Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

“Sa Aking mga Kabata”

ni Jose Paulo A. Pamintuan

Maliwanag na kislap ng mga mata,


Puting mga ipin na laging tanaw ang pag-asa.
Lakad na singlumanay ng tubig sa isang isla,
Matingkad na panulat na hindi nawawalan ng tinta.
Ngunit sa bakuran ng bahay ng mga pagkukunwaring ito,
Mahahalungkat ang mga masukal at nagsisilakihang mga damo.
Mga damo na gumagasgas sa paanan ng isang Pilipino.

Gobyerno ng Pilipinas ay isa nang pahayupan.


Mga iba’t ibang uri ng hayop nagsikalat kung saan-saan.
Ngayon, pati buwaya ay kumakain na ng ginto,
Ahas na nakakapagsalita’t puno ng pagbabalat-kayo,
Mga mahihirap ay nawawalan ng karapatang mangarap,
Hindi boses nila, kundi alingangaw ng iba ang natatanggap.
Makakalabas pa ba tayo sa kagubatang puno ng pagpapanggap?

Ang tahanan ngayon ay hindi na kaakibat ang “kaluwagan”.


Imbis na magsunog ng kilay sa paaralan,
Marami’y sa butas na ng karayom ng mga nakatataas dumaraan.
Ang hindi makagawa ng kamalian, dito ay isa ng batas.
Multa sa paglabag, gamit na’y dahas.
O, Diyos ko, ang tahanan ay tahanan pa nga ba sa iba?
Sa madilim na daan ng pangarap, ito’y isang ilaw pa ba?

Sa samu’t saring boses sa lipunan,


Maging ang sariling panaghoy ay hindi na napapakinggan.
Pagpaplantsa ng sariling damit ay nakakaligtaan.
Takot na hindi makararating sa maliwanag na paroroonan,
Ang siyang bumabalot sa isipang puno ng pagaalinlangan
Sa takot magkamali, maligaw, at pigapit,
Ang mabigat ay lalong bumibigat, lalong humahagupit.

Maraming kabataan ang binubulag ng ganitong realidad,


Hindi nabibiyayaan ng kalayaang lumipad.
Kaya kung isa ka sa mga mapapalad,
Sa pait ng mundo'y 'wag kang tumulad.
Alalahanin na sa kabila ng mga balakid na ito,
Isang tropeyo ang naghihintay sayo,
Medalyong kumikilala sa simpleng, pagpapatuloy mo.

"Maraming salamat dahil ika'y nagpatuloy naman,


Sa paghahanap ng daan palabas sa kagubatan,
Sa patuloy na pag-aapoy ng damdamin para sa tahanan,
Sa hindi pagpapatinag sa isip na puno na ngayon ng kamalayan,"

Ito ang mga salita na sana'y lumabas sa ating mga bibig,


Kapag ang himig ng pangarap ay atin nang naririnig.
Yaong mga salita rin sana ang atin sambitin,
Sa mga henerasyong susunod sa atin.

You might also like