Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 12

LXIII.

ANG GABING SINUSUNDAN NG̃ PASCO NG̃ PANG̃ ANG̃ ANAC.


Sa itaas, sa balisbís ng̃ isáng bundóc, sa tabí ng̃ isáng agúsan, natatago sa guitnâ ng̃ mg̃a cahoy ang
isáng dampâ na nacalagay sa ibabaw ng̃ mg̃a licolicong punò ng̃ mg̃a cahoy. Sa ibabaw ng̃ canyáng
bubóng na cúgon ay gumagapang na saganà sa calaguan ang calabaza, na humihitic ng̃ mg̃a bung̃a at ng̃
mg̃a bulaclác; napapamutihan ang abáng tahanang iyón ng̃ mg̃a sung̃ay ng̃ usa't ng̃ mg̃a bung̃ô ng̃
baboy-ramó, na may mg̃a pang̃il ang ibá. Diyán tumatahan ang isáng mag-ánac na tagalog, na ang
pang̃ang̃aso't pagpuputól ng̃ cahoy na panggatong ang guinágawa.

Sa lilim ng̃ isáng cahoy, ang nunong lalaki'y gumágawa ng̃ mg̃a walis na tinting, samantalang
naglálagay ang isáng dalaga sa isáng bacol ng̃ mg̃a itlóg ng̃ inahíng manóc, mg̃a dayap at mg̃a gulay.
Dalawáng batà, isáng lalaki't isáng babae'y magcasamang naglálaro. May isá pang batàng lalaking putlain,
mukháng namámanglaw, malalaki ang mg̃a matá at malalim cung tuming̃ín, at siyá'y nacaupô sa ibabaw
ng̃ isáng nacahigáng punò ng̃ cahoy. Mapagkikilala natin sa canyáng namamayat na mukha ang anác na
lalaki ni Sisa, si Basilio, na capatíd ni Crispín.

—Paggalíng ng̃ paá mo,—ang sabi sa canyá ng̃ batang babae;—maglálaro tayo ng̃
pico-picong-tagúan, acó ang inainahan.

—Saasama ca sa amin sa pag-akyát sa taluctóc ng̃ bundóc,—ang dagdág ng̃ batàng lalaki;—iinom ca
ng̃ dugó ng̃ usáng pinigaan ng̃ catas ng̃ dayap at icaw ay tatabâ, at cung mataba ca na'y tuturuan catá ng̃
paglucso sa magcabicabilang malalaking bató, na na sa ibabaw ng̃ agúsan.

Ng̃uming̃itî ng̃ mapangláw si Basilio, tinítingnan ang súgat ng̃ canyáng paá at pagcatapos ay
ibinabaling ang paning̃in sa araw na mainam na totoo ang sicat.

—Ipagbili mo ang mg̃a walís na itó,—anáng nunong lalaki sa dalaga;—at ibilí mo ng̃ anó man ang
mg̃a capatid mo, sa pagcá't Pascó ng̃ayón.
Páhiná 516

—¡Mg̃a reventador, ibig co ng̃ mg̃a reventador!—ang sigáw ng̃ batàng lalaki.

—¡At ibig co namán ang isáng ulong mailagáy co sa aking manica!—ang sigáw namán ng̃ batàng
babae, at tinangnán sa tápis ang canyáng capatid.

—At icaw, ¿anó namán ang ibig mo?—ang tanóng ng̃ nunò cay Basilio.

Tumindíg itóng nahihirapan at lumapit sa matandáng lalaki.

—Guinoo,—ang sinabi niyá;—¿nagcasakít po palá acóng mahiguít na isáng buwán?

—Buhat ng̃ masumpong ca naming hindi nacacaalam-tao't punô ng̃ mg̃a sugat ay dalawang buwan
na sa itaás ang nacararaan; ang isip nami'y mamámatay icaw....
—¡Gantihín nawa cayó ng̃ Dios; camí po'y totoong mahihirap!—ang mulíng sinabi ni Basilio;
datapuwa't yayamang Pascó ng̃ayón, ibig cong pa sa bayan upáng aking tingnán ang aking iná't capatid na
maliit. Marahil hinahanap nilá acó.

—Ng̃uni't anác co, hindi ca pa magalíng at malayo ang bayan mo; hindi ca darating doon sa hating
gabí.

—¡Hindi po cailang̃an, guinoo! Marahil po'y totoong namamanglaw ang aking iná't capatíd na maliit;
sa taón taó'y nagsasamasama camí sa fiestang itó ... ng̃ taóng nagdaa'y isáng isda ang aming kinaing tatló
... ang iná co marahil ay iyác ng̃ iyác ng̃ paghánap sa akin.

—¡Hindi ca darating na buháy sa bayan, batà! Sa gabíng itó'y may inahíng manóc tayo at tapa ng̃
baboy-ramó. Hahanapin ca ng̃ aking mg̃a anác na lalaki cung umuwi siláng galing sa parang....

—Marami po cayóng mg̃a anác, at ang aking iná'y wala cung di camíng dalawá lamang; ¡marahil
ipinalalagay na acóng patáy! ¡Ibig co pô siyang bigyán sa gabíng itó ng̃ galác, ng̃ isáng aguinaldo ... isáng
anác!

Naramdamán ng̃ matandáng lalaking nangguiguilid ang canyáng luhà, ipinatong sa ulo ng̃ batàng
lalaki ang canyáng camáy at sinabi sa canyáng nababagbag ang pusò:

—¡Tila ca matandáng tao! Halá, paroon ca na, hanapin mo ang iyong nanay, ibigay mo sa canyá ang
aguinaldo ... ng̃ Dios, gaya ng̃ sabi mo; cung nalaman co lamang ang pang̃alan ng̃ iyong bayan, sana'y
naparoon acó ng̃ icaw ay may sakit. Lácad na, anác co, at samahan ca nawa ng̃ Dios at ng̃ poong si Jesús.
Sasamahan ca ng̃ apó cong si Lucía hanggáng sa bayang malapit dito.

—¿Bakit, aalis ca ba?—ang tanóng sa canyá ng̃ batàng lalaki.—Diyán sa ibabá'y may mg̃a sundalo,
maraming mg̃a tulisán. ¿Aayaw ca bang makita ang aking mg̃a reventador? ¡Pum! ¡purumpum!

—¿Aayaw ca ba ng̃ pico-picong taguan?—ang tanóng namán ng̃ batàng babae;—¿nacapagtago ca na


ba? ¿Hindi ba totoong nacatutuwa ang habulin at magtago?

Ng̃umitî si Basilio; dinampót ang canyáng tungcód at nagsalitáng nanglálaglag ang mg̃a luhà sa mg̃a
matá:

—Bábalic acó agad,—anyá;—dadalhín co rito ang maliit cong capatíd, makikita ninyó siyá at cayó'y
makikipaglarô sa canyá; siyá'y casíng lakí mo.

—¿Pipilaypilay rin ba cung lumacad?—ang tanóng ng̃ batàng babae;—cung gayó'y siyá ang ating
gagawing iná-inahan sa pico-pico.

—Huwag mo camíng calilimutan,—ang sabi sa canyá ng̃ matandáng lalaki;—dalhín mo itong tapa
ng̃ baboy-ramó at ibigay mo sa iyong nanay.

Sinamahan siyá ng̃ mg̃a batá hanggáng sa tulay na cawayang nacalagáy sa ibabaw ng̃ agúsang
maing̃ay ang lagaslás.

Pinacapit siyá ni Lucía sa canyáng mg̃a bisig at nawalâ silá sa mg̃a paning̃ín ng̃ mg̃a batà.

Malicsíng lumacad si Basilio, bagá man may tali ang canyáng binti.
....................................................................

Humahaguinit ang hang̃ing sa labás at nang̃áng̃aligkig sa guináw ang mg̃a tagá San Diego.

Niyó'y gabíng sinúsundan ng̃ Pascó ng̃ Pang̃ang̃anác, ng̃uni't gayón ma'y malungcót ang bayan.
Waláng nacasabit sa mg̃a bintanang isáng farol man lamang na papel, waláng anó mang caing̃ayan sa mg̃a
bahay na nagbabalità ng̃ casayahang gaya ng̃ mg̃a nacaraang taón.

Sa «entresuelo» ng̃ bahay ni capitang Basilio'y nagsasalitaan sa tabí ng̃ isáng rejas, ito't si don Filipo
(pinapagcaibigan silá ng̃ pagcapahamac ni don Filipo),
Páhiná 518

samantalang sa cabiláng rejas namá'y tumátanaw sa daan si Sinang, ang canyáng pinsang si Victoria
at ang magandáng si Iday.

Nagpápasimula ng̃ pagsicat ang buwáng patunáw sa naaabot ng̃ paning̃in at pinapagcuculay guintô
ang mg̃a alapaap, mg̃a cahoy at mg̃a bahay, at tulóy nang̃agbibigay ng̃ mahahaba't wari'y mg̃a fantasmang
mg̃a anino.

—¡Hindi cácauntî ang inyóng capalarang lumabás, na alinsunod sa pasyá ng̃ hucóm ay walang
casalanan, sa mg̃a panahóng itó!—ang sabi ni capitang Basilio cay don Filipo;—tunay ng̃a't sinunog nilá
ang inyóng mg̃a libro, ng̃uni't lalong malakí ang nang̃awalâ sa mg̃a ibá.

Lumapit sa rejas ang isáng babae at tuming̃ín sa dacong loob. Nagníningning ang canyáng mg̃a matá,
namamayat ang canyáng mukhâ, lugáy at gusót ang canyáng mg̃a buhóc, binibigyan siya ng̃ buwán ng̃
cacaibáng anyô.

—¡Si Sisa!—ang bigláng sinabi ni don Filipo, at saca siyá humaráp cay capitang Basilio,
samantalang lumálayô ang ulól na babae.

—¿Hindi po ba na sa sa bahay siyá ng̃ médico?—ang itinanóng;—¿gumaling na po ba?

Ng̃umitî ng̃ masacláp si capitang Basilio.

Natacot ang médicong siyá'y isumbóng na caibigan ni don Crisóstomo, at ang guinawa'y pinaalís si
Sisa sa canyáng bahay. Ng̃ayó'y muling nagpapacabicabila na namáng ulól na gaya ng̃ dati, umaawit,
hindi gumagawâ ng̃ masamâ cang̃ino man at natitira sa gubat....

—¿Anó anó pa po ang mg̃a nangyari sa bayan mulâ ng̃ umalis camí rito? Nalalaman cong tayo'y may
curang bago at bagong alférez....

—¡Catacotacot na mg̃a panahón, umúudlot ang cataohan!—ang ibinulóng ni capitang Basilio, na ang
nacaraan ang iniisip.—Tingnán po ninyó, kinabucasan ng̃ inyóng pag-alís ay nasumpung̃ang patáy ang
sacristang mayor, nacabitin sa palupo ng̃ canyáng bahay. Dinamdám na totoo ni parì Salví ang canyáng
pagcamatáy at sinamsam na lahát ang canyáng mg̃a papel.—¡Ah, namatáy rin ang filósofo Tasio, at
ibinaón siya sa libing̃an ng̃ mg̃a insíc.

—¡Cahabaghabag namán si don Anastasio!—ang ibinuntóng hining̃á ni don Filipo,—¿at ang


canyang mg̃a libro?
Páhiná 519

—Sinunog na lahát ng̃ mg̃a madasalin, sa pagcá't sa ganyá'y inaacalà niláng silá'y mararapat sa Dios.
Walâ acong nailigtas cahi't ang libro man lamang ni Ciceron ... waláng guinawáng anó man ang
gobernadorcillo upang sansalain ang gayóng gawâ.

Capuwà hindi umimíc ang dalawá.

Nariring̃ig ng̃ sandalíng iyón ang awit na cahapishapis at mapangláw ng̃ ulól na babae.

—¿Nalalaman mo ba cung cailán ang casál ni María Clara,—ang tanóng ni Iday cay Sinang.

—Hindi,—ang isinagót nitó;—tumanggap acó ng̃ isáng sulat ni María Clara, ng̃uni't aayaw cong
bucsán sa tacot na aking maalaman. ¡Caawaawa si Crisóstomo!

Ang balità'y cung di cay Linares, si capitang Tiago'y nabitay sana, ¿anó ang cahihinatnán ni María
Clara?—ang pahiwatig ni Victoria.

Nagdaan ang isáng batàng lalaking pipilaypilay; tumatacbóng ang tung̃o'y sa plaza na
pinanggagaling̃an ng̃ awit ni Sisa. Siya'y si Basilio. Nasumpung̃an ng̃ batà ang canyáng bahay, na waláng
tao at guibà; pagcatapos ng̃ maraming pagtatanóng, ang canyáng nausisa lamang ay ang canyáng iná'y
ulól at nagpapagalagala sa bayan; walâ siyang cabalibalità cay Crispin.

Kinain ni Basilio ang luhà, linunod ang canyáng pighatî, hindi na nagpahing̃a't hinanap ang canyáng
iná. Dumatíng sa bayan, ipinagtanóng ang canyáng iná, at dumatíng ang awit sa canyáng mg̃a taing̃a.
Piniguilan ng̃ culang palad ang pang̃ang̃atál ng̃ canyáng mg̃a bintî at nag-acalang tumacbó't ng̃ payacap sa
canyáng iná.

Linisan ng̃ ulól na babae ang plaza't tinung̃o ang tapát ng̃ bahay ng̃ bagong alférez. Ng̃ayo'y gaya rin
ng̃ unang may isáng bantay na sundalo sa pintuan, at isáng ulo ng̃ babae ang siyáng nanung̃aw sa bintanà,
ng̃uni't hindi na ang Medusa, ng̃ayó'y isáng batà ang gulang; hindi pawang sawíng palad ang bawa't
alférez.

Nagpasimulâ ng̃ pag-awit si Sisa sa tapat ng̃ bahay, na tinititigan ang buwang nagduruyan sa isáng
lang̃it na azul at napapag-itanan ng̃ mg̃a alapaap na culay guintô. Nakikita siyá ni Basilio'y hindi
macapang̃ahas lumapit, at marahil hinihintay niyáng umalis doon; lumalacad sa magcabilacabila, ng̃uni't
pinang̃ing̃ilagan ang paglapit sa cuartel.

Pinakikinggang magalíng ng̃ babaeng batà pang na sa sa bintanà ang awit ng̃ ulól na babae, at
ipinag-utos sa bantáy na sundalong papanhikin ang ulól na iyón sa cuartel.

Pagcakita ni Sisang lumalapit ang sundalo at ng̃ maring̃ig ang tinig nito, sa malaking tacot ay
nagpacatacbótacbó, at ang Dios ang nacacaalam cung paano ang pagtacbó ng̃ isáng ulól. Sinundán siyá ni
Basilio, at sa pang̃ang̃anib na bacá hindi na niya makita'y tumacbó at nalimutan tulóy ang sakít ng̃
canyáng mg̃a paá.

—¡Tingnán na ng̃a lamang ninyó cung paano ang paghabol ng̃ batàng iyán sa ulól na babae!—ang
sigáw na nagagalit ng̃ isáng alilang babae, na na sa daan.
At ng̃ makita niyáng ipinagpapatuloy ang paghagad sa ulól na babae, dumampót ng̃ isáng bató't
inihaguis sa batà, at sinabi:

—¡Ayán ang iyó! ¡pagcasayangsayang at natatalì ang áso!

Naramdamán ni Basilio ang isáng pucól sa canyáng ulo, ng̃uni't nagtuloy ng̃ pagtacbó at hindi
inalumana. Tinátahulan siyá ng̃ mg̃a áso, sumisigaw ang mg̃a gansâ, binúbucsan ang mg̃a ibáng bintanà at
may sumusung̃aw na isáng mapagusisa, at sinásarhan namán ang ibáng bintana, sa pang̃ang̃anib na bacâ
iyo'y cawang̃is din ng̃ gabi ng̃ mg̃a caguluhan.

Dumatíng silá sa labás ng̃ bayan. Nagpasimulà si Sisa ng̃ paghinà ng̃ pagtacbó; malakíng totoó ang
calayuan niyá sa humahabol sa canyá.

—¡Nanay, acó pô!—ang isinigáw sa canyá ng̃ siyá'y mátanawan.

Bahagyâ lamang náring̃ig ng̃ ulól na babae ang tinig ay nagpasimulâ na namán ng̃ pagtácas.

—¡Nanay, acó pô!—ang isinigáw ng̃ bata na waláng pagcasiyahan sa pighatî.

Hindi nacácaring̃ig ang ulól na babae, sinúsundan siyá ng̃ anác na humihing̃al. Naraanan na nilá ang
mg̃a pananím at malapit na silá sa gubat.

Nakita ni Basiliong pumasoc sa gubat na iyón ang canyáng iná at siyá'y pumasoc namán. Ang mg̃a
damó, ang maliliit na cahoy, ang matiníc na mg̃a yantóc at ang mg̃a ugát na umuutláw sa lupá ay
nang̃agsisihadláng sa tacbó ng̃ dalawá. Sinúsundan ng̃ anác ang naaaninagnagán niyáng catawán ng̃
canyáng iná, na manacanacang liniliwanagan ng̃ mg̃a sínag ng̃ buwang pumapasoc sa mg̃a pag-itan ng̃
mg̃a sang̃á. Yaón ang talinghagang gubat ng̃ familia ni Ibarra.

Macailang natisod at nárapâ ang batà, ng̃uni't tumítindig, hindi nagdaramdam sakít; ang boong
caluluwa niyá'y pumatung̃o sa canyáng mg̃a matá, na sumúsunod sa anyô ng̃ irog niyáng iná.

Caniláng dinaanan ang ílat na bumubulong ng̃ matimyás; ang mg̃a tiníc ng̃ cawayang nang̃ahulog sa
putic ng̃ pampáng ay tumitimo sa mg̃a paá niyáng hubád: hindi humihintô si Basilio upáng bunutin ang
mg̃a tiníc na iyón.

Nakita niyá ng̃ boong pagtatacá na tinutung̃o ng̃ canyáng iná ang malagóng parang at pumasoc sa
pintóng cahoy na pangsará sa pinaglibing̃an ng̃ matandáng castilà sa paanán ng̃ balitì.

Binantâ ni Basiliong siyá'y pumasoc namán, ng̃uni't nasunduan niyáng nacasará ang pintô.
Ipinagsasanggalang ang pintóng iyón ng̃ ulól na babae, ng̃ canyáng mg̃a payát na bísig at gusamót na ulo,
na anó pa't pinapananatili ng̃ canyáng boong lacás sa pagcásara.

—¡Nanay, acó pô, acó pô, acó'y si Basilio, ang inyóng anác!—ang sigáw ng̃ batang hapô na, at
nagpacálugmoc.

Datapuwa't hindi nagluluwag ang ulól na babae; isinisicad ang canyáng mg̃a paá sa lupà at
ipinaglalabang mainam ang pintô.

Sinuntóc ni Basilio ang pintô, inihahampas doon ang ulong napapaliguan ng̃ dugô, umiyác, ng̃uni't
waláng cabuluháng lahát. Nagtindíg ng̃ boong hírap, pinagmasdán ang pader at iniisip niyáng canyáng
hagdanán, ng̃uni't walâ siyáng nasumpung̃ang magawang hagdán. Nilibot niyá, ng̃ magcágayon, at nakita
niyá ang isáng sang̃á ng̃ malungcót na cahoy na humahalang sa isá namang sang̃á rin ng̃ ibang cahoy.
Nag-ukyabít siyá: gumágawâ ng̃ cababalaghán ang canyáng pagsintáng-anác, nagpalipatlipat siyá sa mg̃a
sang̃á hanggang sa dumating sa balitì, at napanood pa niyáng itinutuon ang ulo ng̃ canyáng iná sa pintô.

Náring̃ig ni Sisa ang ing̃ay na guinágawâ ni Basilio sa mg̃a sang̃á, luming̃ón at nag-acalang tumacas,
ng̃uni't nagpatihulog sa cahoy ang anác, niyácap niyá ang canyáng iná at pinuspós ng̃ halíc, at hinimatáy
pagcatapos.
Páhiná 522

Námasdan ni Sisa ang noóng napapaliguan ng̃ dugô; yumucód sa canyá, ang mg̃a matá ng̃ babae'y
tila mandín tatacas sa kinálalagyan, pinagmasdan siyá sa mukhâ at ang mg̃a namúmutlang
pagmumukháng iyó'y siyáng pumagpág ng̃ bait na gumugupiling sa canyáng mg̃a utac ng̃ ulo, may
sumipót na tulad sa isáng kisláp sa canyáng pag-iisip, nakilala ang canyáng anác at, nagpacabigáybigáy
ng̃ isáng sigáw, at pagcatapos ay nahandusay sa hinimatáy na batàng canyáng niyayacap at hináhagcan.

Nanatiling hindi cumikilos ang iná at ang anác....

Nang pagsauláng-tao si Basilio'y nakita niyang hindi nacacaalam tao ang canyáng iná. Tinawag niyá
ang canyáng iná, canyáng ipinang̃alan ang lalong matitimyás na palayaw, at ng̃ mamasid niyáng hindi
naguiguising at hindi man lamang humihing̃a'y nagtindig, tinung̃o ang agos at cumuha ng̃ cauntíng túbig
na canyáng inilagáy sa binalisungsóng na dahon ng̃ saguing, at canyáng winiligán ng̃ tubig na iyon ang
namumutláng mukhà ng̃ canyáng iná. Ng̃uni't hindi cumilos ng̃ camunti man lamang ang ulól na babae,
nananatili sa pagcapikit.

Pinagmasdán siyá ni Basiliong nagugulat; idinaiti ang canyáng taing̃a sa pusò ng̃ babae; ng̃uni't ang
payát at lantá ng̃ dibdib ay malamig at hindi tumitiboc: inilagáy niyá ang canyáng mg̃a labì sa mg̃a labì ng̃
canyáng iná ay walâ siyáng naramdamang camunti man lamang na paghing̃á. Niyacap ng̃ culang palad
ang bangcáy at tumang̃is ng̃ boong capaitan.

Lumiliwanag ang buwan sa lang̃it ng̃ boong cadakilaan, nagbubuntong hining̃á ang mahinhíng
amihan sa paghihip at humuhuni ang mg̃a cagaycáy sa ilalim ng̃ mg̃a damó.

Ang gabíng pawang caliwanagan at catuwaan sa lubháng maraming mg̃a musmós, na sa mainit na
sinapupunan ng̃ mg̃a casambahay ipinagdiriwang ang fiestang lalong may mg̃a matatamis na nagugunitá;
ang fiestang nagpapaalaala ng̃ unang titig ng̃ pagsintá na ipinadalá ng̃ lang̃it sa lupà; sa gabíng iyáng ang
lahát ng̃ magcacasambahay na mg̃a binyaga'y cumacain, umiinom, sumasayaw, umaawit, tumatawa,
naglálarò, sumisinta, nang̃aghahalican ... sa gabíng iyán, na sa mg̃a lupaíng malalamíg ay nagtátaca ang
camusmusan sa warí'y himaláng cahoy na pino, na humihitic ng̃ mg̃a ilaw, mg̃a manica, mg̃a matamis at
maki
Páhiná 523

kintáb na palarang papel, na pinanonood ng̃ nang̃asisilaw na mabibilog na mg̃a matáng kinaaninuhan
ng̃ pagca waláng malay, ang gabíng iyá'y waláng idinudulot cay Basilio cung di isáng pang̃ung̃ulila. ¿Sino
ang nacacaalam? Marahil sa bahay ng̃ malungcuting si parì Salví ay nang̃aglalarô rin ang mg̃a batà,
marahil ay caniláng inaawit:
Ang Gabing-Magandá'y dumating,

Gabing-Magandá'y aalis din...

Ang batà'y tumang̃is at humibíc ng̃ di anó lamang, at ng̃ tuming̃alâ siyá'y canyáng nakita sa canyáng
haráp ang isáng tao na pinagmamasdan siyáng waláng imíc. Tinanóng siyá ng̃ hindi kilalang lalaking iyón
ng̃ marahan:

—¡Icaw ba ang anác!

Tumang̃ô ang batà.

—¿Anó ang inaacalà mong gawín?

—¡Ilibíng!

—¿Sa libing̃an?

—Walà acóng salapî, at bucód sa roó'y hindi ipahihintulot ng̃ cura.

—¿At paano?

—Cung tulung̃an sana ninyó acó....

—Mahinang mahina acó,—ang sagót ng̃ hindi kilalá, na untiuntíng nagpacahandusay sa lupà, na
nininiin ng̃ dalawáng camáy; may sugat acó, dalawáng araw ng̃ hindi acó cumacain at hindi acó natutulog
... ¿Walâ bang ibáng napaparito ng̃ayóng gabí?

Nanatili ang taong iyón sa pagdidilidili at pinagmamasid ang mahalagáng pagmumukhâ ng̃ batàng
lalaki.

—¡Pakinggán mo!—ang ipinagpatuloy na ang tinig ay lalong mahina; marahil ay patáy na rin acó
bago sumicat ang araw ... Sa may mg̃a dalawampóng hacbáng buhat dito, sa cabiláng ibayo ng̃ batis na
itó, may nacatimbóng maraming cahoy na panggatong; dalhín mo rito, pagpatungpatung̃in mo, ilagáy mo
sa ibabaw ang aming mg̃a bangcáy, tacpán mo ng̃ cahoy rin at sacâ mo susuhan ng̃ apóy, ng̃ maraming
apóy, hanggáng sa cami'y maguing abó....

Nakikinig si Basilio.
Páhiná 524

—Pagcatapos, cung sacali't walâ sino mang dumatíng ... huhucay ca rito, macacasumpong ca ng̃
maraming guintô ... at ang lahát na iyá'y iyo. ¡Mag-aral ca!

Nalalao'y lalong hindi mawatasan ang tinig ng̃ hindi kilaláng tao.

—Hayo't humanap ca ng̃ cahoy ... ibig cong tulung̃an catá.

Yumao si Basilio, humaráp sa Silang̃anan ang hindi kilalá at bumulóng na wari'y nagdárasal:
—¡Mamamatay acóng hindi co nakikitang numingníng ang liwaywáy sa lupàng aking tinubuan!...
¡cayóng mang̃acacakita ng̃ liwaywáy na iyan, batiin ninyó siyá ... huwag ninyóng limutin ang mg̃a
nahandusay sa boong magdamág!

Itinaás ang mg̃a matá sa lang̃it, gumaláw ang canyáng mg̃a labíng anaki'y bumúbulong ng̃ isáng
dalang̃in, tumung̃ó pagcatapos at untiuntíng nahandusay sa lupà....

Nang macaraan ang dalawang oras, si hermana Rufa'y na sa sa batalán ng̃ caniláng bahay at
guinagawa ang paghihilamos na caugalian pagcacaumaga, upang pumaroon sa misa. Tinátanawan ng̃
mapamintacasing babae ang calapít na gubat at canyáng nakitang may pumapaimbulog na nalululong
macapál na úsoc; nagcunót ang mg̃a kilay at, punô ng̃ banál na galit, ay nagsalitâ:

—¿Sino cayà ang hereje na sa araw ng̃ fiesta'y nagcacaing̃in? Cayà dumarating ang maraming mg̃a
capahamacán. ¡Tingnán mong pa sa Purgatorio ca, at makikita mo cung cucunin catá roon, hamac na tao!

Páhiná 525

PANGWACAS NA BAHAGUI.
Sa pagcá't buhay pa ang marami sa mg̃a taong sinaysay namin ang caniláng mg̃a guinawâ sa
casulatang itó, at sa pagca namán nang̃awalâ na sa ating mg̃a matá ang mg̃a ibá sa mg̃a taong iyón, hindi
ng̃â mangyayaring malagyán namin ng̃ tunay na pangwacás na bahagui ang aclát na itó. Sa icagagaling ng̃
tao'y papatayin namin ng̃ boong galac ang lahát ng̃ mg̃a taong sinaysáy namin dito, na aming sisimulan
cay parì Salví at wáwacasan namin cay doña Victorina, datapuwa't hindi mangyayari ... ¡mg̃a buháy silá!
yamang hindi camí cung di ang lupaíng itó rin lamang ang siyáng sa canilá'y magpapacain....

Mulà ng̃ pumasoc sa convento si María Clara'y iniwan ni parì Dámaso ang bayang dating canyáng
kinalalagyan at sa Maynilà na siya tumitira, na gaya rin namán ni parì Salví, na samantalang naghíhintay
ng̃ catungculang pagca Obispo ó Arzobispo'y manacánacang nagsesermon sa simbahan ng̃ Santa Clara, at
sa convento nitó, ng̃ Santa Clara sa macatuwid, siyá'y gumaganap ng̃ isáng mataas na catungculan. Hindi
pa maraming buwan ang nacararaan ay tumanggáp si parì Dámaso ng̃ utos ng̃ cagalanggalang na parì
Provincial upáng ganapín ang pagcucura sa isáng malayong lalawigan. Ayon sa sábiha'y nápacalaki ang
canyáng tinamóng samâ ng̃ loob sa bagay na iyón, caya ng̃a't kinabucasa'y násumpung̃ang patáy siya sa
canyáng tinutulugan. Ang sabi ng̃ ibá'y namatáy sa apoplegia, anáng ibá'y sa bang̃ung̃ot, ng̃uni't pinaram
ng̃ médico ang pag-aalinlang̃an, sinaysáy niyáng biglâ raw namatáy.

Alin man sa mg̃a bumabasa sa ami'y hindi makikilala ng̃ayón cung caniláng makita si capitang
Tiago. Iláng linggó pa muna bago magmonja si María Clara'y nangyari sa canyá ang isáng malakíng
panglulupaypay ng̃ calooban, na anó pa't nagpasimulâ siyá ng̃ pamamayat at naguing totoong
malungcutin, mapaglininglining at culang tiwalà, tulad sa canyáng naguing caibigang si capitang
Páhiná 526
Tinong. Nang másara na ang mg̃a pintuan ng̃ convento ng̃ Santa Clara'y caracaracang ipinag-utos sa
canyáng nahahapis ng̃ di anó lamang na pinsang si tía Isabel, na tipunin at cunin ang lahat ng̃ bagay na
naguing pag-aarì ng̃ canyáng anác at ng̃ canyáng nasirang asawa, at siyá'y pumaroon sa Malabón ó sa San
Diego, sa pagcá't sa haharaping panahó'y ibig niyáng mamahay na mag-isá. Nagsákit ng̃ catacottacot sa
liampó at sa pagsasabong, at nagpasimulâ ng̃ paghitít ng̃ opio. Hindi na na pa sa sa Antipulo at hindi na
rin nagpapamisâ; ikinatutuwang totoo ng̃ canyáng matandáng babaeng capang̃agáw, na si doña Patrocinio,
ang canyáng pagdiriwang, sa pamamag-itan ng̃ paghilíc samantalang siyá'y nakikinig ng̃ mg̃a sermón.
Cung manacânaca'y maglacádlacád cayó, cung dacong hapon, sa únang daan ng̃ Santo Cristo, makikita
ninyóng nacaupô sa tindahan ng̃ isáng insíc ang isáng maliit na tao, nanínilaw, payát, hucót, malalalim
ang mg̃a mata at anyóng nag-áantoc, culay marumi ang mg̃a labi at ang mg̃a cucó at tumíting̃in sa tao ng̃
wari'y hindi nakikita. Pagdatíng ng̃ gabí'y makikita ninyó siyáng tumindíg ng̃ boong hirap, at
nanúnungcod na pinatutung̃uhan ang isáng makipot na daan, pumapasoc sa isáng maliit na bahay na
marumí at sa ibabaw ng̃ pintô nitó'y nababasa ang malalakíng letrang mapupula: FUMADERO PUBLICO
DE ANFION. Itó'y yaóng totoong cabalitaang si capitang Tiago, na ng̃ayó'y lubós ng̃ nacalimutan ng̃
lahát, na anó pa't patí ng̃ sacristán mayor ay hindi na siyá naaalaala.

Idinagdag ni doña Victorina sa canyáng mg̃a culót na buhóc na postizo at sa canyáng


pag-aandaandalusahan, pakikiwang̃is bagá sa mg̃a tagá Andalucía sa pagsasalitâ, ang bagong caugaliang
siyá ang nang̃ang̃asiwà sa pagpapalacad ng̃ mg̃a cabayo ng̃ coche, at pinipilit niyáng si don Tiburcio'y
huwag cumílos. Sa pagcá't maraming nangyayaring capahamacan dahil sa cahinaan na ng̃ canyáng mg̃a
matá, ng̃ayó'y gumagamit siyá ng̃ «quevedo» (salamin sa mg̃a matáng isinisipit sa ilóng ang
pinacatangcáy) na nagbibigay sa canyá ng̃ anyóng naguing cabalitaan. Hindi na muling natawag ang
doctor upang gumamót cang̃ino man, napapanood siyá ng̃ mg̃a alilang waláng ng̃ipin sa maraming araw
ng̃ isáng linggó, bagay, na alinsunod sa talastás na ng̃ mg̃a bumabasa'y masamáng tandâ.

Ang tang̃ing tagapagtanggól ng̃ culang palad na itó, na si Linares, ay ma


Páhiná 527

laon ng̃ nagpapahing̃alay sa Pacò, sa pagcá't pinatáy siyá ng̃ pag-iilaguín at ng̃ masasamáng
guinágawâ sa canyá ng̃ canyáng hipag.

Napasa España ang nagdiwang na alférez, na ang catungcula'y teniente na may gradong comandante,
at iniwan ang canyáng mairog na asawa sa canyáng barong franela, na hindi mapagsiyasat cung anó na
ang culay. Nang makita ng̃ cahabaghabag na Ariadna ang pagcápabayà sa canyá, namintacasi ring gaya ng̃
anác na babae ni Minos cay Baco at sa pakikipacatoto sa tabaco, na anó pa't nang̃ing̃inom at humihitít ng̃
boong alab ng̃ loob, na hindi na lamang ang mg̃a nagdádalaga ang sa canyá'y natatacot, cung di namán
ang mg̃a matatandang babae't ang mg̃a batà.

Marahil mg̃a buhay pa ang ating mg̃a cakilala sa San Diego, sacali't hindi silá nang̃amatáy sa
pagputóc ng̃ vapor «Lipa» na nagpaparoo't parito sa lalawigan. Sa pagcá't sino ma'y waláng nang̃asiwà
upang maalaman cung sinosino ang mg̃a caawâawang namatáy sa gayóng capahamacán; at cung
canicanino ang mg̃a hìta at mg̃a camáy na sumabog sa pulô ng̃ Convalecencia at sa mg̃a pampáng ng̃ ilog,
lubós na hindi nalalaman namin cung napasama ó hindi sa nang̃amatáy na iyón ang alin man sa mg̃a
cakilala ng̃ mg̃a mambabasa sa amin. Natutuwà na camí at gayon din ang gobierno at ang mg̃a
pámahayagan ng̃ panahóng iyón, sa pagcacalám na ang iisaisang fraileng nacasacáy sa vapor ay
nacaligtás, at walâ na camíng hinihing̃ing ibá pa. Ang pang̃ulo sa amin ay ang buhay ng̃ banál na mg̃a
sacerdote, na papanatilihin nawà ng̃ Dios ang caniláng paghaharì sa Filipinas sa icagagaling ng̃ aming
mg̃a caluluwa.[282]

Tungcól cay María Clara'y walà ng̃ naguíng balitang anó pa man, liban na lamang sa anaki'y siyá'y
iniing̃atan ng̃ libing̃an sa canyáng sinapupunan. Ipinagtanóng naming macailan siyá sa iláng taong may
malalaking capangyarihan sa santo convento ng̃ Santa Clara, ng̃uni't sino ma'y waláng nag-ibig magsabi
sa amin ng̃ isá man lamang salità, cahi't ang mg̃a masalitang madasaling tumátanggap ng̃ bantóg na
fritada ng̃ atáy ng̃ inahíng manóc, at ng̃ salsa na lalò pang caba
Páhiná 528

litaang tinatawag na «salsa ng̃ mg̃a monja», na guinágawâ ng̃ matalinong taga-paglutong babae ng̃
mg̃a Virgen ng̃ Pang̃inoóng Dios.

Gayón man:

Isáng gabí ng̃ Septiembreng umaatung̃al ang bagyó at hináhampas ng̃ canyáng calakilakihang mg̃a
pacpác ang mg̃a bahay sa Maynilà; dumáragundong ang mg̃a culóg sa tuwing sandalî, waláng humpáy
halos ang pagtatangláw ng̃ mg̃a lintíc at kidlát sa mg̃a iniwáwasac ng̃ buhawi at naglulubog sa mg̃a
namamayan sa caguicláguicláng tacot. Napapanood sa liwanag ng̃ kidlát ó ng̃ lintíc na
nagpapakilwágkilwág, na tulad sa áhas, ang paglipád ng̃ isáng panig ng̃ bubung̃an ó ng̃ isáng bintana na
dalá ng̃ hang̃in, ang pagcáguibâ ng̃ bahay na cakilakilabot ang lagapacan: waláng isáng coche at waláng
isáng taong lumalacad sa mg̃a daan. Pagca náriring̃ig sa malayò ang paós na ugong ng̃ culóg na inuulit ng̃
macasangdaan ng̃ aling̃awng̃aw, cung magcágayo'y nariring̃ig ang pagbubuntóng-hininga ng̃ hang̃ing
umiipoipo sa ulán, na siyáng gumágawâ ng̃ ulit-ulit na tric-trac sa mg̃a nacasarang dahon ng̃ bintanang
capís.

Dalawang guardia ang sumisilong sa isáng bagong guinagawang bahay sa malapit sa convento: isáng
sundalo't isáng distinguido.

—¿Anó ang atang guinágawâ rito?—ang sabi ng̃ sundalo;—sino ma'y waláng lumalacad sa daan ...
dapat tayong pumaroon sa isáng bahay; tumatahan ang babae co sa daang Arzobispo.

—Malayolayô rin buhat dito hanggáng doon at mababasâ tayo,—ang sagót ng̃ distinguido.

—¿Anó ba ang cabuluhan noon, huwág lamang patayín tayo ng̃ lintíc?

—¡Bah! huwág cang mag-alaala; dapat magcaroon ang mg̃a monja ng̃ isáng «pararayo» upang silá'y
máligtas.

—¿Siyá ng̃a ba?—anáng sundalo,—ng̃uni't anóng cabuluhan ng̃ pararayo'y ng̃itng̃it ng̃ dilím ang
gabí?

At tuming̃alâ upang macakita sa cadiliman: ng̃ sandaling iyó'y cumináng ang isáng kidlát na inulit at
pagdaca'y sinundán ng̃ malacas at calaguimlaguim na culóg.
Páhiná 529

—¡Nacú! ¡Susmariosep!—ang bigláng sinabi ng̃ sundalo, na nagcucruz at tulóy hinihila ang canyáng
casama;—¡umalís tayo rito!
—¿Anó ang nangyayari sa iyó?

—¡Tayo na, umalís tayo rito!—ang inúlit ng̃ sundalo na nagtataguctucan ang ng̃ipin sa tacot.

—¿Anó ang nakita mo?

—¡Isáng fantasma!—ang ibinulóng na nang̃áng̃atal ang boong catawán.

—¿Isáng fantasma?

—¡Sa ibabaw ng̃ bubung̃an ... marahil siyá ang monja na naglíligpit ng̃ mg̃a bága sa boong gabi!

Tuming̃alâ ang distinguido at ibig niyáng makita.

—¡Jesús!—ang bigláng sinabi at siyá nama'y nagcruz.

Siyá ng̃â namán, sa makináng na ilaw ng̃ kidlát ay canyáng nakita ang isáng anyóng taong
nacatindíg, halos sa palupo ng̃ bahay, nacataas sa lang̃it ang mukhà't ang mg̃a kamáy, na para manding
humíhing̃î sa canyá ng̃ awa. ¡Mg̃a lintíc at culóg ang itinútugón ng̃ lang̃it!

Nang macatapos ang ugong ng̃ culóg ay náring̃ig ang isáng mapangláw na daíng.

—¡Hindi gawâ ng̃ hang̃in ang daing na iyán, iyá'y sa fantasma!—ang ibinulóng ng̃ sundalo, na
siyáng canyáng pinacatugón sa guinawang sa canyá'y pagpindót ng̃ canyáng casama.

—¡Ay! ¡ay!—ang naglulumampas na daíng sa hang̃in at nang̃ing̃ibabaw sa ing̃ay ng̃ ulán: hindi
matacpán ng̃ mg̃a haguinít ng̃ hang̃in ang matamís at cahabaghabag na tinig na iyóng puspós ng̃
capighatîan.

Mulíng cumináng ang isáng kidlát na nacasisilaw ang tindí.

—¡Hindi, hindi fantasma!—ang bigláng sinabi ng̃ distinguido;—mulí pang nakita co siyá;
casinggandá ng̃ Virgen ... ¡Umalís na tayo rito't magbigáy álam tayo!

Hindi na hinintay ng̃ sundalong ulitin pa ang pagyacag sa canyá't nang̃agsialís ang dalawá.

¿Sino cayâ ang humihibic sa calaguitnaan ng̃ gabí, na hindi inaalintana ang
Páhiná 530

malacás na hang̃in, ang ulán at bagyó? ¿sino cayà ang matatacuting virgeng esposa ni Jesucristo, na
nakikilaban sa nang̃agng̃ang̃alit na bagyó, tubig, lintíc at culóg at hinirang pa namán ang cagulatgulat na
gabí at ang may calayaang lang̃it, upang itaghóy mulà sa isáng mapang̃anib na cataasan ang canyáng mg̃a
daing sa Dios? ¿Linisan cayà ng̃ Dios ang canyáng templo at aayaw ng̃ dingguín ang mg̃a hibíc sa canyá?
¿Bacâ cayà hindi macalampás sa bubung̃án ng̃ convento ang mg̃a mithî ng̃ cáluluwa at ng̃
macapailánglang hanggáng sa trono ng̃ lubháng Mahabaguin?

Humihip ng̃ boong galit ang bagyó halos sa magdamág; hindi sumicat ang isá man lamang bituin sa
boong gabí; nagpatuloy ang waláng pagcasiyahan sa hirap na mg̃a ¡ay! na nacacahalo ng̃ mg̃a buntóng
hining̃á ng̃ hang̃ing malacás, datapwa't nasunduan niyáng bing̃í ang Naturaleza't ang mg̃a tao; nagpuyát
palibhasa ang Dios ay hindi siyá náriring̃ig.
Kinabucasan, ng̃ mapaspás na sa lang̃it ang maiitim na mg̃a alapaap ay mulíng sumicat ang araw sa
guitnâ ng̃ nadalisay na himpapawíd, humintô sa pintuan ng̃ convento ng̃ Santa Clara ang isáng coche at
doo'y nanaog ang isáng lalaki, na napakilalang siyá'y kinacatawan ng̃ may capangyarihan at hining̃ing
siyá'y pakipag-usapin sa abadesa at sa lahát ng̃ mg̃a monja.

Ang sabi'y may humaráp na isáng monjang basáng basá at punít-punít ang suot na hábito, tumatang̃is
at isinumbóng ang cakilakilabot na mg̃a cagagawan at hining̃ing siyá'y tangkilikin ng̃ tao laban sa mg̃a
catampalasanan ng̃ pagbabanalbanalan. Ang sábihan din namá'y totoong cagandagandahan ang monjang
iyon, na may mg̃a matáng ang cagandaha't catamisa'y walâ pang nakikitang macacawang̃is.

Hindi siya inampón ng̃ kinacatawan ng̃ may capangyarihan, nakipagsalitaan itó sa abadesa at iniwan
ang monjang iyón at hindi pinakinggán ang canyáng mg̃a samò at mg̃a luhà. Napanood ng̃ monjang
sinarhan ang pintô pagcalabás ng̃ tao, na gaya marahil ng̃ panonood, ng̃ hinatulang magdusa, ng̃ pagsasará
sa canyá ng̃ pintuan ng̃ lang̃it, sacasacali't dumating ang araw na maguiguing casíng bang̃ís at mawawalán
ng̃ damdamin ang lang̃it na gaya ng̃ mg̃a tao. Ulól daw ang monjang iyón ang sabi ng̃ abadesa.
Páhiná 531

Hindi marahil nalalaman ng̃ taong iyóng sa Maynilà'y may isáng hospicio na pinag-aalagaan sa mg̃a
nasisira ang isip; ó bacà cayà namán ipinalálagay niyáng ang convento ng̃ mg̃a monja'y isáng ampunan ng̃
mg̃a ulól na babae, bagá man hinahacang may catatagáng camangmang̃an ang taong iyóng upáng
macapagpasiya cung sirà ó hindi ang pag-iisip ng̃ isáng tao.

Sinasabi rin namáng baligtád ang ipinasiya ng̃ general J. ng̃ canyáng mabalitaan ang nangyaring
iyón; tinangcâ niyáng tangkilikin ang ulól na babae caya't hining̃î niyá itó.

Ng̃unit ng̃ayó'y waláng humaráp na sino mang dalagang cagandagandahang waláng umampón, at
hindi itinulot ng̃ abadesang dalawin at tingnán ang convento, at sa ganitó'y tumutol siyá sa pang̃alan ng̃
Religión at ng̃ mg̃a Santong Cautusán sa Convento.

Hindi na mulíng napagsalitaanan pa ang nangyaring iyón, at gayón din ang tungcól sa cahabaghabag
na si María Clara.

You might also like