Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

YUMAPOS ANG TAKIPSILIM

ni Genoveva Edroza-Matute

Kay Lydia niya unang narinig ang balita.


“’La,” ang sabi ni Lydia na kumandong sa kanya at pinagdaop ang mga palad sa kanyang batok, “aalis ka na nga ba rito, ha,
‘La?”
“Aalis ako? Aba, saan ako pupunta?” ang tanong niyang may kahalong tawa.
“Di na nga ‘ko makakilos e – diyantreng rayuma ‘to! Aalis pa ‘ko?”
“Ayan! Ayan!” Tuwang-tuwa si Lydia. Inalis ang pagkakadaop ng mga palad sa bato ng Lola at pumalakpak. “Sabi na nga ba,
di ka pupunta kina Odet!”
Ang tawang nagpalabas sa mga gilagid na wala nang ngipin ay unti-unting natikom, kasabay nang panliliit ng mga mata –
mga matang umaaninag sa mukhang apo.
“Batang ire, kung saan-saan kinukuha ang pinagsasabi. Saan mo ba nahagilap iyan? Pa’no ko pupunta kina Odet – ni hindi
ko alam kung saan nakatira iyon? Dadalawang beses kong nakikita sa . . . ku . . . kung ga’no na katagal na panahon!”
Ngunit hindi na nakikinig sa kanya si Lydia. Ito’y matuling bumaba buhat sa kanyang kandungan sa unang ingit ng pinto na
nagpasungaw sa magandang ina nito.
“Lydia,” ang tawag ng magandang si Carmen. Ang tinig na dumating sa pakinig ng Lola ay hindi marahas, hindi galit.
Malamig. Malamig. Ang magandang si Carmen ay aral sa kolehiya. Kailanma’y hindi niya narinig ang tinig nitong naging
marahas, ni galit. Malamig lamang. Malamig. Si Lydia ay mabilis na lumabas sa kusina. Sumunod ang ina nito. Mula sa
upuang may-pagulong ay tinanaw ng matanda ang mag-ina.
Sinasabong mabuti ng magandang si Carmen ang mga bisig at kamay ni Lydia.
Sa kanyang panganay niya narinig na muli ang balita.
“Inay,” ang marahang sabi ni Ramon, “gustong-gusto kayong makuha ni Rey – sabik na sabik daw sa lola ang anak niyang si
Odet. Kung iisipin nga naman, halos hindi kayo nakikilala ng mga apo ninyo sa anak niyong bunso.” May marahang tawang
walang-taginting ang kasabay ng sinabing iyon ni Ramon. “Sabi ko nga’y hindi kami papayag ni Carmen na makuha kayo ng
kapatid kong iyon, pero. . .
“’Ba, ayoko ro’n. Sabi mo nga, ni hindi kami halos nagkakakilala ng mga apo ko – maski manugang ko – kay Rey.”
“Pero,” ang patuloy ni Ramon, “baka naman magdamdam si Rey. Sabi ko na lang, payag kami ni Carmen. . . na. . .
magbakasyon kayo roon.”
Mailap ang mga paningin ni Ramon. Umiiwas sa kulu-kulubot na mukhang nakataas sa kanya, sa mga nanlalabong matang
umaaninag sa kanya.
Magbabakasyon ako. . . sa bahay. . . ng akong bunso? Buong kupad na gumapang sa kanyang isipan ang narinig na iyon sa
kanyang panganay. Hinaplos-haplos ng butuhan niyang kamay ang buhok niyang simputi ng pilak. Bakasyon nga ba ang
sinabi ng aking panganay? Kina Rey? Saan nga ba nakatira ang aking bunso? Ano nga ba ang pangalan ng napangasawa
niya? Si Odet ay apo ko yata sa aking bunsong anak. Hindi ko maalala ang mukha. A, iba si Lydia. Kilala ko si Lydia. Bunso ng
aking panganay. Maganda ang kanyang ina. Sinasabong mabuti ang mga kamay ni Lydia. Bakit kaya? Talaga bang dadalawa
ang aking mga anak? Matagal nang namamatay ang kanilang ama.
“Inay, nakikinig ba kayo?” Nangibabaw ang tinig ni Ramon sa sali-salimuot na isipang buong kupad na gumagapang sa
kanyang utak. Bakit ba padalas nang padalas na nagsasali-salimuot nang gayon ang iba’t ibang isipan sa kanyang ulo?
Noong bata-bata pa siya: Kung mauna ako sa iyo’y huwag mong gaanong damdamin – may dalawa ka namang anak.
Mabigat ang kamay na pumatong sa kanyang balikat. “Napag-usapan na namin ni Carmen ang bagay na ito, Inay.
Nagkasundo kami – na pagbigyan ang gusto ni Rey.”
Ngayon ay lumiliwanag nanag bahagya ang kanyang isipan. Magbabakasyon ba ‘ka mo ako kina Rey? Hinagilap ng
nanlalabo niyang paningin ang mukhang kangina’y nakatunghay sa kanya, ngunit nag-iisa na siya. Luminga-linga siya.
Talagang nag-iisa na siya. Pinagulong niya ang kanyang upuan hanggang sa may pinto. Pinihit niya ang hawakan. Hindi
natinag ang pinto. Nanatili sa pagkakapinid.
Sa kabila ng nakapinid na pinto’y naulinigan niya ang tinig ni Ramon. Malakas. Ngunit hindi malinaw ang mga salitang
hinahadlangan ng makapal na pinto. Naulinigan niyang bahagyang-bahagya ang tinig ni Carmen. Marahan. Hindi galit.
Malamig. Naglagos sa pinid na pinto ang kalamigan ng tinig niyon.
Inantok siya sa pakikinig sa mga tinig na iyon. Bakit pa padalas nang padalas ang pag-aantok niya kahit na araw? Sindalas ng
pagsasali-salimuot ng iba’t ibang isipan sa kanyang utak na pabagal nang pabagal sa pag-unawa sa anumang sabihin sa
kanya ni Ramon. Ni Lydia. Ng mga kapatid nito. Ng mga utusan. Matagal na siyang hindi kinakausap ng magandang si
Carmen.
Kaalinsabay ng pag-aantok niya ang pagsasali-salimuot ng iba’t ibang isipan. Isipan nga ba o alaala? Alaala nga ba o
guniguni?
Dadalawa naman ang ating anak. Ang tinig ay humahakdaw sa maraming taon. Nagbabalik sa kanya sa buong kabaitan
niyon. Sa buong pagmamahal niyon. Napagtapos na natin silang dalawa ng karera. Makapagsisimula na sila sa tulong ng
kanilang sariling pagsisikap. Tayo naman ay maglibot-libot hanggang Mindanaw man lamang, hanggang Ilokos. Makita man
lamang natin ang sariling bayan bago tayo mamatay.
Taong ito, ang dalawa kong bunso, maging makasarili? Hindi mo nga pala sila nakikilala – gaya ng pagkakakilala ko!
Una muna si Ramon. Malaking bahagi ng kanilang tinipon ang nagpatayo ng isang bupete para rito. Kagaraang umakit ng
magagarang kliyente, ng mga usapin ng maseselang damdamin ng maseselang tao na naghatid ng tagumpay, ng
kolehiyala’t magandang si Carmen.
Sumunod si Rey. Ang nalalabi pa sa kanilang tinipon ang nag-akyat kay Rey sa lipunang kinatagpuan sa isang
tagapagmanang taga-Timog.
Kinabukasan ng kasalan, ang tinig na iyo’y nagbalik sa katahimikang pinagmulan. Isang sakuna ang sumakmal at kumitil
nang panghabang panahon, sa tinig na iyon at sa marupok na pangarap ng dapithapon ng buhay.
“Huwag na kayong umiyak, Inay.” Iyon ay tinig ni Ramon. “Sa amin kayo titira. Mabait si Carmen, at malapit na kayong
magkaapo.”
Apo? Mga apo? Mararahang yabag, mga yabag na di-nakatitiyak sa pangangabay, mabibilis na paa sa pagtakbo, matitinis na
tinig.
“Ang bola ko! I-i-i-i-i-iiiiiiiiiit!” Saglit na katahimikang sumabog sa matinis na sigaw ng maraming tinig.
Ano iyon? Tuminag ang lola sa upuang may-pagulong, sa saglit ng kanyang pagkakalimot. O pagkakatulog? O pangangarap?
Lumalapit sa kanya si Tinay, ang utusan. May tangang kutsarita ng gamot at isang basong tubig.
“Lula, mag-inum na ikaw sa gamut – para d’yan sa imu na balat. U, mag-inum ikaw agad sa tubig – masyadu nang mapait
n’yan, anu?” Sinipat ni Tinay ang namamalikaskas na balat sa mga bisig ng matanda. “Pur bida, baka magi na matanda sa
akon, gan’yan din sang balat ku?” Tumawa si Tinay. Ngunit bago iyon lumabas ay kinuwentuhan muna siya.
“Lula, magdating na naman sang Mistir at Misis Valli.”
“Sino?”
“Sang Misis, ‘yung kumadri sang Niyura Carmin – ‘yung magsabi, pag magkita sa imu, parang magkita rin sang nanay n’yang
mamatay. Magsabi pa nga magsuwirti sang Lydia, mi lula – sang anak n’ya, ala. . . ”
“A, iyon ba?”
Lumabas si Tinay, dala ang kutsarita at ang basong wala nang laman. Ipininid na muli ang pinto. Buhat sa kabilang silid ay
wala na ang taginting ng malakas na tinig ni Ramon. Wala na ang malamig na tinig ni Carmen.
UMAAMBUN-AMBON NANG HAPONG pumasok sa malaki’t lumalangitngit na pinto sa harap ang awto ni Rey. Si Tinay, ang
utusan, ang nagsabi sa kanya kung sino ang dumating.
“Sang lula naman,” ang natawang sabi ni Tinay. “Sinu gid bisita ang magtanung sa imu? Sang Mistir Riy ‘yun a! Imu na anak,
di mu man kilala? Pur bida!” Muling tumawa si Tinay.
May kung anong biglang umawit sa kalooban ng matanda. Sumayaw. Nagningning. Inaninag ng kanyang mga nanlalabong
paningin ang matangkad at matipunong katawang tuloy-tuloy sa salas. Banaag ng araw na nagdaan sa kanyang pangmalas
ang mukhang yaong kapilas ng sa amang nag-alala nang gayon na lamang sa kanya – kung sakali’t mauna iyong angkinin ng
kamatayan.
Simbilis ng alaala ang pagpapagulong niya ng upuan, patungo sa pinasukan ng kanyang bunso. Alaala ng tinig na iyong
mabait at mapagmahal: Hu, ikaw ba naman, mas mahal mo ang bunso mong iyan kaysa panganay. At ang tinig niya sa
pagsagot: Taong ito – gaya mo ba, may paborito? Kung hindi pa halatang-halata ang pagkiling mo sa panganay mong iyan!
Ang tinig niya ngayo’y humahakdaw sa kalawakan, sa buhay at kamatayan, at ngayo’y sinasabi niya sa ama ng magkapatid:
Nakita mo na – wala kang dapat ipangamba, mauna ka man sa akin. Kukunin na ako ngayon ng ating bunso. Isasama ako sa
bahay nila sa Timog. Taong ito – nag-aalala nang walang dahilan.
Talagang itutuloy niya ang pagpapagulong ng upuan hanggang sa pinasukan ng kanyang bunso. Sabik na sabik ang butuhan
niyang mga kamay na makasalat sa mukhang iyong kapilas ng sa kanyang kabiyak; ang nanlalabo niyang paningin na
umaninag sa kabuoan niyong kinalong-kalong sa bata niyang dibdib noong araw.
Sa may-pinto’y ipinatda siya ng malakas na tinig ng kanyang panganay at ng kanyang bunso. Nahinto ang paggulong ng
kanyang upuan, kasabay ng pagtigil ng pag-inog ng kanyang daigdig.
“Habang panahon yatang kami ang nagpasan diyan. Ngayon namang ikaw ang dapat, marami ka riyang idinadahilan.”
“A, ngayong hindi na niyo pinakikinabangan, ano? Saka sinabi ko na sa iyo, magra-round-the-world kami, paano?”
Sumunod ang tinig ng magandang si Carmen. Malamig na tinig na hindi niya maunawaan ang sinasabi. Malamig na tinig na
nanuot nang malalim sa kanyang mga buto.
Sinlamig ng patak ng ambong kumopkop sa kanya sa marahang paggulong ng kanyang upuan sa terraza. Sinlamig ng
takipsilim na yumapos sa butuhan niyang katawan.
Si Tinay, ang utusan, ang nakatagpo sa kanya sa terraza.
“Naku, sang matanda na ari – bakit magbasa ikaw sang ulan? Halika sang luub. Anu nang ibulung sa imu – Misis Valli, Misis
Valli, Misis Valli. Naku, siguro mag-ulian nang talaga sang Lula. Halika sang luub.”
Ga-daigdig ang kaamuan, ang kahabagan sa tinig ni Tinay – ang utusan.

You might also like