Panitikan Hinggil Sa Kahirapan Pangkat Lima

You might also like

Download as rtf, pdf, or txt
Download as rtf, pdf, or txt
You are on page 1of 9

Ang Duyan sa Laylayan: Isang Masusing Pagsusuri, Pakikibaka, at Pag-asa

Isang konseptong papel

Panitikan at Lipunan
BSMT 2A SRC

Pangkat Lima
Barbara Poala Mikaela R.
Francisco, Veronica Joy H.
Garcia, Louise Nicole R.
Mangsal, Roustom G.
Mercado, Robina L.
Ortega, Althea Kristine S.M.
Parungao, Leorey Harvey D.C.
Santos, Betina Mae G.
Silva, Ivan V.

Agosto 2023
Layunin

Naging saksi ang panitikan, naisulat man o napasaling-dila, sa paghahayag ng personal na karanasan at
damdamin ng mga nasa laylayan. Layunin ng papel na ito na bigyang pansin ang mga suhestiyon sa
isipan ng mga mambabasa hinggil sa kahirapan. Bukod pa rito, bibigyang diin ng papel na ito ang mga
sumusunod na punto:

● Una, ang pagkukumpara ng mga antas ng pamumuhay ayon sa mga panitikang nailimbag.
● Ikalawa, ang pagtalakay sa akda ni Rogelio Sikat na pinamagatang “Tata Selo”
● Ikatlo, ang epekto ng panitikang patungkol sa kahirapan sa kasalukuyang kurikulum.
● Ikaapat, ang bunga ng panitikang nasiyasat sa isang modernong lipunan.
● Ikalima, ang pangkalahatang konklusyon sa pinaguusapan at mga suwestyon.
● Ikahuling layunin, ay ang rekomendasyon para sa mga gustong palawakin ang
pagsusuwestyon patungkol sa panitikan hinggil sa kahirapan.

Ang mga naisaad ay ang pangunahing saklaw ng papel na ito.

Introduksyon

Nahabi na sa ating kasaysayan, maging sa pansariling kaisipan, na ang kahirapan ay dulot ng katamaran
ng tao. Ngunit ito ay sumasalungat sa katotohanang ang mga maralita ang nagsisipag upang maitaguyod
ang isang lipunan. Dinudulog ng stereotype at diskriminasyon na walang pangarap ang mga dukha.
Subalit, paano naman ang mga magsasakang nagtitiis sa tirik na araw? Mga mangingisdang pumapalaot
sa kabila ng panganib na dala ng matataas na alon? Maging ang mga tsuper na pumapasada mula umaga,
tanghali hanggang kinagabihan makapag-uwi lamang ng sentimo para sa kanyang pamilya? Ang
kahirapan ba nila ay dala ng katamaran o hindi lamang nabibigyang halaga ang kanilang
pagkakakilanlan?

Ang ibang maralita, lalo na sa mga siyudad, ay madalas kinamumuhian ng kanyang kapwa pilipino dahil
sa stereotype at pagsasangkot sa kanila sa paglaganap ng krimen, pagtaas ng birth rate, maagang
pagbubuntis at iba pang hindi kaaya-ayang pag-uugnay dahil lamang sa kanilang estado. Ngunit sa
kontemporaryong konteksto, masasabi nga bang naligaw sila ng landas? O sadyang, hindi sila mabigyang
pagkakataon na umangat dahil sa hindi pagkakapantay-pantay ng oportunidad sa buhay?

Noon pa man, mula sa panahong pre-kolonyal hanggang sa kasalukuyan, ang pamantasan ng pagkakaroon
ng magandang buhay at kapangyarihan sa isang lipunan ay nakaugat sa antas ng pamumuhay ng isang
mamamayan. Sa isang akda ni Charess Barrios Khai (2017), sinasabing higit na nakatatanggap ng
magandang oportunidad ang mga mayayaman kaysa sa mahihirap sa iba’t ibang sektor panlipunan gaya
na lamang sa sektor ng edukasyon, kabuhayan, kalusugan, at sektor ng pamamahala. Dahil dito,
masasabing ang boses at opinyon ng mga maralita ay ‘di gaanong nabibigyang pansin, o hindi kaya’y
binabalewala. Lingid sa kaisipan ng karamihan, ang hindi pagkakapantay-pantay sa oportunidad sa
pagitan ng dalawang antas ay nagdudulot ng panlipunang suliranin. Higit pa rito, ang suliraning ito ay
nagiging dahilan upang mangibabaw ang diskriminasyon sa lipunan.

Sa panahon ng pananakop ng kastila, nabibigyang diin ang diskriminasyon hinggil sa mga sektor na
naisaad. Sa nobelang akda ni Jose Rizal na “Noli me Tangere” naisayasat ang katotohanan na ang may
lahing kastila, mayayaman, at maimpluwensiya lamang na mga indibidwal ang nakapag-aral (ilustrados),
nakapagpatayo ng negosyo, may kakayahang magpagamot, at may karapatang mamuno sa isang
komunidad. Hindi ito iba sa nararanasan ng kasalukuyang maralita ngayon. Ang mayayaman ay nakapag-
aaral sa magagandang paaralan, habang ang mga kapos ay nagtitiis sa maliliit, maiinit, at hindi
komportableng mga silid-aralan. Habang ang mayayaman ay abala sa pagpaparami ng kanilang salapi,
ang mga maralitang nagtatrabaho para sa malalaking korporasyon ay nagtitiis sa katiting na kita o
“minimum wage” na hindi sapat sa pang araw-araw na pangangailangan. Dagdag pa rito, ang sitwasyon
ng mga maralitang nagsisiksikan sa hindi makataong pampublikong hospital dahil sa kakulangan ng
pasilidad. Panghuli, ang posisyon sa lokal at nasyonal na sangay ng gobyerno ay hitik sa mga elitista,
oligarko, at kapitalista na siyang layunin lamang ay bigyang kasiyahan ang malalaking kompanya at
gipitin ang mga mamamayang nagbabanat ng buto upang mapakain ang kani-kanilang pamilya.

Tulad sa tatalakaying maikling kwento na pinamagatang “Tata Selo” sa papel na ito, Masasabing ang mga
maralita ay hindi dukha sa pangarap, sapagkat pinapasan nila ang gawain at trabaho ng mayayaman
kapalit ang hindi makatarungang pagpapahalaga sa kanilang pagod, sakripisyo at pagsisikap.
Samakatuwid, ang tamang pagtrato sa mga manggagawa sa iba’t ibang sektor sa panlipunan sa
pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad, tamang sahod, makatwirang workload, at makataong oras ng
pagtatrabaho ay makatutulong maibsan ang labis na pasanin ng mga maralitang Pilipino.

Ang diskriminasyon laban sa mahihirap, ay diskriminasyon laban sa masa. Habang ang oportunidad ay
limitado lamang sa mga gahaman, at oportunista, marapat lamang ituloy ang pakikibaka. Ang ang tanging
makasasagip lamang sa mga maralita ay pagbabago sa sistemang pamana ng kasaysayan.

Pagtatalakay

Masasabi natin na ang kahirapan ay isang suliraning higit na nakakaapekto, hindi lamang sa ating
pamumuhay, kung hindi, pati na rin sa estado ng nagkakaisang lipunan. Kinakaharap ng ating lipunan ang
mga suliranin, na hanggang sa kasalukuyan, ay hindi pa rin masolusyunan ng kontemporaryong mga
pamamaraan. At ilan sa mga suliraning ito, ay korapsyon, hindi pagkakapantay-pantay ng oportunidad, at
maging diskriminasyon. Dahil dito, Maraming mamamayan ang nagtitiis na magsumikap sa paghahanap
ng pang araw-araw na pantustos sa kanilang pamilya nang hindi alintana ang mga kahadlangang ito.

Korapsyon at ang mga Oportunista

Kung ang kahirapan ay isang problema, mayroon itong kaakibat na sanhi. Korapsyon ang isa sa mga
nakikitang dahilan ng paglaganap ng kahirapan. Habang ang mga dukha ay patuloy na naghihirap, ang
mga kinauukulan na siyang dapat nagiimplementa ng pagbabago, ang patuloy na tumatapak at
nagnanakaw sa kanyang pinamumunuan. Masasabing sapat, o higit pa ang natatanggap na sweldo ng mga
opisyal ng gobyerno, ngunit ginagamit pa rin ng mga ito ang kaban ng bayan para lamang sa pansariling
interes. Dahil sa patuloy at maling pamamalakad ng mga kinauukulan, higit na naaapektuhan ang
ekonomiya lalo na ang mga mamamayang nasa sektor ng agrikultura at paggawa. Ang pang-aabusong ito
ay higit na ibinabaon ang mga dukha sa laylayan.

Kawalan ng Oportunidad

Maraming maralita ang iniinda ang kawalan ng oportunidad sa trabaho, mababang sahod, pagiging
oportunista ng mga kompanya, at pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin. Ito ngayon ang isa sa
itinuturong pangunahing rason o kadahilanan ng kahirapan. Bukod pa rito, patuloy na nagpapahirap sa
mga maralita ang hindi makatarungang pagtataas ng buwis kasabay ang pagtataas ng pangunahing bilihin
at panggigipit ng mga pyudal habang walang pagbabago sa kinikita ng mga nasa laylayan. Dahil dito,
napipilitan ang mga maralita na magtiis sa katiting, at magtrabaho ng higit pa sa kanilang kapabilidad.

Diskriminasyon Laban sa Maralita

Ang antas ng pamumuhay sa isang modernong lipunan ay nagpapalaganap ng pagkakahati-hati sa isang


komunidad at opresyon laban sa mga dukha. Nauugnay pa rin ang suliraning ito sa sistemang pinapaboran
ang mayayaman, maimpluwensya, at mga nasa kapangyarihan. Dahil dito, hindi nabibigyan ng sapat na
pansin ang mga mamamayang nangangailangan. Tulad na lamang ng mga nailathalang pangyayari sa
ating lipunan, tulad noong kasagsagan ng pandemya. Ang mga mamamayang walang-wala at umaasa
lamang sa ayuda mula sa kinauukulan ay nakakukuha lamang ng sapat, minsan pa nga ay binabalewala,
gunit ang mga may kapit sa kapangyarihan at maimpluwensya ay doble pa ang natatanggap. Dahil dito,
masasabing ang kahirapan ay impluwensya ng pagbabalewala, at pagsasaling-pusa sa mga dukha sa mga
proyekto ng lipunan.

Tata Selo

Tulad na lamang ng napiling maikling kwento na akda ni Rogelio Sikat na pinamagatang "Tata Selo",
nabibigyang diin ang pagiging oportunista at hindi maka panlipunang paglilingkod ng ilang kawani ng
pamahalaan. Ang maikling kwento ay tungkol sa isang matandang magsasaka na walang hinangad kung
hindi ang magsaka lamang sa kanyang lupain. Ngunit ang lupaing kanyang sinasakahan ay kanyang
naipagbili na sa isang pyudal na kabesa sa kadahilanang nagkasakit ang kanyang asawa, ngunit nais parin
niyang maibalik muli ang kanyang sakahan sa kanyang pangalan. Sa kanyang katandaan, mayroon pa rin
siyang kakayahang makapagsaka at mapangalagaan ang kanyang lupa. Subalit, kanyang napagtanto na
ang kanyang yamang pisikal ay hindi kayang masolusyunan ang kaniyang pinapasan na mga suliranin,
katulad na lamang ng kakulangan nila sa salapi upang mabili muli ang lupain. Hanggang isang araw,
habang siya ay nagsasaka, linapitan siya ng isang ginoong nagngangalang kabesang tano at sinabing
lisanin niya na ang lupain sapagkat may ibang indibidwal na ang magsasaka ng lupain. Bukod pa rito,
gusto niyang kunin ang ani ng matandang magsasaka nang walang bayad. Nakiusap ang matandang
magsasaka subalit, hindi sya pinakinggan kaya nagawa na lamang nitong tagain ang kabesa,
kinahantungan na naging dahilan ng pagkakakulong ni Tata Selo.

Ang kawalan ng katarungan para sa mga maralita ay prominenteng nailahad sa maikling kwento. Ito ay
dahil sa pagpapawalang bahala ng mga kinauukulan sa kaso ni tata selo, at sa tunay na pangyayari. Bukod
pa rito, ang pagkakait kay tata selo na sumailalim sa tamang proseso ng batas, ay ipinapakita lamang ang
kawalan ng pagkapantay-pantay sa mata ng batas. Ang diskriminasyon na ito ay maaaring magtulak sa
isang indibidwal upang makagawa ng isang bagay na makasisira, hindi lamang sa kaniyang sarili, kung
hindi, pati na rin sa kanyang kapwa. Maihahalintulad natin ang kwentong natalakay sa mga maralitang
nasa laylayan na walang ibang pagpipilian kung hindi ang magtrabaho kapalit ang hindi makatarungang
sahod. Bunga nito, masasabi natin na ang kahirapan ay higit na nakakaapekto sa pag-iisip at
pagdedesisyon ng isang indibidwal, kung saan ito ang nagiging sanhi ng pagkapariwara at paggawa ng
maling mga desisyon.

Samakatuwid, ang maikling kwentong natalakay ay ipinapaunawa ang kahalagahan ng pagpapakatotoo sa


sarili, pagpapahalaga sa pamilya, at tunay na sakripisyo ng mga nasa laylayan. Dahil dito, sinasabi na ang
tunay na kasiyahan at tagumpay ay maaari ring magmula sa maliliit na bagay. Bukod pa rito,
iminumungkahi ng kwentong ito na nararapat lamang na matuto ang isang indibidwal na makuntento sa
mga bagay na mayroon ito at iwasang ikumpara ang estado ng kanyang buhay sa kanyang kapwa tao.
Epekto sa kurikulum

Bilang isang Pilipino, at bilang isang mag-aaral, pumapasok sa ating isipan ang katagang "Ang kabataan
ang pag-asa ng bayan" marami sa ating Pilipinong mag-aaral ang patuloy pa ring naghahangad na
magkaroon ng payak at magandang kinabukasan. Subalit, paano nalang kung ang kahirapan ang maging
hadlang sa pagkamit ng mga pangarap na ito? Maraming estudyante na ang humaharap sa problema ng
kahirapan, at ito ay lubos na nakakaapekto sa pag-abot ng kanilang mga pangarap. Dahil dito, masasabing
hadlang ang kahirapan sa pag-aaral, sapagkat nililimitahan nito ang kakayahan ng isang maralitang
estudyante na makapagtapos. Sa panahon ngayon, hindi na sapat ang sipag at tiyaga upang makaraos sa
araw-araw na pamumuhay ang isang maralitang estudyante. Kinakailangan na ring bigyang pansin ang
aspetong pinansyal upang matugunan ang pangangailangan ng estudyante sa kani-kanilang pag-aaral.

Ang kahirapan ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa sistema ng edukasyon, isa na rito ang
kawalan ng maayos na pasilidad at kagamitan para sa mga estudyante. Ang mga pampublikong paaralan
ay isa sa mga humaharap sa isyu na ito. Bukod pa rito, ang kawalan ng sapat na kagamitan tulad ng aklat,
silid-aralan at mga modernong kagamitan na kinakailangan sa modernong panahon ay maaaring magdulot
ng malaking epekto sa kalidad ng edukasyon na inaalok sa bawat estudyante. Nagiging sanhi rin ito sa
pagkawala ng motibasyon ng mga estudyante upang makapag-aral nang mabuti. Ito ay sa kadahilanang
kulang ang mga kagamitan na pinagkukunan ng mga impormasyon upang matapos ang kanilang mga
pang-akademikong gawain.

Malaki ring suliranin ang kahirapan, sapagkat mayroong hindi pagkakapantay-pantay sa oportunidad na
makapasok sa kolehiyo dahil sa limitadong bilang ng estudyanteng tinatanggap sa iba’t ibang kurso. Sa
hindi pagkakapantay-pantay na ito, karamihan ng naghahangad makapag-kolehiyo ay ninanais na lamang
huminto, at maghanap na lamang ng trabaho na angkop sa kanilang kakayahan upang makatulong sa
kani-kanilang mga pamilya. Kaakibat ng mga negatibong epektong nabanggit, ang bawat mental at pisikal
na kalusugan ng mag-aaral, at ng mga guro. Sanhi ito ng labis na kakulangan ng pangunahing mga
pangangailangan sa pag-aaral na nagdudulot ng pagkawala sa pokus ng mga estudyante, at maging mga
guro.

Samakatuwid, ang mga nabanggit na negatibong epekto sa kurikulum ay dapat pagtuunan ng pansin ng
bawat mamamayan at kinauukulan. Sa kabilang banda, may nakikitang positibong dulot rin ang kahirapan
sa pag-iisip ng mga bawat estudyante at mamamayang Pilipino. Isa sa mga natutunan ng mga Pilipino sa
pagsubok ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng maganda at malalim na ugnayan sa reyalidad ng buhay.
Nagbibigay ito ng kahalagahan sa mga dumadating na oportunidad at pagsusumikap sa buhay. Kabilang
sa positibong dulot ng kahirapan, ay ang pagkakaroon ng mga ideyal na katangian katulad na lamang ng
pagtitipid at pagiging madiskarte sa buhay na nagtataguyod ng magandang kinabukasan. Natutugunan rin
ng kahirapan ang mga pag-iisip ng mga kawani ng pamahalaan. Namumulat ng kahirapan ang mga
kinauukulan sa kalagayan ng sistema ng edukasyon sa modernong lipunan. Dahil dito, masasabing
nagkakaroon ng maka-estudyanteng layunin ang gobyerno sa paglulunsan ng mga programang pang-
pinansyal na nakakatulong sa bawat mag-aaral, pagpaplano at pagpapatayo ng mga bagong pasilidad sa
bawat sulok ng bansa, at pagbibigay konsiderasyon sa mga nasa laylayan upang makasabay ang masa sa
modernong kurikulum.
Epekto sa Lipunan

Ang bawat estado o katayuang taglay ng bawat indibidwal ay nagpapamalas ng malaking epekto sa
lipunan lalong higit na sa nasasakupan nito, alinsunod sa bawat pangyayaring maiuugay sa mga taong
maralita, tulad na lamang ng isang tauhan sa kwento na nagngangalang "Tata Selo". Kaliwa at kanang
argumento ang siyang umiral na nagnanais balangkasin at bigyang diin ang makabuluhang epekto ng
kahirapan sa lipunan.

Upang higit na maunawaan ang kahalagahan ng konseptong tinalakay, inilahad sa pahinang ito ang mga
epekto ng kahirapan sa lipunan.

Ang kahirapang nararanasan ng karamihan sa bansa ang siyang pangunahing dahilan kaya naman talamak
ang negatibong dulot nito sa lipunan. Tulad na lamang nang hindi pantay na pagtingin, pakikitungo, at
pagtrato ng mga taong nakatataas sa mga mamamayan na mayroong mas nakabababang antas ng
pamumuhay.

Maipakikita rin dito ang hindi makatarungang paggamit ng kapangyarihan upang manipulahin ang
hustisya, ganoon na rin ang mga taong nakabababa sa kanila. Marami rin ang mga inosenteng indibidwal
na kabilang sa nakabababang antas ng lipunan ang nakukulong sapagkat wala silang sapat na kakayahan
na magbayad ng abogado at ipaglaban ang hustisyang nararapat para sa kanila. Ito ay binigyang diin sa
artikulong inilathala ni Penaflor (2015).

Bukod pa rito, patuloy pa rin na nakararanas ng matinding diskriminasyon ang mga taong nasa laylayan
nang dahil sa kawalan ng oportunidad at pribilehiyo. Hindi lamang sa edukasyon, ngunit maging sa iba't
ibang sektor sa lipunan. Dagdag pa rito, ang kawalan ng trabaho ay isa rin sa maraming negatibong dulot
ng kahirapan, bunga nito, hindi sumasapat ang kanilang kinikita para sa pang araw-araw na pamumuhay,
kaya naman patuloy na tumataas ang antas ng malnutrisyon sa bansa. Pinagtitibay ito ng nailahad ni Bisa
(2018) sa kanyang artikulo patungkol sa kahirapan, na maraming pangangailangan ang hindi matugunan
katulad ng kawalan ng kasuotan, tirahan, inumin at sapat na masusustansiyang pagkain. Nang dahil sa
matinding kahirapan, nagmistulang bulag sa katotohanan ang ilan at pikit-matang tinahak ang madilim na
landas ng buhay. Nakagagawa sila ng mga bagay na labag sa batas tulad na lamang ng pagnanakaw at
pagkitil ng buhay, karamihan ay namulat sa ganitong uri ng pamumuhay upang matugunan ang
nararanasang kahirapan.

Isa rin ang korapsyon sa pangunahing nagdudulot ng kahirapan na siyang nakaaapekto sa lipunan. Ang
labis na pandarambong at panananamantala ng mga kawani ng gobyerno sa lipunan ay masasabing
talamak at ang nagiging pangunahing dahilan nang paglawig ng kahirapan sa lipunan.

Datapwat maliit na porsyente lamang kung sisiyasatin ang positibong aspeto ng kahirapan, hindi maiaalis
ang katotohanang nababatay pa rin ang positibong epekto nito sa uri ng pag-iisip, layunin, at katiyakan ng
prinsipyo ng isang maralita. Ang kahirapan ang nagsisilbing inspirasyon upang higit na umalab ang
kanilang hangarin na magkaroon ng pagkapantay-pantay sa oportunidad. Nagbubuklod ito upang
magkaroon ng isang layunin na paangatin ang kanilang pamumuhay at estado sa lipunan. Ito ay
nagreresulta sa pagkakaroon ng motibasyon upang patunayan na ang kahirapan ay hindi isang katayuan
na hadlang upang magtagumpay. Ang pagnanais na makaahon mula sa butas ng kahirapan ang siyang
naging tulay upang mas higit silang magtiyaga at magsumikap na makamtan ang kaginhawaan sa buhay.
Nang dahil sa kahirapan na kanilang nararanasan, hindi pagsuko ang ginawa nilang solusyon, bagkus
nagsisilbi itong pundasyon upang higit silang maging matatag sa pagharap sa kani-kanilang pasanin sa
buhay.
Samakatuwid, ang pagpapahalaga sa munting mga naisakatuparan ng isang maralita ay nagbubunga sa
pagpapahalaga sa pangaraw-araw na sakripisyo ng isang dukha. Ang paglalahad ng mga konseptong ito
ay nangangahulagan na ang salitang kahirapan ay hindi lamang naiuugnay sa negatibong kaisipan, bagkus
maaari pa rin itong maging pundasyon ng positibong pananaw sa buhay. Mahalagang maunawaan ng
bawat indibidwal ang konsepto ng kahirapan upang higit na lumawak ang kaisipan at magkaroon ng
habag sa kasalimuotang nararanasan ng mga maralita at ang bunga nito sa lipunan.

Konklusyon

Sa panitikan, madalas na inilalahad ng mga indibidwal kung paano nagiging isang malaking suliranin ang
kahirapan sa kanilang pamumuhay. Ang kanilang paglalahad ay hindi lamang humihingi ng empatiya,
bagkus ang paglalahad ay pagbuo din ng koneksyon sa mambabasa hinggil sa kanilang mga pakikibaka at
damdamin. Layunin nilang ilarawan ang mabigat na pasanin na dulot ng kahirapan, at kung paano
itinataguyod ng mga maralita na panghawakan pa rin ang kanilang prinsipyo at adhikain. Mahalagang
magkaisa ang bawat mamamayan upang makamit ang hinahangad na ideyal na uri ng lipunan. Ang mga
salat sa pamumuhay ay mahalagang pagpulutang aral ng mga indibidwal na mas nakakaangat sa buhay,
sapagkat sila ang tunay na kumakatawan sa isang matibay na tahanan at isang progresibong lipunan. Ang
pagkakaisa at pagkakaunawaan ang ilan sa mga natatanging solusyon na makapag-dudulot ng pagbabago
sa ating lipunan patungo sa isang matuwid na bukas.

Ang mga maikling kwento ni Rogelio Sikat tulad na lamang ng “Tata Selo,” ay napauunawa ang
kahirapan at mga isyung panlipunan. Ang kwento ay sumusunod sa buhay ng isang matandang lalaking
maralita na nagsusumikap para mabuhay sa kabila ng mga hamon. Ipinahahayag nito ang kanyang
adhikain, lakas, at pagtitiis sa harap ng kahirapan. Si tata Selo ay isang representasyon ng mga maralitang
walang sawa na nagtatrabaho at nagsusumikap para sa isang magandang kinabukasan.

Bilang pangwakas, ang panitikan ay nagiging daan ng mga maralita sa lipunan upang maiboses ang
kanilang karanasan hinggil sa hindi pagkakapantay-pantay sa kanilang kinabibilangang lipunan. Ito rin ay
nagsisilbing tulay upang paalabin ang natutulog na diwang maka-masa ng mga pilipino, at upang
kalampagin ang mga nahalal na maging instrumento sa tunay at progresibong pagbabago.

Rekomendasyon

Sa bawat araw na lumilipas, ang ating Lipunan ay patuloy at walang tigil sa progresibong pagbabago. Sa
kabila ng pagbabago, masasabi natin na ang suliranin ng kahirapan ay isa pa ring prominenteng
naoobserbahang suliranin sa isang modernong lipunan. Nararapat lamang na isaalang-alang ng isang
indbidwal ang pag-unawa sa tunay na estado ng mahihirap sa pamamagitan ng malalim na pananaliksik.
Dahil dito, ang papel na ito ay nilalatag ang mga rekomendasyong makatutulong hindi lamang para sa
mga taong mausisa sa pag-aaral ng Lipunan, kung hindi para na rin sa mga taong nangangailangan ng
sapat na talasanggunian upang makapagbigay solusyon sa problema ng kahirapan. Kabilang sa
rekomondasyon ang mga sumusunod:

Sa mga sumasangguni sa panitikan upang maunawaan ang estado ng kahirapan.

Maaaring magbasa ng iba’t iba pang uri ng panitikan, tulad ng maiikling kwento kagaya ng “Impeng
Negro” na isa rin sa mga akdang isinulat ni Rogelio Sicat upang mas mapalawak pa ng isang indibidwal
ang kanyang kaalaman at mas mainitindihan pa ang pananaw ng iba’t ibang may akda ng iba’t ibang
panitikan ukol sa kahirapan na kanilang naoobserbahan o hindi kaya ay dinaranas.
Sa mga sumasangguni sa panitikan upang mabigyang solusyon ang panlipunang kahirapan.

Maaaring magsaliksik ng mga artikulo o lathala hinggil sa mga kasalukuyang ulat sa Lipunan upang
magkaroon ng mas malalim na pangunawa sa tunay na kadahilanan ng kahirapan. Maaaring sumangguni
sa mga datos, na makatutulong sa sistematikong pagbuo ng solusyon. Maaaring makaulong ang
pananaliksik sa paggawa ng dagdag opotunidad at mapaunlad ang isang negosyo o kabuhayan.

Sa mga sumasangguni sa sa panitikan upang makita ang pagkakaiba ng estado ng kahirapan sa


mga pamayanan rural at siyudad.

Maaaring gamitin ang papel na ito upang maihambing ang sitwasyon ng panrural na kahirapan sa
kahirapan sa siyudad. Kahit hindi lubos na natalakay, maaaring sumangguni ang isang indibidwal sa ibang
mga akademikong papel.

Mga nakikitang solusyon sa kahirapan

Nararapat na suportahan ang pagsulong at pagunlad ng sektor ng Agrikultura sa pamamagitan ng


pagtangkilik ng mga produktong lokal. Ang kasiguraduhang mayroon silang matatamong benepisyo at
pantay-pantay na karapatan, ay matitiyak ang paggaan ng pasanin ng mga maralita.
Bukod pa rito, maaaring maglunsad ng mga programa at proyekto na naglalayong magbigay ng trabaho sa
mga sektor tulad ng agrikultura, pagnenegosyo, teknolohiya at iba pa. Ang pagsusulong ng mga
livelihood programs at skills training ay magkatutulong sa pagkakaroon ng mga hanapbuhay.
Panghuli, maaaring pagtibayin ang mga batas at regulasyon na nagbibigay proteksyon sa mga maralita
laban sa lahat ng uri ng diskriminasyon. Ang malalim na pagsusuri sa mga hindi makatarungang
patakaran at pagsugpo sa pang-aabuso. Dagdag pa rito, ang pagpapaigting ng tamang proseso sa mga
imbestigasyon at maagang pagtugon sa mga kaso na hindi makatao at makakalipunan. Nararapat ding
palakasin ang mga ahensiyang nagtataguyod at nagtatanggol sa karapatang pantao.
Talasanggunian

Khai, C.B. (2017). Mayayaman at Mahihirap. Scribd.


https://www.scribd.com/doc/253635528/Mayayaman-at-Mah
ihirap#

Mactal, E. (2016). Isyu ng Kahirapan sa Pilipinas. Wordpress.


https://emersonmactal.wordpress.com/2016/10/17/kahirapan-sa-pilipinas/

Cedeno, C (n.d). Kahirapan sa Pilipinas Saan Nagmula: Gobyerno o Tayo? Wordpress.


https://daryljoyce19.wordpress.com/2016/02/28/kahirapan-sa-pilipinas-saan-nagmula-gobyerno-
o-tayo/

Punongbayan, J. (2022). “20 milyon na ang mahihirap na Pilipino, pa’no na? Rappler.
https://www.rappler.com/voices/thought-leaders/analysis-statistics-number-poor-filipinos-2021-
what-to-do/

Kulat, I. (2022). Ang Epekto ng Kahirapan Sa Kabataan. Consortium of Bangsamoro Civil Society.
https://bangsamorocivilsociety.org/2022/03/07/ang-epekto-ng-kahirapan-sa-buhay-ng-kabataan/

Gregorio, R. (2016). Mga Sanhi at Bunga ng Kahirapan sa Pilipinas. Wordpress.


https://uclaliwanagatdilim2016.wordpress.com/2016/06/06/mga-sanhi-at-bunga-ng-kahirapan-sa-
pilipinas/

Penaflor, P.E. (2015). Paano natin ipapaliwanag ang kahirapan sa Pilipinas. Linkedin.
https://ph.linkedin.com/pulse/paano-natin-ipapaliwanag-ang-kahirapan-sa-pilipinas-penaflor-phd?
fbclid=IwAR3rq9wXvMeFcQHlMIe9Vx5s04HjGaqp15Zr8YEQY-
8xDVJ89WnmUOzw8HQwAR2BB3P2To0Li_RxoITsfok7yB7N2XKz5lV2e6LbG7c4YeA1BD-
fs3zuzlM

Bisa, E. (2018). Kahirapan: Problema sa Lipunan. BlogSpot.


https://jhasminaaaaa.blogspot.com/2018/07/kahirapan-problema-sa-lipunan.html?
m=1&fbclid=IwAR2BB3P2To0Li_RxoITsfok7yB7N2XKz5lV2e6LbG7c4YeA1BD-fs3zuzlM

Sikat, R. (n.d) Tata Selo. Mga Kwentong Bayan.


https://www.mgakwentongbayan.com/tata-selo/

Staff, E. (2018). Mga Sanaysay Tungkol Sa Kahirapan. Pinoy Collection.


https://pinoycollection.com/sanaysay-tungkol-sa-kahirapan/

Panitikan (2019). Sanaysay Tungkol Sa Kahirapan. Panitikan Ph.


https://www.panitikan.com.ph/sanaysay-tungkol-sa-kahirapan#google_vignette

You might also like