Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 6

ANG PILOSOPIYA

NI PIERRE
BOURDIEU

ALBERT ERNEST QUILLE A. CASTRO


OBTEC-M-1-3
FILIPINOLOHIYA
Direksiyon: Ibalangkas ang kanyang teorya/ pilisopiya. Bumuo ng paghahambing sa uri ng
lipunang kanyang tinutukoy at iangkop sa buhay natin dito sa Pilipinas.

“ANG PILOSOPIYA NI PIERRE BOURDIEU: ISANG HAKBANG TUNGO SA KAUNLARAN”


Pag-unlad. Isang bagay na matagal nang pinapangarap ng mga Pilipino. Mula sa ating mga
ninuno tungo sa atin; mga modernong kabataan ng Filipinas. Kung oobserbahan ng maigi ang
padron ng kaunlaran ng bansang Filipinas, mahihinuhang malaki ang pag-unlad na nagawa sa
panlipunan, ekonomikal, imprastraktural, at kultural na mga aspeto kung ikukumpara sa nakaraang
mga henerasyon. Ngunit, tila ba’y kapalit ng pag-unald na ito ay ang kaledad ng kabuhayan ng mga
tao. Sa “pag-unlad” na ito, mas nadedepina ang pader na nakaguhit sa estado sa lipunan ng mga
Filipino.
Ang tunay na pag-unlad ng bansang Filipinas ay nakasalalay hindi lamang sa indibidwal na
pagpupursigi kundi pati na rin sa kabuuang kaalaman ng mga Filipino sa pambansang
pagkakakilanlan. Ang pag-aaral sa ating pananaw, pamumuhay, kultura at kaisipan, ay isang
napakahalagang salik sa kaunlaran. Samakatuwid, nangangailangang pagtuonan ng pansin at
holistikong hubugin ang araling pilipino. Isang pamamaraan upang makamit ito, ay ang pag-aaral at
pagkukumpara sa mga tanyag at matibay na pilosopiya ng mga kilalang pigura sa iba’t-ibang
dominyo ng pag-aaral.
Si Pierre Bourdieu, ay isang Pranses na sosyolohista, antropolohista, pilosopo at pampublikong
intelektwal na nakaambag ng mga napapanahon at natatanging mga pilosopiya at konsepto sa
larangan ng sosyolohiya sa edukasyon, at sosyolohiya sa kabuuang pananaw. Si Bourdieu ay
nagsimula ng isang pilosopiya o kaisipang nauugnay at naglalarawan sa kasalukuyang konteksto.

I. KAISIPAN NI PIERRE BOURDIEU

A. Mga konsepto ng habitus, larangan at simbolikong dahas - ayon kay Bourdieu,


mahalaga ang pagtukoy sa mga umiiral na mga isyu sa kasalukuyang lipunan, upang ito’y
mapag-aralan, at masolusyunan ng mga indibiwal sa isang komunidad.

1. Habitus - ang konsepto ng habitus ay maiuugnay pa kay Aristotle, ngunit ito’y


pinalawak ni Bourdieu. Inilalarawan niya ito bilang isang sistema ng disposiyon sa
pagkilos, pakiramdam, at pag-iisip. Bilang resulta, ang mga ito ang nakakabuo ng
panlipunang estraktura. Ibig sabihin, ang habitus ang pangunahing bumubuo sa ating
indibidwal na lente ng pananaw na malaking salik rin sa pagbuo ng kabuuang
panlipunang balangkas. Ginamit ni Bourdieu ang konsepto ng habitus upang
makagawa ng solusyon sa walang-tigil na debate sa isyu ng kahalagahan ng sistema
at estraktura laban sa kahalagahan ng indibiwal. Ang habitus ay maaaring mamana o
makuha sa nakalakihang kapaligiran o espisipikong panlipunang uri.

2. Larangan - base kay Bourdieu, ito ang pag-aaral sa espisipikong antagonismo sa


espasyong nakapaloob sa isang lipunan. Sa larangan, dumidiskarte at
nagpapaligsahan ang iba’t-ibang indibidwal upang mapatunayan ang kani-kanilang
mga sarili. Ito’y maoobserbahan sa modernong konteksto. Iilan sa mga larangang ito
ay ang larangan ng akademiya kung saan nagpapaligsahan at nagpapakitang gilas
ang mga guro sa paramihan ng saliksik, nailimbag na mga gawa, o di kaya’y
pagbibigay ng kaledad na edukasyon, at ang mundo ng mga mag-aaral, kung saan
araw-araw sinisikap ng mga estudyante na maging magaling o di kaya’y maintindihan
ang lahat ng itinuturo ng mga guro, upang hubugin ang kani-kanilang mga sarili para
maging mga respetadong indibidwal ng lipunan sa hinaharap. Kabilang din sa larangan
ang relihiyon, siyensiya, at iba’t-ibang propesyon na may sari-sariling kalakalan. Ang
konseptong ito ni Bourdieu ay nagpapahiwatig na ang antagonismo sa lipunan ay hindi
lamang matatagpuan sa dibisyon ng panlipunang katayuan o sa espisipikong
panlipunang uri, kundi makikita rin ito sa iba’t-ibang erya ng komunidad. Para sa akin,
nakakatulong ang konseptong ito sa pagtukoy ng mga tunggaliang hindi nakikita sa
isang pambuod na perspektibo. May tatlong uri ng pagdidiskarte para makamtan ang
pinakamakapangyarihang posisyon sa loob ng isang larangan:

a. ang konserbasyon ng kapangyarihan para mapanatili ito ng isang indibidwal


o institusyon.
b. ang pag-angkin, o pagmana ng kapangyarihan para maisalin ito mula sa
unang may hawak patungo sa bagong hahawak nito.
c. ang subersiyon ng kapangyarihan para mawalan ng lehitimasyon ang unang
may hawak nito, o para mapawalang bisa ang naunang kapangyarihan sa
pamamagitan ng hindi pagkilala nito bilang isang katanggap-tanggap na
anyo ng kapangyarihan.

3. Simbolikong Dahas - Bukod sa habitus, at lipunan, itinatalakay rin ni Bourdieu ang


simbolikong dahas, o symbolic violence. Ang simbolikong dahas ay tumutukoy sa
“estruktural na pagpataw ng mga kategorya ng pag-iisip at pagtingin sa mga indibidwal
para tanggapin na lamang nila ang mapang-aping kaayusan ng lipunan.” Ibig sabihin,
ito’y mga ideya at pananaw na itinatatak sa isipan ng mga tao, lalong lalo na ng mga
naghaharing uri sa mga inaaping uri, upang tuluyan nang tanggapin ng ikalawa ang
kanilang kasalukuyang sitwasyon at maniwalang wala na silang magagawa upang
baguhin ito. Mapapansing ang konsepto ng simbolikong dahas ay laganap sa
kasalukuyang panahon, lalong-lalo na sa bansang Pilipinas. Iyong mga taong
napapabilang sa itaas na posisyon ng panlipunang katayuan, ay ginagawa ang lahat
upang isarado ang mga mata o di kaya’y takpan ang mga bibig ng mga taong nasa
laylayan, at dinaraya sila na isipin na ang estado ng lahat sa kasalukuyan ay natural,
at hindi maaaring punahin. Sa madaling salita, sa halip na panlipunang konstruksyon
lamang ang sistema at estraktura ng lipunan, isinasalegal at ginagawang lehitimo ito
ng simbolikong dahas.

B. Pagsusuri sa Telebisyon - ito’y isang sub-seksiyon sa kaisipan ni Bourdieu. Ang


konseptong ito ay nakatuon sa nararapat na pamamaraan ng pagbabalita at paglalahad
ng mga impormasyon. Dito itinatalakay ni Bourdieu ang tatlong mahahalagang paksa:

1. Ang tunggalian sa loob ng larangan ng dyornalismong pantelebisyon – ayon kay


Bourdieu, ang tunggalian sa loob ng larangan ng dyornalismong pantelebisyon, na
maikokonsidera rin bilang isang umiiral na larangan sa lipunan, ay nagdudulot ng
pagkakapare-pareho ng programa at impormasyong ibinabahagi sa publiko. Mga
epekto ng tunggalian sa loob g larangan ng dyornalismong pantelebisyon:

a. gawa ng pagsisikap ng isang dyornalistang mananatili sa kanyang trabaho at


makikilala bilang isang mahusay na mamamahayag, mapipilitan siyang sumunod
sa mga nakasulat at hindi nakasulat na patakaran ng kanyang propesyon.
b. sa pamamagitan ng tunggalian sa pagitan ng mga himpilan para makuha ang
pinakamaraming manonood, minamanmanan ng bawat himpilan ang mga
programa at gawain ng kani-kanilang kakompetensyang himpilan na nagreresulta
ng pare-parehong programa at gawain sa kabuoan.
2. Ang pagiging sakop ng larangan ng dyornalismong pantelebisyon sa larangan
ng ekonomiya at politika - ang tunggalian sa loob ng larangan ng dyornalismong
pantelebisyon ay nagkokonekta rin sa pagiging sakop ng larangan ng dyornalismong
pantelebisyon sa larangan ng ekonomiya at politika. Nang dahil sa napakalaking
epekto ng ekonomiya at politika sa dyornalismong pantelebisyon, ang mga ito’y
nagsilbi nang tagahugis ng anyo at nilalaman ng dyornalismong pantelebisyon. Mga
epekto ng pagiging sakop ng larangan sa ekonomiya at politika:

a. nagdadagdag ng self-censorship sa mga dyornalista na hindi na maaaring


magpahayag ng anomang impormasyon na makakasama sa mayari ng himpilan.
b. dahil sakop ang dyornalismong pantelebisyon ng mas malawak at mas
makapangyarihan larangan ng ekonomiya, hinuhugis ng ekonomiya ang anyo at
nilalaman ng dyornalismong pantelebisyon.

3. Ang simbolikong dahas na ipinapalaganap ng telebisyon - dahil sa walang-


katapusang manipulasyon ng mga tao at korporasyon sa likod nito , masasabing may
bitbit na simbolikong dahas and dyornalismong pantelebisyon sa mga tao. Taglay na
simbolikong dahas ng telebisyon:

a. ipinataw ng mga dyornalista ang kanilang pananaw sa nakararaming manonood.

b. ang mga dyornalista at himpilan ang nagpapasya kung ano ang maaari at hindi
maaaring ipalabas sa telebisyon, kontrolado nila ang pagsali ng mga indibidwal sa
public sphere, o ang espasyo kung saan malaya sanang talakayin ng mga
mamamayan ang samu’t saring usaping panlipunan.

c. kontrolado rin ng mga dyornalista at himpilan ang pagsali ng mga intelektuwal sa


public sphere.

C. Teorya ng mga Kapital - ang kahulugan ni Bourdieu sa kapital ay mas malawak sa


pangkaraniwang kahulugan nito sa mga tao. Ayon kay Bourdieu, ang kapital ay hindi
lamang tumutukoy sa pinansyal na kakayahan ng isang indibidwal, kundi ito ay may apat
na pangunahing uri:

1. Ang pang-ekonomikong kapital - ang pang-ekonomikong kapital ay tumutukoy sa


pera, kayamanan, lupain at iba pang materyal na kalamangan. Ang mga indibidwal na
may pang-ekonomikong kapital ay kadalasang may kapangyarihan sa loob ng isang
lipunan.

2. Ang kultural na kapital - ang kultural na kapital naman ay tumutukoy sa kaalamang


propesyonal, kasanayang teknikal, edukasyon, katatasan sa pagsasalita, kaalaman
tungkol sa sining at kultura, at panlasang astetikal. Sa madaling salita, ang kapital na
ito ay nagalarawan sa mental na kakayahan at kawagian ng isang indibidwal.

3. Ang panlipunang kapital - ang panlipunang kapital naman ay tumutukoy sa mga


koneksyon, relasyon, at kaugnayan sa mga tao. Kadalasang mga mayayaman sa
panlipunan kapital ay mga indibidwal na nakabuo na ng ugnayan sa iba’t-ibang uri ng
tao sa lipunan.

4. Ang simbolikong kapital - Ito ay tumutukoy sa karangalan at di-pormal na


kapangyarihang politikal. Kumbaga, ito ay isang kredito kung saan ang isang
indibidwal ay tinitingala at nirerespeto kahit wala siyang hawak na posisyon sa lipunan.
Iilan sa mga halimbawa nito ay mga mangangawit, mga artista, at iilan pang mga
pampublikong pigura na makikita natin sa lipunan.

D. Ilang implikasyon ng teorya ng mga kapital - Ang mga nabanggit na teoryang kapital
sa araling kultural ni Pierre Bourdieu ay may mga aplikasyon din.

1. Estetika at mga Kapital – Gumawa si Bourdieu ng isang eskimang may dalawang


dimensyon kung saan ginamit niya ang pang-ekonomikong kapital bilang x axis at
kultural na kapital bilang y axis. Ang mga nasa unang kuwadra (K1) ay may matataas
na pang-ekonomiko at kultural na kapital. Kasapi sila sa mga angkang dati nang
mayaman at bahagi sila sa mga naghaharing uri. Ang mga nasa pangalawang
kuwadra (K2) ay may mabababang pang-ekonomikong kapital ngunit mataas na
kultural na kapital. Kabilang dito ang iilang propesyunal, mga guro, at mga alagad ng
sining. Ang mga nasa pangatlong kuwadra (K3) ay may matataas na pang-
ekonomikong kapital ngunit mababang kultural na kapital. Ang mga negosyante ay
kasapi nito. Ang mga nasa pang-apat na kuwadra (K4) ay may mabababang
pangekonomiko at kultural na kapital. Sa kuwadrang ito, napapabilang ang mga
mahihirap. Sa estetika at kapital para sa sining, musika, moda, babasahin, muwebles,
at pagkain, sinasabi ni Bourdieu na iyong mga nasa K1, kinukunsumo nila ang mga
produktong kultural na may kalidad at kamahalan. Iyong mga napapabilang sa K2,
kinukunsumo nila ang produktong kultural na may kalidad ngunit hindi kamahalan. Ang
mga nasa K3 naman, ayon kay Bourdieu ay walang pakialam sa estitika at panlasa.
Habang ang mga nasa K4 naman, ang kanilang estetika ay pangsyunal at abot-kaya.

2. Edukasyon at mga Kapital – Sa edukasyon at kapital, binibigyang-diin ni Bourdieu


ang malaking kaibahan sa pang-edukasyong pananaw ng mga nasa K1, K2, K3, at
K4. Ayon sa kanya, ang pagbaba ng posisyon ng mga indibidwal sa estado sa buhay,
ay nangangahulugan rin ng pagbaba sa ekspektasyon sa kanya ng lipunan at ng
kanyang mga magulang. Maoobserbahang mataas ang inaasahan ng mga magulang
sa K1 sa kanilang mga anak pagdating sa edukasyon habang iyong mga magulang na
nasa K2 at K3 naman, ay nasa midyum na lebel lamang ang inaasahan sa kanilang
mga anak. Iyong mga nasa K4 ay walang masyadong inaasahan sa kanilang mga
anak, kadalasan pa nga ay kinukunsinte nila itong hindi nalang mag-aral. Mahihinuha
sa impormasyon na mas madaling nakakapag-aral ang mga mayayaman kung
ikukumpara sa mga mahihirap na kahit ay inaalalayan na ng gobyerno, ay hirap pa rin
sa pag-aaral. Ang sitwasyong ito, ay tunay na laganap, hindi lamang sa Filipinas, kundi
sa iba pang mga bansa sa mundo. Isang isyu na nararapat resolbahin at bigyang
atensyon ng pamahalaan.

3. Panlipunang Reproduksyon at mga Kapital – Kung isasabuod ang puntong nais


ipaabot ni Bourdieu rito, masasabing nais ng lahat ng tao sa anumang estado na
makamit o di kaya’y mapanatili ang kultural at ekonomikal na kapital ng mga nasa K1.
Ang mga nasa K1 ay nagsisikap na mapanatili ng kanilang mga anak at ng kanilang
angkan ang kanilang mga estado. Habang iyong mga nasa K2, K3, at K4 naman ay
pinapangarap na makamit ang estado ng pamumuhay ng mga indibidwal na nasa K1.
Mahihinuhang pangarap talaga ng lahat ng mga indibidwal sa mundo na magkaroon
ng maginhawang pamumuhay.

E. Pagiging isang Pampublikong Intelektuwal - Bilang isang pampublikong intelektwal,


mas matimbang kay Bourdieu ang modelo ng intelektuwal na subsob sa pananaliksik at
paglikha ng kaalaman. Hindi pabor si Bourdieu sa mga mananaliksik na ginagawa lamang
ang kanilang mga trabaho sa ngalan ng pera at suhol at hindi sa kadahilanang gusto nila
ito. Tumututol rin si Bourdieu hindi lamang sa panghihimasok ng gobyerno at mga
kapitalista sa proseso ng pananaliksik, kundi pati na rin sa panghihimasok ng partido
komunista at ng mga manggagawa at inaapi. Naniniwala si Bourdieu na kung sakali mang
may agenda na iginigiit ang agham panlipunan, dapat ito ay manggagaling lamang sa
agham panlipunan at sa mga kaanib na intelektuwal. Walang mga panlabas na salik dapat
ang makakaapekto rito. Ayon sa kaniya, “dapat nakatayo sa kanyang sariling kaalaman
at may kabatiran ang pampublikong intelektuwal kung ano ang mga usaping nararapat
niyang pakialaman at mga panig na nararapat niyang katigan at ipaglaban.”

Ang lipunang pangunahing itinutukoy ni Bourdieu na ginamit niya bilang halimbawa sa


pagbuo niya ng kaniyang pilosopiya o kaisipan, ay isang lipunan ng katotohanan. Isang lipunan na
nagsasalamin sa reyalidad, kung saan ang mga indibidwal ay hinuhubog ng kani-kanilang habitus.
Bilang epekto, nabubuo nito ang panlipunang estraktura na pilit na pinaghihiwalay at hinahati ang
mga tao sa komunidad. Bukod pa rito, inilalarawan rin ng lipunang itinutukoy ni Bourdieu ang
nakakagimbal na katotohanan sa likod ng dyornalismong pantelebisyon. Inilalahad ng lipunang ito
ang mahigpit na hawak ng politika at ekonomiya sa mga impormasyong ibinabahagi sa mga tao.
Higit sa lahat, inilalarawan ng lipunang ito ang napakalaking agwat at kaibahan sa buhay ng mga
mayayaman, at mahihirap, sa estetika man o sa edukasyon.
Ang estado ng lipunang itinutukoy ni Bourdieu ay hindi nalalayo sa estado ng bansang
Filipinas. Dito sa ating lipunan, makikita rin ang mga katangiang ipinapakita sa unang lipunang
nabanggit. Mapapansin na laganap sa Filipinas ang dibisyon sa estado ng pamumuhay ng mga tao,
at ito’y nakakaapekto sa kanilang pagkamit ng edukasyon, lalong-lalo na para sa mga bata.
Mapapansin na kadalasan sa mga estudyanteng laki sa hirap ay napipilitang huminto upang
magtrabaho kahit pa ay handa silang tulungan ng pamahalaan. Makikita rin sa ating lipunan ang
impluwensiya ng gobyerno sa dyornalismong pantelebisyon. Matatandaang iilang dyornalists na ang
itinumba at pilit na pinapatahimik ng gobyerno dahil sa kagustuhan nilang isiwalat ang katotohanan
sa mga tao. Higit sa lahat, pinakalaganap sa ating lipunan ang simbolikong dahas. Dahil sa kawalan
ng mga taong nasa laylayan ng kakayahan upang ipaglaban ang kanilang mga sarili, pilit silang
isinisiksik ng mga makapangyarihang tao sa mumunti nilang mga espasyo. Ang kagustuhan ng
unang mapuna ang kasalukuyan nilang estado at mabago ito ay nawawala dahil sa kakulangan ng
kanilang pang-ekonomiko at kultural na kakayahan. Bilang epekto, nagwawagi ang mga
naghaharing uri sa pagsasalehitimo ng bulok na sistema at pagpapatibay sa di makatarungang
estraktura sa ating bansa.
Kaya, upang masolusyunan ang lahat ng umiiral na panlipunang detrimentong ito, nararapat
na gamitin sa makatotohanang konteksto ang mga pilosopiya at teorya ni Pierre Bourdieu sa araling
Pilipino. Malaki ang magiging ambag ng pilosopiya ni Bourdieu sa pagpapaunlad natin hindi lamang
sa ating kaalaman ukol sa ating pambansang pagkakakilanlan kundi pati na rin sa mga paraan ng
pagpapaunlad natin sa ating lipunan. Ngayon na ang tamang panahon upang magkaisa ang mga
Filipino at gamitin ang mga napapanahon at makabuluhang teorya sa ating kalamangan.

You might also like