kaniyang sarili.
Tumikhim si Zim upang pababain ang tensyong namumuo sa pagitan nila ni
Qin bago siya muling nagsalita, “Ayos ka lang ba?”
Nakita niyang napakurap-kurap si Qin. Kung ano man ang dahilan ay hindi
niya mawari.
Inilapit niya ang kaniyang ulo. “Qin? May masakit ba sa’yo?” tanong niya sa
malumanay na tono.
“Ah, wala. Wala. Wala talaga,” tila tarantang sabi nito habang ikinukumpas
pa ang mga kamay sa hangin.
Hinila ni Zim sa braso si Qin palapit upang magkasya sila sa kulay
bahagharing payong. Hindi pa rin tumitila ang ulan ngunit mas mahina na ang
pagbuhos nito.
“Saan ka ba pupunta? At bakit ka basang-basa? Wala ka bang payong?”
sunod-sunod na tanong ni Zim kay Qin.
“Siyempre uuwi na ‘ko. Tinangay ng hangin yung bulok na payong ko kaya
ayan, basang-sisiw ako,” may simangot sa tono na sagot ni Qin.
Pinasadahan ng tingin ni Zim si Qin. Bigla na lamang niyang sinabing,
“Sumama ka sa’kin,” at saka naglakad. Ayaw namang mabasa pa lalo ni Qin kaya
sumunod siya agad.
Sandaling paglalakad lamang ay nakarating sila sa tirahan ni Zim. Di ito
kalakihan at pandalawang tao lamang.
Itinuro ni Zim ang upuang gawa sa kahoy. “Umupo ka muna riyan,” utos niya
kay Qin.
Umupo naman si Qin at hinintay na bumalik si Zim. Inilibot ni Qin ang
kaniyang paningin at nakitang malinis at presentable ang pagkakaayos ng mga
gamit sa loob ng bahay.
Bumalik si Zim na mayroong dalang tuwalya at isang baso ng tubig. Iniabot
niya ang mga ito kay Qin.
“Paumanhin ngunit wala akong mga bagong damit na maipapahiram sa iyo.
Punasan mo na lamang muna ang iyong sarili at uminom ng tubig. Ihahatid na
lamang kita sa inyong tirahan,” mahabang sambit ni Zim.
“Ang lalim mo naman palang managalog,” pagbibiro ni Qin ngunit hindi
natawa si Zim. Sinunod na lamang ni Qin ang mga sinabi ni Zim.
Lumabas sila mula sa tirahan ni Zim. Makulimlim pa rin ang langit ngunit
tumila na ang ulan. Mabilis nilang narating ang bahay nila Qin dahil malapit lamang
din ito sa bahay ni Zim. Tumalikod na si Zim upang bumalik at umuwi.
Mula noon ay lagi na silang magkasabay na umuuwi. Lagi ring hinahatid ni
Zim si Qin sa tapat ng kanilang bahay upang siguraduhing ligtas ang mortal.
Bumabalik na lamang siya pauwi dahil lagpas pa ng bahay niya ang bahay nila Qin.
Di nagtagal ay naging malapit na rin sila sa isa’t-isa. Kilala na ng pamilya ni
Qin si Zim. Minsan ay nagtutulungan silang dalawa sa pagsagot ng takdang-aralin.
Naging mas madaldal na rin si Zim. Nakakausap na nila ang isa’t-isa tungkol sa
kanilang mga pananaw sa buhay.

NAGKAROON na ng namumuong paghanga sa dibdib ni Qin para kay Zim.


Bukod sa magandang pagkatao ni Zim ay sadyang kaaya-aya rin talaga ang itsura
nito. Hindi madaling hindi gustuhin si Zim.
Napagpasiyahan ni Qin na aamin na siya sa kaniyang paghanga kay Zim.
Handa siyang tanggapin kung ano man ang magiging tugon nito sa kaniya.
Dumating ang kaniyang napiling araw ng pag-amin. Pagkatapos ng klase ay
kadalasang nauunang lumabas ng silid-aralan si Zim ngunit ngayon ay inunahan siya
ni Qin. Umupo muna si Qin sa bangkong nasa ilalim ng punong katabi ng silid.
Inilapag niya rin sa gilid ang puting payong na hawak.
“Zim!” pahiyaw na tawag ni Qin nang makita niya si Zim. Pumunta naman si
Zim sa kaniyang puwesto at tinabihan siya ng upo.
“May sasabihin ako,” sabi ni Qin sa tahimik lamang na si Zim. Tumango
naman ito. Nagkatitigan sila.
“Gusto kita,” pag-amin ni Qin pagkatapos ng ilang sandaling katahimikan.
Hindi pa rin nagbabago ang blangkong mukha ni Zim.
“Ako rin, gusto kita,” sabi ni Zim. Nanlaki ang mga mata ni Qin at
napasinghap siya. Tila hindi naniniwala sa narinig.
Hinawakan ni Qin sa magkabilang balikat si Zim at tinanong, “Totoo?
Seryoso? Hindi mo ‘ko niloloko?”
“Oo naman! Magkaibigan tayo, hindi ba? Anong klase akong kaibigan kung
ayaw ko sa’yo?” patanong din na sagot ni Zim
Ang malawak na ngiti ni Qin ay unti-unting kumupas. Lumuwag din ang
pagkakakapit niya sa balikat ni Zim. Binawi niya ang mga kamay at ipinatong sa
sariling mga hita. Napayuko na lamang siya sa pagkadismayang nadama.
“Ah, oo nga, ‘no? Tama, gano’n nga,” mahinang sambit ni Qin. Tumawa pa
siya ngunit halatang peke ito.
Napalunok siya dahil nararamdaman niya ang pagbara sa kaniyang
lalamunan. Tumayo na siya at tumakbo nang hindi nagpapaalam kay Zim.
Nagulat naman si Zim sa ginawa ni Qin kaya hindi siya agad nakahabol.
Nang mapagtanto niyang iba ang nais nitong sabihin ay napakunot ang kaniyang
noo at nakaramdam ng pagkabahala. Nasaktan niya ang damdamin ni Qin nang
hindi sinasadya.
Nang maramdaman ni Zim ang pagtulo ng mga butil ng tubig sa kaniyang
balat ay dali-dali niyang kinuha at ibinukas ang puting payong ni Qin. Agad siyang
tumakbo upang habulin si Qin. Nag-alala siya para kay Qin kaya lalong lumakas ang
pagbuhos ng ulan. Binilisan niya pa ang pagtakbo.
Naabutan niya si Qin na naglalakad sa gitna ng ulan. Nilapitan niya ito
upang payungan. Nang makita siya ni Qin ay tinulak siya nito.
“Qin, magkakasakit ka sa ginagawa mo!” nakakunot ang noong sabi ni Zim
sa mataas na tono. Muli niyang pinayungan si Qin at hindi na ito umalma.
Kumunot din ang noo ni Qin. Suminghot muna siya bago nagsalita, “Ano
bang pakialam mo? Ano naman sa’yo? Kaibigan mo lang naman ako diba?”
“Kaya nga ako nag-aalala para sa iyo dahil kaibigan kita-”
“Ayan na naman! Puro ka kaibigan! Wala na bang ibang alam sabihin ‘yang
bibig mo?” pagalit na pagputol ni Qin sa sinasabi ni Zim. Bahagyang natawa si Zim
kay Qin ngunit kinabahan siya nang makitang matalim ang tingin nito sa kaniya.
Nagulat si Qin nang biglang kumidlat kaya natabig niya ang kamay ni Zim
dahilan ng pagkabitaw nito sa payong. Tinangay ang payong dahil kasabay ng
pagkidlat ay lumakas din ang ihip ng hangin.
Malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan kaya’t maging si Zim ay basang-basa
na rin sa ulan. Nagkatitigan sila.
“Ano?!” pagalit na tanong ni Qin. Inabot naman ni Zim ang pisngi ni Qin
upang itabi ang ilang buhok na nakatabing sa kaniyang mukha.
“Umiyak ka,” may kasiguraduhang obserbasyon ni Zim kay Qin. Suminghot
naman si Qin.
“Pakinggan mo ako, Qin,” pakiusap ni Zim. Dalawang kamay na niya ang
nakahawak sa magkabilang pisngi ni Qin.
“Gusto kita,” malumanay na sambit ni Zim.
“Bilang kaibigan-”
“Bilang ka-ibigan,” nakangiting pagwawasto ni Zim kay Qin.
Napatulala na lamang si Qin kay Zim. Ganoon din si Zim kay Qin. Hindi nila
alintana ang malakas na ulan.
“Ano na, Zim?” pang-uudyok ni Qin. Hindi sumagot si Zim at nagpabalik-
balik ang tingin sa mga mata at labi ni Qin.
“Ang bagal mo,” pang-aasar ni Qin kay Zim. Kumapit si Qin sa baywang ni
Zim. Saglit na ipinaglapat niya ang kanilang mga labi at lumayo rin agad.
Akmang hihiwalay na si Qin nang higpitan ni Zim ang kapit sa kaniyang
panga at hinila siya lalo palapit. Sa ikalawang pagkakataon ay nagtagpo ang
kanilang mga labi sa ilalim ng ulan. Mas madiin at mas matagal kaysa sa nauna.
“SERYOSO? Bathala ka talaga?” nanlalaki pa ang mga mata ni Qin habang
tinatanong ang kasintahan.
“Hindi ako sinungaling,” nakangiwing saad ni Zim.
Pagkatapos nilang magbabad sa ulan ay magkahawak-kamay silang umuwi sa
kani-kanilang tahanan. Pagkatapos magbihis ni Zim ay pinuntahan niya ulit si Qin
sa bahay nila. Napagpasyahan ni Zim na aminin na ang lahat ng tungkol sa kaniyang
pagkatao. Sinabi niya ang lahat kay Qin mula sa kaniyang pinagmulan hanggang sa
misyong ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina.
“Hala, ang galing! Parang sa “Greek Mythology” lang,” napapalakpak pa sa
pagkamangha si Qin.
“Pilipino kami, mahal,” tugon ni Zim. Nabigla si Qin sa itinawag sa kaniya ni
Zim ngunit saglit lamang iyon dahil ngumiti siya nang napakalawak sa nadamang
kilig.
“Parang gano’n na rin!” nakatawang sabi ni Qin at malambing na yumakap
kay Zim na yumakap din pabalik. Hinalikan ni Qin ang pisngi ni Zim at natawa siya
nang makitang namula ito.

PAGLIPAS ng ilang araw ay nakaabot din sa kaalaman ni Ria ang ugnayan ni


Qin at Zim. Ipinatawag niya ang kaniyang anak na makipagkita sa kaniya sa kahit
saang malapit na anyong tubig.
Bukas ang mga braso ni Ria nang makita ang anak. Sinalubong naman siya ni
Zim ng isang mahigpit na yakap.
“Siguro nga ay panahon na upang sabihin ko sa iyo ang lahat,” malumanay na
sabi ni Ria kay Zim habang hinahaplos ang buhok ng anak.
“Ano pong ibig niyong sabihin, ina?” nagtatakang tanong ni Zim.
Binitawan ni Ria ang anak at naglakad papalapit sa lawa. “Sa totoo lang ay
walang problema sa iyo o sa kakayahan mo. Hindi lamang kumpleto ang iyong
kinalakhang kapaligiran,” sambit ni Ria nang nakatalikod sa anak.
Nanatiling tahimik si Zim. Alam niyang mayroon pang nais idagdag na
sabihin ang kaniyang ina.
“Hindi ka ba nagtataka? Lahat ng bathala ay mayroong tig-iisang
pinapangasiwaan. Ako lamang ang may dalawa,” sabi ni Ria.
“Ang sabi nila sa akin ay dahil daw iyon sa isa kang espesyal na bathala,”
tugon ni Zim sa ina.
“Hindi iyan mali, ngunit hindi rin iyan ang buong katotohanan,”
misteryosong sambit ni Ria.
Lumakad si Ria sa gilid ng lawa. Sinundan siya ng kaniyang anak.
“Ang katotohanan ay hindi ka isang purong bathala. Isang mortal ang iyong
amang namayapa. Nagkakilala kami nang nasa mundo rin nila ako para sa isang
misyon bilang bathala ng mga ulap. Noong una ay hindi ko pinagtuonan ng pansin
ang umuusbong na damdamin ko para sa kaniya dahil alam kong hindi ako
magtatagal sa mundo ng mga mortal. Nagkaroon lamang ako ng pag-asa nang nauna
siyang umamin ng kaniyang damdamin para sa akin. Nagkaroon kami ng espesyal na
ugnayan at napakasaya namin noong mga panahong iyon. Noong nalaman ng aking
ama ay nagalit siya ngunit nang makita niyang masaya ako sa piling ng iyong ama ay
hinayaan niya na kaming magkaroon ng relasyon. Binigyan niya kami ng kondisyon
upang tuluyan siyang pumayag na magsama kami. Dapat ay handa siyang tanggapin
ang ipagkakaloob na kapangyarihan para sa pangangasiwa ng karagatan. Dapat ay
handa siyang maging isang bathala. Dahil mag-isa na lamang na naninirahan ang
iyong ama sa mundo nila ay pumayag siyang sumama sa akin sa langit kung saan ang
mga mortal na makakatapak ay tuluyang magiging bathala, mahabang litanya ni
Ria.
“Naging masaya naman po kayo sa sandaling panahon na kumpleto ang ating
pamilya, hindi ba?” puno ng pag-asang pagtatanong ni Zim sa ina.
“Oo naman, anak. Hindi nga lang pinalad ang tadhana namin ng iyong ama
dahil hindi rin kinaya ng kaniyang katawang mortal ang ipinagkaloob sa kaniyang
kapangyarihan. Ang kasal ng mga bathala ay itinuturing na pag-iisa ng kanilang
mga katauhan. Nang pumanaw ang iyong ama ay napunta na rin sa akin ang
responsibilidad na pangasiwaan ang karagatan,” nangungulilang bigkas ni Ria.
“Ina, paano na po kami ni Qin?” nag-aalalang tanong ni Zim.
“Hindi mo ba napapansin na may pagbabago sa iyo?” nakangiting tanong ni
Ria. Halata ang pagtataka sa mukha ni Zim. Ilang sandali lang ay unti-unti niyang
napagtanto ang tinutukoy ng ina.
“Hindi na umuulan kahit hindi payapa ang emosyon ko ngayon!” masayang
hiyaw ni Zim.
“Tama, anak. Dahil iyan sa natagpuan mo ang nakatadhanang wagas na
pagmamahal para sa iyo. Hindi mo man sabihin ay alam kong nahalikan mo na siya
dahil naayos na ang problema mo sa pagkontrol ng ulan,” patuksong sambit ni Ria
sa anak.
Nahiya nang bahagya si Zim sa ina.
“Huwag kang mag-alala, hindi ako tumututol sa pag-iibigan niyong dalawa.
Wala rin akong ibibigay na kondisyon upang payagan kayo. Malaya kang manirahan
sa mundo nila bilang isang mortal. Huwag ka ring mag-alala dahil mananatili ka pa
ring isang bathala,” nakangiting saad ni Ria.
Yumakap na lamang siya kay Ria upang itago ang kaniyang mukha. Natawa
naman si Ria sa inasta ng anak at yumakap din pabalik.

LABIS ang tuwa ni Qin nang malaman niya ang napakagandang balita mula
kay Zim. Hindi na nila pinalampas ang pagkakataong maging masaya. Nanirahan si
Zim sa mundo ng mga mortal at piniling ipagpatuloy ang pag-aaral upang araw-
araw niyang makita at makasama si Qin. Paminsan-minsan ay binibisita sila ni Ria
upang kumustahin. Nang makapagtapos silang dalawa ng pag-aaral at nagkaroon ng
magandang trabaho ay nagpasya silang magpakasal. Nagpasya silang huwag nang
magkaroon ng anak dahil sa komplikasyong dala ng pagkakaroon ng dugong bathala
at dugong mortal. Naging masaya at matatag ang kanilang pagsasamang tumagal
hanggang kamatayan.

You might also like