Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 36

FILIPINO

Baitang 9 Yunit 15
Epiko

Talaan ng Nilalaman

Introduksyon 3
Basahin Natin 5
Sagutin Natin 10

Aralin 1: Pagsusuri ng Epiko: Salamin ng Kulturang Asyano 11


Layunin Natin 11
Pag-aralan Natin 11
Sagutin Natin 14
Subukan Natin 14
Isaisip Natin 14
Pag-isipan Natin 15

Aralin 2: Kahulugan ng Salita: Batay sa Konteksto 16


Layunin Natin 16
Pag-aralan Natin 16
Sagutin Natin 18
Subukan Natin 19
Isaisip Natin 19
Pag-isipan Natin 19

Aralin 3: Pang-Uri: Mga Salitang Naglalarawan 21


Layunin Natin 21
Pag-aralan Natin 21
Sagutin Natin 23
Subukan Natin 24
Isaisip Natin 24
Pag-isipan Natin 25
1
Aralin 4: Pagsulat at Pagtatanghal ng Informance 25
Layunin Natin 25
Pag-aralan Natin 25
Sagutin Natin 27
Subukan Natin 27
Isaisip Natin 27
Pag-isipan Natin 28

Gawin Natin 29
Rubrik sa Pagtataya 30
Paglalagom 31
Dapat Tandaan 33
Pagyamanin Natin 34
Susi sa Pagwawasto 34
Sanggunian 36

2
Pindutin ang Home icon para
bumalik sa Talaan ng Nilalaman
BAITANG 9 | YUNIT 15
Epiko

N
asubukan mo na bang magbasa ng isang epikong mula sa Asya? Ilan sa mga kilalang
epiko mula sa Asya ay ang pinakamatandang epiko na Epiko ni Gilgamesh ng mula sa
Assyria, Epiko ni Haring Gesar ng Tibet, Jewang Ungi mula sa Korea, Bharathayudha
ng Indonesia, Panchatantra mula sa India, Shahnameh ng Persiya, at iba pa.

Isang uri ng tulang nagsasalaysay ang epiko. Mula ito sa sinaunang salitang Griyegong
epikos. Isinasalaysay nito ang kabayanihan, katapangan, at pakikipagsapalaran ng isang
pangunahing tauhan sa mga hindi kapani-
paniwalang pangyayari. Sinasalamin din
nito ang kultura ng pinagmulang lugar sa
pamamagitan ng mga pangyayari at
pagkilos ng mga tauhan. Inilalahad ito sa
paraang pasalita at pasulat. Karaniwang
nagsisimula ang mga epiko sa papuri sa
isang musa. Sa mga ganitong uri rin ng
akda matutunghayan ang mga hindi
kapani-paniwalang puwersa ng kalikasan
na nagdudulot ng tagumpay para sa
pangunahing tauhan sa katapusan ng akda.
Karaniwang mayroon itong masayang
wakas na nagpapakita ng hindi lamang ng
tagumpay ng pangunahing tauhan sa
larangan ng digmaan, ngunit pati na rin sa
larangan ng pag-ibig kung saan siya ay Ilan sa mga epikong Pilipino.
nakakikilala ng babaeng pakakasalan o
magiging katuwang sa buhay.

Narito ang bahagi ng epikong Shahnameh ni Firdawsi mula sa Persiya. Hinalaw ito sa
bahaging may pamagat na Rustam at Suhrab. Inilalahad ng halaw na ito ang kuwento ng
trahedya sa pagdadaupang-palad nina Rustam, isang kilalang mandirigmang Persiyano na
may hindi kapani-paniwalang lakas, at ng kaniyang anak na si Suhrab. Bago pa man ang
kanilang pagkikita, hindi alam ni Rustam na mayroon siyang anak kay Prinsesa Tahmina.
3
Ganoon pa man, inilahad ng ina ni Suhrab sa kaniya kung sino ang kaniyang ama. Dahil sa
pagiging kilala ng kaniyang ama bilang isa sa pinakamahusay na mandirigma sa hukbo ng
Persiya, bumuo ng plano si Suhrab upang makilala si Rustam. Sumali siya sa hukbo ng
Turkman, mga taong naninirahan sa silangang bahagi ng Dagat Caspian, sa isang digmaan
laban sa mga Persiyano. Sa pagnanais ni Suhrab na makita ang kaniyang ama sa isang
labanan ay saka niya ilalahad ang kaniyang tunay na pagkatao rito. Hinamon ni Suhrab ang
mga Persiyano na magpadala ng isang madirigma na kaniyang makatutunggali sa isang
labanan. Ngunit, dahil nakasuot si Rustam ng baluting walang marka o simbolo at
tumangging ipahayag ang kaniyang pagkakakilanlan, hindi sigurado si Suhrab kung ang
Persiyanong mandirigma ay ang kaniyang ama.

Sa yunit na ito, babasahin natin ang ilang bahaging may kinalaman sa pagtutunggalian ng
mag-ama sa epikong nabanggit. Tutuklasin din natin ang mga sagot sa mga sumusunod na
tanong:

Ano-anong natatanging kulturang Asyano ang nalaman mo mula rito?

Paano mabibigyang-kahulugan ang isang salita batay sa kontekstong pinaggamitan nito?

Paano magagamit ang mga angkop na salita sa paglalarawan ng kulturang Asyano at bayani
ng Kanlurang Asya?

Paano makapagtatanghal ng isang itinuturing na bayani sa pamamagitan ng informance?

4
Basahin Natin

Rustam at Suhrab
Mula sa Shahnameh ni Abolqasem Firdawsi
Salin sa Ingles nina Arthur at Edmund Warner
Bahaging isinalin sa Filipino ni Rosalie Tangonan
(mula sa Persiya)

5
Sumilay ang matingkad na araw, ang uwak ng gabi’y lumipad nang mababa,
Sinuot ng dakilang si Rustam ang kaniyang baluting gawa sa tigreng balat
at sumakay sa kaniyang nag-aalab na kabayong tila isang dragon.
Dalawang pangkat ay naghati sa lahat ng paghahanda.

10
Matikas na nakatayo. Ang bayaning may pananggalang sa ulo,
Bakal sa kaniyang ulo ang siyang bumabalot.
Si Suhrab sa kaniyang tabi masayang-masayang kasama ang mga katoto.
Pagkatapos, tinawag si Human: “Ako ang taong leon,
Ang mga nagsusumikap na kasama ko ay kasing taas ko!”
5
15
At walang takot sa puso. Pinahahalagahan niya ako
Sa balikat, sa dibdib, at sa braso, at aking sasabihin
Ang ilang sanay magtrabaho’y inilayo kami sa aming layunin.
Kaniyang paa at estribo’y naghatid ng kaniyang pag-ibig
At nagpapula sa akin, sapagkat akin siyang naiisip.

20
Ang mga palatandaang inilahad ng aking ina. Higit pa
Ako’y kinukutuban, siya marahil si Rustam,
Dahil sa ilang pagkakapareho. Hindi ko kailanman susubukan
Aking ninuno o kaya’y makadaupang palad siya sa labanan
Sabi ni Human: “Madalas kong makalaban si Rustam…”

***

120
Ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos ang kaniyang panalangin,
Nagbawa ang lakas na minsa’y taglay man din
Bumalik na balisa at maputla sa parang.
Samantala, tulad ng galit na elepante itong si Suhrab
Pasan ang pising may kalawit at pana ang siyang tangan.

125
Dumating na malakas ang loob at umatungal tulad ng leon,
Ang kaniyang nakabulusok na kabayo’y sa lupa pumukol
Nang makita ni Rustam ang tikas ng kalaban
Siya’y humanga at napamulagat,
Pinagtimbang kaniyang kapalaran sa naturang laban.

130
Ipinamalas ni Suhrab ang pagmamataas bunga ng kabataan
Nang makita si Rustam sa kaniyang lakas at tikas,
Ito’y nagwika: “Ika’y hindi makalalagpas sa mga kuko ng leon!
Bakit malakas ang loob na dumating sa pakikipagtunggaling ito? Sagot!
Ako’y walang interes na sa iyo’y magpadaluyong.”
6
135
Itinali nila ang kanilang mga kabayo habang naghihintay sa kapahamakan,
Iniisip ang katumbas ng nakaambang madilim na kapalaran.
Pingkiang bato’y naging pagkit. At silang dalawa’y nagsimula,
Nagbuno, hawak ang kanilang mga sinturong katad
Parang sinabi ni Suhrab: “Mataas na Kalangitan!”

140
Napahinto siya, “habang inaabot mo Rustam, hawakan mo nang mahigpit
Sa ulo at leeg iyong mala-tigreng mandirigma,
Baluktutin ang katawan ng magiting na bata,
Sapagkat ito na ang panahon, at ang lahat ng lakas niya’y naubos,
At tulad ng leon, isalpok siya sa kalupaan.”

145
Sapagkat si Suhrab ay di magpapahintulot na manatili sa baba,
Kuning dahan-dahan mula sa kaniyang baywang ang matalas na espada
At laslasin ang dibdib nitong anak na mapitagan.
Sa tuwing ika’y nauuhaw sa mantsa’t dugo
Magkakaroon ng makislap na punyal, ang kapalaran.

150
Magkakaroon ba ng pagkauhaw sa kaniyang dugo o tadhana
Bawat hibla ng buhok niya’y daraanan ng espada.
Sigaw ni Suhrab: “Ah!” at namimilipit. Walang nawasak sa kaniya noon
Ng tama o mali. “Tanging ako ang dapat sisihin,”
Sinabi niya kay Rustam. “Kapalaran ang nagbigay sa iyo ng aking susi.

155
Itong kurbadong ulap ang siyang nag-aruga sa akin upang ako’y kitlin din agad.
Kukutyain ako ng kapwa ko kalalakihan na may parehong edad dahil sa aking leeg
Ako’y dumating at ngayo’y maaabo. Sabi ng aking ina
Paano ko dapat kilalanin ang aking ama. Akin
Siyang hinanap nang may pagmamahal at namatay sa aking pagnanasa.

7
160
Sa wakas! aking paghihirap ngayo’y bigo, hindi ko siya nakita.
Ngayo’y ako’y tulad ng isda, o nabalot ng dilim ng gabi,
O wakas ng daigdig para sa sumasalimbay na bituin,
Ipaghihiganti ako ng aking ama kapag ito’y natunghayan niya
Ang aking una’y ladrilyo. Ilang pinuno ang nagsabi kay Rustam:

165
‘Pinatay si Suhrab at umiwas sa panlilibak
Habang hinahanap ka.’”
At doo’y nagsimulang maguluhan si Rustam
Ang mundo’y nagtaksil sa kaniya, ang kaniyang katawa’y nanghina; O kay saklap!
Siya’y bumagsak sa lupa at nawalan ng malay;
Hanggang siya’y bumalik sa katauhan at sumigaw sa dalamhating tangan:

170
“Nasaan ang patunay na siya’y anak ni Rustam?
Nawa ang kaniyang pangala’y masawi sa may mga dangal,
Sapagkat ako si Rustam! At nawa ang pangalan ko’y malimot,
At nawa ang anak ni Sam ay umupo’t managhoy para sa akin!”
Siya’y sumigaw, ang kaniyang dugo’y sumulak, at kasama ang daing na kaniyang inilahad.

175
Nagsitayuan kaniyang mga buhok mula sa ugat, habang nasa panginorin
Si Suhrab na nakatumba’t walang malay at kaniyang sinigaw:
“Kung ikaw si Rustam, ikaw na pumatay sa akin
Sa marahas na layunin, dahil sa aking mga ginawa,
Ngunit wala sa aking mga ginawa ang makapagbabago ng aking pagmamahal.

180
Kalagan ang aking baluti, tunghayan ang aking hungkag na katawan,
Masdan ang palamuti, tingnan kung paano ituring ng ninuno ang anak!”
Ang mga tambol ay tumutugtog sa aking tarangkahan, dumating ang aking ina
Na may bahid ng dugo sa pisngi at lumigalig sa aking kaluluwa
Sapagkat ako’y nagtungo. Inilagay niya ito sa aking braso.

8
190
At tumangis: “O! Matapang kong anak, pinagtibay ng lahat
At kinitil ko!”
Nang may alikabok sa aking ulo
At ang nakatunghay na mukha, kaniyang magulong buhok hanggang
Kaniyang dugo’y umagos.
“Naku, ito ang pinakamasama sa lahat ng masama,”
Sabi ni Suhrab, “Bakit tumatangis ka pa? Ano ang dulot nitong ginhawa?

195
Kitlin ang sarili? Nangyari na ang dapat mangyari.”
Nang matapos na ang araw at si Rustam ay di nagbalik
Dumating ang dalawampung pinagkakatiwalaang mandirigma
Upang tunghayan ang naganap. Parehong nakatayo ang mga kabayo
Nagising nang may alikabok, ngunit si Rustam ay wala roon.

***
235
At purihin ang puntod ng Diyos sapagkat nagbalik si Rustam;
Ngunit nang makita ang alikabok sa kaniyang ulo,
Ang kaniyang damit at nawasak na dibdib, tinanong nila siya:
“Ano ang ibig sabihin nito? Para kanino ka nagluluksa?”
Sinabi niya nang may lubos na takot, at lahat ay nagsimulang magluksa at tumangis kasama
niya.

240
Ang kaniyang pagdadalamhati’y lumala.
Sinabi niya sa mararangal: “Tinakasan ako ngayong araw
ng lahat ng lakas at tapang. Huwag nang makibaka pa sa mga Turan
Labis na ang pinsalang aking nagawa.”

9
Sagutin Natin
1. Bakit hindi nakilala ni Suhrab ang mandirigmang ipinadala ng mga
Persiyano upang makipagtunggali sa kaniya?
2. Paano niya nakilala ni Suhrab ang ama?
3. Ano ang naging kapalit ng pagiging isang dakilang mandirigma ni
Rustam?

10
Aralin 1
Pagsusuri ng Epiko:
Salamin ng Kulturang Asyano

Layunin Natin

Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaaasahang nailalarawan ang


natatanging kulturang Asyano na masasalamin sa epiko.

Pag-aralan Natin

Bilang isang uri ng matandang panitikan, masasalamin sa mga epiko ang mga kaugalian at
tradisyon ng kuturang pinagmulan nito. Maaari itong tumalakay sa iba’t ibang paksa katulad
ng mga mito, mga alamat tungkol sa mga bayani, kasaysayan, mga salaysaying may
kaugnayan sa pananampalataya, mga kuwento kaugnay ng hayop, o mga teoryang
pilosopikal o moral.

Patuloy na ginagamit ang mga epiko hanggang sa kasalukuyan upang maisalin sa iba’t
ibang henerasyon sa pasalita at pasulat na pamamaraan ang mga kulturang taglay ng isang
lahi. Kabilang dito ang mahahabang salaysayin kaugnay sa kabayanihan ng kinikilalang
bayani ng isang lahi.

Sa ganitong konteksto, tinukoy ng mga iskolar ang epiko bilang bahagi ng panahon kung
saan matindi ang paghahanap at pagkilala sa mga katauhang tinutukoy bilang mga bayani.
Ito ang panahon kung kailan papaunlad pa lamang ang isang bayan at binubuo pa lamang
ang kakaniyahan nito. Kaya naman, hinuhubog ang mga pangyayari sa epiko salig sa kultura
ng lahing kakatawanin nito.
11
Layunin ng Epiko
Isa sa pinakalayunin ng epiko ay palakasin ang loob ng mga mandirigma noong mga unang
panahon sa pagsasagawa ng mga mala-bayaning pagkilos bilang pagkilala sa mga ginawa
ng kanilang ninuno. Ipinakikita rin sa mga epiko na ang bawat tagumpay ay may kapalit na
pagkilala at pagdiriwang kung saan nagkakaroon ng salo-salo at awitan bilang papuri sa
isinagawang kabayanihan. Bagaman lumipas na ang maka-bayaning panahon, patuloy na
naipapasa ang epiko sapagkat patuloy na nagiging edukado ang mga tao. Nagiging bahagi
ng edukasyong makabayan ang pagtalakay sa mga ito.

Tema ng mga Epiko


Kaugnay sa mga tema ng mga epiko mula Asya, nakabatay ito sa tatlong pangunahing
kategorya: 1) relihiyon at pagkahari; 2) pisikal na lakas; at 3) pagiging matagumpay,
mayaman, maganda, at iba pa.

Kung babalangkasin ang kasaysayan ng epikong Shahnameh ng Persiya, akda ni Abolqasem


Firdawsi na kinikilala bilang pinakamahabang epiko na isinulat ng iisang tao, malalaman na
ito ay nalikha sa pagitan ng mga taong 980 at 1010. Inilalahad nito ang kuwento ng
panahong pre-Islamic ng Iran.

Nagsimula ang akda sa mitolohikal na panahon ng paglikha patungo sa pananakop ng mga


Arabo noong ikapitong siglo. Inilalahad nito ang mga hindi makalilimutang pangyayari sa
tagumpay at kabiguan ng bayan, magigiting, matatapang at malulupit na mga tao,
masayang pag-ibig, at mapait na pagluluksa. Sa pag-uugat nito sa kultura, nailalahad nito
ang lalim ng mga alamat at dinadala ang istorya nito sa makasaysayang mga panahon kung
saan ang sinaunang Persiya ay nasakop ng pagpapalawig ng imperyo ng Islam.

Masasalamin sa bahaging itinala mula sa Epikong Rustam at Suhrab ang ilan sa mga
kulturang taglay ng Persiya tulad ng sumusunod:

➢ Pagpapahalaga sa pamilya
Masasalamin ito sa akda sa paghahanap ni Suhrab sa kaniyang ama. Napatunayan ito
sa pakikilahok sa digmaan para lamang makilala ang kaniyang ama na kilala bilang
isang magiting na mandirigma ng Persiya. Isinugal ni Suhrab ang kaniyang sariling
kaligtasan upang magkaroon ng pagkakataong makilala ang kaniyang ama na walang
ideya na mayroon siyang anak sa pamamagitan ng pagsali sa kalabang pangkat nito.

12
Kaya naman nang matuklasan ni Rustam ang katotohanan sa pagkatao ng
mandirigmang kaniyang napatay ay labis-labis ang kaniyang pagdadalamhati lalo pa’t
hindi niya iyon inaasahan. Patunay nito ang bahagi kung saan tumatangis siya sa linya
190: “O! Matapang kong anak, pinagtibay ng lahat… At kinitil ko!”

➢ Pagbibigay ng mga simbolo (Pagkahilig sa simbolismo)


Sa linya 182, inilahad na: Masdan ang palamuti, tingnan kung paano ituring ng
ninuno ang anak!

Tinututukoy ni Suhrab sa bahaging ito ang polseras, ang palamuti na ibinigay ni


Rustam sa kaniyang ina na si Tahmina. Ibinigay naman ito ni Tahmina sa anak bago
ang digmaan, sa pag-asang pangangalagaan siya nito.

Sa katapusan ng bahaging ito sa linya 242, sinabi ni Rustam: “Tinakasan ako ngayong
araw ng lahat ng lakas at tapang. Huwag nang makibaka pa sa mga Turan, Labis na
ang pinsalang aking nagawa.”

Ang labis na pinsalang tinukoy ni Rustam ay walang iba kung hindi ang pagkamatay
ng kaniyang anak sa kaniya mismong kamay. Ito ang kalunos-lunos na nangyari sa
buong istorya ng epikong Shahnameh.

➢ Paglalagay ng abo sa ulo


Bahagi ng sinaunang kultura, at nakatala rin sa Matandang Tipan sa Bibliya ang
kaugalian ng mga Hebreo na paglalagay ng abo sa ulo bilang tanda ng
pagdadalamhati.

Iyon ang napansin ng mararangal nang muli nilang makita si Rustam matapos itong
bumalik pagkaraang mawala sa lugar na pinaglabanan nila ni Suhrab. Mababasa ang
konteksto nito mula sa linyang 235:

235
At purihin ang puntod ng Diyos sapagkat nagbalik si Rustam;
Ngunit nang makita ang alikabok sa kaniyang ulo,
Ang kaniyang damit at nawasak na dibdib, tinanong nila siya:
“Ano ang ibig sabihin nito? Para kanino ka nagluluksa?”

13
Mula sa inilahad, mahihinuha ang kultura ng paglalagay ng abo sa ulo ay taglay ang
kahulugan ng pagluluksa noong unang panahon.

Sa pagsusuri ng epiko, sikaping suriin ang sistemang may kinalaman sa pulitika, ekonomiya,
lipunan, ispirituwal, sining, kultura, elemento, at paraan ng pagsulat. Batay sa mga inilahad
na punto, mapatutunayang salamin ang epiko ng kultura ng bansang pinagmulan nito.
Makikita sa mga pangyayari at maging sa mga kilos ng tauhan sa mga ganitong uri ng akda
ang mga gawi, tradisyon, at pagpapahalagang kinakatawan ng epiko. Sa ganitong paraan,
nananatili ang bakas ng kabihasnan ng lahing pinagmulan nito, naipapasa sa susunod na
henerasyon at napagyayaman sa paglipas ng panahon.

Sagutin Natin
1. Ano ang orihinal na anyo ng mga epiko?
2. Ano ang inilalahad ng mga epiko?
3. Paano nasasalamin ang kultura sa mga epiko?

Subukan Natin
1. Ano ang pinakalayunin ng paglalahad at pagsusulat ng epiko?
2. Paano nagsimula ang Shahnameh?

Isaisip Natin
Paano masasalamin ang mga natatanging kulturang Asyano sa isang epiko?

14
Pag-isipan Natin
Punan ang cluster map ng tig-dalawang bagay na inilahad sa epiko na sumasalamin sa
kulturang Asyano batay sa bawat aspeto.

Pulitika

Ekonomiya Lipunan

Rustam
at
Suhrab

Sining at
Ispirituwal
Pananamit

15
Aralin 2
Kahulugan ng Salita: Batay sa Konteksto

Layunin Natin
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaaasahang nabibigyang-
kahulugan ang mga salita batay sa kontekstong pinaggamitan.

Pag-aralan Natin
Taglay ng bawat salita ang iba’t ibang kahulugan. May iba’t ibang bagay ang maaaring
makaapekto sa kahulugan ng isang salita, maaaring ito ay mga ponemang suprasegmental
na kinabibilangan ng tono, diin, at antala sa pagsasalita, at maaari din namang ito ay ang
paraan at kung sa anong konteksto ginagamit ang salita.

Ang Konteksto
Tumutukoy ang konteksto sa kung paano ginagamit ang isang salita sa isang pangungusap.
Sa mga halimbawa sa ibaba, diniinan ang salita at ang kahulugan nito na makukuha rin sa
mga salita sa pangungusap o sa iba pang pangungusap na kasama nito. Maaaring matukoy
ang kahulugan ng isang salita batay sa konteksto ayon sa sumusunod:

A. Depinisyon
Inilalahad sa bahagi ng pangungusap ang kahulugan ng salita.

Halimbawa:
1. Suot ni Suhrab ang kaniyang helmet na gawa sa bakal at pananggalang na bumabalot
sa kaniyang ulo.
2. Kinilabutan siya sa nangyari at nagsitayuan ang kaniyang mga buhok mula sa ugat nito.
3. Ang polseras na tinukoy ay ang palamuting isinuot sa braso ni Suhrab ng kaniyang ina
bago siya sumabak sa digmaan. 16
B. Karanasan

Hinahango ang kahulugan ng salita batay sa karanasang nabanggit sa pangungusap.

Halimbawa:
1. Labis ang pamimighati ni Rustam nang malaman na ang kaniyang pinatay ay walang
iba kung hindi ang kaniyang anak.
2. Pinagtaksilan siya ng mundo sapagkat ang alam niya ay panalo siya sa labanan ngunit
tunay na natalo siya dahil sa pagkamatay ng kaniyang anak.
3. Bigo si Suhrab sa labanan sapagkat bukod sa namatay siya, hindi na rin niya nakasama
ang amang kaniyang hinahanap.

C. Salungatan
Mababasa sa pangungusap ang isang salitang nagpapahayag ng taliwas na kahulugan sa
salitang nais bigyang-kahulugan.

Halimbawa:
1. Sa halip na maging magkakampi, naging magkalaban ang mag-ama sa akdang binasa.
2. Nag-aalab si Rustam sa simula ng digmaan ngunit siya ay nalumbay sa kinalabasan
nito.
3. Nagtagumpay siya na makilala ang kaniyang ama subalit bigo siyang makasama ito.

D. Pahiwatig
Matutukoy ang kahulugan ng salita batay sa sanhi at bungang inilalahad nito.

Halimbawa:
1. Dakilang mandirigma si Rustam sapagkat ipinapanalo niya ang bawat digmaan nang
buong giting at lakas.
2. Naabo ang matapang na si Suhrab matapos ang labanan nila ni Rustam.
3. Taglay ni Suhrab ang palamuti dahil ito ang palatandaan ng kaniyang pagkatao.

E. Pagsusuri
Nakabatay ito sa lingguwistikang kakayahan kung saan sinusuri ang estruktura ng salitang
bibigyang-kahulugan.

17
Halimbawa:
1. Bago magtungo sa digmaan kailangang may pananggalang ang isang mandirigma.
(pang- + sangga +-lang)
2. May tiyak na panalangin ang mandirigmang si Suhrab at iyon ay makilala ang kaniyang
ama. (pa- + dalangin)
3. Bunga ng pangyayari, tinakasan siya noong araw na iyon ng lakas at tapang. (takas + -
in- + -an)

Kontekstuwal na Pagpapakahulugan
Batay sa mga halimbawa, mapatutunayan na ang salitang may literal o denotatibong
kahulugan ay maaaring magkaroon ng ibang kahulugan sang-ayon sa pagkakagamit nito sa
isang partikular na sitwasyon ng paglalahad o usapan. Ang pagbibigay ng kahulugan ng
salita batay sa ganitong pamamaraan ay tinatawag na kontekstuwal na
pagpapakahulugan.

Nakatutulong ito upang makuha ang pinakatiyak na kahulugan ng isang salita batay sa
pagkakagamit nito sa pangungusap na hindi na kailangan pang gumamit ng diksyunaryo o
iba pang sanggunian. Sa ganitong pamamaraan nakatitipid sa panahong inilalaan sa
isinasagawang pagbabasa at nasasanay rin ang isip na maging mapanuri sa kabuuang
estruktura ng pangungusap o talata lalo na sa mga salitang bumubuo rito.

Tandaan lamang na mahalaga sa ganitong uri ng pagbibigay-kahulugan ang sapat na


kaalaman, pag-unawa, at kasanayan sa pagsusuri ng buong estruktura ng pangungusap
upang matamo ang tiyak na kahulugan ng salitang nakapaloob dito.

Sagutin Natin
1. Ano ang tinutukoy na konteksto sa pagpapakahulugan ng salita?
2. Paano maaaring makuha ang kontekstwal na kahulugan ng mga salita?
3. Ano-ano ang isinasaalang-alang sa kontekstong pagpapakahulugan?

18
Subukan Natin
1. Paano nabibigyang-kahulugan ang mga salita batay sa kontekstong pinaggamitan
nito?
2. Paano isinasagawa ang pagsusuri?

Isaisip Natin
Bakit mahalagang magkaroon ng kasanayan sa pagtukoy ng kontekstuwal na kahulugan ng
isang salita?

Pag-isipan Natin
Tukuyin ang kontekstong pagpapakahulugang ginamit sa pangungusap. Isulat sa patlang
ang sagot.

1. Ang baluti ni Rustam, isang pananggalang sa katawan, ay

gawa sa tigreng balat.


2. Si Suhrab ay masayang-masayang kasama ang mga

katoto sa kabila ng pagkakaroon ng mga kaaway.


3. Tangan-tangan ni Suhrab ang kaniyang kalawit at pana

bilang paghahanda sa laban.


4. Napamulagat at humanga si Rustam sa mandirigmang
ipinadala ng mga Turkman.
19
5. Bagaman malakas at matikas ang kalaban ay mahina ito
sa paningin ni Rustam.

6. Nagbuno ang dalawang mandirigma upang makita kung


sino sa dalawang panig ng naglalaban ang magwawagi.

7. Isang makislap na punyal o maikling patalim ang ginamit


ni Rustam upang kitlin ang buhay ng kalaban.

8. Naisip ni Suhrab na kukutyain siya ng kapwa kalalakihan


na may parehong edad dahil sa nangyari.

9. Kahungkagan ang nadarama ni Rustam nang sa kabila ng


tagumpay niya ay kapalit nito ang kamatayan ng anak.

10. Nagluksa at tumangis ang magiting na mandirigma dulot


ng kalungkutan sa kamatayan ng anak.

20
Aralin 3
Pang-Uri: Mga Salitang Naglalarawan

Layunin Natin
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang nagagamit ang mga
angkop na salita sa paglalarawan ng kulturang Asyano at bayani ng Kanlurang Asya.

Pag-aralan Natin
Bilang isang akdang nagsasalaysay, mahalagang elemento ng epiko ang mga salitang
naglalarawan. Inilalahad nito ang mga tiyak na katangian ng mga tauhan, lugar, pangyayari
at iba pa sa isang akda upang mas madali itong maisalin sa ating larawang-diwa, at malaon
ay maintindihan.

Sa ganitong pagkakataon, nagiging kapaki-pakinabang ang paggamit ng pang-uri sa isang


panitikan.

Pang-uri
Tumutukoy ang mga pang-uri sa anumang salitang naglalarawan sa pangngalan o
panghalip.

Kaantasan ng Pang-uri
Nauuri ito sa tatlong antas batay sa kaantasan o kasidhian nito. Tinutukoy ang tatlong antas
nito bilang lantay, pahambing, at pasukdol.

21
A. Lantay
Inilalarawan ng mga pang-uri sa kaantasang lantay ang isang pangngalan o panghalip sa
isang payak na paraan.

Halimbawa:
• Batang mandirigma itong si Suhrab.
• Dakilang hukbo ang kinabibilangan ni Rustam.
• Matibay ang bakal na ginamit sa baluti ng parehong mandirigma.

B. Pahambing
Tumutukoy ito sa mga pang-uring ginagamit bilang pagtutulad sa dalawang pangngalan o
panghalip. Nahahati rin ito sa dalawang uri.

1. Magkatulad
Naglalahad ng patas na paghahambing ng dalawang pangngalan o panghalip.
Ginagamit sa paghahambing na ito ang mga panlaping ka-, magka-, at sing-, at mga
salitang gaya, tulad, at iba pa.

Halimbawa:
• Magkasintapang sina Rustam at Suhrab sa pagharap sa digmaan.
• Sindakila ni Rustam si Suhrab sa kani-kanilang hukbong kinabibilangan.

2. Di-magkatulad
Naglalahad ng pagkait, pagtanggi, o pagsalungat ng dalawang pinaghahambing.

a. Palamang – Isa sa dalawang pinaghahambing ang nagtataglay ng higit na


positibong katangian. Gumagamit ito ng mga salitang idinaragdag sa pang-uri
tulad ng lalo, higit, di-hamak, mas, at iba pa.

Halimbawa:
• Di-hamak na matanda si Rustam kung ikukumpara kay Suhrab.
• Higit na marami ang karanasan ni Rustam sa pakikipagdigma kaysa kay
Suhrab.

b. Pasahol – Isa sa dalawang pinaghahambing ang nagtataglay ng higit na


negatibong katangian. Gumagamit ito ng mga salitang di-gaano, di-gasino, at
di-masyado.
22
Halimbawa:
• Di-gaanong masaya ang kuwento ng bahagi ng epikong Shahnameh na
binasa natin kung ihahambing sa ibang epiko na nabasa ko na.
• Di-masyadong sigurado si Suhrab kung ang ipinadala ng kabilang
hukbo ay ang ama o ibang mandirigma.

C. Pasukdol
Pinakamataas na antas ng paghahambing na maaaring positibo o negatibo, sapagkat
masidhi ang paglalarawan. Maliban sa pinaka- o napaka- na idinurugtong sa pang-uri,
maaari ring gumamit ng sumusunod na kataga sa paglalarawan: sobra, ubod, tunay, talaga,
saksakan, hari/reyna ng ____, at maaari ding gamitin ang pag-uulit ng pang-uri.

Halimbawa:
• Ang pinakamatikas na kabayo ang kaniyang dinala sa digmaan upang masiguro ang
kaniyang tagumpay.
• Talagang malakas si Rustam dahil natalo niya si Suhrab kahit higit siyang matanda
rito.
• Masayang-masayang si Suhrab kasama ng kaniyang mga kaibigan.

Masasalamin sa mga pang-uri ang iba’t ibang katangian ng mga pangngalan o panghalip na
inilalarawan. Inilalahad nito nang mabisa ang mga ideya kaugnay sa mga iyon nang sa
gayon ay tiyak na matukoy ang inilalarawan at makabuo ng angkop na larawang-diwa para
rito sa sinumang maaaring hindi nakakita o nakaranas nito.

Sagutin Natin
1. Ano pang-uri?
2. Ano ang tatlong antas ng pang-uri na maaaring gamitin sa paglalarawan?
3. Sa kaantasang pahambing, paano pinaghahambing ang pangngalan o
panghalip?

23
Subukan Natin
1. Bakit mahalagang elemento ng epiko ang mga salitang naglalarawan?
2. Bakit mahalaga ang pang-uri sa paglalahad?

Isaisip Natin
Paano naisasagawa ang isang angkop na paglalarawan sa mga pangngalan at
panghalip?

Pag-isipan Natin
Isulat ang angkop na anyo ng nakasalungguhit na pang-uri sa patlang batay sa kaantasang
nakapaloob sa panaklong.

1. Malakas na atungal ng leon ang hiyaw ng mandirigma.


(pahambing – magkatulad)
2. Madilim ang kapalaran na sasapitin ng mandirigmang matatalo
sa tunggalian. (pasukdol)
3. Isang mala-tigreng mandirigma ang ipinadala ng hukbo ng mga
Turkman. (lantay)
4. Matalas ang espadang ginamit ni Rustam upang magupo ang
kalaban. (pasukdol)
5. Magka-edad si Suhrab at ang kaniyang kaibigang kasama sa
hukbo. (pahambing – magkatulad)
6. Magulo ang buhok ni Suhrab nang sumugod sa laban.
(pahambing – pasahol)

24
7. Dumating ang dalawampung mapagkakatiwalaang mandirigma
sa tabi ni Rustam. (pasukdol)
8. Mauunawaan ang mga naganap na pangyayari sa mga
mandirigma. (pahambing – pasahol)
9. Matalas ang punyal na ginamit ni Rustam kaysa sa patalim
niyang dala. (pahambing – palamang)
10. Matindi ang pinsalang nagawa ni Rustam sa kabila ng kaniyang
karangalang nakamit. (pasukdol)

Aralin 4
Pagsulat at Pagtatanghal ng Informance

Layunin Natin
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaaasahang naitatanghal sa anyo
ng informance ang isang itinuturing na bayani ng alinmang bansa sa Kanlurang Asya
sa kasalukuyan.

Pag-aralan Natin

Bago makarating sa kasalukuyan, nabuo at naipapasa ang epiko sa pamamagitan ng isang


masalimuot na proseso. Bilang isang panitikang lumaganap dahil sa pasalitang tradisyon,
tiyak na ang pagkakabuo at paglalahad ng mga epiko ay nagbago sa paglipas ng panahon.
Gayundin, ang mga elementong bumubuo rito ay dumaan sa proseso ng paghubog ng
panahon.

25
Sa pagpapakita ng prosesong ito, nagiging kapaki-pakinabang ang paggawa ng isang
informance. Ang ganitong uri ng presentasyon ay hindi lamang nagbibigay-halaga sa
produkto ng isang proyekto ngunit pati na rin sa prosesong pinagdaanan upang magawa
iyon.

Ang Informance
Ang informance ay hango sa inform/informal at performance. Ito ay isang impormal na
presentasyong naglalayong magbigay-alam. Inilalahad sa presentasyong informance ang
pagtalakay kaugnay sa itatanghal. Ilan sa halimbawa nito sa kasalukuyan ay ang
pagbabahagi ng isang mang-aawit kung paano nabuo ang isang komposisyon; paglalahad
ng makata ng inspirasyon sa pagkakakatha ng isang tula bago pa man iyon itanghal;
gayundin, sa mga pelikula o palabas sa telebisyon, ipinakikita ang mga behind the scenes ng
palabas.

Samakatuwid, nagtataglay ang isang informance ng epektibong dokumentasyon sa


paghahanda ng isang produkto. Mula sa dokumentasyon, makukuha ang mahahalagang
materyal sa pagbuo ng informance, sapagkat dito makikita ang pag-unlad ng paksa.
Masasalamin din dito ang pagiging malikhain at pag-aangkop ng teknolohiya, sapagkat
malaya ang gumagawa nito na gumamit ng audio o video recorder sa paghahanda.
Gayundin, kumalap ng mga impormasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang sanggunian at
minsan, maaari ding subukan ang pakikipanayam sa taong kasangkot sa pagbuo ng
produkto.

Pagbuo at Pagtatanghal ng Informance


Kapag susulat ng isang informance, kinakailangang kumpleto at naghahayag ito ng kapaki-
pakinabang na impormasyon. Dapat itong mapulutan ng kung ano ang layuning nais
ipaabot sa mga mambabasa, manunuod, o makikinig. Sa pagbuo nito, mahalagang isaisip
ang proseso na humubog sa panitikan, epektibong dokumentasyon nito, at ang iba pang
mahahalagang impormasyong makatutulong upang higit pang malaman ang nilalaman at
kulturang bumubuo sa akda. Sa pagtatanghal naman, kinakailangang mapanghikayat ito at
mag-iiwan ng maitatatak sa manunuod o mambabasa.

Nagiging kapaki-pakinabang ang informance sa pagbibigay nito ng impormasyon sa mga


mambabasa o manonood kaugnay sa produkto. Sa isang banda, isa itong paraan upang
mahikayat ang madla na subukan ang isang produkto, o panitikan na basahin ang isang
akda.

26
Halimbawa, sa bahagi ng akdang Shahnameh na Rustam at Suhrab, maaaring talakayin ng
informance ang lahing pinagmulan si Rustam at kung paano niya nakilala si Tahmina, ang
ina ni Suhrab, at iba pang bagay na mahalaga ngunit hindi naisama sa bahaging iyon ng
akda upang lubusan itong maunawaan. Maliban pa rito, makabubuti ring tukuyin ang mga
kultura ng pinagmulang bayan ng akda upang maintindihan ang mga kilos at gawi ng mga
tauhan dito.

Sa tulong ng mga detalyeng inilalahad sa isang informance, nasasalamin hindi lang ang
pagiging malikhain at mapanuri ng mga gumawa nito ngunit pati na rin ang kahusayan sa
pananaliksik ng mahahalagang datos. Sa bahagi naman ng tumatanggap nito, nagdudulot
ito ng mas malalim na pagkilala sa paksa at napag-uugnay-ugnay ang mga detalye nito sa
higit pang pag-unawa sa nilalaman at kulturang bumubuo rito.

Sagutin Natin
1. Ano ang informance?
2. Anong dalawang salita ang pinaghanguan nito?
3. Bakit gumagawa ng isang informance?

Subukan Natin
1. Paano nakatutulong ang informance sa pag-unawa ng isang akda?
2. Ano ang nasasalamin sa pagbuo ng informance?

Isaisip Natin
Bakit mahalagang bumubuo ng isang informance?

27
Pag-isipan Natin
Sumulat ng isang informance tungkol sa isang itinuturing na bayani ng alinmang bansa ng
Kanlurang Asya sa kasalukuyan at ng mahahalagang impormasyon tungkol sa kaniya.

28
Gawin Natin
Isagawa ang sumusunod na mga gawain:

1. Magsaliksik ng iba pang epiko mula sa Kanlurang Asya at tumukoy ng tatlo o higit
pang kulturang masasalamin mula roon. Ipaliwanag din kung papaano o bakit ito
isinasagawa sa pinagmulan ng akda.

2. Balikan ang epikong binasa, lumipon ng tatlong pangungusap na makukuhanan ng


kahulugan batay sa konteksto ng pangungusap. Itala sa iyong kuwaderno.

3. Tukuyin ang bayani mula sa nasaliksik na epiko. Ilarawan siya gamit ang iba’t ibang
antas ng pang-uri. Bumuo ng limang pangungusap para dito.

4. Bumuo ng isang pagtatanghal sa anyo ng informance. Ipakita sa iyong presentasyon


ang isang itinuturing na bayani ng alinmang bansa ng Kanlurang Asya sa
kasalukuyan at ang mahahalagang impormasyon tungkol sa kaniya.

29
Rubrik sa Pagtataya
Lagyan ng tsek ang kolum na angkop batay sa pamantayan sa pagtatanghal ng informance.

Pamantayan sa Pagmamarka 1 2 3 4 5
1. Nakapagtanghal ng informance batay sa paksang itinalaga.
2. Nakapagbigay ng mga angkop na impormasyon at proseso
ang informance.
3. Malinaw at maayos ang pagkakalahad at pagkakasunod-
sunod ng mga ideya.
4. Ipinamalas ang kawastuhang gramatikal (gamit ng salita,
pagbabantas, at pagbabaybay).
Kabuoang puntos: /20

Interpretasyon:
20 – 6 : Napakahusay
15 – 11 : Mahusay
10 – 6 : Katamtaman
5–1 : Kailangan pang pagbutihin at magsanay

30
Paglalagom

Kahulugan ng salita batay sa


konteksto
Kultura Mula sa Epiko

Depinisyon

Pangyayari
Karanasan

Salungatan

Kilos ng tauhan

Pahiwatig

Pagsusuri

31
Kaantasan ng
Pang-uri Informance

lantay pahambing pasukdol Proseso

magkatulad di-magkatulad Epektibong


dokumentasyon

palamang Mahahalagang
impormasyon

pasahol

32
Dapat Tandaan

• Masasalamin ang kultura ng lugar na pinagmulan ng epiko sa mga


pangyayari at kilos ng mga tauhang bumubuo rito.

• Maaaaring matukoy ang kontekstuwal na kahulugan ng isang salita


sa pamamagitan ng depenisyon, karanasan, salungatan, pahiwatig at
pagsusuri.

• May tatlong kaantasan ang pang-uri na maaaring magamit sa


epektibong paglalarawan. Ito ang lantay, pahambing, at pasukdol.
Maaaring maiuri ang pahambing sa magkatulad at di-magkatulad,
kung saan ang mga pang-uring di-magkatulad ay maaari pa ring iuri
ayon sa palamang o pasahol batay sa kung papaano
pinaghahambing ang dalawang pangngalan o panghalip.

• Sa pagbuo ng isang informance, mahalagang isaisip ang proseso na


humubog sa panitikan, epektibong dokumentasyon nito, at ang iba
pang mahahalagang impormasyong makatutulong upang higit pang
malaman ang nilalaman at kulturang bumubuo sa akda.

33
Pagyamanin Natin

Ang sumusunod na mga video links ay maaaring panoorin para sa karagdagang


impormasyon at malalim na talakayan.

• Asian Civilization
https://youtu.be/FV3p6Sklk5A

• The Benefits of Informal Performance Review Process


https://youtu.be/l5Vz6MsVUSc

Susi sa Pagwawasto

Aralin 1: Pagsusuri ng Epiko: Salamin ng Kulturang Asyano

Subukan Natin
1. Isa sa pinakalayunin ng epiko ay palakasin ang loob ng mga mandirigma noong mga
unang panahon sa pagsasagawa ng mga mala-bayaning pagkilos bilang pagkilala sa mga
ginawa ng kanilang ninuno.
2. Nagsimula ang akda sa mitolohikal na panahon ng paglikha patungo sa pananakop ng
mga Arabo noong ikapitong siglo. Inilalahad nito ang mga hindi makalilimutang pangyayari
sa tagumpay at kabiguan ng bayan, magigiting, matatapang at malulupit na mga tao,
masayang pag-ibig, at mapait na pagluluksa.

Isaisip Natin
Batay sa mga inilahad na punto, mapatutunayang salamin ang epiko ng kultura ng bansang
pinagmulan nito. Makikita sa mga pangyayari at maging sa mga kilos ng tauhan sa mga
ganitong uri ng akda ang mga gawi, tradisyon, at pagpapahalagang kinakatawan ng epiko.
Sa ganitong paraan, nananatili ang bakas ng kabihasnan ng lahing pinagmulan nito,
naipapasa sa susunod na henerasyon at napagyayaman sa paglipas ng panahon.

34
Aralin 2: Kahulugan ng Salita: Batay sa Konteksto

Subukan Natin
1. Nakatutulong ito upang makuha ang pinakatiyak na kahulugan ng isang salita batay sa
pagkakagamit nito sa pangungusap na hindi na kailangan pang gumamit ng diksyunaryo o
iba pang sanggunian.
2. Isa sa mga paraan ng pagsasagawa ng pagsusuri ay ang paglalapi. Tinutukoy nito ang
salitang-ugat at ang mga panlaping ginamit upang mabuo ang salita.

Isaisip Natin
Mahalagang magkaroon ng kasanayan sa kontekstuwal na pagpapakahulugan dahil
nakatutulong ito upang makuha ang pinakatiyak na kahulugan ng isang salita batay sa
pagkakagamit nito sa pangungusap na hindi na kailangan pang gumamit ng diksyunaryo o
iba pang sanggunian. Sa ganitong pamamaraan nakatitipid sa panahong inilalaan sa
isinasagawang pagbabasa at nasasanay din ang isip sa pagiging mapanuri sa estruktura ng
pangungusap o talata lalo na sa mga salitang bumubuo rito.

Aralin 3: Pang-Uri: Mga Salitang Naglalarawan

Subukan Natin
1. Inilalahad nito ang mga tiyak na katangian ng mga tauhan, lugar, pangyayari at iba pa sa
isang akda upang mas madaling itong maisalin sa ating larawang-diwa, at malaon ay
maintindihan.
2. Mahalaga ang mga pang-uri sa paglalahad sapagkat ipinakikita nito ang iba’t ibang
katangian ng mga pangngalan o panghalip na inilalarawan. Inilalahad nito nang mabisa ang
mga ideya kaugnay sa mga iyon nang sa gayon ay tiyak na matukoy ang inilalarawan at
makabuo ng angkop na larawang-diwa para rito.

Isaisip Natin
Naisasagawa ang angkop na paglalarawan sa mga pangngalan at panghalip sa
pamamagitan ng paggamit ng mga pang-uri. Sa paggamit nito ay naipamamalas din ang
kasidhian ng katangiang inilalarawan nito.

Aralin 4: Pagsulat at Pagtatanghal ng Informance

Subukan Natin
1. Nakatutulong ang informance sa pag-unawa sa isang akda sa pagbibigay nito ng
impormasyon sa mga mambabasa o manonood kaugnay sa produkto. Sa ganitong paraan,
35
nagdudulot ito ng mas malalim na pagkilala sa paksa at pag-uugnay-ugnay ng mga detalye
nito tungo sa higit pang pag-unawa sa epiko.
2. Sa tulong ng mga detalyeng inilalahad sa isang informance, nasasalamin hindi lang ang
pagiging malikhain at mapanuri ng mga gumawa nito ngunit pati na rin ang kahusayan sa
pananaliksik ng mahahalagang datos.

Isaisip Natin
Bumubuo ng isang informance upang bigyang-halaga ang produkto ng isang proyekto
ngunit pati na rin sa prosesong pinagdaanan upang magawa iyon.

Sanggunian

Baisa-Julian, Ailene, Esguerra, Carmela H. at Lontoc, Nestor. Pinagyamang


Pluma 7. Quezon City: Phoenix Publishing House, Inc, 2015.

Carreon, Marga B. at Samar, Edgar C. PUNLA 9: Mga Akdang Pampanitikan


mula sa Asya at Noli Me Tangere. Quezon City: Rex Printing Company, Inc, 2017.

“Epic”. Literary Devices: Definition and Examples of Literary Terms. Nakuha


mula sa https://literarydevices.net/epic/.

Mga Editor ng Encyclopӕdia Britannica. “Epic: Literary Genre”.


Encyclopӕdia Britannica. Nakuha mula sa https://www.britannica.com/art/epic.

Moorings: Readings in Literature. Manila: Philippine University Press, w.p..

36

You might also like