Sagot sa mahigit 20 saknong ng tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” ni Gat Andres Bonifacio, kung saan ang anim na saknong nito ang ginawang awit. Tulad ng tula ni Bonifacio, ang sumusunod na tula ay may lalabindalawahing pantig din sa bawat taludtod.
May pag-ibig pa bang higit pa sa bayan
Higit pa sa ating lupang tinubuan Ay, meron, meron pang higit pa nga riyan Ito’y ang pag-ibig sa sangkatauhan.
Ah, tunay ngang dapat na pakamahalin
Ang bugtong na lupang sinilangan natin Lalabanan itong bawat maniniil Pupuksain itong mga maninikil.
Ngunit kaiba na ang labanan ngayon
Pagkat nagbago na ihip ng panahon Di na pananakop ng nasyon sa nasyon Kundi narito na ang globalisasyon.
Mga manggagawa’y inaaping tunay
Mababa ang sahod na ibinibigay Marami’y nawalan nitong hanapbuhay Ang dignidad nila ay sadyang niluray.
Kaunlaran nga raw ang siyang dahilan
Upang pagandahin ang mga lansangan Ngunit maralita itong tinamaan Tinanggalan sila ng mga tahanan
Pati maralita’y nawalan ng bahay
Dinadala tayo sa ikamamatay Sa globalisasyon, tayo’y nasa hukay Ng karalitaang kanilang inalay.
Ang sistemang bulok ang siyang dahilan
Kung bakit patuloy itong kahirapan May mahihirap at mga mayaman Halina’t balikan itong kasaysayan.
Mula primitibo komunal na lagay
Nitong pamayanan noo’y nabubuhay Sa sistemang tao’y pawang magkapantay Bawat kakainin lahat nabibigay. Hanggang malalakas na tribu’y nangwasak Pawang nang-alipin ng tribung bulagsak Inari ng malakas, mahina’y hinamak Ito ang lipunang alipin sa lusak.
Hanggang sa alipin ay nagsipag-aklas
At dinurog nila ang mga malakas Inari ang lupa, di na pumarehas Naging panginoong maylupang marahas.
Mga magsasakang natali sa lupa
Ay nag-aklasan din, binago’y sistema Di na pinairal hatian sa lupa Kundi naging ganap na kapitalista.
Pabrika’y tinayo ng kapitalista
Tinubo’y inangkin at sinarili na Sila’y yumayaman dahil sa pagpiga Sa lakas-paggawa nitong manggagawa
Sa mga sistemang ating inilahad
Mula sa alipin tayo’y ipinadpad Sa kapitalismong inari ang lahat Nilalaro tayo sa kanilang palad.
Ngayon nga’y kapital itong umiiral
Ang sistemang ito’y hindi rin tatagal Mga manggagawa ang siyang bubuwal Sa sistemang ito ng mangangalakal.
Umiral na itong maraming lipunan
Na tao’y inari’t naging kasangkapan Nahan ang pag-ibig sa sangkatauhan Kung hinahamak na itong mamamayan.
Ay, hindi nga sapat maging makabayan
Kundi tayo’y maging pansandaigdigan Wala ngang pag-ibig sa ating lipunan Hangga’t ang sistema’y hindi napapalitan.
Maraming nagkasakit at nangangamatay
Lahat ay may bayad, pagkain, ospital Ang mga serbisyo ay naging kalakal Paano pa ba tayo nito mabubuhay.
Globalisasyon na itong umiiral
Na sa bawat bansa’y siyang dumaratal Sagot daw sa krisis ng nangangapital At bagong sistema sa pangangalakal.
Tiyak apektado itong manggagawa
Ang lakas-paggawa’ y lalong mapipiga Kaya dapat na ngang sila’y magkaisa At baguhin itong bulok na sistema.
Magkaisa ngayo’t tayo’y magpatuloy
Ang sistemang bulok, dalhin sa kumunoy Ng pagkakawasak hanggang sa maluoy Palitan na itong gobyerno ng baboy.
Kailan pa tayo dapat magkaisa
Kundi ngayon na nga’y tayo’y mag-organisa Ang kinabukasa’y ugitin ng masa Kasama ang buong uring manggagawa.
Ito’y dahil na rin sa pagsintang tunay
Sa kinabukasan, patuloy na buhay Pagpapakatao itong naninilay Pagrerebolusyon sa ati’y gagabay.
Hindi ba’t di sapat lumaya ang bayan
Kung karatig bayan ay api rin naman Sa mundo’y itigil itong karahasan Sagot ay pag-ibig sa sangkatauhan.