Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

ALAMAT NI MARIANG MAKILING

Sa lalawigan ng Laguna, naniniwala ang mga tao na sa bundok ng Makiling ay


naninirahan ang isang magandang diwatang nag ngangalang Mariang Makiling. Ayon sa
kwento ng mga matatanda, ang Laguna ay pinamumunuan ng dalawang bathala, sina Dayang
Makiling at Gat Panahon.
Ang mga bathalang ito raw ay mayroong magandang anak na dalaga na pinangalanan
nilang Mariang Makiling. Dahil sa kanyang angking kagandahan at kabaitan, si Maria ay
siyang tanging lakas at ligaya ng kanyang mga magulang.
Nang pumanaw ang kanyang mga magulang, kay Mariang Makiling naiwan ang
pamumuno ng nasabing lalawigan.
Kaiba sa mga naunang mga bathala, si Mariang Makiling ay nagpapakita sa kanyang
mga nasasakupan. Tuwing umaga ng tiyangge, bumababa siya sa bundok Makiling at
nakikihalu-bilo sa mga taumbayan. Kasama ng dalawang katulong na mga katutubo,
namimili sila ng mga kagamitan at ang ipinamamalit ay mga gintong piraso ng luya.
Totoong napakabuti niya sa mga mamamayan doon. Ang bundok na kanyang
tinatahanan, na sagana sa mga gulay at bungang-kahoy ay bukas para sa ibig mamitas doon.
Pati na ang mga ibon at hayup sa gubat ay siyang paraiso ng mga mangangaso.
Handa rin siyang tumulong sa mga nangangailangan. Tulad ng kanyang ina,
namumudmod siya ng mga ginintuang luya sa bakuran ng mg taong nasa gipit na kalagayan.
Sa mga ikakasal, nagpapahiram siya o nagbibigay ng mga bagay na hindi nila
makayang bilhin, tulad ng mga malasutlang damit pangkasal o mga kasangkapan para sa
kasalan. Anupat napakabait ni Mariang Makiling sa kanyang mga nasasakupan.
Subalit dumating ang panahong ang mga tao ay waring nalimot na ang mga
kabutihang ipinagkaloob sa kanila ni Mariang Makiling. Karamihan sa kanilay di man
lamang marunong tumanaw ng utang na loob. Walang patumangga nilang inabuso ang
kagubatan ng bundok Makiling sa pagkakaingin at sa pagpatay nang walang habas sa mga
ibon at hayup na naninirahan doon.
Dahil dito, nagalit si Mariang Makiling at pinagbawalan na ang taong mangaso o
mamitas ng mga gulay at prutas sa naturang bundok.
Sa anumang pagkakamali o pagsuway sa kanyang mga utos, pinadidilim niya ang
kalangitan kaalinsabay ng dumaragundong na kulog at matatalim na kidlat at
nagaalimpuyong bagyo.
At higit sa lahat, hindi na siya bumaba ng bundok Makiling para makisalamuha sa
mga mamamayan doon.
Sa ngayon, ang tanging matatamis na alaala na lamang ng panahong si Mariang
Makiling ay nagpapakita sa tao ang naiwan sa mga taumbayan ng Laguna.
Subalit may ilan pa rin ang nagsasabing, kapag kabilugan ng buwan, makikita raw
ang isang napakagandang babaing may mahabat maitim na buhok at matamis na umaawit sa
madawag na kagubatan ng bundok Makiling.

You might also like