GULAYAN SA PAARALAN, HATID AY KAPAKINABANGAN MAGING
SA TAHANAN
Agresibong nakiisa ang Sta. Catalina Matanda Elementary School sa
programa ng Department of Education na Gulayan sa Paaralan Program o GPP. Ang bawat isang mamamayan, kabilang na ang mga guro at punong guro ng nasabing paaralan ay buong puso na nagplano at nagsagawa kung papaano magiging matagumpay ang programang ito. Kasama na rin ang Sangguniang Barangay, mga magulang at mga may malasakit na indibidwal na nagboluntaryong matulungan ang pangangailangan ng paaralan sa lakas paggawa. Layunin ng programang ito na matugunan ang problema sa malnutrisyon ng bawat isang batang mag-aaral at mapaigting ang produksyon ng mga gulay upang maging susi ito sa lumalalang isyu sa kalusugan ng mga bata. Ang bawat gulay na inaani ng paaralang ito ay nagsisilbing panawid gutom ng mga bata, pati na rin ng kani-kanilang pamilya dahil maging sa kanilang tahanan ay nakararating ang bawat butil nito. Lubhang napakalaki ng naitutulong nito sa buong komunidad ng Barangay Sta. Catalina Matanda, kaya naman lubos ang pasasalamat ng mga natutulungan, higit sa lahat ng mga magulang ng mga mag- aaral na nakatatanggap ng benepisyo nito dahil hindi lamang daw isip ang binubusog ng mga masisipag na guro kung hindi maging ang kumakalam ng sikmura ng mga ito. “Mahirap ang pagsasagawa ng programang ito dahil kailangan naming siguruhin na ang bawat punla at buto na aming itinatanim ay maging mabunga dahil maraming bata ang nais naming matulungan na magkaroon ng sapat na nutrisyon dahil may mga pamilya na hindi prayoridad ang pagkain ng masustansiya dahil sa kahirapan ng buhay.” saad ng punong guro ng paaralan. Kaya naman ubos lakas ang ginawang preparasyon ng bawat isa upang matamnam ang lahat ng nakatiwangwang na lupa, mga sakong nilagyan ng lupa, mga patapong bote na ginawa ring taniman, at marami pang ibang mga pinaglumaang gamit na nireksiklo upang mas makatipid at makagawa ng maraming taniman. Tunay ngang ang paaralan ang siyang tulay na magbubuklod at tutugon sa ilang mga pangangailangan sa komunidad. Susuporta at hindi magsasawa na paglingkuran ang mamamayan lalo na kung ito ay para sa kapakanan ng kanilang mga mag-aaral. “Hindi pa tapos at hinding hindi matatapos ang layunin ng programang ito dahil hanggat may bunga ang mga halamang gulay sa aming paaralan ay kaisa niyo kami sa pagsugpo ng malnutrisyon ng mga minamahal naming mag- aaral”, sabay-sabay na wika ng mga guro sa Sta. Catalina Matanda Elementary School.