Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Mga Hakbang sa Pagbuo ng Sulating Pananaliksik

1. Pagpili ng Mabuting Paksa

Ang unang hakbang sa pagbuo ng sulating pananaliksik ay ang masusing pag-unawa sa paksa at mga kaugnay na
gawaing ibibigay ng guro. Maiiwasang masayang ang oras at panahon ng isang mag-aaral kung malinaw sa kanya ang nais
ipagawa ng guro at ang layunin para sa gawain. Huwag mahiyang magtanong kung sakaling may ilang bagay na hindi naging
maliwanag. Kapag ganap nang naunawaan ng mag-aaral ang kanyang gagawin ay magiging mas madali na ang pagbuo nito
at maitutuon na niya ang pansin sa mahusay na paghahanda para sa paksang tatalakayin sa gawain. Ang Paksa
Napakahalagang piliing mabuti ang paksa upang maging matagumpay ang isang sulating pananaliksik. Nararapat na ang
paksa ay pinag-isipang mabuti at dumaan sa isang maingat na pagsusuri upang matiyak na makabubuo ng isang
makabuluhang sulatin. Minsan ay nagbibigay na ang guro ng ilang paksang maaaring pagpilian ng mga mag-aaral. Ito ay mga
paksang inaakala niyang magiging interesado at kakayanin ng mga mag-aaral. Gayumpaman, kung ang naiisip mong paksa
ay hindi kabilang sa listahang ito, huwag mag-atubiling lumapit sa guro at ilahad ang iyong ideya. Dahil baguhan ka pa
lamang sa gawaing ito ay mangangailangan ka ng gabay mula sa isang taong may malawak nang kaalaman at makapagsasabi
kung ang paksang naiisip mo ay posibleng maisagawa ng isang mag-aaral na tulad mo sa haba o lawak ng panahong
nakalaan.
Naririto ang ilang tanong na maaari mong itanong sa iyong sarili bago tuluyang magpasiya sa paksang susulatin:
 Interesado ba ako sa paksang ito? Magiging kawili-wili kaya sa akin ang pananaliksik at pagsulat ng ukol dito?
 Angkop, makabuluhan, at napapanahon ba ang paksang ito?
 Magiging kapaki-pakinabang ba ang magiging bunga nito sa akin o sa ibang babasa partikular sa mga kaklase ko?
Masyado bang malawak o masaklaw ang paksa?
 Masyado ba itong limitado? Káya ko kayang tapusin ang paksang ito sa loob ng panahong ibinigay sa amin?
 Marami kayang sangguniang nasusulat na maaari kong pagkunan ng impormasyon upang mapalawak ang
paksang napili ko?
Kung Oo ang sagot mo sa mga tanong, maaaring ito na nga ang pinakaangkop na paksa para sa iyo. Maaari ka nang
magpatuloy sa ikalawang hakbang ng pananaliksik.

2. Pagbuo ng Pahayag ng Tesis (Thesis Statement)

Kapag napagpasiyahan na ang paksa bumuo ka na ng iyong pahayag ng tesis. Ito ang pahayag na magsasaad ng
posisyong sasagutin o patutunayan ng iyong bubuoing pananaliksik.
Naririto ang ilang tanong na maaaring gumabay o magbibigay direksiyon sa pagbuo mo ng pahayag ng tesis.
 Ano ang layunin ko sa pananaliksik na ito? Layunin kong maglahad ng impormasyong magpapatunay sa
pinapanigan kong posisyon?
 Sino ang aking mga mambabasa? Ang guro lang ba ang makababasa ng sinulat ko? Sino pa kaya ang
makababasa?
 Ano kayâ ang inaasahan at karanasan ng aking mga mambabasa?
 Ano-anong kagamitan o sanggunian ang kakailanganin ko? May sapat bang kagamitan o sanggunian upang
magamit ko sa pagpapatunay sa aking pahayag ng tesis? Saan ko mahahanap ang mga ito?

3. Paghahanda ng Pansamantalang Bibliyograpiya

Kakailanganin mong bumisita sa mga aklatan upang mangalap ng iyong mga sanggunian. Maaari ding makakuha ng mga
impormasyon mula sa Internet. Maging maingat lang at suriing mabuti ang mga talang makukuha sa Internet sapagkat
maraming impormasyon mula rito ang kaduda-duda s minsan ay walang katotohanan. Para sa epektibong pananaliksik,
mahalaga ang paggamit ng mga aklat at ng Internet. Maraming bagong impormasyon at dokumento ang posibleng hindi pa
nailalathala sa mga aklat kaya't hindi ka rin makaaasang ang lahat ng nilalaman ng aklatan ay napapanahon. Gayundin
naman, hindi lamang dapat umasa sa mga impormasyong dala ng Internet lalo na kung galing lang ang mga ito sa mga open
web dahil sa kawalang kasiguraduhan ng mga ito kung tama at beripikado. Mahalagang matiyak na maayos, tama,
kompleto, at beripikado ang mga impormasyong isasama mo sa bubuoing sulating pananaliksik.
Mula sa iyong mga nakuhang sanggunian ay bumuo ka ng pansamantalang bibliyograpiya. Ang bibliyograpiya ay talaan
ng iba't ibang sanggunian katulad ng mga aklat, artikulo, report, peryodiko, magasin, web site, at iba pang nalathalang
materyal na ginamit. Makatutulong ang paghahanda ng card ng bibliyograpiya para sa bawat sanggunian. Ito'y maaaring
isang 3" x 5" na index card na kakikitaan ng sumusunod na mga impormasyon:
 Pangalan ng awtor
 Pamagat ng kanyang isinulat
 Impormasyon ukol sa pagkakalathala
 mga naglimbag
 lugar at taon ng pagkakalimbag
 pamagat ng aklat
 Ilang mahahalagang talâ ukol sa nilalaman
Ang inihanda mong ito ay mahalaga at makatutulong sa iyong makahanap ng maraming impormasyong kakailanganin sa
susulatin, makapagbibigay ng ideya kung gaano karaming sanggunian ang makukuha o magagamit para sa paksang napili, at
ang mga tala o impormasyong nakalap ay magagamit na sa aktuwal na pagsusulat nang hindi na kailangang hanapin o
balikang muli ang materyal na pinagmulan.
Hindi lahat ng mga sangguniang itinala sa pansamantalang bibliyograpiya ay magagamit subalit mahalaga pa ring kunin
ang lahat ng makikitang may kaugnayan sa paksa sapagkat maaaring sa panahon ng pagsusulat ay makatulong ito sa iyo at
hindi ka na kailangang manghagilap ng iyong gagamitin dahil alam mo na kung saan mo ito mahahanap.

4. Paghahanda ng Tentatibong Balangkas

Mahalaga ang paghahanda ng isang tentatibong balangkas upang magbigay direksiyon sa pagsasaayos ng iyong mga
ideya at pagtukoy kung ano-anong materyal pa ang kailangang hanapin. Maaaring gamitin ang mga inihanda mong card ng
bibliyograpi upang maging gabay sa pagbuo ng iyong balangkas.

5. Pangangalap ng Tala o Note Taking

Balikan ang inihandang tentatibong balangkas at card ng bibliyograpiya at tukuyin kung alin-alin sa mga ito ang
kakailanganin sa iyong susulatin. Basahing mabuti at mula sa m. a ito ay magtala ng mahahalagang impormasyong
magagamit sa susulatin. Iminumungkahing isulat nang maayos ang iyong mga tala. Gumamit ng index card na mas malaki
kaysa sa ginamit mo sa bibiliyograpiya para mapag- iba ang dalawa bukod sa mas marami kang maisusulat sa mas malaking
card. Ang bawat card ay ilalaan lamang sa isang tala. Kung kukulangin ang isang index card ay maaaring magdagdag pa ng
ibang card. Maaaring gamitin ang pormat sa ibaba para sa iyong mga tala: ang tuwirang sinipi, hawig, at buod
 Tuwirang sinipi kung ang tala ay direktang sinipi mula sa isang sanggunian. Gumamit ng panipi sa simula at dulo ng
sinipi. Itala ang sangguniang pinagkunan gayundin ang pahina kung saan ito mababasa.
 Buod kung ito'y pinaikling bersiyon ng isang mas mahabang teksto. Ito'y maikli subalit nagtataglay ng lahat ng
mahahalagang kaisipan ng orihinal na teksto. Ito ang pinakamadalas gamitin sa pagkalap ng tala.
 Hawig kung binago lamang ang mga pananalita subalit nananatili ang pagkakahawig sa orihinal.

6. Paghahanda ng Iwinastong Balangkas o Final Outline

Dito na susuriing mabuti ang inihandang tentatibong balangkas upang matiyak kung may mga bagay pang kailangang
baguhin o ayusin. Maaari nang ayusin ang dapat ayusin upang ang pangwakas na balangkas ay maging mabuting gabay sa
pagsulat ng iyong burador.

7. Pagsulat ng Borador o Rough Draft

Mula sa iyong iwinastong balangkas at mga card ng tala ay maaari ka nang magsimulang sumulat ng iyong borador.
Tandaang ang isang sulating pananaliksik ay dapat magkaroon ng introduksiyon na kababasahan ng mga ideyang
matatagpuan sa kabuoan ng sulatin, ang katawan na kababasahan ng pinalawig o nalamnan ng bahagi ng iyong balangkas,
at ang iyong kongklusyon na siyang nagsasaad ng buod ng iyong mga natuklasan sa iyong pananaliksik. Pag-ukulan ng pansin
ang pagkakaugnay-ugnay ng mga kaisipan. Dapat ding isaalang-alang na ang wikang gagamitin ay payak ngunit malinaw;
tama ang baybay, bantas, at kaayusang panggramatika; pormal ang anyo; at karaniwang nasa ikatlong panauhan.

8. Pagwawasto at Pagrebisa ng Borador

I-proofread o basahing mabuti at iwasto ang mga bagay na kailangang iwasto sa iyong borador. Pag-ukulan ng pansin
ang pagkakabuo ng mga pangungusap, ang baybay, bantas, wastong gamit, pamaraan ng pagsulat, at angkop na talababa o
footnote. Maaari nang pumili ng tiyak na pamagat ng iyong sulatin. Thanda na rin ang paunang salita, talaan ng nilalaman,
at pinal na bibliyograpiya. Para sa mga sangguniang nagamit mo para sa aktuwal na pagsulat ay huwag kalilimutang
magbigay ng pagkilala sa may-ari o manunulat ng mga ito sa pamamagitan ng talababa at bibliyograpiya. Mahalaga ang
talababa sa pagbibigay kahulugan sa isang bahagi ng sulating pananaliksik na nangangailangan ng karagdagang paliwanag.
Sa pagsulat ng bibliyograpiya ay nararapat tandaan ang sumusunod:
 Pangkat-pangkatin ang mga ginamit na sanggunian. Pagsama-samahin ang mga aklat, pahayagan, web site, at iba
pa.
 Isaayos muna nang paalpabeto ang pangalan ng mga awtor gamit ang apelyido bilang basehan.
 Isulat ang bibliyograpiya gamit ang isa sa iba't ibang estilo ng pagsulat nito. Kung ang napiling estilo ay American
Psychological Association (APA), maaaring sundan ang sumusunod na pattern para maisulat ang mga ginamit na
sanggunian.
Para sa mga Aklat
 Apelyido ng Awtor, Pangalan ng Awtor. (Taon ng Paglilimbag) Pamagat. Lungsod ng Tagapaglimbag: Tagapaglimbag.

Para sa mga Artikulo sa Payahagan o Magasin


 Apelyido ng Awtor, Pangalan ng Awtor. (Taon ng Paglilimbag) Pamagat ng Artikulo. Pamagat ng Pahayagan o
Magasin, Paglilimbag #. (Isyu #), pahina #.
Para sa mga Kagamitang Mula sa Internet
 Awtor. (Petsa ng Publikasyon) "Pamagat ng Artikulo o Dokumento." Pamagat ng Publikasyon. Petsa kung kailan
sinipi o ginamit mula sa buong web address simula sa http://.
9. Pagsulat ng Pinal na Sulating Pananaliksik
Pagkatapos pagdaanan at isagawa nang mabuti ang naunang walong hakbang, ngayon ay nakatitiyak ka na ng isang
mainam na sulating pananaliksik. I-type na ito gamit ang pormat na ibinigay ng iyong guro.

You might also like