Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

Russell B.

Aguila
DMJ11
Prof. Christian Villanueva

Repleksyong Papel: Buhay ni Rizal Sa Dapitan

Maituturing na isa sa mga pinakamahalagang parte ng buhay ni Dr. Jose Rizal ang
kanyang pagpapatapon sa kanya sa Dapitan dahil narin sa dito naibuhos ng ating bayani ang
lahat ng kanyang nalalaman upang makatulong sa kanyang kapwa mga Piipino. Sa Dapitan,
nagawa ni Rizal ang kanyang mga ninanais na magsilbi sa kanyang mga kababayan matapos
ang ilang taon niyang pagpapakadalubhasa sa ibang bansa. Maaring parusa ang tingin ng ilan
sa pagpapatapon kay Rizal, ngunit maituturing itong isang biyaya para sa mga nasa Dapitan
noong panahon na ‘yon.
Tila naging mapaglaro din ang tadhana sa kanya matapos niyang manalo sa sorteo
(Inquirer, 2012) na naging dahilan upang maisakatuparan niya ang mga kanyang mga
pangarap na hindi niya magagawa kung siya ay walang sapat na pondo. Imbis na gamitin para
sa kanyang sariling kapakanan ang perang kanyang napanalunan ay ibinuhos niya ang
kanyang salapi upang pondohan ang ilang mga proyekto na lubos na nakatulong sa mga
mamamayan ng Dapitan. Nagpatayo siya ng sakahan, klinika at pati narin paaralan para sa
mahihirap na isang malaking patunay ng pagmamahal ni Rizal sa kanyang tinubuang lupa.
Kahanga-hanga ang mga ginawa ni Rizal, dahil sa loob lamang ng apat na taon at
labintatlong araw ay hindi lamang siya naging guro at doktor - sinubukan niya rin na maging
isang inhinyero, imbentor, botaniko at ipinagpatuloy parin ang kanyang pagsusulat kahit na ito
ang naging dahilan kaya siya napadpad sa Dapitan. Hindi rin niya tinuruan ang mga tao doon
na umasa sa kanya, kundi ay naging instrumento siya upang lalong mapaunlad ng mga
mamamayan ng Dapitan ang kanilang mga sarili at matuto ng mga bagong pamamaraan ng
pamumuhay katulad narin ng pangingisda (Chua, 2013). Dito’y makikita na isang napakagaling
na lider si Rizal na maaring resulta ng kanyang edukasyon sa ibang bansa.
Kung magiging basehan ang mga nakamit ni Rizal sa Dapitan ay maari sanang naging
epektibo siyang lider ng gobyerno. Ito narin marahil ang dahilan kung bakit marami noong
naniniwala na karapat-dapat si Rizal na maging isa sa mga lider ng Himagsikan, na sa
kasamaang palad ay lubos niyang tinutulan dahil sa siya’y naniniwala na hindi pa handa ang
bansa para kalabanin ang mga mananakop na Espanyol. Iginiit niya na maaring maging malaya
ang mga Pilipino kung maatim nila ang edukasyon at hindi dahas ang sagot upang magkaroon
ng sariling soberanya ang Pilipinas (Quibuyen, 1997).
Sa aking palagay ay maaring hindi lamang Dapitan ang mapapaunlad ni Rizal kung
siya’y hindi nahatulan ng kamatayan. Marami ang nasayang na pagkakataon sa kanyang
pagpanaw, ngunit ito ang kapalit ng kanyang kagustuhan na maging malaya ang Pilipinas ayon
sa kanyang minimithing mapayapang paraan. Dito’y nakita na talagang mayroong kakayahan si
Rizal na pamunuan ang isang komunidad at maaring kaya niya ring pamunuan ang buong
bansa kung hindi agad natapos ang istorya ng kanyang buhay.
Maari kayang si Rizal ay maging isa sa mga pinuno ng gobyerno kung naabutan niya
ang mga Amerikano? Posibleng oo, dahil sa naipakita ni Rizal ang kanyang angking galing sa
pagpapaunlad ng isang lugar na may potensyal na hangaan ng mga mananakop, maari ding
hindi dahil sa maituturing na isang nasyonalista ang ating bayani. Ngunit naniniwala ako na
kung hindi man naparusahan ng kamatayan si Rizal ay maaring iba ang tingin ng kasalukuyang
henerasyon sa kanya lalo na kung siya ay nabigyan ng pagkakataon na mamuno sa bansa -
ang hindi ko lamang sigurado ay kung ang reputasyon niya ba ay magiging mas maganda, o
mas masama sa mata ng mapanghusgang lipunan lalo na pagdating sa ating mga nagiging
lider.

Mga Sanggunian:

1. Quibuyen, F. (1997). Rizal and the Revolution. Philippine Studies, 45(2), 225–257.
http://www.jstor.org/stable/42634230
2. Chua, X. (2013, July 23). XIAO TIME, 17 July 2013: ANG PANINIRAHAN NI DR.

JOSE RIZAL SA DAPITAN. IT’S XIAOTIME!

https://xiaochua.net/2013/07/23/xiao-time-17-july-2013-ang-paninirahan-ni-dr-

jose-rizal-sa-dapitan/

3. Inquirer, P. D. (2012, December 30). IN THE KNOW: Rizal as ‘lottery addict’ |

Inquirer News. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/331901/in-the-know-

rizal-as-lottery-addict

4. Constantino, R. (1972). Veneration without understanding. Journal of

Contemporary Asia, 1(4), 3–18. https://doi.org/10.1080/00472337185390141

You might also like